Ibagsak ang Laosismo!

vilhelm_hammershoi1

Noong kakaaresto pa lang nina Benito Tiamzon at Wilma Austria-Tiamzon, mga lider ng Communist Party of the Philippines, madali nang hulaan na may mga magsasabing lipas o irrelevant na ang Kaliwa sa bansa. Katulad ng pagsikat at paglubog ng araw at ng ekspresyong “Boom panes!” sa mga post at komento ng ilang kabataan, siguro’y batas na ng kalikasan na kapag may nangyaring masama sa Kaliwa ay may magsasabing laos na ito. Hindi mabibigo ang prediksyong may magsasabi ng ganito dahil tiyak na gagawin ng militar at ng rehimen, at ginawa nga nitong huli, nang pilit nagpapakita ng kumpyansa.

At ginawa rin ito ngayon ng mga taong ang pakilala sa sarili ay intelektwal o palaisip. Sinabi iyan ng isang dating kadre ng Kaliwa na ipinagyayabang ang paglaban sa diktadurang US-Marcos pero naging himod-tumbong sa rehimeng US-Arroyo. Ng isang intrigerong sa sobrang galit sa Kaliwa ay handang magsabing kumakain ang mga lider nito ng mga puso ng mga birhen kung may makikitang kahit katiting na ebidensya. At ng isang sosyal-demokrata na pakitang-taong sumisimpatya sa Kaliwa pero hindi ito mabanggit nang walang reserbasyon, kaiba sa todong pagsamba sa rehimeng US-Aquino.

Kapansin-pansin ang katahimikan ng mga Rejectionist, pangunahin ng Akbayan, o ng mga pinatalsik o bumaklas sa Kaliwa dahil sa pagkakaiba sa mga batayang prinsipyo. Maipagpapalagay sigurong halos magpiging sila sa galak sa nangyari sa mga Tiamzon, hindi lang nila maipahayag ang kaligayahan dahil lalong malalantad na kontra-Kaliwa sila, taliwas sa gusto nilang imahen sa bansa at labas nito. Tiyak, masaya sila na ang kasama o comrade nila ngayon ay si Benigno, hindi si Benito. Kung tutuusin, mga lider nila ang nanguna sa pagpapalutang sa pangalan ng mga Tiamzon, halos pagsusuplong.

Anu’t anuman, maraming ebidensyang pwedeng hilahin para patunayang hindi pa lipas ang Kaliwa — ang paglakas nito simula nang maitatag, ang mga tagumpay nito sa iba’t ibang larangan ng pakikibaka, ang pagpwersa nito sa mga naghaharing uri na kilalanin ito at magpatupad ng mga reporma, at iba pa. Mahalaga ang mga ebidensyang ito, pero mas mahalagang tumbukin ang pinag-ugatan nila. Bakit nga ba hindi pa lipas ang Kaliwa? Bakit nga ba sa halip na mamatay nang kusa ay patuloy itong nabubuhay, kung hindi man lumalakas, gaya ng pinapatunayan mismo ng mga deklarasyong lipas na ito?

Kakatwa na kasabay ng pagsasabing laos na ang Kaliwa ay idinedeklarang buhay na buhay ang rehimeng US-Aquino. Katulad din marahil ng pagsasabing laos na ang Marxismo at nagtagumpay ang kapitalismo. Ang una sa pahayag ay iniluluwal lang ng ikalawa: Ang Marxismo ay kritika ng kapitalismo, kaya’t habang buhay ang kapitalismo, mananatili itong buhay, at patuloy na ituturo at tuturuan ang mga tagahukay ng libingan ng naturang sistema at ang Kilusan nila. Ang mga kampeon ng “Laosismo” ang siyang tunay na panatiko, naniniwala sa doktrinang labag sa ipinapakita ng reyalidad.

vilhelm_hammershoi2

Sa mga salitang sosyo-ekonomiko, nagpapatuloy ang armadong pag-aalsa sa Pilipinas na pinapamunuan ng Kaliwa dahil sa sumasahol na kawalang-trabaho, kawalang-lupa, karalitaan at kagutuman. Ang mga ito ang dahilan kung bakit nananatiling buhay, hindi laos at lalong “hindi matalu-talo,” sa mga salita nga ni Austria-Tiamzon, ang Kaliwa. Hindi kinakailangang maging maka-Kaliwa o may simpatya sa Kaliwa para masabi ito. Malapit sa katotohanan kahit ang mga propagandista ng mga naghahari kapag sinasabi nilang kahirapan ang siyang nagluluwal ng armadong paglaban at ng Kaliwa sa kabuuan.

Kaya mahirap respetuhin ang mga nagsasabing laos o lipas na ang Kaliwa dahil sa pagkahuli ng mga Tiamzon — na syempre’y sinasamantala nila para ilitanya ang mga kahinaan at kasalanan, tunay man o inimbento, ng Kaliwa. Ni wala silang intelektwal na integridad para iturol sa rehimen o sistema ang sisi sa patuloy na pag-iral at paglakas ng Kaliwa. Hindi reporma o pagbabagong panlipunan ang pangunahin sa isip nila, kundi ang pag-upak sa Kaliwa, kung hindi man ang pagtatanggol sa naghaharing rehimen at sistema. Diyan nagmumula ang pagbaluktot nila ng lohika at maingay nilang ngawa.

Ang napakasamang lagay ng nakakarami sa bansa ang dahilan kung bakit hindi laos, bagkus lumalakas, ang Kaliwa. Sa katotohanang iyan nagmumula ang iba’t ibang tagumpay ng Kaliwa sa maraming larangan. Mahalagang banggitin ang naturang mga tagumpay, pero mas madaling isara ang debate sa publiko at mas malakas magpaalab ng pagkilos sa mga progresibo ang lagay ng nakakarami. Mas masaya ring tumanaw ng mas marami at mas malalaking tagumpay na kakamtin sa hinaharap. Nagkakamali ang mga kampeon ng Laosismo: ginagawa nilang mas kaakit-akit ang pagbabagsak sa kanila!

12 Abril 2014

Galing ang mga larawan dito.

Heto naman ang magagandang kolum nina Mong Palatino at Axel Pinpin tungkol sa pag-aresto sa mga Tiamzon. Nagsulat din si Rene Saguisag, dating abogadong pang-human rights at senador, tungkol sa mag-asawa.

Sulatin ni Luis V. Teodoro hinggil sa digmaang nagaganap sa bayan ni Juan: 118 taon na ngayon, aniya. Tinalakay ni Carlos Maningat ang matinding kawalang-trabaho na hinaharap ng bansa ngayon.

Lalo kong minahal si Katha Pollitt sa malinaw na tindig niya laban sa ligalisasyon ng prostitusyon, sintomas ng kaliwang hindi tumatanaw lampas sa kasalukuyang lipunan. Nakakapagpaisip na sanaysay ni David Graeber tungkol sa pagmamalasakit ng mga galing sa mga pinagsasamantalahang uri.

Masinsing pagsusuri ni Benjie Oliveros hinggil sa datos ng umano’y pag-unlad ng gobyerno. Nakakatawang mga plakard ng protesta: Kaya pala galit na galit ang may-hawak ng isang plakard, ngalay na ngalay na!

Katunog ng Tiamzon

Jerzy Kolacz1

Para sa mga tulad niyang naging aktibista noong dekada ’90, maalamat ang mga pangalang Benito Tiamzon at Wilma Austria-Tiamzon. Kakatapos lang palayasin sa organisasyon ng Kaliwa ang mga personalidad at blokeng nauna nang lumayas sa mga batayang prinsipyo nito. Nag-iingay ang mga pinalayas, na para bang gustong wasakin ang Kilusan na parang hindi nila pinagmulan.

Isa sa mga pinakamaingay si Joel Rocamora, na nitong huli’y nagpapakilalang nyutral na “manunuring pampulitika,” sa kanyang librong Breaking Through: The Struggle within the Communist Party of the Philippines [1994]. Tulad ngayon, nagpapakilala noon si Rocamora na maka-Kaliwa, pero matapos todong upakan ang CPP sa libro, sa dulo’y pinupuri na niya ang rehimen ni El Tabako.

Anu’t anuman, sa libro, napakaraming ibinuyangyang ni Rocamora, tiyak na nagpyesta ang mga ahenteng paniktik ng militar. May paulit-ulit siyang tinutukoy na mag-asawang “diktador” sa pamunuan ng Kilusan – sa Politburo, sa Komiteng Tagapagpaganap ng Komite Sentral, o kung saan. Matindi raw ang kapit ng mag-asawa sa Maoismo, at responsable sa pagpapalayas sa mga nag-iba ng landas.

Isang mas nakakatandang aktibista ang nagsabi sa kanya na ang tinutukoy ay ang mag-asawang Tiamzon. Idinagdag na rin nito ang ilang kwento: na nagpapatuloy sa armadong pakikibaka sa kanayunan ang mag-asawa at ang lalake’y walang larawan sa militar. Ang babae nama’y noong isang beses na tumakas sa dalawang beses na pagkakulong ay isang linggo bago nalamang nakatakas.

Hindi ba’t si Jose Maria Sison, nagka-interes sa Marxismo dahil sa malakas na anti-komunismo ng kanyang kabataan? Siniraan ni Rocamora ang mga Tiamzon, pero ano’t sila ang naging alamat at iniidolo. At hindi pag-idolo na minsanan lang at hindi buhay. Ang simpleng ideyang patuloy silang nagpupunyagi sa pakikibaka ay pinaghuhugutan ng inspirasyon ng maraming aktibista.

Jerzy Kolacz2

Bago nga ang kanilang pagkadakip nitong Marso 22, mas mababasa ang pangalan ng mag-asawa sa mga sulatin ng mga “Rejectionist” at militar; bihira silang mabanggit ng mga “Reaffirmist.” Nabanggit lang si Benito ni Jun Cruz Reyes sa Armando [2006] bilang kasabayan sa pag-aaral ni Teng, at ni Danilo Vizmanos sa Martial Law Diary and Other Papers [2003] bilang kasamang naaresto noong 1973.

Ilan sa mga pagbanggit sa mag-asawa ang nagdadawit sa kanila sa mga krimen na sa aktwal ay ginawa ng mga Rejectionist mismo. Pero mas marami ang pilit nagbabangga sa kanila kay Sison, lutang na mukha at lider din ng Kaliwa. Iba-iba ang bersyon: may nagsasabing malabnaw si Sison kumpara sa dalawa, mayroon namang si Sison ang lider ng Kaliwa bagamat hawak ng dalawa ang organisasyon.

Ang totoo, konsistent si Sison: lagi niyang sinasabing ang pamunuan ng Kaliwa ay nasa Pilipinas, at nasa kanayunan pa nga. Ito ang katotohanang ayaw ipropaganda ng mga Rejectionist at militar. Ang gusto kasi nila, ibagsak ang morale at ahitasyon ng mga naghihirap na aktibista sa pagpapalabas na maalwan ang buhay ng kanilang mga lider, kahit hindi rin naman maalwan ang buhay ni Sison.

Pero alam nila ang totoo. Na ang maraming lider ng Kaliwa, kahit may-edad na at may mga karamdaman, ay nananatiling kasama ng New People’s Army sa kanayunan. Doon kung saan mas mahirap ang mga sakripisyo at laging may banta ng kamatayan. Silang pinakamahuhusay sa kanilang henerasyon at pwede ring pumili ng buhay na maalwan. Silang hindi matatawaran ang pagmamahal sa masa at bayan.

Siguro, hindi siya nag-iisa sa mga aktibista sa pagsasabing hindi na niya malilimutan kung kailan, kung nasaan siya noong nabalitaang naaresto ang mag-asawa. Masama ang balita, hindi naiwasang salubungin ng lungkot, takot at tanong. Pero ngayong naaresto ang dalawa, hindi niya mapigilan ang kagustuhang lagi silang makita – para makitang ligtas sila, syempre, at para mamangha at humanga.

Jerzy Kolacz3

Laking tuwa niya nang mapanood sa telebisyon si Wilma, nagkikikilos para iprotesta ang mga posas na hadlang sa pagtataas ng kamao. Nang tapatan ito ng mikropono ng midya, maalab na sinabi nito: “Binabati ko ang Bagong Hukbong Bayan sa ika-apatnapu’t limang anibersaryo nito. Patuloy na lumalakas sa buong bayan! Hindi matalo-talo ng [Armed Forces of the Philippines]!”

Mapapaisip ka kung nakakita ka na ng ganoong wagas na pagmamahal sa AFP. Tinutudyo ng maiksing pahayag ang simpleng puno’t dulo – ng patuloy na paglakas ng NPA sa kabila ng lahat, ng tiwala ng Kilusan na tuloy ang laban kahit naaresto ang dalawang lider, ng katiyakang mapapalitan agad sa tungkulin ang mag-asawa: Patuloy ang pagsahol ng karalitaan at pagdurusa sa ating bansa.

Kahit matapos madakip at kahit habang nasa detensyon ng militar, marangal at palaban ang mag-asawa. Nakakulong ang kanilang katawan pero hindi ang kanilang diwa. Pilit silang pinagsisisi, pinapasuko pero ni hindi sila yumuyukod – salitang nagpapaalala ng Paraon, kulay-dilaw sa ginto, na ang hukbo’y nangalunod sa Dagat na Pula. Galing na sila sa pagkakakulong, at aalpasan nila ang yugtong ito.

Sa Facebook, sa mga huntahan, hindi lungkot, takot o tanong ang namamayani sa mga aktibista. Ang namamayani, iyung tinatawag nilang ahitasyon. Sabi ng manunulat na si Ralph Waldo Emerson, “Walang dakilang bagay ang nagawa nang walang kasiglahan ng loob,” at mahirap isalin ang salitang “enthusiasm.” Mapanganib ito sa mga naghahari, na maraming magagawang dakila ang mga aktibista.

Tiyak, gusto ng mga naghahari na pahinain ang Kaliwa sa pagdakip sa mga Tiamzon. Pero lalong lumalakas ang ahitasyon ng mga aktibistang nagsusulong ng rebolusyon. Kahit sa pagkakakulong, nagbibigay ang mag-asawa ng huwaran para ang mga aktibista’y maglakad nang parang tumangkad nang bahagya at kumilos nang mas pursigido, marubdob ang diwa, at walang takot.

26 Marso 2014

Galing ang mga larawan dito.

Heto naman ang mga sanaysay nina Sarah Raymundo at Arnold P. Alamon hinggil sa mag-asawang Tiamzon. Interesante ang naging debate kaugnay ng isang libro ni Vivek Chibber na umatake sa teoryang post-kolonyal sa ngalan ng Marxismo. Liham sa New York Times hinggil sa pagbabalita nito sa mga nagaganap sa Venezuela. Jonna Baldres, bagong kapwa-kolumnista!

Laging maaasahan si Mark Weisbrot na maglinaw ng progresibong pagsusuri sa mga pangyayari sa mundo. Dito, tinatalakay niya ang kaguluhan sa Venezuela. Maganda ang sanaysay ng iskolar na si Domenico Losurdo hinggil sa nakalipas bilang Nazi ng pilosopong si Martin Heidegger.

Talababa sa Cha-cha

Mojo Wang1
Mojo Wang 2

Lahat ng pangulo ng Pilipinas pagkatapos ni Cory Aquino, ginustong baguhin ang Konstitusyong 1987. Bagamat pag-alis sa limitasyon ng termino ng mga nakaupong pulitiko, lalo na ng pangulo, ang tumampok sa midya at maging sa mga protesta, lagi ring kasama ang pag-alis sa mga limitasyon sa 100 porsyentong dayuhang pag-aari sa bansa.

Hindi progresibo ang Saligang Batas. Binuo rin ito ng mga naghaharing uring komprador at haciendero na sunud-sunuran sa mga dikta ng US. Pero nalikha ito pagkatapos ang pagpapatalsik sa diktadurang US-Marcos, kung saan malaki ang papel ng Kaliwa. Napwersa ang mga gumawa ng Konstitusyon na maglagay ng ilang makabayang probisyon sa ekonomiya.

Pero panandang-bato rin ang termino ni Cory sa pagratsada sa mga patakarang neoliberal sa bansa. Ang sabi nga ni Prop. Jose Maria Sison, ginawa ng Konstitusyong 1987 na isang transaksyon ng “malayang pamilihan” ang reporma sa lupa: boluntaryong ibebenta ng haciendero ang lupa o mag-aalok siya ng Stock Distribution Option, inalis ang pangangailangan ng interbensyon ng Estado para isulong ang katarungang panlipunan.

Pero masasabi sa pangkalahatan na hindi pa kinakatawan ng Konstitusyong 1987 ang mga prinsipyo ng mga neoliberal na patakaran. Kahit ang deklarasyon nito ng mga prinsipyo, pabor sa mas malaking papel ng Estado sa ekonomiya, bagamat hindi Keynesian. Tiyak na pinapahintulutan nito ang pagpapatupad ng mga patakarang neoliberal, pero hindi pa nito tahasang nilalaman ang mga prinsipyo ng gayong mga patakaran.

Mahalagang balikan ang saliksik ni Sonny Africa ng Ibon Foundation, na nagsabing simula dekada nobenta, 130 bansa sa mundo ang nagbago ng Konstitusyon sang-ayon sa mga patakarang neoliberal: pagtanggal sa mga hadlang sa paggalaw ng kapital at mga kalakal, pagtapyas sa papel ng gobyerno sa ekonomiya, pribatisasyon ng mga serbisyong panlipunan, denasyunalisasyon ng mga pambansang ekonomiya, at iba pa.

Tiyak, gaya ng madalas sabihin ng mga pabor sa Cha-cha, iba man ang wika nila, naiikutan ng malalaking dayuhang kapitalista kasabwat ang mga lokal na naghaharing uri ang Saligang Batas. Pero gusto nila itong baguhin para maging mas lantad na neoliberal, na pwedeng batakin tungo sa mas sagad pang paggamit. Tiyak na maghuhudyat ang Cha-cha ng mas matinding pagsasamantala sa bansa; lalo tayong magiging iskwater sa sariling bayan.

Masasabi, samakatwid at bilang obserbasyon, na nabuo ang Konstitusyong 1987 sa bisperas ng pagiging kapos ng silbi nito para sa mga naghaharing uri, na nagtulak at nakikinabang sa mga patakarang neoliberal.

20 Marso 2014

Galing ang mga larawan dito.

Maikling pagsisikap ni Chris Gilbert, propesor ng agham pampulitika sa Venezuela, na unawain ang rebolusyonaryong kultura. Nakakaaliw ang tula ni Rio Alma tungkol sa pagkikita nina Engels at Rizal sa London.

Yehey! Naka-800 na pala ang nag-like sa Facebook page ng blog na ito? Hehe. Isang karangalan na maging kapwa-kolumnista sa Pinoy Weekly ang makabayang makatang si Axel Pinpin! Ganoon din si Aaron Ceradoy!

Anuman ang magkakaibang pagtingin kay Tony Benn, progresibong Ingles, maganda ang ikinwento tungkol sa kanya ng manunulat na si Gary Younge: ang pag-iwas ni Benn sa pagiging “mabait, hindi mapanganib na matandang maginoo,” at ang pangangailangang “manghikayat” ng mga tao.

Walang Alam sa Edsa

Mao Henrik Drescher

Maraming tanong ang inuudyok sa mambabasa ng artikulong “Edsa I lessons lost on new generations” ng isang Linda B. Bolido na lumabas sa Philippine Daily Inquirer kasabay ng paggunita sa ika-28 anibersaryo ng pag-aalsang Edsa. Magandang pagtuunan ng pansin ang artikulo dahil sa tuwi na lang may gugunitain ang bansa na yugto ng kasaysayan, laging may lalabas na balita sa midya na nagsasabing marami sa ating mga kababayan ngayon ang hindi nakakaalala-nakakaalam-nakakaunawa. Sa likod ng ganitong mga balita, mayroon kayang operasyong pang- ideolohiya?

Una, laging sinesentruhan at sinisisi ng ganitong mga balita ang pagtuturo sa mga paaralan. Sa puntong ito, wala silang sinasabing bago; alam ng marami na kapos kung hindi man bulok ang edukasyon sa bansa. Madali ring gawin ang ganitong balita, lalo na’t wala namang pagtukoy sa pananagutan ng mga patakaran ng gobyerno, kasama na ang pagkaltas nito ng subsidyo sa edukasyon, o sa mga opisyales ng gobyerno na responsable sa kadahupan ng edukasyon. Lagi pa itong may pang-aliw: ang hindi-nawawalang nakakatawang mangmang na pahayag ng mga taong ibinabalita.

Ikalawa, sa ganitong mga balita, para bang pailing-iling ang midya na bumubulong ng “Tsk, tsk” patungkol sa edukasyon. Sinisisi ng isang ideolohikal na aparato ng estado, sa gasgas na prase ng pilosopong si Louis Althusser, ang isa pa. Sa ibang pagkakataon, maririnig ang mga taong-midya na nagdidiin sa kapangyarihan at halaga ng kanilang institusyon. Pero bihira ang balita tungkol sa seryosong pagsusuri ng midya sa sarili tungkol pagtuturo nito sa mga mamamayan hinggil sa mahahalagang yugto ng kasaysayan ng bansa. Mga paaralan lang ang dapat sisihin; ang midya, ang linis-linis.

Ikatlo, bilang paunang pagsusuri, mahirap asahan ang midya ngayon na ituro ang Edsa 1, lalo na ang mga aral nito, sa mga mamamayan. Tuluy-tuloy ang tabloidisasyon ng midya: hindi hamak na mas gusto nito ang tawag-pansing kontrobersya kaysa sa nakakapagpaisip na mga aral ng kasaysayan. Hindi ba’t nataon ang ika-28 anibersaryo ng Edsa 1 sa balita tungkol daw sa misteryosong sakit sa balat sa Pangasinan? Higit pa diyan, sipsip ang midya sa gobyerno ni Noynoy Aquino, dahilan para pigilan nito ang paglago ng radikal na potensyal ng Edsa sa kamalayan at kilos ng mga mamamayan.

Picasso Henrk Drescher

Ikaapat, idinidiin nito ang umano’y kamangmangan ng mga mamamayan, na naglalagay ng maraming markang pantanong sa kanilang mga posibleng hakbangin. Kapag sinasabi ng mga mamamayan na “pag-aalsang Edsa,” nauunawaan ba nila? Dapat ba silang paniwalaan? Kung hindi nila nauunawaan, maglulunsad pa kaya sila niyan? Ganoon din ang mga tanong sa rebolusyon ni Andres Bonifacio. Ibinabalik tayo sa reserbasyon ni Jose Rizal sa Katipunan: kulang pa umano ang edukasyon ng mga Pilipino. Napagtitibay ang paghahari ng iilan sa umano’y nakakaraming mangmang.

Ikalima, tinatawag ng ganitong mga “makatotohanang” ulat ang kabaligtaran nitong labis na ideyal, mula sa “isang ideolohiya ng Estado na nagpapalagay ng imposibleng sitwasyon kung saan natitiyak ng subject ang ‘buong’ katotohanan bago tumungo sa pag-aksyon sa katotohanang ito.” Mga salita ito ni Caroline S. Hau, progresibong iskolar, na nag-obserba ring “ang ‘kumpletong’ kaalamang ito… ay madalas unawain… na landas tungo sa isang kalayaang kinakatangian ng lubos na pag-igpaw sa mga historikal at materyal na kalagayan ng kaalaman at pagkilos [Necessary Fictions, 2000].”

Sa halip na maging bahagi ng nagpapatuloy na diwa ng Edsa, ang ganitong pag-uulat samakatwid ay bahagi ng paglikha ng mga naghahari ng “Edsa Fatigue” o “Kapaguran sa Edsa.” Ipinapatimo nito sa mga interesado at nakikisangkot sa pulitika na mahirap kung hindi man imposible ang pagbabago: Mangmang sa pulitika ang masa at ang maituturong dahilan ay mahirap baguhin. Napakababa ng kaalaman ng masa, at napakalayo nito sa imposibleng ideyal ng kumpletong kaalaman. Tama ang mga aktibista sa pag-unawa sa ganitong mga balita: hamon sa pagsusuri at pag-oorganisa.

28 Pebrero 2014

Galing ang mga larawan dito.

Magandang sanaysay ni Nerissa Balce tungkol sa batas sa libelo na pinalakas ng Cybercrime Law. Sanaysay naman ni Andrea Malaya Ragragio tungkol sa pagpapalit ng kalendaryong pang-akademiko.

Pagmumuni sa Pagpapatalsik

Boom

Ano ang posibilidad na si Noynoy Aquino ay maharap sa isang malawak at malakas na kampanya para patalsikin siya sa pwesto? Tulad ng mga sinundan niyang sina Gloria Macapagal-Arroyo at Joseph Estrada? Tulad ni Ferdinand Marcos na sinundan ng nanay niyang pinagkukunan niya ng bango, kumbaga, sa pang-amoy ng mga tagasuporta niya, lalo na sa iyung nasa panggitnang uri? Malaki ang posibilidad, at tyempo na lang siguro ang hinihintay para ito ay lumabas at lumantad.

Simula kampanya sa pagkapangulo hanggang sa unang tatlong taon sa pwesto, hawak ni Aquino ang suporta ng pinakamalalaki sa mga naghaharing uri sa bansa. Matapos niyang patalsikin si dating Chief Justice Renato Corona, nahawakan din niya ang buong gobyerno. Hawak din niya ang suporta ng pinakamalalaking midyang mainstream, na ginamit niya na instrumento ng panloloko. Laban sa mga maralita at kritiko, hawak din niya ang militar at pulisya na ginamit niya na instrumento ng panunupil.

Kung tutuusin, bukod-tangi ang kapangyarihang tinatamasa ni Aquino pagkatapos ni Marcos. Ang nanay niya, bagamat naupo matapos ang popular na pag-aalsa, ay maagang niyanig ng mga kudeta at protesta. Si Fidel Ramos, hindi lubos ang hawak sa gobyerno. Si Estrada, mabilis na naharap sa kampanya ng pagpapatalsik at napatalsik nga. Si Arroyo, matapos maagang humarap sa mga pag-aalsang pinamunuan ni Estrada at ng ilang militar, ay kinamuhian at nilabanan ng napakaraming Pilipino.

Sa madaling salita, napakalaki ng kapangyarihang hawak ni Aquino, kaiba sa mga nauna sa kanya. Pero katulad ng mga nauna sa kanya, ginamit ni Aquino ang kapangyarihan hindi sa pakinabang ng nakakaraming mamamayang naghihirap, kundi para sa mga naghaharing uri, pangunahin ang sariling paksyon niya. Ang masama pa, naging arogante siya sa pagsusulong sa interes ng mga naghaharing uri, habang mulat niyang pinabayaan ang kapakanan at kahilingan ng nakakarami sa bansa.

Sa larangan ng ekonomiya, tunay siyang tagapagmana ni Arroyo. Para siyang sipsip na estudyante ng kanyang propesor sa ekonomiks. Artipisyal ang “pag-unlad” na ipinagyayabang niya, “hindi ramdam” ng nakakarami sa bansa. Wala pa ring lupa ang mga magsasaka, at itinataboy pa sila sa lupang sinasaka. Napakarami ng walang trabaho. Marami sa mga trabaho, kontraktwal at barat ang sahod. Nagmamahalan ang mga serbisyong panlipunan, na ang marami pa’y isinasapribado.

US Soldier in Iraq

At para bang naghihintay lang ng hudyat, naglabasan, matapos ang kalahating termino ni Aquino sa pwesto, ang mga isyung nagpalawak ng galit sa kanya. Ang isyu ng pork barrel, na idinisenyo niya para pagmukhaing anti-korupsyon siya at pasamain ang mga kalaban niya sa pulitika, ay bumwelta sa kanya na Pork Barrel King. Nalantad ng pagtama ng superbagyong Yolanda ang kasinungalingan, kayabangan, kapabayaan at katarantaduhan niya sa harap ng mahigit 10,000 Pilipinong namatay.

Ngayon, lahat na lang ng singilin sa mga mamamayan, gusto niyang taasan. Sa harap ng malawak na karalitaan, hindi bumebenta ang mga paliwanag niya at ng mga kasabwat niyang malalaking kapitalista. Nahaharap siya sa protesta laban sa pagtataasan ng presyo, at napupwersa ang midyang mainstream na ibalita. Karugtong ng isyu ng pork barrel, nalalantad ang malawak na kahirapan habang yumayaman ang iilan. Karugtong ng isyu ng Yolanda, nalalantad ang mulat na pagpapabaya ni Aquino.

Bakit siya papatalsikin? Bakit ba pinatalsik at sinikap patalsikin ang mga naunang pangulo? Para kamtin ang katarungan sa matitinding krimen niya sa bayan, sa mismong pagtanggal sa pwesto at sa pagkakaso pagkatapos. Para matigil, kahit pansamantala, ang pamamahala at mga patakaran niyang nagpapatindi ng kahirapan at pagdurusa. Para igiit ang paghahangad natin ng mas mabuting pamahalaan at mas magandang kinabukasan. Para tipunin ang lakas ng mga mamamayan para rito.

Tiyak na maraming magsusulputang tanong tungkol sa pagpapatalsik kay Aquino. Tiyak na sasagutin ang mga ito, pero nang mulat sa iskema ng US at mga naghaharing uri laban sa pagpapatalsik, muli, ng pangulo: ang umano’y “People Power Fatigue” o pagkapagod daw nating mga mamamayan sa mga pag-aalsang Edsa. Mahalagang ulitin: Hindi ito obhetibong kalagayan, kundi kalagayang sinisikap ipataw ng mga naghahari. Gusto nilang pagurin tayo, maging pesimistiko tayo. Ang dapat igiit: Buhay ang diwa ng Edsa Uno, Edsa Dos at Anti-Gloria sa maraming mamamayan!

Sobrang pambababoy! Patalsikin si Noynoy?

08 Pebrero 2014

Galing ang mga larawan dito.

Isang karangalan sa akin na makakasama ang kolum na ito sa lalabas na edisyong nakalimbag ng Pinoy Weekly. Magagandang parangal kay Stuart Hall mula kina Gary Younge, David Morley at Bill Schwarz, at Tariq Ali. Kung noong una’y “marxismo” ang ispeling ko, hindi malaki ang M, iyun ay dahil kay Hall – na isang bahagi ng kaisipan niya na epekto rin ng kanyang panahon.

Train of Thought

Albin Brunovsky

Noong Enero, inianunsyo ni Sek. Emilio Abaya ng Department of Tranportation and Communications na ipinagpapaliban muna ng gobyerno ang planong itaas ang pasahe sa MRT at LRT. Nitong Pebrero, pagkatapos ng kulang-kulang isang buwan, ipinagtanggol ni Pang. Noynoy Aquino ang hakbangin. Sabi ng pangulo, una, hindi patas na pinapasan ng buong bansa ang gastos sa mga tren gayung mga residente lang ng Metro Manila ang nakikinabang sa mga ito. Ikalawa, mas maganda ang serbisyo ng mga tren kumpara sa mga de-aircon na bus sa Edsa – na mas mahal ang singil kumpara sa mga tren – at dapat lang magbayad nang mas mahal para sa mas magandang serbisyo.

Ang unang dahilan, minsan nang sinagot ni Sen. Ralph Recto: Kalakhan ng buwis na nakokolekta sa bansa ay mula sa Metro Manila kaya masasabing walang buwis mula sa mga probinsya na napupunta sa MRT at LRT. Tapos na sana ang debate, at ipinapakita ng argumento ni Recto na kahit sa balangkas ng pangangatwiran ni Aquino ay talo ang pangulo. Pero may mapanganib na implikasyon ang naturang balangkas, kaya kauna-unawang hindi ginamit ng mga grupong tutol sa dagdag-pasahe ang argumento ni Recto. Ang balangkas nina Aquino at Recto: Ang serbisyong tinatamasa ng isang entidad, halimbawa’y lugar o tao, ay dapat tinutumbasan ng buwis na ibinabayad nito.

Sinagad ni G. Sammy Malunes, tagapagtipon ng Riles Laan sa Sambayanan (Riles) Network, ang naturang balangkas para ilantad ang problema rito: “Dapat bang itigil ng gobyerno ang pagpapatayo ng mga pampublikong paaralan at ospital sa malalayong lugar dahil hindi papakinabangan ang mga ito ng mga nagbabayad ng buwis mula sa ibang bahagi ng bansa? Dapat bang  bayaran ng indibidwal na mamamayan ang buong gastos sa lahat ng serbisyong panlipunang tinatamasa niya?” Sa ganitong batayan niya direktang sinabing patas lang – o hindi di-patas – na subsidyuhan ng mga Pilipino, kahit iyung mga hindi regular na sumasakay sa mga tren, ang pagtakbo ng MRT at LRT.

Iyun namang ikalawang dahilan ay mas madaling ilantad. May kakambal na normatibo ang paniniwalang dapat magbayad nang mas mahal para sa mas magandang serbisyo: Ang walang kakayahang magbayad nang mahal, walang karapatang magtamasa ng mas magandang serbisyo. Pagbibigay-katwiran ito sa pribilehiyo ng iilan sa lipunan, o sa elitismo. May ka-triplet na deskriptibo pa pala: Kaya ganyan lang ang mga serbisyong tinatamasa ng mahihirap ay dahil wala silang pambayad sa mas magandang serbisyo. Pagbibigay-katwiran ito sa umiiral na kalagayan ng nakakarami sa lipunan. Pagbibigay ito ng mababang halaga sa maralita at ng mataas na halaga, syempre pa, sa mayayaman.

Albin Brunovsky4

Ang wala sa eksena sa balangkas nina Aquino at Recto ay ang papel ng gobyerno – o ang papel ng gobyerno sang-ayon sa isang pag-unawa. Noon, ang gobyerno ay tinitingnan na mekanismo para magtulungan ang mga mamamayan, at ang buwis ay dapat ginagastos para sa kanilang pangkalahatang kapakanan at interes. Ito ang pag-unawa sa gobyerno na sistematikong tinibag at tinitibag ng neoliberalismo, ang doktrinang isinusulong ni Aquino at kahit ng inapo ng makabayang si Sen. Claro M. Recto. Itong gobyernong bukambibig ang “bayanihan,” sa aktwal ay kampeon ng pagpapabaya ng gobyerno, pagkakanya-kanya ng mga  mamamayan, at kawalang-tulong para sa nangangailangan.

Pagsusulong ng interes ng malalaking kapitalista ang esensya ng neoliberalismo. At ang pinaka-harapang paliwanag nito ay ang tinatawag na “trickle-down economics.” Pwede kaya itong isalin na “ekonomiks ng pagdaloy ng mga patak”? Taliwas sa paliwanag ni Nicole C. Curato, kolumnista ng Rappler, ang kawalan ng pagkakapantay-pantay ay hindi sinisikap bigyang-katwiran sa batayan ng pagiging karapat-dapat sa premyong pinansyal ng mga kapitalistang lumilikha ng trabaho. Ang pseudo-siyentipikong paliwanag: Kapag nakokonsentra ang yaman sa iilan, papatak-patak itong dadaloy pababa, patungo sa mga karaniwang mamamayan – mula 1% patungo umanong 99%.

Anu’t anuman, isiniwalat ng unang State of the Nation Address ni Aquino ang isang katotohanan tungkol sa mga patakarang neoliberal – at sa kaso ng MRT mismo. Aniya, “ibinatay sa maling pulitika” ang pamasahe sa MRT at sinubukan daw ng gobyerno ni Gloria Macapagal-Arroyo na “bilhin ang… pagmamahal” ng publiko kaya “pinilit ang operator na panatilihing mababa ang pamasahe.” Ibig lang sabihin, nagpapanggap mang may siyentipikong lohika ang mga patakarang neoliberal, ipinapailalim pa rin sila sa mga konsiderasyong pulitikal: Hindi naitaas ang pamasahe sa MRT dahil may panganib noong magdulot ito ng lalong galit sa nanganganib mapatalsik na si Arroyo.

05 Pebrero 2014

Galing ang mga larawan dito.

Maganda ang isinulat na ito ni Jeanette Winterson hinggil sa sining. Malinaw ang pagiging kritikal niya sa kapitalismo. “Walang nag-aaral sa akin maliban na lang kundi bilang kung anong buburahin,” sabi ng Aprikano-Amerikanong makatang si Audre Lorde sa magandang talakayan niya sa kapwa-Itim na manunulat na si James Baldwin. Sa talakayang iyan ng dalawa, malinaw kung sino ang mas matalas sa usapin ng pagsasamantala sa usapin ng lahi at kasarian.

Sinong pumatay kay Martin Luther King, Jr.? Malinaw ang sagot ng mga radikal na mamamahayag na sina Alexander Cockburn at Jeffrey St. Claire. “Co-burn” daw ang bigkas sa apelyido ng naunang awtor. Hehe. Artikulong maganda, bagamat luma, tungkol sa pulitika ng rapper na si Kanye West, mula kay Salim Muwakkil. Ang historyador na si Benedict Anderson tungkol sa masaker sa mga Komunista sa Indonesia noong 1965.

Wanted: Foreign Workers

Neoliberal

Balitang-balita ngayon ang pahayag ni Rosalinda Baldoz, sekretaryo ng Department of Labor and Employment, tungkol sa pagpayag ng gobyernong Aquino sa mga dayuhan na magtrabaho sa Pilipinas. Ayon daw sa pag-aaral ng Bureau of Local Employment, sa isang proyektong pinondohan ng European Union, may 15 trabaho sa bansa – mula arkitekto hanggang chemical engineer, guidance counselor hanggang mekaniko ng eroplano – na kulang ang aplikante. Kulang daw ang aplikante dahil kulang ang mga gradweyt sa mga kursong katugma ng mga trabaho. Para mapunuan ang kakulangan, ani Baldoz, hindi na muna ipapatupad ang mga rekisitong itinatakda ng batas sa mga dayuhang mag-aaplay sa mga naturang trabaho. Pansamantala lang naman daw ang hakbangin hanggang makapagpagradweyt ng mga Pinoy na pupuno sa kakulangan.

Mabilis ang reaksyon ng mga progresibong grupo, ng mga komentarista at maging ng karaniwang tao: malaking kalokohan! Ang batayan nila: napakatindi ng kawalang-trabaho sa bansa. At hindi sila mauubusan ng malalagim na datos na pansuporta: Nangunguna ang Pilipinas sa pag-eeksport ng lakas-paggawa sa buong mundo at sa kawalang-trabaho sa buong Asya. Nitong mga nakaraang taon, dumarami ang mga Pilipinong lumalabas ng bansa para magtrabaho kahit lumiliit ang paglago ng remitans na pumapasok sa bansa. Pinakamarami ngayon sa kasaysayan ang walang trabaho sa Pilipinas, kahit pa dinodoktor ng gobyerno ang datos sa empleyo. Nagkalat ang mga sintomas ng malaganap na kawalang-trabaho: human trafficking, drug mule, pulubi at lagalag, prostitusyon kapwa sa kalsada at Internet, ilang milyong batang nagtatrabaho.

Bakit, kung gayon, nililikha ng gobyernong Aquino ang mito ng kakulangan ng mga aplikante para pahintulutan ang pagpasok ng mga dayuhang manggagawa sa bansa? Una, dahil dikta ito ng mayayaman at makapangyarihang bansa, pangunahin ng US. Simula dekada ’80 at ’90, ipinapatupad ng malalaking kapitalista na naghahari sa gobyerno ng mga naturang bansa ang “liberalisasyon,” na mas tamang tawaging “deregulasyon,” ng pamilihan ng lakas-paggawa. Gusto nila ng akses sa mura at siil na lakas-paggawa sa mahihirap na bansa – sa pamumuhunan sa mga ito at sa pagkuha ng mga migranteng manggagawa mula sa mga ito. Isinulong nila ang layuning ito sa balangkas ng pagpapahintulot ng palitan ng lakas-paggawa – sa General Agreement on Trade in Services, halimbawa, kunwari’y pupunta ang manggagawang Kano sa Pilipinas.

Marx Balloon

Ikalawa, dahil malaganap ang kawalang-trabaho sa mundo ngayon dulot ng krisis pang-ekonomiya at pampinansya na pumutok noong 2008 at nagpapatuloy hanggang ngayon. Kung mayroon mang internasyunal na trend na binabantayan ngayon sa larangan ng paggawa, iyan ay ang kawalang-trabaho. Malaganap ito maging sa mga abanteng kapitalistang bansa: May seksyon ng walang trabaho sa Espanya at mga kahanay na bansa sa Timog Europa, halimbawa, na pumupunta sa Latin America para magtrabaho. Pero mas palitan ng lakas-paggawa kahit sa hanay ng mahihirap na bansa ang posibleng umigting, at dito mailulugar ang palagiang pagkukumpara ng minimum na pasahod sa kanila. Kinukudkod ang ilalim ng kaldero, kumbaga. Nangunguna rin ang Pilipinas sa usaping ito; tingnan na lang ang mga Pinoy sa ibang bansa sa Timog Silangang Asya.

Sa mga abanteng kapitalistang bansa, ang mga kilusang rasista at maka-Kanan ang maingay sa pagtugon sa isyu ng migrasyon at trabaho. Kaiba sa kanila, nasa Kaliwa sa bansa ang mga tumutugon ngayon sa pahayag ni Baldoz. Bukod sa naniniwala silang hindi katanggap-tanggap ang rasismo, malinaw sa mga tumutuligsa na ang puntirya ay ang patakaran ng mga naghaharing uri na kinakatawan ng gobyernong Aquino, hindi ang mga dayuhang manggagawa na maaaring pumasok sa bansa. Malinaw rin sa kanila na ang problema ay hindi ang pagsasalo ng mga Pilipino at dayuhan sa kakaunting trabaho sa bansa, kundi ang kakaunting trabaho sa bansa. Malinaw na ipinapakita ng patakarang ito ang kapalpakan ng gobyernong Aquino na lumikha ng disenteng trabaho sa bansa at ang pangangailangan ng reporma sa lupa at pambansang industriyalisasyon.

17 Enero 2014

Galing ang mga larawan dito.

Maganda ang pag-uugnay ni Arnold P. Alamon ng patakarang inanunsyo ni Baldoz sa maiinit na balita sa bansa ngayon. Tama si Katrina Stuart-Santiago: Kapag ipinatupad ang patakaran, tiyak na permanente na ito at hindi temporaryo. Interesante ang mga impormasyon, kahit matagal na ang artikulo, ni Mong Palatino tungkol kay Andres Bonifacio. Magaganda ang larawan sa blog ni Vincent Silarde.

Mabuway raw ang usong konseptong “precariat,” sabi sa artikulong ito sa New Left Review. Isang pagsusuri sa Conditional Cash Transfer sa buong mundo mula sa parehong journal. Nagtatanong ang isang artikulo kung bakit walang mang-aawit na Aprikano-Amerikano ang may Numero Unong kanta noong 2013. Pinakahuling isyu ng Pingkian, teoretikal na journal ng Congress of Teachers/Educators for Nationalism and Democracy. Sino’ng manlilibre sa concert na ito? Hehe.

Twenty Porkteen

Erwin Leano1

Tama si Dr. Carol P. Araullo: Taong 2013 nagkaroon ng malaking lamat ang imahen ni Pang. Noynoy Aquino. Syempre pa, dahil ito pangunahin sa isyu ng pork barrel. Mula sa eskandalo sa P10 bilyong pondong pork na kinakasangkutan ng negosyanteng si Janet Lim-Napoles, at ginamit ni Aquino laban sa malamang na maging mga karibal ng partido niya sa eleksyong 2016, pumutok ang galit ng mga mamamayan sa buong sistema ng pork barrel. Ipinagtanggol ni Aquino ang naturang sistema, nalantad ang napakalaking pork niya sa panukalang budget para sa 2014, at nalantad din, dahil kay Sen. Jinggoy Estrada, ang iligal niyang pork sa Disbursement Acceleration Program o DAP. Bumanda ang isyu kay Aquino; sa dulo, tinatawag na siyang Pork Barrel King.

Hindi kataka-taka na nitong Disyembre 20 inaprubahan ni Aquino ang panukalang badyet para sa 2014. Tirang magnanakaw ito, ginawa kumbaga sa kahimbingan ng gabi – nagdiriwang ang lahat ng Kapaskuhan at hindi mapapansin ang mga protesta. Taliwas sa panlilinlang na walang pork sa naturang pambansang budget, iba ang sabi ni Prop. Leonor Magtolis-Briones, punong tagapagtipon ng Social Watch Philippines at isa sa mga nagsagasa ng trak ng bumbero sa tarangkahan ng Malakanyang noong First Quarter Storm. Aniya, marami pa ring pork sa badyet: nakatago ang para sa mga kongresista at senador sa badyet ng mga ahensya at aabot sa P552 bilyon ang agad na matutukoy na pork ng pangulo, malaking bahagi ng P2.3 trilyon na kabuuang badyet.

Noong Nobyembre 19, idineklara ng Korte Suprema na di-konstitusyunal ang Priority Development Assistance Fund o PDAF, ang pork ng mga mambabatas. Resulta ito ng malawak na galit at protesta ng mga mamamayan sa sistema ng pork barrel. Resulta rin ito malamang ng sentimyentong kontra-Aquino sa Korte Suprema: Responsable si Aquino sa pagtanggal kay Renato Corona bilang Punong Hukom at pagpalit ni Maria Lourdes Sereno, pinakabago sa mga itinalaga sa korte at pinaka-hindi respetado ng mga naunang hukom. Maglalabas pa lang ng hatol ang Korte Suprema kung konstitusyunal DAP, pero kumikilos na ang pangkating Aquino: Sabi nga ni Fr. Joaquin G. Bernas, SJ, binabantaan ngayon ng impeachment ng Kongreso ang mga hukom ng Korte Suprema.

Interesante ang magiging hatol ng Korte Suprema sa DAP. Kapag sinabi nitong hindi konstitusyunal ang DAP, sinasampal nito sa mukha si Aquino, kahit hindi pa talaga natatanggal ang marami pang pork ng presidente. Makapangyarihan pa rin si Aquino dahil ang dating PDAF na naipailalim sa badyet ng mga ahensya ay kontrolado niya. Kapag sinabi naman ng Korte Suprema na konstitusyunal ang DAP, aani ito ng galit ng mga mamamayan. Paanong konstitusyunal ang DAP gayung hindi konstitusyunal ang PDAF? Mas maliit at matagal nang umiiral ang PDAF, bukod pa sa mas marami nang nangangailangan ang nakinabang dito. Magiging napakalaki ng pork barrel ng presidente; parang binigyan ng Korte Suprema si Aquino ng lubid para ibigti ang sarili.

Erwin Leano2

Samantala, gumugulong sa usad-pagong na sistema ng hustisya sa bansa ang kasong iligal na pagdetine laban kay Napoles. May mga pagdinig sa Enero 17, Pebrero 18 at Marso 4, 18 at 25. Noon namang isinasampa pa lang ang kasong pandarambong laban sa kanya, may nagsabi nang aabot ang paglilitis hanggang pagkatapos ng termino ni Aquino. Anu’t anuman, dahil sa espesyal na pagtratong ipinakita ng gobyernong Aquino kay “Ma’am Janet” noong “sumuko” ang huli, malaganap ang duda kung seryoso itong hahatulang maysala at ikakalaboso si Napoles. Hindi kaila sa marami na ginagamit ang kaso ni Napoles para sa layuning pulitikal. Maaalala ang pagkulong ni Gloria Arroyo kay Erap Estrada at malamang ni Noynoy kay Gloria: pakitang-tao lang para sa pulitika.

Bubwelo rin sa 2014 ang People’s Initative laban sa pork barrel na pinapangunahan ni dating Chief Justice Reynato Puno at ng mga progresibong organisasyon. Saang anggulo man tingnan, maipagpapalagay na mananatiling buhay ang isyu ng pork barrel sa 2014. Para sa marami, hindi basta “kritisismo” ang isyu na pwedeng tugunan ng “Bahala na si Lord sa inyo, busy ako,” gaya ng gustong palabasin ni Aquino, kundi usaping dapat niya talagang pagkaabalahan. Kasama ng iba pang isyu tulad ng tumitinding kahirapan ng nakakarami at ng kapabayaan sa kalamidad ng gobyerno, dahilan ito ng paglakas ng disgusto sa kanya. Maaalala ang klasikong kasabihang Tsino: Nawa’y mabuhay ka sa interesanteng panahon! Sigurado: Magiging interesante ang 2014 para sa mga Pilipino.

30 Disyembre 2013

Galing ang mga larawan dito.

Ang akademikong eksperto sa Aprika na si John S. Saul hinggil kay Nelson Mandela. Kapani-paniwala si Bernard D’Mello: Hindi dating progresibo si Pope Francis, kundi naging progresibo sa pahayag na lang noong maging lider ng Simbahang Katoliko.

Sulatin ng paborito kong kritiko ng sining biswal na si Patrick D. Flores hinggil sa kilusang social realism sa bansa. Magandang artikulo ng feministang si Nancy Fraser, parang nasa tono ni Hester Eisenstein. Komentaryo sa ilang feminista sa bansa? Manigong bagong taon sa ating lahat!

Salin kay Walter Benjamin

Walter Benjamin1

Nitong Nobyembre 30, ika-150 kaarawan ni Andres Bonifacio, nagsalita sa programa ng mobilisasyon sa Liwasang Bonifacio si Ramon “Bomen” Guillermo, progresibong propesor mula sa Unibersidad ng Pilipinas. Maganda ang kanyang ambag na kwento: Pinapunta raw ni Bonifacio si Pio Valenzuela kay Jose Rizal na nasa Dapitan noong maagang bahagi ng 1896. Ang layunin: hikayatin si Rizal na pamunuan ang namumuo noong armadong himagsikan. Ang sagot ni Rizal: May tatlong kulang – pagkakaisa, edukasyon, at armas ng mga Pilipino. Maghintay raw muna at hindi pa napapanahon ang rebolusyon. Ang sagot ni Bonifacio: Lintek! At sinagot ni Guillermo ang mga agam-agam ni Rizal sa paraang nagtataas ng ahitasyon para sa kasalukuyang rebolusyon.

Noong Nobyembre 30 rin ako nagkaroon ng kopya ng bagong libro ni Guillermo, ang Hinggil sa Konsepto ng Kasaysayan. Salin o translation ito ng akda ng Marxistang pilosopong si Walter Benjamin na nasa wikang Aleman ang orihinal. Tumayo namang introduksyon kay Benjamin at sa libro ang salin ni Om Narayan Velasco ng isang sanaysay ng Marxistang historyador na si Benedict Anderson na nasa wikang Ingles sa orihinal. Nasa kaliwang pahina ng libro ang orihinal na wika ng tambalang Benjamin-Anderson habang nasa kanang pahina naman ang salin sa Filipino ng tambalang Guillermo-Velasco. Elegante ang disenyo ng aklat, ang papel ng pabalat at ng mga pahina, at ang titik sa mga teksto – nakakahalina sa pagmumuni sa nilalaman ng libro.

Sa kanyang introduksyon, nagsimula si Anderson sa pagtatanong kung bakit nahuli man ay naging “sikat na intelektuwal na mas maningning pa sa iba” si Benjamin. Noon daw 1986 ay ni walang entri tungkol kay Benjamin sa Encyclopedia Americana. Syempre pa, hindi sinabi ni Anderson na siya mismo ay bahagi ng isang dahilan: Ipinakilala ng bantog niyang libro tungkol sa nasyunalismo, ang Imagined Communities ng 1983, si Benjamin sa maraming mag-aaral. Tatlo ang natunton niyang sagot sa kanyang tanong: madilim ang panahon ngayon aniya para sa progresibong pulitika katulad sa panahon ni Benjamin, hindi nagpakahon si Benjamin sa isang disiplina, at mayroon si Benjamin ng “utopian na kalungkutan at… marikit, matulain at minsa’y nakapipinsalang prosa.”

Sa “Marxismo-Leninismo-Maoismo,” tinatahi ng mga naniniwala ang mga pangalan na namuno at nagteorya sa pagsulong ng pakikibaka ng uring manggagawa patungong paglaya. Masasabi bang naobserbahan at tineorya ni Benjamin ang pag-atras ng naturang pakikibaka sa isang panahon at lugar? Mas masasabi sigurong nabuhay at nagteorya siya sa isang panahong nagdulot ng pighati sa mga katulad niyang Hudyo at independyenteng Marxista, ang paglakas ng pasismo sa buong mundo, at sa isang lugar ng ligalig na kalagayan ng ganoong pighati, ang Germany at Europa. Hindi sa mga taktika at estratehiya ang ambag niya, kundi sa pagsusuri sa galaw ng imperyalismo at mga naghaharing uri sa lumilipas na panahong malakas at nagtatagumpay sila.

Walter Benjamin2

Isa ang Hinggil sa Konsepto ng Kasaysayan sa mga pinakabantog na sulatin ni Benjamin. Napakarami ritong pamilyar, kung hindi man paborito, para sa mga nahilig sa Frankfurt School na kinabilangan ni Benjamin at sa tinatawag na “Teorya” ng dekada ’90. Nakapagbigay ng sariwang dating, at sa maraming pagkakataon ay mas eksaktong pag-unawa, ang salin ni Guillermo. Halatang hindi simple ang orihinal na Aleman dahil hindi simple ang salin sa Filipino. Nagtatrabaho nang overtime ang mga salita: nagsikap maging eksakto habang wasto ang lugar sa mga pangungusap. Batay sa mga salin sa Ingles, masasabing matapat ito sa estilo ni Benjamin, na hindi laan sa mga dyaryo at maiintindihan ng sinumang magbabasa, kundi para sa matiyaga sa mga talinhaga niya.

Isang bagay ang literal na maunawaan ang akda ni Benjamin; ibang bagay pa ang maunawaan nang mas malalim ang kanyang akda. May dahilan siguro na inilimbag ang salin ng High Chair, na kilala sa paglalathala ng mga tula. Bagamat nahahati sa mga tesis, malayo ang akda sa linaw ng “Mga Tesis kay Feuerbach” ni Karl Marx, bukod pa sa may mga direkta at mapagbuong sulatin si Marx kumpara sa mga palaisipan at kalat-kalat na sulatin ni Benjamin. Si Benjamin mismo, aminado sa isang liham niyang sinipi sa libro na “Bubuksan [ng akda] ang pinto sa masiglang pagkakamali-mali ng interpretasyon.” May kabuuang 63 talababa o footnote si Guillermo na nagpapaliwanag sa akda, na mga indikasyong malabo rin ito, dahil interbensyon sa iba’t ibang larangan.

Anu’t anuman, napatunayan nang produktibo para sa mga matiyaga ang mga palaisipan ni Benjamin, dahil mismo sa pagiging palaisipan ng mga ito. Mahalaga ang talumpati ni Guillermo noong Araw ni Bonifacio at ang buong protesta sa naturang araw, halimbawa, dahil bahagi ang mga ito ng pakikidigmang gerilya laban sa matagumpay na Antikristo na hindi nagpapaligtas maging sa mga patay. “Hindi lamang dumarating ang Mesiyas bilang manunubos; dumarating siya bilang tagapagwagi sa ibabaw ng Antikristo. Ang historyador lamang ang may kakayahang paypayan ang mga ningas ng pag-asa sa nakaraan, na punong-puno nito: hindi ligtas sa kaaway kahit ang mga patay kapag ito’y nagtagumpay. At ang kaaway na ito ay hindi pa tumitigil sa pananagumpay.”

Makakakuha rin kay Benjamin ng paliwanag kung bakit napakalakas ng dating ng radikal na tema ng hindi tapos na rebolusyon ni Bonifacio. At kung bakit diyalektikal ang ugnayan ng pagsusulong ng kritika at ng alternatiba sa umiiral na sistemang panlipunan, kung saan pangunahin ang kritika sa alternatiba. Sa kanyang pagtuligsa sa mga sosyal-demokrata, sinabi niya, “Natuwa sila sa pagbibigay sa uring manggagawa ng papel na tagapagligtas ng mga henerasyon sa hinaharap. Pinutol nila sa ganitong paraan ang taling pinakamatibay. Nalilimutan ng uring proletariat sa ganitong leksyon kapwa ang pagkamuhi at ang kahandaang magsakripisyo. Sapagkat binubuhay itong dalawang huli ng larawan ng inaaping mga ninuno, hindi ng ideyal ng pinalayang mga apo.”

08 Disyembre 2013

Galing ang mga larawan dito at dito.

Nagbigay ng konteksto ng makabuluhang libro ni Paolo Freire na Pedagogy of the Oppressed si Sheila Pagurayan. Sina Slavoj Zizek, Gary Younge, at Simon Hooper para sa progresibong pagsusuri sa buhay at pakikibaka ni Nelson Mandela.

Etika para sa Eksperto

Earth

Nalantad at lalo pang nalalantad ang kriminal na kapabayaan ng rehimen ni Noynoy Aquino kaugnay ng pagragasa ng superbagyong Yolanda sa bansa. Sa ganitong kalagayan, may isang taktikang ginagamit ito sa social media, na larangang tiyak na sinusubaybayan-kinakapraningan at sinasangkutan-nilulunod nito: ang pagmukhaing masama ang magkomentaryo, lalo na nang negatibo, lalo na’t laban sa gobyerno. Tila para rito, ayos lang ang maglahad ng mga datos at impormasyon tungkol sa disaster, pero hindi ang maglabas ng mga opinyon tungkol dito. Isang porma nito ang meme na “Shhh… Tumulong ka na lang” na nagtangkang magpatahimik sa mga pagkokomentaryo pabor sa mas kagyat na pagtulong sa mga nasalanta, sa makitid na pakahulugan nito.

Kung para sa nakakaraming netizens ang naturang meme, para naman sa mga edukado at argumentatibo sa kanila ang “Ethics for Parachuters.. er.. Journalists,” isang note sa Facebook ni Sylvia Estrada-Claudio – propesor sa Unibersidad ng Pilipinas, kilalang feminista, isa sa mga lider ng Akbayan, at nagpapakilala ritong sikolohista – na may petsang Nob. 13. Dito, ang pagsisikap na patahimikin ang pagkokomentaryo, partikular sa huling-huling relief operations, ay pabor sa “masinsing pagtatasa” sa naging pagtugon ng rehimen sa disaster. Apela ni Claudio, wala munang husga hangga’t wala ang naturang pagtatasa – na, pahiwatig niya, ay mangangailangan ng pagkadalubhasa (expertise) sa pangangasiwa at pagpaplanong pang-disaster, ng oras at sinsin, at iba pa.

Pero dahil pagtatanggol sa rehimeng Aquino, na kasalukuyang patron ng Akbayan, ang tunguhin ng sanaysay niya, hindi rin nagawa ni Claudio na pigilan ang magpauna ng husga kung bakit huling-huli ang relief operations ng gobyerno: “[M]ay napakaraming ebidensyang iniulat kahit ang CNN na ang pagkahuli ay dahil sa napakatinding pinsala. Sa mga tunay na problemang lohistikal. Sa pangkalahatang kawalan ng rekurso ng ating hukbong pandagat at hukbong katihan at burukrasya. Sa mga kahinaang pinatindi ng kahirapan ng ating mga komunidad.” Lumalabas tuloy na ang satsat tungkol sa “masinsing pagtatasa” at pagkadalubhasa ay pampatahimik lang sa mga tumutuligsa sa rehimeng Aquino; ang mga nagtatanggol, pwede namang magsabi ng kung anu-ano.

Pero ano ang eksaktong ipinagpuputok ng butse ni Claudio? Ang pagsasabi ng mga reporter ng CNN na dapat ay may planong pansalo (back-up plan) ang pambansang pamahalaan kung sakaling pumalpak ang lokal na pamahalaan ng Tacloban sa relief operations. Bago nito, inakusahan niya ang CNN ng panghahati at pang-uupat ng away sa pagitan ng pambansa at lokal na pamahalaan noong hiningi nito ang opinyon ng isang mambabatas ng Leyte tungkol sa sinabi ni Aquino na ang lokal na pamahalaan ang responsable sa makupad na relief operations. Hindi ba’t si Aquino ang nagsimula ng ganitong panghahati at pang-uudyok ng away nang sabihin niya ang sinabi niya, at nang paulit-ulit sa iba’t ibang pagkakataon? Pwede palang manisi basta hindi si Aquino?

JFK Media

At ano’ng masama sa sinabi ng mga reporter ng CNN? Hindi ba’t madaling makita na malaking kapalpakan kung hindi man kapabayaan ang ipaubaya ng pambansang pamahalaan ang walang katulad na bagyo sa kasaysayan sa lokal na pamahalaan, lalo na sa isa sa pinakamahirap na rehiyon sa bansa? Hindi ba’t madaling makita na dapat ay ginamit ang buong rekurso ng isang mahirap na bansang tulad ng Pilipinas para maghatid agad ng relief goods sa mga mamamayang matapos iligtas ang sarili sa bagyo ay ilang araw na walang pagkain, tubig, gamot, gatas at kuryente? Hindi ba’t binatikos nang husto kahit ang pambansang gobyerno ni W. Bush sa US nang nang ipaubaya nito sa isang estado na mas may kakayahan sa Tacloban ang mas mahinang bagyong Katrina?

May isa pang dahilan si Claudio kung bakit hindi raw ito dapat sinabi ng mga reporter ng CNN, bukod sa wala pa ang “masinsing pagtatasa”: Hindi raw ito ang kailangan nating mga Pilipino sa panahong iyun. Ang kailangan daw natin ay ang tanggaping “ang buhay ay pwedeng maging arbitraryo sa pangwawasak” at ang magtipon ng “lakas ng espiritu bilang bayan (strength of spirit as a nation)” – kung saan, aniya, taliwas ang paninisi (blaming). Tulad daw ng mga biktima ng sekswal na pandarahas, mahalagang matasa natin bilang isang bansa ang ating mga kahinaan, pero sa kabila nito’y kailangang tanggapin natin ang nabanggit na katotohanan. Kakatwa na ang halimbawa niya ng pagtipon ng naturang “lakas ng espiritu bilang bayan” ay ang rebolusyong 1896.

Sa bahaging ito, humahango si Claudio sa kanyang larangan ng pagkadalubhasa, sa sikolohiya, partikular ng mga kababaihang biktima ng sekswal na pandarahas. Sa bahaging ito rin pinakareaksyunaryo ang kanyang punto. Maaaring tama na tanggapin ng mga biktima ng sekswal na pandarahas na “arbitraryo sa pangwawasak” ang buhay, pero reaksyunaryong ipatanggap ito sa sambayanang inaapi ng mga dayuhang kapangyarihan at mga lokal na naghaharing uri. Magkaiba ang lebel ng antagonismo ng tunggaliang hinaharap ng biktima ng sekswal na pandarahas at ng sambayanang Pilipino. Pinapahupa nito ang galit ng sambayanan sa mga tuluy-tuloy na nang-aabuso rito, na siya ring responsable sa napakaraming problemang kinakaharap nito ngayon.

Anu’t anuman, pinatunayan ng mga pangyayari na mali si Claudio. Pinatunayan ng mga pangyayari na ang kailangan noon, noong Nob. 13, ng mga nasalanta ay ang inisyal na pagtatasa – at sasabihin ko, ang pagsisi sa gobyerno – na ginawa ng CNN. Tampok na noon na hindi umaabot ang relief goods sa napakaraming nasalanta. Marami ang nagagalit at naghahanap ng responsable sa sitwasyon. Sa araw na iyun, “Relief Now!” ang tampok na panawagan ng International Day of Solidarity and Action for the Victims of Yolanda na inilunsad ng mga progresibong grupo. Napwersa lang ang rehimen na mag-anunsyo ng plano sa relief operations matapos ng mahapding tuligsa ng midyang internasyunal – dahil ba kasabwat ng rehimen ang lokal na midya? – at ng mga protesta.

Paper Eye

Naghahamon ng pagtatasa si Claudio pero ipinauna na niya, syempre pa, ang pag-abswelto sa rehimen. Kahit daw matapos ang pagtatasa, matutuklasan natin at ng mga mamamahayag “na kahit ginagawa natin ang pinakamahusay, pwede pa rin tayong magkaroon ng resulta na matinding trahedya.” Lantad na lantad ang kahunghangan ni Claudio: Pinakamahusay ba na ipaubaya ng pambansang pamahalaan sa lokal na pamahalaan ang relief operations para sa isang bagyong walang kaparis sa kasaysayan? Pinakamahusay ba na maghintay pa ito ng ilang araw bago maglunsad ng relief operations para sa mga mamamayang nag-aagaw buhay? Iyun mismo ang punto: Hindi pinakamahusay ang ipinakita ng rehimeng Aquino kaya matinding trahedya ang resulta.

Ang nakakasuklam pa, ang pagtatanggol ni Claudio sa rehimeng Aquino ay ipinaloob niya sa balangkas ng “Pilipino bersus dayuhan.” Heto kami, hawak ang “malalaking espiritwal na katotohanan na kailangan namin ngayon,” habang kayo, hawak ang inyong mga pagtatasa at paghusga. Dapat ay gawin ninyong “sentrong pang-etika” ang aming mga “espiritwal na katotohanan.” Kung hahalaw sa diskurso ng Palestinong intelektwal na si Edward W. Said, binaligtad na Oryentalismo ang ginagawa ni Claudio: Pilipino-espiritwal bersus dayuhan-intelektwal. Sa perspektiba ng dayuhang Oryentalista: negatibo ang una at positibo ang ikalawa. Sa perspektiba ni Claudio: positibo ang una at negatibo ang ikalawa. Alinman sa dalawa, may bakod na artipisyal naman sa aktwal.

Kaugnay ng Yolanda, kailangan natin ng lakas ng espiritu bilang bayan hindi para sumuko lang sa posibilidad, na sa aktwal ay katiyakan, na paparating sa bansa ang mas masasahol na bagyo. Kailangan natin ito para baguhin ang umiiral na sistemang panlipunan para mas epektibo nating maharap ang paparating na mas matitinding hamon ng kalikasan. Kailangan din naman ng pagtatasa, gaya ng sinabi ni Claudio, at ang magandang panimula rito ay ang pagsisi sa gobyernong Aquino ng mga reporter ng CNN. Imposible ang maging tabula rasa sa simula ng pagtatasa, at hindi naman bawal magkaroon ng hinala (hypothesis) – lalo na kung ito naman ay lantad sa lahat, maliban sa may mga interes na inaalagaan, mga pondo at posisyon sa nakaupong pamahalaan.

22 Nobyembre 2013

Galing ang mga larawan dito.

Kritikal na pagsusuri sa “looting” na nangyari sa mga nasalanta ni Yolanda, mula kina Rebecca Solnit at Mark Fisher. Tandaan natin: pagbasa ni Jesse Colombo kung bakit bula(an) ng umano’y milagrong pang-ekonomiya ng Pilipinas.

Ano ang salin nito? Isang walang kwentang presidente na si Aquino, ayon kay Antonio Montalvan II. Dapat daw mag-alsa na tayo sabi ng agham, sabi ni Naomi Klein. Talaga? Sampung taon na pala si Sarah Geronimo? Hindi ito tungkol sa paghanga, kundi sa pagkagulat sa pagtakbo ng panahon. Hehe.

Follow

Get every new post delivered to your Inbox.

Join 134 other followers