Tutularan kita, diretso sa punto: Sumulat ako sa iyo tungkol sa ipinapalaganap mong posisyon sa krisis pampulitika sa bansa at pagpapatalsik kay Pang. Macapagal-Arroyo.
Naninimbang ako. Sa isang banda, may mga labang tumindig ka para sa bayan – at hindi lamang mula sa punto-de-bista mo kundi sa pagtingin ng mga makabayan at progresibong grupo at intelektwal sa bansa. Kasama ka sa mga lumaban at nagpatalsik kay Marcos noong 1986 at kay Estrada nitong 2001. Noong 1986, nanawagan ka kay dating Pang. Cory Aquino na gamitin ang prestihiyo niya para hingiin sa ibang bansa na patawarin ang ating bansa sa mga utang panlabas na hindi pinakinabangan ng bayan.
Pero bukod sa mga labang ito, kadalasan, nasa panig ka ng mga kalaban ng bayan. Pabor ka sa pagratipika sa bulok na kasunduan sa pagitan ng Pilipinas at Estados Unidos noong 1991 na magpapanatili ng mga base militar sa bansa. Lagi’t lagi, tutol ka sa panukalang pagtaas ng sahod ng mga manggagawa, kahit kumakalam na ang mga sikmura nila. Nitong huli, ikaw at ang mga kasapakat sa Unibersidad ng Pilipinas o UP ang nagtulak sa gobyernong Arroyo na itaas ang kinokolektang buwis sa taumbayan.
Noong 1996, isa ka sa mga pinakamaingay na sumuporta sa “malayang kalakalan” at “malayang pamilihan” at sa Asia-Pacific Economic Conference o APEC – na pawang bumihag sa bansa sa kahirapan. Iyan naman talaga ang tugma sa uri ng economics na itinuturo mo sa loob at labas ng klase, lalo na sa midya. Lagi’t lagi, nauuna ang pagpanig mo sa negosyo, mga negosyante, sa pantasya’t panlilinlang ng “hindi nakikitang kamay” ng pamilihan na diumano’y nagtatama at nag-aayos ng ekonomiya.
At diyan ka sumikat: Ang tinatawag na “autistic economics” o economics na may sariling mundong hiwalay at napakalayo sa tunay na mundo ay nailalapat mo sa malinaw na Ingles o Pilipino. Naipagtatanggol mo ang pagsusuri ng mga matataas na opisyal ng gobyerno at mga propesor sa economics sa salitang jolog – direkta sa punto, matalas para sa inyo. Marahil, kahit ang absurdong panukalang kusang pababain ng bansa ang halaga ng piso kontra sa dolyar ay magiging kapani-paniwala kapag ikaw ang nagdala.
At ngayon ito: Matapos ang pagsama mo kay dating Pang. Aquino sa pagdarasal para humingi ng kalinawan sa kasalukuyang krisis, kumalas ka sa kanya at ipinapagtanggol si Arroyo. Sabi mo, malinaw na nanalo si Arroyo sa nakaraang halalan, ayon sa surveys at patotoo ng mga dayuhang tagamasid. Sinang-ayunan mo si Mike Defensor na kahit ibigay sa kalaban ni Arroyo ang lamang niya sa Mindanao – na pinagtatalunan ngayon – ay lalabas na panalo pa rin siya sa buong bansa. Hindi siya dapat magbitiw sa pwesto.
Hindi talino ang ipinapakita mo, kundi imoralidad. Napakababa ng pagtingin at paggalang ng ganyan sa Pilipino. Kapag nahuli ang isang estudyante na nandadaya sa eksamen, hindi na tsine-check ng guro ang papel niya para malaman kung pumasa o bumagsak siya. Pinapatigil na siya at pinaparusahan. Kapag nahuli ang isang mandurukot sa palengke o matataong lugar, hindi na inaalam kung malaki o maliit ang perang laman ng pitakang nakuha niya. Binubugbog na siya at ipinapa-aresto sa pulis.
Ngayon, ang gusto mo, ang “pangulo” ng bansa na nahuling nandaya sa halalan ay hayaang magtagal sa pwesto? Napakarami sa ating kababayan ang magsasabi sa iyo niyan: Na nandaya si Arroyo. Tanging talinong galing sa UP School of Economics – katulad mo at ni Arroyo – ang makakaunawa sa katwiran mo. At hindi lamang pandaraya ang ginagawa niya bilang pangulo. Lalo niyang ibinaon sa kahirapan, pagsasamantala at pambubusabos ang ating mga kababayan. Kasalanan niya iyang dapat panagutan.
Hindi pa kita huhusgahan, kahit mas tampok sa rekord mo ang pagkakanulo sa bayan. Lalong nakikita iyan sa pagkampi mo kay Arroyo. Mag-isip ka. Hindi pa huli ang lahat.
10 Nobyembre 2005
