Mga Kanta ng Taon

hale.jpgLagi kong sinasarhan ang taon sa pag-alala hindi lang sa mahahalagang pangyayaring pampulitika na naganap. Inaalala ko rin ito sa mga kantang nauso at sumikat. Sa pagsasara ng taon, anu-ano nga ba ang mga kanta ng taong 2005? Nakita ko na ang listahan ng istasyong MYX para sa 2005. Nakakatuwang marami kaming pagkakatulad.

Unang sumagi sa isip ang “Pinoy Ako” ng Orange and Lemons. Masaya at magaan ang tugtog, tungkol sa pagmamalaki sa Pilipino ang laman. Nauso ito sa tulong ng Pinoy Big Brother at mga kalahok dito na naging mga personalidad. Lagi itong pinapatugtog sa kung saan-saan at kinakanta lalo na ng mga bata. Sinasayaw din ng iba. Nakakahawa ang pagkanta rito, mabuti na lang at hindi droga o krimen ang laman. Pwede sanang “kanta ng taon”, kung hindi nasira ng pagkakalantad sa “pagkopya” nito sa banda sa ibang bansa. Hindi maganda para sa isang kantang nagsasabing magmalaki ang Pinoy.

Sumikat ngayong taon sa bansa ang samu’t saring revivals o mga naunang kantang pinapasikat uli. Dalawa sa pagkakaalam ko ang madalas pagmulan ng mga kantang nire-revive: matatandang Original Pilipino Music o OPM at iyung tinatawag na “crossover music” – mga kantang halo ng jazz, rhythm and blues at pop. Puno ng ikalawang klase ang album ng mga kantang revival nila Nina, MYMP at Jinky ng Freestyle. Marami ang nangungutya sa ganito pero mahilig ang mga Pilipino sa magagandang kanta – luma man o bago. Hindi lang nakakatuwang sumikat na puro revival katulad ng MYMP.

Kung “anthem of the year” ang “Pinoy Ako”, masasabing “revival of the year” ang “Love Moves in Mysterious Ways” ni Nina. Iyan ang magaling kay Nina: marunong siyang maghanap ng kantang ire-revive – hindi iyung halos araw-araw na naririnig sa radyo. Ang kanta ni Julia Fordham ay matanda na, pero ilan lang ang may paborito at naririnig sa ilang istasyon lang sa radyo. Magaling ang pagkaka-awit niya ng “Through the Fire” ni Chaka Khan – kahit hindi kasing-sikat ng nauna, karapat-dapat banggitin uli. Payo sa mga gustong sumikat sa industriya ng musika: magsimula kayo sa magandang revival.

Kahit hindi gaanong sumikat ang mga kanta, namayagpag sa radyo sina Christian Bautista, Rachelle Ann Go at Sarah Geronimo. Magagaling talaga ang boses nila na naghahanap ngayon ng papasikating kanta. Sana ay hindi magtagal. Mayroon nang magaling na boses na hindi nagawan ng magandang kanta: si Lani Misalucha. Wala gaano sa ere si Ogie Alcasid. Idadagdag ko si Bituin Escalante na magaling din ang tinig. Nakakatuwa ang pagdami ng kanta ng bandang Passage na matagal nang hinahangaan sa mga istasyon sa radyong nagpapatugtog ng kanta ni Julia Fordham.

Ano ang “song of the year” para sa akin? Simple lang: “The Day You Said Goodnight” ng Hale. Magkasundo kami ng MYX dito. Mula sa isang taga-labas sa eksenang rock sa bansa, sasabihin ko: Sa dinami-dami ng bandang lumabas ngayong taon, ang Hale ang may pinaka-orihinal na tunog at dating. Nakita ito sa kantang nabanggit sa taas at sa magandang video para rito sa telebisyon. Panghatak ng mga kantang dayuhan ang mahihirap na titik at ganyan ang mga titik ng kantang ito. Parang tula ng batang makata sa kolehiyo na puno ng kaartehan at pagpapa-cool ang titik, pero maganda ang musika.

Nabanggit ko ang isa sa mga trend sa musika sa bansa ngayon: Ang pagsusulputang muli ng mga banda. May payo rin ako para sa kanila. Tularan nila ang huling pinakamagaling na bandang Pinoy: ang Eraserheads. Seryosohin nila ang paggawa ng magandang musika, pero gawin nilang masaya at hindi seryoso sa harap ng tao.

25 Disyembre 2005

About these ads
Post a comment or leave a trackback: Trackback URL.

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s

Follow

Get every new post delivered to your Inbox.

Join 134 other followers

%d bloggers like this: