
Ang boto kay Keanna, sa isang pagsusuri, ay boto kontra kay Gloria.

Ang boto kay Keanna, sa isang pagsusuri, ay boto kontra kay Gloria.
Categories: Kulturang Popular
“… in which the henceforth manipulated viewer is offered gratifications in return for his or her consent to passivity.” – Fredric Jameson
Dati, nagagamit sa usap-usapan ang “KR” para tukuyin si Ka Roger o si Gregorio Rosal na tagapagsalita ng Partido Komunista sa bansa. Nitong huli, nagkaroon ng katawa-tawang pagbabago: Tinukoy na rin ng “KR” si Keanna Reeves, kalahok at kampeon sa kakatapos na Pinoy Big Brother Celebrity Edition. Taliwas sa madalas na seryosong pahayag ng nauna, nababanggit ang ikalawang KR sa pagpapatawa. Maling Ingles, maling sinabi, maling bigkas, kakengkuyan – diyan nakilala si Keanna sa palabas. At ngayon, panalo siya. Kulang-kulang kalahati ng botong text sa palabas ang nakopo niya.
Dinaig niya sina John Prats, Bianca at Zanjoe. Negatibo sa huling dalawa ang tila pagkakaroon ng relasyon sa loob ng bahay gayung may karelasyon si Bianca sa labas nito, gayundin ang dating nilang panggitnang uri o elite. Higit pa rito, gayunman, hindi lumutang ang katangi-tangi sa personalidad nila. Si John Prats, bagamat nakilalang mabait na tao, may malasakit sa kapwa at pagmamahal sa pamilya, at magaling sa mga tungkulin ay hindi nakapanaig kay Keanna. Taliwas sa pagkapanalo ni Nene sa nakaraang taon, hindi husay sa mga tungkulin ang nagpaungos sa panalo ngayon.
Nanalo si Keanna dahil sa mga katangian niya, sa ugnayan nito sa mga istiryutipong (stereotype) kagyat na ikinabit sa kanya, at sa kung ano ang kinatawan niya para sa manonood. Bago sumali sa palabas, nakilala si Keanna dahil nanggaya ng pangalan ng dayuhang artista, ni Keannu Reeves. Sa loob ng bahay, nakilala siya bilang kakatwang karaniwang tao. Noon, nakilala siyang nahuling nagsisinungaling sa Senado hinggil sa kanyang edad. Sa loob ng bahay, nakilala siyang tapat at totoo sa damdamin at sinasabi. Niloko siya ng manager niya noon, pero malalim pala ang alam niya sa buhay.
Sa gitna ng mga “celebrity” na pana-panahong pumuputok ang galit sa mga banggaan, nanatiling kalmado, palabiro’t palatawa – bagamat matalas magsalita sa harapan, tulad ng isang beses kay Mitch – si Keanna. Sa gitna ng pagsisikap ng mga kasambahay na magmukhang malalim, marangal at maayos magsalita ng Ingles, nanatili siyang natural, maayos at pamali-maling magsalita ng Ingles. Kung tutuusin, kung ilulugar sa hirarkiya ng lipunan sa mga nasa bahay, nasa ilalim siya: dating prostitute at bold star, mahirap, wala gaanong pinag-aralan, at – sa rehiyunalismong malaganap sa bansa – Bisaya.
Pero itinaas ng mga abang manonood sa pagkakataong ito ang naaba sa bahay. At hindi lang dahil katulad nila siya. Pinatampok lamang ng mga (negatibong) istiryutipong kagyat ikinabit kay Keanna ang mga (positibong) katangiang ipinakita niya. Sa tila mababang klase ng taong ito – tila “patapon” sa una – nakita ang bait, kalinga at puso ng mabuting tao. Sa taong itong marami nang pinagdaanang hirap at pakikibaka sa buhay nakita ang tapang at gaang sa pagdadala ng mga problema. Siya na umaming gumawa ng maraming maling pasya sa buhay ang nakitaan ang talas at dunong dito.
Pero hindi umiiral ang mga nauna at mga ikalawa nang sabayan. Hinahabol siya ng nakalipas niya. Ang mga nauna ay dinanas niya noon at ngayon ay mga lumang kaluluwang lumulukob na lamang sa bagong pagkatao niya – na totoong napanday at sumulong mula sa luma. Hindi siya ibinoto ng mga manonood bilang pagsang-ayon lamang sa pagtalikod niya sa pagiging prostitute para sa mga anak niya. Ibinoto siya dahil sa mas malalalim na pagbabagong ipinakita niya sa pagkatao niya sa palabas. Kinatawan niya samakatwid ang pagpupunyagi sa pag-unlad at pagbabagong-buhay.
Kaya naman ang boto kay Keanna ay boto laban kay Gloria. Taliwas kay Keanna, kinatawan ni Gloria ang pagtungo ng pag-asa sa pighati, ng posibilidad ng pagbabago sa katiyakan ng pagsahol, ng pagkakataon ng pagbabagong-buhay sa pagpapakasama. Ang panalo ni Keanna ay pagkondena sa pagdausdos ng Edsa 2 sa usapang “Hello Garci”, Proklamasyong 1017, anti-mamamayang Charter Change at iba pang pahirap at pambubusabos ni Gloria. Kung minumulto man ng rehimeng Estrada ang rehimeng Arroyo, iyan ay dahil sumahol ang kalagayan ng nakakarami sa ilalim ng gobyernong ito.
Kakatwa ang pagkakatulad ng inisyal ng dalawang KR. Parehong nauunahan ng masamang istiryutipo, ang dalawa ay kinatawan ngayon ng dalawang larangang nagpapakilalang taguyod ng pagbabago at bukas sa paghusga ng mga Pilipino: ang reality shows na may botohang walang daya sa telebisyon at ang rebolusyon.
02 Abril 2006
Categories: Kulturang Popular
Tuwing nagsasara ang taong akademiko, madalas papurihan ng midya ang mga nagsipagtapos o graduates – bihira ang mga guro nila, ang madalas nating tawaging “titser”. Ngayong taon, natawag ang pansin ng publiko sa mga guro dahil sa nangyari sa isang estudyanteng Grade 2 sa isang pampublikong paaralang elementarya sa Taguig. Namatay siya, hinihinalang dahil nalason o tumindi ang tonsilitis at pneumonia. Pinakain kasi siya ng guro niya ng pinagtasahan ng lapis. Ayon sa balita, parusa ito sa kanya –dahil nagsabog siya sa sahig ng pinagtasahan ng lapis – ng guro niyang nagwawalis.
Sa isang banda, karugtong ang balitang ito ng popular na istiryutipo (stereotype) sa midya ng mga guro: naninindak gamit ang nalalaman, mahigpit mandisiplina sa mga estudyante, “terror” kung tawagin, kinakatawan ni Ms. Tapia sa telebisyon at pelikula. Pero sa isang banda, taliwas ito sa pagtingala ng publiko sa mga guro dahil sa kanilang dunong, malasakit, at tatag sa harap ng mahirap pero marangal na propesyon. Alam ang pagtingalang ito ng kampo ni Gng. Macapagal-Arroyo, kaya sa gitna ng matinding krisis pampulitika, ginawa siyang guro isang araw sa harapan ng mga bata at midya.
Mabigat sa loob ang nangyari. Hindi ito krimen ng mga karaniwang kriminal sa ating lipunan na mayaman – negosyante, panginoong maylupa, pulitiko o mataas na opisyal sa militar – o karaniwang kriminal na mahirap. Isang guro ang nakapagdulot na mamatay ang isang bata. Ang naghahanda sa mga bata para sa kanilang kinabukasan ay nakapawi ng kinabukasan ng isang bata. Ang humuhubog sa isipan ng mga bata ay nakakitil sa isipan ng isang bata. Ang nagtuturo ng kabutihang-loob at asal sa mga bata ay nagpakita rito ng mabilis na pag-init ng ulo at ng padaskul-daskol na pagpapasya.
Pero higit pa rito, mabigat sa loob ang nangyari dahil kayang ilarawan ang buhay ng salarin. Malamang ay mahirap siya, hindi kasya ang sweldo para buhayin ang sarili at pamilya. Sang-ayon sa istiryutipo sa mga guro, pwedeng mayroon siyang sideline bukod sa pagtuturo. Lagi siyang pagod sa trabaho at minsan o madalas umiinit ang ulo sa mga problema sa mga pasilidad at estudyante. Pangarap niya ang magtrabaho sa ibang bansa bilang guro o kahit katulong. Nilalaspag ang katawan niya sa paaralan at bahay. Ang buhay niya, sa madaling salita at esensya, ay kahawig ng sa nakakarami sa bansa.
Hindi siya ia-abswelto ng paliwanag na kahirapan sa kanyang krimen. Pero hindi ito isyu lamang ng pag-init ng ulo at maling pagpapasya. O ng maling pamantayan sa mga nag-aaplay maging guro at sa mga guro mismo – katulad ng pinapalabas ng gobyerno. Isyu rin ito ng pagkasadlak ng isang guro – na maraming katulad, sang-ayon sa mga kwento – sa ganoong mentalidad o dispusisyon. At sapat na iyon: Na ang isang tagahubog ng kaisipan ng mga bata ay masadlak sa ganoong bigat ng loob, dilim ng pag-iisip, kitid ng kukote, at kalupitan sa bata. Sapat na iyon para maging isang isyung panlipunan.
Hindi lang dahil hindi matatawaran ang halaga ng guro sa anumang lipunan – na siyang pangkalahatang pagtingin sa mga guro. Ang mismong estudyanteng namatay ay nangarap maging guro. Sinasabing pasimuno siya sa “titser-titseran” ng mga bata sa kanilang komunidad na ipinapatawag niya pagkatapos ng klase. Katulad niya, marami sa atin ang nangarap maging guro – at doktor, abugado, bumbero, karpintero – noong bata. Bihira sa atin noong bata ang nangarap maging stock broker, ahente ng call center o real estate o may-ari ng bangko na pangarap ng maraming nakakatanda ngayon.
Malinaw ang pagkakaiba ng dalawang bungkos ng trabaho. Sa mata ng bata, ang nauna ay direktang tumutulong sa kapwa at nakakapagpasaya, malaki man o maliit ang kita. Ang ikalawa naman ay mga trabahong hindi direktang tumutulong sa mga tao, tiyak na may malaking kita, at nakakapagpasaya lang kapag ipinambibili na ang kita. Malinaw sa dalawa ang pipiliin ng mga bata: Nasa paglilingkod sa kapwa ang kaligayahan ng tao, hindi sa pagkamal ng kita o pananaig sa ka-kumpitensya. Prinsipyong sosyalista ito na malalim na nakatanim sa pagiging guro, gayundin sa mga pangarap natin noong bata.
Pero hindi ang kategorya ng kaisipang ito ang mahalaga. Mas mahalaga ang kung paanong ang mga pumipili sa una – sa paglilingkod at pagtulong sa kapwa – ay pinapatay ng lipunan. O kung paanong itinutulak sila ng lipunang ito na pumatay – bunsod man ng pagkabusabos o desperasyon o ng paglahok sa isang rebolusyon.
24 Marso 2006
Categories: Panlipunan
Isang patunay ng malalim na diskuntento ng taumbayan sa rehimen ni Pang. Gloria Macapagal-Arroyo ang pagkakaisa ng mga nangungunang unibersidad ng bansa sa panawagan para sa kanyang pagbibitiw. Simula pa noong nakaraang taon, ang mga guro ng Unibersidad ng Pilipinas (UP) gayundin ang mga administrasyon ng De La Salle University (DLSU) at Ateneo de Manila University (ADMU), ay pawang tumutuligsa sa rehimen at nagbuo ng panawagan kay Arroyo na magbitiw. Naging tampok din sila sa malakas na pagkondena sa Presidential Proclamation 1017 at sa panawagang alisin ito.
Katulad noong panahong pinapatalsik ng taumbayan sina Marcos at Estrada, lutang na laman ng iba’t ibang pampulitikang pwersang kalaban ng pangulo ang mga personalidad mula sa mga unibersidad na ito. Tampok sa mga pagkilos sa lansangan ng mga alyadong organisasyon ng AnakBayan ang mga estudyante ng UP. Namumuno naman sa mga pagkilos ng alyansang Laban ng Masa ang magkaibigang personalidad ng UP na sina Prop. Francisco Nemenzo, Jr. na dating pangulo ng UP at si Prop. Randy David. Aktibo naman sa Bukluran sa Katotohanan ang mga personalidad ng DLSU at ADMU.
Bagamat nakikilala ngayon sa kanilang tindig sa pampulitikang krisis ang DLSU at ADMU, at bagamat matagal nang nakilala ang UP sa pagiging “sentro ng aktibismo,” sa kabuuan ay konserbatibo ang mga pamantasang ito. Ibig sabihin, mas nag-aambag sila sa pagpapanatili ng sistema at istruktura ng bansa kaysa sa pagbabago nito. Bagamat pawang nakapagpalitaw na ang mga paaralang ito ng mga aktibista at “rebolusyunaryo” – at maging ng mga lider ng mga ito – mas marami pa rin ang nililikha nilang taguyod ng sistema ng bansa. UP din, halimbawa, ang lumikha ng isang Arroyo at Mike Defensor.
Kaya hindi sa katangian ng mga pamantasang ito ipagpapasalamat o uugatin ang ganitong pagtugon nila sa pampulitikang krisis sa bansa ngayon, at ang pagiging kilala sa aktibismo ng UP. Nasa mga partikular at kongkretong pampulitikang pwersa na nakalubog o umuugnay sa mga pamantasang ito ang paliwanag. Nasa pagsisikap ng mga aktibista sa UP ang pagiging kilala nito sa aktibismo. Nasa pagsisikap ng mga sosyal-demokrata o kaibigan ng mga ito marahil ang pagtugon ng DLSU at ADMU sa pampulitikang krisis. O maaari ring sa mga kaibigan dito ng mga pulitikong oposisyon.
Sa ganitong kalagayan mailulugar ang tindi ng kabulukan ng rehimeng Arroyo: Naitulak nito ang nasabing mga pamantasan na magsalita at magkaisa laban sa kanya. Hindi pa man sila kritikal at tutol sa pekeng demokrasya ng mayayaman at makapangyarihan sa bansa, tinutuligsa nila ang pandaraya sa halalan at ang pekeng pangulong iniluklok nito. Hindi pa man sila tutol sa sistemang pampulitikang kontrolado ng mga dayuhan at mga naghaharing uri na siyang ugat ng korupsyon at katiwalian sa pamahalaan, nilalabanan na nila ang korupsyon at katiwalian ng gahamang pangulo at ng kanyang mga tauhan.
Hindi pa man sila tumutuligsa sa pasismong esensyal sa estadong hawak ng mga naghaharing uri, lumalaban na sila sa panunupil sa mga kilos-protesta at paglabag sa karapatang pantao ng mga lumalaban kay Arroyo. Hindi pa man sila naglalantad sa mga ideolohiyang nagkukubli, bahagyang nagtatakip, at lantarang nagbibigay-katwiran sa pagsasamantala at pang-aapi sa nakakarami nating kababayan, kumikilos na sila laban sa pagsisinungaling at panggagago ng pangulo at mga tagapagsalita nito. Sa madaling salita, nagbubukas si Arroyo ng pinto sa kanilang radikalisasyon at lalong pagkamulat.
Mahalaga ring banggitin na nakaluklok sa pamunuan at kaguruan ng mga pamantasang ito ang henerasyong nakasaksi sa aktibismo ng 1960s at sa paglaban ng taumbayan sa Batas Militar ni Marcos. Kung hindi man sila aktibista o naging aktibista, nakasaksi at nakalahok sila sa matitinding pampulitikang pagbabagong naganap sa ating bansa. Matalinong hinala o palagay na napag-iiba sila ng karanasang ito sa mga nauna sa kanila. Kailangan lang tiyakin, lalo na ng DLSU at ADMU, na hindi lamang paglalabas ng pahayag ang alam nila. Kailangan nilang kumilos sa lansangan kasama ng taumbayan.
Iyan ang aral ng dalawang Edsa: Mahalaga ang papel ng mga estudyante at guro sa mga pamantasan, pero hindi sapat. Dapat sumanib sila sa pagkilos ng taumbayan.
11 Marso 2006
Categories: Edukasyon
Praning. Baliw. Buhong. Ilan lamang ito sa mga salitang sumalubong sa Presidential Proclamation 1017 ni Pang. Gloria Macapagal-Arroyo na nagpailalim sa bansa sa “state of national emergency” noong Pebrero 24. Dahil sa deklarasyong ito, marami ang agad naniwalang wala na sa matinong pag-iisip si Arroyo at ang kanyang barkada. Ibinabalik sa gunita ang laging sinasabi noon patungkol sa mga pakana ni Marcos at Estrada bago bumagsak: Ang halimaw na nasusukol, nag-uulol. At ulol na ngang pinawalan ni Arroyo ang matinding panunupil sa mga kalaban niya sa pulitika.
Itinuro at itinuring na dahilan ng proklamasyon ang sinasabing nabunyag na sabwatan sa pagitan ng ilang seksyon ng militar, o ng Armed Forces of the Philippines, at ng NPA o New People’s Army sa pamumuno ng Communist Party of the Philippines. Layunin daw nito na ibagsak ang rehimen ni Arroyo at iluklok ang isang transisyong konseho. Paraan daw nito ang paglulunsad ng mga aksyong militar na kaalinsabay ng mga aksyon ng iba’t ibang grupong pampulitika sa bansa. Bago ang proklamasyon, maugong na ang mga pagkilos sa hanay ng militar para ilunsad ang isang kudetang kontra-Arroyo.
Pansin ng marami ang kaibahan ng bantang kudeta ngayon sa mga katulad nito noon. Una, hayag na hayag itong pinag-uusapan ng iba’t ibang grupo, taliwas sa lihim na pag-uusap hinggil dito noon. Ikalawa, malakas ang pag-uudyok mula sa labas ng militar na sumali sa kudeta, taliwas sa pag-uudyok nito mula sa loob noon. Ikatlo, may paniwalang may matatag na suportang maaasahan ang kudeta ngayon, taliwas sa pagkamuhi rito ng mga tao noon. Gaya nga ng napansin ni Conrado de Quiros, ang mga nakakabatang sundalo ay naniniwalang sasama sa kanila iyung mismong mga namumuno sa kanila!
Ang sanhi ng proklamasyong ito, samakatwid, ay walang iba kundi ang lalong pagdami, paglakas at pagtapang ng kilusan para sa pagpapatalsik kay Arroyo. Nadagdag sa hanay ng mga maralita, nasa panggitnang uri, taong- at lider-simbahan, pulitiko at mga negosyante ang ilang seksyon ng militar. Kung totoo ang mga tuklas ng rehimen, hindi lang handang mag-atras ng suporta o sumama sa mga kilos-protesta – sa mga lugar sa Kamaynilaan, halimbawa – ang mga taong-militar. Handa silang maglunsad ng aksyong militar – ibig sabihin, isugal ang buhay – para patalsikin si Arroyo sa nakaw na pwesto.
Ang patagong pag-amin ng rehimen sa pagsulong ng kilusan para patalsikin si Arroyo ay pag-kumpirma nito na may matitibay na isyu at interes na nasa likod ng kilusan na hindi tinugunan, bagkus ay inatake at binaboy, nito. Dalawang klase ng tao na lamang ang hindi naniniwalang patunay ng pandaraya sa halalang 2004 ang usapang “Hello Garci” – iyung tanga at bayaran. Sa isang beses, sang-ayon si Prop. Winnie Monsod sa pahayag ni Sec. Mike Defensor na kahit ipagpalagay na nandaya si Arroyo sa Mindanao at ibigay sa kalaban ang lamang sa lugar ay panalo pa rin ito. Bulok ang budhi ng mga taong ito.
Ibayong kalabisan lamang ang pandaraya sa nakaraang halalan – pampuno ng salop, wika nga sa pelikula ng yumaong kalaban ni Arroyo. Napakarami pa niyang atake sa buhay at kabuhayan ng karaniwang Pilipino, na pagpapasahol sa mga nagawa ng mga naunang pangulo ng bansa. Kahirapan, gutom, sakit at kamatayan ang epekto ng mga atakeng ito – mga pang-araw-araw na karanasan ng karaniwang Pilipino at hindi maaalis o mababago ng anumang pakulo, pakana o mahika sa estadistika ng rehimen. Sa ganitong mga tao, walang mawawala kung aasa, susugal o lalahok sa kudeta.
Sa galit nila kay Arroyo, humahawak na rin ng armas sa NPA ang marami sa kanila.
04 Marso 2006
Categories: Anti-Gloria
Sa mga pelikulang aksyon, may karakter na mas nakakainis pa kaysa sa kontrabida. Iyan ang adelentado at mapusok na alalay o sidekick ng kontrabida. Madalas natin siyang nakikitang nagagalit at mabilis na humuhugot ng baril para lamang pigilan at ngitian ng kontrabida. “Huwag!” – iyan ang laging pagpigil ng kontrabida. Marahil, pinapatampok ng ganitong karakter ang isang masamang posibilidad sa isang alalay: ang magsikap na higitan ang kanyang amo para magmukhang siya ang (kontra)bida. Pinapayagan naman siya ng kontrabida dahil sa huli, alalay siya at alalay lamang.
Dahil sa pag-igting ng krisis pampulitika – sa pagdami at paglakas ng mga tumutuligsa at nagpapabagsak sa rehimen ni Pang. Gloria Macapagal-Arroyo – lalong nakikita ang mga desperadong taktika ng rehimen para kapit-tukong manatili sa pwesto. Isa na rito – para marahil ilihis ang pansin ng madla mula kay Arroyo mismo – ang pagpapalutang ng mga adelentado at mapupusok na alalay. Tampok dito ang dalawang Gonzales: Raul at Norberto. Parehong matandang makutata at napagkakamalang sira na ang ulo. Tuwing nagsasalita, sinisira nila ang buhay-pulitika nila. Pero matanda na sila, kaya ayos lang.
Mas nakakabwisit iyung mga nakababatang alalay na malinaw na ambisyoso sa pulitika.
Si Michael “Mike” Defensor, halimbawa. Mabuti naman at nailipat na siya sa Presidential Management Staff, mula dati sa Department of Environment and Natural Resources. Malinaw namang pamumulitika lang ang papel niya sa gobyerno noon pa man. Sa pag-ugong ng banta ng kudeta nitong mga nakaraang linggo, minsang naisulat sa dyaryo ang pahayag ni Defensor na katulad ng bulalas at buladas ng ambisyosong alalay ng isang kontrabida. Aniya, lalaban ang kasalukuyang rehimen kung gagamitan ito ng dahas ng mga kalaban. “Lalaban kami nang apoy sa apoy” (“We will fight fire with fire”).
Hindi dapat palampasin ang pahayag na ito. Pahayag ito ng isang taong hindi na magpapakumbinsi, marami man ang magsalita o kumilos sa lansangan sa posisyong taliwas sa kanya. Dahil tiyak namang mulat na maniobra ng rehimen ang pagpatay sa katotohanan sa kasong impeachment sa Kongreso, ang ganitong pahayag ay rurok ng kahibangan at kapalaluan ng rehimen. Pagsasabi ito na gagawin ng rehimen ang gusto nito dahil kaya nitong gawin iyon. Ibig sabihin, pagsasabi ito na mananatili ito sa nakaw na kapangyarihan dahil kaya nitong gumamit ng pwersa – wala nang kung anu-ano pa.
Rurok ito ng kapal ng mukha ni Defensor at ng mga tao sa rehimen. Kung ibabatay sa usapang “Hello Garci,” malinaw na sistematiko ang plano sa pandaraya sa halalang 2004, sangkot ang kung sinu-sino sa mga alaga at alagad ng rehimen – kasama marahil si Defensor mismo. Iyan ang dahilan sa agad na pagpatay ng rehimen sa kasong impeachment sa Kongreso noong Setyembre sa isang dula-dula – na pangalawang kakapalan ng mukha ng mga tao sa rehimen. Nandaya sa halalang 2004, ibinasura ang kasong tatalakay sa isyu – pagkatapos, nagsabi pang “lalaban nang apoy sa apoy”?
Ibig sabihin nito, igigiit ng rehimen ang pananatili sa kapangyarihan, kahit alam nito at alam ng taumbayan na wala itong lehitimo at moral na awtoridad para manatili sa pwesto. Hindi ko maubos-maisip kung paano nila binibigyang-katwiran sa sarili nila ang ganitong mga aksyon at pahayag. Kailangan nilang ipagtanggol ang kanilang yaman at kapangyarihan? Ayaw ni Arroyo na matulad sa sinapit sa pagtingin ng madla at kasaysayan kay dating Pang. Joseph Estrada kung sakaling magbibitiw siya? Taimtim siyang naniniwala na siya ang Mesiyas na magpapaunlad sa ekonomiya ng bansa?
Kung anuman, malinaw na ang rehimeng ito ay nagdudulot ng walang-kaparis na paghihirap at pagkabusabos sa taumbayan. Sinasalaula nito ang lahat ng institusyon – kahit pa sabihing bulok nga – ng pulitika at gobyerno sa bansa. Trahedya ang suma tutal na epekto ng rehimeng Arroyo sa taumbayan. Mahalagang idagdag ang sinabi ni Lito Atienza, mayor ng Maynila, sa pagbibigay-babala sa mga rallyista na huwag pumunta sa Mendiola: “Ayaw naman nating maulit ang nangyari noong 1987” – nang ang tinutukoy ay walang iba kundi ang masaker ng mga magsasaka sa Mendiola sa taong iyon.
24 Pebrero 2006
Categories: Edsa People Power
Dapat bang seryosohin si Manoling? Ito ang unang tanong na sumagi sa isip ko sa pagbasa sa mga huling pahayag sa dyaryo ni Manuel “Manoling” Morato – kilalang dating pinuno ng Movie and Television Review and Classification Board (MTRCB) at pinuno ngayon ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO). Tila isang beses lang siyang nagsalita nang may progresibong posisyon – ang pagbibitiw ni Pang. Joseph Estrada noong 2000 – at para pa sa mababaw na dahilan ng moralidad. Lagi’t lagi, konserbatibo ang posisyon niya sa mga isyung pinili niyang labasan ng mga pahayag.
Pero hindi ang laging pagiging konserbatibo niya ang dahilan ng pagtatanong kung dapat siyang seryosohin. Hindi rin ang kakatwang itsura niya sa kanyang moralistang pagtatanggol ng mga konserbatibong posisyon sa paraang nagpapaalala ng istiryutipo (stereotype) ng mahaderang bakla. Hindi rin ang kontrobersyal na pagsalpok niya sa mga palabang personalidad katulad nina Armida Siguion-Reyna at Miriam Defensor- Santiago . Naitatanong kung dapat siyang seryosohin dahil sa mga argumento niyang inilalahad nang magiit gayung hinugot sa kung saan-saan at mali-mali ang mga batayan.
Nitong huli, tinuligsa ni Manoling ang Catholic Bishops Conference of the Philippines (CBCP) sa pahayag nito noong Enero 29 na kritikal kay Pang. Gloria Macapagal-Arroyo. Aniya, umuulit ang kasaysayan: Ihinalintulad niya ang CBCP sa mga prayle sa panahon ni Jose Rizal na nagpatakbo hindi lamang sa simbahan kundi maging sa gobyerno. Kaya naman daw nagalit ang taumbayan sa kanila. Nagsasalita raw ang CBCP sa mga bagay na labas na sa kaalaman at tungkulin nito. Mas dapat daw nitong tutukan ang paglilinis sa sariling hanay – sa mga kasong sekswal ng mga kasapi nito, halimbawa.
Pilit na pilit ang paghahalintulad niya sa huling ginawa ng mga obispo ng CBCP sa pamamalakad ng mga prayle sa bansa noong panahon ng kolonyalismong Espanyol. Hindi ang CBCP ng Enero 29, 2006 ang katulad ng mga prayle kundi ang CBCP ng Hulyo 10, 2005 – na nangaral sa kanilang mga tupa ng kapayapaan at hindi nanawagan ng pagbibitiw ni Arroyo sa harap ng pagsisinungaling, pandaraya, at pagnanakaw ng kampo nito. Sa ikalawa, nasa panig sila ng anti-maralita at maka-dayuhang rehimen. Sa una – tulad sa Edsa 1 at 2 – nasa panig sila ng taumbayang lumalaban sa rehimeng ito.
Kung papansinin ni Manoling, hindi galit ang inaani ng CBCP sa taumbayan dahil sa huling pahayag nito. Ngayon, mas nakikita silang kasama ng pagkilos ng iba’t ibang seksyon ng lipunan, kasama na ang maralita. Mas dapat alalahanin ang imahe, hindi ng mga prayle noong panahon ng pananakop ng Espanya sa bansa, kundi ng mga madre at pari sa harapan ng mga pagkilos noong panahon ng Batas Militar (Martial Law). Marami sa kanila ang kasama noon sa mga mobilisasyon, welga at iba pang aksyong masa. Hindi ang pagkampi kay Arroyo ang katulad ng ganitong karanasan ng bansa.
Nagsasalita raw ang CBCP sa mga bagay na labas sa kaalaman at tungkulin nito. At sino ang may alam at tungkuling magsalita hinggil sa pagsisinungaling, pandaraya at pagnanakaw? Si Manoling? Siya na himod-tumbong kay dating Pang. Fidel Ramos at ngayon ay kay Arroyo? Paanong magkakaroon ng kaalaman at tungkulin sa ganitong bagay ang taong ang interes ay makinabang sa ganitong kalakaran? Hindi hamak namang mas may kaalaman at tungkulin sa ganitong bagay ang mga obispo. Hindi tulad ni Manoling, may tamang tindig sila sa mahahalagang yugto ng kasaysayan ng bansa.
Diyan magaling si Manoling: sa moralistang pagbira sa pagkatao at hindi sa pahayag ng kalaban. Ginagaya niya si Kristo Hesus sa pagsasabing ang unang dapat magpukol ng bato sa kapwa ay siyang walang kasalanan. Pero sa hanay ng mamamayan ipinangaral ito ni Kristo Hesus, hindi sa ugnayan ng mamamayan at ng bulok na gobyerno noon. Si Kristo Hesus mismo ay rebelde sa kanyang panahon, kaya nga ipinako sa krus. Matalas siyang nagsalita sa kawalan ng katarungan sa kanyang panahon. Kung bawal magsalita ang minsang “nagkasala” sa iba’t ibang paraan, walang mangyayari sa bansang ito.
Dapat bang seryosohin si Manoling? Dapat naman. Sa pagseryoso sa kanya, lalong nakikita ang kabulukan ng kung anu-anong pahayag ng kung sinu-sino sa midya.
14 Pebrero 2006
Categories: Personalidad

Buhay at patay: Parehong biktima ng Wowowee Stampede
Categories: Panlipunan
Kahirapan ang madaling naging bukambibig sa pagpapaliwanag sa nangyari sa unang anibersaryo ng palabas na Wowowee nitong Pebrero 4. Dahil sa kahirapan, nagbaka-sakali ang libu-libo nating kababayan na sumali at manalo sa mga palaro ng nasabing programa – na nangakong magbibigay ng maraming papremyo sa pagdiriwang nito. Kailangan nga lamang pumila: Kaya dumating ang mga pinakamaaga tatlong araw bago ang programa. Marami ang nagbaon na ng pagkain, tubig at tulugan. Kahirapan, sa kahuli-hulihan, ang dahilan sa pagkamatay ng mahigit 70 at pinsala sa mahigit 250 pa.
Madaling maunawaan ang ganitong paliwanag. Dahil tuluy-tuloy na lumiliit ang kita ng karaniwang tao, dumadausdos din ang kalidad ng pagkain niya: Mula sa dating galunggong, gulay at sardinas hanggang sa instant na pansit kanton ng marami ngayon. Kilalang masayahing tao ang mga Pilipino, pero rumurok nitong huli ang bilang ng nagpapakamatay sa atin, habang lumalaganap ang mga daing at kawalan ng pag-asa. Habang walang ibinibigay na serbisyong panlipunan ang gobyerno, lalo nitong pinipiga ang buwis sa karaniwang tao. Walang mawawala sa kanya kung subukan ang tsamba.
Pinakamalapit na maihahambing ang pagguho ng bundok ng basura sa Payatas noong 2000 na pumatay ng daan-daang maralitang nakatira doon. Sa pagsisikap mabuhay, namamatay ang mga Pilipino – sa masasaklap na pagpapamukha ng pagiging bulok ng gobyerno at mga naghaharing uri sa bansa. Pawang nagpapatotoo ang Payatas 2000 at Ultra 2006 sa sinabi ng isang pilosopo na “Ang mga krisis ay kinakatangian mismo ng katotohanang ang luma ay namamatay na at ang bago ay hindi pa maisilang: sa ganitong pagitan, maraming klase ng nakakarimarim na sintomas ang lumilitaw.”
Nakakapagduda, gayunman, kapag nagkakaisa ang iba’t ibang grupo sa pagsasabing kahirapan ang sanhi ng trahedya. Totoo, pero hindi buong katotohanan. Hindi lamang kulang ang ganitong paliwanag. Sa pinakamasahol, pinagtitibay nito ang pagtingin ng mga naghaharing uri at pinapalaganap sa midya na ang maralita o ang tinatawag na “masa” ay magugulo – hindi sumusunod at bagkus ay lumalaban sa kaayusan. Sa ganitong paliwanag, abswelto na ang mga naghaharing uri na may responsibilidad sa nangyari. Lumilitaw na ang gusto lamang nila ay “magpasaya” sa mga kababayan natin.
Totoong-totoo, pero hindi buong katotohanan. Gustung-gusto ng mga kumpanya sa telebisyon na magpasaya sa ating mga kababayan dahil kaakibat nito ang kanilang kita o ganansya. Partikular sa palabas na ito, napili nilang taktika – para habulin ang kalabang nangunguna – ang pamimigay ng marami at malalaking papremyo sa mga kalahok at manonood. Dahil hindi nila kayang talunin sa pagpapatawa ang kalaban, hinahabol nila ito sa pagpapaulan ng pera. Sa likod ng mapagkawanggawang retorika, malinaw nilang pinag-iisa ang kaligayahan ng tao at ang pagkakaroon ng pera o yaman.
Nagtagumpay sila. Pero nanawagan sila ng kapangyarihang hindi nila kayang kontrolin. Noong hindi natuloy ang pangakong pamimigay ng tiket sa pagpasok at palaro noong 6:00 ng umaga, nainip ang tinatayang 50,000 kataong naghintay sa labas. Nagtipon sila sa harap ng pasukan at naggiit na makapasok. Pinapasok sila ng mga gwardya. Pagkatapos, inanunsyo na 17,000 katao lang ang makakapasok. Sa puntong ito naggiit at nagtulak ang mga nasa likod. Bumigay ang pasukan noong 6:45 ng umaga, kasabay ng malakas na patugtog ng musika. Sinasabing apat na patong ng bangkay ang naiwan.
Kailangang balansehin ang kahirapan at pananagutan sa pagpapaliwanag sa naganap. Kahit sa ganitong kwento, malinaw na may mga hakbanging maaaring ginawa para ayusin ang hanay ng mga manonood pero hindi ginawa. Hindi naging sensitibo ang mga organisador sa kinahantungan ng pang-aakit nila sa mga maralitang nagtipon sa labas ng kanilang palabas. Ginatungan pa ito ng ininterbyung “sosyologo” ng parehong istasyon: Dahilan din daw ang “pagkamakasarili” ng mga maralita sa nangyari. Hindi nila nauunawaan ang pwersa ng pangarap, pananampalataya, at pag-asa ng mga maralita.
Sa isang sikolohikal na yugto, sinabi pagkatapos ni Willie Revillame: “Sa inyo na ang ratings”. Lumabas din ang totoo: Hindi nagagalit-naggigiit at naiipit-namamatay ang ratings.
05 Pebrero 2006
Categories: Panlipunan