Kapirasong Kritika

June 27, 2007 · 2 Comments

hzinn.jpg

May makabuluhang aral para sa mga Pilipino — sa gitna ng mapanupil na rehimen ni Arroyo — ang progresibong intelektwal na Amerikanong si Howard Zinn.

Categories: Pampulitikang Panunupil

Isang Bilyong Pisong Dagdag sa Pondo

June 27, 2007 · Leave a Comment

Sa kulturang Pilipino, kinakatawan ng magulong buhok ang problema sa utak o masamang budhi ng isang tao, o pareho. Ang baliw, mangkukulam, aswang, sira-ulong mamamatay-tao, at maging ang bagong gising na hindi dapat biruin, ay kadalasang inilalarawang mayroong magugulong buhok. 

Kaya naman angkop na angkop ang itsura ni Pang. Gloria Macapagal-Arroyo sa telebisyon noong isang araw. Sa Isabela, idineklara niya ang pagbibigay ng isang bilyong piso (P1 B) sa paglaban ng gobyerno at Armed Forces of the Philippines sa rebeldeng New People’s Army. Aniya, gagamitin ang pondong ito sa pagbili ng mga helicopter at iba pang armas-militar para durugin ang NPA. Masyadong mahaba, aniya, ang naunang inanunsyong target ng gobyerno sa pagdurog sa NPA na sampung (10) taon. Kaya raw durugin ng gobyerno ang NPA sa loob lamang ng dalawang (2) taon – ibig sabihin, hanggang sa tinatanaw niyang katapusan ng kanyang termino sa 2010. Sa midya sa mga sumunod na araw, kinilala ang pahayag ni Arroyo bilang deklarasyon ng todong gera (all-out war) laban sa mga rebelde. Palaban ang mga salita sa pagtatalumpati ng pangulong magulo ang buhok. 

Sumuporta, syempre, si Presidential Management Staff Secretary Michael “Mike” Defensor. Katulad ni Arroyo, tiwala siyang kayang durugin ang NPA sa loob ng apat (4) na taon. Pero magagawa raw ito hindi lamang sa pamamagitan ng mga opensibang militar. Kailangan din, aniya, ang pagbibigay ng mga proyektong pangkabuhayan sa mga komunidad sa kanayunan na kinikilusan ng NPA. Kailangan niyang sabihin ito – at balansehin ang purong militaristang hakbanging sinabi ni Arroyo – dahil puhunan niya sa paghahanap ng mga posisyon sa gobyerno ang pagiging dating aktibista niya. Ito ang naging tuntungan niya sa pagpuna sa aksyong protestang ginawa nina Ma. Theresa Pangilinan kamakailan. Aniya, mas may paggalang sila noong mga aktibista sila. Na nagpapaalala ng sinabi ni Prop. Luis V. Teodoro hinggil sa kanya: Nagsisinungaling siya o hindi niya alam ang kilusang sinalihan niya.    

Maagap ang mga tugon at tuligsa sa pahayag at patakarang ito ng rehimeng Arroyo. Ayon sa pananaliksik, 40% ng pondo ng gobyerno ang napupunta lamang taun-taon sa kurakot – pangunahin, tiyak, ang matataas na opisyal ng burukrasyang sibil at militar. Kaya makabuluhang basahin ang paglalagak ng P1 B sa militar bilang pagpapalaki ng kurakot ng mga opisyal sa larangang ito ng gobyerno, o ng kurakot na makukuha sa mga pamamaraang narito. Kahirapan, pagsasamantala, pang-aapi at pagkabusabos ng nakakarami sa ating mga kababayan ang matabang lupa para sa rebelyon ng mga NPA. Kaya naman ipinapakita ng kasaysayan na kinaya nitong mabuhay, at lumago pa nga, sa ilalim ng mas mapanupil na rehimen ni Marcos, halimbawa. Kaya rin naman nakakabahala – at nakakagalit – na militarista at patay-kung-patay ang solusyong ihinahain ng ekonomistang pangulo ng bansa. 

Bagamat tiyak na bahagi ang pahayag-patakarang ito ng matagalang plano ng gobyerno para labanan at supilin ang rebolusyunaryong kilusan sa bansa – kasama, tiyak, ng pagpatay sa mga aktibista sa mga ligal na organisasyon – sa balangkas ng paglaban sa “terorismo”, may partikular na gamit dito ang rehimeng Arroyo. Iyan ay ang pahinain ang kilusan para patalsikin si Arroyo sa pwesto. Mangyari, pinatunayan na ng kasaysayan na ang Kaliwa ang matatag at masigasig sa pangunguna sa pagpapatalsik kina Marcos at Estrada – bagamat nawala sa eksena sa dulo ng pagpapatalsik sa una. Simula pa lamang ng pananalasa ng mga rehimeng ito ay nagpoprotesta na ang Kaliwa. Sa patuloy na pagkalantad ng mga kabulukan ng mga rehimeng ito, nahikayat at nahatak nito ang iba pang pwersang pampulitika na sumuong sa mas matapang na paglaban sa mga rehimeng ito hanggang napatalsik.  

Pinakamatatag at pinakamasigasig na pwersa sa malapad na nagkakaisang prenteng kontra-Arroyo ang Kaliwa. At ang ganitong taktika ng pag-atake sa Kaliwa ay angkop sa isang pagtaya sa sitwasyong nagsasabing nasa pinakamahinang antas ngayon ang nasabing malapad na nagkakaisang prente. Ibig sabihin, sa pagbasa at pagtaya ng rehimen, mahina – at, sa harap ng halalan sa 2007 na hihigop ng mga pulitiko pabalik kay Arroyo, papahina – ang kilusan para sa pagpapatalsik kay Arroyo. Kaya pwedeng birahin ang Kaliwa nang hindi natatakot ang rehimen na mailalagay sa panganib ang pagkapit-tuko nito sa kapangyarihan. Kaya naman kabi-kabila ang pagpapakita ng rehimen ng “normalidad” sa pagtakbo ngayon ng gobyerno. Kaya rin naman lumutang talaga sa balita ang “pag-buska” kay Arroyo ng mga estudyante at manggagawang pangkalusugan sa Philippine General Hospital kamakailan.  

Sa kanyang aklat na You Can’t be Neutral on a Moving Train (1994), ipinaliwanag ng Amerikanong progresibong historyador na si Howard Zinn kung bakit sa nakaraang siglo, palaging nasosorpresa ang mga tao at tagamasid sa pagsulpot ng mga progresibong kilusang masa sa buong mundo. “Tayo ay nagugulat dahil hindi natin nakikita na sa ilalim ng paimbabaw ng kasalukuyan, nariyan ang mga pantaong materyal para sa pagbabago: ang sinusupil na pagkondena, ang sentido kumon, ang pangangailangan sa komunidad, ang pagmamahal sa mga bata, ang pasensya para maghintay sa tamang yugto para kumilos kasama ang iba. Ito ang mga elementong sumusulong sa harapan kapag ang isang kilusan ay lumilitaw sa kasaysayan.” Sa aroganteng pagbasa nito sa kasalukuyan, kinakalimutan ng rehimen Arroyo ang napakaraming aral ng kasaysayan. Magbabayad ito nang mahal.

25 Hunyo 2006

Categories: Pampulitikang Panunupil

June 27, 2007 · 2 Comments

sllamas.jpg

Si Sotero Llamas, dating lider ng Communist Party of the Philippines: Pinaslang ng rehimeng Arroyo.

Categories: Pampulitikang Panunupil

Magkano ang Buhay ng Aktibista?

June 27, 2007 · 2 Comments

Hindi na maikakailang pambansa, sistematiko at tuluy-tuloy ang pamamaslang sa mga aktibista sa ilalim ng rehimen ni Gloria Macapagal-Arroyo. Sinasabing kulang-kulang anim na daang (600) aktibista – kasapi at lider ng mga organisasyon, taong simbahan, abogado at iba pa – ang pinaslang simula noong 2001. Kadalasang ang gumagawa ay iilang armado – tinatawag na ngang “death squads” – na may tiyak na impormasyon kung nasaan ang kanilang target. Para sa mga sumusubaybay sa isyu, usap-usapan na kung sino ang huling pinatay kanina, kahapon, noong isang araw o linggo, at saan 

Taliwas sa naunang akusasyon ng gobyerno, partikular ni National Security Adviser Sec. Norberto Gonzales, ang mga layuning mababakas sa mga pagpatay ay nagtuturong ang gobyerno ang nasa likod nito, hindi ang Kaliwa o ang Partido Komunista ng Pilipinas. Sa publiko, naghahasik ng takot ang pamamaslang – para huwag sumali o tumulong sa mga aktibistang organisasyong kinabilangan ng mga pinatay. Sa organisasyon ng mga aktibista, nanggugulo ang pamamaslang, bagamat maaaring panandalian lamang. Sa ganitong mga paraan din tinatamaan ang kilusan para sa pagpapatalsik kay Arroyo.  

“Internal na pagpupurga” ang tawag ni Gonzales sa akusasyon niyang ang PKP, sa pasimuno ni Jose Ma. Sison, ang gumagawa ng pamamaslang. Pinagdugtong niya ang bansag na “terorista” kay Sison at ang pagpatay ng PKP sa mga kasapi nito noong unang bahagi ng dekada 1980. Pero hindi PKP, o mga aktibistang organisasyon, ang makikinabang sa mga layuning nasa itaas. Bukod pa rito, sinumang nag-aral ng kasaysayan ng PKP ang makakapagsabing puspusang tinuligsa ng PKP mismo ang pagkakamali nito. Noong rumaragasa ang trahedyang ito, si Sison ay nasa bartolina.  

Sa ganitong pagtingin, malaking kasinungalingan at tusong pakana ng rehimen ang pagsasabing ang PKP o mga aktibistang organisasyon ang salarin sa mga pagpatay. Gayundin ang pagsasabing ang mga anti-Arroyong elemento sa militar – na diumano’y nakipag-alyado sa Kaliwa para patalsikin si Arroyo – ang nasa likod ng pamamaslang. Gustong sagarin ng rehimen ang pakinabang sa pamamaslang at pasamain sa opinyong publiko – at sa gayon ay ihiwalay para lalong birahin – ang nangungunang mga kalaban nito. Pero hindi niyayakap ng opinyong publiko ang ganitong mga paningin.  

Kaya grabeng kasamaan ang ipinakita ng rehimen sa pagpatay kay Sotero Llamas. May partikular na motibo ang pagpatay sa kanya: Ang palabasing totoo ang kasinungalingan ng rehimen. Paano, kilala si Llamas na dating lider ng PKP na nitong huli ay tumakbong gobernador ng Albay – na, sa mata ng publiko, ay pagdistansya sa PKP. Sa pagpatay kay Llamas, gustong palabasin ng rehimen na pinapatay ng PKP ang mga lumalayo rito, na hindi nito matanggap ang pagsalungat ng opinyon, na wala itong sinasanto, at – sang-ayon sa akusasyon ng rehimen – gusto nitong patayin si Arroyo at iba pang pulitiko.  

Grabeng kasamaan ito. Hindi pagtigil sa pamamaslang ang naging tugon ng rehimen sa paglakas ng opinyong publiko laban dito, kundi pagsasamantala at pagsisinungaling: Pagbira sa kalaban, at pagsasabing ang mga biktimang organisasyon ang salarin. Para bigyan ng buhay ng katotohanan ang kasinungalingan, pinag-alayan ito ng bagong dugo. Malaon nang ipinakita ng rehimen na wala itong pagpapahalaga sa katotohanan. Ngayon, ipinapakita rin nitong wala itong anumang pagpapahalaga sa buhay. Tanging interes na magkapit-tuko sa yaman at kapangyarihan ang nananaig dito ngayon.  

Sa duwag at patraydor na pagpatay ng rehimen, gayunman, lumulutang ang matapang at prinsipyadong buhay ng mga pinatay. Karaniwang tao silang inilaan ang buhay, lakas at talino para sa hindi karaniwang pagbabagong kailangan ng ating lipunan. Sa pagpatay sa kanila, dapat managot ang mga kriminal. Higit pa rito, gayunman, sa halaga ng buhay nila, dapat baguhin ang sistemang nagluluwal at bumubuhay sa mga kriminal.  Ayon nga sa makatang si June Jordan, “Itinutulak ng kasaysayan ang mga dinahas sa karahasan at, isa sa mga araw na ito, ang karahasan ay literal na maghuhudyat ng katapusan ng karahasan bilang paraan”. 

Magkano ang buhay ng aktibista? Mahal. Kabulukan ng lipunan ang isinasakdal.

11 Hunyo 2006  

Categories: Pampulitikang Panunupil

June 27, 2007 · Leave a Comment

rconstantino.gif

Bukod sa pagbibigay ng edukasyon ng estado bilang karapatan sa lahat ng mga mamamayan, kailangan, ayon sa makabayang intelektwal na si Renato Constantino, ang re-oryentasyon ng sistema ng edukasyon ng bansa para maging makabayan.

Categories: Edukasyon

Tumataas na Matrikula (2)

June 27, 2007 · Leave a Comment

Ang pagbebenta sa edukasyon na katulad ng anumang karaniwang kalakal o paninda – ito ang tinatawag na “komersyalisasyon” (commercialization) o “komodipikasyon” (commodification) ng edukasyon. Ang pag-iral ng matrikula at iba pang bayarin ay patunay ng komersyalisasyon ng edukasyon, at ang tuluy-tuloy at taun-taong pagtaas ng mga bayaring ito ay patunay naman ng pagtindi ng komersyalisasyong ito sa bansa.  

Inaatake at binabangga ng komersyalisasyon ng edukasyon at ng pagtindi nito ang karapatan sa edukasyon ng taumbayan. Bilang karapatan, ang edukasyon ay dapat tinatamasa ng taumbayan – mayaman man o mahirap, may kakayahan mang magbayad o wala. Pero sa kalagayang may bayad ang mag-aral, hindi natatamasa ng lahat bilang karapatan ang edukasyon. Nagiging pribilehiyo ito ng iilang maykayang magbayad.  

Ayon nga sa progresibong ekonomistang si Samir Amin sa kanyang librong Obsolescent Capitalism (2003), “Ang komodipikasyon at pribatisasyon ng edukasyon ay isang tiyak na landas tungong mas matinding kawalan ng pagkakapantay-pantay at isang lipunan ng pangkalahatang apartheid. Bagamat tiyak na kailangan ng sariwang sipat sa edukasyon, ang landas ng pribatisasyon ay hindi magdadala ng lunas sa mga suliranin.”  

Apartheid ang patakaran sa South Africa ng gobyerno ng mga puti na mahigpit na naghihiwalay sa mga mamamayang itim at puti ng nasabing bansa, at nagsasadlak sa mga itim sa pagtrato bilang mga segunda-klaseng mamamayan. Wasto ang paggamit dito ni Amin para ilarawan ang epekto ng komersyalisasyon ng edukasyon: Ang mayaman ay lalong yumayaman, habang nananatiling mahirap ang maralita.  

Ang kailangan para matamasa ng taumbayan ang edukasyon bilang karapatan ay ang ipagkaloob ito ng estado, subsidyuhan nito ang edukasyon para maging serbisyo. Hindi ang ipasa ang bigat ng pagpondo sa edukasyon sa taumbayan – na siya na ngang komersyalisasyon ng edukasyon. At hindi rin ang ipasa ang tungkuling magbigay ng edukasyon sa mga pribadong entidad, na ang tanging layunin ay kumita, hindi magturo.  

Taliwas dito, gayunman, ang ginagawa ng estado ngayon ay patindihin lamang ang komersyalisayon ng edukasyon. Sa halip na taasan nito ang subsidyo sa edukasyon – sa mga paaralang elementarya, hayskul at pang-kolehiyo – ay patuloy pa itong kinakaltasan sa mga huling taon. Katulad ng kalusugan at pabahay, ang edukasyon ay tumatanggap ng mababang subsidyo pabor sa pambayad sa utang panlabas ng bansa.   

Sa pamamagitan ng Education Act of 1982, pinapayagan nito ang mga pribadong paaralan na walang-sagkang magtaas ng matrikula. Taun-taon, iba’t ibang pakulo ang ginagawa ng mga ito para ilusot ang pagtaas ng matrikula. Pinakahuli ang Commission on Higher Education Memorandum No. 14, na nagbabalewala sa paglulunsad ng konsultasyon sa mga estudyante kapag ang pagtaas ay mas mababa sa inflation rate. 

Sa larangan ng edukasyong pangkalusugan, palaging tanong sa mga argumentong ganito ang pakinabang ng bansa: Ano ang pakinabang ng bansa kung tataasan ang subsidyo sa edukasyong pangkalusugan? Lumalabas lamang ng bansa ang mga nakakapagtapos na doktor at nurse. Sa larangang ito nagiging mas malinaw ang pangangailangan ng isang malaking pagbabago sa sistema ng edukasyon sa bansa. 

Taliwas sa panukalang pagsasabatas ng pagbabawal ng paglabas ng mga doktor o nurse sa bansa, dapat balikan ang panukala ng makabayang historyador na si Renato Constantino hinggil sa pagbabago ng oryentasyon ng edukasyon sa bansa. Kailangan aniya, na baguhin ang kolonyal na oryentasyon ng edukasyon sa bansa na nagsasanay sa kabataan at taumbayan na maglingkod sa interes ng ibang bansa, hindi ng Pilipinas. 

Ang kailangan, aniya, ay isang edukasyong makabayan: Iyung maglilinaw sa interes ng bansa para sa industriyalisasyon at tunay na reporma sa lupa, at maghihikayat ng kagustuhang maglingkod sa mga interes na ito. Ibig sabihin, ang kailangan ay edukasyong kukwestyon at tutuligsa sa kasalukuyang sistema ng edukasyon at ekonomiya na siya ngang naghihikayat ng paglabas ng mga doktor at nurse sa bansa.     

Malalim ang dapat aralin at malaman mula sa malaganap na pagtaas ng matrikula.

02 Hunyo 2006

Categories: Edukasyon

June 27, 2007 · Leave a Comment

tuitionprotest.jpg

Dahil sa tuition fee increase, lumulusob sa lansangan ang mga estudyante’t kabataan, salubungin man ng panunupil ng rehimeng Arroyo.

Categories: Edukasyon

Tumataas na Matrikula (1)

June 27, 2007 · 1 Comment

Simula pa lang ng Mayo ngayong taon ay pinag-uusapan na ang pagtataas ng matrikula sa darating na Hunyo ng napakaraming paaralan sa Metro Manila at sa buong bansa.  

Bunsod ito, sa isang banda, ng hirap ng buhay: bukod sa palagiang batayan, sinasabi ng huling survey ng Social Weather Stations (SWS) na tumitindi ang gutom sa bansa. Bunsod din ito ng sitwasyong napakaraming paaralan ngayon, na mas marami kumpara sa ilang nakaraang taon, ang nagpapanukala ng pagtataas ng kani-kanilang matrikula. Marahil, dahilan din ang pagmamatyag ng rehimen at madla. Estudyante at kabataan kasi ang tatamaan ng pagtaas ng matrikula – silang marami sa Edsa 2 na nagpatalsik kay Estrada. Sa tindi ng kapraningan ng rehimeng Arroyo, tiyak na nagmamatyag ito. 

Ipinapaliwanag ng mga paaralan ang pagtataas ng matrikula – minsan sa paraang tila nagsusumamo at humihingi ng pang-unawa – sa batayan ng pagtaas ng mga gastusin sa mga pasilidad ng paaralan at ng pagtataas diumano ng sweldo ng mga guro’t kawani. Kakatwa ang mga batayang ito: Sa mga pribadong paaralan dahil nakikitang hindi sa pasilidad at pasahod napupunta ang nalilikom sa pagtaas, kundi sa tubo ng mga kapitalista-edukador. Sa mga pampublikong paaralan dahil tungkulin ng estado na ibigay ang sinasabing pangangailangan para sa pagmamantine at pagpapaunlad ng pasilidad.  

Higit pa rito, gayunman, kinakaligtaan sa ganitong pagdadahilan na higit pa sa mga negosyo o institusyon, mas matinding tinatamaan ng pagtaas ng presyo ng mga bilihin at pagliit ng halaga ng sahod ang mga pamilyang Pilipino. Sa pagdadahilan ng mga paaralan, para bagang sila lang ang umiinda sa krisis pang-ekonomiya ng bansa. Mas matindi, gayunman, ang kagipitang dinaranas ngayon ng bawat pamilya: kawalan ng trabaho at malawakang tanggalan sa trabaho; mababang sahod; mataas na buwis; mahal na bilihin, pamasahe, tubig at kuryente; mahal na gamit sa paaralan; at iba pa.   

Napapabalita na ang mga epekto ng patuloy na pagtaas ng matrikula sa mga paaralan. Isa na rito ang paglipat ng mga mag-aaral mula sa mga pribadong paaralan patungong pampubliko. Paglunok ito ng mga magulang at anak sa kalidad ng edukasyon sa mga pampublikong paaralan – na tinitingnan ng marami, lalo na ng gobyerno at mga employer sa pagtanggap ng mga aplikante – na mas mababa sa kalidad ng pribado. Ang kilabot na dala ng balitang ito, lalo na sa mga nasa panggitnang uri, ay patotoo sa mga nakakahilakbot na kwento at kaso ng pagsadsad ng mga pampublikong paaralan. 

Mas matinding epekto pa rito, gayunman, ang pagtigil sa pag-aaral ng mga estudyante. Gobyerno mismo ang naglabas noon ng datos na sa 100 pumapasok sa elementarya, 10 lang ang nakakapagtapos sa kolehiyo – nababawasan sa bawat baytang. Lahat ng pamilya, sa pangarap na yumaman o guminhawa, ay tumatanaw sa pag-aaral bilang paraan. Ito rin ang payo ng gobyerno, negosyo at mga paaralan. Sa pagkitil sa mga pangarap ng mga maralita, ipinapakita ng edukasyon kung paanong bahagi rin ito ng lipunan kung saan yumayaman ang mayaman at lalong naghihirap ang mga maralita.   

May epekto rin ang mataas na matrikula sa mga nananatiling nag-aaral sa paaralan. Pwersado silang ituring ang edukasyon na puhunan, na kailangang bawiin at pagtubuan pagkatapos mag-aral. Kailangang unahin ang sariling interes bago ang bayan. Tampok na halimbawa nito ang sektor pangkalusugan. Dahil sa komersyalisadong edukasyong pangkalusugan, ang mga doktor ay napakataas sumingil kung maiiwan sa bansa. O kaya naman ay nagpupulasan patungong ibang bansa para kumita. Iilang doktor ang nananatili sa bansa, na napakataas pang sumingil sa panggagamot sa kapwa-Pilipino. 

Kaya naman, halimbawa, ang tuberkulosis – na napawi na sa ibang bansa ilang daang taon na ang nakalilipas – ay pangunahing sakit pa ring pumapatay sa mga Pilipino. 

14 Mayo 2006 

Categories: Edukasyon

June 27, 2007 · 2 Comments

ngonzales.jpg

Ang Gonzales na si Norberto: Duwag at masamang tao.

Categories: Anti-Gloria

Biglang-Isip

June 27, 2007 · Leave a Comment

(1) “What’s wrong with this picture?” Tanong ito sa pabalat ng huling labas ng magasin ng Philippine Center for Investigative Journalism (PCIJ). Nasa harapan ito ng larawan, kinuha marahil noong Pebrero 24, ng martsang kapit-bisig nina dating Pang. Cory Aquino at Sen. Loi Estrada – kasama sina Jinggoy Estrada, Franklin Drilon at iba pa. Alam natin ang tinutukoy na ”mali” ng PCIJ: Na ang mga dating magkalaban – tampok noong panahon ng rehimeng Marcos at Estrada – ay ngayo’y magkakampi. Sentimyento ng panggitnang uri: ”Mali” ang salawahan at balimbing na paga-alyansa ng mga pulitiko. 

Malulusaw ang ganitong ideyalismo – hindi nostalgia sa nakaraang katulad lamang ng ngayon – sa pagbabalik sa mga batayan ng pagkakaisa ng angkan ng dalawang pinaka-popular na presidente pagkatapos ni Marcos: Pandaraya sa halalan, katiwalian, kasinungalingan at matinding paglabag sa karapatang pantao. Dahil ipinagpapalagay na mas ”malinis” siya sa pagkakamali, si Aquino ang mas binibira ng ganitong tanong. Pero tiyak na nasa panig ng tama si Aquino ngayon, dahil kinukumpirma ng paghahambing ni Arroyo kay Estrada ang batas ng patuloy na pagsahol ng krisis at kalagayan ng bansa.  

Sa puntong ito ng paglaban ng dalawang dating pangulo – at oo, masasama ring mga pangulo – sa pangulong namumuno ngayon sa panahon ng mas matinding krisis at kalagayan ng bansa, dito makikitang tanong din ang: ”What’s right with this picture? 

(2) “Komunistang Duwag” ang titulo ng maliit na polyetong ikinalat sa mga istasyon ng MRT noong Mayo 1. Nilagdaan ng ”Mamamayan Ayaw sa Komunista” (MAK), tinutuligsa nito ang ”kaduwagan” ng tinaguriang ”Batasan 5” – ang limang kongresistang mula sa mga progresibong party-list. Parang ipis daw na nagtago sa ”kadiliman ng mga sulok-sulok ng Batasan” sina Ocampo, Mariano, Maza, Virador at Casiño dahil ”naduwag” madakip ng gobyerno. Dati raw ay ”malakas ang loob nilang pagsamantalahan ang demokrasya at gamitin ang batas laban sa mga opisyal ng gobyerno” ayon sa pahayag.  

Nagmumula at tumutungo ang ganitong mga argumento sa mga anti-komunista sa bansa. Para sa mga taong ito, ang mga komunista ay hindi pwedeng umiral sa lipunang demokratiko at hindi rin pwedeng gumamit ng mga umiiral na batas. Una sa kanila ang pagiging anti-komunista, hindi ang pagiging taguyod ng demokrasya o batas. Katulad ng mga relihiyosong papatay ng mga hindi naniniwala sa Diyos, matatanggap lamang nila ang pagpapahayag kung hindi nito hahamunin ang itinakda nilang hangganan nito. Kahit pa ang ipinaglalaban ng isang grupo ay kalubusan ng demokrasya at ng diwa ng batas.  

Marami sa mga grupong maka-Kanan at anti-komunista ngayon ay kaisa ng Batasan 5 sa paglaban sa rehimeng Arroyo. Iisa ang tampok na kalaban ng Batasan 5, galit na galit dito, maka-Arroyo at maraming pondo para maglabas ng polyeto: Ang grupo ni National Security Adviser Norberto Gonzales, ang Partido Demokratiko-Sosyalista ng Pilipinas (PDSP). Dating anti-Marcos si Gonzales na ngayon ay nasa likod ng mga taktikang mala-Marcos ng rehimeng Arroyo. Sa dami ng pinapatay na mga lider-aktibista sa parehong pamamaraan, hindi na maikailang pananagutan ito ng rehimeng Arroyo.   

(Rurok ng tapang niya ang imungkahi sa pulong ng gabinete, para raw matapos ang rebelyon sa bansa, na ipapatay si Prop. Jose Ma. Sison. Kapag namatay si Sison at may dugo sa kamay niya, mag-ingat siya sa posibleng yakap ng isang suicide bomber.) 

Duwag ang Batasan 5? Noong binantaang aarestuhin ng Senado si Gonzales dahil sa bulok na kontrata ng gobyerno sa Venable LLP, nagsakit-sakitan siya, nagpatakbo sa ospital at idinahilan ang sakit para maligtas. Alam ni Gonzales na tama para sa isang grupong pampulitika na umiwas sa pagkadakip. Ginamit ng Batasan 5 ang mga alyado sa gobyerno at ang batas para makaligtas. Si Gonzales ang duwag: Ginamit ang gawa-gawang karamdaman. Sino nga naman ang makikipagtalo sa tawag ng kalikasan?

06 Mayo 2006

Categories: Anti-Gloria