Kapirasong Kritika

June 28, 2007 · Leave a Comment

cempeno.jpg

Si Nanay Concepcion Empeno (kaliwa) kasama si Nanay Erlinda Cadapan (kanan): Nananatiling matatag isang taon matapos dukutin ang kanilang mga anak. “Sa paglaban lamang tayo may pag-asa.” (Salamat kay Kenneth Guda para sa larawan)

Categories: Karen-Sherlyn
Tagged: , , ,

Para kay Nanay Concepcion *

June 28, 2007 · 8 Comments

Madaling araw na po ng Hulyo 22 ngayon. Birthday na po ni Karen. Bukas, kayo ang magdiriwang ng kaarawan. Sa makalawa, ako naman. Tiyak po akong iisa ang hiling natin ngayon sa mga kaarawan natin: ang ilutang at palayain sina Karen at Sherlyn.

Lagi po kayong ikinukwento ni Karen noon, partikular ang pag-aalaga ninyo sa kanya. Sa inyo po galing ang islogan naming magkaibigan: “Kapag gutom, kumain.” Mapili po kasi siya sa pagkain noon, ano? Pero dahil sa paglubog sa batayang masa – sa mga komunidad ng maralitang lungsod noong una, pagkatapos ay sa mga magsasaka – at sa laging paalala ng islogan ninyo, marami siyang natutunang kainin, lalo na ang mga gulay at isda na noong una’y ayaw niya. Noong minsan, napadalaw kami sa bahay ninyo. Nagkita rin po tayo noong kinuha ninyo ang mga gamit niya sa bahay namin.

Ngayon, humahanga po ako sa tatag at tapang na ipinapakita ninyo sa paglaban para sa pagpapalutang at pagpapalaya kina Karen at Sherlyn. Kalmado at buo ang loob ninyo noong unang nagkausap tayo sa telepono, gayundin po noong nagkita tayong saglit. Nakita ko po sa dyaryo ang paglusong ninyo sa baha para kilalanin kung si Karen nga ba ang isa sa mga bangkay na napabalitang nakuha sa Hagonoy. Kung hindi po ako nagkakamali, suot ninyo ang vest ninyo bilang prinsipal sa paaralang elementarya: Paalalang kayo mang ina ng marami ay naghahanap ng pinakamamahal ninyong anak.

Na mahal na mahal din po namin. Mabuting tao po si Karen. Relatibong komportable po ang pag-aaral niya sa UP noon, salamat sa pagsisikap ninyong igapang ito. Pero tinalikuran po niya iyon para ipaglaban ang mga guro, manggagawa – naikwento rin niyang unyonista at welgista pa nga si Tatay – magsasaka, at iba pang binubusabos na uri at sektor sa ating bansa. May ilang kapwa-aktibista po ang nagsabing “dalisay ang puso” ni Karen: matatag sa prinsipyo, masipag at masigasig, mahusay makitungo sa mga kasama at masa, mapangahas at palaaral, matapat sa paglalahad ng saloobin.

Pero hindi po istiryutipong aktibista si Karen. Ang totoo, wala naman pong ganoon. Isinanib po niya ang kanyang katangian at pagiging karakter sa pagrerebolusyon. Minsan, kapag gutom siya, nawawalan siya ng ganang kumain. Minsan, kapag puyat siya, hindi siya makatulog. Kung gaano po siya ka-sinop sa mga datos at ulat, ganoon din po siya ka-linis sa bahay. Ang mga kasamang makalat sa bahay, inaaway niya. Mahilig siyang sumayaw, pero hindi kumanta. Noong huli, nahilig din siyang mag-gitara. Palabiro’t bungisngis. Isa sa paborito namin ang magtaguan at mag-gulatan sa grocery.

Napapakwento na lamang po ako tungkol kay Karen dahil ang totoo po’y nahihirapan akong sumulat sa inyo ngayon, halos isang buwan mula noong sila’y dukutin at hindi ilutang. Dalawa po ang tendensiyang tinitimbang ko. Ang isa po’y ang pesismismo at pagiging palasuko, na hindi nakikita ang mga pwede pa nating makamit sa paglaban. Ang isa naman po’y ang maligayang optimismo, na hindi kumikilala sa totoong kalupitan ng militar, lalo na ang mga yunit sa ilalim ni Palparan. Mahirap pong pawiin ang pag-asa natin sa yugtong ito, pero mahirap din po kung purong pag-asa lang ang mayroon tayo.

Siguro, ang sasabihin ko po sa inyo ay ito: Patuloy po tayong lumaban para sa pinakamainam, habang ihinahanda ang ating sarili para sa pinakamasahol. Lumaban po tayo para sa pinakamainam dahil wala pang pinal na balita sa maikling panahong ito. Pero ihanda po natin ang sarili sa pinakamasahol dahil alam po nating malupit ang militar, lalo na sa ilalim ng rehimeng ito at partikular ang yunit ni Palparan. Ang totoo po, sa ganitong kalagayan, sa paglaban lamang tayo may pag-asa. Hinihikayat ko po kayong ipagpatuloy ang paglaban, humantong man tayo sa mabuti o masamang balita.

Dahil ang kawalang-katarungang ito kina Karen at Sherlyn – mabubuting anak ng bayan na tumalikod sa komportableng buhay nila para makita ang kaligayahan sa pagsanib sa pakikibaka ng mga magsasaka at maralita – ay patunay po na tama ang paniniwala nila: Na malupit at kalaban ng mamamayan ang naghaharing sistema sa ating bansa.

Ipinag-utos na po ng Korte Suprema na ilutang ang dalawa sa Lunes, a-bente kwatro ng Hulyo. Kasama ninyo akong mag-aabang, kasama ang mga kaibigan namin ni Karen at Sherlyn, gayundin ang mga naging kaibigan natin sa makatarungang paglabang ito.

* Natanggap ko ang liham na ito sa e-mail. Inilathala ko ito nang buo.

22 Hulyo 2006

Categories: Karen-Sherlyn
Tagged: , , ,

June 28, 2007 · Leave a Comment

smonsod.gif

Prop. Winnie Monsod: Sang-ayon sa paggamit ng pwersa ni Pang. Gloria Macapagal-Arroyo laban sa mga taong-militar na kumilos laban sa ilehitimong pangulo.

Categories: Personalidad

Para kay Solita ‘Mareng Winnie’ Monsod (2)

June 28, 2007 · Leave a Comment

Sumulat na ako sa iyo noon. Sariwa pa noon ang usapang “Hello Garci” at matapos ang ilang panahon ng pagmumuni – minsang sumama sa pagdarasal sa simbahan ni dating Pang. Corazon “Cory” Aquino – naging masugid kang tagapagtanggol ni Gng. Gloria Macapagal-Arroyo. Tuwang-tuwa ka noon sa bangkaroteng argumento ni Presidential Management Staff Sec. Michael “Mike” Defensor, na nagsabing kahit ibigay ang lahat ng lamang ni Arroyo sa Mindanao sa kalaban niyang si Fernando Poe, Jr. sa halalang 2004, lalabas pa ring panalo ang tumawag kay Comelec Commissioner Virgilio Garcillano.

Kakatapos ko lang manood ng programa mo – oo, nanonood pa rin ako kahit madalas akong mabwisit – tungkol sa pagiging ligal o iligal ng pag-atras ng suporta (withdrawal of support) ng sundalo sa pangulo ng bansa. Kahit malinaw na kontra-Arroyo at dawit sa kontrobersyang ito ang co-host mong si Oscar “Oca” Orbos, matapang mo pa ring inilahad ang opinyon mo hinggil sa inilabas na video ng pag-atras ni Brig. Gen. Danilo “Danny” Lim ng suporta kay Arrroyo. Malinaw na nananatili ang pagpanig mo kay Arroyo, katulad ng barumbadong si Cong. Luis Villafuerte. May tatlo kang punto, ayon sa iyo.

Una, ayon sa iyo, walang suportang popular ang ginawa – o ang nabigong gawin – nina Lim. Noong inatras ni dating Gen. Angelo Reyes ang suporta kay dating Pang. Joseph Estrada noong 2001, ayon sa iyo, ginawa lamang nila ang gusto ng taumbayang tatlong araw na natipon sa Edsa para manawagan kay Estrada na magbitiw. Taliwas dito, ayon sa iyo, nanawagan si Lim ng suporta at pagkilos ng taumbayan. Maingat ka: Hindi mo ikinumpara si Lim sa ginawa nina dating Hen. Fidel Ramos sa pagpapatalsik kay dating Pang. Ferdinand Marcos noong 1986 – dahil nga malinaw na magkatulad sila ng ginawa.

Mali ka. Malaganap ang pagtutol at paglaban ng sambayanan kay Arroyo. Sang-ayon sa surveys, siya na ang pinaka-inaayawang pangulo pagkatapos ni Marcos. Napakadami ng nananawagan na magbitiw na siya – kasama ang dalawang pinaka-popular na pangulo pagkatapos ng rehimeng Marcos. Higit pa rito, gayunman, hindi lamang suportang popular ang mahalaga sa anumang pagkilos laban sa pangulo. Sinasabing mas marami ang dumalo sa Edsa 3 kaysa sa Edsa 2 ngunit walang batayang moral ang naunang pagkilos. Iyon – ang “batayang moral” – ang dapat na pamantayan sa pagpanig.

Ikalawa, ayon sa iyo, hindi katanggap-tanggap ang plano ng mga grupo sa militar na palitan ang rehimen ni Arroyo ng isang transisyong konseho. Para sa iyo, pagsapaw ito ng talino ng iilan sa talino ng taumbayan. Kung papalitan si Arroyo, ayon sa iyo, dapat siyang palitan ng konstitusyunal na kahalili. Mainam at nasasabi mo na ito ngayon. Ibig sabihin, sa iyong hinagap ay napagmumunian mo na ang pagpalit kay Arroyo. Muli, maingat ka: Hindi mo sinabing ang lahat panukalang magbuo transisyong konseho ay nagsasabing kagyat na maglulunsad ang mga ito ng eleksyon upang palitan si Arroyo.

Pero mali ka. Tutol ka sa banta ng inaakala mong pagsapaw sa talino ng taumbayan ng talino ng iilang uupo sa transisyong konseho, pero ipinagtatanggol mo ang tunay at naganap nang pagsapaw ng talino ng iilan sa talino ng taumbayan. At iyan ay ang pandaraya ng pangkatin ni Arroyo – kasabwat si Garcillano at mga opisyal sa burukrasyang sibil at militar – sa halalang 2004. Nagiging katanggap-tanggap ang isang transisyong konseho kung ipapalit ito sa isang pekeng pangulong nandaya sa halalan at patuloy sa pagkapit-tuko sa kapangyarihan. Iyan at iba pa ang batayang moral nina Lim.

Ikatlo at panghuli, ayon sa iyo, dapat harapin ng mga kasangkot ang parusa sa kanilang aksyon. Na parang naparusahan si Ramos sa ginawa niya noong 1986 at si Reyes noong 2001. Alam mong hindi nyutral o walang-kiling ang nagpapatupad ng batas – “the winner takes all” – pero nasabi mo ang pagpapanagot nang lubos ang panggigigil. Dito, malinaw ang pagkampi mo kay Arroyo. May dalawang Winnie Monsod kung gayon: iyung naniniwala sa Diyos at may moralidad at prinsipyo, at iyung naniniwalang ayos at dapat lang gawin ng nasa kapangyarihan ang gusto niya, kahit pa mandaraya siya.

Tinutulan ng una si Marcos at kinampihan ng ikalawa si Arroyo – kahit pareho lamang sila. Mareng Winnie, pagpasyahan mo kung alin ang mangingibabaw sa dalawa.

14 Hulyo 2006

Categories: Personalidad
Tagged: , , ,

June 28, 2007 · Leave a Comment

tguingona2.jpg

Isa ang magiting at makabayang si dating Bise-Presidente Teofisto Guingona sa mga nagsampa ng kasong impeachment laban sa duwag at tutang si Gloria Macapagal-Arroyo.

Categories: Edsa People Power

Aral sa Impeachment

June 28, 2007 · Leave a Comment

Nitong Hunyo, muling nagsampa ang iba’t ibang grupo ng kasong impeachment laban kay Pang. Gloria Macapagal-Arroyo sa Kongreso. Sunud-sunod ang pagsasampa ng mga kaso: una ng ilang daang sibilyang nagkaisang maghabla, pangalawa ni Teofisto Guingona, Jr. na dating bise-presidente ni Arroyo, ikatlo ng obispo ng Caloocan na si Deogracias Yñiguez, at ikaapat ng mga organisasyon at konseho ng mga estudyante. Sunud-sunod ang pagsasampa ng kaso, sinasabing para tiyaking hindi magagamit ang teknikalidad – katulad noong nakaraang taon – para patayin ang kaso ngayong taon.

Kung matatandaan, noong nakaraang taon, maagang nagsampa ng ganitong kaso si Atty. Oliver Lozano na nakilalang abogado ng pamilyang Marcos noong dekada 1980. Sa araw ng pagsasampa niya, sinabi na ni Sen. Aquilino Pimentel, Jr. na “patibong” ng rehimen ang ginawa ni Lozano. Mahina ang kaso ni Lozano, kaya nga inindorso ng isang kongresistang maka-Arroyo, ni Alagad Party-List Rep. Rodante Marcoleta. Para remedyuhan, inamyendahan para patibayin ng oposisyon sa Kongreso ang kaso ni Lozano. Ito pagkalaon ang tinawag sa midya na “Inamyendahang Habla ni Lozano”.

Ang ginawa ng nakararaming alyado ng rehimen sa Kongreso – na pinabango ni Kong. Edcel Lagman – ay pinagpilian ang orihinal at inamyendahang habla ni Lozano, pinili ang una at pagkatapos ay ibinasura dahil daw kapos sa porma at nilalaman. Ibinatay ang ganitong hakbang sa sinasabi ng Konstitusyon na isang beses lamang sa isang taon makakapagpanimula ng isang proseso ng impeachment laban sa isang opisyal ng gobyerno na pwedeng ma-impeach. Maling teknikalidad ito, dahil “proseso” ang tinutukoy, at hindi “habla” – na pwedeng pagsanibin o ayusin sa loob ng isang “proseso”.

Ito ang teknikalidad na gustong iwasan ng mga grupong kontra-Arroyo sa pagsasampa ngayon ng kasong impeachment. Dahil mahalaga ang araw ng pagtatapos ng isang-taong pagbabawal sa muling pagsasampa ng nasabing kaso laban kay Arroyo, tiniyak ng mga nagsampa na mapunuan ang mahahalagang araw na pwedeng itakda ng Kongreso bilang siyang katapusan ng nasabing pagbabawal. Naniniguro sila. Ngayon, titiyakin nilang hindi madadale sa teknikalidad ang mahahalagang kaso ng pandaraya sa halalan, kilos-diktador, paglabag sa karapatang-tao at katiwalian laban kay Arroyo.

Higit pa sa teknikalidad, gayunman, maraming aral ang pwedeng halawin sa unang pagsasampa ng kasong impeachment kay Arroyo at sa pagbasura rito ng Kongreso. Pangunahin dito ay kaugnay ng katangian ng Kongreso at ng impeachment. Malaking mayorya sa Kongreso ang galing sa mga naghaharing uri sa bansa, na karamihan pa’y mga alyado – ang sabi ng iba’y bayaran at tauhan – ng rehimeng Arroyo. Pulitikal ang prosesong impeachment, hindi nagsisikap na maging patas o makatarungan katulad ng pagdinig sa kaso ng mga hukuman, at napagpapasyahan sa mga batayang pulitikal.

Pangunahing aral sa nakaraang kasong impeachment ang halaga ng kilusang masa. Dahil sa katangian nila, ang mga kongresista at iba pang pulitiko ay hindi maaasahang kakampi nang matatag sa taumbayan sa pagpapasya sa kasong impeachment. Ang kailangan ay malaganap at malakas na protesta ng taumbayan mismo para pwersahin ang mga kongresista at pulitiko na tumalikod kay Arroyo at pumanig sa taumbayan. Kailangan nilang makitang galit na galit na ang taumbayan sa masamang rehimeng kanilang ipinagtatanggol sa pagsisinungaling, pandaraya at pagnanakaw sa taumbayan.

Dahil sa katangian ng gobyerno at pulitika sa bansa, wala pang nagtagumpay na kasong impeachment laban sa isang presidente sa loob ng Kongreso o Senado. Palagi itong sinasawata ng mga kakampi ng rehimen. Ang tagumpay sa impeachment ay nakita sa karanasan ng bansa noong 2001: Noong ipinakita nito sa malawak na sambayanan na gahamang magkakapit-tuko sa kapangyarihan ang presidente, kaya ang kailangan ay pwersahin siya ng kilusang masa palabas sa Malacañang. Nangyari ang Edsa 2, gayunman, dahil sa sunud-sunod na protestang naghanda para rito. Iyun ang aral.

04 Hulyo 2006

Categories: Edsa People Power