Monthly Archives: July 2007

mendiola_.jpg

Sa paglaban ng mga estudyante at kabataan para sa kanilang karapatan sa edukasyon, lalong tumatambad ang pangangailangang ilantad at tuligsain ang “pag-unlad” na gusto ng gobyerno.

Edukasyon at ‘Pag-unlad’ na Gusto ng Gobyerno

Noong Disyembre, ipinasa ng administrasyon ng Unibersidad ng Pilipinas ang pagtaas ng matrikula at iba pang bayarin ng papasok na mga freshman. Mula P300, magiging P1,000 kada yunit ang matrikula. Sa isang semestre, sa karaniwang 18 yunit na kinukuha ng isang estudyante, lalabas na mahigit P18,000 ang babayaran nito. Sinasabing pambalanse ng administrasyon ang pagpasa ng bagong sistema ng pag-alam ng kita ng pamilya ng mga estudyante – para iangkop dito ang sisingiling bayarin.

Mahalaga ang pangyayaring ito sa bansa. UP ang tinitingalang paaralang pampubliko ng marami nating kababayan, na nangangarap pag-aralin ang matatalino nilang anak dito. Higit pa rito, bilang pangunahing unibersidad, UP ang itinuturing na modelo ng ibang kolehiyo at unibersidad ng estado sa kanilang mga patakaran sa iba’t ibang larangan. Sa kasaysayan, UP rin ang ginagamit ng gobyerno na laboratoryo ng mga patakarang itinutulak nito sa iba pang kolehiyo at unibersidad. Sa ganitong grabeng pagtaas ng matrikula, tila nababago ang sinasabing katangiang “pampubliko” ng UP.

Bago ang pagpapasyang itaas ang matrikula at ibang bayarin, nagtodong opensiba sa UP ang mga argumentong neoliberal hinggil sa edukasyong pangkolehiyo sa bansa. Partikular na porma nito ang paglalabas ng mga papel ng komiteng pinamunuan ni Prop. Emmanuel de Dios ng UP School of Economics. Kung maaalala, kasama si De Dios sa bantog na “Econ 11,” ang 11 ekonomista ng UPSE na naggiit sa gobyernong Arroyo na magdeklara ng krisis pampinansiya noong 2004 – na siya namang naging tuntungan ng gobyerno para magpataw ng bagong mga buwis at gipitin ang serbisyong panlipunan.

Pangunahin sa mga argumento ng Komiteng De Dios at administrasyon ng UP ang pagkuwestiyon kung makatwirang subsidyuhan ng estado ang UP – at maging ang edukasyong pangkolehiyo sa bansa. Ayon dito, karamihan sa mga pakinabang ngayon ng edukasyong pangkolehiyo sa bansa ay napupunta lang sa pribadong mga indibidwal. Ang dapat diumano ay ilaan ng estado ang subsidyo sa mga programang magbibigay ng pakinabang sa estado, bagaman hindi laging gagap ng pribadong indibidwal. Halimbawa nito ang agham at teknolohiya – laluna sa antas-masterado (MA) o doktorado (PhD).

Sa isang banda, totoo ang obserbasyon dito. Halimbawa, marami sa mga Pilipinong nag-aaral ng nursing ngayon, at nag-aral ng computer science noon, ang nangingibang-bansa. Ibig sabihin, hindi napapakinabangan ng bansa ang kakayahan ng mga nagtatapos sa mga kursong ito gayung matindi ang pangangailangan sa kanila rito. Maging ang mga nagtapos sa College of Medicine ng UP na naiwan sa bansa, kayang bilangin umano ang mga kasabayan nilang nanatili. Sa harap ito ng grabeng kakapusan ng doktor sa bansa kung ihahambing sa dami ng kababayan nating nangangailangan.

Sa halip na baguhin, ang gusto ay angkupan – at sa gayon ay panatilihin – ang kalagayang ito ng panukalang lalo pang kaltasan ang subsidyo ng estado sa edukasyon.

Dapat palalimin ang datos na ito, gayunman. Bakit ito ang mga kursong kinukuha ng marami nating kababayan? Higit pa rito, bakit nangingibang-bayan ang marami sa mga nagtatapos sa bansa? Iyan ang mga kursong kinukuha ng marami nating kababayan dahil nariyan ang mga kakayahang kailangan para makapagtrabaho sa ibang bansa. Nangingibang-bansa ang mga kababayan nating nakatapos dahil walang trabahong nakabubuhay para sa kanila dito sa bansa. Dagdag pa rito, opisyal na patakaran ng gobyernong hikayatin ang nakatapos nating mga kababayan na mangibang-bansa.

Ang sisi, kitang-kita, ay sa gobyerno. At maging ang pakinabang. Habang estudyante ang mga Pilipino, pagkakaitan sila ng subsidyo sa edukasyon. Pero kapag nangibang-bansa na sila, tatawagin silang “bagong bayani” – nagpapadala ng mga remittance na bumubuhay sa naghihingalong ekonomiya ng bansa, kapalit ng kapabayaan ng gobyerno. Sa ganyang punto nailalantad ang gobyerno – na binubuo ng naghaharing mga elite sa bansa na ang interes ay panatilihin ang umiiral na sistema na kanilang pinakikinabangan. Hindi niyutral ang gobyerno, gaya ng tila gustong palabasin ng ilan.

Ang solusyon ba ay subsidyuhan ng estado ang mga kurso para sa pangingibang-bansa ng mga nakapagtapos? Hindi rin, pero patunay ang grabeng singil ng paggisa sa mga nag-aaral sa sariling mantika at ng pagsagka sa pagpasok ng iba maging sa makipot na landas na ito ng personal na pag-unlad. Ang kailangan, bukod sa dagdagan ang subsidyo sa edukasyon, ay ang pagbabago sa klase ng “pag-unlad” na tinatanaw ng gobyerno. Ang pag-unlad na kailangan ng bansa ay iyung nakabatay sa pagsapat sa pangangailangan ng mga mamamayan – na tiyak na magbibigay ng trabaho sa marami.

Sa pagbubukas ng pasukan, magsisikap ang iba’t ibang sektor sa UP na pasiglahin ang kampanya para tutulan at paatrasin ang pagtaas ng mga bayaring bumabago sa sinasabing pagiging “pamantasan ng bayan” ng UP. Dahil matalas na taguyod ng klase ng “pag-unlad” na gusto ng gobyerno ang lokal na mga tagapagsalita nito, tiyak na aabot sa usaping ito ang paglalantad. Kapana-panabik ang susunod na kabanata. Abangan.

18 Mayo 2007, nalathala sa Pinoy Weekly

jun-ducat-3.jpg

Ikinulong ng gobyerno si Armando “Jun” Ducat dahil sa desperadong protestang kanyang ginawa — mas dahil marahil sa protesta kaysa sa ipinakita niyang desperasyon. (Larawang kuha ni Bullit Marquez ng Associated Press.)

Si Jun Ducat sa Kulturang Popular

May panawagan para sa “kulturang popular” ang maka-Kanang kolumnistang si Alex Magno kaugnay ng kontrobersiyal na pambibihag ni Armando “Jun” Ducat, Jr. noong Marso 28. Aniya, kailangan nating “suriin ang mga kahinaan ng ating kulturang popular na lumikha sa klase ng mentalidad na kumapit kay Jun Ducat. Ang ating kulturang popular, at hindi lamang si Ducat, ay maysakit at may matinding pangangailangan sa isang pagsusuri.” Ang totoo, “sick” ang salitang ginamit niya, na puwedeng isalin sa Filipino bilang “maysakit” o kaya nama’y “baliw”. (“Crackpot” Philippine Star, Marso 31)

Kulturang popular ang sinisisi ni Magno: “Ang baluktot na mga pagpapahalagang nagtulak sa kanya sa insidenteng iyon ay tulad ng humihikayat sa ilan sa ating sambahin ang mga katulad ni Robin Hood – silang mga kriminal na may ginintuang mga puso na pinakikinang sa mga pelikula ni Ramon Revilla, Sr.” Tinutukoy niya ang mga tulad ni Nardong Putik, gayundin ni Ben Tumbling, na sinasabing ibinigay sa maralita ang bahagi ng kinita sa mga gawaing kriminal. “Ang may-lasong ideya na ang kriminal na pangingikil ay makatarungan kung ang mga pakinabang… ay ibinabahagi sa maralita ay muli’t muling lumilitaw sa maraming porma sa madilim na silong ng ating kulturang popular.”

Ang totoo, bahagi si Magno ng koro ng pagkukurong – mula sa Malakanyang hanggang sa mga kolumnista ay – naggigiit na krimeng mali, baluktot, at baliw ang ginawa ni Ducat. Malinaw na sinasabi ng mga opinyong ito na kinokontra nila ang posibilidad na si Ducat ay umani ng simpatya mula sa masa o ituring ng masa bilang kanilang bayani. Marami na ang nagsabing kakaiba ang sitwasyong kailangan pang igiit ng mga lumilikha ng opinyon na krimen at mali ang ginawa ni Ducat, gayong grabe itong hakbangin. Bakit nga ba walang malakas na pagkondena ang madla sa ginawang pambibihag ni Ducat?

Mahalaga ang naging papel ng pamilya ng mga binihag. Mangyari, sa tatawagin marahil na malawakang Patty Hearst Syndrome, maging sila ay nagpahayag ng simpatya at suporta kay Ducat. Hindi sila naniwalang papatayin, ni sasaktan, niya ang mga bata. Noong kasagsagan ng tensiyon, mas takot sa gagawin ng rerespondeng mga pulis ang sinabi nila. Hindi naging tining ang pagtingin nila na, halimbawa, ginamit ni Ducat ang mga anak nila. Para sa kanila, napakabuting tao ni Ducat na susuong sa mga kahirapan para makatulong sa kapwa. Noong nalaman nila ang pambibihag, tila nakuha agad nila na isa na naman itong kakaibang pagbulalas ng saloobin niya sa mga isyung pambansa.

May mga ihinalintulad si Magno kay Ducat, sa usapin ng pangingikil para sa maralita: mga kriminal na diumano’y may anting-anting, tiwaling mga pulitiko, galanteng mga diyos ng sugalan, at – siyempre para kay Magno – mga “komunistang barumbado”. Malinaw, gayunman, na kaiba sa mga ito ang krimen ni Ducat: walang bahaging para sa sarili o organisasyon, bumiktima sa mga maralitang sa kaso ng iba’y inaabutan lang ng nakikil na salapi, isang beses lang ginawa, nagbudyong ng mga panawagang pampulitika, at direktang nagsuong ng buhay ng kriminal sa pagkakadakip. Sa mga kilos-protesta karaniwang maririnig ang mga layunin niya, hindi sa mga pambibihag.

Malinaw kung gayon na hindi tumutugma ang kaso ni Ducat sa hulma ng kulturang popular sa utak ni Magno. Dahil ang ginawa ni Ducat, bukod sa isang krimen, ay protesta – mali at baliw na protesta, kailangang kagyat na idagdag. At bilang protesta, may rekurso ang kultura ng masa para matukoy kung saan ito mali at saan tama. Totoo, walang malakas na pagkondena ang madla sa ginawa ni Ducat at maaaring naampat ang pagsulak nito ng pagkilos ng mga pamilya ng mga binihag. Pero mahirap itong basahin na pagsang-ayon sa ginawa niya. Marahil, alam ng madla na marami pang mas masahol at baliw na krimen sa bansang ito na dapat paglaanan ng galit at protesta.

Alam ng marami kung saan nagmumula ang ginawa ni Ducat: desperasyon kundi man pagkabaliw sa gutom, kahirapan, at kawalan ng pag-asa. Bilang desperado o baliw na protesta, haluan ito ng mali at tama. Tinutuligsa nito ang sistemang nagtitipon ng yaman at kapangyarihan sa iilan habang ang nakararaming bata ay tinatanggalan ng batayang karapatan at pagkakataong makaahon sa kahirapan. Sa pagbabanta sa buhay ng mga nais nitong paglingkuran, gayunman, nakikibahagi rin ito sa pag-atake at kawalan ng pagpapahalaga sa buhay ng tao – ng rehimen at sistemang ito. Humulagpos ito sa pagbabawal sa paglalahad ng protesta, sa paraang kasing-baliw niyang nagbabawal.

Kaya anuman ang pagsusuri niya, nakakaya pang tawanan ni Magno ang naganap. Ibang klase ng protesta ang tatanggal ng halakhak sa mukha ng mga tulad niya.

11 Abril 2007, nalathala sa Pinoy Weekly

npa.jpg

Gerilya ng New People’s Army: Sangkot sa “digmang walang katapusan,” ayon sa Time. (Larawang kuha ni Philip Blenkinsop ng Agence VU, sa Time.com.)

Paano Babasahin ng Time ang NPA?

Walang iniwan sa isang magilas na kuwentong tigib ng pakikipagsapalaran. Kuntodo detalye pa ng kasal ng magkarelasyong rebelde at ng kamangha-manghang buhay-mag-asawa ng isa pang pares ng rebelde. Ang artikulong ukol sa NPA (New People’s Army) ay makatawag-pansin, palibhasa’y cover story ng magasing internasyunal na Time. May ibig ba itong sabihin?

Noong unang bahagi ng dekada 80, lalo na pagkatapos paslangin si Ninoy Aquino noong 1983, naging mapanuligsa ang Time sa rehimeng Marcos – na noo’y tuluy-tuloy na bumabaho sa mga mamamayan. Ilang taon pa, inianunsiyo nito ang bagong taktikang pandaigdig ng US: palitan ang mga diktadurang sinusuportahan nito ng mas “demokratikong” mga rehimen, tulad ng kay Cory Aquino. Noon namang 2000, nang ilantad at banatan ng Time ang kabulukan ng rehimeng Estrada, marami ang nakasigurong bilang na ang maliligayang araw ng pangulo sa Malakanyang.

Sa ganitong diwa makabuluhang basahin ang paglabas nitong Pebrero 5 ng “The War with No End”, sanaysay ni Andrew Marshall sa Time. Kasama ang mga larawang kuha ni Philip Blenkinsop, pumuno ito ng anim na pahina ng magasin, at siya rin ngang naging pabalat ng isyu. Nalathala ito sa panahong tumitindi ang pampulitikang panunupil ng rehimeng Arroyo, gayundin ang pagkondena’t paglaban dito sa loob at labas ng bansa.

Pumasok ang pangkat ng Time sa kampo ng mga NPA sa Compostela Valley sa Mindanao. Sa pamamagitan ng mga kuwento at pahayag nina Ka Giegie, Victor, Joven, Jorex, Wendy at Lenlen, inilarawan ng may-akda ang iba’t ibang aspekto ng buhay-NPA. Pahapyaw niyang inilahad ang kasaysayan ng NPA, mga grupong armado sa Mindanao, ang “kahirapan, katiwalian at kawalang trabaho” sa bansa, ang trato ng rehimeng Arroyo sa NPA, ilang paniniwala ng NPA, ang peligrosong katayuan ng rehimeng Arroyo, at ang kawalan nito ng kakayahang durugin ang NPA.

Dahil kilalang maka-US ang Time at ang NPA naman ay kilalang lumalaban sa imperyalismong US, hindi kataka-takang sa sanaysay ay maraming atake sa NPA – sa mga gawi at paniniwala nito. Dahil sa pakikipamuhay ng may-akda sa mga rebelde, gayunman, hindi napigilang mapasama sa artikulo ang ikatutuwa ng mga taong may simpatya sa NPA. Tinukoy sa artikulo na kahirapan at iba pang kabulukan ng sistema ang ugat ng paghihimagsik. Inamin ng isang eksperto na mahirap sugpuin ang NPA dahil nakakalat ito sa buong bansa, sang-ayon na rin sa estratehiya ng mga nagtatag nito. Naidiing hindi mapapawi ng militar ang NPA, at hindi rin ito kusang mamamatay. Lumalalim pa nga ang kaalaman ng mga NPA sa pakikidigmang gerilya.

Sinabi rin ng awtor na si Gloria ang numero unong tagapagrekluta ng NPA at pinagtibay niya ang tiwalang aalpasan at mapagtatagumpayan ng NPA ang rehimeng ito.

Hindi natin tiyak kung nasaan ang simpatiya ng mga mambabasa ng Time, na karamihan ay petiburgis at iba pang nakatataas na mga uri sa Pilipinas at ibang bansa. Maaaring sa ibang anggulo nila iintindihin ang artikulo: Grabe ang paghubog sa utak ng mga kasapi ng NPA kaya matatag sa sakripisyo’t kamatayan – maging sa pagpatay. Katulad ng paniniwala ng mga terorista sa pundamentalistang Islam, makitid na’y sarado pa ang isipan ng mga NPA sa ibang kaisipan. Parang kulto ang grupo, na ang ideolohiya ay matagal nang namatay, gaya ng disco.

Kung ang NPA ay hindi masusugpo, ayon sa Time, hindi rin naman ito magtatagumpay.

Ang artikulo, samakatwid, ay bahagi ng tinatawag ni Neferti Xina M. Tadiar, progresibong intelektuwal, na pagpapamanhid sa panlipunang pandama (social feeling) ng nakatataas na mga uri sa bansa. Aniya, para sa mga uring ito, ang giyera sa kanayunan ay “kailangang hawiin at isantabi sa anumang paraan upang protektahan ang ‘kalayaan’ ng paglulubos ng sarili (self-realization) sa pamamagitan ng pagpapayaman sa sarili.” Hindi umano kataka-takang “Oplan Bantay-Laya” ang programang kontra-insurhensiya ng rehimen dahil parte ito ng pagbabantay sa layang magsamantala — na tinataguriang karapatan at pribilehiyo ng iilang may-kaya.

Sa Marso 29, ipagdiriwang ng NPA ang ika-38 anibersaryo ng pagkakatatag nito. Aminin man o hindi ng Time, patuloy ang paglakas ng pakikibaka nito, at hindi na maisasantabi. Ngayon, bilang pangangatwiran sa angkin nitong katatagan, tinatawag itong “digmang walang katapusan” dahil “walang pinatutunguhan.” Bukas-makalawa, kailangan na naman nilang gumawa ng panibagong paliwanag kung bakit hindi ito mapuksa-puksa.

27 Marso 2007, nalathala sa Pinoy Weekly

garroyo2.jpg

Ikaw ang nanggulang ng nangangailangan
Ikaw ang nandaya ng mga halalan
Haplos mo ay Hudas, wala kang dangal
Salamat sa ‘yong haplit ng pamamaslang…
Garci, Hello
US, amo
(Galing ang larawan sa op.gov.ph.)

Gloria Propaganda

(1) “Yugto ng pamana” o “legacy phase” – iyan ang tawag ng mga opisyal ng rehimen ni Pang. Gloria Macapagal-Arroyo sa natitirang tatlong taon niya sa puwesto. Dito raw iikot ang Sona o State of the Nation Address na bibigkasin niya ngayong taon, sa darating na Lunes. Puwedeng tingnan ang pahayag na ito sa dalawang antas: bilang propaganda o kaya ay bilang seryosong pagpapahayag ng direksiyong pampatakaran ng rehimen.

Bilang propaganda, marami itong sinasabi. Na nasa isip ni Arroyo ang pagtatapos ng kanyang termino – taliwas sa diumano’y plano niyang pahabain ang panunungkulan niya, at sa diumano’y pagkagahaman niya sa kapangyarihan. Na bababa siya sa pagkapangulo – at sa gayon ay dapat maghintay na lang at huwag nang kumilos para magpatalsik sa kanya ang ibang paksiyong pampulitika dahil may eleksiyon naman pagkatapos. Na nakatanaw siyang aalis sa Malakanyang nang maayos at marangal – kaya hindi uubra ang anumang muling pagtatangkang patalsikin siya sa puwesto.

Kung anuman, tila ang gustong makamit ng mga propagandista ng rehimen ay pahupain ang pagtutol at paglaban ng iba’t ibang puwersang pampulitika na namumuno sa sambayanan. Sa isang banda, “Tatlong taon na lang naman. Lubayan na ninyo.” Sa isang banda, “Umabot na sa pagtatapos ng termino. Baka masaktan lang kayo kung maghahabol pa kayo.” Nag-aapela ito sa umano’y “pagkamatiisin” ng mga Pinoy, sa diwang palasuko at sa pag-iwas sa panganib laluna ng mga maykaya. Sa madaling salita, pag-iwas pa rin ang taktika ng rehimen sa lehitimong mga isyung ipinupukol rito.

Pero bilang seryosong pahayag na pampatakaran ng rehimen, mapanganib ito. Tila sinasabi nito ang pagpapatuloy sa mga “nasimulan” ng rehimen. O paglubos sa mga ito tungo sa nilalayong kongklusyon. Sa karapatang pantao, halimbawa, makabuluhang balik-aralan ang pahayag ni Fr. Romeo Intengan SJ, tagapayo ng rehimen, bago matapos ang 2006 na mahalaga ang 2007 sa pagkamit sa layuning durugin ang NPA o New People’s Army pagdating ng 2010. Dahil hindi naman lubos na mabanatan ng gobyerno ang NPA, maaaring pag-igting ng pampulitikang pamamaslang ang resulta.

Bukod pa rito ang mga layunin ng rehimen sa ekonomiya (lubos na buksan ang bansa sa pandarambong at pagsasamantala ng mga dayuhan), pambansang seguridad (isangkot nang husto ang mga puwersang militar ng US sa armadong mga labanan sa bansa), at pulitika (gawing tahasang instrumento ng susunod na rehimen ang buong gobyerno habang tinitiyak na alyado o mapagkaibigan ang susunod na pangulo). Mas makapangyarihan ang aktuwal na mga aksiyon ng rehimen kaysa sa propaganda nito ngayon. Patuloy lamang nitong itutulak ang sambayanan na lumaban at mag-alsa.

(2) Pero ang talagang malaganap na propaganda ng rehimen ngayon ay isang kanta, ang “Dampi” ng bandang Mirahel. Ito iyung patalastas ng PCSO o Philippine Charity Sweepstakes Office na nagpapakita ng iba’t ibang larawan ni Pang. Arroyo habang “kumakalinga” sa mga maralita. Batay sa dalas ng pagpapatugtog nito sa telebisyon at radyo, maipagpapalagay na tinitingnang “matagumpay” na propaganda ito ng rehimen.

Ikaw ang tanggulan ng nangangailangan
Ikaw ang pag-asa at kinabukasan
Haplos mo ay lunas sa bawat pagal
Salamat sa ’yong dampi ng pagmamahal…
PCSO
PCSO

Nagkakaisa ang marami na propaganda ito para kay Arroyo at hindi sa PCSO – bagamat katutuwaan siyempre ng una ang sipsip na gumawa nito sa nasabing opisina. Maraming apela sa kultura ang patalastas na ito: Ang boses at estilo ng musika na kilalang porma ng mga awiting makabayan – maka-Kaliwa at sosyal-demokrata – ay inialay ng Mirahel kay Arroyo. Ang pangulo na oo nga’t sadlak sa mga eskandalong pampulitika ay heto’t tuluy-tuloy sa pagtulong sa mga maralita. Marahas siya sa mga kalaban sa pulitika, pero bilang babae, heto’t ngiti at biyaya ang alay niya sa mahihirap.

Una sa lahat, walang dapat ipagpasalamat kay Arroyo para sa mga tulong na naibibigay ng PCSO. Galing ang pondo nito sa mahihirap, hindi kay Arroyo. Pinagkakaperahan ng PCSO ang pag-aasam ng mahihirap na guminhawa ang buhay sa pamamagitan ng sweepstakes at iba pang sugal na gumagamit ng numero – dahil sa kakapusan ng oportunidad sa lipunan. “Kawanggawa” ang ginagawa ng PCSO, na bagamat tulong sa mahihirap ay sintomas pa rin ng lipunan kung saan pinagsasamantalahan sila ng iilan. Maliit pa nga ang tulong nito kung ikukumpara sa diumano’y kurakot ng mga Arroyo.

Ano kaya ang mangyayari sa bandang Mirahel? Magiging naninigong simoy ito sa musika sa bansa: Habang ang ibang banda ay nakilala at napag-usapan dahil sa walang kuwentang mga kanta ng pag-ibig o kalungkutan, o ilang awiting kritikal sa lipunan, nakilala ang Mirahel sa pag-awit para kay Arroyo ng madamdaming kundiman. Hindi lamang ito inaayawan ng mga tao sa paraang inaayawan, halimbawa, ang Shamrock. Markado na ito ng mga tao bilang maka-Arroyo. Alam natin kung ano ang nangyari sa mga markadong maka-Arroyo noong eleksiyon. Kailangang tubusin ng Mirahel ang sarili.

Kung anuman, baka nasa titik at himig ng “Dampi” ang susi sa pagpapasikat sa tunay na mga pamana ng rehimeng Arroyo. Nananawagan ako sa mga mambabasa at sa lahat: Huwag nating kantahin ang tunay na titik ng awit. Baguhin natin ito para lagumin ang tunay na mga pamana ng rehimeng Arroyo. Bilang panimula, narito ang ambag ko:

Ikaw ang nanggulang ng nangangailangan
Ikaw ang nandaya ng mga halalan
Haplos mo ay Hudas, wala kang dangal
Salamat sa ’yong haplit ng pamamaslang…
Garci, Hello
US, amo

16 Hulyo 2007

wbello.gif

Sa buong mundo, kilalang aktibistang kontra-globalisasyon si Walden Bello. Sa Pilipinas, naglipana ang akusasyong isa siyang kontra-rebolusyunaryo.

Ang Krisis ni Walden Bello

Ang pangalan ni Walden Bello, bilang akademiko at aktibista, ay laging kadikit ng krisis. Katulad ng presensiya ng doktor, ang pangalan niya ay sintomas na hindi maayos ang mga bagay-bagay: Krisis ng neo-liberalismo, liberal na demokrasya, maka-korporasyong globalisasyon, estratehiyang pangmilitar ng US, at iba pa. Ngayong nagdeklara siyang tutulong sa pagbibigay ng lunas, nalalantad na nasasadlak siya mismo sa isang krisis. 

Nitong nakaraang mga linggo, idineklara ni Bello sa sanaysay na kumalat sa internet ang pagtakbo sa Kongreso bilang nominado ng Akbayan! Citizens Action Party. Bakit daw? “Dahil gusto kong magkaroon ng plataporma para kondenahin at labanan ang patakaran ng pamamaslang na tinanganan ng militar ng Pilipinas laban sa mga aktibista at mamamahayag.” Sinabi niyang mahigit 700 ang mga pinaslang, gayung mahigit 800 na ang bilang. Sinabi niyang ang dalawang estudyanteng dinukot ng hinihinalang mga militar ay mula sa departamento niya sa Unibersidad ng Pilipinas. Ang totoo, isa lamang.  

Kung anuman, sa dulo ng sanaysay ay humingi si Bello ng suporta – na malinaw na nakatuon sa dayuhang mga foundation, organisasyon at indibidwal na sa pagkakaalam ng marami ay lagi ring kadikit ni Bello at mga kauri. Ang suporta, aniya, ay “kritikal at puwedeng mangahulugan ng kaibahan ng tagumpay at kabiguan” sa halalan. Sa isang banda, malaki ang potensiyal na kumita nang limpak-limpak ng tambalang ito: Heto ang isang akademiko’t aktibista na sikat sa progresibong mga organisasyon sa daigdig. Heto naman ang pinakamainit na isyung pampulitika sa Pilipinas na nakabudyong sa mundo. 

Mabilis ang tugon ng Kilusang Mayo Uno: “Si Walden Bello at ang Akbayan ay doble-karang mga oportunista. Sa Pilipinas, pinasasama nila ang progresibong mga party-list bilang mga legal na prente ng CPP-NPA-NDF, ginagawa silang bulnerable sa mga atake habang sa labas ng bansa, nagpapanggap silang nagsusulong ng mga karapatang pantao at nagsasalita laban sa pampulitikang pamamaslang para makalikom ng pampinansiya at pampulitikang suporta.” Itinala ng KMU ang mga pahayag ni Bello na nagdidiin sa progresibong mga organisasyon sa bansa bilang prente ng mga komunista.  

Higit pa rito, gayunman, ang pagkakasangkot at paglahok ni Bello sa mga pakana ng Estado laban sa Kaliwa. Sa sanaysay na “Ang Krisis ng Progresibong Kilusan sa Pilipinas,” sinang-ayunan niya ang pagtinging ang Marxismo – at sa partikular, ang CPP-NPA-NDF – ay “walang maunlad na konsepto ng mga karapatan ng indibidwal… Kaya kung ang isang indibidwal ay pinaghinalaan o hinusgahang kaaway sa uri, siya ay wala nang likas na karapatan sa buhay, kalayaan, at paggalang, at kung ano ang mangyayari sa kanya ay nakabatay lamang sa taktikal na mga pangangailangan ng Kilusan.” 

Nalathala ang sanaysay noong 1992, sa pagsusuri ni Bello sa krisis ng Kaliwa sa bansa noong mga panahong iyon. Sa mga pahayag na ito, sinasabi ni Bello na nakaugat sa batayang mga prinsipyo ng Kaliwa ang pagkakamaling nagawa nito noong dekada 80, ang pamamaslang sa mga kasapi nito. Sinasabi niyang walang maunlad na konsepto ng karapatang pantao ang CPP-NPA-NDF. Ang pagtinging ito ni Bello, at ng ibang kasama niya, ang tinutuntungan ngayon ng rehimen para sabihing ang CPP-NPA-NDF ang may kasalanan sa mga pamamaslang, hindi ang militar at lalong hindi ang rehimeng Arroyo.  

Sa aklat niyang On the Subject of the Nation [2004], maging ang intelektuwal na si Caroline S. Hau ay nag-uulat na noong 1989 ay naglabas ng panuntunan at patakaran ang pamunuan ng CPP sa “pagbabantay sa indibidwal na mga karapatan” maging ng pinaghihinalaang mga espiya ng militar sa hanay nito: karapatang ituring na inosente hanggang mapatunayang maysala, magkaroon ng abogado at mag-apela, maiparinig ang panig sa pagdinig, harapin ang nag-aakusa at tumawag ng saksi. Dito, “absolutong” ipinagbawal ang tortyur gayundin ang “pagmaltrato at paghamak” sa mga inaresto.   

Sadlak si Bello, samakatwid, sa krisis ng kredibilidad. Nagpapahayag siyang nais labanan ang patakaran ng pampulitikang pamamaslang, gayung mahalaga ang mga isinulat at sinabi niya sa propaganda ng rehimen at militar hinggil rito. Lumahok si Bello hindi lamang sa pagtuturo sa makabayan at progresibong mga organisasyon bilang legal na mga prente ng mga komunista. Lumahok din siya sa pagpapasama sa imahe ng rebolusyunaryong kilusan – na napatunayan na ng mga pangyayari na walang batayan.  

Karapatan maging ng pinakabulok na mga pulitiko ang tumakbo sa halalan. Ang panlilinlang at oportunismo, gayunman, ay ilalantad at hahatulan ng mga mamamayan.  

07 Pebrero 2007, inilathala sa Pinoy Weekly

Follow

Get every new post delivered to your Inbox.

Join 118 other followers