Monthly Archives: August 2007

jmsison2.jpg

Samu’t saring panloloko ang bumaha sa bansa matapos ikulong sa The Netherlands si Prop. Jose Maria Sison. (Galing ang larawan sa Kalovski Itim Online.)

Mga Panloloko Matapos Dakipin si Jose Ma. Sison

I know that he was a wise man and a courageous one,
and that he had need of both qualities.
– E. P. Thompson 

Isa ako sa mga naniniwalang napakasamang balita ang ginawang paglansi at pagdakip kay Prop. Jose Ma. Sison, gayundin ang paghalughog sa bahay niya at mga opisina ng National Democratic Front o NDF, sa bansang The Netherlands nitong nakaraang mga araw. Sigurado akong hindi masisira ng ganitong mga hakbangin ang kagalang-galang na reputasyon niya – ang totoo, lalong napapabango ang pangalan niya ng nangyari. Pero pinatatampok ng mga naganap ang ilang garapalang panloloko sa sambayanan. 

Sa mga sulatin ng ilang intelektuwal, ihinahanay na si Prop. Sison sa ilang personalidad mula sa naunang henerasyon na naiba sa sandamukal na tradisyunal na pulitiko at konserbatibong intelektuwal dahil sa pagiging tunay na “makabayan” – silang lumaban sa imperyalistang kontrol, pangunahin ng US, para sa bayan. Sa tanaw ko, tampok sa mga makabayang ito sina Claro M. Recto, Lorenzo M. Tañada, Jose W. Diokno, Renato Constantino at Alejandro Lichauco. Kaisa at katulad nila, inilantad ni Prop. Sison ang imperyalistang kontrol sa bansa at inilahad niya ang isang alternatibang makabayan. 

Higit sa ganitong paglalantad at paglalahad, gayunman, idiniin ni Prop. Sison na para maitaboy ang imperyalistang kontrol at maipatupad ang alternatibang makabayan, kailangan ang isang rebolusyon – ang pagbabago ng kamalayan, puso at diwa ng nakakaraming naghihirap, pinagsasamantalahan at inaapi sa lipunan at ang kanilang sama-samang pagkilos para agawin ang kapangyarihang pampulitika sa bansa. Gagamit ng dahas ang rebolusyong ito – laban sa kanilang iilan na dahil sa interes na magpahirap, magsamantala at mang-api ay marahas na lalaban sa rebolusyong ito.  

Higit sa ganitong pagdidiin, gayunman, sumuong si Prop. Sison – mula sa pagiging propesor at eredero ng pamilyang panginoong maylupa at pulitiko – sa pangunguna sa pagbuo ng kilusan para sa makabayan at makamasang rebolusyon. Dahil kalaban siya ng mga may hawak ng yaman at kapangyarihan, dinanas niya ang maraming panganib at pahirap: Nagtago at nakulong. Tinortyur at ibinartolina ng diktadura. Pinalaya ng pag-aalsang bayan pero niligalig ng pamamaslang kaya napilitang madestiyero sa ibang bansa. Binansagang “terorista,” inalisan ng kakaunting natipid, at ngayon ay ikinulong. 

Marahil, pangunahing paliwanag sa mga atakeng ito ang kilusang itinatag at sa ilang panahon ay pinamunuan niya. Lumakas ang kilusang ito kahit sinupil ng nagdaang mga rehimen, maging ng diktadura. Mahalaga ito sa pagbabagsak sa dalawang pangulo at pagkakamit ng mga reporma para sa mga mamamayan. Ni hindi ito nalito ng maka-imperyalistang propaganda hinggil sa “pagbagsak ng sosyalismo”. Sa ilang panahon, natirang kilusang mapagpalaya ito sa Asya. Hinigitan na nito ang Katipunan ng 1896 sa lawak at tatag. Nangunguna ito ngayon sa paglaban ng mga mamamayan sa daigdig.  

Kung paanong isinusuka ng rehimen, ng naghaharing mga uri, at ng mga imperyalista ang mga kaisipan niya, hindi rin nila matanggap na hindi si Prop. Sison ang dahilan ng tuluy-tuloy na paglakas ng kilusang kadikit ng pangalan niya. Ang walang puknat na pagsasamantala, hirap at pandarahas na dinaranas ng sambayanan, at ang pag-aapuhap nito ng pagbabago ang tunay na dahilan. Ang matalas na suri, ang makabayan at progresibong mga prinsipyo, ang husay sa taktika at estratehiya, at ang halimbawa ng pagpupunyagi ni Prop. Sison – balewala ang lahat kung iba ang lagay ng sambayanan. 

Kaya malaking panloloko ang sabihing mapapabilis ng ginawa kay Prop. Sison ang pagpawi sa rebelyon sa bansa. Hindi, dahil lalong ipinakita ng nangyari na marahas at malupit ang rehimen at imperyalismo sa mga lumalaban dahil patuloy ang mga ito sa pagbaboy sa sambayanan. Malaking panloloko ang sabihing madedemoralisa at matatakot ang mga makabayan at progresibo. Hindi, dahil ipinapakita ni Prop. Sison na sa kabila ng edad niya at sa dami ng kanyang pinagdaanan, patuloy siyang haharap at lalaban. Pinag-aalab ng halimbawa niya ang diwa ng mga progresibo at makabayan. 

Napakalaki ring panloloko ang sinasabi ng dalawang biyuda na “nainggit” si Prop. Sison – kanino? – kina Romulo Kintanar at Arturo Tabara kaya ipinapatay niya ang mga ito. Kanino? Kung pag-aaralang mabuti ang kasaysayan ng Kaliwa sa Pilipinas, makikitang pinarusahan ang dalawa ng buong pamunuan ng Partido Komunista ng Pilipinas dahil sa iba’t ibang krimeng nagpahamak sa mga kasamahan at lumabag sa mga prinsipyo at awtoridad ng kanilang kilusan. Makikita ring ang ipinagmamalaking “paglakas” ng New People’s Army sa pamumuno ni Kintanar ay basta-basta, kaya mabilis ding nawala.  

Nagpapakilalang dating mga opisyal ng PKP ang dalawa. Kung gayon, dapat alam nilang hindi iisang tao ang nagpapasya ng mga pagpaparusa. O diktadura ba ang nakita nilang pamumuno ng asawa nila? Sinasabi rin ng pamunuan ng PKP na matapos mapatalsik, ang dalawang pinarusahan ay nakipagkutsabahan sa Estado laban sa PKP. Tila ipinagpapatuloy ng mga balo ang pakikipagsabwatang ito sa pagkalkal ng “baho” ng Kaliwa sa publiko. Pero walang takot pa rin silang nakalantad, dahil alam nila – sa kaibuturan ng puso nila – na hindi “inggit” o “galit” ang batayan ng PKP sa pagpaparusa.  

Siyempre, hindi pahuhuli ang kinatawan ng gobyernong US, si Bb. Kristie Kenney. Matapos sabihing “isyu ng Pilipinas” ang nangyari, binati niya ang rehimeng Arroyo sa ambag nito sa “giyera kontra-terorismo”. Mula sa pagiging malapit na magkaalyado ng US at The Netherlands, hanggang sa katangian ng operasyon at pag-alpas nito sa maraming salimuot, halata ang papel ng US. Sa paulit-ulit na kapal-mukhang pambabansag ng “terorista” ng kinikilala ng buong mundo bilang numero unong terorista, nagiging taimtim ang kagustuhang palayasin ang mga kampon nito sa bansa.  

Sa harap ng malaganap at organisadong panloloko lalo na sa pamamagitan ng midya, sa isang programang comedy ng mga batang artista ko nakita ang pinakamatalas na paggigiit ng dangal ng mga niloloko. Sa isang eksena, nangangako sa entablado ang isang pulitiko ng kung anu-ano – na kung iboboto siya, wala nang maghihirap at magugutom. Sabi ng isang manonood, “Oy! Mahirap lang kami, ano! Hindi kami tanga!”  

31 Agosto 2007

Basahin din ang “Joma, O Usapang Kudeta”.

alocsin2.jpg

Laban sa mga naninira sa kanya, mananaig si Angel Locsin. Basahin: “Pagtatanggol kay Angel Locsin”. (Galing ang larawan sa abante.com.ph.)

Pagtatanggol kay Angel Locsin

Madalas namang mangyari ito sa bansa natin: lilipat ang isang artista mula sa isa patungo sa kabila sa dalawang higanteng istasyong pantelebisyon. May karaniwan nang sumasalubong sa pangyayaring ito: napag-uusapan sandali ang mga dahilan ng paglipat, ang reaksiyon ng iniwan, at ang karaniwang magandang pagtrato ng lilipatan. Pagkatapos, balik sa dating gawi – o negosyo – ang artista at ang dalawang istasyon.

Bagamat masasabing pahupa na, mainam pa ring pansining iba at mas mataas na antas ang mga nangyari sa paglipat ni Angel Locsin mula sa GMA patungong ABS-CBN. Makikita ito sa dami at tindi ng mga usap-usapang pinakawalan kasabay ng paglipat niya. Dalawa ang totoong mapanghahawakan ng mga nagmamasid: Tumanggi siyang maging bida sa Mari Mar, palabas na sinasabing binuo para talaga sa kanya. At nag-aakusa ang pamunuan ng GMA na hindi siya maayos na nagpaalam para lumipat. Bagamat hindi ito gumamit ng salitang “ingrata,” malinaw na ganito ang ibig sabihin.

Bukod sa mga ito, nagsilabasan din ang masasahol na tsismis hinggil sa kanya. Na kesyo mayroon siyang sex video. Na kesyo kinamuhian at tinalikuran niya ang kanyang ina dahil sumama ito sa isang drayber, kapalit ng kanyang bulag na ama. Na kesyo nabuntis siya at nagpalaglag kaya pumunta sa ibang bansa. Sa isang lipunan kung saan opisyal na tinatangkilik ang atrasadong moralidad, malinaw ang direksiyon ng mga tsismis – ang palabasing mababa ang pagkatao niya, laluna ang kanyang pagkababae. Ang layunin – at wala nang iba pang maituturo – ay siraan o sirain siya bilang artista.

Kung mapapansin, nasa antas ng totoong buhay o pulitikahan ang mga pangyayari – hindi sa antas ng showbiz na nagsasabing publisidad pa rin maging ang negatibong publisidad, na nakakatulong sa artista. Malinaw ang hanayan ng diumano’y mga “mamamahayag pang-showbiz” sang-ayon sa halatang pagpabor sa Kapamilya o Kapuso o, kung manedyer, sa halatang pangangalaga sa interes ng “alaga”. At para bang hindi pa ito sapat, naglabas ng pahayag ang mga pamunuan ng mga istasyon. Sa rekord ni Bb. Locsin, hindi siya ang tipong isasalang ang sarili sa ganito para sumikat.

Lumilitaw na ang pagtanggi ni Bb. Locsin na maging bida sa Mari Mar ang puno’t dulo ng usapin. Naiulat na dahil sa pagtangging ito, binansagan siyang “ingrata,” “arogante,” at “halimaw”. Diumano, ikinasama ng loob ni Bb. Locsin na hindi siya ipinagtanggol nang husto ng GMA sa mga akusasyong ganito. Noong umugong ang paglipat ng artista, itinanggi ng pamunuan ng GMA na inalok sa kanya ang papel – na kaduda-duda, dahil pangunahing artista nila si Bb. Locsin at isa sa pangunahing palabas nila ang bersiyon ng mexicanovela. Mas patunay ang pamatay-usok na ito na naroon ang apoy.

Sa isang banda, kauna-unawang tinanggihan ni Bb. Locsin ang maging bida sa palabas. Una na sa lahat, dahil hindi niya kalakasan ang sumayaw at kumanta – na hinihingi sa dating papel ng manganganta at mananayaw na si Thalia. Ikalawa, at wala akong problema kung ito ang pangunahin, puro katawan at kagandahan ang ibinibida ni Mari Mar. Binibigyang-katuwiran ang ganito ng pagiging “inosente” niya, at nilalagom sa pagkakaroon niya ng “malinis na puso”. Kahit sa punto de bista ng isang umaabanteng babaeng propesyunal, dapat kilalanin ang pagtanggi ni Bb. Locsin sa proyektong ito.

Pero mainam idikit, kung hindi man iugnay, sa usaping ito ang ilang aksiyong “pulitikal” ni Bb. Locsin nitong nakaraan. Bukod sa mas bantog na pag-endorso niya sa mga kandidato ng oposisyon sa pagka-senador – kina Manny Villar at Koko Pimentel – inindorso at ikinampanya rin niya ang progresibong mga party-list na Kabataan at Gabriela. Sa panahong pinapatay ang mga aktibista at maging karaniwang mga kasapi ng progresibong mga party-list, bukodtangi si Bb. Locsin bilang sikat na artista sa pagkampi sa mga ito. Hindi siya natakot na itaya ang kanyang pangalan at kasikatan.

Kung hindi pa man ito sapat, mainam balikan ang isang panayam na ibinigay niya sa progresibong pahayagang Pinoy Weekly bago ang nakaraang eleksiyon. Dito, sabi niya, “[B]ilang responsableng tao, kailangang maging involved. Kailangan, pumili ako ng stand ko. Hindi naman puwedeng niyutral tayo palagi.” Dagdag pa niya, “[N]atutuwa ako na mayroong grupo na sumusuporta sa kababaihan na, alam mo ’yun, kimi. Na hindi alam kung paano lalaban… paano ipaglaban iyung karapatan nila. Siyempre, susuportahan ko sila. At bilang isang babae, obligasyon kong tumulong sa kapwa ko babae.”

Sinasabi rin sa artikulo na “Nababalita… sa set ng mga project niya, ang kanyang pagtanggi na gumawa ng mga eksena na maglalako sa kanyang katawan. Nababalita rin ang pagdadalawang-isip niya ngayon na mag-pose sa mga publikasyong nakatuon lamang sa pagpapamalas ng katawan ng babae. Unti-unti, nahuhubog ang kaisipan ni Locsin sa makabuluhang gamit ng kanyang kasikatan.” Ang mensahe niya sa kababaihan: “[P]uwedeng lumaban, ’pag alam mo nasa tama ka, gawin mo ang tama.” Naganap ang panayam sa isang aktibidad ng Gabriela para sa kaarawan ni Bb. Locsin.

Hindi ko planong ipagtanggol si Bb. Locsin sa puntong nag-uugat ang pagtanggi niya sa papel na Mari Mar sa pag-usbong at paglakas ng isang kamalayang maka-babae. Hindi dahil hindi ito mauunawaan ng mga opisyal ng industriya na wala marahil sa hinagap ang posibilidad ng pagtanggi ng isang artista sa mga alok batay sa mga prinsipyong maka-babae. Kundi dahil hindi naman ganito – pa? – ang pahayag ni Bb. Locsin. Mainam at nakakatuwa, siyempre, kung ganito ang sabihin niya sa hinaharap hinggil sa insidente. Magiging sukatan nito ang mga proyekto at kontratang papasukin niya.

Naaalala ko si Charles de Gaulle, dating punong ministro ng Pransiya, noong tinanong kung bakit hindi niya ipakulong ang pilosopong si Jean-Paul Sartre sa kabila ng mga aktibidad nitong subersibo. “You don’t imprison Voltaire,” sagot ni de Gaulle. Hindi mo ikinakalaboso si Voltaire, ang dakilang pilosopong Pranses ng ika-16 na siglo. Hindi Voltaire at lalong hindi Sartre si Bb. Locsin. Pero sa pagtulong niya sa progresibong pulitika nang isinusugal ang kasikatan niya, milya-milya ang layo niya sa ibang talent, laluna sa baboy na mga “manunulat” na naninira sa kanya. Hindi mo siya dapat siraan. You just don’t.

Nakakaalarma ang ipinakita ng mga “mamamahayag na pang-showbiz” sa isyu ni Bb. Locsin. Sa pagtatanggol nila sa mga kagawian ng industriya ng showbiz – na siyang pinagmumulan ng bansag na “arogante,” “ingrata” at “halimaw”, at maaari ngang nalabag ni Bb. Locsin – nakikita ang pagkabulag nila sa isang desisyong maaaring prinsipyado, o ang kakayahan nilang maging malupit sa isang tao, at ang pagiging sunud-sunuran nila sa dikta ng kalansing ng barya ng malalaking korporasyon ng telebisyon o ng tubo mula sa pinaghirapan ng ipinagtatanggol nilang mga “alaga”.

Hindi masisira ng salaula nilang satsat si Bb. Locsin. Ang totoo, sa pagpapakaburak, pinakinang nilang lalo ang tala nito. Mananaig si Bb. Locsin – ang Sartre sa mga bituin.

23 Agosto 2007

Basahin ang “Ang bagong papel ni Angel Locsin” ni Kenneth Roland A. Guda sa Pinoy Weekly.

elementary-students.jpg

Mga estudyante ng pampublikong mga paaralang pang-elementarya: Nag-aagawan para sa mga librong mali-mali?

Dahil Titatita ng Bansa si Gloria

Noong Agosto 13, 2007, lumabas sa Philippine Daily Inquirer ang isang di-karaniwan at bukodtanging patalastas. Pinamagatang “Titatita: Bugaw (Pimp) What Philippine Public School Textbooks are Teaching Filipino Public School Students,” isang Antonio Calipjo Go na nagpapakilalang academic supervisor ng Marian School of Quezon City ang nagsulat. Sa patalastas, itinala ni G. Calipjo Go, gaya ng isinasaad ng titulo, ang mga pagkakamali sa mga konsepto, mga datos at paggamit ng wikang Filipino na laman ng mga teksbuk ng pampublikong mga paaralan sa bansa ngayon.

Sa introduksiyon niya, ikinuwento ni G. Calipjo Go ang sirkumstansiya ng paglalabas niya ng nasabing listahan. Una pala niya itong iniharap sa isang imbestigasyon ng Senado. Pagkatapos, sumulat sa kanya ang isang opisyal ng Department of Education para hilinging iprisinta niya sa departamento ang nasabing listahan dahil, diumano, hindi nakita ng mga “reviewer” nito ang mga pagkakamaling tinukoy niya. Ayon kay G. Calipjo Go, hiniling niya sa DepEd na magbuo ng lupon ng tatlong taong “obhetibo” at “indipendiyente” na kanyang paghahapagan ng listahan at siya na ring hahatol kung tama o mali ang pagtingin niya. Hindi na siya sinagot ng DepEd.

Sa halip, lumabas ang isang artikulong nag-uulat na pinabalik-aralan ng DepEd ang mga teksbuk na sinuri ni G. Calipjo Go at lumalabas na ang “porsiyento ng kawastuhan” ng mga ito ay mula 90% hanggang 99.48%. May aklat na binigyan ng 90% hanggang 94% kahit natuklasan ng DepEd mismo na mayroon itong “siyam na konseptuwal, 20 pandatos, at 47 pangwikang mga pagkakamali”. Pagkatapos, inianunsiyo ng DepEd na maglalabas ito ng dokumentong nagwawasto sa mga pagkakamaling natukoy nito sa mga teksbuk. Nakatanggap mismo si G. Calipjo Go ng kopya at, aniya, kakaunti lamang ang mga pagkakamaling natukoy ng DepEd.

Ganito ba dapat tratuhin ang isang taong nagmamalasakit sa kawastuhan ng nilalaman ng mga teksbuk na ipinapabasa at ipinapaaral ng gobyerno sa mga batang estudyante ng pampublikong mga paaralan? Agad na kontrahin ang sinasabi niya, minsan siyang utusan o pakiusapan na ilahad ang kanyang natuklasan, at kung hindi siya susunod ay magtodo-arangkada sa pagpapakitang mali siya at pagtatakip sa usaping binuksan niya? Tama ang pasaring ni G. Calipjo Go: Gusto ng mga opisyal ng DepEd na sarhan ang usapin sa pamamagitan ng lakas at kapangyarihan, hindi ng pag-uusap, paliwanagan at katwiran. Mal-edukado ang mga opisyal na ito.

Kung ang paglalantad (exposé) na ginawa ng isang tao laban sa gobyerno ay hinggil halimbawa sa pagnanakaw sa kabang-bayan, pandaraya sa pambansang halalan, o pag-uutos ng pampulitikang pamamaslang, dapat ay makinig pa rin ang gobyerno sa pamamagitan ng pagsisiyasat at pagpapaandar ng angkop na mga proseso. Sa kaso pa kaya ng paglalantad ng mga pagkakamali sa mga teksbuk ng pampublikong mga paaralan? Mas madali at makabuluhan ba para sa DepEd na magpatawag ng mga guro at supervisor ng mga eskuwelahan para pag-aralan ang mga teksbuk, gaya ng sinasabi nito, kaysa buuin ang lupon ng tatlong tao na hinihiling ni G. Calipjo Go?

O, dahil si Senador Panfilo Lacson ang nangumbida sa kanyang magsalita sa Senado, itinuturing na rin ba si G. Calipjo Go ng mga opisyal ng DepEd na bahagi ng “pakanang destabilisasyon” na laging ibinibintang ng administrasyon sa mga tumutuligsa at tumututol? “Hindi” man ang sagot nila, walang ipinagkaiba ang ginawa nila sa mga taktikang ginagamit ng administrasyon laban sa mga kritiko nito. Mas makulay siguro ang sumunod na mga pangyayari kung may nakaisip na desperado at problemado lang sa pera si G. Calipjo Go: Iimbitahan siyang magtrabaho sa gobyerno, kaopisina ni Michaelangelo Zuce, paboritong inaanak ni Virgilio Garcillano.

Kunsabagay, hindi naman talaga mahalaga ang mga sinasabi ni G. Calipjo Go – maging ang mga teksbuk, mga batang estudyante at kanilang edukasyon. Ang mahalaga ay ang kurakot sa produksiyon ng mga teksbuk. Kung baha-bahagi ng produksiyon ng mga ito ang pinondohan ng World Bank, mga anakpawis na magulang ng mga estudyante ng pampublikong mga paaralan ang magbabayad. Tutal, bayan naman tayo ng mga taong ang pinakamataas na puwedeng pangarapin ng marami ay magtrabaho sa call center o magpaalila sa ibang bansa. Malaking isyu pa ba kung maniwala tayong si Ferdinand Magellan ang nakadiskubre sa Pilipinas?

Tawag-pansin ang titulo ng patalastas ni G. Calipjo Go. Natuklasan niya ang paggamit sa salitang ito (“titatita”) bilang halimbawa sa isang pang-elementaryang teksbuk para sa pag-aaral ng Filipino. Labag man sa moralidad ng panggitnang uri ang paglalagay nito sa mga teksbuk, bahagi na ang reyalidad nito ng pang-araw-araw na buhay ng marami. Marahil, sa kamay ng maingat na guro, makabuluhan ang “titatita” o “bugaw”. Kongkretong paglalarawan ito ng ugnayan ng sambayanang Pilipino, ng rehimeng Arroyo at ng dayuhang mga kapangyarihan, tampok ang US. Gugustuhin pa ba ng titatitang makabasa ng mahusay na libro ang ibinubugaw niya?

Narito ang ilang pagkakamaling tinukoy ni G. Calipjo Go na hindi pa rin naiwasto ng DepEd sa kabila ng pag-aaral ng mga ekspertong kinuha nito. Paborito kong mga pagkakamali ang mga ito, dahil maraming sinasabi hinggil sa kalagayan ng edukasyon ng bansa, at ng bansa mismo. At bago ako maakusahang bahagi ng “pakanang destabilisasyon,” gusto kong sabihing hindi kailangan ng talino ng isang Einstein o Rizal para makita at masabing may pagkakamali nga sa mga sumusunod:

(1) Mag-interbyu ng maliliit na negosyante. Alamin kung kani-kanino sila nangungutang.

(2) Magsaliksik sa aklatan o kapanayamin ang isang doctor tungkol sa iba’t ibang paraan ng pagpaplano ng pamilya (methods of family planning). Ilarawan o ipaliwanag ang dalawa sa mga paraang ito.

(3) Magdala ng manika o karton na ginupit na anyong tao. Bihisan ito ng ginupit na papel, pira-pirasong tela, dahon at balat upang mag-anyong Negrito ito.

(4) Magpasama sa iyong magulang sa barangay. Itanong kung ano ang mga proyektong pangkabuhayan at pangkalusugan. Ipamalita ito sa mga kabarangay.

(5) Magmasid sa mga anyong lupa at anyong tubig sa inyong lugar. Tingnan kung may matutuklasan dito na mga labi at gamit ng sinaunang Pilipino.

(6) Isadula: Pagpupulong ng Kongreso ng Malolos sa Simbahan ng Barasoain.

(7) Ginamit ng mga sinaunang tao ang mga baka, kambing at baboy sa pagsasaka at paghakot ng mga kasangkapan at ani.

(8) Isa sa mga pangkat-etniko sa Zamboanga ang Kalibugan.

(9) Miyerkules ng Abo (Ash Wednesday). Palaro ng Asyano (Asian Games). Piping Palabas (Pantomina). Taing-kabag (Guano).

(10) Sinasagisag ng bangus ang tapat na pakikitungo ng mga Pilipino.

(11) Si de Leon ang may likha ng awit na “Ang Gatas ng Itlog”.

(12) Isang mapunong kagubatan.

(13) Mabait na bata si Alma. Ang kanyang palayaw ay Maggie.

(14) Paano mapahahalagahan ang mga yamang likas (natural resources) sa Barangay Malinao, Pasig City?

(15) Isa sa mahalagang ambag ni Marcos ang pagtaguyod niya ng tunay na nasyonalismo.

17 Agosto 2007

kempeno.jpgscadapan.jpg

Sa pamamagitan ng kanyang koleksiyon ng mga tula, nag-aambag si Philip Anorico sa kampanya para sa pagpapalaya kina Karen Empeno (Kaliwa) at Sherlyn Cadapan.

Mga Tulang KSP: Karen-Sherlyn, Palayain!

Nitong Hunyo 26, isang taon matapos dukutin sina Karen Empeño at Sherlyn Cadapan sa Hagonoy, Bulacan, may namigay ng koleksiyon ng tula sa pinagmulan nilang Unibersidad ng Pilipinas sa Diliman. May titulong 5 Tula ng Paghahanap, kakaiba ang porma nito: pinagsama-samang pahalang na kalahating mga bond paper na tinupi sa gitna. Isang Philip Anorico ang nakalagay na nagsulat – estudyante ng UP at matapang na nagpapakilala, sa likod ng koleksiyon, na “kaibigan, iskulmeyt, ka-boardinghouse, kabarkada at kasama” ng nawawalang si Karen. Kapansin-pansing payak ang mga tula.

Sa “Paghahanda para sa July 7 Mob 2006,” inilatag ang iba’t ibang imahe at dama ng isang umaga ng paghahanda para sa isang kilos-protesta sa kampus ng UP Diliman. Sa paglalahad ng isang maipagpapalagay na aktibista, mararamdaman ang iba’t ibang timpla ng kilig at diwang palaban, ng nag-aapurang pag-aapuhap at matatag na kagustuhang makapagpakilos nang marami. Bagamat nagsimula sa taimtim na pagtarak “sa pahina ng kasaysayan” ng pagdukot kina Karen at Sherlyn, dumulo ito sa isang bukal ng kaligayahan sa paghahanap – ang pag-asang kikilos ang masa, nang marami.

3.
Bumili ng matibay na Eveready
Sinalpak sa megaphone, sound check 1, 2, 3
“Tuyo na ang plakards,” sabi ni Mang Romy

Marami na bang tao sa AS lobby?

4.
Sa Casaa, Katag, merong naglilibot
Nagpupuyos sa galit ang bawat sulok
Nadidinig sa Engineering ang echo

Aba
! Lalampas tayo sa isang libo!

Sa “Sa Inang Naghahanap,” tampok na makikita ang sinabi ng makatang si Richard R. Gappi – na sumulat ng maikling paunang salita sa koleksiyon – na paggamit ni Anorico “sa imahe at idiom na lapat sa… karanasan ng karaniwang Pilipino”. Sa paglalarawan sa danas ng nakakapangambang kawalang-katiyakan ng mga magulang nina Karen at Sherlyn, ibinubukas nito ang gayong danas sa iba. Hindi marahil kay Gng. Gloria Macapagal-Arroyo, G. Jovito Palparan o iba pang opisyal-militar na manhid ang puso, kundi sa nakakaraming nakakaunawang kahit ang asong nawawala ay hinahanap…

Itong paghahanap sa nawawalang anak
Higit na malupit sa pagkakarehas;
Walang kalayaan ang bawat paghikab
Hanggang panaginip at hilik ay bihag.

Maamong tuta huwag tangkaing saktan
Sapagkat asong ina ay mananagpang;
Ang kuting ’pag isinupot at niligaw
Inang pusa ay isang linggong ngingiyaw.

Sa “Oda sa mga Ordinaryong Araw,” isinalaysay ang pang-araw-araw na paghahanap kay Karen, hindi sa Hagonoy o mga kampo ng militar kundi sa mga lugar na pamilyar. Kung lumabis man sa ilang punto sa praning na pag-asang nandiyan lang siya sa tabi-tabi, o sa metapisikal na kilabot ng palagay na nasawi siya, tinuturol ng tula ang tunay at marubdob na pangungulila kay Karen at desperasyong makita at makapiling siya. Binubuhay nito ang danas ng mga kaibigan at kasama ni Karen sa kanyang presensiya, maging ang pagmamadali: Parang kailan lang, kapiling natin siya sa mga lugar na ito.

Sa mga ordinaryong araw
na katulad nito
lagi, dinadalaw mo ako…

Ikaw na dinukot ng militar…

At nang manghiram ako
ng libro sa UP Main Library,
nabasa ko ang borrowers’ card
ang pinakahuling nanghiram –

Karen Empeño.

Sa “At Nawawala pa rin ang Aking Kaibigan at Kasamahan,” ibinahagi ang mga prinsipyo at pangarap na pinagsaluhan at ipinaglaban nina Karen, Sherlyn at kanilang mga kasama. Sa paglalahad pa lamang sa mga ito, ipinapakita nang makatarungan, makatao at para sa nakakarami ang mga ito – na siya namang nagpapaalab sa makatwirang suklam sa kanilang dahas ang ipinantatapat sa mga ito. Panata itong ipagpapatuloy ang paghahanap sa mga nawawala, ang pagkilos para kamtin ang mga pangarap, at ang pagtugis at pagpaparusa sa kanilang walang-dudang maysala.

Matutupad din ang ating pangarap –
makakawala tayo sa pagkakatali sa punong higera
at babaklasin natin ang matatalim
na ngipin ng mga nakaangil na tigre.

Sila ang mga buhay na patay
Na sumasakmal sa ating dibdib at kalooban:
Walang-awa silang parurusahan
ng kasaysayan.
Totoo ito,
aking kaibigan at kasamahan.

Mata lamang nila ang walang latay.

Nilampasan ng “Sa Bulwagang Rizal, Binato ng Itlog at Putik si AFP Chief of Staff Hermogenes Esperon” maging ang marami sa “nakikisangkot” na mga tula ngayon sa paghahapag hindi lamang ng panawagang kumilos, kundi ng aktuwal na danas ng pagkilos. Ibinuhos dito ang mga kaisipan at damdaming kaakibat ng pambabatong siniraan ng iba bilang gawa ng mararahas na estudyante, labag sa intelektuwal na katangian ng pamantasan. “Ni hindi namin hinawakan ang kanyang balat/… Ngunit sinusuntok siya ng mga salita/ ng paniningil, galit, panghihiya, pangungutya/ namin…”

Pagkaripas ng L300 na kanyang sinakyan,
napatingin ako sa sarili,
Punung-puno ng putik ang mga palad
at naliligo sa mantsa ang kasuotan ko.

“Ayos lang iyon. Mahuhulasan ang mga kamay mo ng
tubig sa gripo.”

Sapagkat higit ang mantsang nagpaparungis kay Esperon
Naliligo siya ng dugo ng mga pinatay na aktibista.
Hindi nabubura ang dugo sa kanyang mga palad,
Kahit na hugasan pa iyon ng isang trak ng tubig.

Sa kabuuan, kaiba ang mga tula ni Anorico sa mga “obra” ng mga makatang gumon sa pagkikinis ng mga salita at pagsilo ng mga metapora para bigyang-hugis ang kanilang awtentikong danas – ng karerismo sa departamento, palihan at patimpalak. Bukod sa pagpili sa paksang mahalaga sa hinaharap ng ating bayan, pinili niya ang simple at gamiting mga salita, pang-araw-araw na mga imahe at salaysay, at mga ekspresyong karaniwan at idyomatiko na humahalaw ng lakas sa kultura. Sa porma ng koleksiyon, ng mga tula at ng pamamahagi ng mga ito, KSP ang mga tula ni Anorico – kulang sa pansin. O, sa salita ni Ramon G. Guillermo, “nag-aabot-kaya” sa masang mambabasa.

Sa harap ng pangkalahatang pasismong konteksto ng pagdukot kina Karen at Sherlyn, may mapupulot sa sinabi ng marxistang intelektuwal na si Aijaz Ahmad. Bagamat, sa kabuuan, “ang kalipunan ng mga ideolohiyang inaakmaan ng salitang ‘pasista’ ay mga ideolohiyang nakalugar partikular sa panahon ng imperyalismo, kontra-imperyalismo at rebolusyunaryong tunggalian ng mga uri,” aniya, “natatamo ng bawat bansa ang pasismong karapat-dapat dito.” Ibig sabihin, “ang partikular na porma na kapapalooban ng isang kilusang pasista ay laging magbabatay sa… pang-ekonomiya, pampulitika…, panrelihiyon, pangkultura at pang-ideolohiyang mga pormang partikular sa isang bansa”.

Nag-uudyok ng maraming produktibong tanong ang pahayag ni Ahmad. Habang sinisikap nating alamin at pag-aralan ang panibagong pag-uulol ng pasismo sa Pilipinas – na dahil itinutulak at pinapangasiwaan ng US ay hindi masasabing panandalian lamang – ubos-kaya na nating nilalabanan ito. At sa paglaban, siyempre pa, pinakamahalaga ang pagkilos at pagbalikwas ng sambayanan. Dito mailulugar ang halaga ng pag-unawa sa kultura, nila na atin din. Sa 5 Tula ng Paghahanap, malinaw ang pagsisikap ni Anorico na gagapin at gamitin ang kultura sa paglaban sa pasismo.

Mainam na landas ang hinahawan niya – tahakin natin sa paglaban sa Pasismo Pilipino.

08 Agosto 2007

sona-2007.jpg

Mas nakatanaw sa hinaharap kaysa sa nakaraan at kasalukuyan ang State of the Nation Address ni Pang. Gloria Macapagal-Arroyo ngayong 2007: Bakit?

Pahabol sa SONA

Sa konsepto, at sa kamay siguro ng ibang klase ng gobyerno, ang State of the Nation Address (SONA) ng presidente ng Pilipinas ay matapat, siyentipiko, at komprehensibong paglalahad ng kalagayan ng bansa at, batay rito, ng direksiyong pipiliting tahakin at tunguhin ng bansa sa pamumuno ng gobyerno. Pangkalahatang plano ito ng sangay-ehekutibo at lehislatibo sa darating na taon. 

Sa kasalukuyan, gayunman, hindi ganito ang SONA sa bansa. Palaging kaduda-duda, kung hindi man mali at binaluktot, ang kalagayan ng bansang inilalarawan dito. Bagamat walang masama kung mangarap ang isang gobyerno, palagi ring nawawaglit sa isip nito ang mga pangakong nilaman ng SONA – para balikang muli kapag papalapit na ang panibago. Sa puntong ito, katulad ng SONA ang piyesta kaysa seryosong pagbubuo ng plano – napapag-usapan ilang panahon pagkatapos, at puwede ring balikan isang taon pagkatapos para paghambingan.  

Maaalala ang SONA 2007 ni Pang. Gloria Macapagal-Arroyo bilang SONA ng pangakong uunlad ang Pilipinas at magiging kahanay ng mga bansa sa Unang Daigdig matapos ang 20 taon. SONA muli ito ng pagratsada ng mga proyektong pang-imprastruktura na ipinangakong gagawin sa iba’t ibang bahagi ng bansa. SONA ito ng pagbabanta sa mga kalaban sa pulitika na huwag humara-hara sa daan ng rehimeng nagpapakilalang nagsusulong ng interes ng sambayanan. Ito na ang ipinagmalaking SONA tungkol sa iiwanang pamana (legacy) ni Arroyo. 

Marami na ang nagkomento sa mga pahayag na ito. Hindi masamang mangarap ang gobyerno na paunlarin ang bansa, pero kung ipapagpatuloy lamang nito ang mga patakarang puminsala na nang husto sa ating ekonomiya at nagpahirap na nang lalo sa mga mamamayan, ang patuloy na uunlad ay ang iilan na dati nang may hawak ng yaman at kapangyarihan sa bansa. Hindi rin uunlad ang bansa kung hindi isasangkot ang mulat na pag-aambag ng masang sambayanan – na magagawa lang kung kanila at para sa kanila ang mga patakaran at gobyerno.    

Hindi rin sapat ang mga proyektong pang-imprastruktura para makamit ang gayong pag-unlad. Marami ang nagsasabing walang pondo ang bangkaroteng gobyerno para sa mga ito. Matutuloy lang ang mga ito, anila, kung uutang ang gobyerno – siyempre, sa dayuhang mga institusyon. Tiyak na huhuthutan ito sa korupsiyon ng tiwaling lokal na mga pulitiko. Kaya nga wastong inilarawan si Arroyo na reynang namigay ng biyaya sa mga basalyo. Matuloy man ang mga proyektong ito, mga dayuhang kompanya ang makikinabang, hindi mga Pilipino.  

Malaking bahagi ng SONA ni Arroyo ang tumatanaw sa hinarap, pasulong. Maraming dahilan ito, ngunit may isang tiyak: hindi magawa ni Arroyo na lumingon – kay Cory Aquino, Fidel Ramos, o Erap Estrada, halimbawa. Kontra-mamamayan ang mga pangulong ito, pero sa ilang mahalagang punto ay mas mainam kay Arroyo. Instrumental si Aquino sa pagpawi sa lantarang mapanupil na paghahari. Ibinenta ni Ramos ang napakaraming pag-aari ng gobyerno, kaya nakapagpakita ng paimbabaw na pag-unlad. Napakapopular sa masa ni Estrada.

Sa kabilang banda, ibinalik ni Arroyo ang lantarang mapanupil na paghahari – na mas batbat ng krisis kumpara sa Batas Militar kaya hindi maideklarang ganoon. Naibenta na ang pinakamabentang mga pag-aari ng gobyerno, at gumuho na ang pantasyang pinagkawingan noon ng pangarap na “Philippines 2000” – ang pagtulad sa Newly-Industrializing Countries o NICs sa Asya. Hindi na kailangang ulitin pang si Arroyo ang pinakakinakamuhiang huling pangulo ng bansa matapos si Ferdinand Marcos. Nagawa niyang pagandahin ang tingin ng madla sa kudeta. 

Sa ganito mailulugar at mauunawaan ang mga ipinangako sa SONA: Patunay ang mismong rehimeng Arroyo ng pagsahol ng krisis na kinasasadlakan ng pulitika at ekonomiya ng bansa. Hindi ito makalingon sa nakaraan at ang kinakaya lamang nito ay tumingin pasulong sa gawa-gawa nitong mapanlinlang na ilusyon. Paano, hindi nito matatanganan – dahil labag sa interes nito – ang tunay na pagbabago ng estado para paglingkurin ito sa sambayanan. Sa ganito pakiming inaamin maging ng tusong pampulitikang pahayag ang krisis ng bansa.  

Sa ganito rin mapapagtibay: Hindi sa mga dayuhang panginoon at sa kasabwat nilang naghaharing mga uri ang hinaharap kundi sa sambayanang nakikibaka para sa kalayaan, demokrasya at sosyalismo – na tanging alternatiba. Kung malayang hahalaw kay Terry Eagleton, marxistang intelektuwal, masasabing “Ang pinakalantad na mangmang na porma ng ideyalismo ay hindi sosyalismo, kundi ang paniniwalang kapag binigyan ng sapat na oras,” papakainin ng sistemang mala-kolonyal at malapiyudal ang buong sambayanang Pilipino.  

01 Agosto 2007 

Basahin din ang “Gloria Propaganda” at “Balik-Aral sa ‘Matatag na Republika’ 

Follow

Get every new post delivered to your Inbox.

Join 117 other followers