
Marami pang puwedeng gawing plakard na katulad nito sa harap ng pagputok ng eskandalong ZTE.
Dahil inaasahan kong nagkakasa na ng mga protesta ang iba’t ibang grupo para kondenahin ang korupsiyong inaakusa kina First Gentleman Mike Arroyo at Comelec Chairman Benjamin Abalos, mapagkumbaba kong ipinapanukala ang sumusunod na mga islogan – na sana’y gamitin nila kahit sa mga plakard. (Katulad ng alam na ng marami, inakusahan nitong Setyembre 18 ni Jose “Joey” de Venecia III sina Arroyo at Abalos ng pagsuhol at pagkatapos ay pagsindak sa kanya para umatras sa proseso ng pagsubasta o bidding sa plano ng gobyernong magtayo ng national broadband network. Nakopo ng ZTE Corporation ng Tsina ang kontrata ng plano sa halagang $329 Milyon.)
LULI: NANAY AT TATAY MO, ADIK… SA PERA NG BAYAN.
Sagot ito sa pagtatanggol ni Evangeline “Luli” Arroyo sa kanyang ama kung saan sinabi niyang “Hindi ko alam kung may tama sa pag-iisip niya ang paggamit niya dati ng droga” nang pinatutungkulan si Joey de Venecia. “Secret weapon” ang turing kay Luli ng makinarya sa propaganda ng Malakanyang at ng ilang taga-midya mismo, dahil pinagmumukha raw niyang mga taong nasasaktan ang mga magulang niya. Pero hindi siya dapat palusutin sa hirit na itong below the belt – o “below the bra” para hindi seksista. Sabi raw ng tatay niya, “Manipis ako… Mas maliit akong target pero ako pa rin.” Adik, hindi ba? Kumpara sa karaniwang adik, mas baliw at salot ang mga grabeng sugapa sa pondo ng bayan.
IKAW, MIRIAM, SINO’NG NAGPOPONDO SA IYO?
Sagot ito sa nagpupuyos na ispekulasyon ng maka-administrasyong senadora: “Sino ang nagpopondo sa binatang ito?” Sa punto pa lang, aniya, na patok ang publisidad ng pagbubunyag ni De Venecia sa katiwalian sa administrasyong Arroyo, masasabing “maraming pera ang nagastos”. Kung matatandaan, ganito rin ang punto niya sa pagdinig sa kasong impeachment laban kay dating Pang. Estrada. Aniya noon, labag sa lohika ang paglipat ng isang abogado sa pinagtatrabahuang mas mababa magpasuweldo. Binara at ipinahiya siya ni dating Sen. Raul Roco, kaya pinagdiskitahan niya ang mga manonood noon na, aniya, tumitingin sa kanya sa paraang “provocative”. Siya kaya, sino ang nagpopondo sa mga satsat niya?
GARCIA AT VILLAFUERTE: MGA TRAPO, PAMPAPOGI NI SPEAKER.
Lalong nagiging malinaw ngayon kung bakit binuo – siyempre pa ng Malakanyang – ang bloke nina Rep. Pablo Garcia at Rep. Luis Villafuerte sa Kongreso: Para gipitin pana-panahon si Speaker De Venecia na lubusang sumunod sa Malakanyang. Napakabulok na pulitiko ng dalawang ito. Sa panahong pumutok ang isang eskandalong napakahalagang pag-aralan ng bansa, ang interes lang nila ay ipagtanggol si Pang. Arroyo at kuhanin ang liderato ng Kongreso. Bago sumingaw ang dalawa, halos monopolyo ni Speaker ang bansag na “trapo”. Ngayon, salamat sa matapang na paglantad ng anak niya, gayundin sa paglutang ng itsura ng dalawang halimaw na trapong ito, pumopogi siya sa publiko.
MIKE ARROYO: WALA KANG KUPAS. ABALOS: MAGALING BUMILANG NG PERA, HINDI NG BOTO.
Noong nagkasakit si First Gentleman Mike Arroyo at nameligro ang buhay niya sa unang bahagi ng taong ito, pinalabas ng mga propagandista ng Malakanyang na nagbago na siya. (Pag-amin kaya ito na ubod-sama ang nakaraan niya?) Pero lumilitaw na pagkagaling niya sa sakit at agaw-buhay, bumalik siya agad sa masasamang gawing inaakusa sa kanya. Mabuti hindi siya nabinat. Wala siyang kupas. Gaano ka-bobo ang mga Pilipino para kay Pang. Arroyo? Hanggang kailan puwedeng babuyin ang mga Pilipino para sa kanya? Isang malinaw na sukatan niyan kung gaano katagal pa niya papanatilihin si Abalos bilang tagapangulo ng Commission on Elections.
ZOBRA NA, TAMA NA, EXIT NA!
Madali sanang isantabi ang mga akusasyon ni Joey de Venecia kung hindi siya anak ni Speaker na malapit na alyado ng pamilyang Arroyo at walang mapapala kung kakalas sa huli. Higit pa rito, madali sanang balewalain ang mga ito kung wala ang napakarami nang akusasyon ng pandarambong laban sa kanila: Pidal, Macapagal Ave., Bolante… Sa mga akusasyong ito, isa sa pinakamalaking patunay ng kanilang pagkakasala ang tugon nilang pigilan ang paglabas ng katotohanan: banatan ang mga naglalantad at sawatain ang mga proseso. Kahapon lang, inilantad ni Hen. Hermogenes Esperon na may natuklasan siyang bagong plano ng destabilisasyon. Maganda ang timing: nagbabanta ng paninikil. Hindi na sila nagbago.
BACK-OFF, GLORIA!
Matagal nang maysala si Pang. Arroyo sa mata ng sambayanan. Ipinapakita niyang ang taong nagnakaw sa mismong pagkapangulo – at sa gayon ay bumalewala sa bulok-na-ngang mga panuntunan ng pulitika sa bansa – ay mas may kakayahan at pangangailangang magpatupad ng mga patakarang kontra-mamamayan at kontra-maralita. Ngayon, sa paggunita ng sambayanan sa ika-35 anibersaryo ng pagdeklara ni dating Pang. Marcos ng batas militar, ipinapaalala sa atin ng mga pangyayari sa Senado na marami pa ang hindi nagbabago sa bansa natin. Bukod sa pinaghaharian pa rin tayo ng malupit na pasistang may kontrol sa militar, dinarambong pa rin tayo ng mag-asawang maitim ang budhi – na nakipagbeso sa publiko kay Imelda!
Matagal nang maysala si Pang. Arroyo sa mata ng sambayanan. Dagdag na asunto lamang ang ZTE. Pero mahalagang dagdag ito, dahil binubuhay nito ang malupit na karanasan ng anim na taon nang paghahari ng pamilyang Arroyo. Papaabutin pa ba natin ito sa 2010? Para waldasin pa ang mga pangarap at pag-asa para sa bayan natin?
Sana ang sagot natin ay katunog ng FG at ZTE. O kaya ng Garci.
21 Setyembre 2007

Sila Nicolehyala at Chris Tsuper: Mga boses nila ang simbolo ng Love Radio, ang nakakatawa sa radyong FM ngayon. Basahin: “Ang Nakakatawa sa Radyo Ngayon”.
“…and a laughter, a laughing style or a style of laughing
that could stop the most pompous fascist ideologues
dead in their tracks…”
– Domingo Castro de Guzman
Masaya tayo, dahil nakalaya na si Prop. Jose Maria Sison…
Wala man akong hawak na pag-aaral o estadistika, masasabi kong sa mga istasyong pang-radyo sa FM, totoong numero uno ang 90.7 Love Radio. Mabigat na patunay ang ipinagmamalaki nitong pangunguna sa loob ng apat na taon ngayon – na hindi naman tinututulan ng ibang istasyong pang-radyo. Sa karanasan ko sa mataong mga lugar na iniikutan ko araw-araw, palaging Love Radio ang pinakikinggan sa mga dyip, bus at FX. (Parang hindi kasama ang mga taksi, na mas sa mga istasyong AM nakatutok palagi.) Limitado ang karanasan ko, pero iyan din ang sinasabi ng iba pang napagtanungan ko.
Pero pinakamabigat na patunay ang hanayan ng mga istasyong pang-radyo ngayon. Tila pinakamarami na – o pinakamaingay lang? – ang may tunog-Love Radio. May iilang nananatiling tumatarget sa mga kabataang nasa panggitnang uri at nag-aambisyong maging panggitnang uri, habang maraming iba pa ang nage-espesyalisa sa partikular na mga klase ng awitin katulad ng acoustic, rock, hiphop-R&B, crossover, at Pilita Corrales. Sa tingin ko, hindi nagkataon lang na nangyari ang ganito – kundi binago ng Love Radio ang buong mundo ng radyong FM sa bansa. Pati ang LSFM, Barangay LS na ngayon!
Sa pangkalahatan, “masaya” at “kuwela” hanggang “makulit” at “kangkarot” ang mga salitang naglalarawan sa Love Radio. Ang katangiang ito ang naghihiwalay dito sa mga kakumpitensiya – bagamat humahabol nga ang mga ito – na nagpapatugtog din ng katulad na haluan ng mga kantang uso at luma. Tampok na halimbawa: Papasa nang station ID sa kasikatan ang “Mga Kuru-Kuro ni Kukurukuku” na nagbibiro sa pormang tanong-sagot. “Kukurukuku, bakit kaya…?” Minsan, corny; minsan, hindi – pero laging pilyo. “It hurts…” Filipino ang wika ng istasyon, na pinakaangkop sa pagiging “kuwela”.
Sikat din ang mga DJ nitong may mga boses at tawang karakter, palatawa at mahilig magpatawa. Tampok dito sina Nicolehyala at Chris Tsuper na hindi lang karaniwang mga DJ, kundi humihirit ng mga patawang batay sa mga sitwasyong pang-araw-araw at nilalahukan ng mga birong berde (green joke) o kaya nama’y masiste (witty). Sikat na rin ang station ID nito: “Isigaw mo pare, Love Radio!/ Ngiti tayo, lakihan mo!” Gayundin ang biruang “Isipin mo na lang…” na nang-aakit maging optimistiko sa paraang mapang-asar. Siyempre pa, ang tag line nito: “Kailangan pa bang i-memorize ’yan? Bisyo na ’to!”
Sapul ng Love Radio ang halaga ng mga tsuper sa promotion ng istasyon. Makikita ito sa isa nitong promo, ang “Love knows no boundaries” kung saan sagot ng istasyon ang boundary ng drayber na mananalo. Sabi ng isang kaibigan, dapat binigyan ng promotion ang henyong nakaisip ng titulong ito. Kakatwa na halatang berde, kundi man bastos, ang titulo ng mga programa nitong halatang ang target ay mga drayber, manggagawa at iba pang nagtatrabaho. Binibigkas ang mga ito ng seksing boses ng babae: “Ibaon mo, Papa” sa umaga, “Tutunawin kita” sa tanghalian at “Hanggang labasan” kapag uwian na.
Abot pa ng imahinasyon natin ang isang panahong nagbubukas ang mga tao ng radyo kung paanong binubuksan ngayon ang telebisyon – para makabalita, makaalam, matuwa, maiyak, magalit, at mapakanta. Nagpapatuloy ang ganitong pakikinig, at iyan ay sa radyong AM. Sa pangkalahatan, gayunman, nakikinig tayo sa radyong FM para marelaks. Maraming puwedeng kahulugan ang pagsikat ng palatawa at mapagpatawang istasyong pang-FM nitong nakaraang mga taon, sa pagharap ng bansa sa kabi-kabilang eskandalong pampulitika, papatinding gutom at tuluy-tuloy na pampulitikang paninikil.
Saan kaya nahigop ng Love Radio ang mga tagapakinig nito? Sa hanay ng dating mga nakikinig sa ibang istasyong FM? O sa radyong AM? Sintomas kaya ito ng patuloy na pag-ikli ng atensiyon ng mga tao? O ng paghahanap sa mas buhay na pagitan ng mga kanta? Patunay kaya ito ng pag-iwas sa pag-alam sa mga isyung panlipunan? O ng pagkabuwisit sa kabi-kabilang kasinungalingan at pagtatakip sa totoo sa midya? Pang-aliw kaya ito sa masa para patuloy na masamantala at mapagharian? O pag-atras ng katinuan para ipreserba ang sarili at harapin pagkalaon ang kabaliwan ng lipunan?
Kung anuman, minsa’y kritikal sa rehimen ang mga biro ng Love Radio. Prangka at pilyo ito sa pagkilala sa malaganap na namang mga paglihis sa tradisyunal na moralidad sa mga usaping personal na kadalasang paksa nito. Para sa akin, gayunman, kadalasang mas kumikiling sa konserbatibo ang pagpapatawa nito sa mga usapin ng uri, kasarian, at wika-rehiyon sa bansa – mas nagpapatatag sa mga hirarkiya rito. Sa kabilang banda, lagusan ito ng likot ng isip, siste at kapilyuhan ng mga Pinoy. Sa mga telenobela, gusto nating umiyak. Sa radyong FM, at iba pang bagay marahil, gusto nating humalakhak.
Ibayong mainam, siyempre, kung maituturol ang puwersa ng katatawanan sa pagtuligsa at pagbago sa lipunan. Para rito, hindi na marahil Love Radio ang may pananagutan.
Kailangan pa bang i-memorize ’yan?
14 Setyembre 2007

Sa mga opinyon niya hinggil sa pagdakip kay Prop. Jose Maria Sison, makikita ang problema sa kolumnistang si Conrado de Quiros — na may itinuturo sa mga komentarista sa bansa.
Bagamat maraming beses na siyang nangsorpresa sa mga tindig niya sa ilang usaping kinasasangkutan ng Kaliwa, nakakagulat pa rin ang sanaysay na “Justice” ni Conrado de Quiros na lumabas noong 03 Setyembre sa kolum niyang “There’s the Rub”. Mula sa marubdob na pagtangan sa mga posisyong makabayan at progresibo sa mga usaping pambansa, sinabi ni De Quiros na “katarungan” ang ginawang pagdakip kay Prop. Jose Maria Sison. Mula sa paghihinagpis at paghihimagsik sa panulat sa masasamang balita sa bansa, nakakita siya ng magandang balita sa pag-aresto sa isang lider ng Kaliwa.
Nag-uugat ang tindig niyang ito sa ngitngit at pagkondena niya sa pagpaslang ng Partido Komunista ng Pilipinas at New People’s Army kina Romulo Kintanar at Arturo Tabara, na dating mga lider ng nasabing mga organisasyon. Noon pa man, inamin na ng PKP at NPA na sila ang pumaslang sa dalawa, bilang paggawad ng “rebolusyunaryong katarungan” sa mga krimeng nagawa ng mga ito: madugong gangsterismo na makikita sa mga operasyon ng panghoholdap at pagkidnap, pagdispalko ng malaking salapi, at paksiyunalismo sa kanilang dating organisasyon. Sa paningin ni De Quiros, iniutos ni Prop. Sison ang pagpaslang sa dalawa, kaya marapat lamang na arestuhin siya ngayon.
Dalawang bungkos ang problema kay De Quiros. Sa isa, nariyan ang pagtingin niyang si Prop. Sison ang pinuno ng PKP at NPA, na iniutos nito ang pagpatay sa dalawa, at pumapatay ang PKP at NPA sa bisa ng atas ni Prop. Sison. Usapin ng datos ang unang dalawa, na kailangang patunayan sa korte. May datos ba si De Quiros para patotohanan ang mga ito? Salungat naman ang ikatlo sa kolektibong pamumuno sa PKP at NPA na pinapatunayan kahit ng maraming sulating tumutuligsa sa mga ito at kay Prop. Sison. Dapat pansining ayon sa pandaigdigang mga batas sa digmaan, armadong combatant sina Kintanar at Tabara, kaya hindi saklaw ng kasong murder ang pagpatay sa kanila.
Mas mabigat ang ikalawang bungkos: Tutol si De Quiros sa paggamit ng dahas, na tinawag niyang simpleng “pagpatay” – ng Kaliwa o ninuman, aniya. Halimbawa niya ang dahas ng NPA sa isang banda at ni Hen. Jovito Palparan ng Armed Forces of the Philippines sa kabila. Aniya, hindi umani ng “simpatya” ng publiko ang legal na Kaliwa sa tinatamo nitong panunupil – kasama ang pampulitikang pamamaslang – dahil sa umano’y lantarang pag-ayon nito sa pagpatay kina Kintanar at Tabara. Bagamat binawi at inalpasan niya, nasabi niyang nabigyang-katwiran ng ganitong tindig ang pandarahas ni Palparan. Sabi raw ng isang mambabasa niya, “serves them right”. Mabuti nga?
Ang problema, hindi naaabot ni nasasaling ng minsan nama’y radikal na pagtuligsa ni De Quiros ang karahasan ng may monopolyo sa diumano’y lehitimong paggamit ng dahas – ang Estado. Kapag tumututol siya sa dahas, tahimik siyang sumasang-ayon sa dahas ng Estado. Ang kondenahin ang lahat ng paggamit ng dahas o “pagpatay” nang ang halimbawa lamang ay ang paggamit ng dahas ni Palparan at ng NPA ay ang ikubli sa paningin, ipagpalagay na natural, at sa gayon ay lalong pagmukhaing natural, ang karahasan ng Estado. Tila napako ang paningin niya sa Kaliwa at lantad na Kanan, kaya hindi niya nakita ang nawawalang “Sentro” – ang Estado na ang totoo’y nasa Kanan din.
Ang totoo, tampok na baboy at barubal lamang na kinatawan ng karahasan ng Estado si Palparan. Sa kasaysayan at kalagayan ng Pilipinas at daigdig, nandarahas ang Estado kahit walang armadong paglaban ang mga mamamayan. Karahasan itong bahagi ng sistema, hindi pamana lang ng partikular na rehimen. Dahil nakasalalay ang Estado sa pag-iral ng pagsasamantala at pambubusabos sang-ayon sa uri, palagi itong hinaharap ng paglaban, iba’t ibang paglaban, ng mga mamamayan lalo na ng maralita. Ang paglabang ito ang tinutugunan ng pandarahas ng Estado – na sa bansa ay instrumento ng imperyalismo at naghaharing mga uri para ipagtanggol ang kanilang mga interes.
Sa Pilipinas, nahinog ang paglaban ng mga mamamayan sa paggamit ng dahas para itayo sa kasalukuyan ang gobyernong bayan sa kanayunan na siyang binhi ng estado ng mga mamamayan sa hinaharap. Bukod sa kailangang sariwain ang mga argumento pabor sa paggamit ng mga mamamayan ng dahas, mahalagang balik-aralan ang dekada ’60 – panahon ng paglakas at pagbalikwas ng mga kilusang mapagpalaya sa iba’t ibang bansa sa mundo. Sentral sa kanilang pagkilos na nagdulot ng malalalim na pagbabago sa kasaysayan ang paggamit ng dahas. “Nagmumula sa dulo ng baril ang pampulitikang kapangyarihan” ang islogan para rito ni Mao Zedong, pinuno ng Tsina.
Sa ganitong pag-iral ng dalawang gobyerno dapat ilugar ang pagpaslang kina Kintanar at Tabara. Ano ang dapat ginawa ng PKP at NPA sa kanila? Ihinabla sa bulok na hukuman ng Estado ng mga mayaman at makapangyarihan? Hindi kailangang maging komunista para magdalawang-isip. Higit pa rito, gayunman, dahil alam nina Kintanar at Tabara na tutugisin sila ng kaparusahan sa mga krimen nila, naglingkod sila sa Estado. Hindi pinarusahan, ni inimbestigahan, ng Estado silang lantarang inaakusahan ng iba’t ibang krimen dahil naging kaisa sila ng Estado sa pag-atake sa kalaban nitong Kilusan. Kung hindi sila paparusahan ng Estado – at ganito nga ang nangyari – sino ang kikilos? Nasaan ang katarungan kung hindi mapaparusahan ang mga may krimen sa Kilusan?
Sa puntong ito lalong nailalantad na kawalang-katarungan ang pagdakip kay Prop. Sison. Hindi makatarungan ang patraydor na pag-aresto at malupit na pagpiit sa isang bulnerableng simbolo ng Kaliwa para litisin sa kasong pagpatay sa dalawang dating lider-rebolusyunaryo na hindi mapasubaliang nakagawa ng mga krimeng mas mabigat sa anumang kayang iakusa kay Prop. Sison. Tama si De Quiros: Dapat managot ang mga lider sa mga kahibangang nangyari sa panahon ng pamumuno nila. Kung gayon, dapat idiin niya sina Kintanar at Tabara na responsable sa ilan sa pinakamadugong mga pagkakamali ng Kilusan sa buong kasaysayan nito. Hindi nila kahanay si Prop. Sison – na nanguna sa pagpuna at pagwawasto sa mapaminsalang mga pagkakamaling ito.
Bakit nagkamali sa usaping ito si De Quiros? Dahil lahatan ang pagbasura niya sa paggamit ng karahasan: “ang pagpatay, personal man o pulitikal ang motibo, ay hindi kailanman makatuwiran.” Dahil sa matayog na kawastuhan nito, masarap itong sabihin at madaling sang-ayunan ng marami, kundi man ng lahat, sa panimula. Pero ipinapakita sa kasong ito ni De Quiros kung paanong binubulag tayo ng ganitong paniniwala sa aktuwal na paggamit ng dahas ng Estado at ng Kaliwa, sa aktuwal na mga tunggalian at aktuwal na mga salimuot na naririyan at umiiral sa ating reyalidad. Sitwasyon ito kung saan ang bulag na pagdaklot sa ating matatayog na mga prinsipyo ay mali at imoral, humahantong sa paghanay, kung hindi man pagkampi, sa mga naghahari sa bansa.
Sa puntong ito, nagiging usapin ito ng etika, kung hindi pa man ng pulitika, ng mga komentarista sa bansa. Ngayon ko lang nailulugar ang isang puntong inulit-ulit sa mga sulatin at panayam ng pilosopong Slovenian na si Slavoj Zizek. Ang kailangang gawin ngayon, aniya, ay hindi ang kumilos, kundi ang labanan ang bugso ng damdaming kagyat na kumilos. Alin, halimbawa, ang iboboto sa US, Republican o Democrat? Sa harap ng nagkakaisang koro ng pagsang-ayon ng mga kolumnista sa diyaryo sa pagdakip kay Prop. Sison, mahirap ngang manawagan sa kanila na agad kumilos. Tama si Zizek: kailangan muna nilang kuwestiyunin ang batayang mga punto (coordinates) ng pag-iisip nila – hinggil sa karahasan, tunggalian, pagbabago, at kay Prop. Sison mismo.
Dahil kung hindi, katulad ng nangyari kay De Quiros, aakalain nilang katarungan ang kawalang-katarungan, at tatalikuran ang totoo pabor sa tatawagin nilang prinsipyo.
10 Setyembre 2007
Basahin din ang “Para kay Conrado de Quiros” sa blog na ito.