Kapirasong Kritika

Entries from November 2007

November 24, 2007 · Leave a Comment

suicidenotes.jpg

Maraming matututunan hinggil sa pag-asa sa pagpapakamatay ng batang taga-Davao. (Gawa ang ilustrasyon ng progresibong Amerikanong artistang si Sue Coe, para sa isang artikulong ang titulo ay “Notes Left Behind: The language of suicide,” nakuha sa graphicwitness.org.).

Categories: Panlipunan

Pagpapakamatay, Pagpupunyagi, Pag-asa

November 24, 2007 · 1 Comment

Una, tungkol sa kanyang pangalan: Ayon kay Michael L. Tan, propesor ng antropolohiya sa Unibersidad ng Pilipinas, sa kanyang kolum sa Philippine Daily Inquirer, mas makakabuting huwag gamitin, lalo na’t ulit-ulitin, ang pangalan ng 12 taong gulang na nagpakamatay sa Lungsod ng Davao. Sabi ng propesor, batay sa pagkakilala niya sa kultura natin, magkakaroon ng masamang tatak o stigma ang mga kapatid at kapamilya ng bata – dahil nagpakamatay ang huli bunsod ng kahirapan, o dahil nagpakamatay o pinatay siya dahil inabuso siya. Sa kabila ng todo-todong pagpapatampok sa pangalan ng bata – na, oo, may magandang layunin sa kalakhan – mabuti pa ring sundin si Tan.

(1)

Pamilyar na sa marami ang istorya niya, na bagamat ilang beses nang naikuwento ay makabuluhan pa ring ulitin. Gabi ng Nobyembre 1, humingi siya sa kanyang tatay ng P100 para sa isang proyekto sa paaralan. Walang trabaho noon ang tatay niyang construction worker, na nagsabing wala siyang pera pero gagawa ng paraan. Hapon ng Nobyembre 2, natagpuan siyang patay, nakabitin sa isang manipis na taling nylon sa barung-barong na tirahan ng kanyang pamilya. Hindi na umabot ang tatay niyang nakabale ng P1,000 sa proyektong konstruksiyon. Sa mga balita, agad ang hinala ng kanyang tatay: Nagpakamatay ang anak niya dahil sa kahirapan ng kanilang pamilya.

Napagtibay ang ganitong hinala ng natuklasang diary niya. Tungkol sa pagpasok sa paaralan, sabi niya, “Parang isang buwan na kaming absent. Hindi na kasi nakin (sic) binibilang ang absent ko. Hindi ko namalayan na malapit na pala ang Pasko.” Tungkol sa pagsisimba, “Hindi kami nakapagsimba dahil wala kaming pamasahe at nilalagnat pa ang aking tatay kaya nanglaba na lang kami ng aking nanay.” Natagpuan din ang sinasabing liham niya para sa Wish Ko Lang, programa sa telebisyon na tumutupad sa mga kahilingan. Dito, humiling siya ng bagong sapatos, bag at bisikleta. Hiling din niyang makatapos sa pag-aaral at magkaroon ng trabaho ang kanyang nanay at tatay.

“Hindi namin alam na may mga pangarap ang anak namin para sa amin,” sabi ng tatay niya. Walang tubig at kuryente ang barung-barong na tinitirhan ng kanilang pamilya. Kumikita ng P50 kada araw ang kanyang nanay, sa pagre-repack ng odong at miswa sa isang pabrika. Naglalabada ang nanay niya para punuan ito, para kumita ng dagdag na P100 hanggang P150. Labas-masok naman sa trabaho ang tatay niya, na nagsabing “Matanda na ako, kaya walang may gustong kumuha sa akin.” Ayon sa isang kapitbahay ng pamilya niya, mababa ang tingin sa kanya at mga kapatid niya ng mga kapitbahay. “Ayaw makipaglaro ng ibang bata sa kanila dahil madudungis daw sila,” sabi nito.

(2)

Dawit sa salaysay na ito ang lahat ng tinatawag sa mga teksbuk sa mga paaralan na “mga institusyong panlipunan”: pamilya, paaralan, Simbahan at midya. Malinaw na ikinalungkot o ikinapighati ng batang nagpakamatay ang maralitang lagay ng kanyang pamilya: Hindi lang sa hindi nito naibigay ang batayang mga pangangailangan niya, hindi rin nito naibigay sa kanya ang matatag o positibong pagtingin sa karalitaan ng pamilya nila. Pero kaugnay ng lungkot o pighating ito sa pamilya ang paaralan at Simbahan – dalawang lagusan tungo sa ginhawa: ang una, sa pang-ekonomiyang pag-unlad sa mundo at ang ikalawa, sa kaligtasan ng kaluluwa at buhay na walang hanggan.

Sa isang pagtingin, epekto at repleksiyon ito ng papatinding pagpapahirap – o pagpiga – ng sistema, ng Estado, lalo na sa ilalim ng rehimeng Arroyo, sa mga mamamayan. Magtataas ng sinisingil na buwis, presyo ng langis, pamasahe, presyo ng batayang mga bilihin, matrikula, at iba pa; patuloy na babaratin ang sahod at patuloy na babawasan ang trabaho – sa lahat ng ito, bahala ang mga mamamayan, ang kanilang pamilya, na dumiskarte. Para makapag-aral at makapagsimba, para guminhawa, kailangan ng pera. Kaya nakaimbudo sa pamilya ang lahat ng pahirap, walang tulong mula sa ibang institusyon. Sa gayon, mabigat at nakakawala ng pag-asa kapag ito mismo ang maralita.

Makabuluhan ding tingnan ang pag-unawa niya sa midya, partikular sa programang Wish Ko Lang. Hindi proyektong pangkabuhayan ang hinihingi niya, kundi ilang bagay na magbibigay ng pansamantalang ligaya at luwag lamang sa kanyang pamilya: bagong sapatos, bag at bisikleta. Daing niya ang pagkakaroon ng trabaho ng kanyang mga magulang at ang pagtatapos niya sa pag-aaral – pagbabakasakali marahil na matutugunan ito ng programa. Sa isang banda’y masamang balitang kumakapit ang mga katulad niya sa midya, sa kawalan ng ibang institusyong tutulong. Sa isang banda’y alam niya kung hanggang saan lamang ang kakayahan nito, na hindi matagalang lunas.

Sa isang banda, pagpupunyagi ang ipinakita niyang paghanap ng ligaya at luwag para sa kanya at kanyang pamilya. Sa kabilang banda, paano ito gustong salubungin ng midya? Sa pamamagitan ng pagbubuo niya sa sarili ng karalitaan ng kanyang pamilya, at pagtatanghal nito sa publiko. Bago ang ginhawa, pagpapabigat muna ng loob, ibayong pagdama sa hikahos at desperadong kalagayan, at nakakahiyang pagtatanghal nito sa publiko – na ginagawa na lamang katawa-tawa: nagtataktak o nagbu-boom-tarat-tarat – ngayon may galaw pa ng nguso at mukha – at ikinukuwento ang kahirapan. May hawig sa pagtayo at pagtatangkang magpakamatay sa malalaking billboard sa Edsa.

pbsantos.jpg

“Alay sa Bagong Bayani” ni Pablo Baens Santos

(3)

Hindi man direktang idinawit ng bata, alam ng Estado, lalo na ng rehimeng Arroyo, na papapanagutin ito sa pagpapakamatay niya. Ganoon na rin, sa isang banda, ang antas ng pagbabantay at pagdududa ng mga mamamayan sa rehimeng ito. Hindi ba’t noong inakusahan ito ni Sen. Antonio Trillanes IV na siyang utak sa pagsabog sa Glorietta, binigyang-boses lamang niya ang nasa isip-isip ng marami? Alam ito ng mga utak ng rehimen – at ng Pangulo mismo – kaya nga’t pinag-aasta nilang matatag ang kanilang rehimen. Alam nila, sa kaloob-looban nila, na hindi nila kontrolado ang kalagayan, kung gaanong nakakahilo at kasuka-suka ang instabilidad ng sistemang ipinapagtanggol nila.

Dito mailulugar ang mga pahayag at aksiyon ni Mayor Rodrigo Duterte ng Davao hinggil sa batang nagpakamatay. Ipinahukay ang katawan ng bata, sinuri diumano ng mga eksperto, at napatunayang may mga sugat ang kanyang ari. Umalingasaw ang teorya at usap-usapang posibleng dumanas ang bata ng seksuwal na pagmolestiya. Kesyo may pahaging ang bata noong nabubuhay pa na ginahasa siya ng isang kaanak. Kesyo hindi marunong ang batang magtali ng lubid sa paraang pambigti. Malinaw ang layunin sa mga pahayag at aksiyong ito: pahupain o durugin ang pagtinging kahirapan ang nagtulak sa kanyang magpakamatay. Wala raw nagugutom sa Davao, sabi ni Mayor.

Tama ang kolumnistang si Conrado de Quiros: Asin ito sa sugat. Lalo lamang idiniin ng mga pahayag at aksiyong ito ng mga “awtoridad” ng Davao ang kahirapan at kawalan ng kapangyarihan ng pamilya ng bata. Bakit ngayon lang, matapos mailibing ang bata? Bakit hindi noong nakaburol pa siya? Bakit nagawang ipahukay ang katawan niya at magpasingaw ng mabahong teoryang inabuso siya ng kanyang tatay o kapamilya? Magagawa ba nila ito kung abang anak siya ng mga Arroyo, Cojuangco, Tan o Marcos? Siyempre, hindi magpapakamatay sa gutom ang mga anak ng mga pamilyang ito. Pero ni hindi nga sila masaling ng gobyerno kaugnay ng mga kasong dapat nilang panagutan.

Pero ipagpalagay na nating totoo ang teorya ni Duterte. Ibig bang sabihin, hindi kahirapan ang sanhi ng pagpapakamatay ng bata? Hindi. Una sa lahat, dapat nating labanan ang maling palagay – na naipapalaganap din ng midya – na magkabanggang dahilan sa pagpapakamatay niya ang pag-abusong seksuwal at ang kahirapan. May mga nagpapakamatay dahil sa pag-abusong seksuwal, may mga nagpapakamatay dahil sa kahirapan. Kapag pinagsama pa kaya? Sa malinaw na direksiyon ng kanilang mga pahayag at aksiyon, nagpapakita ng kamangmangan sa ugnayang ito ng mga usaping pang-uri at pang-kasarian ang mga awtoridad ng Davao. “Bullshit ka, Boy. Fuck you!”

(4)

Maikli at mabilis ang direktang sagot ng Malakanyang: “isolated” o bukodtangi lamang ang pagpapakamatay ng bata. Totoo, hindi nagpapakamatay ang lahat ng mahirap – pero hindi dahil ibayong bumubuti ang kalagayan nila sa ilalim ng rehimeng ito, katulad ng gustong palabasin ng rehimen. Kailangang tingnan, gayunman, ang kapansin-pansing pagdami ng mga nagpapakamatay, o nagpapakita ng desperasyong sapat para magbantang magpakamatay, nang publiko sa panahon ng rehimeng ito. Dahil lamang ba sa midya ang pagdaming ito? Ang hinala ko’y hindi. Maraming maipapakitang patunay na lumalaganap at tumitindi ang desperasyong kaakibat ng kahirapan sa bansa.

Sa tingin ko, may isa pang salik na dumadagdag sa nakakamatay na kombinasyon ng kahirapan at desperasyon o kawalan ng pag-asa para humantong ang “masayahing” mga Pilipino sa pagpapakamatay: ang lantarang pagpapakita o pampublikong pagtatanghal ng kawalan ng pagpapahalaga sa buhay, kung hindi man ng gaan ng kamatayan – bagay na tumampok sa ilalim ng rehimeng Arroyo. Aksidente lang ba na sa ilalim ng pinakamarahas at pinakabrutal na pasistang rehimen sa huling kasaysayan ng bansa natin nasasaksihan ang pagdami ng mga Pilipinong nagpapakamatay? Aksidente lang bang sabay na dumarami ang pinapatay at nagpapakamatay? Sa tingin ko, hindi.

Sapat nang balikan ang ilang mayor na kaganapan sa lipunan sa panahon ng rehimeng Arroyo para ipakita ang pag-igting ng pagtatanghal sa kawalan ng halaga ng buhay, at sa gaan ng kamatayan. Maagang nagkaroon ng dugo ang kamay ng rehimeng ito: dugo ng ilan sa mga nag-alsa sa “Edsa 3”. Ibayong dumami ang lantarang panliligalig, pampulitikang pamamaslang, mga pagdukot at pagtortyur. Nakakatakas nang mabilis ang mga naka-motor na mamamatay-tao. Umigting ang militarisasyon sa kanayunan. Dalawang malakas na pagsabog ang kumitil nitong huli sa ilan nating kababayan, na ang “resolusyong” inihahain ng gobyerno ay hindi kapani-paniwala para sa nakakarami.

Sinasawata at pinapatay ang mga Pilipino sa mismong pagsisikap nilang mabuhay. Agad naaalala ang trahedya sa Wowowee, at wala pang napaparusahan dito. May kung ilang migranteng Pilipino ang inuuwing patay o pinaparusahan ng kamatayan, literal at hindi, sa ibang bansa bawat buwan. Dinadahas ang mga nakikipaglaban para sa mas maayos na buhay at kabuhayan: Tampok ang masaker sa Hacienda Luisita noong 2004. Sa Kamaynilaan, binubuwag ang mga maralitang naghahanapbuhay at nagbabahay-bahayan – ng berdugong Metropolitan Manila Development Authority o MMDA. Malupit at pampatay maging ang trabahong alok ng ipinagmamalaking industriya ng call center.

Ipinapaalala sa atin ng pagpapakamatay ng bata kaugnay ng pagliham niya sa isang mapagkawanggawang programa sa telebisyon, ang sinabi ng radikal na intelektuwal na si Domingo Castro de Guzman: “Ang kawanggawa ay walang iba kundi ang pagpapanggap ng mga pasista (Charity is but the hypocrisy of fascists).” Aksidente bang dumami at tumindi ang mga game show sa telebisyon sa paghahari ng rehimeng ito? Sa pag-igting ng krisis ng lipunan, sumisidhi ang pasismo – dahil sa paglakas ng paglaban ng mga mamamayan – gayundin ang desperasyon ng masa. Mayroong kawanggawa dahil nananaig ang mga pasista. Sa kanyang pagpapakamatay, parang alam niya ito.

(5)

Sa sanaysay niyang “Pagpupunyagi nina Karen at Sherlyn,” inuulat ni Kenneth Roland A. Guda, alternatibong mamamahayag, ang huling balita tungkol kina Karen Empeño at Sherlyn Cadapan, mga aktibistang estudyante ng UP na dinukot ng mga militar noong Hunyo 2006. Nauna nang naibalita, ni G. Guda rin, ang paglutang nang saglit ni Sherlyn noong Abril sa bahay ng kanyang kasintahan. Sa bago niyang sanaysay, inilahad ni G. Guda ang sinumpaang salaysay ni Raymond Manalo, isa sa magkapatid na Manalo na dinukot ng militar noong Pebrero 2006 at nakatakas nitong Agosto 13, 2007. Lumalabas na bahagi ang paglutang ni Sherlyn ng tangkang ipaalam ang kinalalagyan nila ni Karen.

Laman ng salaysay ang karahasan at kalupitan ng mga militar sa dalawang aktibista at sa magkapatid na Manalo. “Noong una niyang nakita si Sherlyn, ‘payat na payat at lubog ang mata’ nito. Nakatali ng kadena ang mga kamay at paa… Sa ilang pagkakataon, ‘ginawang labandera at masahista ng mga militar’ ang dalawang estudyante.” Dahil natuklasan at nabigo ang tangkang pagsusuplong ni Sherlyn, ayon kay G. Manalo, sinaktan ang dalawa: “Sinuntok nila ang buong katawan ni Sherlyn at Karen, dumugo ang nguso, ibinitin ang dalawa [nang] patiwarik na ang nakatali lamang ay isang paa habang sila ay hubo’t hubad… Pagkatapos ay binubuhusan sila ng tubig sa ilong.”

Pagpapatuloy ni G. Guda, “Si Reynaldo, kapatid ni Raymond, ginawang tagatapon umano ng ihi ng dalawa na ‘pulos dugo.’ ‘Ako naman ang pinaglaba ng mga militar ng mga damit at underwear ng dalawa na puno rin ng mantsa ng dugo at putik,’ sabi pa ni Raymond. Wala sa pangalawang sinumpaang salaysay, pero sinabi rin diumano ni Raymond sa Karapatan na ikinuwento sa kanya ni Sherlyn na ginahasa sila ng mga sundalo.” Noong ika-8 at ika-9 ng Hunyo huling nakita ng magkapatid na Manalo sina Karen at Sherlyn, dahil ihiniwalay na sila sa dalawa. Ibig sabihin, halos isang taon matapos dukutin sina Karen at Sherlyn, buhay pa sila at lumalaban para makalaya.

Madali nating maunawaan si G. Erlinda “Linda” Cadapan, nanay ni Sherlyn: “Hindi lubos-maisip ni Linda kung ‘anong pagkatao mayroon’ ang mga sundalong nagpahirap – at maaaring nagpapahirap pa rin ngayon – kina Sherlyn at Karen.” Tiyak, sarado ang isip at puso nila: Kaaway ang kaaway at dapat ituring na ganoon. Marahil, hindi nila naitatanong, o lubos na nauunawaan ang sagot sa maraming tanong: Ano ang ipinapaglaban nila? Ano’ng klaseng tao sila? NPA ba sila o aktibista lamang? Maka-Kaliwa lamang ba sila at hindi mga anak, kapatid, kaibigan, kaklase, at kakilala rin? Bakit kailangang danasin ng dalawa, o ninuman, ang ganoong klase ng kalupitan?

Ano ang plano nila sa dalawa? Kabigin at himuking isuplong ang mga kapwa-aktibista? Paano sila makakabig kung ganito? Patayin? Bakit pa nila kailangang pahirapan nang todo-todo kung papatayin din lang naman nila? Bakit pa nila kailangang buhayin nang parang patay ang dalawa kung puwedeng ilagay nila sa butas na bulsa ang perang pambuhay sa mga ito? Isa lang ang posibleng sagot: Mayroon silang sadistang ligayang nakukuha sa pagpapahirap at pagwasak sa katawan, at diwa marahil, ng tao. Maipagpapalagay ring may makapangyarihan sa gobyerno na naniniwalang dapat subsidyuhan ang kahayupang ito. Para mapanatili ang diwang palaban ng militar?

rbtolentino.jpg nxmtadiar.jpg

Sina Roland Tolentino at Neferti Tadiar: Gumagagap sa pag-asa.
(Galing ang larawan ni Tolentino sa pinoyweekly.org, ni Tadiar sa columbia.edu.)

(6)

Laban sa pighating bumalot sa kanyang nagpakamatay nang bata, at bumabalot sa iba pang kauri niya – na dumarami bagamat iilan pa rin – dapat tayong manindigan para sa pag-asa. Ayon sa maka-Kaliwang intelektuwal na Ingles na si Raymond Williams, “Ang maging tunay na radikal ay ang gawing posible ang pag-asa at hindi ang gawing hindi matatakasan (inevitable) ang pighati.” Kailangan nating tumindig pabor sa pag-asa para himukin ang mga nawawalan o nauubusan nito. Kailangan, dahil totoo rin namang bukodtangi ang pagpakamatay ng bata: Dahil kailangan nating isatinig ang pag-asang nariyan, pumipintig sa marami. Dahil kailangan nating palawigin ito para sa pagbabago.

Sa isyu ng pag-asa, lalo na sa usapin niyang nagpakamatay, may pagkakatulad ang sinabi ng mga komentaristang progresibo at konserbatibo. Habang nagkakasya ang ibang komentarista – na masasabing liberal, o walang malinaw na pampulitikang direksiyon o pangarap – sa pagnamnam sa mga sanhi at pighati ng nangyaring pagpapakamatay, nag-aalok ang mulat na mga progresibo at konserbatibo ng pag-asa, na may kinalaman sa pag-unlad ng kabuhayan ng mga Pilipino. Kagyat nating ihahabol: Peke ang pag-asang inilalako ng mga konserbatibo. Dahil peke ang pag-unlad na inilalako nila, hindi nila magawang makapag-udyok ng pag-asa sa mga mamamayan.

Ayon sa rehimeng Arroyo, gamit ang iba’t ibang datos at estadistika galing sa pinagpipitaganang mga institusyon: Mag-antabay lamang, patuloy lang tayong kumayod, at unti-unti nang umuunlad ang bansa. Ang epekto nito, sa pangkalahatan, ay maging pasibo ang mga mamamayan: maghintay na maranasan ang pag-unlad na nagaganap sa kung saang antas na hindi kita at ramdam ng karaniwang tao. Matagal nang kumakayod at naghihintay ang mga Pilipino. Hindi na nakakapagpaalab ng pag-asa ang ganitong mga pahayag. Dahil ang pag-asa, kung ano pa man ito, ay nag-uudyok ng ibang pagkilos sa mga tao. Kikilos sila dahil itinutulak sila ng kung anong pag-asa.

Sa librong Fantasy-Production [2004], ginagap ni Neferti Xina M. Tadiar, progresibong intelektuwal, ang pag-asa. “Para sa akin, nakasandig ang pag-asa sa pang-araw-araw na paggamit ng ating mapanlikhang mga kakayahan para muling likhain (remake) ang mundo, sa mga akto ng pamumuhay na lumilihis sa tradisyunal (orthodox) na mga pangarap ng ating… panahon.” Sa ganito, aniya, nabuo ang “de facto na mga kilusang panlipunang naghahanap ng mga ruta ng pagtakas mula sa mga istruktura ng pantasya ng mga kaayusang dominante.” Halimbawa niya ang mga paksa sa aklat: mga Pinay sa pag-aalsang “people power” noong 1986 at sa penomenon ng Overseas Filipino Worker.

Sa sanaysay na “Pagpapatiwakal ng zombie [2007], sinuri ni Rolando B. Tolentino, isa ring progresibong intelektuwal, ang pagpapakamatay ng bata sa Davao. Dito, malinaw ring ginagagap niya ang lunan ng pag-asa. “Kung hindi nabigyan ng pag-asa at buhay ang bata… ng Estado, bagkus ay naging bahagi pa nga ng kanyang pagpapatiwakal bilang invisible hand na tumulong magbuhol ng lubid, ang pulitikal na kilusan ng masa ang dapat na nakaabot sa kanya. Bibigyan ng alternatibo sa pagiging zombie at pagpapatiwakal, bibigyan ng buhay.” Madiing wakas niya: “Sa kasalukuyang umiigting na estado ng buhay at buhay sa Estado, walang buhay sa labas ng rebolusyon.”

May tensiyon sa mga sinabi nila. Si Tadiar, pinapatampok ang pang-araw-araw at nariyan nang mga pagkilos ng karaniwang tao, lalo na ng kababaihan, bilang lunan ng pag-asa. Kay Tolentino, pagrerebolusyon ng nakikibakang mga mamamayan ang siyang lunan nito. Binibigyang-halaga ni Tadiar ang mga pagsisikap ng karaniwang tao para makatawid-buhay (survive) laban sa mga puwersa ng kamatayan. Para kay Tolentino, abang kalagayan ito. Halimbawa niya ang mga mangangalahig ng basura sa Tondo: “Zombie o taong-patay dahil umaasa na lamang… sa sarili nilang kayod para mabuhay”. Binibigyang-halaga niya ang pag-aalay ng buhay para sa “higit pang buhay,” wika nga.

Produktibo, sa isang pagtingin, na huwag ituring na magkatunggali ang kanilang mga punto – sa halip, ituring na nagtutulungan, dalawang panig ng iisang diyalektikal na katotohanan. Nagdurusang uri ang anakpawis, pero lumalaban o nakikibakang uri rin ito. Kagyat na laban nito ang pagtatawid ng sariling buhay – na totoong bumabago sa mundo. Ngunit lalong nagiging makabuluhan ito kung nagiging mulat na pagbago, kapag humahantong sa pagrerebolusyon, sa pakikibaka para sa buhay ng kapwa at hinaharap. May pag-asa sa parehong lunang inilalarawan nina Tolentino at Tadiar. Ang pag-asa ng mga progresibo, siyempre pa, ay ang paghuhugpungan at pagtutulungan ng dalawa.

(7)

Leksiyon sa pag-asa ang pagbabalik-aral kina Karen at Sherlyn sa isang banda at sa kanyang nagpakamatay nang bata sa kabila. Dumanas ang bata ng kahirapan. Dumanas at posibleng dumaranas pa sina Karen at Sherlyn ng pagpapahirap. Sa parehong kaso, dapat managot ang Estado. Karimarimarim ang mga imahen ng pagkakabitin nila – hindi dahil naiisip nating masakit iyon sa ating katawan, kundi dahil nararamdaman nating masakit iyon sa ating budhi: Grabeng kahayupan! Nagbigti ang bata para makatakas sa kahirapan at kawalan ng pag-asa. Ibinitin nang patiwarik sina Karen at Sherlyn dahil gusto nilang tumakas sa pagpapahirap, na layon ng pag-asa nila.

“Sosyalismo o barbarismo.” Ito ang paglalarawan ng komunistang si Rosa Luxemburg sa hinaharap ng sangkatauhan, na siya ring hinaharap ng sambayanang Pilipino. Kung hindi magiging sosyalista ang sistema ng lipunan, magpapatuloy at sasahol ang barbarismo nito – na nasasaksihan na natin ngayon. Nitong huli, sinasabi ng mga inuupahan ng sistema para magsabing maganda ang hinaharap – “mga ekonomista” – na madilim ang hinaharap ng ekonomiya ng bansa, at posible ang isang “tsunaming pampinansiya”. Tiyak na darami ang maghihirap at mawawalan ng pag-asa. Ayaw man natin, hindi maiwasang darami ang mga kababayan nating makakaisip magpakamatay.

Tama ang salalayan ng pag-asa nina Karen at Sherlyn: Kailangan nilang manatiling buhay, niluray-luray man ang katawan nila. Kailangan nilang makatakas, danasin man nila ang halos pagpatay. Dahil araw-araw, lalong tumitindi ang pangangailangan para sa pagbabago, at sa kanilang mga aktibistang nagsusulong nito, buhay man ay ialay.

25 Nobyembre 2007

Categories: Panlipunan

November 17, 2007 · Leave a Comment

onemorechancepage.jpg

Katulad ng maraming produkto ng kulturang popular, haluan ng mga salik na progresibo at konserbatibo ang pelikulang One More Chance na idinirehe ni Cathy Garcia-Molina.

Categories: Kulturang Popular

Pagkakataon para sa Pelikulang Pinoy

November 17, 2007 · 6 Comments

Nabubuwisit ang marami sa pelikulang Pilipino. Parang de-kahon ang mga istorya. Parang alam mo na kung ano ang makikita. Pero lintek. Minsan, tumatama pa rin sila.

Simple lang naman ang kuwento ng One More Chance na idinirehe ni Cathy Garcia-Molina. Tungkol ito sa magkarelasyong sina Popoy (John Lloyd Cruz) at Basha o Bash (Bea Alonzo) na nagkasundo nang magpakasal pero humarap sa mga suliranin, naghiwalay at – siyempre pa – nagbalikan din. Tungkol din ito sa kanilang makulay at masayang barkada, at matulunging mga pamilya, na umagapay sa kanilang dalawa.

Nagsimula ang lahat nang makaramdam ng “pagkasakal” si Bea sa relasyon nila ni John Lloyd, sa panahong isang taon na lang ay ikakasal na sila. Seryoso si John Lloyd sa trabaho para makapag-ipon para sa pagpapamilya. Unti-unti, nabuo sa isip ni Bea na hindi na siya masaya sa kanyang trabaho – bilang arkitekto kasama ng inhinyerong si John Lloyd – at sa mga imposisyon at kagawian nito. Matatag na nakipaghiwalay si Bea, lumipat ng trabaho. Nawindang si John Lloyd – at para ipakita ito, nagkaroon siya ng bigoteng gubat – pero nakaabante rin sa bagong karelasyon. Tapos, naisip ni Bea na mahal pa rin niya si John Lloyd. Ganoon din ang naisip ni John Lloyd. Nakipaghiwalay siya sa bagong karelasyon, nangibang-bansa, at nakipagbalikan pagkatapos kay Bea.

Pero nailahad ang kuwento sa pangkalahatang paraang mahirit, kuwela at nakakaaliw. Madamdamin din kapag kailangan. Parang pinagsama-sama at pinagdugtung-dugtong na mga kuwentong sasabihin mo sa kaibigan. Parang kabarkadang makulit ang nagdirehe. Patok ang pasok ng kantang “Nanghihinayang” ng Jeremiah sa isang eksena. Sa madamdaming mga linya, klasiko ang kay John Lloyd: “She loved me at my worst while you had me at my best.” Pati na rin ang “You chose to break my heart”.

Katulad ng maraming produkto sa midya na tumatarget sa kababaihan, gayunman, may mga elemento ng One More Chance na kontra-kababaihan. Sa pakikipaghiwalay kay John Lloyd, puwedeng tingnang malakas na babae si Bea, iginiit ang kalayaan at pagbabago ng sarili laban sa planong pagpapakasal. Naipakita ang mga batayan ng ganitong giit niya. Pero sa kabilang banda, dahil hindi gaanong ipinakita ang mga batayan sa pakikipagbalikan, tumutugma si Bea sa istiryutipo ng lipunan natin laban sa babae: pabagu-bago ang isip, mahirap ispelengin. Kaya pambabae ang pangalan ng bagyo noon, hindi ba? Kapag gusto mo, ayaw niya; kapag ayaw mo, gusto niya.

Saka bakit hindi nagkaroon ng karelasyon si Bea noong panahong nagkahiwalay sila ni John Lloyd, at nagkaroon naman ng karelasyon ang huli? At bakit naging hudyat kay John Lloyd na muling magustuhan si Bea nang malamang walang naging karelasyon ito noong magkahiwalay pa sila? Mahirap bang balikan ang babaeng naghanap ng sariling kaligayahan at nagkaroon ng karelasyon? Bakit, nagiging marumi ba siya? Marahil, tugma ito sa petisismo sa pagiging dalisay ng babae sa kultura natin at ng ibang bansa. Lumalabas tuloy na panlilinlang ang pagpili kay Derek Ramsey para sa papel niya – puwede palang naipasa sa kung sinong aktor lang. Tipong Rainier Castillo, halimbawa.

Sa kabilang banda, marami rin ang mapapahalagahan sa One More Chance. Kontra sa ideyalismo sa pag-ibig ang ipinakitang sitwasyon ng relasyon nina John Lloyd at Bea: Dumaraan sa maraming pagsubok at hindi puwedeng – madyik! – wagas na nagsimula at banayad lamang na nagmamahalan hanggang huli. Sa pagkakasundo nilang magpakasal, tumatag ang ilang disposisyon ni John Lloyd. Patuloy, gayunman, ang pagbabago at paghahanap ng sarili ni Bea – na hindi lamang takot sa pagpapakasal o paggigiit ng kalayaang pansarili, kundi paghahanap sa mga esensiyal ng pagkatao niya.

Nakakatuwa ang masayang pagtulong ng barkada ng dalawa. Sensitibo rin ang mga tauhang lalake rito, na mahalaga sa magandang katapusan ng pelikula. Kahanga-hanga ang naging disposisyon ng karakter na ginampanan ni Maja Salvador – ang naging karelasyon ni John Lloyd – noong naramdaman na nitong gusto pa rin ni John Lloyd si Bea. Marangal: Hindi siya humadlang. Mahinahon at maayos niyang pinalabas ang katotohanan sa nararamdaman ni John Lloyd – at tinanggap ito. Dapat i-mass produce ang eksena nila ng paghihiwalay at puwersahang ipapanood sa mga ayaw pang makipaghiwalay dahil lamang bitter o kaya naman ay talagang malupit sa nanlamig.

Nakakatuwa rin ang pagbabalikan sa huli, dahil masayang wakas ito sa masalimuot na pinagdaanan. Dahil romantiko ito sa pag-asang magsasalubong pa rin ang mga dating nagmamahalan kahit nagbago sila. Dahil pagbalik ito sa napakasayang pagmamahalan noong kolehiyo. Malinaw ang sagot ni John Lloyd sa tanong ng Eagles na “Are you gonna stay with the one who loves you? Or are you coming back to the one you love?

Pero hindi naipakita ang mga batayan ng pagbabalikan. Ano’ng nangyari sa pagpipinta ni Bea ng mga t-shirt? Nagsimula ang pelikula sa makatotohanang karanasan ng mga nagmamahalan, pero nagtapos sa ideyalismong “kung sila, sila; kung hindi, hindi”. Parang nagkataon lang lahat. Iyun ba ang ibig sabihin ng “One more chance”? Siguro, batang dekada ’80 lang ako, pero mas nagustuhan ko siguro ang eksena ng balikan kung ang pinatugtog ay “Hang On” ni Gary Valenciano. Nakakabanas ang pagbanggit sa isang eksena sa “Biogesic” – produktong iniindorso ni John Lloyd sa totoong buhay.

May dalawang gamit ang uring kinapalooban ng mga karakter sa pelikulang ito. Sa isang banda, dahil uring petiburgis ang kayang asamin ng mga maralita nating kababayan, pangganyak ito sa ganoong pamumuhay. Sa kabilang banda, nasasapatan sa isang antas ang materyal na mga pangangailangan sa uring ito. Kaya puwedeng palutangin dito ang mga isyu ng puso at pagmamahalan. Puwedeng pumasok-lumabas sa relasyon habang nasa trabahong mas maluwag kaysa sa todong pagkayod ng mga maralita.

Mahusay ang pag-arte nina John Lloyd at Bea. Parang masarap umibig at mangarap kasabay nila. May isa pang Bea na tumining: si Beatriz Saw ng Pinoy Big Brother. Sa barkada nila, parang siya si Lisa Kudrow sa Friends: ang matalas at prangkang kaisipang jologs. Para sa mga marxista, siya ang tinatawag ni Bertolt Brecht na plumpes Denken: matalas, bagamat minsan ay masakit, na pambalanse sa magugulong isip.

Katulad ng maraming produkto ng kulturang popular, haluan ng mga salik na progresibo at konserbatibo ang One More Chance. Kung gagamit tayo ng mapanuring lente – at magiging mapagbantay sa konserbatibo pero kaakit-akit na mga bitag nito – hindi masamang itulak nitong bigyan pa natin ng one more chance ang pelikulang Pilipino. Maaaring mapaluha o maiyak tayo, pero sana’y kritikal tayo sa mga ideolohiya nito.


17 Nobyembre 2007

Maraming punto na ang naisulat ko para sa isang sanaysay hinggil sa pagpapakamatay ng 12-taong gulang na bata sa Lungsod ng Davao, nang biglang nanawagan si Mayor Rodrigo Duterte ng imbestigasyon. At may paunang resulta na nga kahapon. Dahil sa sumunod na mga pangyayari, kailangan kong baguhin ang mga puntong nabuo ko. Sa lahat ng may pakialam, paumanhin sa paglalabas ko ng sanaysay tungkol sa isang pelikula, sa halip na sanaysay tungkol sa kanya. Sa isang banda, iresponsable ito.

Categories: Kulturang Popular
Tagged: , , ,

November 7, 2007 · Leave a Comment

eagleton.jpgterry-eagleton.jpg

May ipinapaalala si Terry Eagleton, marxistang intelektuwal, hinggil sa buung-buong pagyakap sa makabagong teknolohiyang iniluluwal ng kapitalismo.

Categories: Pagba-Blog

Blog na Blog Mong Sasabihin*

November 7, 2007 · 12 Comments

Hindi ko inasahan, pero marami-rami na ang naisulat – maalab o pakutya – na tugon sa sanaysay kong “Online Dossier at iba pang Pag-aalalang Neo-Luddite hinggil sa Internet”. Sa pagkakaalam ko, pinakamatalino sa mga ito ang sanaysay na “Blogismo” ng kaibigan kong si Mong Palatino. Sa pagkakataong ito, tutugon ako sa mga kritiko ng nasabing entri ng blog ko. Dahil itinuturing kong pinakamainam na tugon ang isinulat ni Mong, mas ituturol ko sa mga punto niya ang tugon ko, habang tinutugunan ang iba pa.

Una, ilang paglilinaw na taliwas sa ilang naging pagbasa sa isinulat ko: Hindi ako tutol sa pagba-blog per se. Hindi rin ako tutol sa pagba-blog ng mga progresibo. Gaya ng nasabi ko, makatuwirang ituring ang Internet, lalo na ang sinasabing blogosphere, na larangan ng tunggalian kung saan dapat lumahok ang mga progresibo. Nasabi ko pang may mga namumulat dito, napapakilos sa isang antas, at posible ring naoorganisa. Ibig sabihin, walang batayan ang akusasyong “palasuko” ako sa larangang ito ng labanan.

Pero malinaw ang batayan ko kung bakit nasasabi kong kailangang mag-blog ang mga progresibo at lumahok sa Internet at blogosphere at doon ay makitunggali. Bagamat naidiin ko ang limitadong saklaw ng naaabot ng Internet sa Pilipinas, nasabi ko rin namang marami-rami na rin itong naaabot sa bansa – partikular marahil ang mga petiburgis sa mga kalunsuran sa buong kapuluan. Ito ang batayan ko sa pagtingin ko.


SALA

Sa tingin ko, gayunman, kalabisan ang ilang batayang nasabi ng mga kritiko ng naunang sanaysay ko na mga dahilan nila sa pagba-blog at paghikayat sa ibang tao na mag-blog. Hindi man magandang sa debate lumalabas ang mga batayang ito, mainam na ring naglabasan ang mga batayang ito ng mga progresibo – para mapakinis o maiwasto.

(1) Ayon kay Mong, hindi hinahatak ng mga aktibistang blogger ang mga kabataan “na mag-blog para lamang mag-blog (to blog just for the sake of blogging)”. Pero sinabi rin niyang “Pampulitikang pahayag ang pagba-blog. Pinagtitibay nitong may karapatan ang lahat na ilathala ang… opinyon sa Internet. Binibigyan nito ng kapangyarihan ang karaniwang mga mamamayan na ilahad ang sa pakiramdam nila’y makabuluhan sa kanilang buhay”. Sa tingin ko, “blog for blog’s sake” ang tunguhin ng sinasabi dito ni Mong. Hindi na mahalaga ang nilalaman; pampulitikang pahayag na ang mag-blog.

Kung ang mga magsasaka at manggagawa – at ang marami pang maralitang hindi marunong magbasa at magsulat – sa lipunan natin ang nagba-blog na, tiyak akong dakilang pampulitikang pahayag na nga iyon, rebolusyunaryo pa nga. Sa isang banda, nakakangiti ring isiping pantay ang karapatang mag-blog ng isang estudyanteng hayskul at ni Kris Aquino o Gretchen Barretto – bagamat kahit dito’y humahabol agad ang magkaibang lagay ng pagba-blog sa maalwang hardin ng asyenda at sa internet shop. Sa kabilang banda, hikayat din naman sa konsumerismo ng iba ang daldal ng dalawa.

Dagdag pa ni Mong, “Puwedeng magsimulang mag-blog ang isang tao tungkol sa kanyang pusa o crush pero sa malaon at madali ay mapupuwersa siyang magsulat ng pulitikal kung hindi man subersibong mga komentaryo. Bakit nabura ang artikulo ko? Bakit mabagal ang koneksiyon ng Internet?…” Puwede, pero nangyayari naman ito sa karaniwang buhay kahit hindi mag-blog ang isang tao – sa dami ng nakakasuklam sa ating bansa. Kung gusto mong masuklam pa ang mga petiburgis sa mga nangyayari, maraming paraan, na mas mabilis pa nga: Pagbasahin mo sila ng balita, halimbawa.

Ang punto ko: Kung, bilang mga progresibo, manghihikayat tayo sa mga tao na gumawa ng kung ano, tiyakin natin ang pampulitikang direksiyon at nilalaman. Hindi iyung pinupuri nating pampulitikang pahayag na ang mag-blog at iniaasa natin sa kapalpakan ng internet service providers ang pagkamulat nila. Napaka-abstrakto – oo, akademiko rin – na ilako at papurihan natin ang isang lagusan o midyum na puwedeng gamitin ng isang estudyanteng hayskul at ni Raul Gonzalez. Trans-class: Hindi nararamdaman ang pagkiling natin pabor sa mga uring pinagsasamantalahan at inaapi sa ating bansa.

(2) Ayon pa kay Mong, hinggil sa pag-aalala ko patungkol sa seguridad sa Internet, “Ang magagawa na lang natin ay patatagin ang ating seguridad sa pagpapatibay ng ating ugnayan sa mga kapwa-mamamayan at kapwa-netizen. Nakikipagkaisa kami nang online at offline sa mga indibidwal, grupo at institusyon. Sa pamamagitan ng mga profile na pampubliko namin [sa Internet], kahit paano’y nababawasan namin ang mga banta dahil mayroon kaming anyo ng proteksiyon na mga kasapi kami ng isang komunidad.”

Narito ang palagay ni Mong na batayan ng pahayag niyang ito: “Halos lahat na ng aktibidad ng mga tao ay target ng paniniktik ng Estado. Kaunti lamang ang magagawa natin para hadlangan si Big Brother na mag-espiya sa ating mga aktibidad na online. Maging ang anonymous na mga account ay hindi na ligtas.” Totoo. Pero dahil ba tinitiktikan ang mga progresibo, ibuyangyang na lang nila nang todo ang lahat ng umbok ng kanilang gilagid, anggulo ng mata at kuwento sa buhay? Usapin kung makuha ng mga paniktik ang impormasyon; pero ibang usapin pa ang ibigay na lang ito sa kanila.

Katulad ni Mong, inaaasam kong magwawala ang blogosphere kapag may kapwa-blogger, o sinuman, na daranas ng panunupil ng Estado. Pero kailangang kinisin ang sinabi niya. Dapat bang mag-blog – o mag-Friendster, Multiply, o Twitter – ang lahat ng kabataan para maging ligtas? Ang lahat ng aktibista? Paano kung tinatanaw nilang mag-organisa ng mga magsasaka at manggagawa – sa mga larangang matinding sinusupil ng Estado? Mas makakatulong ba sa kanila ang magkaroon ng account? Paano naman ang mga walang kakayahang gumawa? Dapat ba silang matuto? O pasensiya na lang? Mahirap ituring na aplikable sa lahat ng progresibo ang sinabi ni Mong. Dapat partikular.

(3) Pinaka-absurdong pagbibigay-katuwiran sa pagba-blog at paggamit ng Internet bilang larangan ng tunggalian – Naks! – ang ganito: Maging ang Partido Komunista ng Pilipinas ay may Philippine Revolution Web Central o PRWC at ginagamit nito sa iba’t ibang paraan ang Internet kaya maipagpapalagay nang ang patakaran nito ay gamitin ang bagong teknolohiya sa pagsusulong ng rebolusyon. Dapat nga namang gamitin. Pero pagbastos sa PRWC ang gamitin ito para bigyang-katuwiran ang pag-iral ng lahat ng blog ng mga aktibista: mayroon din namang konsumerista, petibugoy at banidoso.

wbenjamin.jpg

Si Walter Benjamin

LAHAT

Walang kritikal na salita si Mong para sa Friendster, Multiply, Twitter, Web 2.0 at pagba-blog. Pinuri at ipinagtanggol pa nga niya ang huling tatlo. Mayroong nagkomento sa isinulat niya ng “Lahat ng panahon at pagkakataon ay larangan ng tunggalian at lahat ng midyum ay lunsaran ng walang humpay na pakikibaka.” Mayroon pang nanawagan: “Hinihikayat ko ang lahat ng… progresibo sa mga lungsod at bayan, at sa ibayong dagat, na samantalahin ang lahat ng puwang sa Internet. Gamitin natin ito para sa progresibo at rebolusyunaryong adhika. Ibudyong natin sa Internet ang pananaw para sa pagbabago hanggang [sa] lahat ng bayan at bansa.” Sugod, mga kapatid! Sugoood!

Hindi mo maintindihan kung may komisyon ang dalawang sumunod kay Mong galing sa mga internet service provider. Ang alaala ko, kahit para sa PKP, may ranggo ang mga porma ng pakikibaka. Pangunahin diyan ang pagba-blog… este ang armadong pakikibaka ng New People’s Army. Sekundaryo ang “parlamentaryong pakikibaka,” halimbawa. Ibig sabihin, may mga larangan ng tunggaliang dapat pagtuunan ng higit na lakas, oras at talino ng mga progresibo. May mga “larangan” namang hindi kailangang “lunsaran ng walang humpay na pakikibaka.” Hindi rin kailangang “samantalahin ang lahat ng puwang sa Internet”. Baka hindi na tayo makatayo sa upuan niyan at makapagrebolusyon sa labas, kasama ng masa. “Makibaka sa Twitter at Multiply!” Nyek.

Naaalala ko tuloy ang pa-kontrobersiyal na sinabi noon ni Roseanne Arnold, o Barr, na kaya niyang makipagtalik sa kahit anong bagay. Kasama na siguro diyan ang calculator, stapler, o maging ang kulumpon ng buhok na naiiwan sa kubeta matapos maligo. Kung iisipin mo, puwede naman talaga. Pero kung gagawin niya talaga ang makipagtalik sa mga ito, dalawa lang ang puwedeng ibig sabihin: “materyalistiko” talaga siya (gusto lang niya talagang makipagtalik sa mga gamit) o malungkot ang buhay niya (walang ibang taong gustong makipagtalik sa kanya). Ganyan din sa mga progresibong ipinagpipilitang gamitin ang lahat sa Internet: gusto lang talaga nilang gamitin lahat o malungkot sila.

Dahil kung gusto talaga ni Roseanne na makipagtalik sa kapwa-tao, gagawa siya ng paraan – kasama na ang talikuran ang kagustuhang makipagtalik sa lahat ng bagay. Ganoon din sa mga progresibo: kung gusto talaga nilang mag-rebolusyon, hindi puwedeng lahat na lang sa Internet ay papatusin nila. Kung ipagpipilitan nila ang gawin iyon, tiyak na may hindi magandang dahilan. Kailangan nilang mangilatis at pumili.

Dapat ding iwasto ang pagtingin ng ilang progresibo na nangangahulugan ang pagiging progresibo ng buung-buong pagyakap sa makabagong teknolohiya. Sa Pilipinas, dahil mala-kolonyal at mala-piyudal ang atrasadong sistema ng bansa, makatuwiran lamang na ipagdiinang ang sosyalismo ay dakilang hakbang pasulong, pagpapalaya sa mga puwersa ng produksiyon na dantaong hinahadlangan ng mga kaaway ng bayan. May hibo marahil nito ang maluha-luha at tigib sa pag-asang pagtingala ng ilang progresibo sa bagong teknolohiya – na katawa-tawa marahil para sa mga nasa ibayong dagat.

Pero kaugnay ng mga pauso ng kapitalismo sa Internet, mahalagang pakinggan ang paalala ni Terry Eagleton, marxistang intelektuwal. “Minsang sinabi ni Bertolt Brecht na ang kapitalismo, hindi komunismo, ang siyang radikal, at matalinong idinagdag ng kaibigan niyang si Walter Benjamin na ang rebolusyon ay hindi humahagibis na tren, kundi ang paggamit ng prenong pang-emergency. Kapitalismo ang siyang hindi makontrol, at sosyalismo ang siyang naglalayong hadlangan ito. Kapitalismo, gaya ng kinilala ni Marx, ang siyang rebolusyunaryo hanggang sa ugat nito… at sosyalismo ang tumatawag sa atin pabalik sa ating abang katayuan bilang mga nilikhang gumagawa (labouring), nakikipamuhay (socializing), at may materyal na limitasyon (materially limited).” Ibig sabihin, pagpapatangay pa rin sa kapitalismo ang todo-todong pagyakap sa makabagong teknolohiya – kahit pa ituring itong radikal at progresibo ng iba.


ANTI-BLOG

Taliwas sa lumutang na impresyon, hindi ako tutol sa pagba-blog per se. Tutol ako sa partikular na (1) pag-iisip kaugnay ng mga blog, (2) praktika ng pagba-blog, at (3) pagpapalaganap ng pagba-blog. Natugunan ko na ang unang punto sa itaas. Hindi puwedeng todo-todo at makaisang-panig ang pagkakampanya na mag-blog o gumamit ng Internet ang mga tao, kahit ang mga progresibo. Dapat balansehin ito ng paghabol ng mga panuntunan, o etika, lalo na sa hanay ng mga progresibo. Pag-aaral ng ugnayan ng mga bagay-bagay ang diyalektika, kaya dapat ay matanaw natin ang posibleng mga implikasyon ng ating mga panawagan at pagkilos – lalo na kung nariyan at nakikita na. Gaya ng karanasan sa cellphone, kailangang iwasan ang pag-abuso sa paggamit.

Ano, sa tingin ko, ang dapat iwasan o iwasto sa pagba-blog o paggamit ng Internet ng mga progresibo? (1) Ang paggamit na naglalagay sa panganib sa seguridad. Naipaliwanag ko na ito sa itaas. (2) Ang paggamit nang hindi malinaw ang pampulitikang pakinabang. Maraming halimbawang puwedeng mabanggit dito: ilan sa mga tampok ang labis-labis na pagsisiwalat ng personal na buhay at ang tahas o hindi tahas na paghikayat sa kung anong konsumerismo. Bilang surfer, puwede akong sabihang huwag kong tingnan kung ayaw kong makita ang mga ito. Pero bilang progresibo, nag-aalala ako sa hatak sa oras, lakas at talino ng mga progresibo na kinakain ng ganitong mga entri – bukod pa sa pampulitikang direksiyon ng ganitong “hindi pulitikal” na mga entri.

(3) Naniniwala rin akong bagamat dapat makisangkot ang mga progresibo sa Internet at blogosphere, dapat ay tukoy kung ilan o sinu-sino ang dapat gumawa nito – hindi lahat. Dapat ding tukoy kung ano ang lugar nito sa ibang gawain – hindi todo-todo. Dapat ding malay sa usapin ng representasyon ng sarili ang mga progresibo: Sapat na bang may mga larawan ng pagrarali, na pagkatapos ay nilulunod ng mga larawan ng “normal” na buhay na pagpapatianod sa uso sa mga kabataan o mga petiburgis sa pangkalahatan? Natatakot ba tayong matawag na “grim and determined”? Eh akala ko ba, propaganda? Para sa masa ba kung tila pakiwaring Paris Hilton tayo – pina-paparazzi ang sarili?

Anti-Blog ang itinataguyod ko at gusto kong palaganapin sa ilan. Sa tingin ko, may ilang mahalagang bagay na dapat matutunan ng mga progresibo sa kalakaran ng blog bilang porma ng paglalahad: Maikli, direkta sa punto, at magaang basahin at sa gayon ay madaling maunawaan, magagandang larawan, personal na paglahad ng mga opinyong pampulitika na minsan ay nakakapagbigay ng ahitasyon dahil tumatagos sa puso. Pero hindi dapat mahatak ang mga progresibo sa dominanteng kalakaran ng pagba-blog. Dapat ay magamit ang ganitong kalakasan ng porma ng blog para dalhin ito sa pampulitikang direksiyon na iba sa dominante. Blog na hindi blog: Anti-Blog. Progresibo.

Hindi ko pa rin mailugar sa ganitong balangkas ang pagpapalaganap o paghikayat ng mga progresibo sa mga estudyanteng hayskul na mag-blog. Pero tatahimik na lang siguro ako kung nakikita kong natutukoy at nahaharap ang mga usaping inihahapag ko sa hanay ng mga progresibo. Ang totoo, at bilang pagpupuna-sa-sarili, hindi pa rin nakakasapat ang blog na ito sa pamantayang nailahad ko sa itaas para sa isang Anti-Blog. Pero kailangang magtakda ng mga pamantayan, mga panuntunan, ng etika. Dahil kung hindi, hindi magiging malinaw ang pampulitikang direksiyon ng mga pagsisikap. O, sa masahol, mahahatak tayo sa malakas at dominanteng kalakaran sa Internet.


PERSONAL

Nakakalungkot na naaalala ni Mong sa isinulat ko ang hindi magandang pagtingin ng mga mamamahayag at akademiko sa mga blogger. Para bagang bigla siyang tumindig sa hanay ng huli. Kung anuman, gusto kong linawing nagsusulat ako hindi bilang mamamahayag o akademiko. O intelektuwal, dahil sinabi niyang intelektuwal daw ako. Hindi ko kailanman itinuring ang sarili ko na ganyan. Ang totoo, nagsusulat lamang ako bilang aktibista. O bilang tibak – kung masyadong pormal ang “aktibista”. Kasama na ang pakahulugan nito na minsan ay grabeng kritikal at krudo. Tiwala rin akong kung mababasa ng mga tibak ang isinulat ko ay mauunawaan nilang kaisa talaga nila ako.

Natatawa si Mong na sa isang banda’y nilalait ng konserbatibong mga manunulat ang mga progresibong blogger, at sa kabilang banda nama’y tinuligsa ko – na, oo, nagpapakilalang progresibo – ang kanilang mga pagsisikap na magpalaganap ng tinatawag niyang “responsableng pagba-blog”. Makabuluhang pakinggan uli si Eagleton: “Kumakapit ang mga liberal, pragmatiko, at modernisador sa ilusyong Utopyano na walang pundamental na problema (nothing fundamentally wrong). Nakikita ng mga konserbatibo na mayroong pundamental na problema; iyun nga lamang, madalas silang magkamali kung ano iyon.” Hindi dapat magtaka sa ilang pagkakatulad ng mga progresibo at konserbatibo. Ang mahalaga, masapul natin ang malalim na pagkakaiba.

*Pasintabi kay Kitchie Nadal

07 Nobyembre 2007

Categories: Pagba-Blog