Monthly Archives: January 2008

diaspora.jpg

Patunay ang patuloy na paglikas ng mga Pilipino para magtrabaho sa ibang bansa na wala pa ring tunay na pagbabagong nakakamit sa kabila ng dalawang pag-aalsang Edsa. “Diaspora” ang titulo ng magandang painting na ito ni Antipas Delotavo, na nakuha ko naman sa blog ng manunulat na si Marne L. Kilates.

Edsa Dalawa, Tatlo. Apat!

(1)

Masakit ang ulo ni Obet noong gabi ng Enero 15, 2001. Dahil siguro sa kakalakad maghapon. O sa panonood ng pelikula sa napakalamig na Film Center ng Unibersidad ng Pilipinas na paaralan niya. Paroo’t parito ang mga kapwa-aktibista sa isang masikip na kuwarto sa Vinzons Hall habang nanonood ang marami, tulad ng naunang mga gabi, ng telebisyon. Hindi siya nakakasabay noong una, pero namalayan niyang hinaharang ng ilang senador – na pare-parehong mukhang kontrabida sa pelikula – ang isang mahalagang ebidensiya sa kasong impeachment ni Pang. Joseph Estrada sa Senado.

Noong nanalo sa botohan ang pagharang sa ebidensiya, sumabog sa galit ang mga tao sa kuwarto. Kanya-kanyang bulalas ng galit, nag-aapuhap ng gagawin. May nagsabing sa kinabukasan na lang maglunsad ng kilos-protesta. Maalab na tumutol ang marami, pati si Obet na sa panahong iyon, sa salita ng mga aktibista, ay “agit na agit” o agitated. “Puntahan natin ang bahay ni Miriam, kadyutin natin ng troso ang tarangkahan! Basta dapat ngayon na.” Hindi rin naman nagtagal at ganoon na ang tingin ng marami. “Para saan pa’t petiburgesya ang matabang lupa ng kaliwang oportunismo?” pahabol niya.

Dala-dala ang iilang megaphone, bandila at streamer, humungos ang mga aktibista sa mga dormitoryo. Si Obet, itinalaga sa Kamia at Sampa, magkatabing dormitoryong pambabae. Lumapag muna siya sa Narra, at nagsalita sa megaphone. Kaunti pa lamang ang mga estudyanteng lumalabas. Nanonood pa siguro ng telebisyon, naisip niya. Ilang gabi bago iyon, naalala niya, nagsalita siya sa general assembly ng Narra, kabado sa kilalang kakulitan ng mga residente sa sinumang seryosong kumakausap sa kanila. Wala nang maraming tanong noon, bukod sa sino o anong ipapalit kay Estrada.

Sa Kamia at Sampa, ligalig ang mga lider ng dormitoryo. Pinayagan sina Obet na magsalita at manawagan ng pagkilos sa sound system. Inabot ng curfew kaya sinarhan na ang gate ng Sampa at hindi na puwedeng magsalita sa loob ng Kamia. Tuluy-tuloy na nagsalita ang mga kapwa-aktibista ni Obet sa labas ng dormitoryo. Maya-maya pa, lumaganap ang mensaheng text na nanawagan na si Cardinal Jaime Sin na tumungo ang mga tao sa Edsa. Nagsimula na ring umikot ang mga sasakyan ng mga guro at maging fraternity na nag-iingay, bumubusina. “Ito na nga iyun!” noon lang naisip ni Obet.

Maya-maya pa, dumami na ang mga residenteng dumudungaw sa Sampa at lumalabas sa Kamia para magtanong: Paano kami makakasama? Paano tayo makakapunta doon? Dahil sa pagmamatigas ng mga tagapamahala ng mga dormitoryo, may ilan pang naiyak. Dahil dito, alaala ni Obet, hindi rin napigilan ni Ninay Festin, vice-chair ng konseho ng mag-aaral noon, na maiyak. Lumaganap ang balitang ang mga residente ng Ilang-Ilang – na binansagang “kumbento” ng kampus – ay nagsilabas sa mga bintana at kumapit sa mga puno para makasama. Sa kung anong paraan, marami ang nagmartsa.

edsa-sa-ilalim-ni-gloria.jpg

Hindi minilitarisa nang ganito ni Erap ang Edsa noong panahon niya.

Mahaba ang martsa noong gabing iyon, alaala ni Obet. Dumaan sila sa Katipunan at pagkatapos ay sa Aurora para tumagos sa Edsa. Kuwento ni Obet, naisip ng mga kasamahan niya pagkatapos na sana ay ibang ruta ang ginamit nila, sa Philcoa-East Avenue sana. Puro kasi puwestong komersiyal ang mayroon sa Katipunan, kaya wala gaanong tao sa gilid. Kaya pana-panahon lang ang pagsigaw ng hanay ng mga islogan. Dala na rin marahil ng pagkapagod, na hindi naman gaanong alintana at inireklamo ng mga sumama. Ang nasa isip ng marami: Kailangang makarating sa Edsa, ngayon na.

(2)

Maraming tining na alaala si Obet sa araw-araw na pagsama sa Edsa. Ang nakaitim na hanay ng mga estudyanteng kusang tumungo sa mga lobby ng mga gusali sa UP. Ang dami ng mga taong nakapila sa MRT tuwing umaga na ang ilan ay sumanib sa hanay ng mga nagmamartsa. Ang malamyang pahayag ni Pres. Francisco Nemenzo, Jr. ng UP na tila paglalarawan sa mga nangyayari at hindi pagtindig laban kay Estrada. Ang maalab na talumpati ni Rosanna Roces sa Edsa Shrine na parang ganito: “Ako, para mapakain ko ang mga anak ko, naghuhubad ako. Ikaw, putang-ina mo, nagnanakaw ka sa bayan!”

May isang gabi sa Edsa Shrine na parang naging konsiyerto ni Gary Valenciano. Sari-sari ang pakulo ang mga paaralan para makilala sa hanay. Nagsikap sina Obet na maglunsad ng mga talakayan para palalimin sa mga dumalo ang usapin, na hindi lamang sapat ang pagpapalit ng pangulo, na ang kailangan ay baguhin ang sistema. Walang katulad si Carmen “Nanay Mameng” Deunida sa pagpapaalab ng damdamin ng mga tao. Klasiko ang nasabi niya sa naunang mga pagkilos: “Ang pangako noon ni Erap, pabahay para sa maralita. Iyun pala, mass housing para sa mga kerida niya!”

Noong hindi binuksan ang ikalawang sobre, panauhin ng ABS-CBN si Prop. Victoria “Vicky” Avena, guro sa UP College of Law, bilang komentarista. Inulit niyang hindi lamang hudisyal ang proseso ng impeachment, kundi pulitikal din. Alaala pa ni Obet ang sinabi niya: “Baka kailangan pang makita ng ating mga senador ang paglawak ng pagkilos ng mga mamamayan.” Tuwang-tuwa si Obet sa sinabi niya. Kaya noong isang gabi sa Edsa Shrine, malapit sa mga kandilang nakahanay nang “Oust Erap,” nilapitan niya ang propesor. Nagpasalamat siya, kung paanong nagpapasalamat ang fan sa idolo.

(3)

Nasa Edsa Shrine si Obet noong gabing nag-uurong-sulong ang hanay sa pagmamartsa patungong Mendiola. Pagkatapos lang niya nalamang may debate pala noong gabing iyon – at nasa panig ng mga ayaw magmartsa ang Sanlakas at si Prop. Winnie Monsod. Sa pagpupulong ng organisasyon niya noong gabing iyon, sinabing magmamartsa na kinabukasan ang hanay patungong Mendiola. Kailangan daw ng mga taong mauunang magpropaganda sa dadaanang mga lugar para himukin ang mga residente na sumama at magpakita ng suporta. Dahil siguro madaldal si Obet, isa siya sa napiling sumama.

Noong una, may pangamba sa mga kasapi ng mga ipinakat na team. Malaganap kasi ang pagtinging malakas pa rin ang pagsuporta kay Erap ng mga maralitang tagalungsod kahit noong mga panahong iyon. Ang sumagi sa isip niya, baka awayin siya, o bugbugin, o saksakin. Sa pagbabahay-bahay, wala namang na-engkuwentro si Obet na galit na mga residente. Pinakamasama na kung ayaw makinig ng kinakausap niya, o kung kalmado nitong sinasabing “Maka-Erap ako eh.” Naaalala pa niya ang bungad niya sa pagsasalita: “Magmamartsa na po rito iyung mga nasa Edsa. Sumama na po tayo.”

Pagkatapos, nagtipun-tipon ang mga nasa team – sa may Trabajo sa España, alaala ni Obet. Ang almusal: pandesal na may palamang peanut butter na nakalagay sa isang balde. Nanlilimahid na siya, pakiramdam ni Obet sa puntong ito. Kaya nagpaalam siyang maliligo sa bahay nila sa malapit. Pagdating sa bahay, dahil may naliligo pa, nagpasya siyang maidlip muna. At dahil naaawa sa kanya ang mga magulang niya dahil mukha na siyang pagod at puyat, hindi siya ginising. Nagising na lang siya, at nagulat, noong masayang sumigaw na ang tatay niya: “Obet, nag-resign na! Obet! Wala na si Erap!”

erap.jpg
Ang paglikas ng pamilya Estrada mula sa Malakanyang

“Buwisit!” na lang ang nasabi ni Obet. Masamang masama ang loob niya. Halos maiyak siya sa pagkadismaya, sa sarili higit sa lahat. Bakit pa siya natulog? Alam niyang napakahalaga ng naganap at gusto niyang maging bahagi noon. Ang nakita niya sa telebisyon, nanunumpa na si Gloria Macapagal-Arroyo. Ilang taon pagkatapos, patuloy niyang pinag-iisipan ang naganap. “Kung maihahalintulad sa maikling panaginip ang masayang panahon ng pagpapatalsik kay Estrada,” sabi niya, “ang panunumpa ni Gloria ang simula ng bangungot na tumapos sa panaginip na iyon” – pansamantala, marahil.

(4)

Nakatutok din sa telebisyon si Obet noong inaaresto ng rehimeng Arroyo si dating Pang. Joseph Estrada sa bahay nito. Dahil nananatili siyang matapat sa Edsa 2, tiningnan niya iyong paglubos sa tagumpay ng pagpapatalsik sa pangulo. Pero nahiwagaan si Obet sa pag-uulat: Kung si Prop. Victoria Avena, sa tingin niya, ay di-tanyag na bayani ng Edsa 2, si Pinky Webb naman ay di-tanyag na bayani ng Edsa 3 – at isang kontrabida para sa kanya. “Akalain mo,” sabi niya, “umiiyak habang nag-uulat sa pag-aresto kay Erap! Hindi naman siya tanga para di niya maisip na nakakagatong siya sa damdamin ng mga tao.”

“Wala namang problemang manggatong ng mga tao sa mga usaping kailangan iyon,” pahabol ni Obet. “Pero noong panahong iyon, iniiyakan niya ang isang taong dapat talagang litisin at parusahan!” At narito, ayon kay Obet, ang problema sa Edsa 3, kung bakit ito nabigo. “Higit pa sa usapin ng mga taktika – papalapad na protestang masa, pagkabig sa mga pulitiko at militar, maging sa Simbahan, at iba pa – walang batayang moral ang Edsa 3. Doon naman manggagaling ang kakayahan nilang kumabig ng mga tao.” Ibig niyang sabihin, “Wala iyung matatag na isyu para ibalik si Erap sa poder.”

(5)

Sa panahon ng panunungkulan ni Gng. Arroyo, makikita kung paanong ang taktikal na interes ng isang paksiyon ng naghaharing uri na manatili sa puwesto – at magsulong ng tinitingnan nitong “pag-unlad” ng bansa – ay humahantong sa paggamit nito sa pinakamasasahol na armas ng sistema para panatilihin ang sarili. Para halimbawa durugin ang mga kalaban sa pulitika, at kabigin ang militar at US na siyang pinakamasasandigan nito, itinodo nito ang pasistang pagsupil sa armado at di-armadong Kaliwa. Sa isang banda, nagtutugma ang interes nito at ng sistema.

Sa ganitong kalagayan, ang taktikal na pangangailangan ng mga mamamayan na patalsikin si Gng. Arroyo sa pagkapangulo ay madaling palalimin sa matagalang interes nila na baguhin ang bulok na sistema. Higit pa kay Estrada – na kinainisan ng marami mas dahil sa imoralidad niya, bukod pa sa mga kasalanan niya sa bayan – inilalantad ni Gng. Arroyo ang kabulukan ng sistemang hindi lamang nagluwal sa kanya, kundi ay nagagamit niya para manatili sa kapangyarihan. Pinapatunayan ng giyera kontra sa Kaliwa, halimbawa, na marahas na lumalaban ang sistema sa tunay na pagbabago.

Sa sanaysay niya nitong huli na “Kapangyarihan sa sambayanan,” naglinaw si Dr. Carol Pagaduan-Araullo na “Totoong napakahalagang magmulat, magpakilos at mag-organisa ng mga mamamayan para sipain ang rehimeng Arroyo at palitan ito ng gobyernong demokratiko, nakadireksiyon sa reporma at makamamamayan. Kung, sa susunod na dalawang taon, ay hindi ito makakamit ng kilusan para sa tunay na pagbabago, maaari nitong tuluy-tuloy na itaas ang kamalayan ng ating mga kababayan hinggil sa mga suliranin ng lipunang Pilipino at kung nasaan ang solusyon…”

satur-ocampo-sa-mendiola.jpg
Si Ka Satur Ocampo sa makasaysayang martsa sa Mendiola noong Edsa 2

Inilahad niya ang pakinabang ng “kilusan para sa tunay na pagbabago” sa ganitong pag-unawa sa tungkuling patalsikin ang rehimeng ito: “Sa proseso, makakapagkamit ng kagyat na mga ganansiya, kasama na ang pagsawata o pagpapaatras sa mas mapangwasak at mapanupil na mga patakaran ng rehimeng Arroyo.” Marahil, tinutukoy niya ang pagkakamit ng ginhawa, kahit kaunti, para sa mga mamamayan. “At sa matagalan, nailalatag ang paborableng kalagayan para sa mas malalim at malawakang pagbago sa kaayusang panlipunang itong bulok at batbat ng krisis.”

Sang-ayon si Obet. “Napakaraming aktibista ang iniluwal ng buong pakikibaka para patalsikin si Erap. Nasa iba’t ibang larangan na sila ngayon ng makabayang kilusan ng mga mamamayan.” Ibig niyang sabihin, “Sa pagpapatalsik kay Erap, maraming kabataan at estudyanteng tulad ko ang namulat hindi lamang sa kabulukan ni Erap, kundi ng buong sistema, kaya kumikilos pa rin hanggang ngayon.” Totoo, tagumpay ng sambayanan na napatalsik si Erap, pero magandang tagumpay din nito ang pagkapanday ng maraming kabataan na matagalang maglilingkod sa sambayanan.

(6)

Nitong Enero, nagbalik-tanaw si Prop. Judy M. Taguiwalo sa makabayang tradisyon sa loob ng Unibersidad ng Pilipinas na isang reaksiyunaryong institusyon. Ginunita niya ang iba’t ibang militanteng pagkilos ng mga estudyante noong bago mag-Batas Militar, kasama na ang Diliman Commune at Sigwa ng Unang Kuwarto ng 1970. Kaugnay ng huli, nabanggit niya, “Dito talaga, marami kaming na-radikalisa sa usapin ng pasismo ng Estado dahil sa tindi ng bugbugan.” Tiyak, hindi nagpunta sina Prop. Taguiwalo sa protesta para mabugbog. Pero nakapagmulat ang nangyari sa marami niyang kasama.

Nito ring Enero, nagbalik-tanaw si Prop. Roland Tolentino sa karanasan niya sa pagsama – kasama pala siya doon! – sa protestang humantong sa tinatawag na ngayong Masaker sa Mendiola noong Enero 1987. Nakakapagpaalab ng damdamin kahit ang simpleng pagsasalaysay niya. Pagtatapos niya, nang marahil ay tinutukoy ang sarili niya at sariling pagdanas sa nangyari, “Ang Mendiola ay dambana ng kontemporaryong pakikibaka ng mga mamamayan. Dito sa kanyang paanan namumulat ang daan-daang libong nakikibahagi sa kolektibong karanasan sa kilusang pakikibaka.”

Hindi ko gustong idambana at papurihan ang pagdanas ng karahasan bilang mahusay na tagapagmulat na, totoo naman, pumapawi sa maraming sapot at agam-agam sa pag-iisip ng mga lumalahok para sa reporma o pagbabagong pinapaniwalaan nila. Ang punto: walang katulad ang militanteng pakikibaka sa pagmumulat sa maraming tao, may marahas mang tugon ang Estado sa dulo. Maaaring hindi makamit ang target na tagumpay – pagbaba ng presyo ng langis kay Prop. Taguiwalo, reporma sa lupa kay Prop. Tolentino – pero tagumpay ang pagtatag ng loob ng mga lumahok.

Nagdagdag pa si Obet: “Wala akong kilalang aktibistang nagtagal sa pakikibaka na hindi nalubog at nasangkot nang malalim sa pakikibaka ng mga manggagawa, maralitang tagalungsod o magsasaka. Lagi’t lagi, may ginugunita iyang piketlayn at welga. Mahalaga ang taktikal na tagumpay, pero mahalaga mismo ang karanasan ng pakikiisa at paglaban para sa matagalang tagumpay.” Pahabol pa niya: “Oo, hindi lahat ng sumama sa Edsa 2, sumulong at kumilos para sa matagalang pagbabago. Hindi naman iyon ang punto. Ang punto, marami sa mga sumama ang napatatag.”

(7)

Sabi ni Domingo Castro de Guzman kaugnay ng La Fronde, digmaang sibil sa Pransiya noong 1648-1653: “Ang isang sambayanan na natuto kung paano lumabag sa isang hari, bagamat iginupo ng puwersang militar, ay hindi na maaaring maging sambayanang katulad ng dati.” Masarap itong isipin patungkol sa sambayanang Pilipinong nagpatalsik sa dalawang pangulong naghari-harian at ngayon ay gustong magpatalsik sa reynang sa maraming punto ay mas masahol sa naunang mga hari. Totoo rin ito sa maraming punto – sa madiing pagtutol sa lantarang pagdedeklara ng Batas Militar, halimbawa.

Pero puwede pang palalimin ang kahulugan ng sinabi niya kung ilulugar ang kilusan para sa pagbabago sa kaluluwa ng sambayanang iyon. Sa malaking bahagi, ang kilusang iyon ang nagtitiyak na hindi manunumbalik ang sambayanang iyon sa dating antas ng pagkaalipin at pagkabusabos. At kung igiit man ng mga bagong naghahari-harian ang muling pagyukod ng sambayanan sa dating antas, patuloy iyong matatag na lalaban.

24 Enero 2008

lani-misalucha-2.jpganita-baker-2.jpg

May sinasabi tungkol sa lagay ng bansa ang panggagaya ni Lani Misalucha (kaliwa) sa kanyang mga pagtatanghal sa sikat na mga mang-aawit na dayuhan, tulad ni Anita Baker. (Kuha ni Jane Kalinowsky ang larawan ni Lani, na nakuha sa reviewjournal.com.)

Hey, Lani / You, Lani*

Noong kamakailan, napanood ko ang isang bahagi ng gabi ng parangal ng Metro Manila Film Festival, iyung konsiyerto ng magaling na mang-aawit na si Lani Misalucha. Sa isang yugto ng konsiyerto, itinanghal niya ang ayon sa kanya’y tanyag nang bahagi ng mga palabas niya sa ibang bansa: ang nakakatawang panggagaya niya sa pagkanta ng mga mang-aawit na sikat sa buong mundo – Natalie Cole (“Starting Over Again”), Anita Baker (“No One in the World”), Angela Boffil (“Angel of the Night”) at Dionne Warwick (“I’ll Never Love This Way Again”). Maraming beses pinalakpakan ang pagtatanghal. Maraming beses ding tumawa ang mga tao – hindi ko nga lamang alam kung saan.

Hindi ko maintindihan, pero nalungkot ako. Habang nanonood, naramdaman kong parang bahagi at sintomas ang pagtatanghal ng hindi maganda sa lagay ng bansa natin. Naalala ko ang nalulungkot na pagbasa ng Aprikano-Amerikanong manunulat na si Alice Walker, sa isang sanaysay sa libro niyang In Search of Our Mother’s Gardens [1984]: “Pinaslang ang ating mga pinunong moral. Sinasamba ng ating mga anak ang kapangyarihan at droga, madalas na kalokohan ang ating opisyal na pamunuan, na kadalasang mapaniil. Ang ating pinili at pinaka-iginagalang na mang-aawit ng soul – na may di-hayag na tungkuling ipaalala sa atin kung sino tayo – ay naging isang blonde.”

Kung sabagay, matatawa talaga ang marami sa mga manonood, na galing marahil sa mga uring panggitna at nakakataas, at nakatira sa mga lungsod. Bukod sa araw-araw maririnig sa mga estasyon ng radyo ang mga kanta ng mga mang-aawit na nabanggit, marami na rin ang nakakita sa kanilang magtanghal – sa telebisyon, CD o DVD, o sa YouTube. Alam ng mga marami ang tinis ng boses ni Natalie Cole at ang kalmadong pagkanta niya, ang malaki pero parang lumilipad na boses ni Anita Baker at ang maalab na pag-awit niya, ang boses ni Angela Boffil na minsa’y tila galing sa ilong at sinasabing ginagaya ni Sharon Cuneta, at ang malamig na boses at itsura ni Dionne Warwick.

Higit pa diyan, masasabing mayroon na ring kultura ng panggagaya ang mga Pinoy sa pag-awit ng mga kantang masasabing bahagi ng “kulturang popular”. May ilan nang manunulat – kasama ang isang Pico Iyer ng Time – ang pumansin kung paanong nagkalat sa mga videoke bar ang karaniwang mga Pinoy na bumibirit nang katulad ng mga idolo nilang dayuhang mang-aawit. Itinuturing ding papuri sa mga bar na ito ang “plakado”. Halimbawa: “Plakado mo si James Ingram, ah.” Lagi ring idinidikit ang mga Pinoy na mang-aawit sa mga dayuhan: mula sa Claire dela Fuente = Karen Carpenter at Gary Valenciano = Michael Jackson (?!) hanggang sa Sarah Geronimo = Celine Dion.

Karugtong din nito ang “fickle cycle of recycle,” sa mga salita ng kritikong si Patrick D. Flores, o ang walang kamatayang pagre-revive sa mga kanta, sa industriya ng musika sa bansa. Haluan ito: May bahagi ng panggagaya at may bahagi naman ng pagbago sa orihinal na pagkanta. Halimbawa ng huli ang bersiyon ng “Upside Down” ng 6cyclemind at mga kanta ni Sitti. Pero kapansin-pansing hindi pumatok ang album ni Nina ng mga revival ng mga kanta ni Barry Manilow, pero sumikat siya sa naunang pagbirit niya ng mga revival. Trahedya na inilaan ni Jaya ang boses niya sa walang kalatuy-latoy na “Is It Over?” Kung anuman, pagkilala ito sa orihinal na mga kanta – kapwa Pinoy at dayuhan.

Hindi ko lang alam kung sasapat ang paliwanag ng “kaisipang kolonyal” o colonial mentality sa usaping ito. Kahit paano, ipinapahaging kasi ng paliwanag na ito na may pagpipilian ang ordinaryong mga Pinoy at mga musikerong Pinoy. Pero ang nakikita natin, napakalakas ng tulak sa kanila na gawin ang ginagawa nila. Binabaha halimbawa ang karaniwang mga Pinoy ng musikang dayuhan – sa porma ng pop at iba pa, at awit din ng mga dayuhan. Sa isang banda, nagre-revive ang mga musikerong Pinoy para mabilils na makilala, o kaya’y manatili sa ere kahit sa ilang panahon lang – bagamat totoo rin namang tumatangkilik ang mga tagapakinig sa mahuhusay na orihinal na awit.

Hindi lingid sa marami ang kakayahan sa pagkanta ni Lani: Noon, pinipilahan pa nina Dulce, Dessa at iba pa ang “I Will Always Love You” ni Whitney Houston para maabot ang nota. Iyun pala, isang Lani lamang, kaya nang simulan at tapusin ang kanta nang mahusay. Pero trahedyang wala pa rin siyang sikat na kanta. Sa puntong ito, maraming usapin: mga nagsusulat para sa kanya ng kanta, pagbibigay ng proyekto ng mga kompanya sa telebisyon at recording, at iba pa. Kaya nga ginawa rin niya dating itanghal ang panggagaya niya sa sikat na mga mang-aawit na Pinoy – Sharon Cuneta, Zsa-Zsa Padilla, Jaya. Mapagkumbabang pag-amin ito sa dating trabaho niya sa mga minus one.

Pero ang panggagaya niya sa sikat na mga dayuhang mang-aawit, sa ilang panahong pagsho-show niya sa Las Vegas, ay pagsisikap hindi lamang para kumita, kundi para mapansin ng mga nasa industriya ng musika sa US. Kakatwang para magawa ito, kailangan muna niyang magtanghal ng ganito – ipakitang kaantas niya sa talento ang mga dayuhang mang-aawit pero hindi niya kaantas sa katayuan; na katulad siya ng mga ito pero hindi; na alam niya ang lugar niya kahit nag-aasam siya ng mas mataas. Pamilyar na tayo sa ganito: mga Pinoy na nagsikap pumasok sa international music scene pero umuwing bahagya lang nagtagumpay: Martin Nieverra, Leah Salonga…

esanjuan.jpg
Si E. San Juan, Jr., progresibong Pilipinong intelektuwal
na nakabase sa US (Galing ang larawan sa gmanews.tv.)

Sa kanyang mga sulatin, palaging inililinaw ni E. San Juan, Jr., Pilipinong intelektuwal na nakabase sa US, na nakaugat ang pagiging mardyinal – nasa laylayan – sa US ng mga Pilipino sa pagiging neo-kolonya ng Pilipinas sa US. Aniya, nakaugnay sa paggigiit ng pambansang kalayaan ng mga Pilipino sa Pilipinas ang pagkilala at kapalaran ng mga Pilipino-Amerikano sa “sinapupunan ng halimaw”. Mahalaga ang punto niya hindi dahil itinuturo nito sa mga Pinoy kung paano magkakaroon ng natatanging puwang sa US, kundi para kilalanin ang ugat ng kawalan ng gayon, at para manawagang sana’y makilahok sa pagbago sa mga sanhing ito – na bukas kay Lani at iba pang mang-aawit.

Napabalitang ooperahan sa obaryo si Lani. Hangad ko ang tagumpay ng operasyon. Sana, pagkatapos, may mailuwal nang magagandang awitin para sa kanya – bukod pa ang pag-asam na may mailuwal nang bagong pulitika para sa bukod-tanging tinig niya.


10 Enero 2007

*Pasintabi kay Charlene Duncan, mang-aawit ng “I’ve Never Been to Me”

Follow

Get every new post delivered to your Inbox.

Join 118 other followers