Kapirasong Kritika

Entries from February 2008

February 24, 2008 · Leave a Comment

ayala-mob.jpg

Para sa marami, hudyat ng panibagong bugso ng pagkamulat at pagkilos ng mga nasa panggitnang uri ang protestang masa noong Pebrero 15. Puntirya ngayon ang mga nasa uring ito ng paghimok kapwa ng mga puwersang maka-Gloria at anti-Gloria.

Categories: Edsa People Power

Target: Panggitnang Uri

February 24, 2008 · 4 Comments

(1)

Susi, ayon sa ilang manunuring pampulitika, ang papel ng mga nasa middle class o panggitnang uri sa panahong ito para mapatalsik ang rehimeng Arroyo. Sang-ayon ako, bagamat dapat balansehin ito ng pagdidiing matagal nang namumuhi sa rehimeng ito at kumikilos, sa iba’t ibang paraan, ang masang anakpawis – ang mga manggagawa, magsasaka, at maralita sa pangkalahatan. Magiging mas matatag at malakas ang paglaban ng mga nasa panggitnang uri kung kasanib ng pagkilos ng mga anakpawis. Sama-samang pagkilos ang tinutukoy ko, kasama ang pagmamartsa sa mga lansangan.

Sa tingin ko, alam na rin ng rehimen ang susing papel na ito. Laman ng balita ang mga propaganda at hakbangin – “taktika” ang mas walang moralidad na tawag kaya mas angkop – ng rehimen na masasabing nakaturol sa mga nasa panggitnang uri, o sa mga propesyunal, at mga estudyante at guro na siyang pinaka-konsentradong seksiyon ng uring ito. Narinig ko na rin ang mga ito dati, noong nasa krisis ang rehimen. Dati iniisip ko, sinusulit lang ng rehimen ang pinag-aralan sa mga agham panlipunan ng bayarang mga utak nito. Ngayon, masasabi ko, “Now I understand what you tried to say to me”.

(2)

Mahalaga ang tampok na kaso ni Atty. Fely Arroyo, asawa ni Sen. Joker Arroyo, para maunawaan sa antas na personal – eksistensiyal? – ang epekto ng mga propaganda at taktikang ito sa mga nasa panggitnang uri. Ipinapakita ng mga aksiyon niya at ng tugon niya sa testimonya ni G. Jun Lozada ang pag-iwas sa pakikisangkot sa mahalagang isyung pambansa kahit kumatok na ito – at pinatuloy na nga niya sa isang antas – sa kanyang pintuan. Gamit ang teknikalidad ng kanyang propesyon, iniwasan niyang makialam kahit bilang mamamayan sa isyung napakahalaga ngayon para sa bansa.

Walang duda, maipagtatanggol ang ginawa niya sa kahit saang hukuman, hindi siya bumaklas sa rehimen sa harap ng pagdulog ni G. Lozada, at hindi siya dapat puntiryahin ngayon ng atake ng rehimen. Sa isang banda, kauna-unawa ang ginawa niya. Pero iyun ang isa sa dapat nating gawin ngayon: ang tumangging ituring na katanggap-tanggap ang ginawa at sinabi niya at idiing ang mga ito ay mali, mali, mali. Wastong sagot ang ginawa niya sa maling mga tanong. Nakatuon ang mga aksiyon niya sa paglusot sa mga hukuman, pagtakas sa impresyong kumalas sa rehimen, at pag-iwas sa mga atake nito.

(3)

Mainam talakayin ang kaso ni Atty. Arroyo dahil, kung ibabatay sa pagpanig ng kanyang asawa, kontra-Marcos siya noong 1986 at kontra-Estrada rin noong 2001. Sinang-ayunan pa siya ni Prop. Solita Collas-Monsod. Ano’ng klaseng “kultura” sa panahon ng rehimeng Arroyo – maraming talakayan ngayon tungkol sa “kultura ng korupsiyon,” “kultura ng panunupil,” at iba pa – ang konteksto ng ganitong mga aksiyon? Masyadong pasibo ang dating ng salitang “konteksto”; ang tinutukoy ko ay ang kulturang humubog at nagpatatag sa ganitong tugon, pero hinuhubog at pinapatatag din ng ganitong tugon.

Sa kanyang mahalagang sanaysay na “Death-By-Death,” sinuri ni Prop. Neferti Xina M. Tadiar, progresibong intelektuwal, ang kulturang konteksto – sa pag-unawang binanggit sa itaas – ng malaganap na pampulitikang pamamaslang sa bansa. Aniya, “Ang paggamit ng salitang pasismo para ilarawan ang kasalukuyang sitwasyon ay dapat… na magpaalala sa atin na laging mayroong dimensiyong pangkultura sa praktika at organisasyong ito ng kapangyarihan ng estado.” Maaaring humalaw sa sanaysay niya para unawain kung paanong hinahadlangan ng rehimen ang isa pang People Power.

Tutal, binanggit niyang “proyekto ng isang pandaigdigang kampanyang kontra-terorismo na kumpiskahin” ang tinatawag niyang “transnasyunal na damdaming pantao” sa pamamagitan ng “paglikha ng lahat ng klase ng pang-emosyon at pang-ideolohiyang hadlang laban sa posibilidad ng pagbuhos ng kolektibong pagluluksa at pagkamuhi sa pinsalang pantaong siningil ng mga hukbo ng mga naghahari sa mundo.” Ang mga hadlang na ito, ayon sa kanya, “ay ang pangkaisipan at panlipunang katapat ng mga taktikang pre-emptive na ginagamit ng mga kalagayan/estado (states) ng emergency.”

Hindi ba’t, muli, nasa estado ngayon ng emergency ang rehimen? Inilarawan niya kung paanong ihinihiwalay at pinapamanhid ang mga miyembro ng uring “metropolitan,” o panggitna at nakatataas, sa malaganap na karahasan sa bansa. Aniya, nagagawa ito sa pamamagitan ng pagpapatimo ng “pangkaisipan at panlipunang depensa ng inaatakeng civil society” sa mga uring ito, gayundin ng paglulong sa kanila sa “nakakagumong pang-araw-araw na aktibidad na pambuhay ng ‘pagtatagumpay’ (‘making it’).” Ang huli, aniya, ang “laya” na “binabantayan” ng sikat na programang kontra-insurhensiya ng gobyerno.

(4)

Sa paghadlang ng rehimeng Arroyo sa panibagong People Power, partikular ang paglahok ng mga nasa panggitnang uri, nariyan ang (1) banta ng pandarahas at kaguluhan, gayundin ang (2) pagpapakitang-tao ng kahit minimal na pag-unlad. Sa una, nariyan pa rin ang mapanupil na mga patakarang sumasawata sa mga protestang masa, gayundin ang pag-iimbento ng kung anu-anong kuwento – pambobomba, pagpaslang kay Gng. Arroyo, panggugulo ng NPA, at iba pa. Sa ikalawa, ang pagpapakita ng suporta ng mga negosyante, propaganda ng paglago ng ekonomiya, mga call center.

Dahil pakana ang mga ito ng naghaharing mga uri, hindi ito mapapatigil ng mga mamamayan, maging ng Kilusan para Patalsikin si Gloria. Kailangang ilantad at labanan ang mga ito. Pero mas mapaminsala sa kamalayan ng mga nasa panggitnang uri, sa tingin ko, ang iba’t ibang pahayag at pagsusuri na pinapawalan ng mga tauhan ng rehimen, at ni Gng. Arroyo mismo. Tinutukoy ko ang mga pahayag na sa pangkalahatan ay may layuning maliitin, o pagmukhaing maliit, ang mga makakamit ng sambayanan, kasama ang panggitnang uri, kung muling maglulunsad ng pag-aalsang People Power.

Tampok na punto sa mga propagandang ito ang sumusunod: (1) “People Power Fatigue,” o ang diumano’y pagkapagod ng mga tao na sumali at sumuporta sa isa pang pag-aalsang People Power; (2) “Walang alternatiba, o si Noli lang”; (3) “Bulok ang kulturang pampulitika ng bansa,” bagay na minsang nasabi ni Gng. Arroyo mismo; (4) “Imperial Manila” lamang ang kumikilos at nagpapasya sa mga pag-aalsang People Power. Ang (1) at (2), nagpapahiwatig na maiiwan sa ere ang mga nasa panggitnang uri kung kikilos sila. Ang (1), (2) at (3), nagdidiing sistema ang tunay na problema ng bansa.

Sa pangkalahatan, idinidiin ng propaganda ng rehimen na: Nakaugat ang mga isyung pampulitika, maging ng rehimeng Arroyo, sa kabulukan ng sistema ng bansa – bagay na sinasang-ayunan ng maraming mulat na mamamayan, lalo na ng Kaliwa. Dahil dito, walang magaganap na malaking pagbabago sa bansa mapalitan man ang rehimen. Sa pinakamasahol pa nga, gulo at gambala lamang ang idudulot ng pagpapalit ng rehimen sa sumusulong na ekonomiya ng bansa. Sa pangkalahatan, nagpapalaganap ng sinisismo ang rehimen – sinisismo sa iluluwal ng sama-samang pagkilos ng taumbayan.

unrealtwinhead.jpg
Mainam na larawan ito ng uring petiburgis –
larangan ng maraming pagtatalo sa kalooban.

(Galing ang larawan sa beaglesramsay.co.uk.)

(5)

Wasto, sa tingin ko, na idiing sistema ang ugat ng mga suliranin ng bansa. Sa sobrang bulok ng rehimeng Arroyo, malinaw na inilalantad nito na bulok ang sistema. Mainam na pagkakataon ito para manawagan ng pag-igting ng partisipasyon ng mga mamamayan, kasama ang mga nasa panggitnang uri, sa mga usaping pambansa – sa pamamagitan, halimbawa, ng pagsali sa makabayang mga organisasyon. Pagkakataon din ito para maitaas ang antas ng pagmamatyag at pakikisangkot ng mga mamamayan sa gobyernong papalit sa kasalukuyang rehimen, kung tuluyan nga itong mapapatalsik.

May epekto ang pagdidiin sa kabulukan ng sistema, gayunman, na ilihis ang atensiyon ng mamamayan palayo sa grabeng antas na inabot ng rehimeng ito sa pagpapasidhi sa kabulukan ng sistema – sa pananagutan nito, sa madaling salita. Mas marami pa rin, sa tingin ko, ang mas madaling makakasapul sa kabulukan ng rehimen kaysa ng sistema. Dahil dito, mahalaga pa ring balikan at buuin ang pinakamasasahol na krimen ng rehimen: pandarambong at katiwalian, ekstrahudisyal na pamamaslang at pampulitikang panunupil, pandaraya sa halalan at pagsalaula sa mga institusyon ng bansa, at iba pa.

Mahalagang patampukin at gawing katakam-takam sa mga nasa panggitnang uri at sa mamamayan ang taktikal na mga tagumpay sa pagpapatalsik sa rehimen: ang ginhawa, kahit pansamantala, na idudulot ng pagtigil ng mga patakarang nabanggit na itinulak ng rehimen at ipinahintulot ng sistema – at ang katarungan sa pagpaparusa sa maysala. Sinikap ng mga mamamayan sa iba’t ibang paraan na makamit ang mga tagumpay na ito sa balangkas ng rehimen. Pero pinagtakpan lamang ng rehimen ang mga kasalanan nito. Ang masama pa, gumawa pa ito ng mas matitinding krimen laban sa sambayanan.

Sa ganito, titining na hindi “People Power Fatigue” ang nararamdaman ngayon ng mga mamamayan kundi “Gloria Fatigue” – na tila sinasabi ng islogang “Sobra na! Tama na! Kilos na!” Titining na kahit aso, sabi nga ng kolumnistang si Conrado de Quiros, ay puwedeng ipalit sa pangulong ito – at pagtigil sa kahibangan at pagkakaroon ng katarungan ang kapalit ng rehimeng ito. Titining na mahusay na hakbang ang pagpapatalsik sa rehimeng ito para baguhin ang bulok na sistema. Mababalik-aralan ang Edsa 1 at 2 na malinaw na naganap sa buong bansa, hindi lamang sa Kamaynilaan.

Makakatulong ito sa pagbubuo ng tapang ng sambayanan para kumilos kahit sa harap ng panunupil – banta man o aktuwal. Mas mailalantad ang kahungkagan ng “pag-unlad” na sinasabi ng gobyerno, bukod pa sa paglalantad sa datos ng “pag-unlad” na ginagamit nito. Sa ganito, mas matatag na kikilos ang mga mamamayan nang hindi naghihintay sa paglitaw ng ipapalit kay Gng. Arroyo. Dahil, ang totoo, mapapalitaw ang karapat-dapat na papalit sa kanya – konseho man ng iginagalang na mga lider na anti-Gloria, o konstitusyunal na kahalili – kung tuluy-tuloy at papalawak ang mga protestang masa.

(6)

Sa tingin ko, sa ganitong pagpapaliwanag sa isyu, mas makakapag-abot-kaya – dalumat ito ni Prop. Ramon “Bomen” Guillermo – ang mga anti-Gloria at progresibo sa marami sa mga nasa panggitnang uri at mamamayan. Mas makakapagbukas ito ng pinto para sa kanilang pag-unawa, paglahok at pagkilos. Mas maaabot at mababago nito ang pagkatao (subjectivity) ng mga Atty. Fely Arroyo sa hanay ng panggitnang uri. Sa tingin ko, gayunman, kailangang direktang tugunan ng mga progresibo ang usapin ng pagkatao – sa harap ng ilang taong paghubog ng rehimen sa pagkataong gusto nito.

Magandang halimbawa ang ginagawa ngayon ng Student Alliance for the Advancement of Democratic Rights in UP o STAND-UP sa halalang pangkonseho. Laman ng tema nito ang mga salitang “iskolar ng bayan”. Sa mga pahayag nitong nabasa ko, malinaw na panawagan ito para sa pagkataong kaiba sa dominanteng hulma o kanal na pinagpapasukan sa mga estudyante ng UP. Pagpapatampok ito sa estudyanteng nag-aaral at nakikisangkot sa mga isyung panlipunan, at sa gayon ay humuhulagpos sa napakaraming limitasyong ipinapataw ng rehimen at sistema – taliwas kay Atty. Arroyo.

(7)

Mabuti na lang, nakadalaw ako sa isang kaibigan. Naregaluhan ko ang sarili, sakto sa anibersaryo ng Edsa 1, ng pagbabalik-aral sa librong Walang Himala! Himagsikan sa Edsa ni Gng. Angela Stuart-Santiago. Panawagan ko sa lahat na basahin ang napapanahong librong ito, na masinsin sa interesanteng mga kuwento ng Edsa 1, balansiyado ang paglalahad maging sa papel ng Kaliwa, at huwaran ng magaang na estilo ng pagsusulat sa wikang Filipino. Kung ano sa kanyang blog si Gng. Stuart-Santiago, ganoon din siya sa librong ito – makabayan at intelihenteng “chikadora”.

May sinabi dito si dating Pres. Cory Aquino na mahalaga sa pagkataong kailangan natin ngayon: “Sa tingin ko, tamang-tama lahat ng nangyari noon. Lahat ay biglaan, kusang-loob. Walang direktor. Ang mga tao lamang, na sa matinding pagnanasang magkaroon ng pagbabago, ay nagawang makamit ang pagbabago. Ang mga tao mismo ang siyang kumilos, at sa pamamagitan ng pagsasama-sama at pagkakaisa nila ay nagkakilanlan ang magkakapwa-Pilipino… Ang totoo, sana ay magkaroon pa ng maraming Edsa, kahit parang imposible, o matutunan man lamang natin ang mga leksiyon ng Edsa.”


25 Pebrero 2008

Categories: Edsa People Power
Tagged: , ,

February 16, 2008 · 3 Comments

winnie-monsod2.jpg

Sa halip na makabuti, sa isang banda’y mas nakasama ang pagtatanggol ni Prop. Solita “Mareng Winnie” Collas-Monsod kay Atty. Fely Arroyo, asawa ni Sen. Joker Arroyo, kaugnay ng testimonya ni Jun Lozada sa kontratang NBN-ZTE. (Galing ang larawan sa pbase.com.)

Categories: Kontratang NBN-ZTE

Payong Abogado ni Fely Arroyo

February 16, 2008 · 8 Comments

Sa kanyang kolum ngayong araw (“Truth”), ikinuwento ni Prop. Solita “Mareng Winnie” Collas-Monsod ang nangyari sa sumingaw na pagkausap ni Atty. Fely Arroyo, asawa ni Sen. Joker Arroyo, kay G. Jun Lozada, susing testigo sa pagdinig ng Senado hinggil sa NBN-ZTE. Ayon daw kay Atty. Arroyo, hindi niya kilala si G. Lozada. Isang G. Tony Abaya, na humihingi at binibigyan ni Atty. Arroyo ng libreng payong legal, ang humingi ng pabor na bigyan ng payong legal si G. Lozada. Pumayag si Atty. Arroyo dahil hindi iyon malaking bagay, at normal daw sa pagiging abogado ang pagbibigay ng “consulta”.

Dahil nasa Makati si Atty. Arroyo, “sinabihan niya si Abaya na pumunta sa bahay niya…” Maiksi lamang daw ang naging pag-uusap. Pero sumapat na daw ito para masabi niyang hindi siya puwedeng maging abogado ni G. Lozada at para makaiyak ang huli dahil sa takot para sa buhay at kabuhayan niya at ng kanyang pamilya. “Dahil sa panahong iyon ay ni hindi pa siya inimbitahang tumestigo, o ipinatawag o binigyan ng mandamyento de aresto, simple (at madali) lamang ang payo ni Fely: Walang presyur kay Lozada na tumestigo, kaya kung ayaw niya…, hindi niya kailangang tumestigo.”

Dito, layon ni Prop. Monsod na iwasto ang impresyong aniya’y nilikha ng mga pahayag ni G. Lozada – na inimbitahan ni Atty. Arroyo si G. Lozada sa kanyang bahay para lamang kumbinsihin ang huli na huwag tumestigo. Ito ang diin ng kolum ni Prop. Monsod, bagamat tinuligsa rin niya ang pagbaluktot sa katotohanan ni Hen. Avelino Razon, direktor-heneral ng PNP, noong tumestigo ito sa Senado. Sinabi niyang kapani-paniwalang testigo si G. Lozada dahil tiniyak nitong ilahad lamang ang katotohanan. Pero hindi ganito ang ginawa ni G. Lozada kay Atty. Arroyo, ayon kay Prop. Monsod.

Kung matatandaan, binanggit ni G. Lozada ang pag-uusap noong iginigisa siya sa pagdinig sa Senado ni Sen. Joker Arroyo. Ayon sa senador, hindi patas si G. Lozada dahil mas nakipag-usap sa mga senador ng oposisyon at sa partikular na grupo sa midya. Sinabi ni G. Lozada na hindi ito totoo dahil, halimbawa, nakipag-usap din siya sa asawa ng senador, kay Atty. Arroyo nga. Ayon kay Prop. Monsod, “embellishment” o pagdadagdag sa katotohanan ang sinabi ni G. Lozada na kinausap niya si Atty. Arroyo para marinig ang kabilang panig – dahil, siguro, maka-administrasyon si Sen. Arroyo.

At kailan pa natutong magbasa ng utak ng ibang tao si Prop. Monsod? Kung inunawa noon ni G. Lozada na pagsisikap niyang maging patas at pagdinig niya sa kabilang panig ang ginawa niyang pagkonsulta kay Atty. Arroyo, iyun ang pag-unawa niya. Ibig sabihin, dapat kilalaning totoo ang sinabi ni G. Lozada na inalam niya ang kabilang panig sa abot ng makakaya niya. Iyun ang konteksto ng pahayag niya – na hindi rin niya napalawig dahil sa pagsirit ng presyon at boses ni Sen. Arroyo sa pagdinig. Ibang bagay pa kung sa tingin natin, at ni Prop. Monsod, ay mali o kapos ang napagtanungan niya.

Bagamat napakapaimbabaw ng pagsusuri ni Prop. Monsod, nagawa niyang simulan ang kolum sa pagbanggit sa pagsumpa ng mga testigo sa Senado na maglalahad ng “katotohanan, buong katotohanan at tanging katotohanan lamang” – na para bagang binabantaan si G. Lozada ng demanda. Ayon sa kanya, bagamat nakasira kay Atty. Arroyo noong una ang paglalantad ni G. Lozada, mas makakasira ito sa huli. Pagtatapos pa niya: “Parang apoy ang katotohanan. Nasusunog ang mga naglalaro nito.” Bagamat anti-Cha-Cha, malinaw na maka-Gloria pa rin sa kolum niyang ito si Prop. Monsod.

May nakakabahala sa ganitong kuwento at pagtindig ni Prop. Monsod: Wala na ritong usapin ng konsensiya, o pagmamahal sa bayan, o pagtindig para sa katotohanan. Ang naiwan: teknikalidad – ang laging atrasan ng rehimeng itong masama ang budhi tuwing gagawa ng kalokohan. “Natatakot daw siya eh. Eh di pinayuhan kong huwag humarap sa Senado!” Tila ganito ang punto ni Atty. Arroyo sa kuwento niya kay Prop. Monsod, at ni Prop. Monsod mismo. At tiyak, inisip nilang makakalusot na sila sa mata ng publiko. Ganitong-ganito rin ang sinabi ni G. Mike Defensor noong “dinalaw” niya si G. Lozada.

Ganoon? Ganoon na lang ba iyon? Nakatuntong ang ganitong paliwanag sa pagtinging hindi obligasyon ng mga abogado na magbigay ng payong moral, at payong legal lamang ang dapat nilang ibinibigay. Na nakakalungkot, dahil nagmumula kay Atty. Arroyo. Bakit naging abogadong maka-karapatang pantao si Sen. Joker Arroyo noong Batas Militar? Bakit hindi siya naging abogado ni dating Pang. Ferdinand Marcos? Bakit hindi siya naging katulad ng karinderyang bukas sa lahat ng gustong kumain? Dahil may mga konsiderasyong nakakahigit sa teknikalidad ng propesyon, at dapat makahigit dito.

Mamamayan ka ng Pilipinas. May rekord pa ang asawa mo – at ikaw din siguro – ng pagtatanggol sa karapatang pantao noong Batas Militar. Naging mahalaga ang asawa mo – at ikaw din siguro – sa pagpapatalsik sa isang pangulong inakusahan ng pandarambong sa kabang-bayan. Alam mong may bantog na multi-bilyong dolyar na kontratang diumano’y gagatasan sana ng matataas na opisyal ng bansa, kasama ang Unang Ginoo. May lumapit sa iyo, mukhang mabait na paring Hesuwita, umiiyak pa. Ang sabi sa iyo, may alam siya sa anomalya pero natatakot siyang tumestigo sa Senado.

Ano ang gagawin mo? “Hindi ako puwedeng mag-abogado para sa iyo. Kung natatakot ka, huwag kang humarap. May appointment pa ako.” Mga salita ko ito, na batay sa kuwento ni Prop. Monsod. Ayon sa kanya, ni hindi ikinuwento ni Atty. Arroyo sa asawa niyang senador ang nangyari, dahil isa lamang ito sa marami niyang “consulta”. Iyun ang totoo: Nagkamali si G. Lozada ng nilapitan. Hindi siya napahalagahan, o pinayuhang sundin ang konsensiya at pagmamahal sa bayan, o tumindig para sa katotohanan. Ang dating kadakilaan – nakakulong at nakaburol na ngayon sa kabaong ng teknikalidad.

Gustong iligtas ni Mareng Winnie sa galit ng opinyong publiko ang kanyang kaibigan. Pero lalo lamang idinidiin ng sinasabi niyang “katotohanan” ang kanilang kabulukan.


16 Pebrero 2008

Categories: Kontratang NBN-ZTE
Tagged: , , ,

February 14, 2008 · Leave a Comment

gloria-arroyo-with-richard-carpenter.jpg

Marami ang natawa sa pagkanta ni Gng. Gloria Macapagal-Arroyo ng isang sikat na kanta ni Karen Carpenter kasama si Claire dela Fuente at mismong si Richard Carpenter.

Categories: Anti-Gloria

Gloria Macarpenter-Arroyo

February 14, 2008 · 4 Comments

Kahapon, Pebrero 14, ginawa na naman ng mga taga-Malakanyang ang laos nang taktika nila tuwing nahaharap si Gng. Arroyo sa kontrobersiya: kumanta sila. 

Ayon sa balita, dumating sa Malakanyang sina Richard Carpenter at Claire dela Fuente. Si Richard ang musikerong kapatid ng yumaong si Karen Carpenter, magaling na Amerikanong mang-aawit na nagpasikat ng “Close to You” at “Top of the World” noong 1970s. Si Claire naman ang tinaguriang “Karen Carpenter ng Pilipinas,” nagpasikat ng “Sayad” este “Sayang,” at presidente ng Imboa, organisasyon ng mga opereytor ng bus. Matagal nang bali-balitang mayroon silang bagong proyektong pinagsasamahan. 

Kumanta si Richard, na nakasuot ng Barong Tagalog, ng “Yesterday Once More”. Pagkatapos, sinimulan nina Richard at Claire ang pagkanta ng “You”: You are the one who makes me happy… Tapos, mula sa pagkanta-kanta sa gilid, at kunwari ay hindi scripted, tumayo si Gng. Gloria Macapagal-Arroyo – presidente ng matatag na republika – at sumabay sa pagkanta. Noong matapos, kumanta si Claire ng “Something in Your Eyes” – na pinasikat ni Dusty Springfield at ni-revive ngayon nina Claire at Richard. 

Hindi ito katanggap-tanggap sa akin, na lumaking nakikinig sa radyo kay Karen Carpenter – at kay Barry Manilow – at may paborito sa “Song for You,” “Superstar,” “Masquerade” at “Solitaire”. Nagamit ang musika ni Karen – na laging nasa tono, at namatay sa mga kumplikasyong dulot ng anorexia nervosa – ng pangulong sintunado at nagdudulot ng grabeng gutom sa mga Pilipino. Narito ang ilang eksenang napanood at hirit na narinig ng ating bubwit sa Malakanyang kaugnay ng nangyaring kantahan.  

*** 

Sabi ng isa, “Ang sipsip naman nito ni Claire! Mahirap na ba talaga ang buhay kahit ng mga opereytor ng bus?” Sagot ng isa, “Oo, ano. Sobrang mahal ng presyo ng langis.” Pahabol ng isa, “Eh pampa-derma (dermatologist) pa.” 

Bago ang pag-awit, lumapit ang isang PSG (Presidential Security Guard), dala-dala ang cellular phone ni Ma’am. “Ma’am, tumawag po si Sir. Huwag na daw po ninyong ituloy. Iyang pagkanta daw po ninyo ang dahilan kung bakit niya kayo ipinagpalit kay Vivian Yuchengco.” 

Bago ang pag-awit, lumapit ang isang PSG, dala-dala ang cellphone ni Ma’am. “Ma’am, tumawag po si Mr. Nani Perez. Sorry daw po, hindi siya makakapunta. Sayang daw po, ngayon n’yo lang sana siya mahaharana.”  

Bago ang pag-awit, lumapit ang isang PSG, dala-dala ang cellphone ni Ma’am. “Ma’am, tumawag po si Sec. Raul Gonzalez. Kung gusto daw po ninyo, uulitin muna nila iyung babala sa mga taga-midya. Baka daw po kasi may mang-alaska.” 

Habang umaawit, lumapit ang isang PSG, dala-dala ang cellphone ni Ma’am. “Ma’am, tumawag po si Mr. Mike Defensor. Papunta na daw po siya. Balita daw po niya, may sore throat kayo. Huwag daw po kayong mangsermon muna.” 

Habang umaawit, lumapit ang isang PSG, dala-dala ang cellphone ni Ma’am. “Ma’am, tumawag po si Sec. Norberto Gonzales. Ano daw po iyung natanggap niyang intelligence report na may crying cow na pumutok dito? Balita raw po niya, pakana ng CPP-NPA-NDF.” 

Pagkatapos ng pag-awit, lumapit ang isang PSG, dala-dala ang cellphone ni Ma’am. “Ma’am, manedyer daw po ni William Hung ng American Idol. Ginanahan daw pong mag-konsiyerto ang alaga niya dito sa Pilipinas.” 

Pagkatapos ng pagkanta, nagpatawag ng press conference si Richard Carpenter noong alas-dos ng madaling araw. Pagkatapos daw niyang sunduin ng PSG sa airport, at pagkatapos siyang takutin ng pangulo, handa na raw siyang tumestigo sa Senado. 

Pagkatapos ng pagkanta, nakakabinging katahimikan, walang nagpalakpakan noong sinimulang tugtugin sa piyano ni Richard Carpenter ang “If We Hold On Together”. Lalabas na sana sa kuwarto para kumanta si Emilia Boncodin. Dinky! 

“Parang MYMP: Kasing-tangkad ni Juris, kaboses ni Chin.” 

“Parang Spongecola: Kasing-tangkad ni Yael Yuzon, parang sinok niya.” 

Sabi ng isa, “Kawawa naman si Richard Carpenter, ginamit nang walang kamuwang-muwang.” Sagot ng isa, “Para siyang pumayag magtanghal sa barkong Titanic.”   

“Kung nandito si Karen Carpenter, masusuka siya – at hindi dahil sa anorexia nervosa. 

Sabi ng isa, “Kawawa naman ang mga Pinoy na mang-aawit at musikerong sikat sa buong mundo. Nakakahiya ang presidente nila.” Sagot ng isa, “Puwede iyang isama sa reklamong impeachment – atake sa mga OFW, pananabotahe ng ekonomiya.” Hirit ng isa, “Kapag hindi sumikat si Charice Pempengco, alam n’yo na kung sino ang sisisihin.” 

“Akala ko ba, regalo ng pangulo dahil Valentines? Eh bakit parang pasyon, Mahal na Araw?” 

“Diyos ko po. Ang classic ni Karen Carpenter – naging ponebre.” 

“Maganda ma-remix iyan sa ringtone na ‘Hello Garci’. Maganda kaya sa tunog ng ‘In the Club’ ni 50 Cent?” 

Sabi ng isa, “Trademark ni Karen Carpenter iyung boses na malamig pero parang galing sa hukay.” Sagot ng isa, “Wala siyang panama rito – parang patay talaga ang kumakanta.” 

“Parang galing sa urno ng balota ang boses ni Ma’am.” 

Versatile talaga si Ma’am. Ganyang-ganyan din ang tunog niya noong ‘I… am… sorry’.” 

“Sana si Sir na lang ang pinakanta. Mas matinis pa ang boses.” 

Sabi ng isa, “Ang halay pakinggan! Mga matronang umuungol!” Sagot ng isa, “Umuungot kamo.” 

Kararating lang: “Ay! Akala ko si FPJ!” 

“Iyan ba ang huling kanta ni Karen Carpenter?”  


15 Pebrero 2008

Categories: Anti-Gloria

February 14, 2008 · Leave a Comment

joker-arroyo.jpg

Mali si Sen. Joker Arroyo sa paraan ng pag-atake niya kay Rodolfo “Jun” Lozada, susing testigo sa maanomalyang kontratang NBN-ZTE sa pagdinig sa Senado. (Galing ang larawan sa comappt.gov.ph.)

Categories: Kontratang NBN-ZTE

Kung Anu-ano Hinggil sa Krisis ni Arroyo

February 14, 2008 · 1 Comment

(1)

Kahit mula sa perspektiba niya, dapat kilalanin ni Sen. Joker Arroyo na mali siya – at tama si G. Jun Lozada – sa pagtatalo nila sa pagdinig ng Senado noong Lunes, 11 Pebrero. Mali ang atake niyang usapin ang pagkakaroon ng “good faith” o “bad faith” – maisasalin kaya itong mabuti o masamang saloobin? – ni G. Lozada sa pagkausap sa oposisyon lamang ng Senado at sa isang grupo sa midya. Maling atake ito dahil may bala si G. Lozada – nakipag-usap pala siya noon sa misis ni Sen. Arroyo at pinayuhan siya nitong huwag isiwalat ang alam.

Na mainam na rin. Sa sandaling eksenang iyon, nailantad ang senador na oo nga’t may progresibong rekord noong panahon ng Batas Militar ni dating Pang. Marcos ay mas kumakampi ngayon kay Pang. Arroyo na nagpapatupad ng sariling bersiyon ng Batas Militar. “Ang mga sumasatsat ng karapatang pantao rito, hindi nagdusa para sa karapatang pantao!” malakas niyang sigaw. Sintomas ito ng problema kay Sen. Arroyo: Sa halip na tingnang panatang dapat ituluy-tuloy ang pagtatanggol sa karapatang pantao, ginawa na niya itong monumento.

(2)

“Huwag mong idamay ang misis ko rito!” pikon na bulyaw ni Sen. Arroyo kay G. Lozada – na nagpapaalalang kahenerasyon ng senador si dating Sen. Rene Saguisag, na kilala ring wagas ang pagmamahal sa asawa. Nitong Martes, 12 Pebrero, umiyak sa telebisyon ang – maganda palang – misis ni Mike Defensor, ex-future senator at kasalukuyang alalay ng Pangulo. Ipinaghihimutok niya ang ihinirit ni Bb. Leah Navarro ng Black & White Movement na “Mapapaisip ka tuloy kung ano ang itinuturo nila sa mga anak nila” nang tinutukoy ang mga Defensor.

Pinag-iba noon ng kritikong si Prop. Patrick D. Flores ang “personal” at “pribado”. Umamin siya na – sa kanyang mga rebyu noon ng iba’t ibang aspekto ng kulturang popular – bumanat siya sa una. Pero itinanggi niyang pumasok siya sa ikalawa. Hindi pribadong usaping puwedeng ikapikon at bakuran ni Sen. Arroyo ang pagkausap ng misis niya kay G. Lozada, kung totoo ito. “Family man” naman ang minsang paglalarawan-sa-sariling ginawa ni G. Defensor sa publiko. Totoo, mapapaisip ka nga naman talaga kung ano ang itinuturo niya sa mga anak niya.

Kakatwa kung paanong ayaw na ayaw ng mga tauhang ito ng rehimeng Arroyo na nadadamay o natutuligsa rin sa kanilang ginagawa – katarantaduhan? – ang mga miyembro ng pamilya nila. Mahalagang banggitin sa puntong ito na nagtatanggol sila ng rehimeng sa maraming pagkakataon ay hindi pinag-iiba ang aktibista o rebolusyunaryo sa kapamilya ng mga ito – nang hindi lamang pasaring o pagdadawit ang ginagawa. Ilang pampulitikang pagpaslang na ba ang bumiktima hindi lamang sa mga aktibista, kundi maging sa mga kapamilya nila?

(3)

Maghintay ng 2010. Ito ang mensahe ng Palasyo sa mga kalaban sa pulitika ni Gng. Arroyo na diumano’y gustong patalsikin ang Pangulo para makaupo sa puwesto. Alam nitong may malakas na pagnanasa ang mga mamamayan na tanggalin na si Arroyo at may pagnanasa ang iba’t ibang grupo na maluklok o mapalapit sa puwesto – kaya pagkakanal sa hinaharap ang taktika nito. Sa ganito, nakakabanat pa ang rehimen sa mga kalaban sa pulitika – mga mainiping hayok sa kapangyarihan! – at napapasama ang kilusang Patalsikin si Gloria.

Sa tingin ko, kung mayroon mang kasunduan sa pagitan ni Gng. Arroyo at ni dating Pang. Joseph Estrada kapalit ng paglaya ng huli, sang-ayon at ambag iyon sa ganitong atake. Puwedeng ang kapalit ng paglaya ni G. Estrada ay ang pagpapaalab niya ng damdamin ng mga mamamayan at ng Oposisyon para sa halalan sa 2010 – para nga naman mailihis mula sa pagpapatalsik kay Gng. Arroyo. Ito ang ginawa ni G. Estrada mula noong itinulak niyang pagdebatehan kung makakatakbo siyang muli at nagsimula siyang maglibut-libot sa bansa.

Hindi katulad ng mga katoto sa Black & White Movement, hindi ako galit kay G. Estrada sa kapareho o halos-kaparehong antas ng galit ko kay Gng. Arroyo. Sinasabi ko lang ito para mailantad sa publiko para naman mailugar nito ang ganoong mga aksiyon ni G. Estrada. May maitutulong siya sa kilusang Patalsikin si Gloria, pero patunay ng bulok na pulitika ng sabuwatan ang pakikipagkasundo niya, kung totoo man. At kung hindi man totoo, mahalagang makitang mas pumapabor kay Gloria ang maagang pamumulitika niya para sa halalang 2010.

(4)

Walang alternatibo kay Gng. Arroyo. Ito ang koro nina dating Pang. Fidel Ramos at Sen. Miriam Defensor-Santiago – magkalaban sa halalang 1992 – sa mga pahayag nila. Sabi pa ng senadora, kahit ipagpalagay nang may kasalanan si Gng. Arroyo sa mga akusasyon sa kanya, wala pa ring matinong papalit sa huli. Estilong Mike Defensor ang ganitong argumento – tanggapin ang sinasabi ng kalaban, at igiit ang masaklap na katotohanan. “Kahit ibigay mo na ang lamang ni Pang. Arroyo sa Mindanao kay FPJ, panalo pa rin sa bansa si presidente.”

Marahil, may kagat sa maraming tao ang ganitong argumento noong unang putok ng eskandalong “Hello Garci”. Unang malaking kasalanan pa lang kasi iyon ni Gng. Arroyo sa mga mamamayan. Tapos pandaraya pa sa eleksiyon – na tinitingnan ng marami na normal na sa pulitika ng bansa. Noon, puwede pang magyabang ang rehimen ng posibilidad ng paglago ng ekonomiya. “Puwede pa” dahil sa isang banda’y nagsisimula pa lang ito. Ano nga naman ang mangyayari kung mapalitan si Gng. Arroyo ng walang kakayahang mamuno hanggang 2010?

Pero iba na ang kalagayan ngayong Enero 2008 sa Hunyo 2005. Mas malapit na ito sa Nobyembre 2000 ni dating Pang. Estrada. Napakarami na ng kasalanan ni Gng. Arroyo sa mga mamamayan, na sunud-sunod pang ginawa. Ang ibang kasalanan – tulad ng ekstrahudisyal na pagpaslang – naging tuluy-tuloy, parang patakaran sa trapiko. Sa karanasan ng bansa, mas nagngangalit ang mga mamamayan sa pandarambong sa kabang-bayan kaysa sa pandaraya sa halalan. Nariyan ang lahat ng indikasyon para sabihing wala talagang pag-unlad.

(5)

Sa ganitong lagay, dalawang taon na lang bago ang halalang 2010, nagiging mabango ang pagtulak kay Bise-Presidente Noli de Castro na lumaban kay Gng. Arroyo at pumalit sa huli. Panis, laos, taob at walang binatbat ang kumita nang mga pakana ng rehimen – Cha-Cha para lituhin ang publiko at pagpapakita ng suporta ng buwayang mga opisyal ng lokal na mga pamahalaan – sa pagkalas ni Bise-Pres. De Castro kay Gng. Arroyo. Pero maging ang pagtindig niya laban kay Gng. Arroyo ay iluluwal lamang ng paglawak ng mga protestang masa.

Sa tingin ko, dapat ay alam na ni Bise-Pres. De Castro na ngayon na ang panahon niya. Ngayon pa lang, hindi niya magawang matatag na ipagtanggol si Gng. Arroyo, na hindi naman talaga maipagtatanggol. Kung hindi siya kakalas sa rehimen bago ang halalang 2010 – at ngayon na ang pinakamainam na panahon – magiging napakabaho niya para iboto ng tao. Sa ganyang kalagayan, mas malamang na hindi siya manalo. Lalo lang siyang malalantad na taong midyang dating may konsensiya pero naduwag at nagpagamit sa mabahong mga krimen.

Pero kung hindi siya lalaban kay Arroyo, maraming puwedeng pumalit: Si Sen. Manny Villar, dahil presidente siya ng Senado. O isang konseho ng makabayang mga lider. Hindi ang pagtindig ng lehitimong papalit ang makakapagpakilos sa masa, bagamat makakapagpadali ito sa huli. Ang pagkilos ng masa laban sa mga krimen ng rehimeng ito ang magtutulak sa mga posibleng pumalit para lumaban. Hindi si Gng. Arroyo ang nagpakilos sa mga mamamayan noon, kundi ang mga krimen ni G. Estrada. Si Gng Arroyo ang bumuntot sa taumbayan.

(6)

Anu’t anuman, hindi kaunlaran ang pangunahing batayan kung bakit dapat patalsikin na si Gng. Arroyo – bagamat maaari ring batayan ito dahil talagang inilugmok niya ang mga mamamayan sa mas grabeng kahirapan at gutom. Pitong taon matapos niyang maluklok, ano ang pag-asang ibinibigay niya sa mga kabataan? Kawalan ng trabaho, pangingibang-bansa, kontraktuwal na paggawa, trabahong call center – ito ba ang kaunlaran? Hanggang di tunay na nababago ang bulok na sistema sa bansa, panloloko lang ang mga pangako ng kaunlaran.

Sa tingin ko, pansamantalang ginhawa ang gusto ngayon ng mga mamamayan – mula sa pandarambong at mga patakarang lalong nagpapahirap at gumugutom. Pero higit pa rito, hindi man maihahain sa hapag-kainan, katarungan ang gusto at minimithi ng sambayanan – ang patalsikin at parusahan ang malinaw at paulit-ulit na nagkasala pero gumagawa ng lahat para makapagtakip, makalusot, at makatakas. Napakasayang premyo ng bayan ang makitang tumatalilis si Gng. Arroyo – kasama ng kanyang pamilya at kriminal na Gabinete – sa Malakanyang.


14 Pebrero 2008

Categories: Kontratang NBN-ZTE
Tagged: , , , ,

February 8, 2008 · 1 Comment

gloria-namumrublema.jpg

“Bomba!” Marami ang naniniwalang ito ang nasumpungan ni Gng. Arroyo, o ng mga tauhan niya, sa pag-iisip kung paano makakalusot sa naunang mga krisis pampulitika. Batay sa mga aksiyon ng rehimen niya, hindi ito kataka-taka.

Categories: Kontratang NBN-ZTE

Gloria, Gloria – Mambobomba?

February 8, 2008 · Leave a Comment

Kaninang hapon, nakatanggap ako ng mensaheng text: “I am CA Diaz ng ISAFP. Please help me to publish sa lahat ng taong pupunta sa nabanggit kong lugar, tomorrow Philippine time, 11:00 am. Plan A: LRT Baclaran Terminal. Plan B: Tutuban Mall. Plan C: Uniwide Quiapo. Plan D: SM Manila. Plan E: Robinson’s Malate. Paki-advice naman sa mga mamamayan ng Manila huwag sila pumunta muna sa mga lugar na iyan kasi sa intelligence report namin, pasasabugin iyan bukas para maligaw ang isyu sa Senado.”

Siyempre, nangangahulugan ang ISAFP ng Intelligence Service of the Armed Forces of the Philippines, ahensiya ng militar para sa paniniktik – at para sa iba pang operasyong lihim, ayon sa marami. Wala akong kakilalang nagtatrabaho rito, hindi ko kilala si CA Diaz at hindi ko alam kung mayroon talagang nagtatrabahong ganyan ang pangalan sa ISAFP. Siyempre, lalong hindi ko alam kung totoo ang impormasyong ipinasa niya sa mensaheng text, o pinalaganap ng kung sino. Sa isang banda, masyadong direkta ang paglalahad niya ng layunin ng diumano’y gagawing pagbomba para paniwalaan agad.

Pero mapagkakatiwalaang kaibigan ang nagpadala sa akin ng mensahent text. Matapos kong tanungin kung sino ang nagpadala, at nasabi niyang isang kaibigan niya mula sa Bikol, sinabi niyang alam niyang “nakakapraning” ang mensahe, pero mas gugustuhin na niyang mapraning ang mga tao kaysa mapahamak – o mapatay. Ang ganitong totoong pagmamalasakit siguro – katambal ng unlimited texting na madaling makuha sa dalawang higanteng kompanya ng load – ang siyang tulak sa mga tao para seryosohin sa isang antas at palaganapin ang ganitong mensaheng text. Pampublikong histerya?

Siyempre – katulad ng paglaganap ng mga kabataang nagbebenta ng kung anu-anong produkto sa mga bus sa Kamaynilaan para makapag-aral, ayon sa kanila, nang may babalang “Mas mabuti nang magbenta kaysa magnakaw” – hindi ito inosente, kundi sintomas ng kalagayan ng bansa ngayon. Sa isang bahagi, nakaugat ang “pag-iingat” na itinutulak ng nasabing mensaheng text sa pagpapalaganap ng mismong gobyerno at midya sa banta ng terorismo – na oo nga’t mapanganib at di mahulaan, ay madalas pang dinadala sa puntong iisiping sadyang ibayong irasyunal at hindi maiiwasan ito.

Bukod pa rito, malaganap ang matalinong pagtinging ginawa na ito ng rehimeng Arroyo nang dalawang beses, sa minimum: ang pagbomba sa Glorietta na sinasabing ginawa para ilihis ang atensiyon ng publiko papalayo sa testimonya ni Joey de Venecia sa kontratang NBN sa kompanyang ZTE, at ang pagbomba sa Batasang Pambansa na sinasabing ginawa para ilihis ang atensiyon ng publiko sa barubal na pagbasura sa kasong impeachment na nakasampa sa kapulungang ito. Nananatili ang agam-agam dahil di pa malinaw na nasasagot ang mga akusasyon at nasasarhan ang mga kaso.

Gaya ng alam na ng marami, ginigiyagis ngayon ang rehimeng Arroyo ng panibagong krisis – na posibleng maging madugo para sa rehimen dahil pagpapatuloy ng naunang kontrobersiya sa NBN-ZTE, katulad ng nagpapatuloy at di mamatay-matay na eskandalo sa usapang “Hello Garci”. Kagyat na hudyat ng krisis ang pagbubunyag at pagkondena ni dating Espiker Jose de Venecia sa iba’t ibang kasalanan ng rehimen sa bayan, at ang pagbubunyag ng negosyanteng si Rodolfo “Jun” Lozada sa nalalaman niyang papel ng mga tuta ng rehimen sa NBN-ZTE, gayundin sa pagdukot sa kanya ng mismong pulisya.

Higit pa rito, gayunman, may lumulutang na ilang bagay sa mismong dalawang huling pangyayari. Sa kaso ni Espiker De Venecia: ang kalupitan sa nangahas na pagsalitain ang anak laban sa rehimen, may kakayahang itulak ang mabilis na pagpasa ng kasong impeachment laban kay Gng. Arroyo, at minsang nagbantang gagawin ang gayon. Kalupitan itong hindi kumikilala sa dating matatag na pagsasama at pagtutulungan sa pulitika, gagamit ng sanlaksang pera – ng bayan, siyempre pa – para maipatupad ang gusto, at nagpukol ng banta sa mismong buhay ng dating malapit na alyado ng pangulo.

Sa kaso ni G. Lozada, ginamit ang puwersang mapanupil ng Estado para pigilan ang paglabas ng katotohanan, o para manakot para hindi ito buong mailahad – kahit sa kabila ng tuluy-tuloy na pagmamatyag ng midya at mga ekspertong legal. Ilang beses siyang binantaang papatayin, at ipinakita ng testimonya niya kung anong klaseng mga tao ang sumusuporta sa rehimen at sinusuportahan nito – buo ang loob sa paggawa ng kasamaan sa bayan basta’t para sa sariling pakinabang. Kahit sa pagsasabi niya ng nalalaman niya, todo-todo ang pag-atake ng ulol na mga aso ng rehimen sa Senado.

Sa lahat ng ito, nabubuo ang imahe ng isang rehimeng malupit at walang pakundangan sa buhay, maisagasa lamang ang sariling interes – ibinabalik sa gunita ang ibinunyag ni Sen. Alan Peter Cayetano na isang bahagi ng usapang “Hello Garci” kung saan pagdukot sa tumatangging mandaya ang pinag-usapan. Matagal nang pinagtibay ang imaheng ito ng ekstrahudisyal na pamamaslang at pagdukot, marahas na pagbuwag sa tahanan at tindahan ng mga maralita, at malupit na pag-atake sa hanay ng mga mamamayang nagpoprotesta – sa Mendiola man o sa Hacienda Luisita noong 2004.

Sa ganitong konteksto mauunawaan ang “pampublikong histerya” na sumasakay at dumadaloy sa mga mensaheng text na katulad ng natanggap ko at ng ilang kaibigan. Sa isang banda, maaaring matalino ang rehimen at mag-iba na ng taktika. Sa kabilang banda, maaari talagang gusto nitong ipamalas ang kalupitang gusto nitong gamiting banta sa mga grupong naghahanda ng mga kilos-protesta at mga mamamayang umaasa sa huli. Anu’t anuman, kung hahalaw sa sinabi kay G. Lozada, muling kumikitid ang mundo ng rehimeng Arroyo, at marami ang matutuwang ilagay ito sa kabaong.

glorietta-blast.jpg
Matapos ang pagsabog sa Glorietta

Pahabol: Sa muling pag-alab ng galit ng mga mamamayan sa rehimeng Arroyo, at ng kagustuhan nilang patalsikin ito, naririnig kong nagiging mabango kahit ang pagpalit ni Bise-Presidente Noli de Castro kay Gng. Arroyo. Masahol talaga ang lagay ng pulitika sa bansa natin: Mga “makasalanan” din sina dating Espiker De Venecia at G. Lozada, ang kasalukuyang mga bida sa balita. Pero tulad ng nangyari sa kanilang dalawa – at maging kay Chavit Singson bago sila – walang hangganan ang sorpresang katubusan sa mata ng publiko dahil sa tuluy-tuloy na pagkabulok ng rehimeng nasa puwesto.

Pero ano’ng plano mo Noli? Puro na ba “Kaba” ang “Kabayan” mo, wala nang “Bayan”?


08 Pebrero 2008

Basahin ang “Mga Plakard sa Panahon ng ZTE” sa blog na ito.

Categories: Kontratang NBN-ZTE
Tagged: , , , ,