Monthly Archives: March 2008

ang-dagling-tagalog.jpg

Salamat sa mga patnugot ng Ang Dagling Tagalog, 1903-1936 na sina Rolando B. Tolentino at Aristotle J. Atienza, naipapaalala sa atin ang nawalang kasaysayan ng nawalang dagli. (Galing ang larawan sa rolandotolentino.blogspot.com.)

Ang Pagkabuhay na Muli ng Dagli

Rebyu ng Rolando B. Tolentino at Aristotle J. Atienza, mga patnugot. Ang Dagling Tagalog, 1903-1936. Quezon City: Ateneo de Manila University Press, 2007.


Sa unang buhay nito, isang porma ng maikling sulatin o panitikang tuluyan – prosa, hindi tula – sa wikang Tagalog ang dagli. Kadalasan, pasalita ang tono nito. Dahil pormang pakuwento, nasabing ninuno ito ng tinatawag ngayong “maikling kuwento”. Namayagpag ito noong unang mga taon ng 1900, panahon ng direktang pananakop ng US sa bansa, noong regular na laman ito ng iba’t ibang pahayagan sa wikang Tagalog. Bahagi samakatuwid ito ng pagsasalubong ng (1) pagpasok at paglaganap ng teknolohiya ng paglalathala at (2) pagkabuo ng saray na marunong magbasa at sumulat ng Tagalog.

Malaking mayorya ng mga dagli, pumapaksa sa wagas na pag-ibig – bigo, masaya, nananabik. Basta pag-ibig. Pero marami ding tumatalakay sa paglaya ng Pilipinas at ng mga manggagawa. Marami ding nagkokomento sa mga isyung panlipunan – kung sa kasalukuyan, hindi pa siguro partikular na NBN-ZTE, kundi pagkagumon sa droga ng paparaming kabataan o pangkalahatang katiwalian sa pamahalaan. Sinasabing katangian ng mga dagli ang pagiging labis na emosyonal o sentimental. At tulad sa kulturang “emo” ngayon, naging mababa ang pagtingin sa dagli noong kasikatan nito.

Repleksiyon nito ang nalimbag na pangalan ng mga sumulat nito. Bagamat lalabas na mahilig ang mga manunulat ng nasabing panahon na gumawa nito – tulad marahil ng pag-ekstra sa pelikula, pago-ghost writing para sa mga mapera, at pagsali sa Palanca ng mga manunulat ngayon – pawang nagsigamit ng “talipanpan” o pseudonym ang sikat at di-sikat na mga manunulat na gumawa ng mga dagli. May hinalang sinadya ito para huwag matukoy ng kani-kanilang asawa ang mga manunulat na naghuhumiyaw sa pagbubulalas ng pag-ibig sa iba. O baka ninuno rin ang dagli ng blind item na chika?

Anu’t anuman, sa paglipas ng panahon, tiningnan nang mababang klase ang mga pahayagang Tagalog, kasabay ng pagsulpot at paglakas ng sari-saring programa at institusyon ng tinawag na “panitikan” sa mga unibersidad. Sa huli napaunlad ang kinikilalang modernong maikling kuwento, na ang mga katangian ay malinaw na kasalungat ng sa dagli. Panahon ito ng pag-arangkada ng pagpapatatag sa sistemang kolonyal sa bansa. Sa isang kapani-paniwalang pagbasa, makikita ang “pagpasok ng subhetibidad ng kolonialismo sa porma ng maikling kwento at pagkatao ng kwentista.”

escher_hands.jpg
(Mula sa loneprairie.net.)

Salamat sa mga patnugot ng Ang Dagling Tagalog, 1903-1936, naipapaalala sa atin ang nawalang kasaysayan ng nawalang dagli – at ang ugat sa kolonyal na barbarismo ng maikling kuwentong “sibilisado,” kung hahalaw kay Walter Benjamin. Pero hindi lamang pangkalahatang pagtuklas sa nawalang porma – kahit pa biktima ito ng kolonisasyon – ang ginawa nina Rolando B. Tolentino at Aristotle J. Atienza. Sa koleksiyong ito ng 94 na dagli, mulat nilang pinatampok ang mga dagling kontra-imperyalista at makabayan, maka-manggagawa at sosyalista, at nagkokomentaryo sa lipunang kolonyal noon.

Maliban sa madalas na paggamit ng mga salitang luma at Espanyol, nakakaaliw ang mga dagli. Kanya-kanyang gimik ang mga nagsulat. Nakakatuwang matuklasan ang ilang punto sa wika: May “h” na sila noon sa kanilang mga “eh” at “oh”. Hindi sila maingat sa “ng” at “nang,” pabor kadalasan sa una. At lumang salita pala ang “ungas”. OA o over-acting ang mga dagli ng pag-ibig: “Kaya irog, anong sarap! anong tamis! anong sarap! anong sarap ng buhay ko na ngayon ay nagtatalik sa sarap…” ni Puso aka Jose Corazon de Jesus. Ang iba’y parang litrato, bagamat maraming parang telenobela.

Sa kanyang introduksiyon, inilahad ni Atienza ang “nakalulungkot, nakalulunos, at nakakainis” na kalagayan ng pagsasaliksik na “arkayval” (archival) sa mga laybrari, karamihan ng mga universiti, para sa antoloji. Ipinakilala niya ang mga “talipanpan,” “sagisag-panulat” o pseudonym na ginamit ng mga may-akda ng dagli, gayundin kung bakit kapansin-pansin ang paggamit ng mga ito sa mga dagli. Ipinakilala rin niya ang mga kabanata ng antolohiya, gayundin ang tampok na mga dagli sa bawat kabanata. Nagkomento siya sa halaga sa kasalukuyan ng mga paksa at komentaryo ng mga ito.

Ipinagtanggol din niya ang aklat sa posibleng mga puna mula sa perspektiba ng kasarian at rehiyon dahil karamihan sa mga dagling Tagalog – Tagalogosentrismo? – ay isinulat ng mga lalaki at mula sa maka-lalaking pananaw. Maganda ang kanyang mga punto bagamat kalabisan, sa tingin ko, na hinging maging sosyalista si Hesukristo, halimbawa. Bagamat may hibo ng gayong kaisipan sa mga aral niya, lampas iyon sa panahon niya. Anu’t anuman, pasok at patok ang aklat sa paghahagilap sa “otherness” ng akademikong postmodernismo na pinagkukuhanan ng lakas ng gayong pagtuligsa.

the-flower-carrier.jpg
“The Flower Carrier,” painting ni Diego Rivera.
(Mula sa moderato.wordpress.com.)

Sa introduksiyon naman niya, sinuri ni Tolentino ang dagli sa konteksto ng kasaysayan – noon at ngayon – ng ekonomiyang pampulitika, kultura at panitikan ng bansa. Ipinakita niya kung paanong may halaga sa ating mga mambabasa sa kasalukuyan ang mga dagli at ang mga daloy na pang-ekonomiya, pampulitika, pangkultura at pampanitikan na lumalagos – pumapaloob at humihigit – dito. Maraming matatalas na punto rito, tampok ang malinaw na paglulugar at pag-ugat sa kaayusang kolonyal ng pagkapawi sa dagli. Malinaw din niyang nilagom ang pangkalahatang katangian ng pormang ito ng pagsulat.

Sabi ni Tolentino, walang pagpapanggap ang dagli na unibersal ito. “Ang halaga nito ay sa araw ng kanyang paglabas at ang lipunan ng madlang tumatangkilik nito. Kaya walang dagli sa kanon ng panitikang Filipino… gayong ito ang naging teknolohiya ng integrasyon ng print-oral na repersepsyon sa mundo sa panahon ng matinding agam-agam.” Kailangang ihabol, gayunman, na idinidiin nito ang partikular na katangian ng “kanon” ngayon. Sabi nga ni Fredric Jameson, kaya nilang angkinin o i-coopt – nila: ng imperyalismo, naghaharing mga uri, Estado – ang lahat, maliban sa kanilang pagkatalo.

Hindi ang pagtatanghal ng mga dula ni Bertolt Brecht sa harap ng burgesya, halimbawa, ani Jameson, kundi sa harap ng mulat at militanteng mga manggagawa. Tambalan ng dalawang wikang hindi pang-araw-araw ang laman ng libro: ang malalim na Tagalog ng mga sumulat ng dagli, at ang apropriasyon ng wikang Ingles at akademiko sa layuning progresibo nina Tolentino at Atienza. Hindi sila masisi: Tutal, libro – anyong hindi umaabot sa nakakarami – ang inilathala nila. Pero madali pa ring angkining ambag sa pagkilos ng sambayanan para sa kalayaang pambansa at panlipunan ang libro nila.

Nasa mambabasa na ang tungkulin, na mag-ambag sa pagbago sa lipunang pumaslang sa popular na dagli at kumukupot sa pagbuhay nito ngayon sa makitid na sirkulo ng panggitnang uri.


08 Marso 2008, inilathala ang inedit na bersiyon sa Philippine Collegian ng 18 Marso 2008. Maraming salamat sa mga patnugot!

hillary-clinton.jpgbarack-obama.jpg

Unang pangulong babae o unang pangulong Aprikano-Amerikano? Sina Hillary Clinton at Barack Obama, nagkakarera para maging presidente ng Amerika.  “Ano ka, rasista o seksista?” tanong ng iba. (Galing ang mga likhang-sining sa sketchpot.blogspot.com.)

Obama Rock With You*

(1)

Sa kanyang sanaysay na “Barack or Hillary? The politics of color,” tinalakay ni Luis H. Francia, Pilipinong manunulat na nakabase sa US – mula sa perspektiba ng mga Pinoy sa nasabing bansa – ang madalas nang marinig na talakayan hinggil sa pagpili ng kandidato ng Democratic Party ng US. Tanong niya: “Sa martsa patungong kasaysayan… magiging mas malaking hadlang ba ang seksismo o ang rasismo?” Sinipi niya si Maureen Dowd, kolumnista ng New York Times: “Mas masahol ba ang galit sa kababaihan (misogyny) kaysa sa rasismo, o mas masahol ang rasismo sa galit sa kababaihan?”

Siyempre, ang tinutukoy niya ay ang pagpili ng Democratic Party sa US: Si Barack Obama ba, na isang Aprikano-Amerikano? O si Hillary Clinton, na isang babaeng puti? Ano nga ba ang mas gusto ng mga Amerikano: Magkaroon ng unang pangulong Aprikano-Amerikano o ng unang pangulong babae?

Sa mga tanong na ito, sa mga komentaryo at usap-usapan sa partikular na pagpili ng kandidato ng Democratic Party, makikita ang mga nakamit at mga dapat pang makamit ng mga progresibo sa US. Mahalaga ring maitanong: Ano ang mga kalagayang pinagmulan ng nagaganap na ito, na kaswal nang pinag-uusapan ang seksismo at rasismo kaugnay ng pambansang eleksiyon – na maghahalal pa nga ng mismong susunod na pangulo ng US?

hinagpis-hagupit-hulagpos.jpg
(“Hinagpis, Hagupit, Hulagpos,” painting ni Imelda Cajipe-Andaya. Galing sa hiraya.com)

(2)

Sa sanaysay niyang “Challenges for Feminist Cultural Studies Under the Rule of Global War,” sinariwa ni Neferti Xina M. Tadiar, progresibong intelektuwal, ang dekada 1960 – panahong masigla ang iba’t ibang kilusan at pakikibakang kontra-kolonyal at kontra-imperyalista, Civil Rights, maka-manggagawa at sosyalista, para sa paglaya ng kababaihan, pasipista at kontra-giyera, at iba pa. Siyempre, mga kilusan at pakikibaka itong itinayo, itinaguyod at isinulong ng mga taong apektado ng mga pagsasamantala at pang-aapi sa mga larangang ito, na tinawag ni Tadiar na “mga populasyong ginawang minorya (minoritized)”: aping mga mamamayan at bansa, mga Aprikano-Amerikano, mga manggagawa, kababaihan mula sa iba’t ibang uri at lahi – at maging ang mga mamamayan kasama ang mga beterano ng digma.

Dahil dito, aniya, “ang US-pandaigdigang ‘giyera kontra-terorismo’ na inilulunsad ngayon sa iba’t ibang larangan, ay puwedeng maunawaan na ganting (retaliatory) hakbangin sa panig ng maka-kanang paksiyon ng pandaigdigang elite…” Dagdag pa niya, “ang pag-usbong ng parehong pandaigdigan, imperyal na pasismo at ng popular transnasyunal na pagtutol dito – ay nakasandig sa mga pagbabagong pangkultura na pawang naganap bilang pinagsamang resulta ng matagalang pandaigdigang rebolusyong pangkultura simula pa noong huling bahagi ng dekada 1960 at ng pampulitika at pang-ekonomiyang kontra-rebolusyon na inilunsad ng mga kapangyarihang pang-estado, pang-korporasyon at pampinansiya…”

 

Pinansin din niya “ang pag-usbong ng isang pandaigdigang kontra-publiko o kontra-constituency, na nakatagpo ng representasyon sa walang katulad sa kasaysayang pandaigdigang protesta laban sa giyera sa Iraq na pinapamunuan ng US at UK” noong 2003.

Sa halalang pampangulo sa US ngayong taon, makikita nating sangkot ang mga panig na inilalarawan ni Tadiar. Sa isang banda, ang mga inaapi at pinagsasamantalahang populasyon o pangkatin sa lipunang Amerikano – tampok ang mga Aprikano-Amerikano at kababaihan. Sa kabilang banda, ang naghaharing elite na pampulitika at pang-ekonomiya sa lipunang Amerikano – tampok ang pagiging makadigma at paladigma nito. Sa ilang talakayan sa midya at Internet, lilitaw na may partido na ang bawat panig – Democratic Party ang una at Republican Party ang ikalawa. Sobrang simplistiko ang ganito, gayunman, sa puntong mali.

(3)

Sa kanyang librong You Can’t Be Neutral on a Moving Train (1994), ginunita ni Howard Zinn, Amerikanong anarkista-pasipistang historyador – puwede kaya natin siyang tawaging Renato Constantino ng US? – ang maraming kuwento ng magiting na pakikibaka ng mga mamamayang Amerikano laban sa rasismo at laban sa mga giyerang agresyon ng imperyalismong US. Sa pagsulat ng libro, malinaw ang intensiyon ni Zinn na magbigay ng giting at pag-asa sa mga katulad niyang progresibo sa US – noong 1994, na isa ring panahon ng pagkalugmok ng diwang progresibo sa US at maraming bansa dahil sa opensiba ng US na nagsasabing “Patay na ang Sosyalismo” sa harap ng pagguho ng mga bansang diumano’y “sosyalista”. Narito ang ilan sa magagandang sinabi niya sa libro:

“Ang kahandaan na gawin” ang mga aksiyong magdudulot ng pagbabago “ay di puwedeng isandig sa mga katiyakan, kundi sa mga posibilidad na masisipat sa pagbasa sa kasaysayan nang kaiba sa nakagawiang masakit na paglitanya ng mga kalupitan ng tao. Sa gayong pagbasa makikita natin hindi lamang giyera kundi paglaban sa giyera, hindi lamang kawalang-katarungan kundi pag-aalsa laban sa kawalang-katarungan, hindi lamang pagkamakasarili kundi pag-aalay ng sarili, hindi lamang katahimikan sa harap ng diktadura kundi pagsuway, hindi lamang kalupitan kundi pagmamahal.”

“Pinatunayan ng kilusan… na kahit wala ang mga tao ng karaniwang mga pag-aari ng kapangyarihan – pera, pampulitikang awtoridad, puwersang pisikal – tulad ng mga mamamayang Aprikano-Amerikano sa Deep South, mayroong kapangyarihang puwedeng malikha sa naipong galit, giting, at sa inspirasyon ng isang pinagsasaluhang layunin, at kung pagsasamahin ng sapat na bilang ng tao ang kanilang kaisipan at lakas para sa layuning iyon, maaari silang magtagumpay. Pangyayari itong muli’t muling naitala sa kasaysayan ng popular na mga kilusan laban sa kawalang-katarungan sa buong mundo.”

gee_vaucher_liberty.jpg
(“Oh, America” painting ni Gee Vaucher, galing sa timeout.com.)

(4)

Humupa, gayunman, ang radikalismo ng dekada 1960 sa US at iba pang abanteng bansang kapitalista – bunsod sa isang banda ng grabeng opensiba ng gobyerno ng US. Sa maraming sulatin ng mga progresibo sa US, karaniwan nang ilarawan ang dekada 1970, 1980 at 1990 na mga dekada ng kontra-rebolusyon o reaksiyon. Bagamat hindi nawala ang magigiting na paglaban, sa pangkalahatan ay napahupa ang radikalismo ng naunang dekada sa mga panahong ito, kung hindi man masasabing namayani ang konserbatismo.

Madalas ding sabihing naging atrasan ng maraming Amerikanong progresibo ng dekada 1960 ang akademya o mga unibersidad. Sa isang banda, mainam nang may natira sa akademya kaysa nawala na lang na parang bula. Pero sa isang banda, sa pagkawala ng aktibong buhay-pampulitika ng mga progresibo sa loob ng akademya, nabago, nalimitahan, o nakahon din ang progresibong kaisipang kanilang dala-dala.

Sa ganitong konteksto sumibol at namayagpag ang postmodernismo sa US. (Mahalagang maipakita ang ganitong kasaysayan dahil patuloy itong lumalaganap ngayon sa Internet: Salamat sa Google at Wikipedia, oportunistang nane-name drop sina Jacques Derrida, Jean-Francois Lyotard at Jean Baudrillard nang hindi nababasa ang aktuwal nilang mga librong kailangan talaga ng isang antas ng pagkasanay para maunawaan.)

Bagamat may mga intelektuwal na nagsasabing ginagamit nila ang postmodernismo para sa mga layuning progresibo, responsable ang “po-mo” sa pagpapantay ng bigat at talab ng pang-aapi at pagsasamantala sa larangan ng uri, kasarian, relihiyon, nasyunalidad, lahi (race) at iba pang identidad. Nagsimula ang ilang intelektuwal na postmodernista sa pagsisikap na iwasan o alpasan ang diumano’y “reduksiyonismo sa uri” (class reductionism) o “ekonomismo” ng Marxismo – pero humantong sa dulong kabilang paling, sa paglusaw sa pag-unawa sa bisa ng uri. Naging impluwensiyal ang bersiyong ito ng postmodernismo, na kumalat na rin maging sa masmidya.

(5)

Malinaw ang hibo ng ganitong kaisipan sa moralista at emosyunal na blackmail na ipinakita ng kolumnistang si Maureen Dowd sa itaas: Ano ka, seksista o rasista? Kung si Prop. Sarah Raymundo ang masusunod, sasagutin niya ito siguro ng “Yes please!” dahil huwad na oposisyon ito ng parehong kasuka-sukang pagpipilian. Alinsunod sa paborito niyang si Slavoj Zizek – pilosopong Slovenian at kilalang kalaban ng postmodernismo, bagamat humahalaw rin dito – igigiit niya ang paghulagpos sa ganitong pagpipilian at ipapakitang may mga pagpipiliang higit sa dalawang ito.

Magandang panimula ang sagot ng sikat na manunulat na Pilipinong si Ninotchka Rosca, na nakabase sa US: “Mahirap pumili sa unang Aprikano-Amerikano at unang babaeng kandidato sa pagkapangulo, dahil nasa iisang uri (class stratum) lang sila.”

Tinatawag ni Rosca ang pansin natin sa halaga ng uri sa paghubog sa mga tao at sa sistemang pampulitika ng US, at kahit anong bansa. Dahil parehong kinatawan ng naghaharing uri ng US – at ng buong mundo – sina Hillary at Barack, (1) Hindi magkakaroon ng pundamental na pagbabago sa sistemang pampulitika at pang-ekonomiya ng US sino man sa kanila ang mahalal, at (2) Mahirap ding umasang magkakaroon ng pagbabago sa katayuan ng nakakaraming kababaihang Amerikano at Aprikano-Amerikano sino man sa kanila ang mahalal. Ang babaeng si Margaret Thatcher, halimbawa, ang namuno sa Britanya noong dekada 1980 – panahon ng pagpapaatras sa mga tagumpay na nakamit ng pakikibaka ng kababaihan at iba pang sektor ng lipunan.

(6)

Unang pangulong babae o Aprikano-Amerikano? Maaaring may progresibong silbi sa kamalayan ng karaniwang tao ang ganitong pagtatanong anumang antas ang abutin sa pagkilala sa pagkaapi ng mga pangkating ito sa lipunan. Ang mahirap, gayunman, ay ihinuhulog nito ang pagkilos sa pagboto lamang – para sa akademikong layunin pa ng paghalal ng magiging sagot sa tanong na “Sino ang unang pangulong Aprikano-Amerikano/babae ng US?”

Sa tingin ko, gayunman, mas may pakinabang kay Hillary kaysa kay Obama ang ganitong pagtatanong – at humantong nga ang artikulo ni Luis H. Francia na sinipi sa itaas sa pagsasabing mas iboboto ng mga Pilipino-Amerikano si Hillary. Bukod sa ibinabalik nito sa gunita ang negatibong mga istiryutipo tungkol sa mga Aprikano-Amerikano na ipinapalaganap ng makapangyarihang MTV halimbawa sa kabataan – na malaking bungkos ng botante sa US – hinahawi nito ang isang napakahalagang usapin sa US at sa buong mundo: ang giyera sa Iraq.

Sa isyung ito, mas malinaw at konsistent ang tindig ng pagtutol ni Obama kaysa kay Hillary. Sa isyung ito umuungos si Obama kay Hillary, sa suporta ng opinyong publikong malakas nang kontra sa giyera ng US sa Iraq. Sa puntong ito masasabing magandang balita ang malakas na laban ni Obama at ang posibilidad na manalo siya: Patunay ito ng pagkamulat ng mga mamamayang Amerikano sa kahungkagan at kalupitan ng giyera ng kanilang gobyerno – gamit ang kanilang buwis – laban sa mga mamamayan ng Iraq. Patunay ito ng kanilang pagkilos para tapusin na ang mapaminsalang digmang ito.

Tagumpay ito ng pagmumulat, pagkilos, at pag-oorganisa ng mga mamamayang Amerikano, hindi laban sa rasismo o seksismo, kundi laban sa giyerang agresyon ng US sa Iraq – na siyang isyu ng huling malalaking pagkilos nila sa lansangan, at ng malakas na pagbubunyag ng mga progresibo sa US tungkol sa digmang ito. Lumaban ang inapo ng pakikibakang kontra-giyera noong dekada 1960 sa opensiba sa mga sektor ng lipunan na nagsulong nito.

ninotchka-rosca.jpg
Si Ninotchka Rosca, bantog na manunulat na Pilipino
(Galing ang larawan sa redstorm.ca.)

(7)

Sa isang banda, bahagi sina Hillary at Obama ng mga pangkatin sa US na dumadanas ng mas matinding pang-aapi at pagsasamantala sa panahon ng giyera. Ang mga Aprikano-Amerikano, ipinambabala bilang mga sundalo sa giyera. Ang kababaihan, nagtatrabaho bilang mga taga-sustine ng mga tahanan at iba pang institusyong sumusuporta sa digma. Pero masyadong malayo ang ugnayan nina Hillary at Obama sa aktuwal na mga Amerikanong dumadanas ng ganito, kaya mas simboliko marahil ang lugar nila sa ganitong kalagayan – mga simbolo ng paglaban sa giyerang umaapi sa mga Aprikano-Amerikano, kababaihan at iba pang pangkatin sa lipunan.

Kung kailangan pa ng dagdag na indikasyon, isang indikasyon ang pangunguna ni Obama ng posibilidad ng paghulagpos sa “mikro-pulitika” (micro-politics) na ayon sa mga postmodernista ay ang tanging pulitika na posible sa kasalukuyang panahon. Kung nagkataon, mayayamang Aprikano-Amerikano lamang – na magagaling magsalita marahil? – ang susuporta kay Obama.

Mainam ang pahayag hinggil dito ni Zizek: “Radikal ko itong tinututulan. Madalas, kasama ng etikang ito ng pagkukuwento ang karapatang maglahad, na para bang ang pinakamataas na aksiyong magagawa mo ngayon ay ikuwento ang iyong istorya, na para bang isang Aprikano-Amerikanong lesbiyanang ina lamang ang makakaalam ng kung paano maging Aprikano-Amerikanong lesbiyanang ina, ganoon. Ngayon, puwedeng magtunog-mapagpalaya ang ganito. Pero kapag tinanggap natin ang lohikang ito, pumapasok tayo sa isang tipo ng apartheid. Sa panahong dinodomina ang lipunan, hindi lahat ng kuwento ay pareho…”

Halimbawa niya: “Hindi sapat na sabihin ng mga bakla na ‘gusto naming marinig ang kuwento namin.’ Hindi, kailangang lamanin ng naratibo ng kabaklaan ang isang unibersal na dimensiyon, ibig sabihin, ang implicit nilang sinasabi: hindi lang tungkol sa amin ang nangyayari sa amin. Ang nangyayari sa amin ay sintomas o senyales na nagsasabi sa atin ng problema sa kabuuan ng ating lipunan. Kailangan nating igiit ang unibersal na dimensiyong ito.”

15 Marso 2008
*Pasintabi kay Michael Jackson

oscar-cruz-angel-lagdameo.jpg

Hindi mahirap hulaan ang tindig ng dalawang ito — si Obispo Oscar V. Cruz at si Obispo Angel Lagdameo — sa huling pagpupulong ng Catholic Bishops Conference of the Philippines, kung saan nanawagan ang CBCP na pamunuan ni Gng. Gloria Macapagal-Arroyo ang paglaban sa katiwalian. (Kuha ang larawan sa photo blog ni G. Kenneth Roland Guda, punong patnugot ng Pinoy Weekly.)

Bayan ng Makasalanan: Huwag po, Father!

Naalala ko tuloy ang kuwento ng isang kaibigan, na itago natin sa pangalang Sarah. Minsan, may pinuntahan siyang forum sa isang unibersidad. May dumalo ritong isang propesora ng agham panlipunan – hindi ko sasabihin kung alin. Takang-taka at natatawa si Sarah dahil nagkalat ang lipstick ng propesora: lampas-lampas sa labi at mayroon pa raw sa ngipin sa itaas. Sa gitna ng forum, nagpunta sa comfort room ang propesora. Akala ni Sarah, aayusin nito ang itsura. Laking gulat niya noong pagbalik nito, lalong nagkalat sa mukha ang lipstick. “Ano kaya iyun, nanginginain ng lipstick?”

Para ngang nanginain ng lipstick ang mga obispo sa huling pagpupulong ng CBCP o Catholic Bishops Conference of the Philippines nitong Pebrero. Akala ng marami, aayusin nila ang nauna nilang malamyang tindig sa pampulitikang krisis sa bansa. Iyun pala, sa harap ng pag-igting ng nasabing krisis, lalo nilang papasagwain ang tindig nila. Kung hindi man masyadong pangkalahatan – sa puntong wala nang kongkretong kahulugan o walang kuwenta – madaling dalhin ang mga pahayag ng mga obispo sa interpretasyong sinusuportahan nila ang rehimen ni Gng. Gloria Macapagal-Arroyo.

Sa bungad ng pahayag nilang “Seeking the Truth, Restoring Integrity,” depensibo agad ang mga obispo: “Hindi kami lumalapit bilang mga pulitikong ang bokasyon ay ayusin ang lipunan para sa kagalingan ng lahat.” Siyempre naman: Hindi naman talaga sila pulitiko. Pero hindi iyun ang punto. Hindi naman inasahan ni Sarah na paglabas ng propesora sa comfort room, magiging beauty queen na ito. Pero may unawaan ang mga tao sa paggamit ng lipstick – at may unawaan sa ano dapat ang mga obispo. Hindi man sila pulitiko at hindi man sila dapat mamuno sa pag-aalsa, dapat tumindig sila sa tama.

Sabi pa nila, “Nag-aambag ang mensahe namin sa pagyabong ng isang demokrasyang hindi dapat itindig sa mga pormulang pampulitika lamang.” Hindi ko ito maintindihan. Hindi ko ito maidugtong sa isang mayor na pampulitikang tesis para sabihin ng mga obispo sa bungad ng pahayag nila. Ang alam ko, ang madakdak ngayon tungkol sa “mga pormula” ay si Alex “Sammy Lagmay” Magno, na kesyo de-pormula ang People Power – na, siyempre, tinututulan niya. Pagtutol ba sa isang People Power ang sinasabi rito ng mga obispo? Posible. Pero puwedeng sabihing hindi – makikita natin sa baba.

Dapat daw, “determinado at walang humpay” ang paghahanap ng katotohanan. Dapat daw, “walang sagka” ang landas tungo sa katotohanan. Dahil dito, mariin nilang “kinokondena ang nagpapatuloy na kultura ng korupsiyon mula taas hanggang baba ng ating panlipunan at pampulitikang hirarkiya.” Lahat naman, panahon pa ni Mahoma, sinasabi na iyan. Siguro, itinuturing ng mga obispo na bahagi ng “Kristiyanismo” ang pagsasabi ng ganitong pangkalahatang pahayag. Alalahanin nga naman natin ang kasalanan natin sa harap ng kasalanan ng iba, ng pagkakadiin sa pamilyang Arroyo.

Pero, sa pinakamainam, iresponsable ang pagsasabi ng ganito sa harap ng pampulitikang krisis. Bakit, nangotong ba tayo – tayong karaniwang mamamayan – ng bilyun-bilyon sa proyekto ng gobyerno na pababayaran natin sa karaniwang tao? Bakit kailangang biglang idamay sa pangangaral ang “baba” ng “hirarkiya” ng lipunan at pulitika sa panahong todo-todong nadidiin ang pamilya ni Gloria Macapagal-Arroyo? Nag-utos ba tayo ng ekstrahudisyal na pamamaslang? Nandaya ba tayo sa mga halalan? Ganito na ba ang paglalapat sa buong lipunan ng “pagpukol ng unang bato”?

gloria.jpg
Malungkot pero totoo ang balita
(Galing ang larawan sa msn.com)

Sa ganitong diwa rin ako nababanas sa mahalagang pahayag na ito: “Sa pamamagitan ng internal na pagbabagong-loob patungo sa maturity ni Kristo sa pamamagitan ng komunal at mapagdasal na paghusga at aksiyon matutuklasan at mawawasak ang mga ugat ng korupsiyon. Naniniwala kaming papalaganapin ng gayong aksiyong komunal sa antas ng grassroots ang diwa ng People Power na buong husay na ipinakita sa mundo sa Edsa 1. Ito ang People Power with a difference. Mula sa mga grassroots sisibol ang kultura ng katotohanan at integridad na taimtim nating hinahanap at itinatayo.”

Sa isang banda, puwede itong unawain na panawagan para magpalaganap ng kamalayan tungkol sa mga eskandalo ng rehimen. Pero susi sa akin ang “kultura”. Hindi “kultura ng pagbabantay” ang sinasabi, kundi “kultura ng katotohanan at integridad”. Naniniwala akong hindi kulang sa pagtataguyod sa katotohanan at integridad ang karaniwang tao, kahit sa harap ng mga kalagayang pumipigil sa kanilang makamit ang mga ito. Pero kahit ipagpalagay na nating bulok nga tayong karaniwang tao, ibig bang sabihin, sa atin nagmumula ang kabulukan ng rehimen? Tayo pa ang may kasalanan?

Ito, sa pinakamasahol, ang implikasyon ng pahayag ng CBCP. May tawag ang mga feminista diyan: “Blaming the victim”. Tayo na nga ang kinukurakot, ang pagbabayarin sa kinurakot, ang dinadahas, ang dinadaya sa eleksiyon, tayo pa rin ang siyang makasalanan. Buti sana kung ang panawagan ay pagmamatyag sa rehimeng Arroyo, pagpapalaganap ng kaalaman, sama-samang pagkilos. Aba’y hindi. Ang panawagan ng kagalang-galang na mga obispo, sa panahong bumubuhos na tayo sa lansangan para pagbitiwin si Gng. Arroyo, ay ang magtika at magbuo ng bagong kultura – nating lahat.

Pinakamainam sa pahayag ang panawagang ibasura ang Executive Order 464 na humahadlang sa pagtestigo ng mga tauhan ni Gng. Arroyo sa mga pagdinig ng Senado at Kongreso. Gayundin ang panawagang payagan ni Gng. Arroyo ang kanyang mga tauhan na isiwalat ang mga nalalaman sa katiwalian sa pamahalaan. Ito na kasi ang pinaka-kongkreto. Pero para namang hindi alam ng mga obispo na puwede pa ring mahadlangan ng tusong rehimeng ito ang katotohanan kahit mangyari ang lahat ng ito. Hindi ba’t tumestigo na nga si Benjamin Abalos at ang mga tauhan ni Gng. Arroyo?

Sumusuporta rin sa “masamang pagbasa” ko ang panawagan nilang pamunuan ng “Presidente at lahat ng sangay ng pamahalaan” ang paglaban sa katiwalian. Hindi ba’t iyan na nga ang ipinaghihiyawan ngayon ni Gng. Arroyo at ng kanyang mga tauhan? Parang si Gng. Arroyo rin ang nagsasalita sa panawagan nilang gamitin ng mga senador – at ng maka-Arroyong ombudsman! sila lang ang nagtitiwala sa ahensiyang ito! – ang “natatangi at magkakaibang kapangyarihan nilang mag-imbestiga… hindi para sa kanilang sariling interes, kundi para sa pakinabang ng lahat.” Linya ni Gng. Arroyo ito!

Panawagan din nila sa midya ang kalokohang “maging positibong rekurso sa paghahanap ng katotohanan at paglaban sa korupsiyon sa pamamagitan ng obhetibong pag-uulat nang walang pinapanigan at pagkiling, di selective at walang kiling na pag-uulat ng mga datos.” Panahon pa ni Mahoma, tinitibag na ng matatalinong mamamahayag ang ganitong pagtingin. Ang nakakabuwisit nga ngayon sa midya ay ang pagsisikap nitong maging “obhetibo”. Narito sa isang banda ang malalaking pagkilos ng mga mamamayan. Pagkatapos, kukuhanan pa ng reaksiyong nanggagago si G. Raul Gonzalez. Patas?

Alam nating may mga obispong tutol sa rehimeng ito, kung hindi man tahasang nanawagan na ng pagbibitiw ni Gng. Arroyo. Dapat silang papurihan. Napakahirap siguro ng pakikitunggali nila sa kapulungang iyon para igiit ang kanilang panawagan. Nakakarimarim isipin kung ano ang sinabi ng ibang obispo. Pinakamainam na siguro ang maghintay sa mas matindi pang ebidensiya ng katiwalian at pagkatapos ay doon manawagan ng pagbibitiw ng pangulo. Pero mas grabe siguro ang tindig at sinabi ng nakararami, dahil parang si Ignacio Bunye o si Mike Defensor ang nagsulat ng pahayag.

Maganda ang sinabi ni Prop. Luis V. Teodoro hinggil sa isyu. Aniya, “bumigay” ang CBCP “sa pang-akit ng kapangyarihan at suhol.” Sabi pa niya, “Ang mga taong alam na nakikinabang ang ilang obispo sa biyaya ng gobyerno gaya ng pondo ng Pagcor – para sa pakinabang ng kanilang mananampalataya, siyempre – ay mapapatawad kung ipagpapalagay nilang ang agnostisismong moral na ipinakita ng CBCP ay para protektahan ang gayong materyal na mga interes, at iba pa.” Naghahanap tayo ng liwanag sa panahong ito. Ang nakuha natin ay kalituhan, kung hindi man pagpanig sa demonyo.

03 Marso 2008

Follow

Get every new post delivered to your Inbox.

Join 118 other followers