Ang Pagkabuhay na Muli ng Dagli

Rebyu ng Rolando B. Tolentino at Aristotle J. Atienza, mga patnugot. Ang Dagling Tagalog, 1903-1936. Quezon City: Ateneo de Manila University Press, 2007.


Sa unang buhay nito, isang porma ng maikling sulatin o panitikang tuluyan – prosa, hindi tula – sa wikang Tagalog ang dagli. Kadalasan, pasalita ang tono nito. Dahil pormang pakuwento, nasabing ninuno ito ng tinatawag ngayong “maikling kuwento”. Namayagpag ito noong unang mga taon ng 1900, panahon ng direktang pananakop ng US sa bansa, noong regular na laman ito ng iba’t ibang pahayagan sa wikang Tagalog. Bahagi samakatuwid ito ng pagsasalubong ng (1) pagpasok at paglaganap ng teknolohiya ng paglalathala at (2) pagkabuo ng saray na marunong magbasa at sumulat ng Tagalog.

Malaking mayorya ng mga dagli, pumapaksa sa wagas na pag-ibig – bigo, masaya, nananabik. Basta pag-ibig. Pero marami ding tumatalakay sa paglaya ng Pilipinas at ng mga manggagawa. Marami ding nagkokomento sa mga isyung panlipunan – kung sa kasalukuyan, hindi pa siguro partikular na NBN-ZTE, kundi pagkagumon sa droga ng paparaming kabataan o pangkalahatang katiwalian sa pamahalaan. Sinasabing katangian ng mga dagli ang pagiging labis na emosyonal o sentimental. At tulad sa kulturang “emo” ngayon, naging mababa ang pagtingin sa dagli noong kasikatan nito.

Repleksiyon nito ang nalimbag na pangalan ng mga sumulat nito. Bagamat lalabas na mahilig ang mga manunulat ng nasabing panahon na gumawa nito – tulad marahil ng pag-ekstra sa pelikula, pago-ghost writing para sa mga mapera, at pagsali sa Palanca ng mga manunulat ngayon – pawang nagsigamit ng “talipanpan” o pseudonym ang sikat at di-sikat na mga manunulat na gumawa ng mga dagli. May hinalang sinadya ito para huwag matukoy ng kani-kanilang asawa ang mga manunulat na naghuhumiyaw sa pagbubulalas ng pag-ibig sa iba. O baka ninuno rin ang dagli ng blind item na chika?

Anu’t anuman, sa paglipas ng panahon, tiningnan nang mababang klase ang mga pahayagang Tagalog, kasabay ng pagsulpot at paglakas ng sari-saring programa at institusyon ng tinawag na “panitikan” sa mga unibersidad. Sa huli napaunlad ang kinikilalang modernong maikling kuwento, na ang mga katangian ay malinaw na kasalungat ng sa dagli. Panahon ito ng pag-arangkada ng pagpapatatag sa sistemang kolonyal sa bansa. Sa isang kapani-paniwalang pagbasa, makikita ang “pagpasok ng subhetibidad ng kolonialismo sa porma ng maikling kwento at pagkatao ng kwentista.”

escher_hands.jpg
(Mula sa loneprairie.net.)

Salamat sa mga patnugot ng Ang Dagling Tagalog, 1903-1936, naipapaalala sa atin ang nawalang kasaysayan ng nawalang dagli – at ang ugat sa kolonyal na barbarismo ng maikling kuwentong “sibilisado,” kung hahalaw kay Walter Benjamin. Pero hindi lamang pangkalahatang pagtuklas sa nawalang porma – kahit pa biktima ito ng kolonisasyon – ang ginawa nina Rolando B. Tolentino at Aristotle J. Atienza. Sa koleksiyong ito ng 94 na dagli, mulat nilang pinatampok ang mga dagling kontra-imperyalista at makabayan, maka-manggagawa at sosyalista, at nagkokomentaryo sa lipunang kolonyal noon.

Maliban sa madalas na paggamit ng mga salitang luma at Espanyol, nakakaaliw ang mga dagli. Kanya-kanyang gimik ang mga nagsulat. Nakakatuwang matuklasan ang ilang punto sa wika: May “h” na sila noon sa kanilang mga “eh” at “oh”. Hindi sila maingat sa “ng” at “nang,” pabor kadalasan sa una. At lumang salita pala ang “ungas”. OA o over-acting ang mga dagli ng pag-ibig: “Kaya irog, anong sarap! anong tamis! anong sarap! anong sarap ng buhay ko na ngayon ay nagtatalik sa sarap…” ni Puso aka Jose Corazon de Jesus. Ang iba’y parang litrato, bagamat maraming parang telenobela.

Sa kanyang introduksiyon, inilahad ni Atienza ang “nakalulungkot, nakalulunos, at nakakainis” na kalagayan ng pagsasaliksik na “arkayval” (archival) sa mga laybrari, karamihan ng mga universiti, para sa antoloji. Ipinakilala niya ang mga “talipanpan,” “sagisag-panulat” o pseudonym na ginamit ng mga may-akda ng dagli, gayundin kung bakit kapansin-pansin ang paggamit ng mga ito sa mga dagli. Ipinakilala rin niya ang mga kabanata ng antolohiya, gayundin ang tampok na mga dagli sa bawat kabanata. Nagkomento siya sa halaga sa kasalukuyan ng mga paksa at komentaryo ng mga ito.

Ipinagtanggol din niya ang aklat sa posibleng mga puna mula sa perspektiba ng kasarian at rehiyon dahil karamihan sa mga dagling Tagalog – Tagalogosentrismo? – ay isinulat ng mga lalaki at mula sa maka-lalaking pananaw. Maganda ang kanyang mga punto bagamat kalabisan, sa tingin ko, na hinging maging sosyalista si Hesukristo, halimbawa. Bagamat may hibo ng gayong kaisipan sa mga aral niya, lampas iyon sa panahon niya. Anu’t anuman, pasok at patok ang aklat sa paghahagilap sa “otherness” ng akademikong postmodernismo na pinagkukuhanan ng lakas ng gayong pagtuligsa.

the-flower-carrier.jpg
“The Flower Carrier,” painting ni Diego Rivera.
(Mula sa moderato.wordpress.com.)

Sa introduksiyon naman niya, sinuri ni Tolentino ang dagli sa konteksto ng kasaysayan – noon at ngayon – ng ekonomiyang pampulitika, kultura at panitikan ng bansa. Ipinakita niya kung paanong may halaga sa ating mga mambabasa sa kasalukuyan ang mga dagli at ang mga daloy na pang-ekonomiya, pampulitika, pangkultura at pampanitikan na lumalagos – pumapaloob at humihigit – dito. Maraming matatalas na punto rito, tampok ang malinaw na paglulugar at pag-ugat sa kaayusang kolonyal ng pagkapawi sa dagli. Malinaw din niyang nilagom ang pangkalahatang katangian ng pormang ito ng pagsulat.

Sabi ni Tolentino, walang pagpapanggap ang dagli na unibersal ito. “Ang halaga nito ay sa araw ng kanyang paglabas at ang lipunan ng madlang tumatangkilik nito. Kaya walang dagli sa kanon ng panitikang Filipino… gayong ito ang naging teknolohiya ng integrasyon ng print-oral na repersepsyon sa mundo sa panahon ng matinding agam-agam.” Kailangang ihabol, gayunman, na idinidiin nito ang partikular na katangian ng “kanon” ngayon. Sabi nga ni Fredric Jameson, kaya nilang angkinin o i-coopt – nila: ng imperyalismo, naghaharing mga uri, Estado – ang lahat, maliban sa kanilang pagkatalo.

Hindi ang pagtatanghal ng mga dula ni Bertolt Brecht sa harap ng burgesya, halimbawa, ani Jameson, kundi sa harap ng mulat at militanteng mga manggagawa. Tambalan ng dalawang wikang hindi pang-araw-araw ang laman ng libro: ang malalim na Tagalog ng mga sumulat ng dagli, at ang apropriasyon ng wikang Ingles at akademiko sa layuning progresibo nina Tolentino at Atienza. Hindi sila masisi: Tutal, libro – anyong hindi umaabot sa nakakarami – ang inilathala nila. Pero madali pa ring angkining ambag sa pagkilos ng sambayanan para sa kalayaang pambansa at panlipunan ang libro nila.

Nasa mambabasa na ang tungkulin, na mag-ambag sa pagbago sa lipunang pumaslang sa popular na dagli at kumukupot sa pagbuhay nito ngayon sa makitid na sirkulo ng panggitnang uri.


08 Marso 2008, inilathala ang inedit na bersiyon sa Philippine Collegian ng 18 Marso 2008. Maraming salamat sa mga patnugot!

About these ads
Post a comment or leave a trackback: Trackback URL.

Comments

  • joelogs  On March 29, 2008 at 2:25 am

    Pwede kayang mga blog entries ang mga dagli natin sa kasalukuyang panahon?

  • kapirasongkritika  On March 29, 2008 at 5:02 am

    Salamat sa tanong, Joelogs. Naisip ko nga rin iyan noong isinusulat ko ito — kaya lang masyado nang hahaba at kailangan pang pag-isipan.

    Sa maraming katangian, puwede siguro: Maiksi, magimik at personal. Sabi ng marami, kalakasan ng mga entri sa mga blog na personal ang pagkakasulat nila.

    Pero sa kabilang banda, mahalaga sa mga entri sa mga blog, sa pangkalahatan, ang pagiging maiksi at direkta-sa-punto.

    Siguro may mga entri sa mga blog na papasang dagli. Mayroon din namang hindi.

    Puwede sigurong maging kampanya o pa-contest iyan: Pagsusulat ng mga dagli sa mga blog. Siyempre, kung ganoon din lang, maganda nang mapag-aralan ang naunang mga dagli at ang partikular na mga katangian nila.

    Sa panahong iniimpit ang pagdama ng mga tao sa mga isyung panlipunan, magandang mapalaganap ang ganitong moda ng dagli.

  • dEAtH_zErO06  On June 12, 2008 at 2:44 pm

    nice nman ng gawa huh!!!

  • shini  On July 16, 2008 at 11:32 am

    maganda…..hahaha…

  • shini  On July 16, 2008 at 11:33 am

    matututo ka talaga…!

  • kapirasongkritika  On July 16, 2008 at 12:12 pm

    Salamat!

  • yves glenn estopa hanapa niyu sa fb hehehe  On October 20, 2010 at 1:28 pm

    salamat po may project na ako…thank you verry much!

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s

Follow

Get every new post delivered to your Inbox.

Join 146 other followers

%d bloggers like this: