Kapirasong Kritika

April 8, 2008 · Leave a Comment

Galing sa pelikulang War Games ni Matthew Broderick ang praktika ng war-driving, na isang bahagi ng mga tinatawag na “krimeng Wi-Fi.” Galing ang larawan sa videodetective.com)

Categories: Kulturang Popular
Tagged: , , ,

Krimeng Wi-Fi, Kuwentong Sci-Fi

April 8, 2008 · 4 Comments

(1)

Dahil sa kaka-Google ko, nakatisod ako ng mga kuwento tungkol sa mga tinatawag na “krimeng Wi-Fi” sa mga bansang abanteng kapitalista – US, Inglatera, Canada, at iba pa. Interesante sila, na parang mga kuwentong sci-fi para sa mga mangmang sa teknolohiya na tulad ko sa mga bansang katulad ng sa atin.

Pamilyar na rin naman ang marami sa bansa sa Wi-Fi. Teknolohiya itong nagpapahintulot sa mga gumagamit na maka-akses sa Internet nang walang kurdon, gamit lang ang signal – kaya nga “wireless network” ang isa pang tawag dito. Marami na ring establisimyento sa bansa ang gumagamit ng libreng Wi-Fi para manghatak at manghikayat ng mga parokyano.

Sa mga bansang nabanggit, marami-raming kabahayan at opisina na ang nagpakabit ng Wi-Fi. Nag-uugat ang sinasabi kong usapin – o krimen – sa katangian ng teknolohiya: Umaapaw ang signal nito lampas sa mismong mga bahay at opisina hanggang sa kalapit na mga lugar o kalsada. Kapag walang sagkang panseguridad na inilagay ang may-ari, katulad ng maraming kaso sa mga bansang nabanggit, madaling magamit ang Wi-Fi ng ibang tao.

Nangyayari na rin naman ito sa Kamaynilaan: Didikit lang ang isang may laptop na bukas sa signal ng Wi-Fi at makakapag-Internet na siya. Hindi tulad sa ekonomiya ng “jumper” sa kuryente sa iba’t ibang lugar sa Kamaynilaan at sa bansa, kadalasang hindi napapansin ng may-ari ang “pakiki-Wi-Fi.” Wala rin itong dagdag na gastos para sa kanya.

Ganito rin naman sa ibang bansa. Pero sa mga bansang ito – hindi ko lang alam sa Pilipinas – krimen ang ganitong praktika, labag sa batas. Tinitingnan itong paglabag sa pag-aari ng isang tao sa Wi-Fi – kahit pa, gaya nga ng nabanggit, wala itong dagdag na gastos sa kanya at hindi naman niya kadalasang mapapansin. Tinatawag itong “pagnakakaw” (theft) ng Wi-Fi.

Humatak na ng pagkilos ng mga tao ang ganitong katangian ng teknolohiya. Mayroon nang tinatawag na “war-driving” sa mga bansang ito – ang praktika ng pagmamaneho o paglalakad-lakad nang may dalang kung anong gaheto para sumagap ng signal ng Wi-Fi ng mga bahay-bahay o opisina. Kapag nakakita ng signal, siyempre, gagamit na ng Internet. Mayroon pa ngang nagsusulat ng “X” – gamit ang pinturang pula, katulad ng ilang graffiti dito sa atin – sa mga istrukturang natuklasang may bukas na Wi-Fi.

May ilang pinagkaperahan ang ganito, sa mabuting paraan: Nilalapitan nila ang may-ari ng bahay o opisina na bukas ang Wi-Fi at inaalok sila ng tulong para isara ito.

Ang kakatwa, at nakakadagdag sa pagiging interesante ng mga kuwento, ginagamit ang ganitong pakiki-Wi-Fi para gumawa ng iba pang krimen. Kapag nakiki-Wi-Fi ka kasi, hindi ka makikilala – maliban na lang kung ia-akses mo ang personal mong mga address tulad ng e-mail, blog, Friendster at iba pang social networking sites na kinabibilangan mo. Anonymous ka, parang walang pagkatao. Ang nakasalang, iyung may-ari ng Wi-Fi na ginagamit mo.

Pagkatapos, madalas, nasasagap ng nakiki-Wi-Fi ang bank account at iba pang personal na impormasyon ng may-ari ng Wi-Fi. Kaya iyung mahilig sa pornograpiya ng mga bata (child pornography), tumitingin ng website tungkol dito, o bumibili ng mga materyales kaugnay nito, o naga-upload ng mga imahen at video na naglalaman ng ganito. Siyempre pa, bawal ang ganitong pornograpiya sa nasabing mga bansa.

Iyung mahilig naman sa karaniwang pornograpiya, pero mas gugustuhing maging malinis ang Internet sa bahay at sariling account, sa Wi-Fi ng iba nagbubukas. Ang iba, bumibili pa ng mga laruang pang-seks (sex toys) dito. Ang iba naman, droga. At ang iba pa, kahit anong kalakal na ibinebenta sa Internet. Iyung may kriminal na adiksiyon sa “teorya,” pinapakyaw ang mga koleksiyon ng Verso at mga university press. Biro ko lang ang huli – pero bakit hindi?

May mangilan-ngilan nang nahuli sa ganitong mga “krimeng Wi-Fi” na, madalas, katambal ng paggawa ng iba pang krimeng nabanggit.

Si Samir Amin, progresibong ekonomista
(Galing ang larawan sa galizacig.com.)

(2)

Makikita rito kung paanong kahit sa abanteng kapitalistang mga bansa, mayroon pa ring hindi kalahok o excluded sa Internet bilang larangan. Siyempre, mayroon talagang naghahanap ng libreng Wi-Fi ng iba para doon nila ilabas ang mga pagnanasang ayaw nilang matumbok sa kanila. Mayroon din talagang gustong makalibre at makalamang. Pero mayroon din talagang walang Wi-Fi sa bahay.

Siguro, maihahalintulad ang Wi-Fi sa karanasan ng iba pang kalakal sa ilalim ng kapitalismo. Ayon sa isang Marxistang ekonomista, marami sa mga kalakal na iniluwal ng kapitalismo – at maging sa mga produktong inabutan ng kapitalismo mula sa panahon ng piyudalismo – ang nagsimula sa pagiging pribilehiyo ng iilan sa lipunan. Halimbawa niya ang asukal, na makikita lamang noon sa hapag-kainan ng mga hari at reyna ng piyudalismo. Unti-unti, umabot at nanuot ang asukal sa karaniwang mga tahanan, pero hanggang sa isang antas lamang.

Dahil sa tuluy-tuloy na pagkakonsentra ng yaman sa iilan sa bansa at mundo, kasabay ng tuluy-tuloy na paghihirap ng malaking mayorya, gayundin ng pagtubo at pag-aari sa produksiyon ng mga kalakal, hanggang isang antas lamang ang inaabot ng “demokratisasyon” o paglaganap ng mga kalakal ng kapitalismo. Hindi lamang asukal at Wi-Fi ang puwedeng gawing halimbawa rito, kundi samu’t saring kalakal na – na lumaganap pero hanggang sa isang antas lamang.

Halos kasabayan, halimbawa, ng akademiko at intelektuwal na talakayan hinggil sa Internet at makabagong mga teknolohiya – gayundin sa urbanisasyon na sinasabing balangkas ng mga teknolohiyang ito – ang pagkatawag ng pansin sa mabilis na paglago ng populasyon ng mga tinatawag na “slum” sa buong mundo. Magiging “planeta ng mga slum” ang mundo, ayon sa isang awtor.

Ipinapaalala ng paglago ng populasyong ito – puwede kayang tawagin itong “iskuwaterisasyon ng mundo”? – kung paanong hindi maiwasan ng kapitalismo, o ng imperyalismo, na lumikha ng malaking saray ng reserbang paggawa. Sa kaso ng mga iskuwater ng planeta, karagatan sila ng mga latak na hindi maipaloob o mapaunlad ng sistema. Mas “latak” nga marahil, dahil may dala pang pangako ang “reserbang paggawa” na maipapaloob sila sa ekonomiya.

Giit ni Samir Amin, progresibong ekonomista: “Lahat ng patakaran ng G-7,” ang alyansa ng mayayamang bansa sa mundo, “at ang lahat ng armas na ginagamit nito para ipatupad ang nauna, ay nagpapakita ng prospek ng kahirapan at kamatayan ng bilyun-bilyong tao sa buong mundo. Alam ito ng naghaharing mga uri ng kolektibong imperyalismo; hindi katanggap-tanggap ang anumang hinuha na sobrang bobo nila para hindi ito mapagtanto.”

Dagdag pa niya, “Hindi na kaya ng kapitalismo ngayon na magpaunlad ng mga programa para pakainin ang lumalaking populasyon ng mundo; kailangan nitong ilaan ang lahat ng puwersa nito para isustine ang artipisyal na pagkonsumo ng ng mga maykaya. Dahil wala itong maialok sa malawak na mayorya ng sangkatauhan… sinasabi ng kapitalismo sa bilyun-bilyong tao na wala kayong kuwenta.”

Kaya ng teknolohiya ng Wi-Fi na sumaklaw sa maraming tao. Pero pinipigilan ito ng kapitalismo. Pasensiya na sa matayog na hugot, pero wala nang ibang makakapagpaliwanag nito. Marami ang paraan ng kapitalismo para gawin ito, pero tampok ang pagrereprodyus ng mismong kawalan ng pagkakapantay-pantay na esensiyal sa kapitalismo, o imperyalismo na kasalukuyang yugto nito.

(3)

Sa harap ng ganitong mga kuwentong sci-fi tungkol sa mga krimeng Wi-Fi, magandang balikan ang minsang nasabi ni Randolf “Randy” David, propesor ng Sosyolohiya sa Unibersidad ng Pilipinas: “Sa panahon ng pandaigdigang kosmopolitanismo, nalalantad ang mga indibidwal sa nakakalulang dami ng pipiliing buhay at moda ng pagkatao. Nakakasalubong nila ito sa kanilang paglalakbay, sa telebisyon at mga pelikula, mga libro at magasin, at sa cyberspace.” [“The Filipino Diaspora: Identity in the Global Age,” 1997 sa Reflections on Sociology and Philippine Society, 2001.]

Nasabi niya ito sa konteksto ng pagsasabing hindi na awtomatiko ang identidad ng pagiging Pilipino sa mga kabataan ngayon. Maaaring sabihing masyadong makaisang-panig ang paggamit sa nabanggit na mga krimeng Wi-Fi para ibangga sa ganitong pangkalahatang pagsusuri. Pero iyon ang punto: Magagamit ang mga krimeng Wi-Fi para matingnan sa ibang perspektiba ang mga pahayag ni Prop. David.

Sa mga krimeng Wi-Fi, hindi ang paghubog sa mga tao ng mga identidad na iniaalok ng cyberspace o Internet ang tumatampok. Dito, ang makikita ay ang paggigiit ng totoong identidad – bagamat totoong minanupakturang identidad din – ng mga tao. Sa mga krimeng Wi-Fi, hindi “pandaigdigang kosmopolitanismo” ang makikita – na maipagpapalagay nang itinuturing na mabuti ni Prop. David. Dito, ang makikita ay ang madidilim na aspekto na patuloy na iniluluwal ng sistemang pang-ekonomiyang inaakalang nabihisan na ng “pandaigdigang kosmopolitanismo” – kahirapan at madidilim na pagnanasa ng mga tao.

07 Abril 2008

Categories: Kulturang Popular
Tagged: , , , ,

April 8, 2008 · Leave a Comment

“Siguro, nakapagtabi ako ng bakanteng lugar sa puso ko para dumating ka at punuan ang espasyong ito…” mula sa salin ng “Something New in My Life” ni Stephen Bishop. (Galing ang larawan sa biboyroyong.blogspot.com.)

Categories: Salin-Awit
Tagged: , ,

Bago sa Buhay Ko

April 8, 2008 · 3 Comments

Siguro, ginusto ko ng bago sa buhay ko
bagong susing akma sa bagong pinto
ang gumising at makakita ng tanawing bago
iyung matagal nang hinihintay ko.

Mga pangarap, tulad ng lahat mayroon din akong ilan.
Na magkakatotoo ito, walang nakaalam.
Nalaman ko noong hinaplos mo ako.
Hinaplos mo ako.

Para kang simoy na biglang umihip sa buhay ko –
bagong mukha, bagong ngiti, bagong awit.
At ngayon alam kong ginusto pala kita sa buhay ko
nitong buong panahon.

Siguro, nakapagtabi ako ng bakanteng lugar sa puso ko
para dumating ka at punuan ang espasyong ito
bago ko pa man nasabi sa iyong “Mahal kita.”
Mahal kita.

Anuman ang mangyari, totoo ito:
Dumating at umalis man ang lahat ng tagsibol,
anumang indak ang ginawa o ginagawa ko,
anupaman ang puwede kong gawin,
lagi kang bago sa buhay ko
mula ngayon.

Alam kong lagi ka nang narito sa buhay ko
mula ngayon.

Malayang salin ito ng kantang “Something New in My Life” ni Stephen Bishop, kompositor at mang-aawit na mas kilala sa “King and Queen of Hearts” – bagamat maganda rin ang “Old Songs” at “On and On.” Sa pagkakatanda ni Xavier, “Something…” ang unang bagong kanta sa radyo ni Martin Nieverra matapos nilang maghiwalay ni Pops Fernandez.

Hindi mahalaga sa kanya kung matulain ang orihinal na Ingles, at kahit marahil ang salin na ito – na parehong hindi matulain, kahit para sa aking walang alam sa tula. May mga mangingibig, katulad niya, na dumudulog kay Pablo Neruda; siya, dumudulog sa paborito niyang mga kanta. Kapag nakikinig ng radyong FM, wala siyang tigil sa kakaisip kung gaano ka-totoo sa buhay niya ang mga pinapatugtog.

Sa “Something…” mas gusto lang niyang damhin ang madamdaming pagkakakanta ni Bishop, at ang sinasabi ng bawat linya. Mahalaga ang Abril 3 sa kanya. “Making a virtue out of necessity” na ang moda niya ngayon, kumbaga. Kunwari, siya ang may gusto. Kunwari, ginusto na rin niya. Sa dulo, ginusto na nga rin niya.

Hindi naman kailangang tao ang kantahan. Hindi naman kasi siya ang may iba. Kapag naririnig niya ito, kapag kinakanta niya ito, iniisip niyang kinakantahan niya ang Kalayaan niya.

04 Abril 2008

Categories: Salin-Awit
Tagged: , ,