Kapirasong Kritika

May 9, 2008 · Leave a Comment

Bulok, burgis at bobo: Ganito ang pag-aargumento ni G. Dean Jorge Bocobo (nasa larawan) sa kanyang pag-atake sa mga komento ni Prop. Luis V. Teodoro hinggil sa pagba-blog. (Galing ang larawan sa flicker.com.)

Categories: Pagba-Blog
Tagged: , , ,

Luis in the Sky with Dean Bocobo

May 9, 2008 · 8 Comments

(1) Sa pagtuligsa ni G. Dean Jorge Bocobo sa mga pahayag ni Prop. Luis V. Teodoro hinggil sa pagba-blog, tumatampok ang ilang kakatwang salungatan – hindi lamang sa pagitan ng isang mas kampi sa mga blogger at isang mas kampi sa mga mamamahayag. Sa isyung ito, nagtutunggali ang maka-Kaliwang matatag na nagtataguyod sa mga panuntunan at pamantayan ng pamamahayag at ang maka-Kanang naghuhumiyaw sa pagrerebelde sa mga ito – ang malinis-tingnang taga-UP at ang maruming tingnang taga-… saan nga ba?

Magpokus muna tayo sa punto ng mga komento ni Prop. Teodoro. Dapat bang manaig ang mga panuntunan at pamantayan ng pamamahayag sa pagba-blog? Para sa akin, kung maglalahad ka ng datos, dapat tiyakin mong tama ang datos mo. Kung tutuligsa ka, dapat prinsipyado at hindi personal – at lalong hindi mapanirang puri. Pero kailangan bang laging kuhanin ang kabilang panig – gaya ng sabi, hindi ni Prop. Teodoro, kundi ni Prop. Chay Hofileña? Hindi naman. Iyun nga ang kalakasan ng pagba-blog: ang personal at may-kiling na pagtingin sa mga isyu. Mas pagpapahayag (expression) ito kaysa pamamahayag (journalism).

Sa isang sanaysay ni Prop. Teodoro sa libro niyang The Summer of Our Discontent [1990], tinuligsa niya ang kilalang mga manunulat na mahigpit na nagpapatangan sa mga panuntunan at pamantayan ng “malikhaing pagsulat” sa mga unibersidad. Sabi niya, para na rin nilang sinabing sila – silang mga manunulat na “propesyunal,” kung hindi man kanonisado – na lang talaga ang karapat-dapat magsulat ng mga tula, nobela, maikling kuwento, sanaysay. Ibig sabihin, hindi ubra ang mga magsasaka at manggagawa na sinisikap pagsulatin ng progresibong kilusan.

Sa paggigiit ni Prop. Hofileña na laging kuhanin ang kabilang panig sa pagba-blog, para na rin niyang sinabing ang mga mamamahayag sa midyang mainstream lang talaga ang karapat-dapat mag-blog. Mabubuwisit talaga ang mga blogger. Bukod sa hindi tinitingnan ng mga blogger – kasama na ako – na tungkuling kuhanin ang kabilang panig para maging “obhetibo” o “patas,” may dating pang mapangmaliit at mapanghawi (exclusionary) ang ganitong komento. Mabuti sana kung nasasabi na sa mainstream ang mga gustong sabihin ng mga blogger. Ako, halimbawa, hindi ko na ibina-blog ang nakikita kong naisulat na sa mainstream.


(Galing ang larawan sa fractalontology.wordpress.com)

(2) Ang problema sa mga sinabi ni Prop. Teodoro, gusto niyang gawing huwaran ng mga blogger ang mga mamamahayag – at sa gayo’y ang LAHAT ng mamamahayag. Kakatwang sinabi ito ni Prop. Teodoro, na nasa pinakamainam na posisyong sabihin ang punto ni G. Bocobo laban sa kanya: Na “batbat ng korupsiyon, di-etikal, di-propesyunal, mapanlinlang at itinutulak ng komersiyo” ang midyang mainstream. Parang nangangaral si G. Bocobo sa kapwa-obispo sa puntong ito. Pero marami talagang bulok na kamatis sa midyang mainstream – kaya hindi ubrang sabihing magiging huwaran silang lahat kung magba-blog.

Hindi ko rin maintindihan ang sinabi ni Prop. Teodoro na “Minsan, nagiging mapanira ito. Ginugulo nito ang demokratikong diyalogo.” Wala namang diyalogong tunay na demokratiko sa bansa natin. Demokratiko ito para sa imperyalismong US at naghaharing mga uri – na ipinapataw nila bilang diktadura sa sambayanan, sa tulong na rin ng mayorya sa midyang mainstream. Dahil napapahintulutan ng teknolohiya ng pagba-blog ang ilang tunay na maka-masang komentaryo, nagugulo talaga ang di-demokratikong monologo ng mga naghahari – na mainam din naman, bagamat limitado.

Maganda ring palamanan pa ni Prop. Teodoro ang sinabi niyang “iresponsable” ang karamihan sa laman ng mga blog, bagamat may ilan na rin akong kilalang ginamit ang blog para iresponsableng umatake sa mga taong puwede naman nilang kumprontahin – para hindi na lumabas pa sa blogosphere at mabasa ng iba – pero hindi makumpronta.

Maraming mali sa pagba-blog ni Brian Gorrell at kasuka-suka sa paga-upload ng video ng operasyon sa Vicente Sotto Memorial Center – pero hindi kasama sa mga maling ito ang pagsira sa “demokratikong diyalogo.” Hindi iyun ang tamang asunto laban sa kanila. Hindi sa gusto ko ang mga pangyayaring nailahad sa Internet sa dalawang kasong ito pero, sa tingin ko, mas nakabuti pa nga sa paglaban para sa demokrasya ang maingay na pagtugon sa mga ito ng iba’t ibang sektor, kasama na ang mga blogger. May mga binuksan silang mga usapin na mahalaga rin namang tumining sa kamalayan ng publiko.

(Galing ang larawan sa philippinerevolution.net.)

(3) Ang problema naman sa sagot ni G. Bocobo, kawangis nito ang komentaryo ni Prop. Teodoro: Kung ginawang huwaran ng huli ang lahat ng mamamahayag, ipinagtanggol naman ni G. Bocobo ang LAHAT ng blogger. Hindi ako sang-ayon na maipagtatanggol ang hindi maganda sa blogosphere sa paghahambing nito sa hindi maganda sa midyang mainstream. Away ng mga bata ang labas niyan: “Eh bakit ikaw…?” – na siya na ngang nangyari sa kagustuhan ni G. Bocobo na maliitin ang midyang mainstream.

Bagamat ibinukas ni Prop. Teodoro ang sarili sa ganitong atake dahil sa pagturing niyang huwaran ang lahat ng mamamahayag, hindi rin naman tamang maliitin ang mga punto niya dahil lang sa kabulukan ng midyang mainstream. Marami naman ang nakakaalam na “tinig sa ilang” si Prop. Teodoro sa midya – inirerespeto at pinupuri ng marami pero sinusunod sa aktuwal ng iilan lang. Siguro, ang iilang ito lang ang tinutukoy niyang dapat maging huwaran – na ubra naman, basta huwag igiit sa mga blogger na palaging kuhanin ang kabilang panig.

Pataasan ba ng ihi, pagalingan at patalsikan ng laway ang gusto natin? O pagpapaunlad sa nilalaman ng blogosphere? Kung ang una ang gusto natin, susundan natin ang ginawa ni G. Bocobo: manumbat, mang-asar, mambato ng putik. Kung ang ikalawa ang gusto natin, kuhanin natin ang butil ng katotohanan sa sinabi ni Prop. Teodoro at ipakita sa mga blog natin. Kung sa isang banda’y materyalista sa pilosopiya ang pagsusuri ni G. Bocobo – inilugar sa materyal na lokasyon ang mga punto ni Prop. Teodoro – materyalistiko din ito: Pakikipag-away para sa mambabasa at kapangyarihang simboliko.

(4) Kung pagtatanggol maging sa di-magandang mga bahagi ng blogosphere ang laman ng sanaysay ni G. Bocobo, pagtatanghal din sa mga bahaging ito ang porma niya. Tinawag niyang “professional CPP-NPA front man” si Prop. Teodoro. Tanong pa niya: “Hindi ba’t dating nage-edit at regular na nagko-kontribyut si Teodoro sa basahang propaganda ng CPP-NPA, ang Ang Bayan – iyang huwaran ng demokratikong diyalogo? Malay natin, ginagawa pa rin niya ito.” Pagbabansag o name-calling ang tawag sa una. Maruming pag-iimbento naman ng datos at pagpapasama sa mga maka-Kaliwa ang ikalawa.

May tatlong panglarawan sa ganitong estilo ng pakikipag-argumento: Bulok, burgis, at bobo. Bulok dahil naninindak, lumilikha lamang ng init, hindi ng liwanag. Burgis dahil indibidwalistikong paggigiit ng katumpakan ng sariling posisyon. At bobo dahil sumasakay sa estupidong propaganda at mga palagay na pinapalaganap ng imperyalismo at naghaharing mga uri sa bansa tungkol sa Kaliwa. Ang kakatwa, maliban sa maka-Kaliwang sumangkot sa debateng ito, walang pumuna kay G. Bocobo sa ganitong mga kalabisan. Okey lang ba ito sa mga blogger?

Hindi itinatago ni Prop. Teodoro ang pagkiling niya sa Kaliwa, at minsan pa nga niyang ipinagtanggol si Prop. Jose Ma. Sison, tagapangulo sa pagkakatatag ng Communist Party of the Philippines. Pero ang banggiting “propesyunal na front man ng CPP-NPA” si Prop. Teodoro – anuman ang ibig sabihin nito – ay paglalagay sa buhay niya sa panganib, gayung mahirap namang patunayang kaugnay siya sa Ang Bayan. Sa konteksto ng pagbanggit ni Prop. Teodoro ng “demokratikong diyalogo,” sumasakay ito sa bobo at mapanlinlang na mga palagay tungkol sa Kaliwa: Na anti-demokratiko o “totalitaryan” pa nga ito.


(Galing ang larawan sa fractalontology.wordpress.com)

(5) Kung paglalathala ng maraming magkakatunggaling pagsusuri, posisyon at panawagan ang pakahulugan ng “demokratikong diyalogo,” sigurado ngang hindi huwaran ang Ang Bayan. Eh ano naman? Hinihingi mo ba sa internal na pahayagan ng Makati Business Club o ng Armed Forces of the Philippines na lamanin ang pagsusuri kahit man lang ng makabayang historyador na si Renato Constantino?

May isa pang mayor na kaibahan ang internal na mga publikasyon ng MBC at AFP sa Ang Bayan: ang laman nila, laman din ng maraming midya sa bansa, lalo na ng mainstream. At kahit pa nga ng blogosphere – tingnan na lang ang mga blog ng sikat na mga blogger sa bansa, kasama na si G. Bocobo. Sa Ang Bayan na nga lang makakapaglathala ng sariling pagsusuri, posisyon at panawagan ang CPP-NPA, ipagkakait mo pa ba ito sa kanila?

Porke walang debate at magkakatunggaling nilalaman ang Ang Bayan, hindi ibig sabihing walang internal na “demokratikong diyalogo” na nagaganap sa CPP-NPA. May kakilala kayang miyembro ng CPP o NPA si G. Bocobo? Kung mayroon man, malalaman niyang napakalaking bahagi ng buhay ng mga ito ang balitaktakan, debate at tunggalian.

At hindi lang paramihan ng posisyon ang “demokratikong diyalogo.” Ang mas mahalaga, nagsusulong ang talakayan ng interes ng nakakaraming pinagsasamantalahan at inaapi sa lipunan. Kasama na rito ang pagbago sa bulok na sistemang nagpapahirap at nagsasamantala sa nakakarami – hindi ang pagreporma lamang dito at paggamot pa nga sa mga sakit nito, tulad ng gusto ni G. Bocobo.

10 Mayo 2008

Categories: Pagba-Blog
Tagged: , , ,