Monthly Archives: June 2008

Dalawang taon na ngayon noong dinukot ng mga militar sa Hagonoy, Bulacan sina Karen Empeño at Sherlyn Cadapan, mga aktibistang estudyante ng Unibersidad ng Pilipinas. Patuloy pa ring nakikipaglaban para sa pagpapalaya sa kanila – at sa bayan – ang kanilang mga kasama, kaibigan at kaanak. (Galing ang larawan sa daylife.com.)

Dalawang Taon nang Nawawala

Ngayong araw, dalawang taon nang nawawala sina Karen Empeño at Sherlyn Cadapan, mga aktibistang estudyante ng Unibersidad ng Pilipinas na nag-volunteer sa isang organisasyon ng mga magsasaka sa Bulacan at dinukot noong 2006 sa Hagonoy.

Para sa ating nagagawa ang mga gusto at kailangang gawin, napakabilis lang ng dalawang taon. Pero para siguro sa kanilang dalawa, napakabagal ng pagtakbo nito. Ang nakakalungkot, posibleng wala na silang malay ngayon sa pag-andar ng oras o panahon.

Dumalo ako kahapon sa “Kalayaan!” – porum ng mga organisasyon at alyansa para kina Karen at Sherlyn. Linawin natin: Hindi ito parangal, kundi pagpapatuloy ng pagkondena sa pagdukot sa dalawa ng militar, at ng pananawagang palayain na sila. Bukod sa mga tagapagsalita ng mga organisasyon at alyansa, naroon ang mga kasama, kaibigan at kaanak ng dalawa – tampok sina Nanay Concepcion at Erlinda.

Sa porum, tumimo sa akin ang magkakaibang pananaw – ng gobyerno sa isang banda at ng mga kasama, kaibigan at kaanak nina Karen at Sherlyn sa kabila – sa kung bakit ginawa ng dalawa ang ginawa nila: Tinalikuran ang relatibong komportableng pamumuhay para sumama sa buhay at paglaban ng mga magsasaka, tinahak ang landas na hindi sinusuong ng maraming katulad nilang nakatuntong sa kolehiyo.

Lumilitaw, sa sinabi ng mga nakakilala kina Karen at Sherlyn, na pareho silang mapagmahal sa kapwa – iyung nakikita at hindi nila nakikita sa araw-araw. Mapagkalinga sila sa mga nakatrabaho at mapagmalasakit sa mga mahihirap. Pareho rin silang matapat at matalas magsabi ng saloobin. “Nanenermon” si Karen kapag hindi maayos ang mga bagay; “naniningil” si Sherlyn kapag hindi nagagawa ang mga dapat.

Hindi man sinabi ng mga nakakilala sa dalawa, naniniwala akong mahalaga ang mga katangiang ito kung bakit naging aktibista – maalab na aktibista – ang dalawa. Hindi sapat, pero mainam na panimula sa pag-unawa sa lipunan at pagsisikap na mag-ambag na baguhin ito. Ginawa nila ang lohikal na kongklusyon ng kabutihan ng loob nila. Aral ito sa pagpapalaki ng anak – na sana’y mapulot ng marami.

(Galing ang painting ni Jasper Johns sa globalgallery.com.)

Sa kabilang banda, sa presentasyon nina Antonio Tinio, tagapangulo ng Alliance of Concerned Teachers, at Ruth Cervantes, public information officer ng Karapatan, makikita ang pag-unawa ng gobyerno kung bakit nagkaroon ng Karen, Sherlyn at di na rin mabilang na katulad nila. Tila mga “prenteng organisasyon,” “mapanlinlang na propaganda,” at “tusong pagrerekrut” ang paliwanag ng gobyerno.

Kaya naman ang tugon ng gobyerno: Takutin ang publiko, ang mga hindi aktibista, na huwag sumali at magpadala. Kaalinsabay nito, dahasin – ligaligin, patayin, dukutin – ang mga aktibista. Ang miyembro ng publiko na noong una’y pinag-iingat at iniingatan pa nga raw, kapag naging aktibista, makakalasap ng dahas. Lumilitaw ang larawan ng isang gobyernong nanggigiyera sa mismong mga mamamayan nito.

Hindi tumutugma ang paliwanag na lumilitaw sa mga sinabi ng mga kaibigan at kaanak nina Karen at Sherlyn sa paliwanag ng gobyerno. Patunay ito ng hindi pagkakaunawaan, ng batayang pagkakaiba, at ng pagpapatuloy ng salungatan.

Ang gusto ng gobyerno: Manatili ang mga tao sa kani-kanilang lugar, makiisa sa balangkas ng pag-unlad na matagal nang ipinapangako, sumunod sa mga programa’t patakarang lalo pa ngang nagpapasahol sa lagay ng karaniwang tao.

Ang gusto nina Karen, Sherlyn, at ng mga katulad nila: Tunay na pagbabago at pag-unlad na nakakamit sa aktuwal na pagkilos ng mga tao, at pagluluklok ng mga programa’t patakarang direktang papakinabangan ng karaniwang tao.

Dalawang taon matapos dukutin sina Karen at Sherlyn, nagbabanta ng panibagong bugso ng pampulitikang pamamaslang at pagdukot ang gobyerno. Dalawang taon matapos silang mawala, patuloy na lumalaban ang mga kasama, kaibigan at kaanak nila – nagpaparangal sa kabutihan nila at namamanatang itutuloy ang laban nila.

Labanan ito ng mahina at malakas – sa ngayon. Pero hindi maiiwasang tingnan ito na labanan, higit sa lahat, ng mabuti at masama.

26 Hunyo 2008

Sa mga estudyante at kabataang kongkreto ang paggagap sa kawalan ng kalayaan ng bansa, at lalo na sa pagdami nila, masasabi mong may pag-asa pa ang bansa. (Tampok sa larawan si Vencer Crisostomo, pambansang tagapangulo ng League of Filipino Students.)

Pag-asa ng Bayan

 

 

Huli ko mang nakita, natuwa ako sa mga larawang ito na ipinadala sa email ko:

 

 

 

 

Mga estudyante’t kabataang nagprotesta noong Hunyo 12 sa Embahada ng US. Araw iyon ng huwad na kalayaan, at iyon ang gusto nilang sabihin at iparinig. Sa ika-110 taong pagdiriwang, kailangan pa rin nilang ipaalala ang mensaheng ito.

 

Nagpakita sila ng militansiya, ng pagiging palaban, ng kawalang-takot, hindi man sila maraming-marami. “Gusto nilang pumunta sa US Embassy,” sabi ng opisyal ng pulisya, “kaya kinailangan namin silang harangan.” At hinarangan nga sila.

 

Mula sa tanaw ng kawalang-alam at kawalang-pakialam, ng pagkukumahog para mabuhay at pag-iilusyong masarap ang buhay – na ipinapataw at ipinang-aakit ng lipunan sa estudyante’t kabataang tulad nila – matayog ang mensahe nila.

 

Layon ng pandarahas na paatrasin sila, buwagin ang hanay nila, isantabi ang protesta nila. Pero hinahatak din sila nito mula sa matayog tungo sa kongkreto – kasing-kongkreto ng katawan. Magpoprotesta ka pa ba kung masasaktan ka pa?

 

Malinaw ang sagot nila. “Matayog” man ang ipinaglalaban nila, ginagagap na nila ito nang kongkreto: Hindi ba’t kawalan ng kalayaan ng bansa ang puno’t dulo ng krisis ngayon sa bigas, pagkain, langis, kuryente, edukasyon, at kung anu-ano?

 

Hindi sila magpapapigil sa dahas. Hindi nila sinusukuan ang bayang ito, nilaspag at binaliw man ng mga dayuhan at mga tauhan nito. Nananalig pa rin sila sa mga Pilipino – na hindi lang nagdurusa, kundi nagbabalikwas din kapag sagad na.

 

Sa kanila at mga tulad nila, sa pagdami nila, may pag-asa pa ang  bayang ito.

 

 

19 Hunyo 2008

Sintomas ng lalim ng pampulitika at pang-ekonomiyang krisis ang propagandang ito ng rehimeng Arroyo, gayundin ang pangkalahatang maniobra nito sa atensiyon at opinyong publiko. (Galing ang larawan sa filipinovoices.com.)

Ramdam ang Kaunlaran?

“Progress” affects few. Only revolution can affect many.
– Alice Walker

Nagkalat ngayon sa Kamaynilaan – hindi ko lang alam kung maging sa mga probinsiya – ang naglalakihan at naghuhumiyaw na mga tarpaulin ng gobyerno na may larawan ni Pang. Gloria Macapagal-Arroyo, nakangiti, at may islogang “Ramdam ang Kaunlaran.” Hindi mo kailangang maging iskuwater sa estero para masabing hindi totoo iyan. Para itong pagsasabing “Mahina na ang NPA.” Kung totoo, bakit kailangan pang sabihin? Pero maraming sinasabi ang tarp hinggil sa mga taktika ng rehimeng Arroyo at sa pang-ekonomiyang krisis sa bansa. 

(A)

Posibleng naisip ng mga tagagawa ng taktika’t propaganda ng rehimen ang paglalabas ng ganitong prop noong simula ng taon. Posible ring ngayon lang.

(1) Pagdating sa pagkapit-tuko sa puwesto, malayong tumanaw ang rehimen. Kaya posibleng naplanong ilabas ang ganitong prop noong simula pa lang ng taon. Kung tutuusin, wala naman talaga ni babala ang gobyerno noong bungad ng taon na kaliwa’t kanang magpuputukan ang mga krisis sa yugtong ito ng 2008. Hibang na hibang ito noon sa pagyayabang sa “kaunlaran” ng ekonomiya. Patunay ang ganito na napakalabo ng pagtanaw nito sa hinaharap pagdating sa kabuhayan ng masa at posibleng nagulat din ito sa pagputok ng matinding krisis.

Kung tutuusin, iba ang pinagkakaabalahan ng rehimen bago pumutok ang krisis, partikular ng bigas. Iniluluto nito noon ang (a) Charter Change, sa bagong palusot ng pederalismo at sa tulong maging ng mga senador na oposisyunista, (b) pagbaba ng hatol – na malamang ay “guilty” – sa mga sundalong Magdalo na kalahok sa pag-aalsang Oakwood noong 2004, at (c) muling panggigipit sa mga kongresista ng progresibong mga party-list gamit ang gawa-gawang mga kaso. Sa atmospera nga naman ng “kaunlaran,” mas madaling ilusot ang mga ito.

(2) Pagdating sa pagkapit-tuko sa puwesto, halang ang kaluluwa ng rehimen. Kaya posibleng naplanong ilabas ang ganitong prop nito mismong pumutok ang krisis sa ekonomiya. Sa pinakamabait na pagbibigay-kahulugan, pagpapakita ito ng optimismo ng rehimen na makakabangon sa krisis ang bansa: “Wow! Ang lakas ng fighting spirit! Baka naman hindi matindi o magtatagal ang krisis.” Puwede ring panghatak ito sa optimismo ng mga tao: “Baka naman, sa kabila ng krisis, umuunlad talaga ako, o ang iba. Bakit kaya nasabi ito ng gobyerno?”

Anu’t anuman, malinaw na alam ng rehimen na hindi totoo ang sinasabi ng tarp. Pinakahuling patunay ang paghingi ni Pang. Arroyo ng kapangyarihang pang-emergency sa Kongreso para krisis sa enerhiya at pagkain. Alam nitong lintek ang instabilidad ng sistemang pang-ekonomiya at naghahanda ito, hindi para lutasin ang krisis, kundi para labanan ang paglakas ng protesta sa pagtindi ng kahirapan. Malamang, iniisip nitong mailulusot ang ganitong panlilinlang dahil wala pang malakas na protesta at pagkilos ng mga mamamayan kaugnay nito.

(Galing ang magandang larawan sa glennmichael.deviantart.com.)

(B)

Dahil nanganganib at patuloy pang manganganib ang buhay ng rehimen sa pagtindi ng krisis sa ekonomiya, kailangan nitong magmaniobra sa opinyong publiko. Sa isang pagtingin, sintomas ang ganitong pagtugon ng disposisyon ng rehimeng huwag gumawa ng mga hakbanging magbibigay ng tunay na ginhawa, kahit pansamantala, sa mga mamamayan – pagtanggal sa VAT, “pagtimpi sa pagkaganid” ng mga kartel at korporasyon, paliitin ang pambayad-utang, atbp.

Tampok na halimbawa ng ganitong maniobra – paglilihis ng atensiyon ng midya at publiko, sa partikular – ang ginagawa ng rehimen ngayon sa Meralco. Siyempre, marami talagang dapat silipin sa pagtubong-nilugaw ng Meralco sa pinaghirapang kita ng mga mamamayan. Pero marami pang puwedeng gawin ang rehimen para magbigay ng kagyat na ginhawa sa mga tao. At ang hindi paggawa ng rehimen sa mga bagay na ito ay patunay na iba ang motibo nito.

Anu’t anuman, alam mong nasa delikadong posisyon ang isang rehimen kapag nakasandig na nang malaki ang buhay nito sa atensiyon at opinyong publiko. Malaki ang magagawa ng kritikal na midya at malakas na kontra-propaganda ng mga puwersang oposisyunista para sirain at baligtarin ang propaganda ng rehimen. At dahil alam ng mga mamamayan sa kanilang sikmura ang totoo, bukas ang mga kaisipan, na puwedeng magpagalaw nang kakaiba sa katawan.

Sa isang banda, masasabing nagamay na ng rehimen ang pagharap sa mga krisis pampulitika – pagsuhol o pagbili sa mga kalaban, sagutan sa propaganda, paggamit sa militar, pulisya at mga korte, atbp. Maipagpapalagay na kumahog ito ngayon para gamayin ang pagharap sa pang-ekonomiyang krisis na walang kaparis sa huling kasaysayan. Kahit ang pagsisikap ng rehimeng pagtakpan ang krisis sa pulitika noon, natulungan ng pangako nitong umuunlad ang ekonomiya.

Patuloy ang sistema at rehimen sa pagpapalabas at pagpapalakas sa diskuntento at galit ng mga mamamayan. Sa ngayon, ayaw pa ng rehimeng Arroyo na gumawa ng mga hakbanging papawi sa diskuntento at galit, kaya paglihis at pagpapakalat ng puntirya ng huli sa ibang direksiyon ang ginagawa ng rehimen. Makapagbigay man ito ng pansamantalang ginhawa, hindi pa rin mawawala ang diskuntento at galit, at nakaambang lumusob at sumalpok dito.

Sa mga e-group, may balita sa Bansalan, Davao del Sur, tungkol sa mga taong pumila nang maaga para makabili sa “Bigasan ng Bayan” ng gobyerno. Hindi nakapag-almusal ang karamihan sa kanila, at nabuwisit sila noong inanunsiyong alas-2:00 pa ng hapon magbubukas ang tindahan. Binato ng isang lalaki ang imahen ni Gng. Arroyo sa isang tarp, na pagkatapos ay pinilit haltakin at tanggalin ng mga tao. Sa dulo, nagmartsa sila patungo sa opisina ng meyor ng bayan.

Ang pamagat ng mensaheng e-mail: Senyales ng panahon (signs of the times).

10 Hunyo 2008  

Follow

Get every new post delivered to your Inbox.

Join 117 other followers