“Egoy” ang pabalbal na tawag ng mga Pinoy sa mga Aprikano-Amerikano. Mga jeproks yata ang nagpauso – sa kung anong dahilang rasista, katunog ito ng “unggoy.” Ilang taon pagkatapos, may hinala akong mas paborable na ang pagtingin ng mga Pinoy sa mga Egoy, salamat sa paglaganap ng kulturang popular nila at sa husay nila sa isports. Nitong huli, naririnig ko na rin ang “Egay” – madalas, kaugnay ng magaling na kalahok sa Pinoy Dream Academy.
Hindi ako nakapanood ng kakatapos lang na konsyerto ni Alicia Keys, di tulad ng iba diyan. Kainggit.
(1)
Noong 1991 ako unang nakapanood ng Music Television, o MTV. May kung anong kinalikot sa telebisyon ang pinsan kong mahilig magbutingting ng everything at hayun! Lumabas ang sikat na estasyon.
Sikat noon ang mga sabi-sabi tungkol sa “Satanismo” sa musika – backmasking at pag-aalay ng dugo at dalaga at kung anu-ano pa. May isang nakapagsabing nagpapalaganap ng Satanismo ang MTV, kaya hindi ko ito pinanood agad. Itinabi ko ito kung paanong itinabi muna ng isang kakilala ang bagong-tuklas na koleksyon ng pornograpikong materyal ng tatay niya.
Noong minsan, nangahas ako. At ano ang napanood ko? Ang video ng “Give It Away” ng Red Hot Chilli Peppers. Kung napanood mo na ito, mahuhulaan mo ang epekto nito sa mapaghinalang mapamahiing tulad ko noon.
Sa madaling salita, nagtagal pa bago ako nahilig sa MTV. Ang hudyat? Nakapanood ako ng video ni Whitney Houston. Doon lang medyo napawi ang takot kong Satanista nga ang estasyong paborito ng marami noon at ngayon.
Ngayon, iniiisip kong mahalagang pansining si Whitney Houston ang nakatanggal ng takot ko sa “Satanismo” ng MTV. Maraming problemang pangkultura ng mga Negro ang lumalabas sa kulturang popular nila: bastos na pagtingin sa kababaihan at bakla, gangsterismo at karahasan, paggamit ng droga, petisismo sa ginto, at iba pa. Iyun ngang video ni Whitney Houston na napanood ko, awit ng kerida: “A few stolen moments…”
Pero wala silang Satanismo – isang ka-cheap-an na mas inuugnay sa mga Puti.

(2)
Sa matagal na panonood ko ng MTV, bihira akong nakakita ng mensaheng tahas na progresibo o nagpapakita ng progresibong mga organisasyon.
Kaya noong isa sa unang mga taon ng dekadang 2000, hindi ko na maalala kung alin, natuwa ako noong nakita ko sa MTV ang video ng kantang “Freedom,” bahagi raw ng soundtrack ng pelikulang Panthers – tungkol sa Black Panther Party for Self-Defense, bantog na rebolusyunaryong organisasyon ng mga Negro noong dekada ’60. Nagpapahayag ng paniniwala sa sosyalismo ang mga lider nito, bagamat mas nakilala ito sa pagsusulong ng nasyunalismo ng mga Itim.
Hindi ko pa napapanood ang pelikula, at bihirang ipakita ng MTV ang video kahit noong bagong labas ito. Kaya nitong nagkaroon ng YouTube, tuwang-tuwa ako. Isa ito sa mga unang hinahap ko. Ilang ulit ko na itong napapanood ngayon.
Nakakatuwa ito. Salit-salitang kumakanta ang sikat at di-sikat na mga babaing mang-aawit na Aprikano-Amerikano – ala, syempre pa, “We are the World” ng USA for Africa noong bata pa ako – ng isang kantang hinango sa kilusan para sa mga karapatang sibil noong dekada ’60 at may tatak ng mga kantang gospel, sinisingitan ng mga imahen ng militansya galing sa pelikula. Sabi ng isang kakilala, “Okey ah. Parang nasa simbahan lang.”
Sa tambalan ng salita at imahen ng video, mararamdaman ang pagmamalaki ng mga Aprikano-Amerikano sa lahi nila at sa kasaysayan ng pakikibaka nila noong dekada ’60 at ’70, pati na ang pagkakaisa nila. Nag-uumapaw sa diwang palaban ang video, na nanunuot din sa mga nakakapanood – o siguro’y mas tamang sabihing “sa mga nakakapanood na bukas ang isip.”
Hindi ko alam kung taos sa puso ng mga kumanta ang inaawit nila at ang buong proyekto, pero nagpakita sila ng militansya ng taong buo ang loob na ang tamang gawin noong panahong iyon ay ang kumanta at itaas ang kamao nang buong pagmamalaki.
(3)
Maraming magkakabanggang salaysay sa kung paano nasira ang Kilusang Black Panther – na sa pagkakaalam ko’y kumuha rin ng inspirasyon sa pagkilos ng sambayanang Tsino noong panahong iyon laban sa imperyalismong Amerikano – sa paglaban para sa tinawag nitong “Paglaya ng mga Itim (Black Liberation).” Pero sa pagitan ng pagsusuring sinira ito ng internal na mga hidwaan at ng pagsusuring winasak ito ng sustenidong operasyon ng militar ng US sa tulak ng mga maka-Kanan sa gobyerno, mas pinapaniwalaan ko ang ikalawa.
Panahon ito ng lantad at brutal na diskriminasyon, pagsupil at pagsalakay sa mga Aprikano-Amerikano, lalo na sa kilusan nila para sa mga karapatang sibil. Sinikap ng Kilusang Black Panther na isabuhay ang layuning binigyang-tinig ni Malcolm X: ang ipagtanggol ang kanyang kapwa-Negro laban sa pananalakay “sa anumang paraang kailangan (by any means necessary).” Ibig sabihin: “Mapayapa kung posible, marahas kung kailangan (peaceful if possible, violent if necessary).”
Noon, marami ang nagulat sa “ekstremismo” ng pahayag na ito ni Malcolm X, at ginamit ito laban sa kanya. Pero sa totoo lang, mas mahusay na isinabuhay ng mga maka-Kanan sa gobyerno at militar ng US ang ganitong prinsipyo sa pagharap sa isang lahi at kilusang ang ipinapaglaban lamang ay mga karapatang sibil. Pinagpapatay ng mga maka-Kanang ito ang mga lider ng mga Negro: tampok si Martin Luther King, Jr., na nagsulong ng mapayapang paggigiit, hindi ng armadong pagkilos, pero isinunod din si Malcolm X. (Alay kay Dr. King ang kantang “In the Name of Love” ng U2.)

(4)
Malinaw na kontra-rasismo pa rin ang diwa ng kalakhan ng titik ng kanta, dahil ekstremistang feminismo ang bagsak kung laban ito sa seksismo. Pero kakatwang sa ilang paraan – tanging mga babae ang isinama sa proyekto at ganito ang tema ng bahaging rap ng kanta – ikinanal din ang awit sa direksyon ng paggigiit ng mga karapatan ng kababaihan, sa balangkas ng pagpupugay sa Kilusang Black Panther.
Sa isang banda, itinulak ng Kilusang Black Panther ang paglakas ng sentimyento ng kababaihan – lalo na ng kababaihang Negro – na palayain ang sarili hindi lamang sa rasismo, kundi maging sa seksismo at kontra-babaing kalakaran sa lipunan maging sa loob ng nasabing kilusan.
“Ang tanging posisyong laan sa kababaihan sa [Student Nonviolent Coordinating Committee] ay nakatuwad (The only position for women in the SNCC is prone),” bantog na nasabi ni Stokely Carmichael, isa sa mga naging lider ng mga Panther. Tumampok ang hatian ng trabahong nakabatay sa sekswalidad: ang kababaihan ay para sa pambahay at pang-opisinang suporta sa tunay na gawain ng kilusan, hindi rin pinapahintulutang humawak ng posisyon sa pamunuan.
“Hah! Sabi ko na nga ba! Nirereprodyus din ng mga kilusang ‘mapagpalaya’ na iyan sa loob nila ang mga pang-aapi at pagsasamantalang tinutuligsa nila sa lipunan!” Para sa mga taong mapapabulalas ng ganito, mahalagang igiit na nasa kamalayan ng mga progresibo ang maging mapagbantay rito. Mulat nilang binabaka ang ganitong tunguhin.
Ang pag-iral sa isang panahon ng seksismo sa Kilusang Black Panther at ang pagsalungat at pagtunggali rito ng kababaihan sa loob nito ay maipapaliwanag din ni Mao Zedong – siyang nagsabing natural na naipapasok sa mga kilusang mapagpalaya ang bulok na mga kagawian ng lipunan at kailangan ang tuluy-tuloy na pakikitunggali, kahit sa loob nito, sa gayong mga kabulukan, nang hindi nalilihis ang diin sa pangunahing laban.
(5)
Anu’t anuman, natuwa ako sa pagpupugay na ito ng kababaihang Negro sa isang kilusang bagamat biktima ng sariling panahon sa pagiging seksista ay nagtaguyod ng maka-lahi at maka-uring paglaya.
Inilabas ng mga mang-aawit ang kanilang talento, bagamat malamang na alam nilang nilang isinusugal nila sa proyekto ang career ng bawat isa. Pwede silang mabansagang mapanghati o ekstremista – na masama sa kulturang pampulitika ng US. Kaya rin siguro sama-sama silang tumaya rito. Walang iwanan, kumbaga.
Nakakatuwang narito si Queen Latifah, magaling na rapper, mang-aawit at komedyana. Noong minsan, tinanong siya ni Ellen Degeneres sa palabas ng huli kung anong krimen ang gusto niyang gawin. “Tax evasion” ang sagot niya. Palakpakan ang mga tao. Paliwanag niya, kandakuba siya sa pagtatrabaho pagkatapos hindi naman sa mga serbisyong panlipunan – lalo na para sa mahihirap at Itim – napupunta ang kinikita niya.
Nakakatuwang narito si Vanessa Williams at iba pang relatibong mas maputi ang balat sa mga kapwa-Negro. Nitong huli, sabi ni Ne-Yo, “hanep sa puti (white as hell)” ang balat ng kapwa-Negrong mang-aawit na si Chris Brown. Sabi nga ni Oprah Winfrey, nakakainis na itim lang silang lahat sa paningin ng mga tagalabas, gayung mayroon silang internal na mga isyu hinggil sa pagiging mas maputi ng ilan sa iba.
Nakakatuwang narito ang sikat na mga mang-aawit na may natatanging boses: Aaliyah (kuntodo leather cap at leather jacket, ala Black Panther), Mary J. Blige, N’Dea Davenport ng Brand New Heavies, Karyn White (Kumanta ng “I’m not your superwoman…”) En Vogue, TLC, at SWV (kay Coco ang matinis na boses sa simula: “Weee will not bow down…”). Kahit paano’y pambawi ang paglahok nila rito sa maraming personal na kanta nilang iba ang direksyon.
Marami kasi sa kanila ang may sariling kantang yumayakap at nagpapatatag sa kaayusang kapitalista-patriyarkal – na pinagmumukha pa ngang pagbibigay-kapangyarihan sa kababaihan. Tampok na porma nito ang tinukoy ni bell hooks, Aprikano-Amerikanong feminista, na “kapangyarihan ng ari ng babae (pussy power)”: Itinuturing na “premyo o regalo” ang pakikipagtalik ng babae sa isang lalaki. Sikat na halimbawa nitong huli si Khia: “My neck, my back…”
Wala rito ang Destiny’s Child, dahil hindi pa sila sumisikat noong ginawa ito. Sa isang banda, tampok ding halimbawa ang mga kanta nila Beyonce Knowles ng “pussy power” (“Can you pay the bills? Can you pay my automobiles? I don’t think you do, so you and me are through.”) Hindi rin inabutan ng kanta at video ang kasikatan ni Alicia Keys – na sayang, dahil maraming indikasyong tunay na progresibo ang pulitika niya.

(6)
Pinag-uusapan na rin lang ang isang kantang may titik na “Freedom for my body,” sa panahong tinatalakay sa bansa ang karapatan sa kalusugang pangreproduksyon ng kababaihan, naalala ko si Barbara Ehrenreich, sosyalista-feministang puti, pero nakikiisa sa mga Itim. Mas sulong ang debateng sinangkutan niya, na tungkol sa aborsyon.
May isinulat siya kontra sa mga tumututol sa aborsyon dahil, diumano, buhay na ang fetus sa sinapupunan sa isang panahon. Sabi niya, hindi malinaw na masasagot ng agham at kahit ng kababaihan ang tanong na ito. Sa halip, aniya, ang tanong na kailangang sagutin ay ito: “Kailan pag-aarian ng kababaihan ang kontrol sa katawan nila?”
08 Agosto 2008
Sa pagsisimula ng Olympics, tiyak na mapag-uusapan ang Tibet. Tingnan ang magkahawig na pagsusuri nina Prop. Jose Ma. Sison at Slavoj Zizek.