Hapi anib sa Ibon!
Nabasa ko sa e-group na nagdiriwang ngayon ng ika-30 anibersaryo ang Ibon Foundation, kilalang “think-tank” na nagbubuo at nagpapalaganap ng makabayang mga pagsusuri at paninindigan sa ekonomiya ng bansa at daigdig.
Para sa mga hindi taga-Ibon, baka masyadong masaya – at kung gayo’y madaya – ang “nagdiriwang” dahil hindi naman ito hawig sa kung paanong “nagdiriwang” ng kaarawan ang isang artista, halimbawa. Pero nagdiriwang ang Ibon nang tapat sa pagiging Ibon nito: sa paglulunsad ng mga forum na bukas sa publiko, hinggil sa mahahalagang usapin sa ekonomiya ng bansa.
(1)
Maswerte ako: Nakapagbasa ako ng mga publikasyon ng Ibon noong nasa elementarya at hayskul pa lang, noong nabubuo pa lang siguro ang kaisipan.
Malaking tulong ang Ate ko, na required bumili at magbasa ng Ibon Ekonokomiks at Ibon Facts and Figures noong nag-aaral pa siya sa isang pribadong paaralang Katoliko na eksklusibo sa mga babae. Hindi siya interesadong basahin ang dalawa, bukod sa hindi siya interesadong magbasa sa pangkalahatan. Nakabasa rin ako nito sa aklatang pampubliko na malapit sa bahay namin.

(2)
Laki ako sa komiks. Dangkal-dangkal daw nito ang ginamit ng tatay kong panligaw – kahit nasaan ang diin ng pagbasa, ayos lang – sa nanay ko. May kamag-anak kami noong nagtatrabaho sa kompanyang tagalathala ng komiks, kaya laging bumabaha ng Pilipino, Hiwaga, Happy (paborito: “Mister, Ayan na si Misis!”) at iba pa sa bahay.
Ang alala ko, komiks ang una kong sinubukang basahin, matapos matuto ng Abakada. Pero hindi ordinaryong komiks, isang tungkol sa Edsa People Power 1. Kahit hirap ako noon sa “ang” at “mga,” natandaan kong mahahaba ang sinasabi ng mga karakter, tipong talumpati ni Cory Aquino – hindi mahusay ang pagkakagawa, sa madaling salita. Madaya: gusto mong magbasa ng komiks, tapos mga talumpati pala.
Parang ekstensyon din ng komiks ang uso noong “teks” – at wala itong kinalaman sa mga cell phone – o iyung maliliit na karton na may nakalarawang eksena ng mga pelikula, inilalaban nang may pamato at taya, at binibilang nang “i-sa, da-lawa, tat-lo…” Nasa mga teks noon ang pelikula ni Rudy Fernandez tungkol kay Victor Corpuz.
Sa ganitong konteksto ko inuunawa kung bakit naging patok sa akin ng Ekonokomiks at Facts and Figures.

(3)
Komiks talaga ang Ekonokomiks, maganda ang pagkakagawa. Madalas, maiikli ang sinasabi ng mga karakter, at kahit ang mga datos na inilalahad. Nakakaaliw ang pagkaka-drowing, pang-komiks na kakaiba talaga. Simple ang takbo ng mga kwento, pero ubra na.
Natatandaan ko ang isang kwento, tungkol sa pagkasira ng kalikasan. Sa di-malayong hinaharap, nag-uusap ang lolo at apo niya sa isang barung-barong na pinapaligiran ng kulay-itim na ilog at hangin. Naka-gas mask sila. Sabi ng lolo, inubos kasi ang mga puno kaya nagkaganito ang kapaligiran. Iyung apo niya, hindi alam ang itsura ng puno, dahil naubos na at di niya inabutan. Ipinalarawan niya sa lolo ang puno. Mali ang nabuo sa isip niya: parang tabla na berdeng plastik ang mga dahon.
Nakatatak pa sa isip ko ang isang nakakatakot na imahen ng pagkasira ng mundo – parang pinagsamang bungo at globo – hindi ko na matandaan kung dahil sa pagkasira ng kalikasan o pagsabog ng mga bombang nukleyar ng mga superpower na US at Rusya noon. Malamang ang huli, dahil dito ko rin nalamang mga ipis lang ang matitirang buhay kapag naganap ito.
Di ko pa nalilimutan ang dalawang maliit na frame na naglalarawan ng panganib na dulot sa Pilipinas ng mga base-militar ng US. Ang isa, drowing ng mapa ng mundo, may ilang missile sa mga bansang kalaban ng US na nakatutok lahat sa Pilipinas. Ang punto: Nagiging kalaban natin ang mga kalaban ng US dahil sa presensya ng mga base-militar sa bansa.
Iyung isa, sa isang opisina sa loob ng base-militar, parang control center ng mga kagamitang pandigma. Nakahanay sa mesa ang mga button na pinipindot para ikasa at paliparin ang mga missile. Nakadikit ang mesa sa bintanang salamin, tanaw ang isang missile na umuusok na ang pwet at handa nang lumipad. Sa gilid ng mesa, nakatulog ang isang Kanong opisyal-militar, nakapangalumbaba. Aksidenteng napindot o na-“klik” ng siko niya ang isang button. Ang punto: dahil sa mga base-militar, bulnerable tayo sa mga aksidenteng kaugnay ng mga armas-pandigma.
Mahabang ilarawan sa salita, pero simpleng ilarawan sa komiks. Nagiging simplistiko, oo, pero nasa diwa ng pagpapatawa – na pinapayagan at hinihikayat pa nga ng komiks bilang isang porma.

(4)
Direktang paliwanag, tipong praymer, naman ang Facts and Figures. Napakagaan ng publikasyong ito, pero presentable naman para talakayin ang hinaharap ng bansa. Simple ang pagkakasulat: maiikling salita, pangungusap at mismong artikulo. Gumagamit ng iba’t ibang paraan para ilahad ang datos. Magaan sa mata ang latag ng pahina, mayroon pang mga drowing na tipong galing sa… komiks!
Wala pa yata akong 13 taong gulang noong nagsimula akong makibasa kay Ate, pero naunawaan ko ang mga sinabi, sa pagkakatanda ko – kalakhan, tungkol sa pangangailangang gumitna ng gobyerno sa ekonomiya pabor sa nakakarami. Nakumbinsi ako, sa pagkakaalala ko. May mga terminong aakalain mong hindi mo maiintindihan at hahadlang sa pagbasa mo, pero agad ding malinaw na maipapaliwanag.
Mula komiks, nangahas akong magbasa ng Ekonokomiks at ng Facts and Figures. Ang alala ko, pagkatapos, nagbasa na rin ako ng ibang sulatin tungkol sa mga paksa ng huli – isang artikulo tungkol kay Robert McNamara ng World Bank ang naaalala ko. Sabi ng pilosopong Pranses na si Alain Badiou, kung mahihirapang intindihin ng matatanda ang isusulat mo, isulat mo para sa mga bata. Sa Facts and Figures, at maging sa Ekonokomiks, nagsulat ang Ibon para sa mga bata. Salamat at naliwanagan ako, at siguro’y ang iba pa!
Kung di ako nagkakamali, sa Facts and Figures ko unang natutunan ang “utang panlabas,” “depisito,” “monopolyo,” “eksport-import” at iba pa konseptong baon ko pa rin ngayon. Dito ko unang naunawaan ang papel ng US, ng IMF at World Bank sa ekonomiya ng bansa, at ang ilan pang mahalagang bagay. Paano mo pasasalamatan ang nagturo sa iyo ng mga bagay na ito noong bata ka pa? Mga bagay na hindi naituro sa iyo ng mga magulang at guro mo, dahil na rin sa misedukasyon? Sapat na bang sabihing “Maraming salamat”? Kahit hindi, sasabihin ko pa rin. Maraming salamat, Ibon!
(5)
Naaalala ko pa ang mga ebidensya – “ebidensiya,” sabi ni Boy Abunda – ng impluwensya sa akin ng pagbabasa ng Ekonokomiks at Facts and Figures… ng maraming salik siguro, pero tampok ang pagbabasa ng dalawa.
Pagpasok ko ng hayskul, maiinit na pinag-uusapan ang mga base-militar ng US sa bansa, dahil pagbobotohan na ng Senado ang tratadong magpapalawig sa pananatili ng mga ito. Nagdedebate ang mga estudyante sa loob at labas ng klasrum. Syempre, tutol ako. Galing sa Ekonokomiks – at sa mahusay na si Nathanael Santiago, tagapangulo ng League of Filipino Students na laging nasa telebisyon noon – ang mga batayan ko.
Nasabi ko pa yatang “Malay natin, baka may mga missile sa mga bansang kalaban ng US na nakatutok sa Pilipinas dahil sa mga base na iyan!” Pero nasabi ko naman yata ang dapat sabihin: Na nadadamay tayo sa mga tunggaliang kinakasangkutan ng US, na maraming bansang kagalit.
Sa Kasaysayan at Ekonomiks, kritikal ako sa US. Noong pinag-report kami tungkol kay Karl Marx sa Ekonomiks, nagbasa ako nang todo. Syempre, Encyclopedia Brittanica lang ang binasa ko, hindi Das Kapital. Humanay ang kritika ni Marx sa kapitalismo katabi ng pangkalahatang pagpapakita ng Ekonokomiks at Facts and Figures na may matinding problema ang sistema ng ekonomiya ng bansa. Kung di ako nagkakamali, at di naman sa pagyayabang, pinakamataas ang grado ko sa buong batch sa report.
Nasang-ayunan ang laman ng dalawang publikasyon noong ikaapat na taon ko sa hayskul. Tinalakay namin sa klase – English, hindi Araling Panlipunan – ang artikulo ng isang Merlin M. Magallona tungkol sa mga korporasyong transnasyunal. Laman ang sanaysay ng teksbuk ng hayskul kong pampubliko. Sa panahong ito na yata ako nagpasyang magiging aktibista ako pagtuntong ng kolehiyo.

(6)
Sabi ni Fredric Jameson, Amerikanong teoristang Marxista, hindi layunin ng mga sanaysay niyang tinipon sa isang libro na “hikayatin ang kanilang mambabasa sa Marxismo.” Aniya, “nagmumula naman ang paninindigang ideolohikal sa mga daluyan at sitwasyong mas malalim kaysa sa panghihikayat na diskursibo at retorikal.”
Pero, aniya, “sinisikap nilang itanghal ang pagiging kaakit-akit ng isang pananaw-sa-daigdig – na nag-iisa, sa tingin ko – kung saan ang iba’t ibang dimensyon at kapanahunan na minsa’y krudo nating tinatawag na pulitikal, kasaysayan ng mga porma, daynamismo ng pagnanasa, teksturang maka-uri ng lipunan, orihinalidad ng aksyon, matagalang mga ritmo ng kasaysayan ng tao ay di-mo-akalaing sabay-sabay na umiiral.” Syempre, Marxismo ang tinutukoy niya.
Sa Ekonokomiks at Facts and Figures, hindi tahas na nanghihikayat ang Ibon, lalo’t hindi na sa paraang “diskursibo at retorikal.” Hindi rin nito pangunahing itinatanghal ang “pagiging kaaakit-akit” ng isang pananaw-sa-daigdig tulad ng inaambisyon ni Jameson. Hindi nakakabawas sa kahusayan ng dalawang publikasyon na sabihing hindi nila pangunahing ginawa ang mga tungkuling ito, bagamat tiyak namang nakapag-ambag sila rito.

(7)
Ano kung gayon ang ginampanan ng Ibon sa Ekonokomiks at Facts and Figures?
Sa dalawang publikasyong ito, at sa iba pa siguro, tumukoy ang Ibon ng mga suliranin – ng bansa at daigdig, malaki at di gaanong malaki, lantad at di-lantad. Suliranin sila dahil sumasagasa sila sa interes ni Juan dela Cruz – hindi lang ni Juan Obrero, maging ng panggitnang saray ng lipunan. Pagkatapos, ipinakita ng Ibon ang mga ugat at epekto ng mga suliranin. Pambata rin ang paraan ng pagsusuri: Parang batang tanong nang tanong, nagpapalalim.
At ginawa ang lahat ng ito sa isang pormang bukod-tangi – kaswal na estilo ng pagsusulat (na halos-pakikipag-usap na), piling-piling mga datos, malikhaing imahinasyon (“haraya” ang tawag ng mga makasining), at katatawanang kengkoy, iyung wholesome, ng mga Pinoy.
Tulad sa marami pang bagay, mahalaga rito ang estilo o porma. Sa kaso ng Ekonokomiks at Facts and Figures, patunay siguro ito ng magkasamang pag-unawa at pananalig ng Ibon sa Pinoy. Pag-unawa – na masyado nang pagod sa pagtatrabaho o aburido sa paghahanap ng pera o salat pa nga sa kaalaman ang Pinoy kaya kailangang paliwanagan sa paraang mahinahon at magaan. Pananalig – na kaya niyang unawain ang mga suliranin ng bansa at mundo, kahit pang-ekonomiya pa ang mga ito o napakateknikal sa unang tingin.
Mahalaga sa pagbabagong panlipunan ang pag-unawa at pananalig na ito. Nakabatay ito sa aral ng kasaysayan at potensyal ng kinabukasan – na mula sa isang antas ng pag-unawa ng mga mamamayan, magagagap nila ang nakaraan at kasalukuyan para baguhin at hubugin ang hinaharap. Kaya nilang baguhin at hubugin ang hinaharap dahil, mula sa kasalukuyang antas ng pag-unawa nila, kaya nilang maunawaan ang nakaraan at kasalukuyan. Kaya nila.
09 Oktubre 2008
May kolum na si Vencer Crisostomo sa Pinoy Weekly.org! Narito ang unang labas ng Radical Pinoy. May bago na naman tayong bibisitahin kapag may Internet.
Marami na’ng naantig at napaluha sa “Minsan, Eraserheads” ni Kenneth Roland A. Guda, punong patnugot ng Pinoy Weekly, tungkol sa paboritong banda ng kanyang henerasyon. Kanya? Basahin din ninyo.
Maganda ang mga tula ni Edel E. Garcellano tungkol sa walang-kahihiyang pagpapalaya ng gobyernong Arroyo kay Claudio Teehankee, Jr., pumatay kay Maureen Hultman. Nasa dulo ng entri niyang “The Worst of Times.”
Para sa mga interesado sa progresibong pagsusuri kay Sarah Palin, narito ang ilang sanaysay: Kay Jacques-Alain Miller (sikoanalitikal), kay Joann Wypijewski (militanteng feminista), kay Kdotdammit (simpleng paliwanag ng isang liberal na ina), at ito at ito pa kay Steve Shaviro.
Sa mga sinasabi ni Barack Obama nitong huli, lumalabas na mas mahusay lang siyang tagapagsalita ng imperyalismo. Kaya kawawa talaga ang mga tila kumakanta ng “Give me hope, Obama / Give me hope, Obama… / before the morning comes.”