Patayin sa Barya si Barbara

rebyu ng Barbara Ehrenreich, Nickel and Dimed: On (not) getting by in America. New York: Owl Books, 2002 [Unang nalathala noong 2001].

Sa mga sulatin ngayon hinggil sa pampinansyang krisis, mababasa natin na relatibong hupa ang mga taong 1998-2000 sa ekonomiya ng US – kahit rumaragasa pa rin ang Asian Financial Crisis na pumutok noong 1997. Patuloy pang lumalaki ang bula (bubble) ng industriyang DotCom sa panahong ito. Kaya naman sagana pa ang buladas ng gobyernong Kano tungkol sa walang-hanggang pag-unlad na itinutulak diumano ng “Bagong Ekonomiya” kaugnay ng Internet at mga kompyuter.

Kaalinsabay, todo ang yabang ng gobyernong Clinton sa pag-atake at pagbuwag sa tinatawag na “welfare,” o mga programa ng gobyerno para sa kapakanan ng mga mamamayan ng US. Kung magtatrabaho lang daw ang mga babaeng nabubuhay sa welfare – at pinasikat sa panahong ito ang tinawag nilang “welfare queen,” maralitang inang solong bumubuhay sa anak sa tulong ng welfare – makakaraos sila nang maayos.

Ito ang ginustong siyasatin ni Barbara Ehrenreich, Amerikanong manunulat na sosyalista at feminista. Kaya bang pagkasyahin ng mga tinatawag na “manggagawang walang kakayahan (unskilled workers)” o maralitang manggagawa ang kita nila sa pangangailangan ng pamilya? Kaya naman noong 1998-2000, itinago ni Ehrenreich ang pagkatao niya bilang kilala at kumikitang manunulat, at pumasok sa iba’t ibang trabahong pangmaralita, kadalasang “pambabae,” sa tatlong estado ng US. Sa libro niyang Nickel and Dimed: On (not) getting by in America, inilathala niya ang resulta ng pagsisiyasat – at masasabi bang “pakikiranas”? – niya.

Napakaganda ng librong ito! Sa dinami-dami ng mahuhusay na libro at sulatin ni Ehrenreich, dito talaga siya nakilala. Sa US, itinuturing na itong “modernong klasiko” – paano ba isasalin ang “modern classic”? – at ginawa na itong rekisitong babasahin sa ilang klase. Napakasimple ng pagkakasulat, napakabilis ng pagkakakwento, pero napaka-malaman. Parang nag-BMI, o basic masses integration, ang isang taong may palatawang topak ni Jessica Zafra at progresibong talas ni Carol Pagaduan-Araullo.

Isiningit ko lang sa libreng oras ko ang pagbabasa, pero naengganyo ako. Minsan, humahagikgik ako mag-isa – para umiyak ilang minuto pagkatapos. Mabuti’t hindi ko ginawa rito ang kagawian kong sulatan ang mga libro ko – salungguhitan ang mayor na mga pahayag at magkomento sa mga gilid – kundi’y pangit at butas na ang kopya ko. Ilang kaibigan ko na ang pinwersa kong magbasa ng nakakatawa’t nakakagising-ng-damdaming mga bahagi, pero sana’y mabasa ng lahat – ng lahat! – ang librong ito.

“McCrazy!” sabi ni Prop. Bomen Guillermo sa e-mail

Para sa entring tulad nito, napakahirap magpatampok ng iilang bahagi lang ng isang librong gusto mong ipabasa nang buo sa lahat. Nag-isip ako ng pormat na makakapagpadali at heto ang naisip ko, na hindi naman orihinal: Anu-ano ang mahihita ng isang tao kung babasahin niya ang Nickel and Dimed? Narito ang pitong (7) sagot at ilang halimbawang naaalala ko:

Una, paglalantad sa mga kompanyang pinasukan ni Ehrenreich. Bilang serbidora sa Florida, kinumpirma ni Ehrenreich ang matagal nang naririnig tungkol sa pagiging crew ng mga fastfood: bawal magpahinga kahit walang kustomer. Bilang tagalinis ng bahay sa Maine, ipinakita niyang ikinakalat lang ng mga ahensya ng paglilinis ang dumi at bakterya, hindi talaga nililinis. Bilang tindera sa Wal-Mart, ipinakita niya sa kongkreto na nakakabobo ang trabaho sa sikat na kompanyang Amerikano. Barya-baryang sahod, walang bayad na overtime, trabahong parang buong araw na pagdi-gym, at iba pa – itinala niyang lahat. Kongklusyon niya: Napakahirap mabuhay ng isang maralitang manggagawang Amerikano sa karaniwang sahod.

Ikalawa, sipat sa buhay ng maralitang manggagawa sa US. Ipinakita ni Ehrenreich na higit pa sa gastos sa pagkain, bayad sa renta ng bahay ang lumalaking sakit sa ulo at bulsa ng mga manggagawang Kano – na hindi pa noon kinikilala ng panukat ng kahirapan. Pipili ang manggagawa: mahal na renta sa bahay o mahal na gastos sa transportasyon – dahil mahal ang renta sa mga bahay na malapit sa mga negosyong nagseserbisyo sa mayayaman. Noon pa man, nanirahan na si Ehrenreich sa trailer truck habang naghahanap ng trabaho – patotoo sa sinabi ni Prop. Edberto M. Villegas tungkol sa “trailer America.” Merkado, ayon kay Ehrenreich, ang ugat: Nagkukumpetisyon ang mahihirap at mayayaman sa mga bahay na nagpataas sa presyo nito.

“Kung hindi…” Panawagan sa isang rali sa Wall Street

Ikatlo, grabeng katatawanan. Sira-ulo si Ehrenreich, kumpirmado. Parang wala siyang kahirap-hirap magsingit ng biro o pakwela sa isang librong seryoso ang paksa. Matapos talakayin halimbawa ang tatlong klase ng tae sa kubeta na kailangang alisin ng naglilinis, sabi niya “Hindi ko alam kung ano’ng nangyayari sa nakakataas na uri sa Amerika, pero parang nalalagas ang mga bulbol nila sa isang bilis na nakakaalarma.” Nakakita raw siya ng mga bulbol kahit sa lababo! Tantya niya, batay sa karanasan niya ng paglilinis sa mga bahay nila, panot na sa baba ang mga elite ng US. Hindi ganito ka-jologs ang ibang patawa, pero mapapangiti kayo sa minimum.

Ikaapat, mga kwento ng pagkakaisa at militansya ng mga manggagawa. Sa karanasan ni Ehrenreich, nagiging pahirap sa mga kapwa-manggagawa ang pagiging grabeng bibo ng isa o ilan, kaya kailangang gumawa nang may parehong ritmo. Porma ng pagtuturo, higit sa lahat, ang pagtatamad-tamaran ng mga dapat sanang nagturo o nag-tutor sa kanya sa trabaho, dahil kapag nagpakitang-gilas ka, lalo ka lang pipigain ng pagsasamantala. Kahit ang sama-samang paninigarilyo ng mga manggagawa, nabigyang-dangal: Porma raw ito ng pagkakaisa at posibleng lagusan ng rebeldeng kaisipan. Pinakamadrama na yatang bahagi ng libro ang pagpigil ni Ehrenreich sa isang kapwa-tagalinis na magtrabaho, pero hindi siya nagtagumpay…

Ikalima, mga manipestasyon ng kakatwang personalidad ni Ehrenreich. Hindi niya ikinakahiya na tumitira siya ng marijuana. Naaalala ko, may isinulat na nga siya na nagtatanggol dito, kesyo hindi masama sa kalusugan at iba pa. Mas gugustuhin daw niyang mahilig sa “bud” ang anak niya kaysa sa “Bud” o Budweiser. Ramdam na ramdam mo ang banas niya sa mga eksameng pangkalusugan para sa mga aplikante: Ang LSD daw, na mas mapaminsala sa katawan, ilang araw lang tumatagal sa dugo; ang marijuana, na wala daw masamang epekto, ilang linggo. “Hippie” yata ang porma ng rebelyon niya dati, na hindi sinasang-ayunan ng mga rebolusyunaryo sa Pinas.

Ikaanim, mga pangangaral hinggil sa kung anu-ano. Minsan, naburyong si Ehrenreich at dumalo sa isang prayer rally. “Maganda sana kung may babasa sa mga tagapakinig na itong may malulungkot na mata ng Pangangaral sa Bundok, nang may nag-aalab na komentaryo sa di-pantay na kita at pangangailangang itaas ang minimum na sahod. Pero lumilitaw lang si Hesus dito bilang bangkay; di kailanman binanggit ang taong buhay, ang manginginom na lagalag at matalinong sosyalista, o ang kahit anong sinabi niya. Naghahari si Kristong nakapako (Christ crucified rules).” Lagi daw pinapatampok ng Kristiyanismo ang pagkapako ni Kristo, nang minamaliit ang pangangaral Niya.

Ikapito, pangkalahatang pagsusuri sa karanasan ng mga manggagawang Kano. Mahusay si Ehrenreich dito. Bakit daw laging may libreng kung anu-ano ang mga kompanya para sa manggagawa? Dahil mas madaling tanggalin ang mga benepisyong ito sa panahon ng kagipitan kung ikukumpara sa permanenteng pagtaas ng sahod. Ginagawa raw ng mga manggagawa ang trabaho nila nang mahusay, kadalasang panggulo o panira lang ang mga manedyer. Wala raw talagang “unskilled work” dahil kailangan din ng husay at talino kahit sa mga trabahong pinasok niya.

Napakaganda ng katapusan; kongklusyon pa lang, sabi nga, ulam na. Ipinakita niyang kahit ayos siyang manggagawa, nahirapan siyang mabuhay nang maayos. Kakatwa ang mga obserbasyon niya: Iba raw, halimbawa, ang pumasok sa hanay ng iba nang tumatanaw rin mula sa baba, kumpara kung bilang “guest lecturer” sa kaso niya. Kinwenta niya ang buhay-manggagawa sa tatlong estado. Ipinakita niya ang mga pahirap sa paglipat ng trabaho ng manggagawa at lalo na sa pagtatayo ng unyon. Ipinaliwanag niya kung bakit dapat makadama ng pagkahiya – shame! – ang mga mambabasa niya, at ipinahayag ang pananalig niyang magkakaroon ng pagbabago.

May paalala si Ehrenreich. Aniya, anuman ang mabasa sa libro niya, dapat isipin ng mga mambabasa na maswerte pa nga siya. Bakit? Dahil ginawa niya ang pagsisiyasat sa panahong sinasabi ng gobyerno at midya na maganda ang lagay ng ekonomiya ng Amerika.

Ngayon, sa pagputok ng krisis, kumusta na kaya?


Siya na nga: Si Barbara Ehrenreich

*****

Sa isang panayam, sabi ni Ehrenreich kaugnay ng libro niya, “Maraming magandang mababasa na maganda ang pagkakasulat. Ang kaunti lang ay iyung napakahalagang sasabihin.”

Parang totoo rin ito sa Pilipinas. Maraming manunulat, mamamahayag, komentarista at maging nagba-blog sa bansa. May mga kurso, sentro at palihan pa ng malikhaing pagsulat at pamamahayag.

Bagamat maaaring marami-rami na ring makabuluhang sulating iniluwal ng mga ito, kapansin-pansin ang kakulangan ng malalim at makabuluhang sulatin tungkol, halimbawa, sa mga manggagawa ng bansa.

Ayon sa isang pananaliksik ni Paul L. Quintos, progresibong ekonomista at direktor-ehekutibo ng Ecumenical Institute for Labor Education and Research, halimbawa, may 1.5 Milyong idinedeklarang manggagawa ang mga special economic zones o engklabo sa bansa, at mas malamang na mas mababa ang bilang na ito sa aktwal na nagtatrabaho sa mga ito.

Sa libro niya, inireklamo ni Ehrenreich ang pagkawala – pagiging desaperacido? – ng mga manggagawa sa midya ng US. Aniya, “Daan-daang maliliit na bagay ang nagagawa, nang mahusay at paulit-ulit kada araw, nang tila walang gumagawa sa kanila.” Dagdag pa niya, “Madaling makita ng mahirap ang mayayaman – sa telebisyon, halimbawa, o sa mga pabalat ng mga magasin. Pero bihirang makita ng mayayaman ang mahihirap…”

Pinakain na ng pagpag at pinalusong na sa imburnal ng Kapamilya ang mga reporter nito, at kung anu-ano nang eksotikong pagkain at praktika ang iniulat ni Jessica Soho sa Kapuso. Matagal-tagal na rin akong sumusubaybay sa Philippine Daily Inquirer. Pero nasaan ang mga ulat tungkol sa mga manggagawang Pinoy, sa mga engklabong ito?

Masasabi bang sa kawalan ng mga ulat tungkol sa manggagawang Pinoy – bilang manggagawa at hindi bilang konsyumer o kriminal – malinaw na makikita sa midyang mainstream ang tunggalian ng mga uri?

Barbara Ehrenreich naman tayo diyan!


26 Oktubre 2008

Inaresto nitong nakaraang mga araw si Atty. Remigio Saladero, Jr., abogadong maka-manggagawa at kolumnista ng Pinoy Weekly. Narito ang background sa pangyayari. Mabilis ang mga pagkondena, pero dapat tayong magwala – sa lansangan!

Sa mga migranteng nagbabasa: Ipakita ang pagbasura kay Gloria at sa Global Forum on Migration and Development o GFMD! Huwag magpadala ng remitans sa Oktubre 29 at suportahan ang panawagang no remittance day! Gloria Forces Migrants to Death! Gloria Forces Migration for Debt!

May naisulat din si Prop. Sarah Jane S. Raymundo kaugnay ng isang punto sa libro ni Ehrenreich – at maganda ang sagot ng propesor sa kwento niya.

Umamin, sa wakas, si Alan Greenspan – dating tagapangulo ng Federal Reserve ng US at sa ilang panahon ay pinaniwalaang taong pinakamaalam sa ekonomiya ng US – na nagkamali siya sa pagtitiwala sa malayang pamilihan kaugnay pa rin ng krisis.

Maka-Kaliwa ba si Barak Obama? “Hindi ah,” sabi ni Jodi Dean, at tama siya.

Sa Filipino Voices Online, may nagyayabang na iraratsada “nila” ang charter change sa Nobyembre para makapanatili si Gng. Arroyo sa pwesto. Baka hambog na KSP lang, pero magandang maging mapagbantay.

Tingnan ninyo itong website tungkol kay Sarah Palin bilang pangulo ng US! Nakakatawa. Hehe.

About these ads
Post a comment or leave a trackback: Trackback URL.

Comments

  • Contras  On October 27, 2008 at 3:32 am

    Nasa kanan kasi ang gitna ng amerika. kaya ang progressive taxation sa kanila, o income redistributon, marxismo/sosyalismo na. pag nakarinig ng sosyalismo, wala na, nagsasara na ang tenga at utak, bumubula na ang bibig. ang left sa kanila, welfare, pro-stem cell research, pro-choice/abortion, gay marriage, anti-war?, regulated gun ownership, green energy… left is liberal. roosevelt. (at least now, when they seem to be veering back to fdr) it’s funny how impoverished their notion of socialism is. parang si michael moore na ang pinaka-kaliwa nila. capitalism is in their skin. the free market, free enterprise, the value of hard work, wokring one’s ass off till it pays, till you strike it rich, clawing your way up, it’s the american story, the american identity. they’re so incredibly averse even to simple redistribution. they write it off not even on account of it’s say unfeasibility for instance like if it were subjected to rational academic scrutiny, but on account of it’s being ‘un-american’. ang inamin lang naman ni greenspan ay mali ang kanyang markets-now-best model, hindi mali ang kapitalismo. hindi lang naman kanya ang model na yan. its perhaps the ‘model’ of every american. it’s not a model it;s their habitus. it’s what holds their world together; take it away and it will crumble. they’re the land of the free: free labor. it’s going to be weird when a blackman becomes president. it';s easy to trash a palin or a bush, white rural creationists, pero barack? it’s going be wierd. barack obama no. 1 terrorist? sounds like a chant in a republican rally.

  • tanglad  On October 27, 2008 at 3:45 am

    Maganda ang response ng mga estudyante ko sa “Nickel and Dimed”. Lower-income students ang karamihan, 1st-generation college students, at matapos ang initial na comments — “It’s like I wasn’t reading a book at all, cause I enjoyed it so much and it’s so true!” — mahusay na paraan ang librong ito para sa mas malalim na mga diskusyon ng sociological concepts. I wonder kung ano ang reception sa Nickel and Dimed ng mga college kids sa atin, since iba ang demographic ng mga kolehiyo tulad ng UP (Ang galing nila!)

    It’s also worth noting that during the time period that Barbara E. did the research (1998 to 2000), the US was in relative prosperity. Record GDP nga noong 1998. And yet, people in arguably the wealthiest country in the world who were working two, three jobs and were still in the “working poor” category. And worse, people still buy that Horatio Alger crap. Kahit hanggang ngayon, greed daw ang problema at hindi ang sistema. Ideological state apparatus at work!

    Tapos (huli na), how galling is it that certain labor is deemed “unskilled” just because it’s relegated to marginalized populations?! Kung gawing requirement sa mga college students and gumawa ng peasant work or magtrabaho sa Cavite EPZ, I wonder if people would still be so quick to make that skilled/unskilled distinction.

  • kapirasongkritika  On October 27, 2008 at 12:12 pm

    Salamat sa mga komento!

    @Contras: Dahil nga sa crisis at elections sa US, mas nagiging pamilyar na ako sa mga bagay-bagay na sinabi mo, na liberal sa kanila ang left. Ngayon ko nga lang din naiintindihan ang ibig talaga nilang sabihin kapag sinabi nilang “anti-American.” Hehe. Weird no?

    True, financial markets lang pala ang tinutukoy ni Greenspan. At earth-shaking na iyung umamin siya nang ganoon para sa kanila. Sabi nila, kakaiba talaga ang kapit ng kapitalismo sa mga mamamayan ng US dahil sa partikularidad ng pag-usbong nito sa kanila — na inaaral ko pa lang din.

    @Tanglad: Ayan po, mga kaibigan, may bagong inamin si Tanglad: Noong una, na dati siyag taga-UP; ngayon naman, na nagtuturo na siya sa US. Ano pa ba, Tanglad? Hehe. True, ang gaang lang ng pagkakasulat. Siguro, maiintindihan din ng mga estudyante rito, tapos posibleng radical chic ang dating. Hehe.

    Sa Inquirer ganoon din — greed ang ugat ng krisis. Parang harmless nga ang katawagang “unskilled labor” kaya nakakagulat ang pagwasak ni Barbara (feeling close!) sa mga assumption nito.

  • kapirasongkritika  On October 27, 2008 at 12:23 pm

    Pahabol! Contras, negatron ka na naman sa mga Amerikano. Hehe.

  • tanglad  On October 27, 2008 at 5:18 pm

    Heh, na-excite kasi akong makita si Barbara (feeling close din!) sa blog mo, kaya tuloy-tuloy akong nag-type. Iilan lang ang white feminists tulad ni Barbara na totoong ally sa third world women at women of color. Dala rin siguro ng pagiging sosyalista niya. Hindi tulad ng sosyalismo (daw) ni Barack Obama, who doesn’t even support marriage equality, universal healthcare, or open borders.

    Natawa ako sa thought na magkapareho ang analysis ng Inquirer at ni Sarah Palin. Inquirer editorial writers should be proud of themselves.

    Contras, nagulat pa rin ako sa pag-portray ng “spread the wealth” as un-American. About protesting Obama, naalala ko ang sinabi ng ilang aktibista na ngayo’s Obama supporter by default. Nangangampanya sila para kay Barack hanggang eleksyon, pero kinabukasan, nasa kalye ulit sila (“to make him do what he must do”).

  • kapirasongkritika  On October 27, 2008 at 5:44 pm

    YM na ito! Hehe. Mabilis ang sagot ko ngayon, pero matutulog na ako pagkatapos. Hehe. Naku, sino kaya si Tanglad sa totoong buhay? Hehe.

    True, nakakatuwa si Barbara. Dati kasi, parang si bell hooks lang ang masarap dramahan bilang “kasama at kapatid (sister) sa pakikibaka.” May pagka-mataray at basagulera kasi si Barbara. Pero ngayon, naiisip ko, ubra din pala. Hehe.

    Naku, iyan na ang pinakamataray na banat sa Inquirer. Nagkomento rin ako sa blog na ito sa editoryal na iyun. Hehe.

    Parang napasadahan ko nga iyan sa Internet, na ang huling atake ni McCain ay ang paggamit ni Obama ng salitang “redistribution” a few years back. Babaw talaga. Ganoon nila talaga tinitingnan ang karaniwang mga Kano.

    Pressure politics pa rin talaga siguro dapat, ano? Kay Obama? Pero dapat siguro walang ilusyon.

    Salamat ulit sa pagbisita!

  • Kalaw  On October 28, 2008 at 4:52 am

    Nagmumukhang malalim lang ang pagkapit ng kapitalismo sa nga Amerikano dahil conscious na winasak ang workers’ movement dito at pinalaganap ang propaganda ng naghaharing uri. Pero noong mga 1930’s, malawak ang kilusan nila, me malawakang working-class consciousness.

    Noong 19th century din, ang mga manggagawa ay may mga analysis na tulad ng mga Marxists maski na di pa nila nababasa si Marx, halimbawa, ang pagrenta ng sariling kakayanang-magtrabaho ay di kaiba sa slavery.

    Unti-unti at marahas na nawasak etong mga ito, sa pamamagitan ng propaganda, paniniktik at pagwasak sa mga organisasyon, hirap na buhay na dulot ng interbensyon at makaisang-panig na mga polisiya, at pagkuntsaba sa kanila, halimbawa sa pag-invest sa stock market at property market.

  • Contras  On October 28, 2008 at 6:59 am

    Exag nanaman lang siguro ako sa american aversion to redistribution. Sa isang clip ng isang Republican rally kung saan sinabi ni McCain ang “spread the wealth around” with his fingers making quotation marks, I swear the middle class crowd booed reluctantly. hindi naman sila siguro kumikita ng $250k/year. Tanglad, malaki na ba ang $250k? How huge is that by american standards? how far will 25ok take a person in terms of status? this is a great time to build or rebuild or re-energize social movements kahit saan sa mundo, kahit sa amerika. an angry, impoverished citizenry is fertile soil, lalu pa ngayon eleksyon nasa harapan ang mga isyu, everything is tossed up in the air for contention, i’m having a laclauian visual of a hegemonic free-for-all, at may krisis pa, the neoliberal or capitalist ideological mantle is ripping along the seams. i think it was the german finance minister who said soemthing like “you know some of marx’s ideas are not so bad after all.” i say, send in the marxist trojan horses! chaaarge! leftist teachers should exploit this climate. leftists in general.

    In an interview howard zinn says “in this situation, we are desperate for change. So even though Obama doesn’t represent any fundamental change, he creates an opening for the possibility of change. That’s why I’m voting for him; that’s why I suggest to people that they vote for him. But I also suggest that Obama will not fulfill that potential for change unless he is enveloped by a social movement which is angry enough, powerful enough, insistent enough that he fill his abstract phrases about change, fill them with some real, solid content.” obama is torn. he can’t win if he stays too ‘liberal’ as mccain accuses him of being so he has to move rightward to the center, or right of center. they say no democratic nominee has won without posing as a bipartisan moderate centrist. and then you have all these repuiblicans endorsing him, powell, scott mclellan. obama also poses as someone more in touch with 21st c. global political realities as opposed to mccain being basically a fossil of 20th c. hawkish cold war policy. i don’t know how that translates to america unilaterally demoting itself from it’s self-appointed police status (for a change in unilateralism naman diba). so go, american anti-war/peace and labor activists! surround obama!

  • tanglad  On October 28, 2008 at 5:07 pm

    Contras, soong 2007, ang median national household income was $50,000. Earning $250k puts a household in the top 1.5% of the US. This group is comprised mostly of white, white collar professionals, esp physicians. So in terms of both income (class) and status, $250k is pretty up there.

    I don’t think you’re exaggerating the aversion to redistribution, unfortunately. Bunga na rin ng culture of fear that the right wing exploits very well, especially when other forms of marginalization (race, immigration status) come into play. A lot of white, middle- and lower-middle class citizens who are hurting (and might be more amenable to distribution) are still quick to demonize brown immigrants or welfare queens, halimbawa. They’re afraid that distribution will benefit others, at their expense. Classic divide and conquer

  • Contras  On October 28, 2008 at 9:55 pm

    Okay Tanglad. So ang weird lang para sa akin na third worlder na yung middle class crowd sa mga mccain rallies ay nagbu-boo sa ‘redistribution’ at ‘spreading the wealth around’. hindi naman sila mukhang top 1.5% ng amerika.

  • kapirasongkritika  On October 30, 2008 at 4:49 am

    Naku, sorry at nahuli ang pasok ko. Hindi nakapagbukas agad. Hindi kasi maganda ang “(re)distribution” ng Internet supply sa Pilipinas. Joke lang! Hehe.

    So mukhang ang lumilitaw na konsensus ay mayroon talagang aversion ang mga Kano sa redistribution — at sa maraming progresibong bagay pa, tiyak — bagamat nakaugat ito sa historikal na mga pangyayari at salik.

    @Kalaw: Salamat sa pagpasok sa talakayan. Iyan nga rin ang nabasa ko. Natorete rin talaga ang gobyernong Amerikano noong 1930s sa pagkilos ng mga manggagawa.

    @Contras: So exag pala talaga ang reyalidad, hindi ikaw. Hehe. Maganda talaga ang pagkakataong magpaliwanag sa krisis ngayon, kahit dito sa Pilipinas. Sa tingin ko lang, sa halip na magdiin ang mga progresibo sa US sa pagboto kay Obama, mas may progressive pogi points sila kung makapagpropaganda sila, makapaglantad ng halalan at ng mga interes na nagpapatakbo nito.

    Nabasa ko nga sa Time Magazine kung paanong nahatak “pa-Kanan” si Clinton noong naging Republican ang Kongreso niya. Dapat mag-struggle na pwersahin si Obama na maging maka-mamamayan, pero alam mo rin naman ang strength ngayon ng progresibong kilusan sa US, so hindi ka magdidiin sa pagpwersa kay Obama — kundi sa pagmumulat sa mga tao.

    @Tanglad: Salamat sa paglilinaw mula sa US! Hehe. Malaki talaga ang hamon sa mga progresibo sa US. Sana’y masamantala nila ang pagkakataon.

  • bikolano  On October 31, 2008 at 10:35 am

    teo san po makakabili ng librong ito? kindy reply po ha. salamat.

  • kapirasongkritika  On November 1, 2008 at 12:06 pm

    Sige na nga, moment of truth na: Nabili ko ang kopya ko sa BookSale, P70 lang. Hehe. Noong huling daan ko, may kopya ulit, P110 na. Hehe. Halungkat na!

  • Contras  On November 1, 2008 at 10:21 pm

    The Socialist Party nominee appears in The Colbert Report. Funny.

    http://www.colbertnation.com/the-colbert-report-videos/189688/october-28-2008/socialist-candidate-for-president—brian-moore

  • flip  On November 3, 2008 at 7:05 am

    oi, alam mo ba, minsan naisip kong mag-apply sa isang factory ng mga biscuit at tsitsirya. parang napagtripan ko lang dahil sa dalawang bagay. una, ang layuning panliteratura. gusto ko kasing makasulat ng mga tula hinggil sa mga danas ng mga manggagawa, at para magawa ito ay kailangan ng sapat na karanasan. mainam na meron akong aktwal na danas para maiwasan ang errors at maging makatotohanan at maisusulat. pangalawa, medyo well paid (medyo lang, relatibong mas malaki ang sahod) kasi ang mga factory worker sa kumpanyang iyon.

    pero anak ng tokwat tipaklong, di ako tumuloy! natakot ako nang malamang may mga manggagawang napuputulan ng daliri doon, kapag aksidenteng kinain ng makina!

    kaya ayun, nagtrabaho nalang ako sa NGO na nagtatanggol sa karapatan ng mga maggagawa.

    sa tingin ko ay kakayanin ng pinoy ang tularan si barbara.

  • kapirasongkritika  On November 3, 2008 at 5:20 pm

    @Contras: Kung grim and determined ang mga miyembro ng Socialist Party ni G. Brian Moore, tiyak na sasabihin nilang ginawa lang pagkakataon ang presensya ng kandidato nila para itaas si Obama at ibaba si McCain. Then again, ano nga bang maaasahan mo sa US?

    @Flip: Hindi naman masama at hindi malayo ang iyong pinili. Pero maganda rin siguro talaga kung may mahuhusay na manunulat na makikipamuhay — at mag-oorganisa! — sa masa habang isinusulat ang buhay at pakikibaka nila. Sana magkaroon ka ng ganoong pagkakataon.

    Sa tingin ko, kaya talaga ng Pinoy. Gusto ko ngang ihabol na maraming sulatin sa Kaliwa na tungkol sa pakikipamuhay ng mga nagsulat sa masa: Iyung kay Levy Balgos dela Cruz tungkol sa mga NPA at magsasaka, kay Gelacio Guillermo at sa asukarera, kay Jun Cruz Reyes, at marami pang iba siguro. Pero may mga pagbabago sa buhay ng masa na maganda ring maiulat sa kanila at sa mga petiburgis na posible nilang kapanalig.

Trackbacks

  • [...] Nickel and Dimed [2001] ni Barbara Ehrenreich. Oo! Marami na ngayong kopya ng librong itong minsang nirebyu ko. Ilang beses na akong nakabili, pinakamura ang P20.00! Ipinamimigay ko sa mga kaibigan na parang [...]

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s

Follow

Get every new post delivered to your Inbox.

Join 146 other followers

%d bloggers like this: