Monthly Archives: December 2008

dulang-bayan-ni-renato-habulan

Tungkol sa kanila ang rebolusyon – sa mga manggagawa, magsasaka at iba pang maralita, sa mga Juan at Maria dela Cruz, hindi kay Jose Maria Sison. Kailan kaya masasapul ito ng mga kritiko ni Sison at ng rebolusyunaryong kilusan? Ialay natin sa masa ang susunod na taon, at ang mga susunod pa. Manigong bagong taon sa lahat!

Mahirap Lang Sila, Hindi Tanga*

Tuwing mapapag-usapan ang Communist Party of the Philippines at New People’s Army, tulad ngayong ika-40 anibersaryo ng nauna, tumatampok sa midyang mainstream, kahit sa mga umaastang “liberal,” si Jose Maria Sison.

Heto ang mga datos na inamin na ni Sison at di makukwestyon: Naging tagapangulo siya ng CPP noong itatag ito (1968) hanggang noong nadakip siya ng diktadurang Marcos (1977). Noong nagpasya ang CPP nitong dekada 90 na iwasto ang malalaking pagkakamaling nagawa ng “Kilusan” noong dekada 80, naging mahalaga ang papel niya. Punong pampulitikang konsultant siya ngayon ng National Democratic Front sa negosasyong pangkapayapaan sa gobyerno – paboritong hingan ng pagsusuri at mungkahi ng iba’t ibang progresibong grupo.

Pero mula rito, lumulundag ang midyang mainstream: Pinapalabas na siya pa rin ang tagapangulo ng Partido (na naglalagay ng buhay niya sa panganib), na para bang kanya ang CPP at ang rebolusyong isinusulong nito, at “nagpapasarap lang” siya sa The Netherlands (nakikipag-party lang sa kung kani-kanino).

ron-mueck-5

ron-mueck-3

Sa paglundag na ito nakabatay ang propaganda ng US, gobyerno at mga uring naghahari laban kay Sison at sa rebolusyunaryong kilusan – propagandang nilagom ng isang mainit-init pang komento sa isang blog: “Kaya nag-iinuman at nagpa-party sila habang namamatay para sa kanila ang mga kasama nila sa kabundukan? Tsk, tsk. Kailan ba talaga magigising ang mga komunistang ito?” (Isinulat ito ng isang blogger na mahilig bumanat kay Sison sa sariling blog at sa blog ng iba, sa blog ng isang blogger na may ganyan ding pampalipas-oras.)

Sa isang panayam [noong 1994, kasama sa libro niyang Interventions, 1998], sinabi ni Edel E. Garcellano, sa estilo niya ng pang-aasar: “Tinatanong mo ako kung Marxista ako? Hindi. Nabubuhay ako nang katulad ng isang taong mahirap pero hindi ibig sabihin ay Marxista na ako. Mayroong mga estupidong magsasabing maraming Marxista ang may kotse. Syempre, non-sequitur iyan. May sinasabing katulad na ideya si Felimon Lagman. Bakit si Sison nasa [The] Netherlands?”

Oo nga naman. Sa pahayag na ito, itinuturo ni Garcellano kung paanong itinuturing at ginagamit ang pagtahan ni Sison sa ibang bansa bilang sapat-sapat nang batayan para maliitin at pagmukhaing peke ang komitment ni Sison sa rebolusyon – at ang rebolusyon mismo, dahil pinapamunuan niya ito diumano. Madalas, ginagamit ang pagkakamaling ito sa lohika para hadlangan ang higit pang pag-iisip: Hindi na babasahin si Sison, hindi na uunawain ang rebolusyon. Na para bang hindi nananatiling matalas ang mga ambag niya sa pakikibaka.

ron-mueck-1

ron-mueck-9

Kakatwa ang paggamit ng ganitong “di-argumento (non-argument).” Hindi naman pupurihin ng mga nagsasabi nito si Mao Zedong, halimbawa, dahil nasa Long March siya at bihirang umalis sa Tsina. Ibig sabihin, hindi lang naman ang pagtahan sa ibang bansa ni Sison ang isyu nila laban sa kanya at sa Kilusan. Pero bakit paulit-ulit nilang sinasabi ito, bukod sa wala na silang ibang masabi?

Lalong mali ang palabasing namamatay ang mga rebolusyunaryo sa bansa para kay Sison. Kailan kaya maiintindihan ng mga komentarista na hindi tungkol kay Sison ang rebolusyon? Na tungkol ito sa mga taong minsa’y ipinagdurugo rin ng puso nila? Tungkol ito sa masang Pilipino – sa lubos-busabos na nakaraan at kasalukuyan nila, sa pagbabagong gusto nila at karapat-dapat sa kanila, at sa limitadong mga opsyon nila para makamit ang pagbabago batay sa mga aral ng kasaysayan. Tungkol ito kay Juan at Maria dela Cruz, hindi kay Jose Maria Sison.

Kahit sa hanay ng mga umalis sa Kilusan, marami ang nagsasabing sa organisasyon nila nakilala ang pinakamahusay, magiting at di-makasariling mga taong nakilala nila. Ito ba ang mga taong gugustuhing mamatay para kay Sison?

ron-mueck-8

ron-mueck-22

Kaya nga, sa tingin ko, may pagbalewala – pagmamataas, pagmamaliit, di-pagpansin – sa masa, kung hindi man sa kapwa sa pangkalahatan, na kaakibat ang ganyang mga pahayag. Iniisip ng mga nagsasabi nito na hindi masapul ng masa at ng marami ang “simpleng” puntong ito. O kaya iniisip nilang madaling yakapin ng masa at ng marami ang palsong pangangatwirang ito. Kaya nga kahit mali sa lohika, walang awat at buong giliw nilang inuulit-ulit-ulit ito.

Bukod pa diyan ang malinaw na kontra-masang pag-unawa nila sa masa. At hindi ba’t sentral sa ideolohiya at praktika ng pasismo ng neo-kolonyal na Estado ang pagbalewala sa masa? Tanga at mangmang kaya nauuto ng mga komunista. Mura ang buhay at maikli ang alaala kaya ayos lang maging damay-pinsala (collateral damage) sa mga operasyong militar. Makakaraos naman at tanggap naman ang lagay sa buhay – gumon pa nga sa mga bisyo at katamaran! – kaya sakto na lang sa kanila na patuloy na umiral ang kasalukuyang sistema.

Para sa mga komentaristang ito, hindi buhay na pwersa ang masa. Kaya nga nasasabi nilang pareho lang ang Kaliwa at ang rehimeng Arroyo at “nasa gitna” daw sila. Hindi tampok sa isip nila na sa buong kasaysayan ng Pilipinas, sa tuwing nagpapakita ng lakas ang masa sa pagkilos, kasama nito ang Kaliwa.

31 Disyembre 2008

ron-mueck-7

ron-mueck-4

*Halaw sa isang diyalogo sa Goin’ Bulilit.

Kondenahin ang terorismo ng Israel sa Gaza, Palestina! Kondenahin ang pagsuporta ng gobyernong US sa terorismo ng Israel! (Tandaang pati si Obama, matatag sa pagpapahayag ng suporta sa Israel kahit noong tumatakbo pa lang.)

Namatay nitong nakaraang linggo si Eartha Kitt, mahusay na Amerikanang aktres na kritiko ng gera ng US sa Vietnam, at si Harold Pinter, mahusay na Ingles na alagad ng teatro na kritiko ng mga gerang agresyon ng US.

Inilagay ni Jose F. Lacaba, makatang Pinoy, ang salin niya sa isa, dalawang napakagandang tula ni Bertolt Brecht, Marxistang Aleman.

Kasulatan ko ngayon si Karl Friedrich M. Castro. Nagpapagawa ako ng bagong header. Gusto ko kasi ng bago para sa bagong taon, at sa una’t kalahating taon ng blog na ito. Gusto ko pa rin ang unang header, na ginawa ni Chrysalin Ann “Tarik” Garcia. Kaya lang, magandang maiba naman. Hehe.

Manigong bagong taon sa lahat! Ang New Year’s Resolution ko para sa blog na ito? Paikliin ang mga entri. Asa pa! Hehe. Inaasam ko, at sana kayo rin, na ibayong lalakas sa susunod na taon, at sa mga susunod pa, ang pakikibaka ng sambayanan – sa Pilipinas at sa buong mundo – para sa pagbabago.

boy-dominguez

Nawa’y pag-alabin ng Paskong ito, at ng mga susunod pa, ang pag-asam at pagkilos natin para sa isang bagong Pasko para sa ating mga Pilipino – Paskong kasama ng pagsilang ng isang bayang malaya at may pagkakapantay-pantay. Maligayang Pasko!  

Krisis Krismas

Tuwing sasapit ang Kapaskuhan, marami ang naghahanap ng “Kahulugan ng Pasko,” sanaysay na naisulat ko noong 2005 at isa sa pinakamabentang entri sa blog na ito, salamat sa Google. 

 

 

MGA KANTANG PAMPASKO, OPM

 

Bakit kaya, liban sa “Christmas In Our Hearts” (ni Jose Mari Chan at kaduweto), malulungkot nang lahat ang pinakasikat sa kontemporaryong mga kantang OPM na pampasko? Lahat, tungkol sa pagkakawalay sa mahal sa buhay.

 

Tinutukoy ko ang “Miss Kita Kung Christmas” (Sharon Cuneta noong bago siya nagmodang Angela Bofill sa pagkanta), “Sana Ngayong Pasko” (Ariel Rivera – at hindi si Jed Madela tulad ng sabi sa Singing Bee noong isang gabi), “Christmas Won’t be the Same Without You” (Martin Nievera na todo-birit) at, syempre, “Pasko Na, Sinta Ko” (Gary Valenciano noong wala pang rayuma ang boses niya). (Dapat bang isama ang “Merry Christmas from the UMD”? Hindi siguro!)

 

Natural siguro na sa panahong ipinagdiriwang ang pagsasama-sama ng pamilya at mga nagmamahalan, tatampok din ang pagkakalayu-layo ng mga ito – na ikinakalungkot naman. Lumang mga kantang pang-karoling ang daluyan ng una, habang kontemporaryong mga kantang OPM ang tila daluyan ng ikalawa.

 

Anu’t anuman, bukod sa nakikita rito ang diumano’y pagiging romantiko ng mga Pinoy – at puno ang popular na mga estasyon sa radyo ng mga kantang pinaghahaluan ng pighati at pag-asa – tiyak na dinadama na ng marami ang mga kantang ito kaugnay ng pangingibang-bayan ng napakarami nating kababayan. Idinidiin nito ang isa sa masasaklap na katotohanan hinggil sa sistema sa bansa: Na para mabuhay mo ang mga mahal mo sa buhay, kailangan mong lumayo.

 

john-lennon_1

 

At hindi ba, sa isang banda, parang ibang bansa rin ang pinupuntahan ng maraming Pinoy sa mga “opsyon” na ibinibigay sa kanila ng sistema sa sariling bansa – empleyado ng call center, kontraktwal na paggawa, magsasaka o manggagawang bukid, pagkasayang sa kawalang-trabaho, pagkalulong sa droga at iba pang bisyo, pagkapiit sa bilangguan? Ang mga walang trabaho, hindi rin nagiging masaya sa pananatili sa bahay – balisa sa kakaisip ng pagkakakitaan.

 

Nawa’y pag-alabin ng Paskong ito, at ng mga susunod pa, ang pag-asam at pagkilos natin para sa isang bagong Pasko para sa mga Pilipino – Paskong kasama sa pagsilang ng isang bayang malaya at may pagkakapantay-pantay.   

 

 

ISANG PANGUNGUSAP

 

Noong may programa pa siya sa radyo, nagpahayag ng pagtataka si Jessica Zafra: Bakit daw hindi pa siya nalalapitan para tanungin ng mga nagsasarbey – ng SWS o PulseAsia, halimbawa. Ganoon din ang mga kaibigan niya, pati ang mga kakilala ng mga ito. “Gusto ninyo ng opinyon?” alok niya. “Marami akong opinyon!” sabi niya. Ako man. Heto ang ilan, isang pangungusap lang.

 

Sa pagkapanalo ni Pacquiao kay De La Hoya: Kawawa naman si De La Hoya pero magiging kawawa rin si Pacquiao dahil laging titingnan sa hinaharap ang magandang rekord niya (ng pagpapatumba sa maraming Mehikanong boksingero) kaugnay ng pagpapagamit niya sa rehimeng Arroyo (na nagpatumba ng maraming aktibista sa bansa).

 

Sa malaganap na kahibangan sa pelikulang Twilight: Nagkakaisa ang mga kritiko at mapiling mga manonood na karaniwan ang pelikula – masyadong romantiko sa puntong corny ang mga linya, napakasimple ng kwento, walang bago kumpara sa ibang pelikula – pero senyales siguro ang pagpatok nito sa takilya ng pagsulpot ng bagong hanay o henerasyon ng mga manonood.

 

angelina-jolie-wanted-2

 

Sa pagsigaw ng “Putang-ina!” ni Sen. Mar Roxas sa rali sa Ayala noong Disyembre 12: Ganyan talaga ang nararamdaman ng maraming may-pakialam sa pakanang Charter Change ng rehimeng Arroyo (“Bwakanang-ina” pa nga ang gustong sabihin ng iba) bagamat siguradong personal kay Mar dahil kapag nagkataon, pangalawang Roxas na siya – kay Sen. Gerardo Roxas – na mauunsyami ang pagtakbong pangulo dahil sa mga pakana ng nasa pwesto.

 

Sa isinulat ni Mon Tulfo tungkol sa pagkamatay ni Didith Reyes kung saan ginawa niyang huwarang hindi dapat pamarisan si Didith, na namatay nang “pangit at mabaho,” aniya: Ginagawang huwaran para huwag pamarisan si Didith dahil nagdusa siya sa pagsira sa buhay at katawan niya, pero sana mas marami tayong maipakitang ganyang “sampol” na mga taong naparusahan dahil sa pagsira sa buhay at katawan ng marami nating kababayan.

 

Sa telenobelang Eva Fonda: I’m not-so-fonda Eva Fonda dahil kontra-kababaihan ito, pyudal-patriyarkal, hindi lang dahil todong ibinibilad nito ang magandang katawan ni Cristine Reyes kundi dahil pinapatibay nito ang isang mensahe na sa isang babae ko rin narinig: Na kung magagahasa ang isang babaing hindi “disente” sa pagdamit at pag-asta, talagang kasalanan niya iyun.

 

Sa mga tarpaulin ni Bayani Fernando na umaabot sa mga probinsya: Dapat imbestigahan – Kong. Roilo Golez! – dahil malamang na paggastos ng pondo ng gobyerno para sa sariling pakinabang.

 

Sa paghahanda ni Bayani Fernando na tumakbo sa 2010: Itigil na sana niya ang kahibangan dahil hindi naman siguro porke kapos sa kandidato ang administrasyon ay papatusin na nito ang isang… katatawanan.

 

Sa pelikulang Wanted: Nakakamangha ang ganda ni Angelina Jolie, nakakabilib ang bagong mga kwento tungkol sa buhay ng mga bala (may pektus, nagbabanggaan), at kaakit-akit ang pantasyang ihinahain: Na kaya ka tae-tae sa trabaho at buhay mo ay dahil may lihim kang talento na magbibigay sa iyo ng importansya sa isang lihim na mundong papasukan at lalabasan mo nang ikaw ang panalo sa dulo – at nang maipagpapatuloy ang misyon ng tatay mo.

 

Sa pagkulong kay Atty. Remigio L. Saladero: Malinaw ang pagsusulong ng gerang makauri (class war) ng rehimeng Arroyo at Globe Communications sa pagpapakulong, batay sa gawa-gawang mga kaso, sa abogadong humahawak sa napakarami, kundi man pinakamarami, na kaso ng mga manggagawa sa bansa ngayon.

 

Sa pagpunta at panonood ni Ambassador Kristie Kenney sa Wowowee nitong 22 Disyembre: Syempre, publicity stunt ito para pagtakpan ang katotohanang ganoon din siya kasaya – sumasayaw ng “Boom-Tarat-Tarat!” – kapag nanonood sa pagpapatupad ng rehimeng Arroyo sa masasamang patakarang itinutulak ng US.

 

Sa sinabi ni Sek. Gilbert Teodoro, Jr. na “propaganda lang” ang pagdedeklara ng New People’s Army ng ilang araw na tigil-putukan at nagtataka raw siya dito dahil tinanggihan ng NPA ang alok na tigil-putukan ng gobyerno: Pinapagtibay nito ang pagiging utak-pulbura ng gobyerno dahil ang inaalok nito sa NPA ay hindi tigil-putukan lang, kundi kasunduan ng pagsuko.superior-scribbler-award

 

 

AWARD, AWARD

 

Salamat kay Tanglad sa parangal na ibinigay niya sa Kapirasong Kritika! Malaking karangalan ito dahil galing kay Tanglad na una at unti-unti – as in unti-unti! – kong nakilala sa blog na ito bilang kababayang may maalab na pagnanasa sa paglaya ng bayan at kababaihan at sa pagsulat hinggil sa mga kaisipang makabuluhan sa pagkamit ng paglayang ito.

 

Gusto kong isalin sa Filipino ang mga alituntunin ng parangal, pero huwag na siguro. Heto sila:

 

(1) Each Superior Scribbler must in turn pass The Award on to 5 most-deserving Bloggy Friends.

(2) Each Superior Scribbler must link to the author & the name of the blog from whom he/she has received The Award.

(3) Each Superior Scribbler must display The Award on his/her blog, and link to This Post, which explains The Award.

(4) Each Blogger who wins The Superior Scribbler Award must visit This Post and add his/her name to the Mr. Linky List. That way, we’ll be able to keep up-to-date on everyone who receives This Prestigious Honor!

(5) Each Superior Scribbler must post these rules on his/her blog.

 

Ilang pasintabi: Hindi ko isinama sa listahan ang (1) mga laging nagkokomento sa blog na ito, dahil mukhang self-serving (Emmanuel Pasyon, Guiller Luna), (2) mga hindi regular mag-blog (Ilang-Ilang D. Quijano, Vencer Crisostomo), at (3) mga malamang na hindi pumatol sa ganito (Roland Tolentino, Angela Stuart-Santiago, E. San Juan, Jr., Edel Garcellano) – na pawang mga paborito ko rin.

 

Heto ang iba pang paborito ko:

 

(1) Kenneth Roland Guda. Hanga ako sa trabaho ng Pinoy Weekly, lalo na ng punong patnugot nito: ang paghahatid sa mga kwento ng nakakarami nating kababayan na hindi lumalabas sa midyang mainstream. Aliw din ang pagpapatampok sa progresibong chika tungkol sa mga musikero’t artista.

 

(2) Sarah Raymundo. Kung anu-ano: drama at komedya, personal at panlipunan, akademiko at aktibista, pang-araw-araw at pilosopikal, kewl (cool) at militante, wikang mahinahon at maragsa, marangal at putikan. Laging makabuluhan, gayunman, at laging naghahangad ng buhay na higit sa kapitalismo. 

 

magritte-rene-golconde

 

(3) Mong Palatino. Isa sa mga unang nakasapul sa progresibong potensyal ng pagba-blog at patuloy pa rin sa pagsusulat ng de-kalidad na mga entri, hindi chika-chika lang, sa napakasimpleng porma. Maraming kayang paksain at nitong huli’y dumadalas ang pagteteorya. Nasaan ang “disturbing fantasies”?

 

(4) Marck Ronald Rimorin. Dine-deadma nito ang mga komento ko sa blog niya, dahil pa rin siguro sa isang sagot ko sa dating komento niya. Anu’t anuman, may estilong nakakapagpasimple at nakakapagpatalas sa pag-unawa sa mga isyung pampulitika. Masigla ang estilo at nakakaaliw ang mga kajologan.

 

(5) Rafael Anton Dulce. Bagamat ultra-Kaliwa kung ultra-Kaliwa kung minsan (o madalas ba?), nagbibigay ng magandang sipat sa mga kaisipan at pinagkakaabalahan ng mga kabataang aktibista. Mapagkukunan ng inspirasyon at ahitasyon ng mga nananalig sa pagbabago at sa kabataan ng bansa.

 

 

PANG-KAROLING NG MGA NERDO

 

Napulot ko sa lumang isyu ng magasing Philosophy Now (Nobyembre-Disyembre 2006) ang kantang ito na isinulat ng isang William Anthony Welton, isang propesor ng Pilosopiya:

 

merleau-ponty

 

Deck the Halls with Merleau-Ponty

(Sa tono ng “Deck the Halls with Boughs of Holly”)

 

Raise a cheer for Merleau-Ponty

Phenom-menom-mena-menology!

Exquisitely and ele-gantly

He made a name in French Philosophy!

Like Jean-Paul Sartre and Voltaire before him

And Rene Descartes, he played his part in history

English thinking must have bored him

So he wrote Phenom-menom-menol-o-gy!

 

 

23 Disyembre 2008

 

sarahraymundojunlozada

Ang lola mo: Syempre, iyung nasa kanan si Prop. Sarah Raymundo, na pinagkaitan ng tenure ng kaguruan ng Departamento ng Sosyolohiya ng Unibersidad ng Pilipinas–Diliman. Hindi lang ito usapin ng tenure ng isang progresibong guro, usapin ito ng bulok na proseso ng pagte-tenure sa UP. Usapin ito ng kawalang-katarungang pinapahintulutan ng isang prosesong malihim at marumi. (Sori na kay Sarah, wala akong makitang ibang larawan kaya nangalahig na ako sa Multiply site niya.)  

The Sarah State of the Department

 

All I wanna do when I wake up

in the morning is to theorize, oh Sarah…

–    hinalaw ng mga estudyante

sa kantang “Rosanna” ng Toto

 

Malaganap na ngayon sa Internet ang iba’t ibang sulatin kaugnay ng pagkakait ng tenure ng Departamento ng Sosyolohiya ng Kolehiyo ng Agham Panlipunan at Pilosopiya, Unibersidad ng Pilipinas–Diliman kay Prop. Sarah Jane S. Raymundo. Nariyan ang petisyong online para sa tenure niya, ang pahayag ng palabang All-UP Academic Employees Union na magalang na nagtatanong sa Departamento hinggil sa isyu at ang isang sulatin ni Prop. Roland B. Tolentino tungkol dito. Mayroon na nga ring website na nakalaan sa kampanyang ito.

 

Sentral sa lahat ng sulating ito bilang puntirya ng ngitngit ang pag-abiso noong Nobyembre 6 kay Prop. Raymundo ng tagapangulo ng Departamento na: (1) ipinagkait ng tenured na kaguruan ng Departamento ang aplikasyon niya para magkaroon ng tenure at (2) huwag na niyang pasukan ang mga klaseng sinimulan niyang turuan ngayong semestre. Hindi inilahad ang kahit anong batayan ng pagkakait kaya bilang protesta, pinasukan ni Prop. Raymundo ang mga klase niya. Taliwas sa persepsyong likha ng ilang pahayag, patuloy siyang nagtuturo ngayon at hindi na siya kinibo ng mga ka-Departamento niya hinggil sa usaping ito. Salamat na lang at sinuway niya ang bigla-biglang kautusan.

 

Nagkataon lang naman na siyam na taon nang nagtuturo si Prop. Raymundo at Mayo 2009 pa matatapos ang kontrata niya sa Unibersidad. Kaya naman madaling lumutang ang mga pagkwestyon sa tamang proseso ng “pagsisante” sa kanya. Una, ora-orada ang pagpapatigil sa kanyang magturo – na napakasakit para sa isang tao, kahit na sinong tao, na siyam na taon na sa isang trabaho. Ikalawa, hindi siya nakalahok sa kahit anong deliberasyon hinggil sa tenure niya. Ikatlo, hindi man lang malinaw na inilahad ang mga batayan ng desisyong ito. Kung papatigilin mo na sa pagtuturo ang isang gurong siyam na taon na sa propesyon, hindi ba dapat man lang ay sabihin na agad ang mga batayan?

 

antipasdelotavo-itaksapusonimangjuan

 

Pero ano nga ba ang posibleng batayan? May sinisiping dokumento ang pahayag ng AUPAEU na nagsasabing tungkulin ng tenured na kaguruan na “Itaguyod ang kalayaang pang-akademiko, na nagtatakdang isandig ang mga pagtatalaga ng guro (faculty appointments) sa mga batayang akademiko lamang: performance sa pagtuturo, pananaliksik at gawaing ekstensyon, potensyal na ambag sa disiplina, at etikal na pagsasabuhay ng propesyon.” Ayon sa AUPAEU, hindi lang nasapatan ni Prop. Raymundo ang mga rekisito; nahigitan pa niya ang mga ito: nagtapos ng masterado, nakaani ng mataas na marka sa ebalwasyon ng mga estudyante, maraming nalathalang sulatin, at masigasig sa gawaing ekstensyon.

 

Hindi kaila sa marami na paboritong guro si Prop. Raymundo ng maraming estudyante ng UP, kumukuha man ng kursong BA Sosyolohiya o hindi. Maraming nag-eenrol sa klase niya at tumatatak ang pagtuturo niya sa isip ng mga estudyante. Halos kahanay na niya sa pagiging pinakapopular sa mga estudyanteng kumukuha sa Departamento ng mga aralin si Prop. Gerardo “Gerry” Lanuza, na katulad niya sa ilang aspekto. Ang bali-balita, mabilis na lumobo ang kasapian ng blog sa Facebook na ginawa laan din sa tenure niya.

 

Bakit siya popular sa mga estudyante? Naalala ko tuloy ang “He Was my Teacher” [1964, nasa Desert Islands and Other Texts, 1953-1974, 2004], sanaysay na isinulat ng pilosopong Pranses na si Gilles Deleuze para ipagmalaki at parangalan ang propesor niyang si Jean-Paul Sartre, isa ring pilosopong Pranses, noong tinanggihan ng huli ang Premyong Nobel para sa Panitikan. Aniya, “Sa pagkawasak at pag-asa ng Liberasyon, natuklasan namin, natuklasan naming muli, ang lahat. Si Kafka, ang nobelang Amerikano, sina Hegel at Heidegger, tuluy-tuloy na pakikipag-negosasyong muli sa Marxismo, pagkahilig sa nouveau roman… Lahat ng ito’y dumaloy kay Sartre, hindi lang dahil isa siyang pilosopo at magaling siya sa totalisasyon, kundi dahil alam niya kung paano mag-imbento ng bago.” Tanong niya, “sino maliban kay Sartre ang maalam kung paano magsabi ng bago? Na nagturo sa amin ng bagong mga paraan ng pag-iisip?”

 

Maaaring hindi siya ang pilosopo ng ating panahon, pero ganito rin ang masasabi tungkol kay Prop. Raymundo. Sa mga klase at sulatin niya, dumadaloy ang makabuluhan at bago sa iba’t ibang larangan: kulturang popular, masmidya, pilosopiyang Europeo (naging paborito niya sina Louis Althusser, Michel Foucault, Jacques Derrida, Slavoj Zizek at Alain Badiou), Marxismo, feminismo (maging feminismong Pinoy), pag-aaral sa mga pelikula, kasaysayan at kalagayan ng Pilipinas, samu’t saring isyung panlipunan, rebolusyunaryong kilusan sa Pilipinas lalo na’t kaugnay ng pagwawasto nito noong dekada 1990, mga intelektwal na Pinoy lalo na ang mga progresibo, bagong mga tunguhing konserbatibo at neo-konserbatibo sa ibang bansa, showbiz, at sikoanalisis.

 

splatterings

 

Maaaring masalimuot ang pagkakalahad niya ng mga ideya sa mga sulatin – bagamat mayroon din siyang mga isinulat na nakapuntirya sa karaniwang mambabasa – pero tumutungo ang estilo niya ng pagtuturo sa popular at palatawa. Tiwala man siyang nasasapul ng mga estudyante ang itinuturo niya, napapaisip siya minsan batay sa mga komento nila kung inaakala nilang tulad lang siya ni Ai-Ai de las Alas o Pokwang. Sigurado, gayunman, na mas masiste at malikot-sa-isip kaysa slapstick ang patawa niya. Sa paghugot ng kongklusyon o punchline, mahilig siya sa kakatwa at biglang pagbaligtad ng maiikling pormulasyong alam ng marami. Tiyak, isa siyang “probokador ng kaisipan” na ayon kay Prop. Francisco Nemenzo, Jr. ay dapat na katangian ng isang propesor.

 

Kaya nakakapangambang posibleng sa “etikal na pagsasabuhay ng propesyon” hinuhugot ng tenured na kaguruan ng Departamento ang batayan sa pagtanggi nitong gawaran ng tenure si Prop. Raymundo. Marami nang sabi-sabi at haka-haka sa kung ano ang batayan ng tenured na kaguruan sa desisyon nito – at wala itong ibang dapat sisihin kundi ang sarili, dahil tinangka nitong patigilin sa pagtuturo si Prop. Raymundo nang hindi ihinaharap sa kanya ng mga usapin at nang hindi hinihingi ang panig niya. May pagkakapareho ang lahat ng sabi-sabi at haka-haka, gayunman: Patungkol daw sa pampulitikang mga aktibidad ni Prop. Raymundo ang mga batayan, na walang matibay na mga ebidensya. Kaya naman nasasabing “pulitikal,” “marumi,” at “anti-aktibista” ang desisyon.

 

Aktibistang guro kasi si Prop. Raymundo. Pangkalahatang kalihim siya ng Congress of Teachers and Educators for Nationalism and Democracy o CONTEND–UP, aktibong miyembro ng AUPAEU, pambansang ingat-yaman ng Alliance of Concerned Teachers o ACT, at mananaliksik ng Karapatan, grupong pangkarapatang pantao. Hindi niya ito inililihim, ipinagmamalaki pa nga niya. Sa lumang metapora, hindi siya nagpakupot lang sa apat na sulok ng paaralan.

 

Kaya nga tawag-pansin na ang napapabalitang maliit na minorya sa tenured na kaguruan na pinakapursigidong ipagkait sa kanya ang tenure ay binubuo ng mga gurong pinaka-minimal ang paglahok sa pulitika o mga usaping pangkampus o pambansa. Mga guro itong sa pagtuturo at pagsusulat ay gumagamit ng mga kaisipan ng Pantayong Pananaw, ng Frankfurt School ng “Marxismo,” at ng iba pang teoryang sosyolohikal. Makikita sa kaso ni Prop. Raymundo, gayunman, na hindi nila mailapat ang mga teoryang pinag-aralan at “ginagamit” nila sa isang kongkretong sitwasyong nangangailangan ng mga hakbanging simple lang naman: ng simpleng paglilinaw ng ebidensya, ng simpleng pagiging patas at prangka, ng simpleng pagbibigay ng konsiderasyon sa kapwa at ng katarungan.

 

antipasdelotavo-liwanagatdilim

 

Dahil kaya ito sa katangian ng mga teoryang pinapaniwalaan nila? Dahil kaya sa kakulangan nila ng pakikisangkot sa mundo labas sa klasrum? Sa kumbinasyon ng dalawa? Dahil ano ang mga teoryang ito kung kinabibilangang parang grupo at nagagamit sa pagtuturo’t pagsusulat pero hindi ginagamit sa totoong buhay? Ano ang kabuluhan ng teorya kung hindi ito lapat sa pang-araw-araw na buhay? Kagamitan lang sa hanap-buhay, sa pagkita ng pera? Trabaho lang na walang personalan? Taguyod ng “talastasang bayan” at “pang-komunikasyong rasyunalidad,” pero makaisang-panig sa pag-alam ng “katotohanan” sa sariling departamento? May teoryang ginagamit bilang mananaliksik at guro pero bilang kaguro, hinahayaang palitan ng mga tsismis at haka-haka ang katotohanan?

 

At ano ang tindig ng mayorya ng tenured na kaguruan? Silang kinabibilangan ng matatawag na nating lokal na pampublikong mga intelektwal? Silang may pakikisangkot sa pulitika ng kampus at bayan at sa iba’t ibang isyu ay tumitindig nang tugma sa interes ng komunidad ng UP at ng mga mamamayan? Silang taguyod ng “mga prosesong demokratiko” sa loob at labas ng kampus? Silang nakataya rin ang reputasyon sa harap ng kampus at publiko? Silang napabalitang pinagmatigasan ng maliit na minorya sa tigas-ulong tindig nito?

 

Sila siguro ang pwede pang maliwanagan at gumawa ng ilang simpleng hakbang: ang manindigan at bumotong iharap kay Prop. Raymundo ang mga batayan ng pagkakait sa kanya ng tenure, hayaan siyang magpaliwanag at mula rito’y balik-aralan ang pasya. Kung mapapatunayang mabuway ang mga batayan, o wala talagang batayan, marapat lang na itaob ang naunang desisyon at bigyan na ng tenure si Prop. Raymundo. Maaaring sabihing taliwas ito sa naunang mga praktika ng maraming departamento sa pagtalakay sa tenure, pero kung tutuusin, ito talaga ang minimum na hinihingi ng prosesong makatwiran.

 

Kailangan nilang gawin ito para mabigyan ng katarungan si Prop. Raymundo – at ang mga gurong tulad niyang nahaharap sa katulad na proseso, ang mga estudyanteng karapat-dapat magtamasa ng makabuluhang pagtuturo, at ang taong bayang nagsusubsidyo sa pamantasan ng dapat ay mahuhusay na guro.

 

19 Disyembre 2008

 

Pahabol: May naisulat na rin pala si Prop. Danilo Araña Arao tungkol sa usaping ito kaugnay ni Prop. Raymundo.

socialism-rich

Sosyalismo para sa mayayaman at kapitalismo para sa maralita – luma bagamat tumitinding barbarismo ng kapitalismo, ng imperyalismo, na hindi nito babaguhin nang walang malakas na paglaban ng mga mamamayan ng daigdig.

SecondNery Thoughts

Sa wakas! Sa “Sucking people dry,” sumagot na si John L. Nery (kolumnista ng Philippine Daily Inquirer) sa tugon ni Carlos H. Conde (mamamahayag ng New York Times) sa kritisismo ni Nery sa naunang isinulat ni Conde tungkol sa krisis ngayon ng pandaigdigang sistemang kapitalista. Ang tagal ni Nery, ah. Pero sekundaryong usapin iyon, hayaan na natin.

(May isinulat din akong tugon sa naunang kolum ni Nery pero hindi niya ako tinukoy sa ikalawa niya – kahit nakita kong may naglagay ng link ng sagot ko sa seksyong komento ng isang entri sa blog niya. Ayos lang, sekundaryang usapin din iyun. Cheapaz na mahadera lang naman akong hanap-away at takaw-gulo. Tutal, kahit paano, naging maingat na siya – hindi na inulit ang mga pinuna kong mali niya. At iyun ang mahalaga.)

(1)

Pero pilit man niyang ikaila, binabago ni Nery ang paliwanag niya. Noong una, sabi niya, may lihim ang kapitalismo na hindi nalaman ni Marx at iyan ay ang kakayahan nitong paunlarin ang sarili. Mga cellular phone at kompyuter ang ginamit niyang halimbawa. Ibig sabihin, pagpapaunlad sa mga kalakal, batay sa pagpapaunlad sa agham at teknolohiya – na makaisang-panig na pinupuri naman ng maraming petiburgis ngayon – ang itinuturing niyang “kakayahan” ng kapitalismo na “nailihim” kay Marx.

Ngayon, sabi niya, ang lihim na kakayahang tinutukoy talaga niya ay ang “abilidad ng demokratikong estado na mag-aruga ng diwa ng pananagutang panlipunan (social responsibility).” Sinipi niya iyan sa liberal na historyador na si Arthur Schlesinger, Jr. Pero sekundaryong usapin ang pagbabago niya ng posisyon. Sige na nga: Kunwari iyun talaga ang ibig niyang sabihin. Baka hindi lang natin naintindihan noong una – na para bang napakahirap unawain ng napakasimple niyang punto at panulat.

bush-obama-s

(2)

Pero ano daw? Noong una, ang sinasabi ni Nery na lihim na hindi alam ni Marx ay malinaw na alam ni Marx – hindi lang alam ni Nery. Ngayon naman, para niyang sinisiraan si Marx dahil hindi nito nalaman ang “lihim” na si KC Concepcion ay anak talaga ni Sharon Cuneta kay Weng-Weng. Akma ang halimbawa: una, hindi inabutan ni Marx ang tinutukoy niya at ikalawa, hindi totoo ang “lihim” na ipinagmamalaki niya.

Patunay kahit ang mga sipi ni Nery kay Schlesinger. Sabi ng huli, may “abilidad ang demokratikong estado” – ibig sabihin, ang kapitalistang Estado – “na mag-aruga ng diwa ng pananagutang panlipunan.” Pero bago nito, sinabi niyang “Nakatawid-buhay ang kapitalismo dahil sa mahabang kampanya, na isinulong ng liberalismong panlipunan sa harap ng kapitalistang paglaban, para bawasan ang paghihirap, at sa gayon ay ang sama ng loob (resentment) at pagnanasang rebolusyunaryo, ng mga pinagkaitan bunsod ng aksidente ng kapanganakan o kapalaran ng pantay na pagkakataon sa buhay.”

Nagbabanggaan ang dalawa. Iyung una, pumupuri sa kapitalistang Estado; iyung ikalawa, pumupuri sa “liberalismong panlipunan” – na isang kilusang tumatagos at humihigit sa Estado. Kung kinailangan pa ng “kampanya… ng liberalismong panlipunan” para magpatupad ang kapitalistang Estado ng mga reporma, pwede bang sabihing may “diwa” ito ng “pananagutang panlipunan”? Kung kinailangan pa ng misis mong sampalin ka para lang kumuha ka ng isang basong tubig, masasabi bang mapagkalinga ka?

(3)

Malamang, ang tinutukoy ni Schlesinger na “demokratikong estado” ay ang gobyerno ni Franklin Delano Roosevelt – historyador siya ng gobyerno ng huli – at ang patunay ng sinasabi niyang “abilidad” ay ang New Deal na ipinatupad ni FDR noong Great Depression ng dekada 1930. Sa kontekstong ito, at sa iba pa, masyadong simplistikong tawaging “liberalismong panlipunan” ang mga kilusan at kampanyang pumwersa sa kapitalistang Estado na magpatupad ng mga reporma. Pinagmumukhang maamo ng katawagang ito ang mga kilusan at kampanya na sa totoo’y dapat tawaging radikal.

Dapat tandaang naharap ang gobyerno ni FDR sa matinding depresyong pandaigdig, sa paglakas ng mga pwersang sosyalista na ipinakita ng tagumpay ng Rebolusyong Bolshevik noong 1917, at sa pagsulong ng pasismo sa iba’t ibang bahagi ng Europa. Malakas din ang progresibong kilusan ng mga mamamayang Amerikano sa panahong ito, gaya ng naisalaysay ng progresibong historyador na si Howard Zinn sa kanyang A People’s History of the United States [1980] at You Can’t be Neutral on a Moving Train [1994]. Sa gitna ng lahat ng ito, napresyur si FDR na magpatupad ng ilang mayor na reporma.

Hindi lang mga tagamasid ang nagsasabing naitulak si FDR ng mga salik na ito. Kahit si FDR mismo, umaamin. Aniya, “Nakumbinsi akong magkakaroon tayo ng rebolusyon sa US at pinagpasyahan kong maging lider nito at hadlangan ito. Mayaman din akong tao at tumakbo kasama ang mga tulad ninyo. Nagpasya akong mas mabuti na ang kalahating tinapay kaysa wala – kalahati sa akin at kalahati sa inyo at walang rebolusyon.” (Kongklusyon ni Richard Seymour, sosyalistang blogger na pinagkunan ng siping ito: “Kung gusto n’yong maging mala-FDR si Obama, bantaan n’yo siya ng rebolusyon.”)

Tapos, may mga repormang ipinatupad si FDR na dalawa ang mukha, hindi purong positibo. Dahil sa lakas ng sama-samang pagkilos ng mga manggagawa at mamamayan – at, ayon kay Meghnad Desai [Marx’s Revenge: The Resurgence of Capitalism and the Death of Statist Socialism, 2002], dahil bundat sa tubo ang malalaking korporasyong industriyal mula sa mga kontrata sa gera – naobliga at kinaya ng gobyernong US na kilalanin ang karapatan ng mga manggagawa na mag-unyon at magwelga. Kaakibat nito, gayunman, ang mga regulasyon sa nasabing mga hakbangin ng mga manggagawa.

pr-00013-cfranklin-roosevelt-with-flag-and-map-posters

(4)

Nabanggit ni Nery na kritiko si Schlesinger ng gobyerno ni Ronald Reagan. Sa isang banda, dapat lang. Hindi lang binaligtad ng rehimeng Reagan ang mga repormang ginawa ng rehimeng FDR, itinodo pa nito ang pagsalungat pa-Kanan. Sa kabilang banda, bakit naman? Pareho lang naman sila ng uring pinagmulan, pareho pa ngang swabe sa midya. Ang kaibahan lang, naharap si FDR sa malakas na presyur mula sa loob at labas ng US at naobliga ang naghaharing uri sa US na bumigay. Si Reagan, sa kabilang banda, ay bahagi ng opensiba sa mga mamamayan ng naghaharing uri.

Matapat si Schlesinger sa mga patakaran ng rehimeng FDR kaya siya kritikal sa rehimeng Reagan. Sa usapin ng mga patakarang pang-ekonomiya, konsistent siya sa paninindigan. Pero ipinapakita ng pagkakaiba ng dalawa na mali ang sinabi niya tungkol sa “abilidad ng demokratikong estado” – hindi lang dahil hindi tampok ang nasabing abilidad, kundi dahil hindi ito pang-Estado kundi pang-rehimen lang. At kinailangan pa ngang bombahin ng iba’t ibang presyur ang isang rehimen para magpatupad ng mga reporma.

(5)

Pero sekundarya, kung hindi man malayong sekundarya, ang pagpapatupad ng mga repormang maka-mamamayan sa mga naging tugon ng kapitalistang Estado sa mga krisis at paglaban ng mga mamamayan sa kasaysayan. May sinabi daw si Joseph Stalin, komunistang Bolshevik at lider ng sosyalistang Unyong Sobyet, na ipinapaalala ng Marxistang pilosopong Slovenian na si Slavoj Zizek. Sa kasaysayan, may dalawang kamay ang kapitalismo: ang kaliwang (mapagkalingang) kamay na tinatawag na “sosyal-demokratiko” at ang kanang (mapanupil na) kamay na tinatawag na “pasismo.”

Bagamat nagpatupad ito ng mga repormang maka-mamamayan, hindi pa rin lehitimong matatawag na “sosyal-demokratiko” ang rehimeng FDR sa US. Pero makaisang-panig nang nagdidiin dito sina Schlesinger at Nery at sinasabing “abilidad” ng kapitalistang Estado ang mga reporma nito. Sa ganitong pagdidiin, minamaliit nila hindi lang ang kanang kamay ng kapitalismo kundi ang barbarismong tumatagos sa kaliwa, gitna at kanan nito.

Nagsasalita si Nery tungkol sa “lihim ng kapitalismo na hindi natuklasan ni Marx,” pero alam ba niya ang importansya ng lihim ng kapitalismo na natuklasan ni Marx? Tinutukoy ko ang tinutukoy ni Friedrich Engels sa pagsusuma niya sa kaisipan ni Marx: ang partikular na porma ng kapitalistang pagsasamantala sa pamamagitan ng paghuthot ng labis na halaga (surplus-value). Ito ang kawing na nag-uugnay sa lagi nang sinasabing pagyaman ng mga mayayaman at lalong paghirap ng mahihirap.

Kailangan na nga ring balansehin ang mga talakayang ito tungkol sa krisis ng pandaigdigang sistemang kapitalista ng konsepto ng imperyalismo. Kung nagagawa man ng mga Estadong kapitalista na magpanatili ng relatibong mahusay na kalagayan ng mga mamamayan nito, iyan ay dahil sa pagpapalasap nito ng napakasahol na kalagayan sa mga mamamayan ng di-hamak na mas nakakaraming bansa sa daigdig. Nagpakita ba ng “abilidad…na mag-aruga ng diwa ng pananagutang panlipunan” ang kapitalistang Estado ng US para sa Pilipinas, halimbawa, na neo-kolonya nito? Kailan?

pablo-baens-santos-11

(6)

Ang punto: Hindi sa kung anong abilidad ng kapitalistang Estado maipagpapasalamat ang pagkakaroon ng mga repormang maka-mamamayan. Tanging ang matindi kahit masalimuot at ang makabuluhan kahit matagal na pakikibaka ng mga mamamayan sa mga bansang kapitalista at sa buong daigdig ang pumwersa sa mga Estadong kapitalista na magpatupad ng mga repormang ito. Kailangan ngang habang-panahong bantayan kahit ang mga repormang naipagtagumpay na ng mga mamamayan.

Historyador si Schlesinger, pero kasaysayan ng US at daigdig ang nagpapakitang walang kakayahan ang kapitalistang Estado na “mag-aruga” ng “pananagutang panlipunan.” Hindi totoo ang lihim na ipinagmamalaki ni Nery, kaya hindi makakasira sa pangalan ni Marx na hindi niya ito nalaman, taliwas man dito ang pilit na pinapalabas ng ilan.

Sa puntong ito ko ihahabol ang hindi ko nasabi sa unang tugon ko kay Nery. Dahil wala pa ang malawak at malakas na pakikibaka ng mga mamamayan sa daigdig at lalo na sa US, malamang na tama siya: Hindi pa magwawakas ang kapitalismo sa susunod na mga taon. Nagpapalakas pa lang ang mga kilusan ng mga mamamayan ng daigdig at napakaganda ng oportunidad na ibinibigay ng kasalukuyang krisis para lumakas sila at maibagsak paglaon ang sistema – hindi ko lang masabi kung ilang taon ang kailangan.

Pero dahil din dito – sa kawalan pa ngayon ng malawak at malakas na pakikibaka ng mga mamamayan ng daigdig – masasabing bulag na pag-asa ang manalig na papaunlarin ng kapitalismo ang sarili, gaya ng sabi ni Nery. Bulag na pag-asa o bulok na propagandang maka-kapitalista. Hindi ibabagsak ng kapitalismo ang sarili, pero hindi rin nito papaunlarin ang sarili. Kailangan sa pareho ang pagkilos ng mga mamamayan ng mundo.

“Sosyalismo o barbarismo” sabi ni Rosa Luxemburg, Alemang lider-komunista, ang hinaharap ng mundo. Dahil nagpapalakas pa lang ang pakikibaka ng mga mamamayan ng daigdig, maghihintay pa ang sosyalismo. Samantala, “business as usual,” tuloy ang barbarismo – hanggang sa sumulong ang pakikibaka ng mga mamamayan ng mundo para paatrasin ito, hanggang sa isang antas, hanggang sa tuluyang maibagsak ang kapitalismo.

(7)

Kailangang patalasin ni Nery ang pagsusuri niya sa kapitalismo. Hindi umubra ang sinabi niyang kaya nitong paunlarin ang sarili dahil kinakaya pa nitong iabante ang agham at teknolohiya – at kahit siya’y bumitaw na sa pangangatwirang iyan. Ngayon, hindi na rin umuubra ang sinabi niyang kaya ng kapitalismong paunlarin ang sarili dahil kaya ng Estadong kapitalista na “mag-aruga ng diwa ng pananagutang panlipunan.”

May dalawang punto si Nery na hindi niya nalubos kaya nauwi sa pagiging patutsada – na atrasan-tanggulan ng mga duwag sa malinaw na argumento. Una, sinabi niyang para kay Conde, hindi lang sa hindi maisasalba ang kapitalismo kundi hindi na ito dapat isalba pa. Totoo namang lumalabas iyan sa sulatin ni Conde. Eh ano ngayon? Nagsusumbong ba si Nery sa mga bosing ni Conde sa New York Times? Ang tapang nga ni Conde eh. Ikalawa, tunay daw na radikal si John Stuart Mill, pilosopong pampulitikang kampeon ng mga karapatang sibil – na, ayon sa iba, itinataguyod ng US at hindi ng mga bansang “sosyalista.” Bakit hindi niya sabihin nang diretso?

Parang may gustong sabihin si Nery sa mga patutsadang ito. Huhulaan ko ito, uunahan ko siya: Parang sinasabi niyang kampi siya sa kapitalismo dahil mas masahol ang alternatiba – ang “sosyalismo” na kinakatakutan ng maraming tulad niyang nag-aral sa mga Heswita sa bansa. Dudugtong ito sa pag-amin ng ibang tagapagtanggol ng kapitalismo na bulok ito pero mas mabuti pa rin kumpara sa iba. Mas matalas na tindig iyan kaysa sa pagsasabing napapaunlad ng kapitalismo ang sarili. Pero ang problema kay Nery, gusto pa niyang pagmukhaing maganda ang kapitalismo. Para siyang make-up artist sa punerarya – pero pumapatay ng napakaraming tao ang pinapaganda niya.

Nawasak na ang bago niyang argumento. Panahon na naman para mag-isip siya ng panibagong palusot at kwento.

10 Disyembre 2008

Tortyur at Iba pang Kalupitan

(1)

 

Nabasa n’yo na ba ang “The two-year rape of Raymond Manalo” at “Rage,” kambal na kolum ni Patricia Evangelista? Basahin ninyo. Muling ginamit ni Bb. Evangelista ang puwang niya sa Philippine Daily Inquirer at sa website nito para maghatid ng makabuluhang impormasyon at manggising ng marubdob na damdamin sa mga espasyo ng panggitnang saray sa bansa, ng mga Pinoy sa ibayong dagat at maging ng mga dayuhang nagmamalasakit sa bansang ito.

 

Muli, ginamit niyang porma ang literary non-fiction. Siya na siguro ang pinakasikat ngayong gumagamit nito, kahanay ni Jose F. Lacaba, awtor ng librong Days of Disquiet, Nights of Rage na paborito ng mga aktibista. Inaakit, hindi hinahatak, ng estilo niya ang mga nakakabasa na pawang nabubuhay nang relatibong komportable na damhin ang sidhi ng sitwasyong pinagsadlakan sa magkapatid na Raymond at Reynaldo Manalo, kina Sherlyn Cadapan at Karen Empeño, at ng maraming iba pa sa mga kampong pangtortyur ng militar.

 

May naisulat na dati si Kenneth Roland A. Guda ang “Pagpupunyagi nina Karen at Sherlyn,” batay sa salaysay ng mga Manalo – at may naisulat na rin ako batay sa artikulo niya. Pero binuo ni Bb. Evangelista ang kwento ng pagpapahirap sa magkapatid, at naglahad pa siya ng mga pagpapahirap kina Karen at Sherlyn na hindi naisulat ni G. Guda. Para kang nasugatan nang matindi sa pagbasa ng unang naratibo, hindi nga gumagaling ang sugat pero heto, sinusugatan ka ulit.

 

karen-empeno

 

(2)

 

Grabe, labis-labis, sobra-sobra – ito ang mga salitang malapit sa empirikal na madaling sumagi sa isip para ilarawan ang mga ikinwentong pagpapahirap.

 

Una, lumilitaw na hindi sumasapat ang mga batas at legal na mga aparato ng Estado para kontrahin at labanan ang mga itinuturing nitong kaaway – kaya nga humahantong ito sa “ekstrahudisyal” na mga hakbangin tulad ng pagpatay, pagdukot at pagtortyur. Hindi anomalya, aberasyon o “isolated case” lang ang mga hakbanging ito at hindi lang dahil ginagawa sila sa maraming tao sa buong bansa. Bahagi sila ng paggana at pagtatanggol sa sarili ng sistema – at hindi kataka-takang mga abogado ng sistema ang mga nagtatanggol sa mga ito.

 

Ikalawa, kahit para sa karaniwang ipinagpapalagay o iniisip na mga layunin ng tortyur – tulad ng pagpiga ng impormasyon o pag-amin, o pagpwersa sa biktima na kumampi sa nanonortyur – sobra-sobra ang mga pagpapahirap. O tanga ba ako para isipin, batay sa ilang nabasa, na mayroong teknik sa pagtortyur? Na, kumbaga sa Ingles, may method sa madness na ito? Sa harap ng tila pagbalewala sa mga teknik o metodo ng pagtortyur sa kasong ito, lumilitaw na hindi ang kahit alin sa nabanggit na layuning taktikal ang gustong makamit ng militar.

 

Mahalagang pansining kaiba sa pagpatay at pagdukot na ginagawa sa publiko, ginawa nang lihim ang mga ikinwentong pagpapahirap. Tumakas at nakatakas lang ang magkapatid na Manalo kaya nalalaman ng publiko, at ng isang publikong limitado pa nga, ang mga naganap. Maiisip tuloy na ang tanging kagyat na layunin ng militar sa mga aksyong nailahad ay ang pagmalupitan at salaulain – at ano pa nga ba ang mga salitang mas angkop? – ang mga biktima.

 

Ikatlo, partikular sa ginawa kina Karen at Sherlyn, hindi lang sila pinahirapan bilang tao. Pinahirapan din sila bilang mga babae: Si Karen, “hinubaran ng damit, pagkatapos binugbog, ginamitan ng water torture, pinaso ng sigarilyo at ginahasa gamit ang mga piraso ng kahoy.” Ang mga sundalo, “inaaliw ang sarili gamit ang katawan [ni Sherlyn], pinapasukan ng mga stick ang ari niya…” Kahit sa tortyur, lalo na’t ginagawa ito ng militar – institusyong sentro ng pyudal, militarista at patriyarkal na kagawian – hindi pa rin pantay ang mga kasarian.

 

Kaya nakakatawag ng pansin at lalong nakakarimarim ang isang detalye: “At nakikita mong nanonood ang mga misis ng mga sundalo” habang ginagawa ang pagsalaula. Ano’ng mensahe nito para kina Karen at Sherlyn at sa ating mga nagbabasa? Na, kahit sinasalaula sila bilang babae, hindi sila karapat-dapat sa awa, habag o simpatya ng kapwa-babae – kahit pa mga ina rin siguro ang mga ito, may anak na babae, kumakalinga at nagmamahal. Dahil ano? Dahil bukod sa pagiging babae, may isa pa raw bahagi ang pagkatao ng dalawa: “aktibista,” “NPA,” “simpatisador,” “komunista” – at wala silang pakialam sa pagkakaiba.

 

fernando-botero-2

 

(3)

 

Sa sanaysay niyang “Lying in Politics” [kasama sa libro niyang Crises of the Republic, 1972], sinuri ni Hannah Arendt, liberal na “teoristang pampulitika” ang tinatawag na “Pentagon papers” – mga dokumento hinggil sa patakaran ng gobyerno ng US sa Vietnam simula noong World War II hanggang noong Mayo 1968, kasama ang panahon ng Vietnam War. Noong una, lihim at di bukas sa publiko ang mga dokumento – mga liham, memorandum, ulat, pag-aaral at iba pa – hanggang sa tinipon sila ng gobyerno ng US at inilimbag ng New York Times.

 

Ayon kay Arendt, makikita sa Pentagon papers na tumpak ang mga ulat ng komunidad ng paniktik (intelligence community) ng US pero hindi dito ibinatay ang mga patakarang ginawa ng gobyerno kaugnay ng Vietnam at Vietnam War. Ayon sa kanya, “ang ugnayan, o, sa halip, ang kawalan ng ugnayan, sa pagitan ng mga datos at desisyon, sa pagitan ng komunidad ng paniktik at ng mga serbisyong sibilyan at militar, ang siya na sigurong pinakasignipikante at siguradong pinaka-nabantayang lihim na isiniwalat ng Pentagon papers.” (Hindi siya naghinalang pagsalba sa wasak na reputasyon ng komunidad ng paniktik ang posibleng layunin ng gobyerno ng US sa paglalabas sa mga dokumento.)

 

Sabi niya, nang sumisipi sa dokumento, patungkol sa Vietnam War, “Malinaw na hindi ito kaso ng ‘limitadong rekurso (means) para kamtin ang matatayog na layunin’… Kaso ito, sa halip, ng di kapani-paniwalang halimbawa ng paggamit ng labis-labis na rekurso para kamtin ang maliliit na layunin sa isang rehiyong hindi gaanong mahalaga.” Komento pa niya sa digmaan: “grabeng pagsisikap na sinayang para lang ipakita ang pagkainutil ng pagiging malaki (bigness).”

 

Mula rito, sinikap ni Arendt na sagutin ang tanong na “How could they?” Paano nagawa ng gobyerno ng US na isulong ang Vietnam War nang, ayon sa kanya, walang intensyong magtagumpay at tapusin ang gera? Sagot niya: “Paano sila magkakaroon ng interes sa kahit anong kasing-totoo ng (anything as real as) tagumpay gayung ipinagpatuloy nila ang gera hindi para magpalawak ng teritoryo o umangat ang ekonomiya, at lalong hindi para tumulong sa isang kaibigan o tumupad sa isang pangako, at hindi man lang para sa reyalidad, kaiba sa imahen, ng kapangyarihan?” Aniya, itinuloy ng gobyerno ng US ang digmaan para patatagin ang imahen nito – ng pagiging superpower ng mundo.

 

Pagkatapos, hinanap niya sa kasaysayan ang ninuno ng Vietnam War. “May mga historyador ngayon na naggigiit na ibinagsak ni [Pres. Harry] Truman [ng US] ang bomba sa Hiroshima [noong katapusan ng World War II] para sindakin ang mga Ruso at itaboy sila mula sa Silangang Europa…” Aniya, sa “krimeng pandigma (war crime)” na ito mauugat “ang pagsasantabi sa aktwal na mga epekto ng aksyon pabor sa kung anong hindi lantad at kinakalkulang layunin.”

 

hannah-arendt

 

(4)

 

Naalala ko ang sanaysay ni Arendt dahil tulad niya, nahaharap tayo sa naisiwalat na mga lihim ng militar at gobyerno natin – na ang isponsor ay ang militar at gobyernong sinusuri niya. Tulad niya, napapaisip tayo kung ano ang layunin ng labis-labis na karahasang ito na makabuluhang tawaging kalupitan.

 

Bagamat hindi lingid kay Arendt na ang kontekstong ginagalawan niya noon ay ang Cold War, hindi niya nilubos – sa sanaysay na ito, hindi ko lang alam kung sa iba pa – ang tinutungo ng mga sinabi niya. Parehong nakadireksyon sa mga bansang komunista ang mga kalupitang inilahad niya: ang paggamit ng bomba atomika sa Hiroshima, Japan para pigilan at paatrasin ang Unyong Sobyet at ang paglulunsad ng gerang agresyon sa Vietnam para pigilan at paatrasin ang Tsina (at ang Unyong Sobyet din na noo’y inaakala pang sosyalista at kampi sa Tsina).

 

Natatawag samakatwid ang pansin natin sa historikal nang kalupitan ng mga tagapagtaguyod ng sistema kapag kaharap ang mga komunista – totoo man o pinaghihinalaan lang – at laban sa kanila lalo na kapag itinuturing silang malakas na banta sa isang panahon. Sa unang tingin, nakakahikayat sabihing ang gerang agresyon ng US sa Vietnam at ang pagpapahirap sa mga kampong pangtortyur ng militar ngayon ay pawang paggamit ng labis na dahas para sa maliit o di-mahalagang mga layuning kagyat. Pero iyun ang punto ni Arendt: Iyun ang gusto nilang ipakitang “imahen,” na kaya nilang magpawala ng labis-labis na dahas sa mga kalaban. Ano nga naman ang hangganan ng kalupitan?

 

Kontra kay Arendt, gayunman, kailangang ihabol na mahirap paniwalaan ang kongklusyong naglunsad ng gerang agresyon ang US sa Vietnam para lang patatagin sa pananaw ng buong mundo ang imahen nito bilang superpower – lalo na’t kung tinitingnan ito nang hiwalay sa mga layuning geo-pulitikal at pang-ekonomiya ng US. At para saan ang imahen? Tiyak na may ganitong mga interes na pinaglilingkuran kahit ang pagpapatibay sa imahen ng superpower ng mundo.

 

Pero napaka-pampubliko ng kalupitan ng US sa gerang agresyon nito sa Vietnam – alam ng buong mundo dahil sa pagsisikap ng alternatibong mga naghahatid ng impormasyon at nababanaag kahit sa mainstream na mga tagapaghatid ng impormasyon tungkol dito. Sa kabilang banda, inilihim at patuloy na inililihim ng militar at ng mga taong-gobyerno na may alam nito ang kalupitan sa mga kampong pangtortyur ng militar. Kinailangan pang makatakas ng magkapatid na Manalo para maisapubliko ang mga ito – bagamat, ang totoo, kinumpirma lang ng mga salaysay nila ang hinala at nababanaag na ng marami.

 

Ano, kung gayon, ang posibleng layunin ng militar at ng gobyerno sa pagpaparanas ng kalupitan sa mga nasa kampong pangtortyur nito? Bagamat tiyak tayong naglilingkod ang layuning ito, anuman ito, sa matagalang mga layuning pampulitika ng gobyerno – at sa pang-ekonomiyang mga layunin ng mga uring naghahari at ng US – wala akong ibang masumpungang hinalang kagyat na layunin ng ganitong lihim na kalupitan kundi: ang ipagpatuloy at patatagin pa nga ang kultura ng kalupitan ng militar – para marahil sa matagalang paglaban sa mga itinuturing nitong komunista, totoo man o hindi.

 

Kaya nga hindi kataka-takang nangyari ito sa pamumuno ni Hen. Jovito Palparan at ng isang rehimeng may mga anti-komunistang katulad nina Sek. Norberto Gonzales at Padre Romeo Intengan SJ sa pwesto. Di tulad ng ibang opisyal-militar na “tumutupad lang sa trabaho” o nagpepera lang sa pwesto, bukod-tangi si Palparan na sinsero sa paglaban sa itinuturing niyang banta ng komunismo – bagamat hindi ibig sabihi’y hindi rin siya nagpera sa pwesto. Itinawid ni Palparan, sa bagong konteksto ng nagpapanggap na “demokrasya,” ang kultura ng militar na tumampok noong batas militar ni Ferdinand Marcos.

 

stop-political-killings-alex-felipe

 

(5)

 

Eh nabasa n’yo ba ang “Pagdakip at Pagpapahirap sa Akin,” kolum ni Elizabeth Principe sa Pinoy Weekly? Basahin ninyo. Bukod sa naghahatid siya rito ng impormasyong hindi lumalabas sa midyang mainstream, inaarmasan niya ang diwang palaban ng mga aktibista at rebolusyunaryo sa napakagaan at simpleng estilo ng isang chikadora – hindi karaniwang talas sa karaniwang pananalita.

 

Dito, may hindi karaniwang damdamin o moda na inilahad si Gng. Principe. “Sa unang sandali pa lamang na naisakay ako sa van, alam ko nang nadukot ako at tinanggap ko ang kamatayan. Hindi ako natatakot mamatay, o tumagal at mabulok sa bilangguan, sinabi ko ito sa mga interogador. Sa dami ba naman ng na-missing at na-extra-judicial killing, hindi ko iniisip na maiiba ang aking istorya.

 

“Ang mga tula ni Jose Ma. Sison sa loob ng bilangguan ang nagbigay ng lakas-loob sa akin. ‘Mas mahirap ang naging kalagayan niya pero nakaya niya, dapat ko ring kayanin ito,’ kako. Dagdag pa ang kuwento ng may karanasan sa mga hulihan – na ang hindi natakot sa kamatayan at tortyur ang hindi bumigay sa interogasyon at hindi naipagkanulo ang mga mamamayan. Sa kabilang panig, kapag pinangangalagaan ang buhay, lalo itong nawawala pati ang dignidad.”

 

Hawig nga ito sa isinalaysay ni Prop. Jose Ma. Sison, sa libro niyang Rebolusyong Pilipino: Tanaw Mula sa Loob [1987], tungkol sa kung paano siya umalpas sa grabeng pagtortyur ng militar noong nadakip siya: “Ang pinakamahalaga sa akin ay patuloy kong mapanindigan ang aking rebolusyonaryong paniniwala at mapanatili ang aking diwang mapanlaban. Ang naramdaman ko’y galit sa halip na takot. Nakatulong ang mag-isip na kahiya-hiyang… magkanulo sa iba, at isaalang-alang na sadyang nagsasara ang utak pag di na matiis ang sakit….”

 

Pareho sa dalawa ang mulat na paglaban at pag-ibabaw sa takot, katulad ng pagsigaw ng mga raliyista kapag binabatuta at tinutubig ng mga pulis ng “Makibaka, huwag matakot!” Ang kaibahan lang, mag-isa silang humarap sa mas matinding kalupitan sa loob ng kulungan, hindi kasama ang iba pa kaya lalong nakakabilib. Tiyak na pareho nilang hinarap ang takot sa kamatayan at isinalin ito sa galit sa pagmamalupit ng militar at gobyerno sa mga nakikipaglaban para sa pambansang paglaya at pagkakapantay-pantay. Pareho silang may ipinakitang dignidad na kaiba sa tinukoy ni Gng. Principe. Dignidad itong hindi na lang personal at pinaka-akma nang bansagang “rebolusyunaryo.”

 

Kaugnay ng pangkalahatang buhay-bilangguan, sabi ni Gng. Principe, “Nakatulong sa akin ang pag-iisip [nang] positibo para di lubhang ma-depress sa bagong mundo ko.” Sabi naman ni Prop. Sison, “Upang mapanatili ang linaw ng isip ay sinadya kong balansehin ang diwang mapanlaban at diwang mapagbiro.”

 

Kaya naman nakakatuwa’t nakakatawa ang napakaraming kwento ni Gng. Principe. Tungkol sa akusasyon sa kanya, ang sagot lang niya ay “Ngi! Hindi ko nga alam na naganap [ang aksyong militar sa Manila Peninsula] at hindi ko pa nakita sa buong buhay ko si Sen. Trillanes at mga kasamahan niya.” Akala mo artista lang siya sa Tropang Trumpo. Sabi niya, “Kahit nga si Cong. Satur Ocampo ay di pinayagang makadalaw sa akin. (Dami pa naman niyang dalang pagkain.)”

 

Ewan ko sa iba, pero magkahalong tuwa at takot ang hatid ng kwento niyang ito: Noong binulungan siya ng isang malamang ay militar na nagbalik sa kanya sa kulungan ng “Kung makatakas ka o makalaya, ako ang papatay sa iyo,” agad daw siyang sumagot ng “Bakit ka nananakot?” Halata ang takot, pero nilalabanan. At ito ang diwang palabang ikinakatuwa at tinutugunan ng “Wagi!” “Malupet!” “Panalo!” sabay palakpak sa mga huntahan ng mga tibak.

 

06 Disyembre 2008

Follow

Get every new post delivered to your Inbox.

Join 117 other followers