Bago naging madalas na balita sa rehimeng Arroyo ang pagbansag sa ligal na mga organisasyong progresibo bilang mga “prente” ng Communist Party of the Philippines at New People’s Army gayundin ang paninira sa kanila, sa Forum – isang publikasyon sa Unibersidad ng Pilipinas – ay may lagi nang gumagawa ng ganito. Ang pangalan: Patricio N. Abinales o P. N. Abinales o Jojo Abinales, dating guro sa UP na nagtuturo ngayon sa Kyoto University, Japan.
Gusto niyang palabasing “eksperto” siya sa Kaliwa sa Pilipinas, Marxismo, at mga usapin sa Mindanao – mga laging paksa ng mga sulatin niya. Noong nasa kolehiyo pa, may kolum siya sa Philippine Collegian na ang titulo ay “Abinalysis” – patunay ng walang-kahihiyang pagbibida sa sarili. Bilang dating kaibigan at ka-dorm ni Leandro “Lean” Alejandro, dating pangkalahatang kalihim ng Bagong Alyansang Makabayan na pinaslang noong rehimeng Aquino, nagsimula siyang may simpatya sa Kilusan kahit pa kritikal na rin dito.
Pero noong tumagal, naging magaspang na ang mga atake niya sa huli. May libro siya, ang Fellow Traveler: Essays on Filipino Communism [2001], na koleksyon ng mga banat niya. Bukod sa isang rebyu sa Kasarinlan, gayunman, wala nang gaanong pumansin dito. May isa pa siyang libro, ang Love, Sex and the Filipino Communist [2003] na ibinebenta na ngayon sa National Bookstore nang bagsak-presyo, P100. Bukod sa isang rebyu – sa Kasarinlan pa rin– wala na rin gaanong pumansin dito. Parehong paninira ang mga librong ito sa Kilusan.
May plano ako dating rebyuhin ang unang libro kaya humingi ako sa isang kaibigan. Bakit naman ako bibili? Bilang paghahanda, sinalungguhitan ko ang mga diin ni Abinales at kinomentuhan ang sa tingin ko’y mga mali. Kumusta naman? Nangalay ako! Namula ang mga pahina. Tumatama lang si Abinales kapag sumisipi ng mga pahayag ng iba. Sa dami ng mali sa librong ito, na madali lang naman sanang naiwasan, hindi mo maiwasang isiping produkto ito ng matinding pagkasuklam sa Kilusan, lalo na kay Jose Maria Sison.
Noong bisperas ng pagkakapatalsik sa rehimeng Estrada, may magiting na prediksyon si Abinales: Hindi raw ito mapapatalsik. Magtatagal daw ang krisis pero babalik din sa normal ang mga bagay. Sa halimbawang ito makikita ang dalawang bagay na hadlang kay Abinales na maging obhetibo sa pagsuri: ang kagustuhan niyang laging kumontra at tumuligsa sa Kaliwa at ang pagiging malapit niya sa mga umalis o pinatalsik na dating kasapi ng Kilusan – na ang marami-rami, sa panahong ito, ay nagsisilbi sa rehimeng Estrada.
Ngayon, may kumakalat sa mga e-group na bagong sanaysay niya: “Insurgency Re-examined.” Tama ang susing obserbasyon niya kaugnay ng Kaliwa ngayon sa bansa: Mas masigla ang mga aksyong militar ng NPA kumpara sa mga aksyong masa sa lansangan. Pero mali ang analisis niya kung bakit. Tulad ng dati, “abinormal” ang “abinalysis” niya sa lagay ng Kaliwa sa bansa.

(1)
Una, hindi totoo na mula sa pagiging malakas noong bago at pagkatapos mapatalsik ng diktadurang Marcos ay humina na ang CPP-NPA dahil sa kilusang pagwawastong inilunsad nito noong simula ng dekada ’90.
Ganito ang nangyari: Totoong malakas ang CPP-NPA noong bago at pagkatapos mapatalsik ng diktadura. Nakaugat ang lakas na ito sa pagtangan sa batayang mga prinsipyo nito noong itinatag. Pero pumasok sa ulo ng ilang lider nito ang lakas na ito at inakala nilang kaya nang magtagumpay ng rebolusyon. Kaalinsabay, pumasok din sa ulo nila ang mga teorya ng pagrerebolusyon na halaw sa anti-imperyalista pero petiburgis na mga pag-aalsa sa Latin America na mabilis ding nabigo at nagsiatras ilang taon pagkatapos. Dahil dito, ginusto at sinikap nilang madaliin ang pagtatagumpay ng rebolusyon.
Dahil sa pagmamadali sa tagumpay – at narito malamang ang ibinibida ni Abinales na pagiging “maparaan” ng mga dating kadre ng Kilusan – ipinatupad ang tinatawag na insureksyunismong lungsod at adbenturismong militar. Bahagi nito ang maiingay na aksyong masa sa kalunsuran at aksyong militar sa kanayunan – na siyang pinupuri ni Abinales. Pangunahing itinulak ito ng mga dating kadreng ipinagtatanggol niya – Romulo Kintanar, Filemon Lagman, Arturo Tabara at maging si Ricardo Reyes, isa sa mga lider ng Akbayan.
Ano ang epekto? Binitawan ang hakbang-hakbang at solidong pag-oorganisa na napakahalaga sa paglakas ng Kilusan simula noong itatag ito. Mas masahol, nag-imbita ang mga hakbanging ito ng matitinding opensiba ng militar. Natalo ang NPA sa maraming labanan at nalustay ang napakaraming masang sumusuporta, kasapi, kadre, rekurso at armas ng CPP-NPA na ipinundar sa maraming taon.
Pinakamasahol, dahil sa paghahanap ng dahilan sa sunud-sunod na pagkatalo ng mga aksyong militar, napalaki nang husto ang banta ng “impiltrasyon” ng militar sa CPP-NPA at inilunsad ang barbarikong mga kampanya para tukuyin at patayin ang mga “ahente” sa loob nito. Isa na rito ang sikat na Kampanyang Ahos sa Mindanao na pinangunahan ni Reyes at pumatay sa daan-daang kasapi’t kadre ng CPP-NPA. (Pamilyar ba sa inyo ang pangalang Nathan Gilbert Quimpo? Laging nagsusulat sa Philippine Daily Inquirer kontra sa CPP-NPA? Hindi niya inaamin, pero responsableng kadre siya sa Mindanao noon.)
Sa tindi ng opensiba ng militar sa Mindanao noon, na hindi kinakaya ng CPP-NPA sa lugar, ginusto ng mga lider nito doon na humingi ng lokalisadong pakikipag-usap na pangkapayapaan sa gobyerno. Sa kilusang masa sa kalunsuran naman, noong pinagdedebatehan sa Senado ang tratado hinggil sa mga base-militar ng US sa bansa noong 1991, iilang libong mamamayan lang ang kumikilos sa lansangan kasama ng mga organisasyong progresibo. Sa harap ito ng isang historikong isyu kung saan naging mahalaga ang papel ng Kaliwa.
Sa madaling salita, bago pa man inilunsad ang kilusang pagwawasto, ramdam at kita na ang pangkalahatang paghina at pagbagsak ng Kilusan na idinulot ng mga pagkakamali noong dekada ’80 na tinawag nang “ultra-kaliwa.”
Noong inilunsad ng Kilusan ang kampanyang tukuyin at punahin ang malalaking pagkakamaling nagawa nito, lumakas ito. Makikita ang paglakas nito simula noong ikalawang hati ng dekada ’90. Kaya nga noong naupo sa poder ang rehimeng Arroyo, itinuring nitong Numero Unong kaaway ang Kilusan at pinawalan nito ang matinding pasistang atake laban sa huli. Kahit si Quimpo, sa isang sulatin noong 2002, ay kumilalang lumalakas ang Kilusan. Ang habol lang niya, nagawa ito ng Kilusan sa pag-abandona sa mga prinsipyong Maoista nito – patunay ng kitid ng pag-unawa niya sa huli. Hindi sila tugma sa suri ni Abinales. Pareho kasi silang upak lang nang upak sa Kilusan.

(2)
Ikalawa, hindi totoong nagdulot ng paghina ng CPP-NPA ang pagkawala ng mga dating kadre nitong sina Kintanar, Lagman, Tabara at Reyes.
Ipinakita ng paglakas ng Kilusan, na resulta ng kilusang pagwawasto nito, na hindi nakapagpahina rito ang pagpapatalsik sa dating mga kadre nitong hindi na tumatangan sa batayang mga prinsipyo, ayaw tumanggap ng responsibilidad sa malalaking pagkakamali, ayaw magwasto ng mga pagkakamali, lantad na umatake sa Kilusan at gumawa ng malalaking krimen laban sa Kilusan at mga mamamayan – kahit pa tinatawag silang “de-kalibre,” di-dogmatiko at “malikhain” ng isang Abinales. Hindi humina ang Kilusan sa pagpapatalsik sa kanila; sa halip, napigilan ang patuloy na paghina nito.
Noong pinatalsik sila, ipinakita nila ang tunay nilang kulay. Naging hayag ang pagiging Trotskyista at nalantad ang pagbebenta sa mga maralita ni Lagman, nakipagkutsabahan si Tabara sa AFP at mga panginoong maylupa kontra sa NPA, at naging ahente ng militar at nanumpa pang miyembro ng Lakas-NUCD si Kintanar. Sinasabi ring nakikipagtulungan sa militar si Reyes kontra sa NPA. Sila ba ang mga kadreng dapat panghinayangan ng CPP-NPA? Ni hindi na sila kaisa sa prinsipyo, paano pa sila magiging kasapi o kadre? Kung nanatili sila sa Kilusan, mas malamang na ipagpapatuloy nila ang pagsira rito mula sa loob.

(3)
Ikatlo, hindi napatunayan ni Abinales na mas mahuhusay ang mga personalidad ng Kaliwa noong dekada ’80 kaysa sa mga personalidad ngayon.
Napaka-personalistiko ng pagsuri si Abinales, kahit sa isang Kilusang nagbibigay ng ibayong halaga sa sama-samang pagmumulat, pagkilos at pag-oorganisa ng masa. Kahit sa antas ng personalidad, gayunman, kaduda-duda kung totoo ang kanyang pagsusuri. Tiyak na makikita noong dekada ’80 ang mabubuting katangiang rebolusyunaryo, pero batay sa salaysay ng Kilusan, naglitawan din ang samu’t saring personal na pagkabulok at pag-atras.
Malayo raw ang “sakiting” si Gregorio “Ka Roger” Rosal kumpara kay Kintanar? Bakit sila ipinagkukumpara? Noong kumikilos si Kintanar, kumander siya ng NPA samantalang tagapagsalita ngayon ng CPP si Rosal. Pero narito ang paghahambing: Nananatiling matapat na NPA si Rosal samantalang namatay na ahente ng gobyerno si Kintanar – na kinumpirma mismo ni Gloria Arroyo.
Malayong gaya-gaya si Renato “Nato” Reyes, pangkalahatang kalihim ngayon ng Bayan, kay Lean Alejandro? Nakakapag-ambag ang mga lider-masa sa paglakas ng kilusang masa pero ang susi sa pagsikat ng mga lider-masa ay ang paglakas ng kilusang masa. Sumikat si Lean dahil sa malalaking aksyong masa noong panahon niya, higit sa personal niyang kakayahan. Hindi porke hindi pa kasing-sikat si Nato ay hindi siya mahusay. Kilala kaya ni Abinales si Nato? Napakinggan na kaya niya na magtalumpati si Nato sa mga mobilisasyon – na nakakapagpataas ng balahibo sa ahitasyon? Nabasa na kaya niya ang mga isinulat ni Nato? Ewan ko sa iba, pero sa tingin ko, maihahambing, kung hindi man mas matalas pa, ang mga isinulat ni Nato kumpara sa mga isinulat ni Lean.
Kesyo ang pinakamahusay na gawain sa pakikipagkaisang prente nina Teddy Casiño at Satur Ocampo sa Kongreso ay ang lihim na pakikipagkasundo sa mga panginoong maylupa. Gusto niyang palabasing tunay na maka-magsasaka ang isinusulong na “CARP Extension with Reforms” ng Akbayan at iba pang grupo. Patunay ng pag-atras ng mga dating progresibo na nasa Akbayan ngayon na nagsusulong sila ng programang kinokondena nila noon bilang peke at pabor sa mga panginoong maylupa. Ang talagang bangga sa interes ng mga panginoong maylupa ay ang rebolusyong agraryong isinusulong ng NPA, hindi ang anumang batas na kayang ibigay ng Estado ng mga panginoong maylupa.
Kesyo ang mga yunit ng NPA na “nilikha at pinrotektahan sa madugong internal na pamamaslang noong dekada ’80” ni Kintanar ang siyang nangunguna sa buong bansa ngayon sa mga taktikal na opensiba. Ano ang gustong sabihin ni Abinales? Salamat kay Kintanar para sa mga opensibang ito halos dalawang dekada mula nang mapatalsik siya? Humina ang CPP-NPA sa Mindanao matapos ang adbenturismong militar ni Kintanar. Mismong ang yunit dito ay hindi nagpapasalamat, kundi nangunguna sa pagkondena sa mga krimen niya.

(4)
Ikaapat, mas masigla ngayon ang mga aksyong militar ng NPA kumpara sa mga pagkilos ng kilusang masa sa kalunsuran hindi lang dahil gusto ng CPP-NPA na magpanatili ng imahe bilang “pinakamalaking banta sa gobyerno.”
Mababasa sa mga dokumento ng CPP-NPA na ang gusto nila, sa yugtong ito ng pakikibaka, ay magsalimbayan ang malalawak na aksyong masa ng kilusang masa sa kalunsuran at ang malalakas na taktikal na opensiba ng NPA sa kanayunan. Sa tingin nila, gayunman, naglilingkod ang dalawa sa kongkretong mga layunin – pagkakamit ng taktikal na ginhawa para sa masa at pagprotesta sa masasamang patakaran sa una, at pagpapahina sa militar at pag-agaw ng mga armas sa ikalawa. Ibig sabihin, hindi ginagawa ang mga ito para lang magpatatag ng imahe – bagamat, totoo, sa paggawa ng mga ito, nagiging pinakamalaking banta ang Kilusan sa Estado.
Natural, gayunman, na may negatibong epekto ang pasistang atake – ang panghaharas, ekstrahudisyal na pagpaslang, at pagdukot sa mga lider at miyembro ng progresibong mga organisasyon, at ang takot na nalilikha ng mga ito – ng rehimeng Arroyo sa hayag na kilusang masa. Siguro, isa ito sa maituturong dahilan kung bakit mas malalaki ang mga aksyong masa sa kalunsuran sa nakaraang mga taon kumpara ngayon. Siguro, isa rin ito sa maituturong dahilan kung bakit mas tampok ngayon ang mga taktikal na opensiba sa kanayunan kumpara sa mga aksyong masa sa kalunsuran.
Pero bago magdiwang si Abinales, ang AFP, at ang mga tagapagtanggol ng sistema, kailangang idiin na nagpapatuloy ang mga aksyong masa sa kalunsuran. Masasabi sigurong napapabagal pa ngayon ng pasistang atake ang pagsulong nito – “pa ngayon” dahil ipinakita na ng kasaysayan na kayang umangkop at lumakas ng Kilusan kahit sa harap ng pinakamapanupil na mga hakbangin ng Estado, noong Batas Militar halimbawa. Pero napapabagal lang, hindi napapatigil. At makabuluhang pahayag na ito: Patunay ng tatag ng Kilusan na hindi ito sumusuko, bagkus ay patuloy na nagsisikap, sa harap ng patraydor na pasistang mga atake ng Estado. Patunay din ito ng posibilidad ng muli at mas malakas na pagsulong nito sa hinaharap.

(5)
Ikalima, humihina at umaatras ngayon ang mga organisasyong itinayo ng mga dating kadre ng CPP-NPA noong matapos nilang mapatalsik sa huli.
Ayon kay Abinales, “humihina” ang Kilusan dahil pinatalsik nito noon ang mga kadre nito. Pero kumusta ba ang mga organisasyong itinatag ng mga dating kadreng ito? Humihina sila at umaatras, malayo sa antas ng Kilusan ngayon.
Iyung mga nagyayabang na nagbibigay sila ng importansya sa parlamentaryong pakikibaka, hindi nakikitang mamuno sa malalaking mobilisasyon sa lansangan. “Lumalanding” lang sila sa midya kapag gumagawa ng mga aksyong dramatiko o ma-gimik. Iyun namang mga nagsusulong pa rin ng “armadong pakikibaka,” hindi lumalawak ang teritoryong saklaw, nakikipagkutsabahan sa militar kontra sa NPA, at nakikipagkutsabahan sa mga panginoong maylupa kontra sa masa.
Makikita ang paghina ng mga organisasyong ito maging sa mga personalidad nila. Sa kabila ng ipinagmamalaking lakas ng Akbayan, si Risa Hontiveros-Baraquel ang kongresista nito – isang sosyal-demokratang ni hindi tumampok sa kahit anong pakikibakang masa sa nakaraan at minsan pang umupo bilang kinatawan ng gobyerno sa usapang pangkapayapaan sa National Democratic Front. Kahit anong pagpapapansin – tampok ang paglahok sa pagkilos sa Manila Peninsula ni Sen. Antonio Trillanes IV, na palpak ang pagkakaplano – hindi pumapatok sa midya o madla sina Atty. Argee Guevara at Atty. JV Bautista ng Sanlakas. Bihira ring lumabas sa midya si Rep. Renato Magtubo ng Partido ng Manggagawa – at hindi lang siguro dahil sa dating ng apelyido niya.
Sina Joel Rocamora at Mon Casiple, pana-panahong lumalabas sa midya bilang mga “manunuring pampulitika,” hindi bilang mga teorista o tagapagsalita ng mga kilusang masa. Tila mas komportable sila sa mga institusyon at NGO na nabubuhay sa suporta ng mga dayuhang funding agency at hindi lubog sa kahit anong kilusang masa. Si Quimpo ay matagal nang nagbubuhay-akademiko sa ibang bansa at minsang nalalathala, kapag bumubukas ang masmidya sa mga banat niya sa Kaliwa. Si Reyes, siya na mismo ang sumigaw noon sa Kongreso para sa ekstensyon ng CARP – patunay ng kaliitan o kawalan ng baseng masa.
Naalala ko tuloy ang paglalarawan ni Ka Barry (aka Quimpo) sa tunggalian sa loob ng Kilusan noong maagang bahagi ng dekada ’90. Nasa isang banda, aniya, ang bagamat malakas ay unti-unti nang humihina dahil sa dogma nito (ang CPP diumano). Sa kabilang banda, aniya, ang bagamat mahina ay unti-unti nang lumalakas dahil sa bagong mga prinsipyo (ang mga pinatalsik sa CPP). Mahigit 15 taon matapos, walang patunay na tama ang mga prediksyon niya.

(6)
Batay sa mga nabasa kong sulatin niya, hindi kalabisang sabihing magandang halimbawa ang huling sanaysay ni Abinales ng mababang kalidad at magaspang na atake ng napakaraming sulatin niya kontra sa Kilusan. Kung hahalaw nga sa isang kritiko, dalawang milya ang saklaw – at minsan, pati haba – ng mga sulatin ni Abinales tungkol sa Kaliwa, pero dalawang pulgada lang ang lalim.
Hindi siguro pinapaniwalaan ng mga gumagawa ng mga taktika at estratehiya na kontra sa rebolusyon ang mga isinusulat ni Abinales – dahil puro pang-aasar ito at hindi kumikilala sa kalakasan ng Kilusan, kahit mayroong dapat kilalanin. Pero nakikinabang sila sa gamit ng mga sanaysay niya: Ang panatilihing payapa ang konsensya ng mga nasa panggitnang uri na “kritikal” sa gobyerno at sa pagiging “kritikal” din sa Kaliwa ay walang magawa kundi magdeklarang gusto ring baguhin ang naghaharing sistema sa bansa – habang sa aktwal ay mabuting mga mamamayan ng mapanupil at mapagsamantalang neo-kolonyal na Estado.
Dahil pag-atake sa Kilusan ang palaging laman ng mga sulatin niya, na napakahalaga sa pagpapanatili ng katayuang akademiko niya, hindi kalabisang sabihing pinagkakakitaan ni Abinales ang pagtuligsa sa Kilusan. At kumita na nga siya. Masarap ang buhay niya: Nagtuturo at may posisyon sa isang unibersidad sa Japan, nakakadalaw sa Pilipinas kapag gusto. Mula sa ganitong buhay niya isinusulat ang mga tuligsa sa Kilusang ayaw niyang magtagumpay.
Pero ibang bagay pa kung bibigyang-halaga ang mga sulatin niya ng mga Pinoy na intelektwal, kabataan at mamamayan sa hinaharap. “Pinakamahusay na mauunawaan ang unggoy,” ayon kay Bertolt Brecht, Marxistang Aleman, “mula sa tao.” Mula sa isang lipunang karapat-dapat sa tao, paano kaya babalikang-tanaw ang mga isinulat ni Abinales? Katulad ng mga pagsisikap ng unggoy na unawain ang tao? Malapit na siguro ang ganoon, pero insulto iyun sa unggoy.
01 Pebrero 2009