Monthly Archives: March 2009

adbusters_ny_billboard_rs

Iyan ang kailangan nating gawin – at hindi lang magdeklara. Kahit ang Corporate Social Responsibility na nagpapaganda ng imahe ng mga korporasyon ay nakabatay sa pagsasamantala sa mga manggagawa nila o sa mga mamimili.

Corporate Social Responsibility: Business as Usual

Bago pumutok ang kasalukuyang krisis pampinansya at pang-ekonomiya, may isang praseng sikat at patok sa negosyo, akademya at midya: ang Corporate Social Responsibility o CSR. Ito ang pagkakawanggawa ng mga korporasyon at negosyante, na kadalasang malalaki, sa lipunan.

Minsan, nagtanong si Angela Stuart-Santiago, kilalang blogger, kaugnay ng CSR ng ABS-CBN: Bakit, aniya, hindi na lang nito ibalik at paramihin ang mga programang nagbibigay sa publiko ng impormasyon at opinyon hinggil sa maiinit na isyung pambansa? Naalala ko nga, noon, kahit ang dating Mel and Jay ay tumalakay sa isyu ng mga base-militar ng US sa Pinas.

Sa ganitong tanong, itinuturo niya ang mahalagang batayang materyal o pang-ekonomiya ng CSR: Kailangan, kitang-kita ang kita o go na go ang negosyo ng mga korporasyon at negosyante. Kailangan, halimbawa, na manatiling kaunti ang mga programang makabuluhan ng ABS-CBN para makapaglunsad ito ng maliit na programang pang-CSR na gaya ng ipinapakita ni Gng. Santiago ay kwestyonable o maliit lang ang pakinabang sa publiko.

we-are-all-socialists-now-newsweek1

Katugma ito sa kritika ni Slavoj Zizek, pilosopong Slovenian, sa ”CSR” ng mga sikat na malaking negosyante sa US na tinawag niyang ”mga komunistang liberal.” Aniya, ”Pwedeng nilalabanan nila ang suhetibong karahasan, pero ang mga komunistang liberal ang mga ahente ng istruktural na karahasan na lumilikha ng mga kalagayan para sa suhetibong karahasan. Ang [George] Soros na nagbibigay ng bilyun-bilyon para pondohan ang edukasyon ay nakawasak sa buhay ng libu-libong tao salamat sa kanyang mga ispekulasyong pampinansya at sa gayon ay lumikha ng mga kalagayan para sa pag-usbong ng kawalang-pagkilala (intolerance) na kanyang kinokondena.”

Sa hirap ng buhay sa bansa, maipagpapasalamat na ng iba ang CSR ng mga korporasyon at negosyante. Pero mahalaga pa ring mailantad ang materyal o pang-ekonomiyang batayan nito – na posible ngang napagtatakpan o napapaliit sa mata ng publiko ng mga hakbanging pang-CSR.

Hindi ko alam kung may CSR si Henry Sy, halimbawa, ang sikat na may-ari ng mga mall na SM. Kung mayroon man, katas ito ng pagsasamantala niya sa napakaraming kontraktwal na kababaihang manggagawa sa SM, pagbarat sa sahod nila at paglaban sa pag-uunyon nila sa pagtanggap sa nakakaraming manggagawang miyembro ng Iglesia ni Cristo – na kung bakit naman nagbabawal sa mga miyembro nito na mag-unyon.

Tila aktibo ang Shell sa Gawad Kalinga. Mabuti na rin sa isang banda. Pero bistado na ang modus operandi ng kartel ng langis sa bansa: Mabilis magtaas ng presyo kapag may palusot na pwedeng idahilan, pero mabagal at barya-barya lang magbaba kapag alam na ng mga mapagbantay na dapat magbaba ito ng presyo. Sinasabi pa sa publikong nalulugi gayung ang ibig lang sabihin ay hindi nakakamit ang target nitong tubo sa isang panahon.

statue-of-liberty-turns-communist

Sa isang artikulong tila tumutuldok sa ”CSR” ng mga kompanya at negosyante sa US dahil sa kasalukuyang krisis, nagdagdag pa ng punto si Katha Pollitt laban sa ”pamimilantropo” nila: ”Sinabayan – at tinulungang bigyang-katwiran – ng paglakas ng pamimilantropo ang mga kaltas sa buwis, lumiit na mga serbisyo ng gobyerno at tumitinding kawalan ng pagkakapantay-pantay.”

Noong kasikatan ng CSR, binihisan ito ng mga teorista at publisista nito ng unibersal o panghabang-panahong pilosopiya – tulad ng din ng ginawa noon sa ”globalisasyong neoliberal.” Ngayon, sa pagputok ng malubha at matagalang krisis pampinansya at pang-ekonomiya sa buong mundo, huhulas ang pilosopiyang ito na parang kolorete sa mukha ng agnas nang bangkay. Hindi ito ubra kapag ”business unusual” tulad ngayon. Ubra lang ito kapag ”business as usual” – na masama rin, o napakasama, para sa marami nating kababayan.

”Ang kailangan talaga natin,” ani Pollitt, ”ay hindi ang pabugsu-bugsong mga hakbangin ng kabutihan kundi ang tuluy-tuloy na mga hakbangin ng pagkakaisa.” Pwedeng idagdag: hindi para manlimos ng mumo ng mga mayaman at makapangyarihan o magpasalamat dito, kundi para agawin at angkinin ang pag-aari at kapangyarihan nila.

26 Marso 2009

rebelyn-pitao

Katarungan para kay Rebelyn Pitao! Dahil hindi kinakaya ng gobyerno at militar na gapiin ang New People’s Army, muli na naman itong bumaling sa marumi at traydor na taktika ng paggahasa at pagpatay sa isang sibilyan, kay Rebelyn Pitao na anak ng isang lider-NPA sa Mindanao.

Ulat sa mga Anak ng Hinaharap

“Rebelyn” ang pangalan niya, may salitang ugat na madaling hulaan. Mahilig ang mga progresibo at rebolusyunaryo, tulad ng mga magulang niya, sa pagpapangalan sa mga anak nang may kinalaman sa pakikibaka. Sa mga pangalang ibinigay nila, mayroong maganda at mayroon din namang hindi gaano. Pero marami rin namang kakatwang pangalan ang mga anak ng mga hindi nila katulad.

Resulta ang ganitong mga pangalan ng pagyakap sa pakikibaka at ng pangakong magiging matatag. Sa harap ng hirap ng kumbaga’y kahapon, ngayon at bukas, panata sa hinaharap ang mga pangalang ganito. Na kung hinuhubog ng mga nagtatanggol sa sistema ang mga anak nila, hinuhubog din ng mga gusto ng pagbabago ang sariling mga anak. Pagtaga ito sa bato at pagsugal din. Na matapos ang isang panahon – na tiyak na “interesante,” ayon nga sa sikat na kasabihang Tsino – makikilala pa rin ng mga nagpangalan ang panata nila at ang halaga nito.
 

leonardo-da-vinci-embryo-in-the-womb

 

Malaking bagay ito sa mga progresibo at rebolusyunaryo, ang pagpapatuloy sa rebolusyon – proyektong pangkolektibo na may ritmong historikal at matagal, higit sa ritmo ng buhay ng indibidwal. Sabi ng mga kaibigan, sa nobelang Desaperasidos ni Lualhati Bautista, halimbawa, matapos ang napakaraming kahirapang dinanas ng mga magulang na rebolusyunaryo, happy ending pa rin naman: Natanggap ng mga anak nila ang pakikibaka. Oo, ito na ang magandang katapusan sa salaysay ng tortyur, sakripisyo at kamatayan. Siguro, dahil karamay rin ang mga anak sa sakripisyo na pinili ng mga magulang: bawas ang kita ng pamilya, may panganib sa buhay nila, at iba pa.

Ayon sa mga ulat, hindi aktibong nakikisangkot sa pulitika si Rebelyn, hindi aktibista. Kahit tatay niya ang kilabot-sa-militar na si Leoncio “Kumander Parago Sandoval” Pitao ng New People’s Army sa Mindanao at kahit lumalabas na progresibo ang nanay niya, pinili niyang maging karaniwang titser na pang-elementarya. Hinihimok ng mga rebolusyunaryo ang mga anak nila sa abot ng makakaya, pero ang mga anak pa rin ang magpapasya sa sariling buhay. At mainam ang propesyong pinili ni Rebelyn. Makatao ang maging guro, hindi nagsasamantala kundi nag-aalay ng sarili sa kapwa.

May isang ulirang aktibistang guro sa Unibersidad ng Pilipinas, si Prop. Melania “Lani” Abad. Dahil alam niyang hindi magiging aktibistang lahat ang mga estudyante niya, o minorya nga lang sa kanila ang tatahak sa kakaibang landas na ito, may hirit siya, kumbaga sa negosasyon, sa huling araw ng klase. “Kung hindi kayo magiging aktibista, huwag naman sana kayong magsamantala o mang-api sa kapwa.”

 

pablo-picasso-mother-and-child

 

Bata pa si Rebelyn, 21 anyos. Pwede pa sanang mamulat at maging progresibo o rebolusyunaryo. Titser siya – alam ang sahod at mga gastusin, inaaral kung bakit hirap matuto ang mga estudyante, napapaisip kung bakit maliit ang sahod ng mga mahalaga sa lipunan, samantalang todo-yaman ang mga garapata sa gobyerno at negosyo. Napakarami ring ganoon, na hindi naging aktibista sa kolehiyo pero sa larangan ng trabaho natutong makisangkot at kumilos para sa pagbabago.

Pero hindi na pwedeng maging ganoon si Rebelyn. Pinugto na ang pagbabago niya noong dinukot siya ng di-nakilalang mga lalake, ginahasa at pinagsasaksak ng ice pick sa iba’t ibang bahagi ng katawan.

Heto na naman tayo: Pwede sanang pinatay na lang si Rebelyn, hindi na ginahasa. Pwede sanang binaril sa sentido, hindi na pinagsasaksak ng ice pick. Sabi pa ng iba, pwede sanang hindi ice pick ang ginamit para sandali lang ang sakit at dusa. Muli: Hindi lang siya gustong patayin, kundi pagmalupitan din. Hindi lang gustong patayin ang anak ni Kumander Parago, kundi maghasik din ng takot. Babala ito sa mga katulad ni Kumander Parago at mga posibleng tumulad sa kanya: Huwag kayong mag-aanak.  

 

pieta-14th-century  

Tadtad ang kasaysayan ng mga digmaan sa mundo at ang karanasan ng pagsupil ng Estado ng Pilipinas sa rebolusyunaryong Kilusan ng ganito, ng paggamit sa sekswal na pang-aabuso, lalo na ang paggahasa sa kababaihan, bilang armas sa gera. Simula noong rehimeng Marcos hanggang sa rehimeng Arroyo ngayon, napakarami nang salaysay ng mga susong nilamas, mga ari at puwet na pinasukan ng ari o ibang bagay – walis-tingting sa ari ng lalake – at mga bulbol na sinunog. Kung nakakahindik mang sabihin at isipin, tiyak na mas masahol ang aktwal na mga nangyayari.

Sa kabila ng pormal na pagbabawal ng mga batas at kasunduan, patakarang hindi nakasulat ng gobyerno at militar na magpalasap ng kalupitan sa mga itinuturing nitong kaaway. Kaya naman mula noon hanggang ngayon, wala pang pinaparusahan ang Estado sa matitinding paglabag sa mga karapatang pantao.

Ang kalupitang ito, sumasanib sa pagiging patriyarkal ng nagpapatupad. Ang mga gumagawa nito, na kalakha’y lalake, ay lumalabas na nalilibugan sa sinasaktan at pinupwersa nila, na madalas ay lumalaban. Lumalabas na ginaganahan silang makipagtalik sa ganoong sitwasyon. Siguro, nanunuot kahit sa ganoong mga larangan ang modang puro libog at walang pagmamahal sa seks, na malaganap sa lipunan. Naglipana ang mga imahen ng mga hubad na katawang walang pagkatao. Idagdag pa ang absolutong kapangyarihan sa isang katawan, pinapadulas ng alak o droga.

 

ghent-adam-and-eve

Muli, nakikita sa nangyari kay Rebelyn ang pagkatuto ng rehimeng Arroyo. Natuto ito sa kasong impeachment kay dating Pres. Erap Estrada, noong hinarang ng rehimen ang pagbukas sa ikalawang envelope at sa gayo’y hinudyatan ang Edsa 2 na nagpatalsik kay Estrada. Pagkatuto itong ipinapakita ng “I-am-sorry” na patalastas sa telebisyon ni Gng. Gloria Arroyo noong kasagsagan ng kontrobersyang “Hello Garci.” Hindi kailangang kontrolin ang eskandalo; lalo lang itong puputok. Ang kailangan ay kilalanin ito, pasiklabin pa nga, at magpanggap na pumapanig sa wasto. Kinondena ng rehimen ang nangyari kay Rebelyn, nanawagan ng imbestigasyon. Sa dulo, gayunman, siguradong hahadlang ito sa pagkakamit ng katarungan sa kaso.

Malinaw na masakit kay Kumander Parago ang nangyari. Hindi lang ginahasa’t pinatay ang anak niya. Lumalabas pang dinanas ito ng anak niya dahil sa pinili niyang propesyon sa buhay, ang maging rebolusyunaryo. Mahirap, gayunman, na maniwalang mapapahina ng nangyari ang paninindigan niya para sa rebolusyon.

Sabi ni Walter Benjamin, pilosopong Aleman, hindi ang larawan ng malayang mga apo ang malakas na nag-uudyok ng rebolusyon, kundi ang larawan ng napakaraming ninunong inalipin, pinagsamantalahan at binusabos. Idagdag natin: maging ang larawan ng mga kasama at karaniwang taong dinahas, pinagmalupitan at pinatay ng Estado sa kamay ng imperyalismo at mga naghaharing uri.

20 Marso 2009 

Napakarami nang nagsulat tungkol kay Rebelyn: Sina Kenneth Guda, Ina Silverio (isa, dalawa), Sarah Raymundo, E. San Juan, Jr., Carol Araullo at Katrina Macapagal. Maganda ang sinabi ni Mayor Rodrigo Duterte ng Davao hinggil sa isyu, na bilang tatay ay mauunawaan niya kung magsarili sa pagkamit ng katarungan si Kumander Pitao. Hindi ako tagahanga ng kolumnistang si Mon Tulfo – eh sino ba? – at narito ang magandang sagot ni Luis V. Teodoro sa isa, dalawang kolum niya tungkol kay “Nicole” na nabasa ko, pero maganda rin ang sinabi niya tungkol sa kaso ni Rebelyn, na bumagsak ang antas ng militar. Hindi papahuli si Dean Jorge Bocobo sa pagbanat sa New People’s Army kahit sa panahong ang militar at rehimen ang dapat na nasa depensiba. May naniniwala ba talaga sa taong ito? Heto ang magandang atake sa kanya – at kanyang katinuan! – ni Manuel Buencamino, na nagbansag sa kanyang “cheap-shot blogger.” 

Pahabol: Para sa mga katulad kong hindi nakapanood ng konsyerto ng Eraserheads, at para na rin siguro sa mga nakapanood, heto ang isa, dalawang bungkos ng mga larawan ni Jamael Jacob sa nangyari. Magagandang larawan, pero hindi siguro mapapalitan ang danas ng pagdalo. Hehe. 

francis-magallona-21

Nagluluksa tayo sa pagkamatay ni Francis M, pasimuno ng Pinoy rap, na tumindig sa loob nito para sa klase ng rap na kritikal sa lipunan. (Galing ang larawan sa itaas sa account sa Flickr ni Ken Tamayo. Salamat!)

Nandito na si Kiko

Noong ikinwento ng isang kaibigan na patay na si Francis Magalona –kilala bilang “Francis M,” “master rapper,” “the man from Manila,” at simpleng “the man,” – naisip ko, tiyak, bubuhos ang mga parangal. Sumikat at namatay kasi siya nang katanggap-tanggap para sa marami, kung hindi man mahal at hinahangaan ng marami, sa mga taong tinawag niyang “Mga Kababayan.”

Dahil dito, idinagdag ko na lang ang isang biro na parehong parangal at pang-asar. Mahusay talaga si Francis M. Isipin mo, mula sa putikan ng Lovely Ness – palabas sa telebisyon noong dekada ’80 na ang pambenta ay ang pagsayaw ni Alma Moreno nang naka-tangga, kung saan kumakanta si Alma Moreno nang parang bumubulong at humihingal, at kung saan naging resident rapper siya, nagra-rap para ipakilala ang susunod na sasayaw o kakanta – nagkaroon pa rin siya ng career, sumikat, at naging kagalang-galang na musikero at artista. Mahirap sigurong bumangon sa ganoong karanasan. Pambihira itong “the man.”

prayer-before-meals

Pero kung maiiwan sa ganyan at hindi dudugtungan, elitistang pagtingin iyan, na showbiz din naman, at tumitingin kay Francis M mula sa lente ng siguro’y pinakamababang antas na inabot niya. Mas makabuluhan at dapat saluduhan ang mga parangal na tulad ng kina Kenneth Guda at Nato Reyes na nagpapatampok sa makabayan, kritikal, at rebelde sa mga katha ni Francis M at sa pagiging musikero niya. Lalo na ngayong patay at pinaparangalan siya, larangan ng tunggalian ang mga gawa at buhay niya. Bagamat talagang tampok sa kanya ang makabuluhan, kailangan pa rin siyang bigyang-kahulugan ng mga progresibo para tunggaliin ang dominanteng “pagpapaamo” sa kanya.

(May bahagi sa akin noon na kritikal sa pagpapalamya o pagpapaamo ng Bamboo sa kantang “Tatsulok” noong ni-revive nito ang kanta: bakit inalis ang “mas” sa “mas marami ang lugmok sa kahirapan,” bakit naging mas maangas at eksistensyal ang kanta sa halip na palaban, masaya at pangmaramihan. Bagamat dapat pansinin, ano pa nga ba ang maaasahan ng mga progresibo, ng karaniwang tao, sa kulturang popular? Bagamat dapat maging kritikal dito, dapat pa ring lakasan ang “Tatsulok” kapag pinapatugtog, dapat sabayan sa pagkanta, dapat komentaryuhan at dapat idiin ang progresibong nilalaman.)

barung-barong

Taliwas sa dominanteng mga kanta ng pag-ibig sa bansa, at bagamat mayroon din siyang klasikong “Cold Summer Nights,” nag-rap si Francis M tungkol sa pagmamalaki sa pagiging Pinoy, mga isyung panlipunan, kahirapan ng nakakarami at pagkabundat sa yaman ng iilan, at pagkakapantay-pantay. Ang aspektong ito ang kinuha niya sa tradisyon ng rap sa US – habang kinuha naman ni Andrew E ang tradisyon ng kabastusan, pagpapasarap sa buhay at dominanteng sekswal na pagtingin sa kababaihan. Ayon sa mga Aprikano-Amerikanong iskolar ng kulturang popular, ito ang tradisyong “pampropeta” (prophetic) sa musikang rap na hango naman sa malaganap ding tradisyong pansimbahan ng mga Negro: ipinagmamalaki ang sariling lahi, nananawagan ng pagkakaisa nito, pero nagkokomentaryo rin sa mga suliraning kinakaharap nito.

(Kakatwa ang ipinakitang huling pagtatanghal niya sa Eat Bulaga, kasama ang bandang Pupil ni Eli Buendia, ng “Superproxy” – na sinasabing tungkol sa pagsasalsal (masturbation). Kasama kasi sa Eat Bulaga si dating Sen. Tito Sotto, isa sa mga namuno sa krusadang moral noong ikalawang hati ng dekada ’90 laban sa mga kantang may masasamang mensahe at may mga mensahe pa nga raw ng Satanismo. Halimbawa niya noon ang “Alapaap” ng bandang Eraserheads ni Buendia na tungkol daw sa pagdodroga. Pero sabi ng isang kaibigang musikero, mas ang puntirya talaga ng mga atakeng ito ang bandang Yano, na may mas matatalas na pagtuligsa sa mga isyung panlipunan noong panahong iyon.)

harvest

Ilan na lang siguro ngayon ang pupuna kay Francis M sa paghiram o “paggaya” sa kulturang popular ng US. Madaling makitang impluwensyado ni MC Hammer at Vanilla Ice ang itsura niya noong unang bahagi ng dekada ’90, kahit noong kumakanta siya ng “Mga Kababayan.” Bagamat mas “natural” ang pananamit niya pagkatapos, “Kanluranin” pa rin. At syempre pa, hindi imbensyon ni Yoyoy Villame ang rap. Masasabi, bilang depensa kay Francis M, na napakakitid na ngayon ng espasyo ng mga kanta sa bansa na hindi nanghihiram sa kulturang popular ng US. Mas mahalaga, maganda ring makita ang paggawang inilaan niya para angkinin, o gawing Pinoy, ang mga impluwensyang hiniram niya. Sa pagsisikap niya, pumasok ang rap sa Pinoy – at naging Pinoy ang rap: sa tunog, wika, angas, pananamit, paksa at kabuluhan.

Sa mga parangal sa kanya ngayon, lumilitaw ang alagad ng sining na nasa likod ng mga katha. Lagi siyang naghahanap ng gagawing bago at makabuluhan. Mapaglaro siya sa paggamit ng iba’t ibang tunog at pakikipagtulungan sa iba’t ibang musikero – bukod sa Parokya ni Edgar at Eraserheads, kahit sa mga wala pang pangalan at bago. Hindi siya nagpalimita sa dikta ng komersyo at nangahas na sumalungat sa uso. Gumawa siya at pinanindigan niya ang gawa niya. Sa proseso, nag-ambag siya sa paghubog ng isang henerasyon.

Pagpupugay sa pasimuno ng Pinoy rap at pasimuno rin ng kritikal-sa-lipunang tradisyon nito. Sana’y sumunod sa sinimulan niya ang mga rapper at musikero.

09 Marso 2009

soliloquio_del_7_by_loganart

Dahil nababasa sila ng marami, bagamat malayo pa rin naman sa mayorya, hindi ganito ang angkop na larawan ng mga aktibistang blogger na inilalarawan sa ibaba. Ang ganitong nakakasukang pagsusuka ng mga salita siguro ang mulat na iniiwasan nila. (Galing ang larawang ito sa Loganart. Galing naman ang mga larawan sa ibaba kay GlennMichael. Salamat!)

Larawan ng Limang B

Blogger, bakti (tibak), barkada.

(1)

Matagal na siyang nagba-blog, tuluy-tuloy. Napakaraming materyal, mayroon na siyang mahabang listahan. Ano pa kaya ang posibleng magmulat sa kanila? Kapag walang ginagawa, kapag naantig ng napanood o nabasa, nagsusulat siya – sa wika at estilo na kasing-karaniwan ng Times New Roman, tulad ng isang gurong egalitaryan. Pero mapag-alsa ang mga ideya, ang tono, ang lipad ng imahinasyon. Mapahanga man lang sila sa pilosopiyang kayang iugnay ang marami, ang lahat, sa rebolusyon. Kabisado niya sa puso, bagamat hindi niya siguro alam, ang sabi ni Bertolt Brecht. Ang pagsisisigaw laban sa pang-aapi ay nakakapaos. Ang kailangan ay magpaliwanag nang matyaga, matalino, nagpapatawa. Kaya ganito ang larawan niya. Tumatawa nang nakapanyo, parang may nakakaaliw na kausap. Laban sa mga istiryutipo, heto ang pino at malumanay na aktibista – masarap tumawa pero bakal ang gulugod. Nitong huli’y marami siyang tangka sa pagteteorya. Sana magustuhan ng mga tao. Dangan lang kasi sa Motime, mahirap magkomento.

by_the_river_v_by_glennmichael

(2)

Para siyang nag-aalaga ng kaktus sa pagba-blog niya. Napakaraming gawain. May pinapaunlad pang bagong relasyon. Magandang pag-abante sa dati? Dalaga rin siyang maraming kaibigan, aktibista at hindi. Kaya mas masaya siyang kumuha ng larawan – mas madaling gawin sa masigla at malikot na buhay, nag-iiwan ng paalala ng napakaraming memorableng pinuntahan, sinalihan at ginawa. Kung mayroon kaya ang ibang blogger ng kahit kalahating mayroon siya, magba-blog pa kaya sila? Marami nang naisulat tungkol sa kung anu-ano – at ang dapat pa niyang isulat ay kailangang matamang alamin, saliksikin. At kung makakasulat ng pinaghirapan, bakit sa blog pa at hindi sa pahayagan? Totoo, kung nasa mainstream siya, nakilala na siguro siya sa maraming tahanan, at hindi lang dahil sa bukod-tangi niyang pangalan. Pero ano naman? Hindi iyun ang mahalaga sa kanya, kundi ang mga nasa laylayan, ang sinusupil pero sumusulong nilang kilusan. Anong saya, karangalan at pananagutan ang maging sundalo nila sa pahayagan.

roadtrip_v_by_glennmichael

(3)

Sekretarya siya ng tortyur at kamatayan, mamamahayag ng sinusupil na katotohanan. Siguro’y sa ganoon din tumatatag ang pagiging progresibo at lumalabas ang pagiging tao. Ang titigan ang mga paglabag sa karapatang pantao at ang makita ang sariling nakikiramay, bumibigat ang kalooban, nasusuklam. Siya rin si Ginoong Fundador.
Sa isang pelikula nina Tito, Vic and Joey, may guro sila sa Pilipino, si Binibining Fundador – malalim managalog, istrikto sa klase, konserbatibo ang moralidad. Laking gulat nila, minsang dinalaw nila sa bahay, nakasuot ito ng hapit na damit na tiger print, mahalay na umiinom ng Fundador sa gobleta at nagi-Ingles nang mapang-akit. Seryosong pamamahayag sa wikang Filipino ang gawain niya, pero may ibang mundo sa blog: mga artistang Amerikano, panitikan, kulturang popular at pulitikang progresibo, madulas na Ingles, minsan palatawa at minsan mapagmuni, bagamat may mga sumpong ng modang palaban. Patunay ng masaklaw na talino at napakaraming talentong ipinaglilingkod niya sa bayan.

batang_pnr_by_glennmichael1

(4)

Kung pwede lang ilagay ang napakaraming memorandum, samu’t saring praymer, ang walang katapusang pagtatasa, pagpaplano, pagpapartikularisa ng balangkas at pagharap sa nagsusulputang usapin – mas madalas sanang may bagong entri ang blog niya. Bukod sa mapanganib sa mata ng Estado – at iyun ang pangunahin – hindi ito ang talino, o intelektwalidad, na inilalagay at kinikilala sa blog. Pag-aaral sa totoo at praktikal na buhay, higit sa mga libro. Nagkolehiyo siya sa mga klase sa labas ng maraming paaralan, sa mga komunidad at bahay-pulungan. Tiyak, masaya si Nanay. Ngumingiti sa kabilang buhay? Hindi na niya ginagawang entri ang humuhusay na mga talumpati sa kalsada – bagamat tiyak nang kumintal at kumapit sila sa isipan ng marami. Pangangaral sa choir at kongregasyon? Tumataas ang diwang palaban nila sa ganoon. Sa ibang entri, sumasangkot siya sa lipunan, halos sariling mundo, na hinuhubog ng komunikasyon at midya. Hindi padadaig at hindi pakakahon, mandirigma siya ng kanyang panahon.

the_simple_life_by_glennmichael1

(5)

Kapag sinisipag, mayroon. Kapag hindi, kung kailan lang maisip o kapag may haharaping kontradiksyon. Napakarami niyang ginagawa. May aklatang sa espesyalisasyon niya ay panis ang sa Unibersidad. Mamahaling restawran siyang bukas sa lahat ng gustong kumain: kapwa-gurong kailangan ng matinong kausap, estudyanteng gustong matuto higit sa klase, kapwa-aktibistang pinaghahalawan at binibigyan ng lakas. “Mamahalin” – gusto man niya o hindi, nahahatak niya ang may ibubuga o may kaloobang dalisay at rebelde. Iyung wala, natatakot at posible talagang hindi nakakasabay. Sa hapon, gabi, tumatakbo siya – mahalagang bahagi ng mapagmuning buhay ng pilosopo, sabi ni Martha Nussbaum. Hindi siya papahuli sa kulturang popular. Hinuhuli niya ang mahika nito. Nasa gitna pa siya ngayon ng kontrobersya, resulta ng pakapa-kapang metodolohiyang ala-tsamba ng mga sosyologong kontra-Kaliwa. May mundo higit sa teorya, pero hindi mauunawaan nang wala ang huli. Matapat dito ang mga sulatin niya. Akma sa bukod-tangi niyang pagkatao – mga sulating may sariling estetika at uniberso.


03 Marso 2009

Follow

Get every new post delivered to your Inbox.

Join 117 other followers