
Hindi siya si Beck, kundi si Mike Francis, musikerong Italyano na sumikat noong dekada ’80. Patay na siya. Bata siyang namatay, pero mananatiling bata ang himig niya sa isip at pandinig ng mga tagahanga niya, tulad ko.

Hindi siya si Beck, kundi si Mike Francis, musikerong Italyano na sumikat noong dekada ’80. Patay na siya. Bata siyang namatay, pero mananatiling bata ang himig niya sa isip at pandinig ng mga tagahanga niya, tulad ko.
Categories: Kulturang Popular
Tagged: Mike Francis
Patay na pala si Mike Francis, musikerong Italyano. Noong una, gusto kong awayin ang mga kaibigan ko dahil walang nagsabi sa akin. Ano’ng klaseng kaibigan sila, kayo kung nagbabasa kayo nito? Pero hindi naman sikat si Mike Francis sa kanila, at naguguluhan siguro sila sa dami ng sinasabi kong paborito.
Nagyu-YouTube ako kanina ng mga paborito kong kanta noong nakita ko sa video ng “Hey Survivor” ang tunay na pangalan niya (Francesco Puccioni) karugtong ng mga taon ng buhay niya (1961-2009). Ngayong taon! Bakit? Nag-Google ako at nakita ko ang artikulo sa Inquirer.net tungkol sa pagkamatay niya.
Bata pa ako noong sumikat siya sa bansa noong dekada ’80. Ate at mga pinsan ko ang naaalala kong may gusto sa kanya. Sabi ng nabasa ko sa kung saan, “penomenong La Salle” ang pagsikat niya – kung paano sigurong “penomenong Ateneo” ang pagsikat ng Stephen Speaks (“Passenger Seat”) nitong ilang taon.
Hindi ko alam kung totoo. Walang nakapag-aral sa angkan namin sa La Salle, kahit sa Ateneo. Salamat kay Ate Sienna, naaalala ko ngang mahilig maglagi ang ate ko noon sa Corinthian Gardens. Akala ko naman, “Bible study.” Iyun pala, nakikinig – at umiindak! – ang lintek sa ebanghelyo ni Santo Mike Francis.
Nagustuhan ko na lang si Mike Francis sa pakikinig nitong nakaraang mga taon sa Crossover 105.1. Gusto ko rin ang “Let Me In” (na bastos daw sabi ng iba), “Friends,” “Dusty Road,” “Suddenly Back to Me.” Pati ang “Room in Your Heart” na pinakabago niya sa radyo – at tunog-kursilyo sabi ng isang kakilala.
Magaang sa pandinig ang tunog niya, hipnotiko at nakaka-engganyo. Masarap sabayan ang boses niyang mababa, lalo na ang pabugsu-bugsong pagpasok ng mga chuwariwariwap (back-up vocals) niya. Masarap pakinggan sa gabi, lalo na kung kasama ang mga kaibigan o bumibyahe. Okey din sa hapon, nakaka-relaks.
Ano kaya ang konteksto ng pagsikat niya? Sa Italya, noong dekada ’80, kakatapos lang ng panahong malakas ang Kaliwa – ang kilusang Autonomia o Operaismo, halimbawa – noong dekada ’60 at ’70. Panahon ito ng terorismo at ng kontrobersyal na pagkidnap at pagpatay kay Aldo Moro, bantog na pulitiko.


Sumikat si Mike Francis sa panahong malakas ang kontra-Kaliwa sa Italya at sa mundo. Mukhang naging himig siya ng kilusang masa noon na nakita hindi sa mga demonstrasyon kundi sa disco – noong pinalitan ng droga ang diskusyon sa isip ng tao. Kakatwang hindi siya nakilala sa US, sentro ng kontra-Kaliwa noon.
Sakto sa ganitong panahon ang mga tema ng mga kanta niya – indibidwalidad at pag-ibig na walang pakialam sa mundo. Pati ang himig niya – nagpapaindak pero malambing, mapaglaro pero paulit-ulit. Sa isang banda, kalaban ng kulturang progresibo, pero pwede ring kanlungan lang sa magulong mundo.
Sa Pilipinas, noong huling hati ng dekada ’80, nagagasgas na ang Kaliwa sa mga ultra-kaliwang hakbangin nito. Sa kabila ng masaklaw nitong propaganda, buhaghag ang pag-oorganisa nito sa masa, kahit sa mga kabataan-estudyante. Maging ang mga aktibista kaya, mas nahahatak ni Mike Francis sa sayawan?
Partikular sa akin, naaalala ko ang pagkabata ko. Panahon iyon na parang walang problema sa mundo. Mag-aaral ka lang at maglalaro. Hindi naman sa gusto mong balikan. Siguro mas paalalang kahit gaano kahirap ang buhay ngayon, dinanas mo rin ang maging bata – masaya dahil wala pang muwang.
Anu’t anuman, tulad ng iba, may mga kantang gusto kong pakinggan kapag masaya, malungkot, galit, puno ng diwang palaban. Para sa akin, laging kasama ang mga kanta ni Mike Francis sa mga nagpapasaya. Bata man siyang namatay, mananatiling bata ang himig niyang naiwan sa mga tulad kong tagahanga niya.
25 Abril 2009
Pagbati kay Raymond “Mong” Palatino at iba pang bagong progresibong kongresista!
Pagbati sa mga manggagawa ng Kowloon House sa tagumpay na nakamit nila!
Categories: Kulturang Popular
Tagged: Autonomia, Disco, Mike Francis, Operaismo

Sana’y hindi lang tayo nagbabasa ng mga libro para maglublob sa mga ligayang ibinibigay nito. Sana, nagbabasa tayo para maiambag natin sa salimbayang proseso ng pag-unawa at pagbago sa ating lipunan at sa mundo. (Galing ang larawan kay Maria Teresa Colucci. Salamat!)
Categories: Edukasyon
Tagged: pagbabasa ng libro

Name that student: Magandang klase ito, pero imposibleng mabuo – bagamat sasabihin ng ibang lagi naman silang buhay sa iba’t ibang tao at grupo. Para sa mga relihiyoso, tiyak na Iisa lang ang pinakikinggan ng mga estudyante. Siya na nga! Para sa mga Marxista, maraming posible: Kasaysayan, uring manggagawa, tunggalian ng mga uri, kapitalismo, at iba pa. Magandang malaman ang pagtingin nila sa malawakang tanggalan sa trabaho ngayon sa termino ng tubo.
Categories: Panlipunan
Tagged: Marxista
Kakatwa ito, ang sitwasyong napakaraming walang trabaho – at tiyak na naghahanap ng trabaho – gayung napakarami nating kailangang gawin bilang isang lipunan, isang sambayanan. Kung pangangailangan lang ng lipunang Pinoy ang pagbabatayan, hindi lang masasapatan ang mga pangangailangan natin, may trabaho pa tayong lahat.
Alam ng marami, at lalo na ng nakakarami, ang mga pangangailangang ito pero magandang isa-isahin para ipakita man lang kung gaano kasimple. Kailangan nating:
>> Pakainin ang mga nagugutom – “nagutom nang hindi ginugusto” pahabol nila.
>> Gawan ng bahay ang mga walang bahay.
>> Papag-aralin ang mga hindi nakapag-aral o kulang sa pag-aaral.
>> Bigyan ng serbisyong pangkalusugan ang mga matagal nang wala nito.
>> Linisin ang paligid, tampok ang mga ilog, at magtanim ng mga puno.



Makikita ang napakababang antas na inabot ng Pilipinas sa mga bagay na ito sa pamamagitan ng paghahambing sa naunang panahon (sa pagkain, halimbawa: mula sa galunggong noong panahon ng rehimeng Marcos-Aquino hanggang sa sardinas paglaon at hanggang sa instant noodles ngayon), sa inabot ng ibang bansa (sa kalusugan, halimbawa: nagkakaroon pa rin ng pana-panahong pagkalat ng mga sakit na nakamamatay sa iba’t ibang bahagi ng bansa ngayon, gayung mga sakit itong ilang siglo nang nagamot at napuksa sa maraming abanteng bansa), at sa nakakamit ng bansa pero hindi nito napapakinabangan (sa larangan ng edukasyon, halimbawa: maraming nagtatapos sa kolehiyo na guro pero nangingibang-bansa para magtrabaho).
Ang problema, ang namamayani sa ating bansa ay ang interes ng iilan (mga dayuhang imperyalista at mga lokal na kapitalista at panginoong maylupa), hindi ng nakakarami; ang kita ng mayayaman, hindi ang kabuhayan ng mga maralita; ang hinihingi ng pandaigdigang pamilihan, hindi ng lokal na mga pangangailangan ng mga mamamayan; ang kumpetisyon at hindi ang kooperasyon sa ekonomiya at lipunan.
Kung papawiin, kahit pansamantala, ang napakaraming masamang propaganda hinggil sa sosyalismo – na madalas na nakaugat sa masamang karanasan sa mga bansang pekeng sosyalista – ito naman talaga ang tunay na kahulugan ng sosyalismo: ang paghawak ng mga mamamayan sa kanilang buhay at hinaharap sa pamamagitan ng kolektibong pagpaplano sa kanilang kabuhayan, sa kanilang ekonomiya, nang batay sa kanilang mga pangangailangan. Ito ang layunin ng kanilang pag-agaw sa kapangyarihang pampulitika, ng kanilang pagkilos at pag-aalsa para sa pagbabago.
Noong kasikatan ng neoliberal na globalisasyon, itinuturo ng mga propesor sa School of Economics ng Unibersidad ng Pilipinas na likas na makasarili ang tao, na sa pagsusulong nila ng kanilang indibidwal na interes, isinusulong na rin nila ang kolektibong interes ng lipunan – ikakatuwa nina Bernie Madoff at Celso de los Angeles. Ang kalubusan daw ng pagkatao ng tao ay ang kumpetisyon sa tinatawag nilang “malayang pamilihan” – ang makahayop na pakikipagtagisan ng tao sa gubat na ito.
Iba syempre ang pagtingin ni Karl Marx, ama ng sosyalismo. Tanong niya sa sarili: Ano ang kaibahan, o lamang, ng tao sa hayop? Unang sumagi sa isip niya ang kakayahan ng taong iprodyus o likhain ang mga pangangailangan nila. Pero naisip niya ang kolektibong pagsisikap ng mga hayop para mabuhay – ng mga putakti, halimbawa. Pero ano, tanong niya sa sarili, ang lamang ng pinakamahusay na putakting gumagawa ng pulot sa pinakabobong arkitektong gumagawa ng bahay? Sagot niya: Bago pa man mabuo ang bahay, umiiral na ito sa isip ng arkitekto – ibig sabihin, resulta ito ng isang plano. At iyon, para sa kanya, ang lamang ng tao sa hayop, ang kakayahan nating magplano kung paano natin tutugunan at sasapatan ang ating mga pangangailangan.



Makabuluhang idagdag na para kay Marx, at sa iba pang sumunod na Marxista, dalawa ang pakahulugan ng kalikasan: ang kapaligiran at ang kalikasan ng tao bilang hayop na nagugutom, kailangan ng bahay, at iba pa. Ito ang gusto niyang pangibabawan ng sangkatauhan. Tumatampok kay Marx ang tunggalian ng mga uri dahil hindi natin maharap bilang mga tao ang kalikasan dahil sa bulok na internal na pagkakaayos ng lipunan ng tao. (Bakit halimbawa maraming maralitang namamatay dahil sa bagyo?) Pero hindi lang pagpapakain sa sangkatauhan ang ambisyon ni Marx. Ang ideyal niya ay ang pagpapalaya at pagpapalago sa mapanlikhang kakayahan ng mga tao – sa isports, halimbawa, o sa sining – na iginigilid ng lipunang ito o kinukutya pa nga nito.
Noong dekada ’80 sa Inglatera at US, may isang sikat na islogan na lalong pinasikat ng pagbagsak ng mga bansang tinatawag na sosyalista bagamat matagal nang tumalikod sa sosyalismo: ang TINA, o There is No Alternative – to Capitalism, syempre pa. (Baka seksista nga lang kung papasikatin ito sa katawagang “Tang-INA” ng mga progresibo sa bansa.) Noong kasikatan ng neoliberal na globalisasyon, halos palabasing kayang tugunan ng tubo at kapital ang lahat ng pangangailangan ng sangkatauhan – o bulok ang kapitalismo pero ito na ang pinakamahusay na sistemang mayroon tayo.
Ngayon, sa pagputok ng isa sa pinakamasahol na krisis ng kapitalismo, matapos ang isang panahon ng kasaganaan-para-sa-iilan na lumilitaw na panahon pala ng pagsisikap ng kapitalismo na alpasan ang naunang mga krisis at ang palagiang krisis, nagiging malinaw na wasto ang sinabi ni Samir Amin, progresibong ekonomistang Egyptian, na “Walang alternatiba sa sosyalismo.” Anumang pagsisikap ng kapitalismo na pangibabawan ang krisis, likas dito ang krisis, at ang pagtrato sa lakas-paggawa ng tao bilang kalakal. Hindi ito maaasahang magbigay ng trabaho sa lahat, at isulong ang interes ng nakakarami. Walang alternatiba sa sosyalismo. Walang alternatiba rito. Wala.
Naalala ko tuloy ang isang sanaysay ni Alice Walker, Aprikano-Amerikanong nobelista, na isinulat niya noong panahong tampok pa ang pagiging sosyalista niya. Sabi niya, “Sabi nila, sa Tsina, wala nang puta at pulubi. Magandang umaga, rebolusyon!”
12 Abril 2009
Categories: Panlipunan
Tagged: alternatiba sa kapitalismo, kaisipan ni Karl Marx, sosyalismo, tanggalan sa trabaho

Likas sa mga bansang walang batayang industriya at may atrasadong agrikultura ang kawalan at kakulangan ng trabaho. Pinalala pa ang kawalan at kakulangan ng trabaho ng neoliberal na globalisasyon. Ngayong pandaigdigang krisis pampinansya at pang-ekonomiya, malinaw na nalalantad ang suliranin sa sistema sa bansa – at sa mundo. (Galing ang larawan sa loveanddissent.com. Salamat!)
Categories: Panlipunan
Tagged: kakulangan ng trabaho, kawalang-trabaho, krisis ng kapitalismo, krisis pampinansya
Ngayong Marso at Abril, may kung ilampung libong estudyante ang gagradweyt sa kolehiyo. Taun-taon nang ikinukumpara ang bilang nila sa datos ng kawalang-trabaho (unemployment) at kakulangan ng trabaho (underemployment). Dahil sa pandaigdigang krisis pampinansya at pang-ekonomiya, siguradong mas tagibang ang resulta ng ganitong paghahambing ngayong taon. Pang-asar: Pagbati sa mga unang nagtapos ng kolehiyo sa panahon ng malubhang krisis!
Nabasa ko ang burador ng presentasyong PowerPoint ng Bagong Alyansang Makabayan (Bayan) hinggil sa kasalukuyang “pandaigdigang krisis sa trabaho” na resulta at bahagi ng krisis sa pinansya at ekonomiya ng mundo. Lumabas ito noong Enero kaya malamang na nalampasan na ng mga pangyayari, bagamat wastong nagtuturo pa rin ng pangkalahatang direksyon ng mga ito.
Pambungad nito ang sinabi ng International Labor Organization (ILO) noong Enero. “Makatotohanan at hindi alarmista ang mensahe ng ILO: Dumadanas na tayo ngayon ng pandaigdigang krisis sa trabaho.” Heto ang ilang datos nito, kasama ang ilan pang nahagilap ko:
>> Ayon mismo sa Department of Labor and Employment o Dole, 19,400 manggagawa ang tinanggal sa trabaho sa bansa simula nang pumutok ang krisis noong Setyembre 2008 hanggang Enero ngayong taon. Habang 34,000 naman ang binawasan ng trabaho. Sa gitna ng taon, tinatayang 200,000 trabaho ang mawawala.
>> Sa isang kolum sa Philippine Daily Inquirer nitong 28 Marso, sinabi naman ni G. Ramon R. del Rosario Jr. na ayon sa National Statistics Office o NSO, 7.7% ang kawalang-trabaho sa bansa. Ayon naman daw sa Social Weather Stations o SWS, ang datos na ito simula 2005 ay 20% na tumaas pa sa 27.9% noong ikaapat na kwarto ng 2008. Ibig sabihin, 11 milyon sa 40 milyong may kakayahang magtrabaho sa bansa ang walang trabaho, kabilang ang ayon sa gobyerno’y kulang lang sa trabaho.

>> Ayon muli sa Bayan, isang milyong Pinoy ngayon ang nasa mga trabahong “napakabulnerable,” namemeligrong mawala dahil sa krisis. Kasama rito ang ilang seksyon ng mga Overseas Filipino Workers o OFWs (mga may pansamantalang visa, marino, manggagawa sa mga pabrika ng Taiwan, South Korea at Macau, mga domestic helper sa Singapore, Macau at Hong Kong), mga manggagawa sa manupakturang laan sa eksport, at mga manggagawang bukid sa agrikultura para sa eksport.
>> Sa mismong US, 11 milyong manggagawa ang walang trabaho, 48% mas mataas sa bilang noong Disyembre 2007.
>> Ayon naman sa ibang ulat, sa US, 4.4 milyon ang nawalan ng trabaho simula noong pumutok ang krisis hanggang nitong Pebrero. Nasa 8.1% ang kawalang-trabaho, pinakamataas sa nakaraang 25 taon.
>> Tinatamaan maging ang nangungunang industriya ng US, ang pagmamanupaktura ng kotse. Kung 17 milyon ang nabiling kotse noong 2007, siyam na milyon na lang ito noong 2008 – kahit pa Setyembre na ng nakaraang taon pumutok ang krisis.
>> Ayon muli sa Bayan, sa buong mundo, 50 milyong manggagawa ang natanggal na sa trabaho, habang 53% ng mga manggagawa ang nasa katayuang “bulnerable.” Tinatayang lolobo sa 1.4 bilyon ang mga nagtatrabahong itinuturing na maralita (working poor) o 45% ng may trabaho.

Inihapag din ng Bayan ang mga salik na nagdulot ng krisis sa trabaho sa bansa.
Natural na malaganap ang kawalan at kakulangan ng trabaho sa isang bansang walang batayang mga industriya at sa kalakha’y agrikultural – at umaasa na lang sa mga salik na eksternal para magkaroon ng trabaho ang sariling mga mamamayan. “Eksternal” – mga dayuhang namumuhunan at mga trabaho sa ibang bansa. Ito ang nagluwal ng patakaran ng pag-eeksport ng lakas-paggawa – ng mga OFW – simula noong diktadurang Marcos hanggang sa rehimen ngayon.
Pinalubha ang kalagayang ito ng neoliberal na globalisasyon. Sa pagsasapribado ng mga pag-aari ng gobyerno, maraming tinanggal dahil sa mga hakbangin ng mga bagong may-ari na gawing “episyente” ang operasyon. Sa pagliliberalisa ng kalakalan, dinadaig ng mga produktong dayuhan ang mga produktong lokal, dahilan para bumagsak ang produksyon sa bansa. Sa pagliliberalisa naman ng pamumuhunan, naipasok ang isang seksyon ng manggagawang Pinoy sa mga kompanyang nagbubukas at nagsasara ayon sa interes ng mga dayuhang kapitalista, binabarat ang sahod at sinusupil. Dahil patuloy na pinapaliit ang papel ng gobyerno sa ekonomiya, tuluy-tuloy ang mga pagtatangkang magtanggal ng mga kawani nito.
Ngayon, sa pagputok ng krisis, ibayong bulnerable ang mga trabaho sa bansa. Dahil sa krisis, bumabagsak ang kakayahang bumili at ang demand ng mga konsyumer sa buong mundo. Nababangkarote tuloy o nagbabawas ng gastos ang mga korporasyon. Partikular na halimbawa ni Sonny Africa, punong mananaliksik ng Ibon Foundation: “Papahinain ng krisis ang pandaigdigang demand para sa mga laptop at cellular phone na mga pangunahing gumagamit ng mga semiconductor at microprocessor na ineeksport ng bansa.” Nagkataon din lang naman na 67% ng eksport ng Pilipinas ang mula sa sektor ng elektroniks.
Masama rin ang epekto ng krisis sa mga OFW, at syempre dahil dito ay sa bansa rin. Ayon sa Bayan, sa Taiwan pa lang, tinataya nang 2,500 hanggang 3,000 OFW ang tinanggal. Bukod pa rito ang tanggalang naiuulat sa ibang bansa. Ayon kay G. Africa, 52% ng mga remitans ng mga OFW ang galing sa US o mga bangkong nakabase sa US – walang datos na nag-iiba sa dalawa. Karamihan ng mga OFW sa US ang nasa mga sektor na tinatamaan ng krisis ngayon: manupaktura, retail, serbisyong pang-akomodasyon at pampagkain, pinansya at insurance.
Muli, ayon sa Bayan, dahil sa krisis, lalong nalalantad ang pagkabigo at pagkabangkarote ng patakaran ng “paglikha” ng trabaho na nakaasa sa mga salik na eksternal sa bansa.
03 Marso 2009
Categories: Panlipunan
Tagged: kawalang-trabaho, krisis sa trabaho, pandaigdigang krisis pampinansya at pang-ekonomiya, tanggalan sa trabaho