Nabwisit ako sa panonood ng laban nina Manny Pacquiao at Ricky Hatton noong Mayo 3. Bukod sa maraming pulitiko sa labas ng ring, marami ring pulitiko sa labas ng programa. Tinutukoy ko ang mga pang-eleksyong patalastas ng mga opisyal ng gobyerno na nagpapanggap na tungkol sa mga programa at adbokasiya nila.
Partikular na nakakabwisit ang kay Gilbert Teodoro, kalihim ng Department of National Defense at natitsismis na tatakbong presidente sa eleksyon sa 2010. Galing na nga siya sa mayamang angkan ng mga Cojuangco, lantad pa niyang ginagamit ang pondo ng gobyerno para sa patalastas niyang pang-eleksyon. Kapal ng mukha.
Pero mukhang araw talaga iyon ng opensang pampropaganda ni Teodoro. Siya rin ang nasa pabalat noon ng Starweek, panlinggong magasin ng Philippine Star – na ayon sa isang entri ni Kenneth Guda ay pwedeng tawaging “Palparan “Star” dahil sa mapagpanggap pero malinaw na pagtatanggol nito sa berdugong si Hen. Jovito Palparan.
MILITARISTA
Sa artikulong “Defense Secretary Gilbert Teodoro: Setting his Sights on the Palace,” tinalakay ni James C. Mananghaya ang nasa pabalat ng magasin. Inilatag niya ang mga patakarang gustong ipatupad ni Teodoro, ang nakaraan at pagkatao nito, at ang kakayahan nitong tumakbo at manalo bilang pangulo sa darating na eleksyon.
Ganito ang panimula ni Mananghaya: “Nahaharap sa maraming klase ng problema – mula sa kapayapaan at kaayusan hanggang sa pandaigdigang krisis pampinansya hanggang sa isang nagbabantang pandemiko (pandemic) – tiyak na haharap sa gabundok na mga hamon ang susunod na pangulo ng Pilipinas.”
Sa sunod na talata, biglang partikular: “Itinakda rin ng gobyerno ang 2010 bilang target na deadline para gapiin ang deka-dekada nang insurhensyang Komunista, ang banta ng terorismo ng Abu Sayyaf, at kamtin ang makatarungan at tumatagal na kapayapaan sa Mindanao.” Pasakalye ito para ipakilala ang magandang “rekord” ni Teodoro.


Blasphemy: Separated at birth?
Ang galing ni Mananghaya, hindi ba? Tatlo ang posibilidad: (1) May problema siya sa lohikal na paghahanay ng mga punto, (2) napwersa siyang isulat ang artikulo batay sa kakarampot na pananaliksik, o (3) gusto talaga niyang ipahiwatig ang militaristang paniniwala na ang paggapi sa mga rebelde ang pinakamahalaga at susing problema ng bansa.
Sabay pasok ang pananalitang “matalino” ni Teodoro: “Sa tingin ko ang mas malaking problema, ang leksyong natutunan, ay ang aspekto ng pagmamantine (hold aspect). Ipagpalagay nang nakapagnyutralisa tayo, paano natin hahadlangan ang mga bantang ito, paano natin sila pipigilang maulit, at konsolidahin sa wakas ang bagong bawing mga erya?” Syempre, tinutukoy niya ang pagharap sa New People’s Army at Moro Islamic Liberation Front – na bara-bara niyang ihinanay sa Abu Sayyaf.
Sinagot ni Teodoro ang tanong niya: “Kailangan natin ng pagpaparami ng pwersa at ng muling pagsasaayos at muling pag-aaral sa ating mga alituntunin at estratehiya sa operasyon natin sa erya. Mayroon tayong kakayahang ipagtanggol ang mga komunidad at umookupa na tayo ng mga tiyak na erya. Gayunman, sa mas mahalaga at mas tiyak na mga larangang pang-operasyon, o sa mga usaping tiyak ang target, kulang ang kakayahan natin.”
Sabi pa niya, kailangang magparami ng mga pulis para sila na ang humarap sa mga usaping internal sa bansa, at para makatutok ang militar sa mga usaping eksternal. Sa mga salita ni Mananghaya, dapat na kaalinsabay nito ang “mga proyektong pangkaunlaran” na “hindi magiging epektibo kung walang matatag na hakbangin ng pagharap sa armadong aspekto ng mga grupong rebelde at terorista.”
Natutuwa siya na nagtulak ang sangay-ehekutibo at tumugon nang positibo ang sangay-lehislatibo na magkaroon ng “dagdag na tatlong batalyong infantry” bukod pa sa “pagrerekluta ng tatlo pang ibang batalyon, para punuan ang mga yunit.” Dapat daw na magpatuloy ang pagpaparaming ito. “Sa tingin ko, kailangan natin ng hindi bababa sa 12.” Ito na ba ang bagong hanapbuhay na hinihintay ng mga walang trabaho sa bansa?
Sa madaling salita, militarismo at militarisasyon ang programa para sa bansa ni Teodoro. At komportable lang siyang talakayin ito nang gamit ang teknokratikong wika o jargon ng militar – pinapanatag ang mga nasa gitna at nakatataas na uri na may kung anong lohika at katwiran sa likod mga hakbangin ng militar.

Pero hindi rebelyon ang ugat ng kahirapan ng mga mamamayan. Baligtad: Kahirapan ang ugat ng rebelyon ng mga mamamayan. Kailangan pa bang i-memorize iyan? Kailangan.
MATALINO, MAPAGBIGAY
Kitang-kita ang bakas ng diktador na si Marcos sa rekord ni Teodoro: Kabataang Barangay, pinapasok ni dating Sen. Edgardo Angara na pangulo noon ng Unibersidad ng Pilipinas, tatay sa Social Security System, nanay sa Batasang Pambansa, nagtrabaho sa law firm ni Estelito Mendoza.
Pero hindi binanggit si Marcos sa artikulo. Nagpokus lang ito sa “talino” ni Teodoro: nagtapos ng abogasya sa UP, nanguna sa bar examinations, nag-aral sa Harvard Law School, tinanggap sa State Bar of New York.
Bakit siya tatakbong pangulo? Sabi ng misis niya, ni Rep. Nikki Prieto-Teodoro ng Tarlac, “Ang totoo, hindi isang kagustuhan ang pagkapangulo. Paraan ito para paglingkuran ang sambayanan, dahil napakaswerte namin at ang paraan para maibalik (give back) ito ay ang tulungan ang mga kapus-palad… Ito ang paraan namin ng pagsasabi ng ‘Salamat’ dahi kaunti lang ang pakinabang namin sa lahat ng sakit ng ulo na ito ng pagtakbong pangulo…”
Salamat sa pagtakbo mo, Sek. Teodoro! Hulog ka ng langit! Mabuti naman at nagkainteres kang paglingkuran kaming mga hindi katulad mong sinwerte sa buhay! Iyan din daw ang sabi nina Hen. Jovito Palparan at Komisyuner Virgilio Garcillano sa pagpasok sa gobyerno! UP, Harvard? Matalino ka? Kitang-kita sa mga dahilan mo ng pagtakbo!
Siguro, tatakbo talagang senador o bise presidente si Teodoro. Nagpapakitang-gilas lang. Samantala, ihinahatid niya ang linya ng rehimeng Arroyo sa iba’t ibang usapin sa hanay ng mga tumatakbong pangulo – dahil wala nga namang alam si Bise Presidente Noli de Castro. Siguro, napagtanto na rin ng mayamang angkang Cojuangco na para mapangalagaan ang interes nila bilang naghaharing-uri, kailangang magkaroon sa kanila ng militarista sa gobyerno – na mabuti ngang maging pangulo.
Gusto daw ng lahing ito na magpasalamat sa bayan? Bakit, hindi pa ba sila nasasapatan sa magagandang dulot ng pagpapasalamat nila sa bayan? Salamat na lang!

Mr. Palengke vs. Mr. Sipag at Tiyaga
Magandang paghambingin ang huling patalastas nina Mar Roxas at Manny Villar. Kumbaga sa pananalita, piguratibo – o “figuratibo” siguro sa bokabularyo ni Prop. Roland Tolentino – ang kay Roxas: nakinig nang kaunti sa malungkot na kwento ng isang batang nagpepedikab, tapos kinuha na ang pagmamaneho sabay sabing “Lalaban tayo.” Literal naman ang kay Villar: mga kwento ng mga OFW na nagpapatotoong nakauwi sila dahil sa personal na pera ni Villar, sabay pasok si Villar para sabihing hindi niya kasi kayang minamaltrato ang mga nagsasakripisyo para mabuhay.
Nagdudulot ng inspirasyon ang kay Roxas, habang walang dating ang kay Villar. Parang nagbibigay ng pag-asa si Roxas habang mayabang ang dating ni Villar. Hindi ko lang maintindihan kung bakit, gaya ng itinuro ng isang kaibigan, “2” ang numero ng pedikab na minaneho ni Roxas – masamang pangitain para sa mga kababayan nating mapamahiin.
Kung anuman, panalo sa round na ito ang kay Roxas – na masamang pangitain para sa pulitika ng bansa: Mas kapani-paniwala ang piguratibo, habang walang dating ang literal at kongkreto. Hindi lang kasi partikular at kongkreto ang problema – kundi ang sistema, na mas akma sa abstraktong mga drama ng mga oportunista.

Sarbey sa pagkapangulo
May sarbey ang Filipino Voices, tinatanong ang mga tao kung sino ang iboboto sa eleksyong 2010. Mas makakatulong siguro ang nasabing website sa pagmumulat sa mga kapwa-Pinoy kung ang itatanong ay ang mga kahilingan o demands ng mga mamamayan sa mga tumatakbong pangulo – na pwede pang maging pamantayan sa pagpili ng iboboto sa mismong eleksyon.
Kung ako ang tatanungin, gusto ko ng pangulong magtutulak na litisin sa korte ang pinakamatitinding paglabag ng rehimeng Arroyo sa karapatang pantao ng mga mamamayan – tampok ang mga nasa likod ng pampulitikang pamamaslang, ng mga pagdukot, at ng pagmasaker ng mga nagwewelgang manggagawang bukid sa Hacienda Luisita noong 2004. Mawawalan na ng immunity sa paghahabla si Gloria! Isulong natin ang hustisya!
13 Mayo 2009