(1)
Ito namang si Amando Doronila, hindi na lang magparangal kung gustong magparangal (kay Cory at sa mga tagasuporta niya), nanira pa (sa Kaliwa). Sa kolum niyang “Cory’s Yellow People’s Army,” pinarangalan niya si Cory Aquino at ang mga taong simula noon hanggang ngayon ay sumuporta rito. Pero naglaan siya ng isang talata na puro banat sa Kaliwa, ang tanging banat sa buong kolum. Tapos ang titulo, syempre, ay halatang parinig sa pulang NPA.
Sabi niya, (1) ang tanging signipikanteng grupo sa bansa na naetsapwera sa People Power 1 ay ang Kaliwa, (2) dahil daw sa arogante nitong posisyong walang pakialam sa mga kilusan ng panggitnang uri dahil ang tunay na rebolusyon lang ay iyung sa mga manggagawa (“proletarian and workers”) at iyung madugo, (3) pinagdusahan daw ng Kaliwa ang pagkakamaling ito at hindi ito nakabahagi sa kapangyarihan matapos mapatalsik si Marcos, at (4) naglalaho na ngayon ang Kaliwa “sa The Netherlands” matapos ang pagkakamali sa Edsa.
Totoo namang may pagkakamali ang Kaliwa sa pagharap sa eleksyong 1986. Pero dapat kontrahin ang mga pagtatangkang burahin ito sa kasaysayan ng mismong People Power 1. Nandoon ito, at isa pa nga sa mga nanguna sa paglusob sa Malakanyang noong huling mga araw nito – marami ang mga miyembro ng Bagong Alyansang Makabayan at League of Filipino Students. Mas mahalaga, malaki ang papel na ginampanan ng Kaliwa sa paglaban sa rehimeng US-Marcos, simula pa noong rurok ng panunupil nito sa mga mamamayan.
Hindi naman panggitnang uri ang namuno sa kilusang sumuporta kay Cory noong eleksyong 1986 at kumilos noong People Power 1 – kundi naghaharing mga uri. At hindi rin naman rebolusyon ang People Power 1. Isa itong dakilang pag-aalsang nagpalayas sa kinamumuhiang diktador at sa lantad niyang pasistang paghahari, pero hindi ito pundamental na pagbabago sa relasyong panlipunan at pang-ekonomiya sa bansa. Sa kasaysayan ng mundo, wala pang karanasang nailuwal ang pagbabagong iyan nang hindi katuwang ang dahas.

Hindi wastong mailarawan ni Doronila ang pagkakamali ng Kaliwa. Tuloy, nagpapalaganap siya ng maling pagtingin. Malamang, nanaig sa isip niya ang anti-komunistang propaganda ng Cold War. Ayon sa Kaliwa, ganito ang pagkakamali: Bulag na tinanganan ang matagumpay na naunang mga karanasan ng pagboykot ng eleksyon at ikinahon ang pagharap sa eleksyong 1986 sa usaping “boykot o partisipasyon.” Hindi wastong nabasa ang sitwasyon at nasuri ang ibang paraan ng pagsusulong ng rebolusyon sa ganoong kalagayan.
Natural, dahil may kahinaan ang Kaliwa, may mga pagkakataon itong napalagpas. Pero mas nakapinsala rito ang pagdidiin sa kahinaan kaugnay ng eleksyong 1986 at pag-aalsang Edsa, nang pinagtatakpan ang iba pang mas malubhang kahinaan sa panahong ito at sa layuning atakehin ang kawastuhan ng estratehiya ng Kaliwa. Klasikong pagdidiin ang binigkas ni Fr. Edicio dela Torre, dating lider-Kaliwa, paglabas ng kulungan: “God, we missed out again!” – na para bang tagumpay at kabiguan ang nakataya sa nangyari, na hindi naman.
Naglalaho ang Kaliwa? Iniisip ko, kung seryosong manunuring pampulitika si Doronila, imposibleng naniniwala siya rito. Pero propagandistang kontra-Kaliwa rin siya – at ang bahagi niyang ito marahil ang nagsasalita sa pagkakataong ito. Lumakas ang Kaliwa pagkatapos ng 1986, simula noong bungad ng dekada ’90 sa kabila ng kaliwa’t kanang kampanya ng panunupil na inilunsad laban dito ng magkakasunod na rehimen. Kahit ang gobyerno ay kumikilala rito, kaya malinaw na hindi nagiging obhetibo, kundi partisano, si Doronila sa isyung ito.
Kakatwa rin ang retorika ni Doronila hinggil sa paghulagpos sa Kaliwa ng pagkakataon para lumakas at makibahagi pa nga sa kapangyarihan. Bukod sa mga pseudo- at dating Kaliwa, na umaatake sa estratehiya ng Kaliwa, ginagamit din ang retorikang ito ng mga taong wala naman talagang kagustuhang lumakas ang Kaliwa, wala namang kakayahang magpayo rito ng taktika sa hinaharap, at tutuligsa pa nga nang matindi rito kung makagawa ito ng mali. Gusto lang talaga nilang idiin ang pagkakamaling ito at ipakitang sila ang mas marurunong.

(2)
Naaalala niya ang pagtataka bilang bata, habang ginagawa ang nakahiligan na niyang pagtingin sa mga larawan ng kakatapos na pag-aalsang tinatawag ng maraming “rebolusyon.” Bakit ba, sa dagat ng mga nakataas na senyas ng “Laban,” marami pa ring kamao ang ginustong itaas? Sa musmos na isip niya noon, naitanong niya: Bakit hindi na lang magkaisa ang lahat sa iisang senyas?
Ilang taon pagkatapos, sa hayskul, isang tanong din ang isusulat niya sa diary na obligadong ipinapagawa sa kanila ng guro sa Ingles. Bakit ba, sa kabila ng paglipat ng iba’t ibang bansa mula sosyalismo patungong kapitalismo – na nangahulugan ng demokrasya noon sa mata niya – mayroon pa rin sa bansa na sosyalismo ang ipinapaglaban? Bakit gusto ng iba ang inaalisan na ng marami?
Ilang taon pagkatapos, matatagpuan niya ang sarili sa hanay ng mga ayaw sumunod sa agos ng uso ng kanyang pagkabata. Malalaman din niyang hindi talaga rebolusyon ang naganap, na hindi tunay na sosyalismo ang bumagsak at lalong hindi nangangahulugan ng demokrasya ang kapitalismo, kundi ng diktadura ng burgesya. Sa isip niya, mahalagang aral ito tungkol sa mga uso.
Mababasa niya ang artikulo ng isang Charles Krauthammer, kolumnista ng TIME Magazine, na nagpormalisa tungong patakaran ng mga naganap, para ipatupad ng US: Gumamit ng mga pwersang elite at demokratiko sa mga bansa para palitan ang mga hayag na diktadura – na bagamat sinuportahan ng US ay bumaho na sa sambayanan – at para ietsapwera ang mga pwersa ng Kaliwa.
Maoobserbahan niya na marami sa mga bansang sinasabing gumaya sa People Power at lumaban sa mga diktadura ay may mga gobyernong bagamat hindi tunay na sosyalista ay hindi rin nagpapasakop sa US: Tsina, Silangang Europa… Mula sa lantad na malupit na paghahari ng gobyerno tungo sa di-lantad na malupit na paghahari ng merkado. Kulang pa ang mga pagbabago.

(3)
Sa panayam niyang “Roads to Renegacy,” nadaplisan ng dating Maoistang laging pilosopong Pranses na si Alain Badiou ang usapin ng mga dating maka-Kaliwa na nalulong sa ilusyong malapit nang magtagumpay ang rebolusyon. Tinatanong kasi siya tungkol sa mga dating maka-Kaliwa na hayagang sumuporta sa rehimen ni Nicolas Sarkozy, neo-liberal na pangulo ngayon ng Pransya. Sabi ni Badiou, karamihan sa mga dating maka-Kaliwang ito ay galing sa Gauche Proletarienne, ultra-kaliwang grupo sa Pransya, noong dekada ’60.
Aniya, may “maling pagsusuri” ang mga taong ito “ng sitwasyon noong panahong iyon, sa mga taong 1966-1973; inisip nilang talagang rebolusyunaryo ito, sa kagyat na pakahulugan.” Pero dahil hindi nga nagtagumpay ang rebolusyon, humantong ito “kung hindi man sa nahadlangang ambisyon, [ay] sa reyalisasyong kakailanganin ang marami-raming kahirapan at sigasig sa isang stiwasyong hindi naman mainam.” Iba pa rito ang mga tinawag niyang “matapat na tumiwalag (renegades)” na umalis dahil sa kaibahan ng prinsipyo.
Madiin siya sa pagtuligsa sa una, dahil ang mga ito ang nakipagsabwatan sa rehimeng Sarkozy. Aniya, tinanong niya halimbawa ang magkapatid na Jacques-Alain at Gerard Miller, mga sikat na sikoanalista, kung bakit bigla-bigla na lang umalis ang mga ito sa Kaliwa. Sabi raw ni Gerard, “Dahil naunawaan naming hindi tayo makakasunggab sa kapangyarihan.” Sabi ni Badiou, mga tao itong “tumingin sa ginawa nila hindi bilang simula ng mahabang paglalakbay, na may maraming pag-alon at paghupa, kundi bilang landas tungong kapangyarihan.”
Ayon kay Badiou, inisip ng mga taong ito na kaya nilang makamit ang kapangyarihan sa pamamagitan ng “rebolusyunaryong sigasig” pero naumpog sa pagkamalay na kumplikado ang mga bagay. “Ang patunay nito, marami sa mga taong ito ang nakahanap ng mga posisyong makapangyarihan sa ibang lugar, sa sikoanalisis, sa midya, bilang pilosopikal na komentarista at iba pa.” Aniya, ang linya ng pagtatakwil ng mga ito ay hindi “Babalik ako sa pagiging di-kilala,” kundi “Hindi iyun ang tamang baraha, kaya maglalaro ako ng iba pa.”

Ganito rin kaya ang nangyari sa mga dating maka-Kaliwa na “na-disilusyon” ng pagkakamali kaugnay ng eleksyong snap at ng Edsa 1 noong 1986 at pagkatapos ay nakipaglaro na sa negosyo at pulitika ng imperyalismo at mga naghaharing uri – at ang iba’y lantarang naglilingkod ngayon sa rehimeng US-Arroyo? Mga taong kapangyarihan ang hanap, hindi na mahalaga kung para kanino ito kailangang paglingkurin? Ipinagmamalaki ni Badiou ang tindig niya: “Gumawa ako ng permanenteng paninindigan, hindi iyun kalokohan lang ng kabataan.”
13 Agosto 2009