Kapirasong Kritika

Entries from September 2009

September 18, 2009 · 11 Comments

Future_Tense

Ganito kung ilarawan si Sen. Noynoy Aquino ngayon, bilang kandidato sa pagkapangulo, lalo na ng mga tagasuporta niya. Ewan ko, hindi – pa? – ako kumbinsido. Kahit ang bahagi sa aking bilib sa nanay niya, hindi pa magawang bumilib sa kanya. Pulitika ng hawa-hawa na lang ba? (Galing ang mga likhang-sining sa ibaba sa chrisbuzelli.com. Maraming salamat!)

Categories: Eleksyong 2010
Tagged: , ,

The Need Called Noynoy

September 18, 2009 · 6 Comments

(1)

Sa mga sinasabi ng mga sumusuporta kay Noynoy Aquino bilang pangulo, lumilitaw na itinuturing siyang kaiba kay Gng. Gloria Macapagal-Arroyo o kabaligtaran ng huli. Ito raw ang dahilan kung bakit dapat siyang tumakbo, kung bakit siya ang dapat iboto, kung bakit susuportahan siya ng mga mamamayan, at kung bakit siya ang mananalo.

Sa isang banda, tugma ito sa tinakbo ng eleksyon at pulitika sa bansa pagkatapos ng rehimeng Marcos. Ang mga pinakapopular na pangulo (sina Cory at Erap) at ang mga popular na kandidato pero dinaya (Miriam, FPJ) – lahat sila, tiningnang kaiba sa hulma ng mga bulok na pulitiko, na ang pinaka-representasyon ngayon ay si Gng. Arroyo.

Kung hindi man hindi pulitiko, hindi karaniwang pulitiko – ganyan sila. Bagamat eleksyon ang larangang nilahukan nila, pinakilos nila ang pagnanasang ekstra-elektoral at ekstra-sistema ng mga mamamayan. Karamihan sa kanila, nakilala sa pagbibigay ng pangakong maghahatid ng ibang klaseng pulitika at sistema sa gobyerno sa bansa.

A_Wind_of_Change

(2)

Pero si Noynoy para pangulo? Hindi pa ako kumbinsido. Hindi sa puntong wala siyang mahusay na nagawa bilang mambabatas o bilang tao. Kahit sa pagkontra kay Gloria, hindi naman siya tumampok o namuno. Sa bagay na ito, di hamak pa ngang mas palaban ang nanay niya. Damay na lang siya sa nagawa ni Cory noon, ganoon?

Sa tingin ko, ang tatag ni Cory sa paglaban para sa demokrasya at kontra sa diktadura, nakuha niya sa pagkatuto sa pagdurusa at paglaban sa batas militar. Hindi ko alam kung naging bahagi si Noynoy ng pagkatutong ito – dahil nga hindi naman siya maingay sa paggigiit ng demokrasya at paglaban sa diktadura sa panahon ni Gloria.

Maraming mas mahusay ang paglilingkod-bayan at mas matapang sa paglaban kay Gloria. Dahil ba siya raw ang posibleng mag-udyok ng pagkakaisa ng oposisyon at posibleng manalo? Wala akong problema na ganito ang pagtingin ng iba. Kakatwa lang, dahil kakayahang maglingkod ang hanap nila noon, hindi kakayahang manalo.

Losing_Choice

(3)

Natuwa ako sa giting na ipinakita ni Mar Roxas noong umatras siya sa pagkandidatong pangulo. Pero grabe rin naman ang banat sa kanya ng mga nag-udyok sa kanyang umatras. Sabi ng isa, kilala siya ng mga tao dahil sa mga patalastas niya, pero hindi  siya iboboto. Isa siyang produktong kilala ng mga tao, pero hindi pa rin bibilhin.

Ang hindi naman talaga maganda kay Mar, para sa mga nasa panggitnang uri kahit paano, ay si Korina Sanchez. Mayabang, hindi makamasa, ang nabuong impresyon ni Korina sa mga tao. Pagkatapos, ibinenta nila ang love team nila nang parang sample ballot kapag araw ng eleksyon. Halata ang pagpapapansin nila sa publiko, hindi maganda.

Pero kahit ngayong nababalitang tatakbong bise-presidente si Mar, may hamon sa kandidatura niya: paano siya ilalapit sa masa? Matalinong intelihente kasi ang dating niya, bagay na sinikap pangibabawan ng pagsasabi niya ng “putang-ina” sa isang rali. Pero kulang pa rin. Parang hindi sapat ang “ramdam” ang masa, dapat masang-masa.

What_Lies_Beneath

(4)

Hay, ito namang si Ping Lacson. Sa mga pinaggagawa niya nitong huli laban kay Erap Estrada, halatang-halata nang tagawasak siya ng oposisyon. Ikinagalit niya ang sinabi ni Erap tungkol sa paghati niya sa boto ni FPJ noong eleksyong 2004, pero wala namang hindi pa kumbinsido ngayon sa ganitong pagtingin. Nanghati talaga noon si Ping.

May padron ang pagpapagamit ni Ping sa rehimen. Ilang buwan bago ang eleksyong 2004, lumutang ang kaso ng Kuratong Baleleng, at nawala na lang pagkatapos. Nasaan na nga ba ngayon? Nitong huli, lumutang ang kaso ng pagpatay kina Dacer at Corbito, at nagsalita siya laban kay Erap – para na rin siguro maghugas ng sariling kamay.

Ang hinala ng marami, nakikipagkasundo si Ping sa rehimen para linisin ang sarili sa mga kasalanan niya. Ang problema, napakaraming armas laban sa kanya ng rehimen. Kaya naman, sa isang banda, kitang-kita ring pursigido si Ping sa paglalantad at sa kagustuhang patalsikin ang rehimen. Iyun nga lang, kayang-kaya siya nitong gipitin.

Institutionalization

(5)

Si Manny Villar naman, dinaan na lang lahat sa pera. Dahil sa mga patalastas niya, parang lantad na lantad siya sa publiko, kahit iniiwasan niyang maimbestigahan ng Senado. Hindi rin tampok ang mga baho niya sa pulitika. Ang tining sa isipan ng mga tao, ang pagkakawanggawa niya. Hindi malinaw ang plataporma ng “Sipag at Tiyaga.”

Nitong huli, para siguro humabol kay Noynoy, muling humarap sa midya ang mga bata niyang Nacionalista, sina Sen. Alan Peter Cayetano, dating Kong. Gilbert Remulla, at Atty. Adel Tamano. Saan na nga ba sila nanggaling? Bakit ang tataba na nila? Mula sa pagiging maingay kontra kay Gloria, nanahimik na lang sila. Anong nangyari kaya?

Ang mahirap pa para kay Villar, natitsismis na siya talaga ang manok ng rehimen. Pinalutang lang si Gilbert Teodoro para tanggapin lahat ng banat kay Gloria at magpropaganda para sa amo niya. Makukumpirma ito kung tatakbong bise presidente niya si Noli de Castro, na mahihirapang manalo dahil lantad na garapata ni Gloria.

Chip_Off_the_Old_Block

(6)

Malakas ang motibo ni Erap Estrada para tumakbo: ang ipaghiganti ang sarili, patunayang mahal pa rin siya ng publiko. At pagkatapos, paano? Balik na naman tayo sa dating mga gawi? O darating pa lang tayo sa dako ng script na ipapakita niyang nagbago na siya, na isa na siyang “changed man” at karapat-dapat muling mamuno?

Pero hindi kaya naiisip ni Erap na napakaraming balakid sa panalo niya? Bukod sa mga dahilan ng bayan sa pagpapatalsik sa kanya, sa mga sinabi nitong huli ni Ping, at sa mga uungkatin pa kapag tumakbo siya, kinasuhan pa niya ang Philippine Daily Inquirer. Hindi na ba siya natuto? Na siya ang nasisira sa tuwing lumalaban siya sa midya?

Hindi ako tagahanga ng paniniwalang kailangan ng iisang kandidato ng oposisyon para manalo – dahil baka dapat nang ibasura ang ilusyong iyan na masyadong palasuko sa rehimeng Arroyo – pero iyan ang sasabihin ng mga nasa panggitnang uri: na hahatiin ni Erap ang oposisyon. O talagang malakas ang tiwala ni Erap sa “masa”?

Multidimensional

(7)

Maraming komentarista ang naghahanap ng Cory Aquino ng bagong panahon at henerasyon. Kakatwang habang hinahanap pa lang siya, lumabas na raw ang Madonna ng bagong panahon at henerasyon – si Lady Gaga, sikat na mang-aawit ngayon. Panay ang ganitong mababaw na pagbalik natin sa nakalipas para tingnan ang kasalukuyan.

Pwera biro, halos magkasabay yata ang pagsikat nina Cory at Madonna sa bansa. Si Cory, ang relihiyosa at simpleng babaeng naluklok sa kapangyarihan ng pulitika. Si Madonna, ang mapaglaro sa relihiyon at pantastikong babaeng naging makapangyarihan sa kultura at musika. Asekswal ang una, sekswal ang ikalawa.

Mailap lang ba talaga ang mga Cory at napakabilis ng siklo ng kulturang popular? Lagi tayong may bagong kaliligayahan sa kulturang popular, pero laging luma ang pulitika sa bansa, at kahit ang mga pangakong iniaalok nito? Ang kakatwa, parehong hindi na kilala ng mga kabataan ngayon sina Cory at Madonna. O mas kilala ang ikalawa.

Ang mga tunggalian sa lipunan natin ang magtatakda kung sino ang mas makikilala.

20 Setyembre 2009

Categories: Eleksyong 2010
Tagged: , , , , , ,

September 3, 2009 · 18 Comments

Drawing A Blank
Parang nabura ang utak, nakikipagkoro si Rigoberto Tiglao kay dating Sen. Jovito R. Salonga sa pagsisi sa Kaliwa sa pagbomba sa Plaza Miranda noong 1971. Mas masahol kay Salonga, sinasabi ni Tiglao na pwede na sanang bumaba sa kapangyarihan si Ferdinand Marcos noong 1976, kung hindi lang ito natakot na magantihan dahil sa nasabing pagbomba. Ang Kaliwa kasi! Nasaan ang ebidensya?

Categories: Panlipunan
Tagged: , , ,

Tiglao Tsk, Tsk

September 3, 2009 · 29 Comments

…doesn’t only sell out on the revolution,
he sells the revolution,
he sells his own selling out
.
– Neferti Xina M. Tadiar

Wala bang blog si Rigoberto Tiglao? Sana kasi doon na lang niya inilagay ang mga materyal umano para sa isinusulat niyang libro. Marami rin namang basurang inilalathala ang Philippine Daily Inquirer, pero ibang lebel itong huling isinulat niya.

Sa sanaysay niyang “Why we are where we are,” na nalathala sa isang buong pahina ng Inquirer nitong 30 Agosto, naghapag si Tiglao – dating “kadre” ng Partido Komunista ng Pilipinas, dating susing tao sa gabinete ng pekeng pangulo, at ngayo’y embahador ng bansa sa Greece – ng kakaibang suri kung bakit nananatiling mahirap ang Pilipinas. Dito, sa kabila ng pagpapanggap na “obhetibo” ang pampulitikang suri niya, kitang-kita ang dalawang bagay: ang galit niya sa Kaliwa at ang paglilingkod niya sa rehimeng Arroyo – na may matagalang gamit, syempre pa, para sa mga maka-Kanan sa bansa.

Beatriz Milhazes 1

KOLONYALISMO NG SIBILISASYON

Kakatwa ang isa sa unang mga tanong ni Tiglao: “Bakit umungos nang husto ang mga ekonomiya ng Europeong sibilisasyon habang nabansot ang karamihan ng ekonomiya sa Asya, Aprika at Latina Amerika?” Syempre, umungos naman talaga ang US at Europa sa ibang kontinente, pero bakit “ekonomiya ng Europeong sibilisasyon” ang praseng ginamit niya? Wala bang “sibilisasyon” ang ibang kontinenteng binanggit? Sa buong sanaysay niya, ramdam ang ganitong paghanga sa naturang “sibilisasyon.”

Inisa-isa niya ang napakaraming posibleng sagot sa tanong, bagamat humantong siya sa kolonyalismo – na para bang hindi siya resolbado sa huli. Sabi niya, grabeng sinamantala ang kolonyalismo bilang paliwanag sa kahirapan ng iba’t ibang bansa. Sabi niya, noong Cold War, kahit tapos na ang “Panahon ng Kolonyalismo,” ginawang kagamitan sa propaganda (propaganda tool) ng Rusya at Tsina ang “mga epekto” nito – para umano magalit ang mga bansa sa mundo sa US at ibang kapangyarihang Kanluranin. Para rin daw kontrahin ang malaganap na anti-komunismo noon.

Pero epekto na lang ba ng “kolonyalismo” ang mayroon noong Cold War, na masasabing nagsimula noong matapos ang Ikalawang Digmaang Pandaigdig? Hindi. Nagpatuloy at tumindi pa nga ang pang-ekonomiyang pandarambong at panggegera ng mga bansang imperyalista sa panahong ito, bagamat hindi na sa dating dominanteng porma ng direktang pananakop, kundi sa porma ng mga relasyong sinasaklaw ng salitang “neokolonyalismo.” At mahirap sabihing epekto lang ng kolonyalismo ang neokolonyalismo. Una, dahil ang mga bansang dominante sa naunang bugso ng kolonyalismo ay iba sa mga bansang dominante sa panahon ng neokolonyalismo. Pangalawa, dahil may sariling daynamismo ang ikalawa sa una.

Kung anumang galit ang naramdaman ng mga mamamayan ng tinatawag na Ikatlong Daigdig sa US at iba pang kapangyarihang Kanluranin, iyan ay dahil sa umiiral noong – at ngayong – relasyon ng pagsasamantala sa pagitan ng huli at nauna. Ibig sabihin, hindi lang kagamitan sa propaganda ang paglalantad sa mapagsamantalang relasyong ito, kundi wastong pagsusuring pampulitikang dapat kilalanin ng iba’t ibang bansa.

Pakiwaring ironic pa si Tiglao: aniya, imperyalismong US pa rin ang tinutukoy ng naiwan-sa-dating-panahong mga komunista (time-warped communists) sa Pilipinas na pangunahing ugat ng kahirapan – kahit dalawang dekada nang nawala ang terminong ito sa propaganda ng Rusya at Tsina. Hindi na uso, pero gamit pa rin ng mga ungas.

Bakit, pagiging uso ba ang batayan ng pagiging wasto? Mahirap na pagtingin ito: Kung nasa Germany si Tiglao noong sinunggaban ni Adolf Hitler ang kapangyarihan, sasabihin siguro niyang ito ang rurok ng sibilisasyon, katulad ng ginawa ng ibang intelektwal noon. Sabagay, noong malakas ang Kaliwa sa bansa, nandoon si Tiglao; nitong nasa kapangyarihan ang rehimeng Arroyo, naroon din siya. Weder-weder lang. Pero nahahadlangan si Tiglao ng mga prehuwisyo ng ideolohiya niya: Hindi ba’t nauuso na uli ngayon ang “imperyalismo” dahil sa mga hakbangin ng mismong US?

Beatriz Milhazes 2

KONTRA-KALIWA, PALUSOT NG MGA MARCOS

Noong ipinapaliwanag na niya kung bakit naiwan ang Pilipinas ng pag-unlad ng Malaysia, Thailand at Indonesia – dahil umano sa tatlong “malalakas na bagyong pampulitika at pang-ekonomiya (perfect political-economic storms)” na tumama sa bansa – lumabas na talaga ang pagiging kontra-Kaliwa, maka-Gloria at maka-Kanan niya.

Tatlong beses daw tumama ang bagyong tinutukoy niya: noong bukana ng dekada ’70, noong bukana ng dekada ’80, at noong pagkatapos ng Edsa People Power 1. At tamang-tama ang paggamit niya sa salitang “bagyo,” dahil itinuturing niyang pangunahing ugat ng mga ito ang mga bagay na wala sa kontrol ng mga Pilipino — at sekundaryong ugat ang Kaliwa. Sabi niya, “At noong nagsikap ang iba pang mahirap na bansa na maging mas mayaman noong dekada ’70 at ’80, nadiskaril tayo sa isang bahagi ng mga insurhensyang komunista at separatista, pero mas mahalaga, ng bukod-tanging pagsasalimbayan ng mga pangyayaring humantong at tapos ay sumunod sa 1986.”

Unang Bagyo. Ang ugat daw ng pampulitika at pang-ekonomiyang bagyong yumanig sa bansa noong bukana ng dekada ’70 ay ang krisis sa langis sa mundo, na sinabayan at pinasahol pa ng “walang kaparis na mararahas na kumprontasyon sa lansangan noong 1970” – na nakilalang “Sigwa ng Unang Kwarto” o “First Quarter Storm,” syempre pa.

Mas kakatwa ang sumunod: Pinagtibay ni Tiglao ang kasinungalingang tuluy-tuloy na inilalako ni dating Sen. Jovito R. Salonga, na ang Kaliwa ang nasa likod ng pagbomba sa Plaza Miranda noong 1971. Syempre, ginagamit dito ni Tiglao ang awtoridad at yabang ng isang dating “tagaloob” o “insider” sa Kilusan. Pero ano ang ebidensya niya? Ilang beses nang napasinungalingan ang akusasyon ni Salonga sa mismong larangang nagtuturing sa kanyang dalubhasa – sa korte ng batas ng kontra-Kaliwang gobyerno.

Pagkatapos, ang kakatwa, naging ispekulatibo: “Ibang-iba ang kasaysayan at kalagayang pang-ekonomiya ngayon ng Pilipinas kung inilipat ni [dating Pangulong Ferdinand] Marcos ang kapangyarihan sa isang halal na kapalit matapos ang 1976.” Akin ang pagdidiin sa “kung” sa sipi, dahil walang kung sa kasaysayan. Ispekulasyon ito, na kapag sinuong at pinatulan ay pwedeng tapatan ng ibang kontra-ispekulasyon.

At ang kakatwang naging ispekulatibo, naging pantastiko: “Pero ang takot niya sa marahas na paghihiganti sa pagbomba sa Plaza Miranda, na isinisi ng lahat sa kanya, ang malamang na kumumbinsi kay Marcos na kumapit sa kapangyarihan.” Simple ang gustong sabihin: Kung ang Kaliwa ang utak sa pagbomba sa Plaza Miranda, at hindi bumaba sa kapangyarihan si Marcos dahil sa nasabing pagbomba, may kasalanan ang Kaliwa sa deklarasyo ng Batas Militar, sa pagtagal sa kapangyarihan ni Marcos, at sa pagbagsak ng ekonomiya ng bansa – lalo na noong matapos ang 1976, sabi ni Tiglao.

Ang galing! Bakit nga naman hindi naisip ng mga Marcos ito? Bukod sa pwede nang magkaisa sina Jovito Salonga at Imelda Marcos sa paghanap ng katarungan para sa pagbomba sa Plaza Miranda, mas magaling itong palusot ng mga Marcos sa pagtagal sa kapangyarihan ni Ferdinand kaysa sa pagturo sa umano’y lakas ng mga Komunista noon! Hindi naman talaga gahaman sa yaman at kapangyarihan si Ferdinand – gulay nga raw ang paboritong kainin, sabi ni Imee – talagang napwersa lang siyang manatili sa kapangyarihan dahil lagot siya kapag bumaba sa pwesto! Salamat sa Kaliwa! Ang maraming yaman sa mga bangko, ang mga ginto, ang mga sapatos – wala lang iyun!

Pwede rin itong pahayag sa krisis ngayon ni Gng. Arroyo. Ginagawa kasing mahirap ng mga kontra-Arroyo ang pagbaba sa pwesto ni Gng. Arroyo, dahil isinisi na sa kanya ang lahat ng kasalanan sa mundo – mula sa “Hello Garci” hanggang sa pagpatay at pagdukot sa mga aktibista. Hinay-hinay naman kayo sa pagbabanta ng kaso at iba pang parusa – dahil baka hindi siya bumaba sa pwesto at makatwiran lang naman iyun.

Pero nasaan ang ebidensya ni Tiglao? Una sa lahat, may indikasyon bang pinag-isipan ni Marcos na bumaba sa kapangyarihan matapos ang 1976? May indikasyon bang ginusto niyang magpatawag ng halalan noon para mapalitan siya sa pwesto? Noon ngang 1986, mahigit isang dekada matapos ideklara ang Batas Militar, gusto pa rin niyang manatili sa kapangyarihan, kahit mandaya. Dahil walang ebidensya, nagiging malinaw na sa sobrang pagkontra ni Tiglao sa Kaliwa, nahulog na siya sa pagyakap at pagbibigay-katwiran sa mapanupil at mapagsamantalang mga hakbangin ni Marcos.

Beatriz Milhazes 3

1986 AT PAGKATAPOS, TEORYA NG PAG-UNLAD

Ikalawang Bagyo. Ang bagyo naman noong bukana ng dekada ’80, aniya, ay itinulak ng hindi pagbabayad ng mga bansa sa Latina Amerika sa kanilang utang panlabas. Malabo ang paliwanag ni Tiglao, parang nakadroga: “Lumikha ang malaganap na opinyong publiko na nandaya nang todo si Marcos sa pampresidenteng halalang snap noong Pebrero 7, 1986 ng eksplosibong sitwasyong pampulitika na humantong sa pinakamatinding resesyon ng ekonomiya sa buong kasaysayan, bumagsak nang 7% kada taon noong 1984 at 1985.” Ano raw? Idinulot ng nahuling pangyayari ang nauna?

Ikatlong Bagyo. Pagkatapos naman ng 1986, naganap ang krisis sa kuryente – dahil daw hindi pinaandar ang Bataan Nuclear Power Plant. Sumabay pa ang kudeta ng mga maka-Kanan at ang “pagwawala sa pamamagitan ng pagpaslang sa kilalang mga personalidad” ng New People’s Army. Lumikha raw ito ng imaheng anarkiya ang nananaig sa bansa. Pumutok pa ang Mt. Pinatubo. Napakaraming kamalasan ng bansa.

Kahit sagasa sa integridad ng daloy niya, pinatampok ni Tiglao sa isang subseksyon ang pagdukot ng NPA sa negosyanteng si Noboyuki Wakaoji noong Nobyembre 1986. Kauna-unawa ang sabi niya: Kaya lumikas ang mga mamumuhunang Hapon sa bansa. Pero binanat niya ang punto: Umunlad daw ang Malaysia, Thailand at Indonesia pagkatapos. Na para bang hindi umunlad ang bansa dahil sa NPA. Syempre, hindi niya sinabing mga nagkamali at pinatalsik na elemento ng NPA ang responsable sa nangyari  kahit iyun ang totoo. Oo nga naman, ang layunin niya ay ang pasamain ang Kaliwa.

Makikita sa pagbabalik-tanaw ni Tiglao – at hindi naman sa gusto niyang itago – ang teorya niya kung paano uunlad ang bansa.  Nakasandig ang teorya ng pag-unlad niya sa pamumuhunan – pangkalahatan kunwari pero sa aktwal ay ng mga dayuhan. Malikot ang isip niya sa pagbago ng unawa sa kasaysayan, nang kontra sa Kaliwa at pabor sa mga naghaharing rehimen, pero napakakumbensyunal at konserbatibo niya sa usapin ng pag-unlad. Ito pa rin ang pag-unlad ng mga export-processing zones, agricorporations – pagpapamura at paniniil sa lakas-paggawa, todong biyaya at benepisyo para sa mga namumuhunan, para lang akitin silang pumunta sa bansa.

Sa ganito niya itinutuntong ang lagom niyang “ang batayang rekisito para sa pang-ekonomiyang pag-unlad ay pampulitikang istabilidad.” Hindi ito dapat pagdudahan, sa gitna ng todong paninira niya sa Kaliwa: Panawagan ito para supilin ang Kaliwa. Natural, maging ang ligal na pagkilos sa larangang parlamentaryo ay tinutuligsa niya. Sabi niya, ang “ochlocracy – ang paghahari ng sigawan, hibang na mob o hanay, na tinuligsa na ng mga sinaunang Griyegong siyang nag-imbento ng demokrasya 2,500 na ang nakakaraan – ay isang salaula, maling pag-unawa sa rebolusyong Edsa.”

Muli, makikita rito ang paglilingkod niya sa rehimeng Arroyo. Dahil kailangan ang pampulitikang istabilidad, at durugin ang mga nanggugulo, dapat unawain ang mga hakbangin ng rehimen na mapanupil sa Kaliwa, dapat pa nga itong papurihan. Ginagawa lang nito ang kailangan para umunlad ang bansa. Tama lang din ang rehimen sa hindi pagpansin sa mga nagpoprotesta sa lansangan para sa pagbitiw nito sa kapangyarihan. Lahat ng ito para sa pampulitikang istabilidad – at kaunlaran. Kapansin-pansing hindi tinuligsa ni Tiglao ang Edsa 2 kahit mas maliit na pag-aalsa ito – sa dami ng lumahok at sa kabulukan ng rehimen ipinalit – kumpara sa Edsa 1.

Ginagawa ang pagpapasamang ito sa Kaliwa ni Tiglao sa pamamagitan ng isang porma ng pag-unawa sa ugnayan ng sitwasyon ng lipunan at sa progresibong kilusan dito, ng krisis at Kaliwa. Kapag binabanggit niya ang krisis, maingat niyang iniiwasang ipakitang dito kumukuha ng lakas ang Kaliwa. Bagamat kailangan talaga ang Kaliwa para magkaroon ng epektibong pagkilos ang mga mamamayan sa panahon ng krisis, walang silbi ang Kaliwa kung walang krisis. Ibig sabihin, kaya lumakas ang Kaliwa sa mga panahong binabanggit ni Tiglao, at hanggang ngayon, iyan ay dahil sa krisis ng lipunan – sa kahirapan, gutom at pagkabusabos na dulot nito sa mga mamamayan.

Iniiwasan iyan ni Tiglao. Kaya kahit mukhang kasaysayan ang tinatalakay niya, pagtalikod talaga ito sa kasaysayan. Gusto lang talaga niyang pagmukhaing masama ang Kaliwa. Narito ang krisis, sinasamantala pa. Na para bang hindi ang krisis ang nagpapalakas sa Kaliwa – syempre sa tamang pagkilos din ng huli. Hindi lang sa lumulutang na masama ang Kaliwa sa ganitong pagsusuri, pwede na itong tingnan na madaling pawiin. Kung hindi nakatuntong ang Kaliwa sa hirap, gutom at pagsasamantalang dinaranas ng sambayanan, madali lang itong dahasin at durugin.

Beatriz Milhazes 4

REYALIDAD, PAMPALUBAG-LOOB

Bagamat gusto ni Tiglao na mabahala ang mga mambabasa niya – ang mga naghahari at panggitnang uri sa bansa – sa pag-iral ng Kaliwa sa bansa, sa pangkalahatan ay gusto rin niyang magbigay sa kanila ng pampalubag-loob. “Nasa landas na tayo,” sabi niya nang parang maluha-luha sa pilit at pekeng kaligayahan, “tungo sa maaliwalas na papawirin ng pampulitikang istabilidad at sa gayon ay pang-ekonomiyang pag-unlad.”

Heto ang makabagbag-damdaming panawagan niya: “Tingnan ang mas malaking larawan, tingnan ang mga kongkretong datos, at ang ating bansa ay malayung-malayo sa pagiging, sa mga salita ng isang kolumnista, ‘naghihingalong maysakit.’ Umuunlad ito, hindi katulad ng gusto natin, pero kahit paano, may pag-unlad, habang lumalakas ang ating pampulitikang istabilidad at iba pang demokratikong institusyon.”

Aling datos? Ang halos pagpantay natin sa gross national o domestic product ng mga karatig-bansa? Hindi naman makikita rito ang kawalan ng pagkakapantay-pantay ng hatian ng yamang nalilikha sa bansa – ang patuloy na pagyaman ng mayayaman at paghirap ng mahihirap – na patunay ng lalong pagkabulok ng sistema sa bansa. Hindi rin dito makikita kung pangmatagalan ang pag-unlad. Sa huling State of the Nation Address ni Gng. Arroyo, kinilala niyang hindi na sa elektroniks nakaasa ang ekonomiya, kundi sa ibang larangan ng dayuhang pamumuhunan – business process outsourcing at turismo. Ito ba ang pag-unlad na gusto natin? Nakaasa sa uso sa mundo?

Gaya nga ng palaging sabi nila, “malayo sa sikmura” ang mga datos na ipinagyayabang ni Tiglao. Hindi ito nagbibigay ng kapanatagan sa mga mamamayang alam ang tunay na lagay ng bansa – ang tindi ng kawalang-trabaho at kawalang-hanapbuhay; gutom at mahal ng pagkain at ibang bilihin; kabaratan ng sahod, mga benepisyo, at kita sa pangkalahatan; at kawalan ng akses sa mga serbisyong panlipunan. Si Tiglao ang dapat magising sa katotohanan. Masyado na siyang nagtatagal sa yaman at kapangyarihan, hindi na niya alam ang nagaganap sa mayorya ng mga mamamayan sa bansa.

Sa dulo, ang papel ni Tiglao ang tipong bibigyan ng gradong 5.0 o bagsak sa usapin ng estilo ng pagkakasulat, lohika ng laman, at lalim ng saliksik. Masyado na siyang sunud-sunuran sa rehimen at sistema, at nasusuklam sa Kaliwa, para matinong makapag-isip.

03 Setyembre 2009

Categories: Panlipunan
Tagged: , , , ,