Monthly Archives: January 2010

Matagumpay ang kakatapos na Pambansang Lakbayan ng Anakpawis para sa Lupa at Katarungan! Mabuhay! Ramdam ito ng mga lumahok, at may makabuluhang sinasabi tungkol sa pakikipagtuos ng Kaliwa sa rehimeng Arroyo. (Galing ang larawang kuha ni Edd Gumban sa itaas sa PhilStar.com at ang mga larawan sa ibaba sa site ni Patrill. Maraming salamat!)

Lakad Lakbay Bayan

Nitong 22 Enero, sumama ako sa isang martsa-rali mula Department of Agrarian Reform sa may Quezon Memorial Circle papuntang Mendiola sa Maynila. Ito ang dulo at rurok ng sampung araw na “Pambansang Lakbayan ng Anakpawis para sa Lupa at Katarungan,” ang paglalakbay-protesta ng mga magbubukid galing sa iba’t ibang panig ng bansa na nagsimula noong 12 Enero sa Davao City. Araw ito ng ika-23 anibersaryo ng Mendiola Massacre, ang bantog na kinahantungan ng martsa ng magbubukid noong 1987 na nanawagan ng reporma sa lupa pero ginantihan ng dahas at pumaslang sa 13 kalahok. Maraming panawagan: “Lupa, hindi bala!” “Tunay na reporma sa lupa, ipaglaban!” “Labanan ang militarisasyon sa kanayunan!” “Patalsikin si Gloria!”

Nakahanay na ang mga tao noong dumating ako, mga alas-9:00 ng umaga. Mainit ang araw pero hindi masyadong iniinda ng mga kalahok. Naadwa akong buksan ang dala kong payong dahil karamihan, kung hindi nakasumbrero, may kung anong tela sa ulo. Noong binuksan ko, nalaman ko ang dahilan. May kakilalang lumapit sa akin at nakangiting nagbiro: “Para ka namang si Imelda. Isara mo iyan!” Ah, naisip ko, imahen pala ng pribilehiyo. Nakita ko ang iba’t ibang sektor na nagbubuo ng hanay, may kanya-kanyang dalang balatengga, bandila at plakard na naiiba. Mukhang tama ang dinig ko, magiging malaki ang rali. May indikasyon na sa gabing pangkultura sa DAR bago ang martsang ito: Malaki ang hanay, may ilang libo siguro, nagsikip ang daan.

Ganito rin daw noong 1987, sa DAR nagsimula ang martsa. Wala pang isang taon bago noon, napatalsik ang diktador na si Marcos sa Malakanyang. Bagong upo si Cory Aquino, at malakas ang pag-asa ng mga mamamayan sa pagbabalik ng “demokrasya.” Malaki rin ang hanay. May napanood akong lumang footage ng masaker. Nakangiti ang mga tao sa unahan martsa habang naggigiit na makalapit sa Malakanyang, binabangga ang mga pulis at militar na nakahanay. At nangyari na ang nangyari. Pinaputukan ang mga hindi armadong magbubukid. Hindi dapat mailigaw ang usapin ng mga kontra-Kaliwa at militaristang paninira palayo sa puntong ito. Para sa marami, hudyat ang naganap na walang tunay na pagbabago kahit napatalsik na si Marcos sa Malakanyang.

Bandang alas-9:45, nagsimula nang lumakad. Pana-panahon lang ang pagsigaw – o “chanting,” sa wika ng mga aktibista – sa hanay na sinamahan ko. Panay ang tawanan at lokohan. Sabi sa akin ng isang matandang babae, “Anak, baka ikamatay ko kapag natisod ako sa payong mo. Mahal pa namang magpalibing ngayon.” Tawanan. Malaki talaga ang hanay, at agad nakita ang trapik na idudulot ng martsa. Marahan ang lakad, binaybay ang Quezon Avenue at España. May mga nagdidikit ng poster at nagpipinta ng islogan sa mga pader sa gilid ng kalsada – karamihan kabataan. Bilib na nanood ang matatanda. Masipag ang mga namimigay ng polyeto sa bangketa. Dahil nasa bandang gitna ako ng hanay, kita kong lahat ng madaanang tao sa gilid, may hawak na polyeto.

May mga umakyat sa mga overpass sa Edsa sa Sto. Domingo Church para magsabog ng confetti. Hiyawan ang mga tao. Katulad kapag natatapat sa ibang overpass, taas-kamao ang mga tao, para sa mga kumukuha ng larawan. “Taas-kamao, mga kasama!” may magsasabi sa hanay. At susunod naman ang mga tao, pagpapakita ng militansya at parang simbolong “V” na rin ng mga bata’t kabataan sa mga larawan. May mga sumalubong-sumanib sa iba’t ibang punto, sa Delta at Welcome Rotonda. Quezon Av pa lang, kita na ang isang palatandaan ng matagumpay na rali – ang mga manininda. Buhos-pwersa sila, inilalako ang mga pagkaing madalas ipagbawal ng matatanda sa mga bata: ice candy at “scramble” noong una, gulaman at buko juice pagtagal ng martsa.

Sa init ng araw at haba ng martsa, isyu talaga ang inumin. Halos walang narinig magreklamo sa init – maliban sa isang biniro dahil nagbukas ng payong. Pero kitang-kita ang mga tao na nag-apuhap ng maiinom. May iilang bumili. Pero karamihan, pumunta sa bumubuntot na mga sasakyan para sa tubig. May ilang uliran na nag-ikot ng tubig. Ang isa pa nga, iyung plastik na jug na kulay-asul ang buhat-buhat. Ang obserbasyon ng isa, mabagal maglakad ang mga taga-Kamaynilaan. Mas mabilis daw ang mga “Lakbayani” sa unahan – silang nagmartsa mula sa mga probinsya mula sa Hilagang Luzon hanggang Timog Mindanao. Nasanay na kasi, sabi ng isa – dahil sa Lakbayan o sa hirap ng buhay. Patapos na rin kasi, kaya buhos-lakas na, sagot ng isa.

At hindi biro ang dinanas ng mga Lakbayani. Malayo ang nilakbay nila. Sa kalakhan, mainit ang panahon. Pero may araw, noong nasa Visayas sila, na umulan, naging maputik ang daan, at nagkasira-sira ang mga sasakyan. Dahil dito, hindi na sila nahintay ng hanay na dapat sumalubong sa kanila. Malaking bagay pa naman sa mga naglalakbayan ang makakita ng mga sumasalubong na sumusuporta. Mayroon din kasing sumasalubong na hindi sumusuporta – tulad ng militar na ilang beses ding humarang sa lakbayan, naghahanap ng permit, naghahanap ng lider, nagbabantang aarestuhin ang mga drayber. Pero mas madali na siguro itong harapin para sa kanila, kumpara sa araw-araw na kahirapan, pagpapahirap at pandarahas na dinadanas nila.

Palaki nang palaki ang hanay. Pagdating sa Welcome Rotonda, namalayan na lang ng mga tao na inookupa na nila ang buong kalsada. May 30 minutong pahinga raw para sa pagkain. Lampas nang tanghaling tapat, pero malamlam ang araw, nakikisama yata sa mga raliyista. Hindi ako kumain, dahil hindi ako komportableng magmartsa nang busog o nakakain. Ang hanay na nasamahan ko, ang ulam ay tuyo at kamatis, nakabalot na sa supot. Piniritong isda naman ang ulam sa kabilang hanay. Nag-alukan, nagbahaginan ang mga kalahok. Pero nakakailang subo pa lang ang iba, may nagsabing nagmamartsa na sa unahan. Walang reklamong itinabi ng mga kumakain ang tanghalian at nagsimulang lumakad uli. “Bakit ang bilis?” tanong lang ng isa.

Sa España, hindi na maikaila ang trapik. Disrupsyon itong dulot ng malaking hanay, kaiba halimbawa sa mulat na pagtatangka ng mga anarkista sa ibang bansa na gumawa ng gulo. Laging mapagpaliwanag ang mga aktibista sa trapik: “Sa mga kababayan nating motorista at komyuter…” Naalala ko tuloy ang kwento ni P. J. O’Rourke, konserbatibong manunulat na Amerikano. Sabi niya, mabait daw ang mga Pinoy. Halimbawa raw, noong dekada ’80, sabi ng isang aktibista sa isang Amerikanong mamamahayag: “Sana po ay makapaghintay kayo nang limang minuto, susunugin namin ang isang bandila ng US.” Susunugin nila ang bandila ng bansa mo, pero mabait sila sa iyo. Mas wastong aktitud siguro ito, na natatanggap bilang pagiging mabait.

Naging mas buhay at sabik ang hanay pagdating sa Morayta. Bagamat nabalita isang araw bago nito na papayagan ang mga nagpoprotesta na magmartsa hanggang sa Mendiola, noong umaga, may balitang libu-libong pulis ang idedeploy. Panakot siguro. Pero bigo sila. Mahigit 10,000 tao ang nagmartsa, at sumisigaw na ng “Mendiola! Mendiola!” Hindi pagod ang makikitang ekspresyon ng mga tao, kundi saya – na nakarating na rin sa wakas, na malaki ang hanay, na nakita uli ang mga kakilala, na nasalubong ang bagong taon sa pamamagitan ng isang malaking pagkilos. At kung anu-ano pa siguro. Hindi na gaanong maayos ang hanay noong nasa Recto na. Minsan, halu-halo na ang mga sektor. Pagod na siguro. O baka gusto nang makipagkwentuhan.

Pagdating sa Mendiola, makikita ang isa pang palatandaan ng matagumpay na pagkilos – ang maraming midya. Bago nito, lumabas ang Lakbayan sa mga lokal na midya sa iba’t ibang rehiyon at probinsya, pero hindi pa gaano sa midyang pambansa, lalo na sa telebisyon. Pero hindi nila magagawang hindi pansinin ang libu-libong nagmartsa sa araw na iyun. Sinunog ang effigy para sa protesta, ang “Backhoe Gloria,” hango syempre sa bagay na tumampok sa Ampatuan Massacre, na ginamit panghukay ng paglilibingan ng mga pinlanong imasaker. Simbolo raw ito ng “warlordismo” ni Gloria. Angkop nga naman. Inilalarawan ang paggamit ng rehimeng ito ng dahas laban sa mga magsasaka, para panatilihin ang pagsasamantalang ipinapalasap sa kanila.

Pagkatapos, nagsalita na si Rafael “Ka Paeng” Mariano, kinatawan ng Anakpawis sa Kongreso at tagapangulo ng Kilusang Magbubukid ng Pilipinas. Binati niya ang mga Lakbayani, at ang mga nagprotesta. Idineklara niyang tagumpay ang Pambansang Lakbayan. Sinundan siya ng maraming pangkulturang pagtatanghal at tagapagsalita – karamihan, mula sa mga rehiyon. Hindi ko narinig magsalita si Danilo “Ka Daning” Ramos, pangkalahatang kalihim ng KMP at paborito kong lider-masa. Hindi ko narinig ang klasikong retorika niya: “Ilang dekada naming sinasaka ang lupa, pero ang tanging lupang pag-aari namin ay iyung nasa aming mga kuko sa kamay at paa pagkatapos ng maghapong pagsasaka.” Luma na pero wasto pa rin, kaya nananatiling mabisa.

Para sa mga kalahok, maraming dapat ikatuwa sa araw na iyun. Sa isang banda, pahayag ito tungkol sa rehimeng Arroyo at pakikipagtuos dito ng makabayan at progresibong kilusan ng sambayanan. Taong 2010 na, taong target ng rehimeng gawing ibayong mahina, kundi man pawiin, ang kilusang Kaliwa gamit ang dahas. Pero heto ang mga magsasaka mula sa iba’t ibang panig ng bansa, at ang iba’t ibang sektor mula sa mga karatig-rehiyon ng Kamaynilaan – binubuksan ang taon sa isang malakas na protesta at panawagan ng pagbabago. “Buhay kami! At lumalakas pa!” Parang ito ang mensahe at ipinagdiriwang ng pagkilos. “Malapit nang matanggal si Arroyo, pero heto pa rin kami, dumadaluyong sa lansangan at nananawagan ng tunay na pagbabago.”

24 Enero 2010

Matapos ang martsa sa Mendiola, maraming aktibista ang tumungo sa Unibersidad ng Pilipinas – Diliman, para bigyang-parangal sina Tanya Domingo at Ian Dorado, mga estudyante ng pamantasan na napaslang bilang mga miyembro ng New People’s Army sa Bulacan. May magandang parangal si Prop. Sarah Raymundo sa Facebook.

Pangatlo at pang-apat sila sa mga kabataang estudyanteng nag-NPA na napaslang ngayong taon, kasunod nina Ian Maderazo ng UP Los Baños at Kemberly Jul Luna ng Mindanao State University. Tama ang League of Filipino Students: epektibong rekruter ng NPA si Gloria Macapagal-Arroyo – bangga sa pagyayabang ng National Security Adviser niya.

Tinuligsa ni Kenneth Roland A. Guda at ng Kilusang Mayo Uno si Sen. Noynoy Aquino dahil sa huling mga pahayag nito tungkol sa panawagan ni Rep. Satur Ocampo tungkol sa reporma sa lupa. Kasi naman.

Grabe na ang Facebook! Dahil dito, nagkitang muli ang dalawang dating nakakulong sa Guantanamo Bay at ang gwardya nila.

Anibersaryo ng pagpatay kay Martin Luther King, Jr. noong Enero 16. Heto ang pahayag ni Mao Zedong tungkol kay MLK at sa pakikibaka ng mga Aprikano-Amerikano para sa kalayaan. Ewan ko, parang naluha ako sa siping laman ng imahe diyan.

May magandang sipi si Curate kay Karl Marx na sakto sa eleksyon sa bansa ngayon. Kay Arundhati Roy din.

May magandang bagong sanaysay si Peter Hallward tungkol sa Haiti at si Michael Lowy tungkol sa mga patalastas.

Namatay na ang Aprikano-Amerikanong mang-aawit na si Teddy Pendergrass. Siya ang kumanta ng “In My Time” at kadueto ni Whitney Houston sa “Hold Me,” ang unang kanta ni Whitney na sumikat. Salamat sa mga nakakaantok na hapon ng pagkabata.

Mabuhay ang GMANews.tv, lalo na ang manunulat nitong si Stephani Dychiu sa paglalabas ng malamang mga sulatin tungkol sa Hacienda Luisita!

Pamilyar? Siya si Pat Robertson, napapanood noon ng marami sa Channel 7, sa palabas na “700 Club.” Kontrobersyal ang pagtingin niya sa nangyaring malakas na lindol sa Haiti: parusa raw ito ng Diyos dahil sa “pakikipagsandugo” ng mga mamamayang Haitians noon sa demonyo, para makalaya sa dayuhang mananakop. (Galing ang mga larawan sa ibaba sa blog na Tales of Light. Thank you!)

Help Haiti, Reject Robertson

HAITI

Grabe ang nangyari sa Haiti sa Latin America. Niyanig ang bansa ng napakalakas na lindol. Tinatayang 500,000 o kalahating milyon ang namatay. Nasira ang maraming gusali sa itinuturing na pinakamahirap na bansa sa Kanlurang hati ng mundo. Maging ang Malakanyang nila, gumuho. Mabagal pa raw ang pagdating ng saklolo sa bansa.

Katulad ng bagyo, hindi mapipigilan ang pagtama ng lindol. Pero napapasahol o napapahina ang epekto nito sa isang bansa depende sa istrukturang panlipunan doon. Kahit sa bagay na ito, internal sa isang lipunan ang mapagpasya – maliban na lang kung talagang ibang antas na ang tindi ng kalamidad na tatama sa nasabing lipunan.

Sa mga talakayan ngayon sa Internet kaugnay ng nangyari sa Haiti, lumalabas na pinatindi ng istrukturang panlipunan sa nasabing bansa ang epekto ng lindol. Napakarami kasing tao ang nakatipon sa Port-au-Prince, kapitolyo ng bansa. Noong tumama ang lindol, ang mga taong ito ang tinabunan ng mga gusali at mga bahay.

Kontrolado kasi ng makapangyarihang mga bansa, pangunahin ng US, ang Haiti. Nagtayo sila ng mga pabrika sa mga syudad, tampok ang Port-au-Prince. Itinulak ang bansa na magparami ng reserbang lakas-paggawa, ng mga taong walang trabaho, sa mga lungsod. Para nga naman mabarat ang sahod ng mga manggagawa sa pabrika.

Halos kasabay, nagtambak ang ibang bansa, pangunahin ang US, ng bigas at iba pang produktong agrikultural. Walang laban ang mga produktong agrikultural ng mahirap na bansa sa mga produktong sinubsidyuhan ng pinakamakapangyarihang gobyerno sa mundo. Bumagsak ang agrikultura; maraming magsasaka ang nawalan ng kabuhayan.

Ang mga salik na ito ang dahilan kung bakit nakatipon ang napakaraming maralita sa lungsod. Mga magsasaka sila dati na itinaboy ng karalitaan sa kanayunan at inakit ng katiting na pag-asang ibinibigay ng lungsod. Katiting dahil di-regular na trabaho ang iniaalok, kakarampot ang sahod na bigay, at kayod-alipin ang hinihingi – sweat shops.

Dahil sa kalagayang ito, malaking bahagi ng populasyon ng Haiti ang nasa ibang bansa, nagtatrabaho. May nagsasabing ang pinakamalaking pinagkukunan ng kita ng Haiti ay ang remitans ng mga migrante – muntik ko nang sabihing “OFW” – nito na nasa US. Kaya malaking isyu ang pagpapalayas sa mga migranteng Haitians na nasa US ngayon.

Malamang na mas matindi ang kalagayan ng Haiti kumpara sa Pilipinas. Pero pamilyar ang larawan nito para sa mga Pilipino. Pareho kasing biktima ng neoliberal na globalisasyon ang dalawang bansa. Sa retorika, malayang pamilihan at kalakalan; sa kongkreto, masusunod ang kahit anong gusto ng mayayamang bansa at korporasyon.

Sa pagtama ng lindol sa Haiti, nakikita ng mundo ang epekto ng neoliberal na globalisasyon, at kung paano nito ginagawang mas bulnerable ang mga tao sa pinakamatinding epekto ng natural na kalamidad. Kailangan ngayon ng Haiti ang pagkain, tubig, gamot, damit at bahay – mga bagay na noon pa ma’y kapos sa bansa.

Ang kapansin-pansin, sa kabila ng lapit ng US sa Haiti, at ng kontrol ng una sa ikalawa, nag-utos lang si Pres. Barack Obama ng pagsiyasat sa saklaw ng pinsala sa Haiti sa araw na pumasok na ang tulong ng ibang bansa rito: ng Tsina at ng kontra-imperyalistang Cuba at Venezuela. Ito ang “kaibigang maaasahan” ng Pilipinas.

ROBERTSON

Sabay-pasok si Pat Robertson – televangelist ng “700 Club” na palabas sa Channel 7 dati, hindi ko lang alam kung hanggang ngayon, kung saan lumalabas din ang aktres na si Connie Reyes-Mumar. Sabi niya, naganap daw ang lindol dahil pinaparusahan ng Diyos ang Haiti dahil sa “pakikipagkasundo” ng mga mamamayan nito sa demonyo.

May kwento ako tungkol kay Robertson. Noong bago ako magkolehiyo, lagi kong napapanood sa telebisyon ang “700 Club.” Minsan isang semana santa, nagkaroon siya ng serye. Parang “Itanong mo kay Soriano” ang dating: sasagutin niya ang tanong ng ordinaryong mga tao sa kalsada na may gustong itanong tungkol sa Diyos at relihiyon.

Tanong: “Pwede bang mabasa ni Satanas ang utak ko?” Pa-siyentipiko pa ang sagot ni Robertson noong una. Kapag magkalapit daw ang ulo ng dalawang tao, pwedeng magtugma ang brain waves nila at magkapareho sila ng iniisip. Pero, seryosong dugtong niya, hindi kailangang mabasa ni Satanas ang isip natin para makontrol niya tayo.

At lumabas na ang larawan ni Karl Marx. “Si Karl Marx ay paring Satanista,” sabi niya. Hindi ko na matandaang eksakto ang mga sumunod na sinabi niya, pero nagparada na ang larawan ni Mao Zedong – “Si Mao Zedong ay sinapian ng demonyo buong buhay niya” – at ni Adolf Hitler, at ng iba pang kampon ng demonyo ayon kay Robertson.

Bago nito, idinikit ko sa kabinet ko ang isang larawan ni Marx na ginamit kong tulong-biswal sa isang report sa klase. Atrasado pa noon ang tekonolohiya sa pagpapalaki ng larawan – unti-unting palalakihin, nagiging madilim ang larawan. Dahil kay Robertson,  biglang natakot ko sa maitim na larawan ni Marx! Pinalitan ko ng kay Ronald Reagan!

Mahalaga ang karanasang iyun sa pagkatuto ko sa kung paanong pulitikal din ang relihiyon, at maging ang pagbasa sa Bibliya. Nalaman kong hindi totoo ang mga sinabi niya. At hindi iyun mahalaga sa kanya at mga katulad niyang maka-Kanang Kristiyano na laging gumagamit ng mga kasinungalingang ito para pasamain ang mga sosyalista.

Hindi nagtagal, nalaman kong tumakbong pangulo si Robertson sa partidong Republican ng US, na hayagang nagsusulong sa interes ng mga naghaharing uri doon. Na galit siya sa feminismo, lalo na sa homosekswalidad. Na, nitong huli, nanawagan siyang paslangin si Hugo Chavez, ang kontra-imperyalistang lider ng Venezuela.

At ngayon, ito. Mali-mali ang detalye ni Robertson, pero ang tinutukoy niya ay naganap umano sa pag-aalsa noong 1804 ng mga Aprikanong dinala sa Haiti para maging alipin. Sila, ang mga mamamayan ng Haiti, ang una sa kasaysayan na nagtagumpay sa pagpapalayas sa mga mananakop ng bansa nila, ang mga Pranses.

Sa kasaysayan, tinawag ng mga Kanluraning mananakop ang mga relihiyong inabutan nila sa iba’t ibang bansa na “relihiyon ng demonyo.” Gustong palabasin ni Robertson na hindi nakakalimot at nakakapagpatawad ang Diyos sa mga bayang tulad ng Haiti na may mga ninunong nanalig sa lumang relihiyon, kahit pa Kristiyano na sila ngayon.

Mas malamang, naniniwala si Robertson na siya ang Diyos. Ginagamit niya ang Diyos para sa interes ng mga naghaharing uri ng US. Dahil sa pagbaluktot niya sa katangian ng Diyos para sa makitid na interes na ito, lumutang ang isang bagay: na hindi niya kayang patawarin ang isang bansang naggiit ng kalayaan, kahit sa malayong nakaraan.

17 Enero 2010

Gaya ng dati, marami akong gustong ibahaging link. Pero bilang pagkilala sa isang espesyal na bagay, isang link lang sana ang ilalagay ko sa seksyong ito ngayon. Maraming salamat sa Pinoy Weekly sa pagkilala sa blog na ito, kasama ng iba pang progresibo. Labis ko itong ikinakatuwa at ikinararangal.

Pero mahalaga rin ito: Magrali tayo sa pulong ng UP Board of Regents sa 29 Enero sa Quezon Hall sa UP Diliman! Igiit ang tenure para kay Prop. Sarah Raymundo!

At ito: suportahan ang Pambansang Lakbayan ng Anakpawis para sa Lupa at Katarungan! Rurok nito ang mobilisasyon sa 22 Enero mula sa Department of Agrarian Reform patungong Mendiola!

At ito: Mabuhay si Kimay, si Kemberly Jul Luna! Mabuhay ang mga kabataang katulad niyang nag-alay ng buhay para sa paglaya ng bayan!

Parang paggawa ng ganitong sining sa mga favela sa Brazil (sa Pilipinas siguro’y tatawaging “squatter colony” pero masyadong malalawak ang mga favela) ang pagsandig ng pag-asa sa eleksyong 2010. Tiyak na makakapagbigay ng ginhawa, pero mas dapat dalhin sa pagpapaalab ng damdamin para gumawa ng mga pagbabago, ng mas maganda na lampas sa nariyan.

Neo-Year

Ang napansin ko sa pagdiriwang ng pagpasok ng 2010, tumampok ang mga fireworks, kumpara sa dating mga paputok. Naging maingay lang ilang oras bago at ilang oras pagkatapos ng alas-dose ng gabi – hindi katulad dati, na ilang araw bago at pagkatapos ng bagong taon. Bagamat tama ang iba sa pag-aalala sa epektong polusyon, mas mainam na rin siguro ang fireworks. Sa ere pumuputok, kaya iwas-aksidente sana; hindi lang ingay ang dala kundi magandang liwanag na nakikita ng marami; at napupwersa ang mga tao na tumingala – metapora ng pangangarap at pagiging optimistiko para sa hinaharap.

At iyun naman ang gusto natin tuwing bagong taon, hindi ba? Hindi ba’t lagi na nitong kadikit ang salitang “pag-asa”? Baka nga likas na sa tao ito, kahit sa mga Pilipino – ang maghanap ng magiging batayan ng pag-asa sa bagong taon, at ang kagustuhang magsimulang muli mula sa mga pagkakamali at kahirapan ng nakaraan.

Partikular sa pagpasok ng 2010, batay sa mga mensaheng text na natanggap ko, at sa ilang nabasa ko, at maging sa pakiramdam ko sa sarili, nakakaramdam ng pag-asa ang mga tao, kahit ang mga aktibista.

Ano kaya ang pinagmumulan ng partikular na pag-asang ito?

Sa tingin ko, malaki ang kinalaman dito ng pambansang eleksyon ngayong taon. Hindi lang siguro dahil mabubuhay muli ang ekonomiya ng bansa – at magkakaroon ng kabuhayan ang mga tao, kahit panandalian – dahil sa paggastos ng mga pulitiko at ng gobyerno, bagamat totoo rin ito.

Kaugnay ng “pag-asa” na ito ang usong salita ng kasalukuyan, ang “pagbabago.” Nakakaramdam ng pag-asa ang mga tao dahil pagkakataon ang eleksyon na palitan ang kinamumuhiang rehimen ni Gloria Macapagal-Arroyo. Bagamat maraming pwedeng idagdag na pagsusuri sa bagay na ito, positibo na rin siguro. Kung nakakaramdam ang mga tao ng pag-asa kaugnay ng pagbago sa nakaupo sa gobyerno – malalim man talaga ang pagbabago o hindi – patunay ito na itinuturing nila ang gobyerno na may kinalaman sa buhay nila, sa ligaya at kalungkutan nila. Na hindi sila nakubabawan ng kawalang-pakialam sa nagaganap sa gobyerno.

Syempre, nakadireksyon ang pag-asang ito sa eleksyon. Paniwala nga raw ni Charles de Gaulle, dating pinuno ng Pransya, ang pinakamainam na paraan para gapiin ang isang rebolusyon ay sa pamamagitan ng eleksyon. Sa isang panahon siguro, at para sa isang sambayanang hindi pa nagpapasyang magrebolusyon. Naghahain ito ng ilusyon ng pagbabago, kahit man lang sa nakakairitang pagmumukha ng mga nakaupo sa pwesto, nang walang kahirap-hirap at dahas para sa mga tao, at nang batay umano sa pagpapasya ng mayorya ng populasyon.

Ano kaya ang inaasam ng pag-asang ito?

Siguro, sa pinakamababaw at pinakasinikal, pagkakataon ang eleksyon na mabago man lang ang nagsasamantala at nanloloko sa bansa. Masamang may gumagawa ng ganito sa bansa, pero mas masamang iisa lang ang gumagawa nito sa mahabang panahon.  Masyadong eksentriko ang pagtinging ito, pero posible ring umiiral.

Sa isang banda, pagkakataon din ang pagpalit sa rehimen na ipagdiwang ng mga tao ang pag-alpas nila, natin, sa masamang rehimeng ito. Naalala ko ang kwento ni Edel E. Garcellano tungkol sa hilig ng mga tao sa pagda-jogging noong panahon ng diktadurang Marcos: pulitikal daw ito, dahil gusto ng mga taong malagpasan, kahit sa buhay man lang, ang diktador at ang diktadura.

Pero sa isang banda, ang malaganap sigurong pag-asa ay iyung pagbabalik sa luma: ang pagbalik sa pulitika ng bansa bago ang 2001 (taong nanungkulan ang rehimeng Arroyo mula sa pagpapatalsik kay dating pangulong Joseph Estrada). O, sa isang banda, sa pulitika bago 1998 (taong nanungkulan ang rehimeng Estrada, dahil hindi rin popular sa marami ang rehimen niya).

Sa panahong gustong balikan, nariyan ang kontra-mamamayang sistema, pero tumatakbo ito nang hindi kasing-sahol ng kung paano ito pinamunuan ng rehimeng Arroyo.  Nariyan ang katiwalian sa pamahalaan, pero hindi direktang sangkot ang pangulo at pamilya’t alipores niya. May pandaraya sa eleksyon, pero hindi bulgar na ginawa ng presidente at ng opisyal ng Comelec. May pagbuwag sa mga rali, may pakikidigma sa mga rebelde sa kanayunan, pero walang ekstrahudisyal na pagpaslang at pagdukot sa mga aktibista. May krisis sa ekonomiya, pero hindi naman umaabot sa kakulangan ng bigas at linggu-linggong pagtaas ng presyo ng langis.

Si Cory Aquino ang larawan ng nakaraang ito na gustong balikan, at pinagtibay lang ni Fidel Ramos ang kanyang “kadakilaan.” At iyun ang husay ng rehimeng Aquino para sa imperyalismong US, mga naghaharing uri at maging sa mga nasa panggitnang uri – na nagawa nitong panatilihin at paglingkuran ang sistema sa paraang naiiba sa diktadurang Marcos. Iyun din ang pag-asa ngayon – na may maglilingkod sa sistema nang naiiba sa ginawa ng rehimeng Arroyo. Hindi kaduda-duda na ang nakikinakabang sa partikular na pag-asang ito ay ang kandidatura sa pagkapangulo ni Noynoy Aquino.

May hindi kinikilala ang pag-asang ito, samakatwid. Na ang rehimeng Estrada at Arroyo, sa isang banda, ay iniluwal ng rehimeng Aquino at Ramos. Minana ng dalawang rehimen ang mga krisis sa ekonomiya, pulitika at kultura na iniluwal ng mga patakaran ng dalawang nauna, kung saan sentral ang halaga ng pagsunod sa mga dikta ng neoliberal na globalisasyon. Sa usapin ng korupsyon, halimbawa: dahil sa liberalisasyon, deregulasyon at pribatisasyon na todong binuksan sa rehimeng Aquino at Ramos, kumitid ang rekurso ng pamahalaan na dati’y mapayapang pinaghahatian ng mga naghaharing uri sa gobyerno. Sa panahon ng rehimeng Estrada at Arroyo, dahil sa kitid ng paghahatian, naging mas maingay ang tunggalian ng mga paksyon ng naghaharing uri.

Ibig bang sabihin, nakasadlak ang sambayanan sa isang hinaharap kung saan mauulit lang ang rehimeng Arroyo? Ibig bang sabihin, hindi rin masisisi ang rehimeng Arroyo sa mga krimen nito sa sambayanan dahil ito ang natatanging tugon sa mga kalagayang iniwan ng mga nauna rito? Hindi ang sagot sa parehong tanong. Kinatawan ng rehimeng Arroyo ang isa lang sa mga posibleng tugon sa kalagayang iniwan ng mga naunang rehimen – isang tugon na mulat sa uri, mapaglingkod sa sistema, prangka sa intensyon, at hindi nagpapigil sa maraming legalidad.

Posible ang ibang tugon sa parehong kalagayan. Pero nakalatag ang kalagayan, at makapangyarihan ito sa paghubog sa magiging tugon ng susunod na rehimen. Masasabing matinding kapasyahan ang kailangan ng susunod na rehimen para makahulagpos sa molde ng rehimeng Arroyo. Pwedeng magkaroon ng pagbabago sa 2010, pwede ring hindi.

Sa dulo, hindi pa rin sa pagpapalit-rehimen dapat isandig ang pag-asa ng sambayanan, kundi sa sama-samang pagmumulat sa sarili, militanteng pagkilos para sa maliliit at malalaking pagbabago, at pagbubuo ng mga organisasyon para isulong ang gobyernong tunay na maka-mamamayan. Higit sa halalan, ang mga pagkilos na ito pa rin ang makatwirang pagmulan ng pag-asa natin.

11 Enero 2010

Panoorin ninyo ito, ang “Pasko ng Paglaya.” Inilapit daw ng mga manggagawa ang kaso nila sa iba’t ibang “matatapang” na palabas sa telebisyon, pero hindi sila ipinalabas.

Nakakatawa ang mga resolusyon sa bagong taon ni Lea Salonga. Maganda, dahil gusto niya si Conrado de Quiros. Ibig sabihin, kahit paano, mas kritikal sa gobyerno at lipunan ang pananaw na nagugustuhan niya.

Lalo na kung ilalapat sa kilusang paggawa sa bansa, baka masyadong optimistiko ang suri ni Rick Wolff sa kailangan ng kilusang paggawa sa US para lumakas. Hindi lang siguro bagong pananaw ang kailangan, kundi pag-unawa at paghulagpos sa mga suliranin sa pag-oorganisa.

Ano’ng klaseng akademiko ka? O kung sakali? Nakakatawa ito: “The Academic Zodiac.” Tingnan ninyo ang paglalarawan sa mga akademikong katulad ni Alex Callinicos, Trotskyistang ipinanganak noong 24 Hulyo.

May sanaysay si E. San Juan, Jr. tungkol sa patuloy na paglaban para sa tenure ni Prop. Sarah Raymundo.

Tugon ni Kong. Mong Palatino sa mga pagtuligsa sa Kaliwa sa pagsuporta nito sa kandidatura ni Sen. Manny Villar. Iyan ang kongresista namin! Kaya ba ni Risa Hontiveros-Baraquel iyan? O ng mga tagagawa niya ng talumpati?

Pagtatanggol ni William Blum sa Cuba. Pagsusuma, kaugnay ng kababaihan, ni Katha Pollitt sa kakatapos na dekada.

May gumawa pala ng fan page” sa Facebook para sa blog na ito – at hindi po ako iyan. Nakakahiya naman. Marami pong salamat!

Follow

Get every new post delivered to your Inbox.

Join 117 other followers