Monthly Archives: February 2010

Si Leandro “Lean” Alejandro, lider-estudyante, ang isa sa mga itinuturing na halimbawa ng pagiging iskolar ng bayan. Sa pagpasok, gayunman, ng buong diskursong kinapalooban ng “iskolar para sa bayan,” nanganganib maging ang pagiging halimbawa niya para sa kasalukuyang mga estudyante ng Unibersidad ng Pilipinas. (Galing muli ang mga larawan sa ibaba kay Patrill. Galing naman ang larawan ni Lean sa blog na ito. Salamat!)

Iskolar para sa Bayan?

Nitong nakaraang mga taon, umiral at lumaganap sa Unibersidad ng Pilipinas–Diliman ang “iskolar para sa bayan” bilang katawagan sa mga estudyante ng UP. Batay sa mga gumagamit at nagpapauso nito, at sa paggamit nila, lumalabas na kakumpitensya ito ng “iskolar ng bayan” – na matagal nang ginagamit ng mga aktibista sa UP at iba pang state colleges and universities para tawagin ang mga estudyante sa mga paaralang ito.

May halaga ang mga katawagang ito. Sa mahabang panahon, ginamit ng mga aktibista ang “iskolar ng bayan” para tawagin at himukin ang mga estudyante ng UP at ng iba pang paaralan para maglingkod sa bayan. Gayundin, ginamit ito para tawagin at itanghal ang mga partikular na estudyanteng naglingkod sa bayan – lalo na nang buong panahon – mula kay Wenceslao Q. Vinzons hanggang kay Leandro “Lean” Alejandro.

Biglang dating ang “iskolar para sa bayan.” Sa biglang tingin, walang problema rito. Mukha pa ring makabayan, progresibo, radikal – kundi man mukhang mas makabayan, progresibo at radikal pa nga. Sabi ng mga gumagamit nito, humuhulagpos ito sa pakahulugang “pinag-aaral ng bayan” na isang kahulugan ng “iskolar ng bayan.” Nakikibahagi rin sila sa radikal na tradisyon ng UP, nagrarali, nagtataas ng mga kamao.

Pero mapanlinlang ang unang dating. Malinaw ang tindig ng mga gumagamit ng “iskolar para sa bayan” sa iba’t ibang isyu kaugnay ng pagpopondo sa UP: pabor sila sa paglikom ng UP ng sariling pondo sa pamamagitan ng pagkomersyalisa sa mga pag-aari ng UP at ng pagtaas ng matrikula at iba pang bayarin ng mga estudyante. Kasabay nito, sinasabi nilang pabor pa rin silang dagdagan ng Estado ang subsidyo nito sa UP.

Hindi nila kita ang ugnayan ng dalawa: na kaya pinagkokomersyalisa ng pag-aari at edukasyon ang UP ay para makatakas ang Estado sa tungkuling pondohan ito. Na parehong bahagi ito ng mga patakarang neoliberal ng neokolonyal na Estado. Hindi nila nakikita ang ugnayan ng UP sa lipunan: Na ang pag-atras ng UP sa paglaban para sa mas mataas na subsidyo ay pagpapahina rin sa laban ng buong sektor ng edukasyon.

Sa ganitong tindig galing ang kanilang pagpapauso ng “iskolar para sa bayan” at pag-ayaw sa “iskolar ng bayan” – na pinapakitid nila ang kahulugan sa paggiit lang ng subsidyo para sa UP, hindi sa buong sektor ng edukasyon. Kahit hindi na “iskolar ng bayan” ang mga estudyante, pwede – at dapat, sasabihin nila – pa ring maging “iskolar para sa bayan.” Tama naman: Kahit hindi pinag-aaral ng bayan, dapat maglingkod dito.

Pero ang mukhang makabayan, progresibo at radikal ay hindi pala ganoon. Bagamat hindi sila kilala sa UP sa ganitong mga tindig sa mga isyung bayan, maaari pa rin silang magkaroon ng ganitong mga posisyon. Pero ang malinaw: sa mismong isyu ng mga estudyante, ihinihiwalay nila ang mga estudyante sa bayan. Ang netong resulta: pagsuporta sa mga patakarang neoliberal ng Estado, sa kabila ng mga pahayag nila.

Dahil sa ganitong tindig ng mga gumagamit ng “iskolar para sa bayan,” kasama sa hanay nila ang mga estudyanteng umiidolo sa mga propesor nilang kampeon ng mga patakarang neoliberal ng Estado. Sila ang mga pakitang-taong nagsasabing dapat pa ring lumaban para sa mas mataas na subsidyo para sa UP at edukasyon, habang ginagamit ang mga argumentong neoliberal para bawasan ang nasabing subsidyo.

Kinakaligtaan ng mga taguyod ng “iskolar para sa bayan” na ang “ng” sa “iskolar ng bayan” ay katulad ng “ng” sa “iskolar ng Kasaysayan” – nag-aaral sa ikalawa. Pwedeng “iskolar para sa bayan” sila pero hindi sila nag-aaral ng lipunan, at ng koneksyon dito ng UP. Pwede ring “iskolar para sa bayan” sila pero hindi nila ginagawa ang tunay na pag-aaral ng lipunan – ang paglubog sa hanay ng mga maralita nating kababayan.

Dahil bukod sa makitid ang pagsusuri at posisyong inilalako ng mga grupong ito sa mga estudyante hinggil sa mga isyung pang-UP at pang-edukasyon, makitid din ang aktibismong ibinebenta nila sa mga estudyante at miyembro nila. Hindi manggagaling sa hanay nila ang mga katulad nina Sherlyn Cadapan at Karen Empeño, na tumungo sa mga magbubukid sa Bulacan, o ni Jaquelyn Gonzales, na kasama ngayon sa Morong 43.

Para maging “iskolar para sa bayan,” sapat nang sundin ang mga pangarap ng pamilya at uri – na inaangkin ding personal na ambisyon – at magkaroon, ihahabol siguro nila, ng konsensya. Pinaka-naiiba na ang maglingkod sa mga non-government organization na alyado ng kanilang partylist, nakabase sa mga opisina, at hindi malalim na umuugat sa mga maralita nating kababayan. Walang panganib sa sarili, at sa takbo rin ng lipunan.

Hindi awtomatikong masama at kontra-mamamayan ang mga tunguhing ito – bagamat hindi siguro nila kokontrahin ang pagtatrabaho sa IMF, World Bank o Armed Forces of the Philippines, at tiyak na hindi radikal ang pagbabagong panlipunang gusto nila. Pero para sa isang grupong nagpapalaganap ng “iskolar para sa bayan,” malinaw na kapos ang mga pagpipiliang inihahain nila sa mga estudyante at miyembro nila.

Bago pa man ang mga grupong gumagamit ng “iskolar para sa bayan,” may mga grupong pang-estudyante na sa UP na katulad nila ng tindig sa pagpopondo sa UP, at pumoposisyon din sa mga isyung bayan. Pero sa harap ng paglakas ng mga aktibista sa unibersidad, kinailangang magmukhang makabayan, progresibo at radikal. Masdan ang eleksyon ngayon sa UP: walang nagpapakilalang konserbatibo, lahat ay aktibista.

Ito ang konteksto ng “iskolar para sa bayan”: atakeng neoliberal sa edukasyon, at paglakas ng aktibismo sa kampus. Sa pangkalahatan, sa kabila ng dating nito, mas sintomas ito ng sitwasyong neoliberal, imbes na pwersang sumasalungat dito.

20 Pebrero 2010

Pang-tabloid, pero totoo: Amerikanong sundalo, tinortyur ang sariling anak dahil hindi marunong mag-ABC! Matagal na natin itong hinala: mas mahalaga sa lipunan ang mga tagapaglinis kaysa mga bangkero.

Naunahan ako ni Kenneth Roland Guda sa pagbibigay ng parangal sa sosyalista at anarkistang si Howard Zinn.

Tinuligsa ni Angela Stuart-Santiago ang paggamit ni Conrado de Quiros sa Edsa People Power 1 para sa kandidatura ni Noynoy Aquino. Dapat sundin ko na lang si Ina Silverio-Gargar sa pagharap sa mga maka-Noynoy: huwag nang pag-aksayahan ng panahon, dahil nakakainis pang lalo.

Nakikialam – este, nakikisangkot – din si Rafael Anton Dulce sa mga debate sa UP ngayong halalang pangkonseho. Kongkretong paglalahad ni Arnold Padilla ng panganib ng automated na eleksyon ngayong taon.

Nagsesenti si Gingmaganda. Ganyan talaga, may panahon sa pagtanda na nagiging choice kung ipagpapatuloy ang mga pagkakaibigan. Repleksyon sa pagiging blogger, aktibista at kongresista ng isang taong itago na lang natin sa pangalang Mong Palatino.

Si Jaqueline Gonzales, dating estudyante ng Unibersidad ng Pilipinas–Diliman na kasama sa Morong 43, ang grupo ng dinukot, idinetine at tinortyur na mga manggagawang pangkalusugan. Pinag-aalab ng kagitingan nina Jaq at mga kasamahan ang giting ng paglaban para sa paglaya nila – at paglaya rin ng sambayanan. (Galing ang larawan sa ibaba sa website ni Gerhard Richter. Salamat!)

Frieda Fonda Three

Nitong bisperas ng Araw ng mga Puso, sumama ako sa rali sa Camp Capinpin sa Tanay, Rizal para sa pagpapalaya sa 43 manggagawang pangkalusugan na inaresto at idinetine ng Armed Forces of the Philippines noong 06 Pebrero. Naroon, syempre pa, ang iba’t ibang organisasyong aktibista.  Karamihan sa hanay, gayunman, ay binuo ng mga galing sa sektor pangkalusugan – kapwa mga aktibista at nagiging aktibista na dahil sa ginagawa ng militar – at mga kaanak ng mga manggagawang pangkalusugan.

Mainit ang umagang iyun. Mahigit dalawang oras ang byahe sa liku-liko, maalikabok at paakyat na daan papunta sa kampo. Kahit masakit ang katawan dahil pasahero kami ng kangkarot na drayber ng dyip, diretso na kami agad sa tarangkahan ng kampo. Mahigit 200 ang nagtipon. “Manggagawang pangkalusugan, palayain!” at “Free the 43! Justice now!” ang madalas na sigaw ng hanay. Akala ko naman, “Frieda Fonda Three.” Naroon ang maraming aktibistang lider-masa, kasama si Rep. Liza Maza ng Gabriela.

Bago nito, may bali-balitang sinisiraan ng militar sa 43 at mga kaanak nila ang mga kapwa-aktibista. “Nasaan na ang mga kasama ninyo? Iniwan na kayo,” ang sabi raw. Pero isang araw bago nito, may opisyal-militar na nagsabi sa radyo – at buong giliw na kinatigan ng reporter na si Andy Vital – na patunay ng pagiging miyembro ng New People’s Army ng mga nakadetine ang mabilis na pagresponde ng mga organisasyong aktibista sa usapin nila. Ano ba talaga, kuya? Mabilis o mabagal ang pagtugon nila?

Makitid lang ang bungad ng kampo, sapat na para humanay nang nakaharap ang apat na sasakyan. Gaya ng makikita sa mga larawan, may nakalagay na “Headquarters 2nd Infantry (Jungle Fighters) Divison” sa pulang bakod sa kaliwa. May mga halaman sila sa gilid nito. Sa isang bahagi ng programa, may lumabas na sundalo para pagsabihan ang mga raliyistang umupo sa mga bato na proteksyon ng mga halaman. “Ayos pala kayong mangalaga sa mga halaman. Bakit nangtotortyur kayo ng tao?” hirit ng isa.

Sa programa, inilinaw ni Renato M. Reyes, Jr., pangkalahatang kalihim ng Bagong Alyansang Makabayan, kung bakit mali ang ginawa ng mga sundalo kahit batay sa batas. Bawal ang tortyur na malinaw na ginawa sa mga nakadetine – piniringan at pinosasan nang napakatagal, hinadlangang gumamit ng kubeta, hindi pinakain at dinahas. At kahit ipagpalagay nang mga NPA ang naroon, wala silang armas noong panahong iyun at hindi gumagawa ng kahit ano para armadong ibagsak ang gobyerno.

Simple lang ang programa. Salit-salitan sa pagsasalita ang mga lider-masa, gayundin ang mga kaanak at katrabaho ng mga nakakulong sa loob. Ni wala ngang kumanta. Naalala ko tuloy si Mao Zedong: “Ang hukbong walang kultura ay hukbong mapurol.” Mainam sana talaga kung may kumanta – kahit hindi naman hukbo ang mga raliyista. Pero sa isang banda, wala pa yata akong alam na aktibistang awit tungkol partikular sa mga manggagawang pangkalusugan, at tungkol din sa mga aktibistang nakakulong.

Pero mainam ding kilalanin kung paanong ginawa na ring pormang pangkultura ng mga aktibista ang talumpati at pagkukwento, sa mga pagtitipong ganito o kahit sa mga pulong. Kung paanong, katulad ng ibang pormang pangkultura, humahawi ng maraming sapot sa isip at nagpapaalab ng damdamin ang mga talumpati at kwento ng mga kapwa-aktibista kahit sa karaniwang pag-uusap. Kung paanong ginagawa nilang buhay at popular ang tinatawag na prinsipyo, pagsusuri, paninindigan at panawagan.

Sabi ni Patricia Evangelista sa bersyong Facebook ng kolum niyang “Torture” – at wala ito sa nasa Inquirer.net – sa pagdakip at pagtortyur sa 43, “pinapatunayan ng militar ang bawat huling linya ng propagandang maka-Kaliwa laban sa gobyerno.” Noong 12 Pebrero sa Camp Capinpin, kaibang “propaganda” ang narinig ko, parang hindi propaganda: galing sa nagpupuyos na galit, may ibinulalas nang puno ng emosyon, mayroon ding sinabi nang mahinahon, pero lahat dumulo sa tumitimong dunong.

Mahinahon si Dr. Romeo Quijano. Klasiko ang sabi niya, na “Sandatahang Lakas ng Pilipinas” ang tawag ng AFP sa sarili, pero sandatahan lang ito, walang lakas – dahil walang lakas ng prinsipyo at ng paglilingkod sa sambayanan. Kung iisipin, may pasilidad, pondo at kagamitan ang AFP, pero para saan at kanino? Maraming tagapagsalita ang kumondena rito dahil nagpapagamit ito sa pagtatanggol sa kontra-mamamayan, tiwali at mapanupil na rehimen ng isang Gloria Macapagal-Arroyo.

Mahinahon din si Ofelia Beltran-Balleta, anak ng lider-obrerong si Crispin “Ka Bel” Beltran at ina ni Jane Balleta, isa sa mga pangkomunidad na health workers na dinakip. Walang pait sa boses niya, ni hindi na niya sinabing dalawang mahal niya sa buhay ang ikinulong at pinahirapan ng rehimeng ito. Sa halip, masaya niyang ibinalita na mataas ang diwang palaban ng mga nakakulong, at ang totoo’y naglunsad sila ng noise barrage sa kulungan noong alas-10:30 ng umaga – kahit tortyurin pa sila ulit pagkatapos.

Maalab naman ang talumpati ni Evangeline Hernandez, ina ni Benjaline “Beng” Hernandez, ang 22-taong gulang na biktima ng ekstrahudisyal na pagpaslang. Nagsalita siya matapos ang tanghalian, at pinawi niya ang anumang antok ng mga tao sa oras na iyun ng siesta. “Diyan kayo magaling, sa pagdakip at pagtortyur sa mga walang kalaban-laban!” sabi niya sa boses na hindi sumisigaw pero malakas. Idiniin niyang sa halip na matakot, maraming tao ang namumulat sa mga ginagawa ng militar.

Pero pinaka-nagmarka sa akin ang isang matandang babaeng empleyado ng Tondo General Hospital. Ang panawagan niya: baguhin ang oryentasyon ng militar. Sabi niya, “Kaming mga manggagawang pangkalusugan, oryentasyon namin ang gamutin at kalingain ang bayan. Sinisita kami ng mga opisyal namin kapag hindi maganda ang pakitungo namin sa tao. Pero kayo, kayong mga militar, ang oryentasyon ninyo ay saktan ang mga tao.” Napaka-karaniwan ng itsura niya, naalala ko tuloy ang isang tula:

Wala silang mga pangalan,
walang mukhang madaling tandaan,
subalit sila’y
naglingkod sa sambayanan
kahit hindi kinukunan ng litrato,
kahit hindi sinasabitan ng medalya,
kahit hindi hinaharap ng pangulo.
Sila’y naglingkod sa sambayanan,
walang hinahangad
na luwalhati o gantimpala
kundi kaunting kanin at ulam,
kaunting pagkakakitaan,
bubong na hindi pinapasok ng ulan,
damit na hindi gula-gulanit,
ang layang lumakad
sa kalsada tuwing gabi
nang hindi sinusutsutan ng pulis
para bulatlatin ang laman ng bag,
isang bukas na may pag-asa’t aliwalas
para sa sarili at sa mga anak,
isang buhay na marangal
kahit walang pangalan,
kahit walang mukhang madaling tandaan.

Namangha ako sa dami ng hindi lider-masang nagsalita sa araw na iyun pero napakagagaling magsalita, napakagaganda ng sinabi. Tiyak, gusto ng militar at gobyerno na takutin at itaboy ang mga tao mula sa pagiging aktibista at progresibo. Pero sa nangyari, lumalabas ang pinakamahuhusay at pinakamagigiting sa mga tao. Ilang araw matapos ang pagdakip sa Morong 43, malinaw na hindi nananalo sa labanang ito ang militar. Lalo pa ngang lumalakas ang mga gusto nitong sugpuin.

Ang sarap isipin na narinig ng Morong 43 ang mga talumpati sa labas ng kampo. Pero parang imposible. Kahit ang ilang gusaling malapit sa tarangkahan ay malayo rin. Pero malamang na nasabi ng mga pumasok na kaanak ang tampok na mensahe ng hanay sa labas: “Kapit lang, mga kasama! Ginagawa namin ang makakaya para mailabas kayo sa impyernong iyan!” Naghahawahan ng giting at naghahatakan sa paglaban ang mga nasa loob at mga nasa labas. Ang humaharang sa kanila, lalong nagbibigkis sa kanila.

Tulad sa kahit anong magandang rali, umuwi kaming masaya at puno ng pag-asa. Kahit pagod at natagtag ang katawan, tumibay naman ang paninindigan at – sakto sa kakatapos na 14 Pebrero – umaapaw ang puso sa pag-asam sa paglaya at katarungan.

15 Pebrero 2010

Bayan Mode: Basahin din ang paghahambing ni Carol P. Araullo sa naging pagharap ng rehimeng US-Arroyo sa kaso ng Ampatuan Massacre at sa Morong 43. Malungkot na balita: namatay na pala si Josie Lichauco, matatag na alyado ng Bayan sa maraming laban.

Poster ng pelikulang Eyes Wide Shut sa Poland. Isang paglalarawan iyan ng kaisipan ng mga maka-Noynoy sa usapin ng sinusuportahan at iboboto sa eleksyon. Ideolohikal na bagay rin ang pagiging bulag sa ibang pagtingin, pilit mang ikaila ng mga katulad ni Manuel Buencamino. (Galing ang mga larawan sa magandang website na wellmedicated. Maraming salamat!)

Unwell Buangcamino

Sa sagot niya sa tuligsa ko, nagyabang gaya ng dati ang hindi kilalang kolumnistang si Manuel Buencamino: “Wala sa [K]anan, [K]aliwa o ano pa mang pagpuputol sa political spectrum ang tinatayuan ko. Ang posisyon ko ay doon lang sa tama o mali. Konsyensya at hindi ideolohiya ang gumagabay sa akin.” Iyan talaga ang ilusyon niya, na ilusyon din ng marami sa panggitnang uri.

Na para bang hindi nanunuot sa halos lahat ng usapin ang tindig ng Kanan at Kaliwa, at maging ng iba pang bahagi ng pampulitikang hanayan. Na para bang hindi nagmumula ang paghusga ng tama o mali sa mga palagay o paniniwalang mas maka-Kaliwa o mas maka-Kanan. Na para bang ligtas ang konsensya sa ideolohiya at hindi laging nagkukubli ang ideolohiya sa pagwawaksi sa sarili.

Ang usapin, syempre pa, ay ang pagtuligsa niya sa Kaliwa sa pag-endorso nito sa kandidatura ni Manny Villar sa pagkapangulo at, hindi man niya sabihin, ang pagsusulong niya sa kandidatura ni Noynoy Aquino. Kesyo isinuko na ng Kaliwa ang rebolusyon dahil sa ginawa nito — mga ganoong matinding akusasyon mula sa kawalan laban sa Kaliwa para lang sa kandidatura ng isang pulitiko.

Pero pwede bang talakayin ng isang tao ang Kaliwa nang hindi lumalabas ang ideolohiya niya? Pwede ba siyang maligo nang hindi nababasa? Bumaril nang hindi ibinubulgar ang kinatatayuan? Ang totoo, kung babasahin ang mga sulatin ni Buencamino, makikita ang isang makitid na isipang mayabang na humuhusga sa isang napakalaking reyalidad, nang naggigiit sa kanyang kakitiran.

At ito ang partikular na pagpapakahulugan ni Fredric Jameson, Marxistang intelektwal, sa ideolohiya — ang mga estratehiya ng pagkahon (strategies of containment) sa makikitid na katotohanan para hindi maiugnay ang mga ito sa mas malawak na katotohanan ng kasaysayan at lipunan. Sa tulak ng makauring interes, hinaharangan ng ideolohiya ang paglampas ng kaisipan sa mga hangganan nito.

Sabi ni Buencamino, “kakatwa” ang pagbibigay-katwiran ko sa “maling diskarte ng [K]aliwa.” Dahil daw “binasted” ni Noynoy ang Kaliwa kaya “sumiping” ito kay Villar. Madayang sumipi si Buencamino, pinutol ang mga isinulat kong batayan ng pakikipag-alyansa ng Kaliwa kay Villar. Pagkatapos, nagtampisaw na siya sa mahalay niyang pananalita, akala mo nakakagulat pa iyun.

Pasimplehin natin ang mga bagay. Nakipag-alyansa ang Kaliwa kay Villar dahil siya ang (1) sumalubong sa plataporma ng Kaliwa sa maraming usapin, (2) nagpakita ng kahandaang makipagtulungan dito sa kampanyang elektoral at (3) nakipagkasundong magtutulak ng mga repormang sinasang-ayunan ng Kaliwa sa gobyerno kapag nahalal. Mahirap bang intindihin iyun?

Hindi pwedeng awtomatikong suportahan ng Kaliwa si Noynoy. Una, wala siyang malinaw na makabayan at demokratikong rekord bilang pulitiko. Ikalawa, ni hindi siya tampok sa paglaban sa rehimeng US-Arroyo. Ikatlo, kailangang maresolba, kahit sa isang antas, ang usapin sa Hacienda Luisita. Kaya mainam sana kung nakipag-usap at nakipagtulungan siya sa Kaliwa. Kaso, hindi.

Hindi awtomatikong sinuportahan ng Kaliwa si Villar dahil hindi tampok na maganda ang rekord niya sa tatlong ito – bagamat mas tampok siya sa ikalawa kumpara kay Noynoy. Ang inilamang niya kay Noynoy, bukod sa walang malaking isyu sa kanya ang Kaliwa tulad ng pagsasamantala at masaker sa Hacienda Luisita, nakipag-usap siya sa Kaliwa at nakipagkasundong makikipagtulungan.

Dahil nasabi kong “sekundaryo” lang para sa Kaliwa ang paglahok sa eleksyon, pinipilit na ni Buencamino na palabasing “nilalaro” lang ng Kaliwa ang eleksyon at wala itong kahit “konting respeto” sa mga kababayan nating nagpapahalaga sa eleksyon. Maling-mali ang pakahulugan dahil ayaw umunawa. Binabasa ni Buencamino sa tekstong naisulat ko ang basurang nasa isip niya.

Prinsipyado ang batayan ng Kaliwa sa pakikipag-alyansa kay Villar. Ang ineendorso ng Kaliwa ay iyung may platapormang sumalubong, kahit kaunti, sa makabayan at demokratikong plataporma ng Kaliwa para sa bansa. Bagamat hindi mababago ni Villar o sa pamamagitan ng eleksyon ang bulok na sistema sa bansa, siya na ang pinakamabuti sa mga nangungunang tumatakbong masama sa halalan.

Pero mas ang punto: Hindi patas sa Kaliwa na sabihing inaabandona na nito ang rebolusyon dahil sa tindig nito sa isang porma ng pakikibakang itinuturing nitong sekundarya. Kung ganito ang hatol, dapat mga porma ng pakikibakang itinuturing nitong pangunahin ang maipakitang inaabandona. Hindi ka gagawa ng sarili mong pamantayan nang hindi inaaral ang pamantayan sa sarili ng Kaliwa.

Hindi patas, halimbawa, sa isang tao na masabihang tumatalikod sa pagiging Kristiyano dahil mahalay ang pananamit niya. Parang ganoon ang ginagawa ni Buencamino: sinusukat ang pagiging Kristiyano ng isang tao sa pananamit niya — sinusukat ang pagiging rebolusyunaryo ng Kaliwa sa tindig nito sa eleksyon. Isang bahagi lang ito, at hindi pa nga mayor na bahagi, ng rebolusyon.

Sabi pa ni Buencamino, dapat daw “sumiping” na rin ang Kaliwa kay Gloria. “Kakampi naman nila si Gloria sa impeachment ni Erap at noon election ng 2001. Hanggang noon 2007 sinuportahan pa nila si Joker Arroyo na alam naman nila na number one tigapagtanggol ni Gloria.” Naninira na nga lang si Buencamino, hindi pa ayusin ang pagbaybay sa mga salitang Filipino. Pero palampasin na natin.

Dito, malinaw ang makitid na pag-unawa ni Buencamino. Lakihan natin ang tanaw: Aling pampulitikang pwersa sa bansa ang tuluy-tuloy na lumaban sa rehimeng Arroyo at nag-ambag nang malaki sa kilusang masang pinakamahalaga sa pagpapatalsik dito? Alin ang hindi nangimi kahit dinudukot at pinapatay ang mga miyembro’t lider nito? Ang mga kolumnistang maka-Noynoy?

Maganda ang punto ni Kenneth Roland Guda sa seksyong komento ng isang entri sa blog na ito: Bakit hindi puntiryahin ni Buencamino ang hayagang pag-endorso at pagkakampanya pa nga ng pamilya Aquino kay Gloria noong 2004? Kasi nga, maka-Noynoy siya. Kusa niyang nililimitahan ang tanaw niya — at ng mga mambabasa niya — pabor sa kandidatura nito. Paggana iyan ng ideolohiya.

Bakit daw sinuportahan ng Kaliwa si Joker noong eleksyong 2007 kahit maka-Gloria ito? Dahil mahalaga sa pamantayan ng Kaliwa sa panahong ito ang paglaban sa ekstrahudisyal na pagpaslang na ginagawa sa mga miyembro nito. Malamang, hindi pa rin maiintindihan ni Buencamino ang dahilang ito, dahil hindi naman siya nanganganib mapaslang sa kanyang komportableng buhay.

Tutal nasa mga hindi kilalang komentarista na rin lang tayo, isingit na natin si Jesusa Bernardo, na ginamit pa ang pagkamatay ni Kemberly Jul Luna para tuligsain ang Kaliwa sa pagsuporta — o pagkakaroon pa nga ng malaking papel — sa Edsa 2. Normal na ang pagkwestyon sa Edsa 2, lalo na ng mga propagandista ni Erap Estrada. Pero sobra na kapag idinadawit pa ang namatay na gerilya.

Ang katapatan ng Kaliwa ay wala sa anumang paksyon ng naghaharing uri, kundi sa interes ng sambayanan. Nilabanan nito si Erap hindi dahil kampi ito kay Gloria, kundi dahil iyun ang interes ng sambayanan noon. Nakipagkaisa ang Kaliwa kay Gloria kontra kay Erap pero naging mapagbantay at kritikal ito noong naluklok na si Gloria. Matatag itong lumaban kay Gloria.

Bagamat hindi siya kasing-sahol ni Gloria, hindi pwedeng tawaging “mas progresibo” si Erap dito. Marami ring kabataan ang nagbuwis ng buhay bilang mga miyembro ng New People’s Army noong panahon ni Erap. At hindi totoong mas gusto ng Kaliwa ang mas despotikong rehimen. Hangad nito ang mas mabuting rehimen para sa mga mamamayan, pero handa itong lumaban sa mas malupit.

Totoo namang nakakalungkot na naging mas masahol si Gloria kaysa kay Erap. Pero imposibleng mahulaan ito noong 2000-2001. Ang dapat, sinamantala ang kalagayang ito para magpalawak at magpalalim ng pakikisangkot ng mga mamamayan sa mga isyu ng bansa – para sa matagalang pagbabagong panlipunan. At ang gumawa nito ay hindi ang mga maka-Erap, kundi ang Kaliwa.

Malinaw na taktika ng kampo ni Noynoy at maging ni Erap ang pag-atake kay Villar. Sa panig ni Noynoy, resulta ito ng pagdikit ni Villar sa mga survey. Ang problema, hindi makaabante sa propaganda si Noynoy. Paano naman kasi, nakatali lang talaga ang buong pagtakbo at kampanya niya sa dalawang salita: “Mama at Papa.” Paano pa nga ba magpapalawig sa temang iyan?

Tatlo ang panawagan ng maka-Noynoy na blogger na si Caffeine Sparks: (1) Umabante na si Noynoy sa pag-uulit-ulit ng kung sino ang mga magulang niya, (2) ilahad niya ang mga nagawa niya sa nakaraan, at (3) ipaliwanag niya kung paanong maghahatid ng mas magandang kinabukasan ang mga plano niya sa bansa. Nabigo raw si Noynoy na gawin ito, kaya nabawasan ang lamang niya.

Pero paano kung hanggang “Mama at Papa” lang ang kayang propaganda ni Noynoy? Iyun naman talaga ang naging batayan ng mga nagtulak sa kanyang tumakbo, tulad ng kolumnistang si Conrado de Quiros. Hindi siya tampok sa pagiging makabayan at demokratiko, sa paglaban sa rehimeng US-Arroyo, sa pagtindig nang maka-mamamayan sa iba’t ibang isyu, o sa anupamang kabutihan.

Paano kung, gaya ng sabi ni Ina Silverio-Gargar, siya pala ang may pinakakaunting panukalang batas na naisampa sa Senado ngayon? Paano kung, pilitin man ni Manuel Buencamino na pagandahin, talagang hindi pampresidente ang rekord niya sa Senado? Paano kung pinagaganda pa ni Noynoy ang pagdepensa sa masasamang patakaran ngayon, katulad ng kontraktwalisasyon?

Noong minsan, ipinapaliwanag ko sa isang kapwa-aktibista na hindi kontra-Noynoy ang Kaliwa, na si Gloria pa rin ang pangunahing kaaway ng bayan at nagmamaniobra pa nga ito para manatili sa pwesto. Hindi siya tumutol sa ikalawa. Pero sabi niya, “Di mo mapipigilang maging kontra-Noynoy ang ibang kasama.” At binanggit niya ang naging tugon ni Noynoy sa isyu ng Hacienda Luisita.

Higit pa rito, tingin ko. Naalala ko si Eric Hobsbawm, Komunistang historyador sa Inglatera. Sa kanyang memoir na Interesting Times [2002], ipinaliwanag niya kung bakit hindi niya binitawan ang pagiging Komunista kahit noong panahong marami ang kumakalas sa Kaliwa. Ang dahilan niya: ang katangahan ng mga bumabanat sa sosyalismo. Natakot daw siyang mapunta sa panig ng mga ito.

Parang hawig diyan ang nangyayari ngayon. Masyadong hambog ang mga maka-Noynoy sa pagsuporta sa kanilang kandidato at pag-atake sa ibang kandidato at sa mga tagasuporta ng huli. Sa ganyang sitwasyon, talagang iniimbitahan nila ang atake ng mga tagasuporta ng ibang kandidato. At sa halip na makahikayat, nabubwisit sa kanila ang iba, na natatakot na maging kasama’t kaisa nila.

Tapos sabi pa ni Noynoy, dapat magpasalamat sa nanay niya para sa kalayaan at demokrasya sa bansa. Sabi naman ni Ballsy, kapatid ni Noynoy, paglago raw ng populasyon ang ugat ng suliranin sa Hacienda Luisita. Ngayon, nangangako si Noynoy na ipapamahagi ang Luisita sa loob ng limang taon. Halatang gimik: pangako rin iyan ni Cory noong tumatakbo siya sa pagkapangulo.

11 Pebrero 2010

Basahin ang kolum ni Artemio Panganiban tungkol sa kung paano pwedeng makapanatili sa kapangyarihan si Gloria lampas 2010.

Parangal ng mga progresibong intelektwal at aktibista kay Howard Zinn, dakilang progresibong historyador na Amerikano. Paalam at maraming salamat!

Impormatibong panayam kay Rick Wolff, Marxistang ekonomista. Ang lotto raw ay isang porma ng buwis na gustung-gustong bayaran ng mga maralitang tatangging magbayad ng bagong buwis — at iba pang pagsusuri tungkol sa kasalukuyang malubhang krisis pang-ekonomiya.

Magandang suri ni Jodi Dean sa mga hakbangin ng mga nasa likod ng programang pang-Internet katulad ng YouTube na tanggalan ang mga tao ng pagkakataong magpasya — at posibleng lumipat ng ibang programa — para malulong na lang sa mga palabas nila. Ang kakatwa, aniya, nagluluwal ngayon ang pagdami ng mga dapat na pagpipilian ng pagkaunti ng pagpipilian.

Para sa mga tao diyan na bilib na bilib sa pagkakahalal ng unang Aprikano-Amerikanong pangulo ng US, heto ang panayam sa Negrong propesor na si Cornel West: “Kumikiling si [Obama] sa Wall Street, napahanga ng mga elite, gustong mayakap ng naghahari, gustong ipreserba ang kanyang pamana bilang pangulo, mas sa wika ng mga kolumnistang neo-liberal at neo-konserbatibo kaysa sa mga puso at isipan ng karaniwang mga tao.”

Ayon kay Alexander Cockburn, karapat-dapat lang si Obama at ang kandidato niya sa pagkapahiyang nangyari sa pagkatalo nila sa eleksyon sa Massachusetts. Malinaw na paghatol ito sa administrasyon ni Obama.

Parangal ni Tariq Ali kay Daniel Bensaid, namumunong aktibista sa pag-aalsang 1968 sa Pransya at pagkatapos ay naging bantog na Marxistang intelektwal. Isang engkwentrong sekswal pala sa Brazil ang nagbigay ng AIDS sa kanya, at ang gamot niya rito ang nagbigay sa kanya ng kanser. Mahalaga ang nangyari sa Cuba at kay Che Guevara sa pagkamulat niya.

Iniuulat ni P. Sainath ang malaganap na praktika ng pagpapakamatay ng mga magbubukid sa kanayunan ng India sa loob ng 12 taon. Ipinakita niya kung gaano kasama ang ibig sabihin ng mahigit-kumulang 20,000 pagpapakamatay kada taon.

Follow

Get every new post delivered to your Inbox.

Join 118 other followers