Monthly Archives: March 2010

Ang ipinagpuputok ng butsi ng mga Facebook tacticians. Sana lang, may mas magandang larawan, hindi ba? Hehe. Makatwiran ang militanteng pagkilos ng mga iskolar ng bayan ng PUP at UP nitong nakaraang buwan. Hindi ang pagkakamali ng mga aksyon ang inilalantad ng mga kumokontra, kundi ang kabulukan ng sarili nilang pulitika. (Salamat kay Lee Biscarra sa ikalawang larawan sa ibaba.)

Facebook Tacticians

Russian roulette is not the same without a gun.
– Lady Gaga

/1/

Noong isang araw, tuwang-tuwa sa kaka-Facebook ang isang kaibigan. Matapos ang militanteng pagkilos ng mga estudyante ng Politeknikong Unibersidad ng Pilipinas, sumunod naman ang mga estudyante ng Unibersidad ng Pilipinas. Nagsunog ng mga bulok na upuan at gamit ang mga iskolar ng bayan sa PUP bilang protesta sa pagtaas ng matrikula na tulak ng administrasyon. Binato naman ng pintura ng mga iskolar ng bayan sa UP ang chancellor ng UP Los Baños na may pakana ng maraming kahangalan.

Tapos bigla siyang tumahimik. Maya-maya, galit na siya, kung anu-ano ang sinasabi. Nakita niya ang sagutan sa wall ng isang “kaibigang Facebook (Facebook friend)” niya. Kakasabi lang noon ng pinuno ng Commission on Higher Education na kokontrahin niya ang pagtaas ng matrikula sa PUP, at ipinagmamalaki ng kaibigang Facebook na nakamit ang tagumpay na ito sa pamamagitan ng militanteng pagkilos, hindi ng “diplomasya.” Wasto naman ang kongklusyon niya batay sa takbo ng mga pangyayari.

Pero hindi sang-ayon ang ilang tumugon. Mukha raw magagamit pa ang mga silya, sabi ng isang mukhang hindi pa nakakapunta sa PUP. Pwede raw igiit ang panawagan nang hindi nagsusunog, sabi ng isang halatang hindi pa nakakasama sa paggigiit ng mga panawagan ng mga estudyante. Dapat daw humingi ng paumanhin ang mga nagsunog, sabi ng isang hindi kailanman naggiit sa rehimen na magpaumanhin ito sa mga krimen sa bayan – o nagpaumanhin para sa itsura ng mukha niya sa Facebook.

/2/

Sa isang panayam, na nalimutan ko na kung saan ko nabasa, tinanong si Jose Maria Sison kung bakit niya pinangalanan ang mga di-kilalang lider ng Kaliwa na naglalabas ng mga sulating tumutuligsa sa kanya at sa mga batayang prinsipyo ng Kaliwa noong bukana ng dekada ’90. Tinutukoy ang mga tinawag nang “Sison’s greetings” at “fax attacks” na ipinadala ni Sison galing The Netherlands kung saan pinangalanan niya sina Ricardo Reyes, Romulo Kintanar at iba pang nag-iingay kontra sa kanya at sa Kaliwa.

Sabi ni Sison, binabaril siya ng mga ito mula sa dilim – ibig sabihin, nang nakatago ang mga pangalan, hindi kilala at ginagamit pa ang pangalan ng mga organisasyon nila sa Kaliwa. Dahil lantad sa publiko ang rekord at mga prinsipyo ni Sison at ng Kaliwa, madali silang “mabaril” ng mga taong nasa dilim, atakehin nang buung-buo at hindi lang nakatali sa isyung pinag-uusapan. Sabi ni Sison, hindi siya papayag na baril-barilin ng mga taong itong nasa dilim, kaya binuksan din niya ang ilaw sa kinaroroonan nila.

Kalakhan ng mga tugon sa Facebook na nabasa ko ay ganito na ang ginagawa – hindi pa ang pangalanan ang mga tumutuligsa kundi ang ilawan at ilarawan ang pulitika nila – bukod pa sa sagutin ang mga argumento nila, na siyang pangunahin. Dapat lang. Kung hindi napakababaw (“ayos pa ang mga silya”), napaka-histerikal bagamat sa tonong kalmado (“wala kayong ipinag-iba sa administrasyong Arroyo”) ng mga komento nila. Talagang tinatawag nila ang pansin ng mga tao sa klase ng pulitika nila.

/3/

Grabe ang mga paghahambing nila, walang sinasantong pagkakaiba. Nang may nagsabing “casualty” ang mga sinunog sa isang makatwirang laban, may sumagot na pwede ring gamiting pagtatanggol ito ni George W. Bush sa mga inilunsad niyang gera. Kinokondena raw ng mga maka-Kaliwa ang “kabastusan (indecency)” ni Gloria Macapagal-Arroyo pero ginagamit nila ito kapag pabor sa kanila. Gumagamit daw ang mga aktibista ng “dahas at pananakot” para mamilit ng mga tao, parang mga pulitiko.

Tanong ng isa, na parang tinatakot ang publiko pero ibinubulalas din ang takot niya: Kapag ba tutol ang isang tao sa sinasabi ng Kaliwa, pwede na rin niyang lusubin, batuhin ng itlog at sigawan ng mga mura ang mga lider-Kaliwa? Bakit daw inaatake ng Kaliwa ang karapatang pantao ng mga kalaban nito habang ipinapaglaban umano ang karapatang pantao? Porke raw ba hindi kasing-sama ng rehimen ang Kaliwa, pwede nang gawin ng huli ang kahit anong gusto nito? Ad absurdum, ad infinitum. Adik talaga.

At umulan na ng mga bansag sa Kaliwa: Wala raw ipinagkaiba sa administrasyong Arroyo, may “magkaibang pamantayan (double standards)” sa usapin ng dahas at kabastusan, ipokrito, gumagawa ng mali na hindi makakapagtama sa isa pang mali, at bulok ang mga prinsipyo. Sa bigat ng mga bansag na ito, mahahalatang hindi sa isyung ito lang tumutol ang mga tumugon sa hakbangin ng Kaliwa, at hindi sila kaso-por-kaso magsuri. May pinagmumulang galit sa Kaliwa ang mga pahayag ng mga nagsulat.

/4/

Bagamat wala silang kinikilalang pagkakaiba ng Kaliwa sa rehimeng Arroyo – liban na lang siguro ang sabihing mas masahol ang una – magiit sila sa isang pagkakaiba: Matalino sila at bobo ang mga aktibista. “Tipikal” daw sa mga “tibak” ang puro retorika, nang walang kakayahang intelektwal o bayag na sumuong sa “debateng intelektwal.” Nahugasan ang isip o “brainwashed” na raw ang mga ito. Wala raw kakayahan (“incompetent”) ang mga ito, habang mahilig sila sa diskursong intelektwal.

Pero nasaan ang talino sa ganitong pagbubungkos ng Kaliwa sa rehimeng Arroyo? Nasaan ang paggawang intelektwal? Nasaan ang diskurso? Kapantay ba ng pagsunog ng mga silyang bulok ang pagdambong sa kabang-yaman ng bayan? Kapantay ba ng pagbuhos ng pintura sa isang opisyal ang ekstrahudisyal na pagpaslang, pagdukot at pagtortyur? O ang pagpapangalan sa mga lider-estudyante na miyembro umano ng Communist Party of the Philippines, tulad ng ginagawa ngayon sa UP Los Baños?

Wala rin silang pakialam kung ano ang ipinaglalaban ng mga estudyante; sapat na para sa kanilang sabihing “sang-ayon” sila sa mga ito – bagamat may patunay na hindi talaga. Hindi nila dama ang bigat ng pagtaas ng matrikula sa PUP o ng lalong pagsikil sa demokrasya sa UP – dahil inaangat sila ng uri nila sa mga epekto ng mga ito. Wala silang pandama sa pagiging makatarungan ng ipinaglalaban ng mga iskolar ng bayan, kaya madali rin nilang mapalaki ang antas ng “dahas” ng mga hakbangin ng mga ito.

/5/

Ang mga alyado nilang blogger at komentarista, sa mga panahong gigil na gigil sa rehimeng Arroyo, ay mahilig magmuni, gumawa ng “kritisismong panlipunan,” kung bakit hindi sumasama ang mga tao, ang mga masa at nasa panggitnang uri, sa mga protesta para patalsikin ang rehimen. Samu’t sari ang sagot nila – mula sa kulturang Pinoy hanggang sa pagkalubog ng mga tao sa pang-araw-araw na pangangailangang pang-ekonomiya. Buntong-hininga ang rurok ng sulatin, at sila lang ang magaling.

Gusto nilang makakita ng isang malaking dahilan? Basahin nila ang mga Facebook tacticians. Nagpapalaganap ang mga ito ng diskursong pulitikal kunwari pero walang ibang epekto kundi pabalikin ang mga tao sa pagiging walang pakialam, sa pagiging apolitikal – nang magaang ang loob, dahil subaybay nila ang nangyayari, at may konsensya pa rin sila para sa mga inaapi. Pareho lang ang rehimen at mga lumalaban dito, kaya mabuti nang sariling buhay ang atupagin. Walang mapapala sa pulitika.

Ang totoo, nagpapatianod ang mga Facebook tacticians sa taktika sa propaganda ng imperyalismo, ng Estado, ng mga naghaharing uri, at ng rehimen. Masahol ang ekstrahudisyal na pagpaslang? Tingnan ninyo ang mga namatay sa pagpurga ng Kaliwa! At ang mga Facebook tacticians, matapos magbasa ng dyaryo, makinig sa radyo, manood ng telebisyon ay magagalit sandali, mapapabuntong-hininga. Pero kapag may hakbangin ang Kaliwa, iluluwa nila ang ipinalunok sa kanila. Sino ulit ang brainwashed?

/6/

Nagsimula sa pulitika ang mga Facebook tacticians sa kampus, kung saan tutol sila sa tindig ng mga aktibista sa mga isyung pang-unibersidad, bagamat tutol sila sa mga hakbangin ng rehimen. Sino ba ang sasang-ayon sa katiwalian at pandaraya sa halalan? Pero hindi sila kilala sa pagkilos. Kapag hawak nila ang konseho, tradisyunal na mga aktibidad lang ginagawa nila – at hindi pa nga sila mahusay rito. Wala silang paglubog sa masang anakpawis, liban sa pana-panahong pagsama sa mga pambansang rali.

Tradisyunal ang mga career path nila, at ang marami nga’y nag-aabogado o nagdodoktor nang walang tanaw na maglingkod sa bayan. Wala silang mahigpit na ugnay sa mga kilusang progresibo, kahit sa mga kilusang nagpapanggap na ganito. Pero ang marami sa kanila, mahigpit ang ugnay sa fraternity. Maaaring naniniwala silang kayang iwasto ng sistema ang sarili, pero nakikinabang sila sa koneksyong bigay ng kapatiran – nagiging “lider-estudyante” at nakakahanap ng magandang trabaho.

Kaya masyado namang mabait – giving too much credit – ang tawagin silang mga “liberal.” Hindi makikita sa mga isinusulat nila ang mga prinsipyo ng liberalismo. Nahubog sila para maging kontra-Kaliwa, bagamat nagpapanggap ngayong liberal. Dapat, ang panawagan sa kanila ay tumanda na mula sa karanasan ng pakikitunggali sa mga aktibista sa kampus. Grow up! Umibabaw sa karanasang ito. Get over it! Suriin ang mga isyu nang kaso-por-kaso, hindi sumandig sa bagaheng kontra-Kaliwa. Get real!

/7/

Simple lang naman ang ipinaglalaban ng mga iskolar ng bayan ng UP at PUP: edukasyon para sa lahat, demokratiko at patas na pamamalakad. Pero talagang napakasama ng kalagayan ng bansa ngayon na kailangang todong ipaglaban ang mga simpleng kahilingang ito. Paano pa kaya kung pagkain para sa lahat? Kung gumagamit man ng militanteng porma ng protesta ang mga iskolar ng bayan, ang dapat sisihin ay walang iba kundi ang sistema at mga nagpapatakbo nito, hindi silang iskolar ng bayan.

Kung talagang liberal ang mga Facebook tacticians na ito, dapat liberal sila sa puntong handa silang magduda sa pagiging liberal. Dapat handa silang pumanig at kumilos pana-panahon. Sa US, noong Vietnam War, halimbawa, kinailangang looban ng mga radikal na pasipista ang mga opisina ng gobyerno at sunugin ang mga dokumento ng mga nirereklutang maging sundalo. Kinailangan, syempre, ng sambayanan ng Vietnam na mamatayan nang marami at pumatay ng maraming sundalong Kano para lumaya.

Walang ipinanganak na may kagustuhang gawin ang mga bagay na ito – at si Bertolt Brecht nga ay humihingi ng paumanhin sa mga anak ng hinaharap, dahil “kaming gustong maglatag ng pundasyon ng kabaitan ay hindi nagawang maging mabait.” Pero kung tutuligsain natin ang paggamit ng mga militanteng porma ng pagkilos, inaalisan natin ng armas ang mga iskolar ng bayan at ang sambayanan sa paglaban sa mapanupil at walang-pakialam na mga kalaban nila. Pinapanatili natin ang bulok na sistema.

/8/

Grow up! Get over it! Get real! Kailangan ng militanteng pagkilos para mapanatiling bukas sa mahihirap ang edukasyon sa PUP. Kailangan ng militanteng pagkilos para mapigilan ang lalong pagiging di-demokratiko, di-patas at mapanupil ng UP. Kailangan ng militanteng pagkilos para ipaglaban na maging konsensya ng bayan ang mga pamantasang ito, at hindi mga sunud-sunurang tagapagtanggol ng sistema. Ganyan ka-sama ang sistema at mga taguyod nito. Grow up! Get over it! Get real!

At kung hindi man lubusang makamit ang mga layuning ito sa kasalukuyang lipunan, kailangan ang militanteng pagkilos para magsilbing tagapagmulat ng mga iskolar ng bayan at sambayanan sa kung ano ang kailangan para baguhin ang lipunan at takbo ng kasaysayan – higit pang militanteng pagkilos. Kailangan ito para masapul kung gaano pa kalawak na pagmumulat, pagpapakilos at pag-oorganisa ang kailangan nating gawin. Kailangan ito para mapanday tayo sa higit pang mga pagkilos sa hinaharap.

Sabi ni Lady Gaga, “Russian roulette is not the same without a gun.” At sadyang may mga pagkilos na hindi makakamit ang layunin kung hindi dudulo sa militanteng paglaban.

01 Abril 2010

Basahin ang ulat ng mahusay na manunulat at progresibong aktibistang si Arundhati Roy tungkol sa armadong pakikibakang inilulunsad ng mga Maoista sa India.

Heto ang sulatin ni Bikoy Villanueva tungkol sa naganap sa PUP at UP, kasama ang bonus na mahusay na sanaysay ni Frank Lloyd Tiongson.

Isa, dalawang sanaysay ni Prop. Roland Tolentino tungkol sa mga naganap.

Ayan, si Karl Marx na ang naglinaw: “Ang isang layunin na humihingi ng hindi-mabibigyang-katwirang pamamaraan ay hindi-mabibigyang-katwirang layunin.”

Nanggagalaiti si Rafael Anton Dulce sa pag-angkin ni Sen. Mar Roxas ng tagumpay ng sama-samang pagkilos ng mga iskolar ng bayan ng PUP.

Napapanahon ang pagsusuri ni Carol P. Araullo sa mga iskema ni Gng. Arroyo para manatili sa kapangyarihan.

May mga larawan si Jessica Zafra ng Maynila noong hindi pa gaanong matrapik dito.

Pagsusuri nina Richard Dawkins at Christopher Hitchens kay Pope Benedict XVI at sa mga eskandalong yumayanig ngayon sa Simbahang Katoliko.

May bagong blog si Raymund Villanueva. Enjoy!

Totoo nga ang sabi ng mga artikulo: Minumulto ngayon ang kandidatura ni Sen. Noynoy Aquino ng Hacienda Luisita. Pero taliwas sa gustong palabasin ng mga maka-Noynoy at ng mismong kampo ni Noynoy, hindi lang pang-eleksyon ang lupa at katarungang ipinapaglaban ng mga magbubukid sa hacienda. Dapat itong harapin, hindi ang itratong usaping pang-eleksyon lang. (Galing ang kalakhan ng mga painting ni Mark Justiniani rito. Galing naman ang larawan sa itaas kay KR Guda. Salamat!)

Pinakamahusay na Pangulo at iba pang Mito

/1/

Nitong nakaraan, nakabasa ako ng isang entri sa isang blog na nagpapahayag ng mga agam-agam sa kakayahan ni Sen. Noynoy Aquino na maging pangulo ng bansa. Sabi ng isang nagkomento, may ganyan din tayong agam-agam noon kay Cory Aquino, pero sa dulo, siya pala ang magiging pinakamahusay na pangulo ng bansa. Marami siguro ang may ganitong sentimyento ngayon, patunay na may talab pa sa opinyong publiko ang kaliwa’t kanang pagpaparangal sa dating pangulo noong namatay ito noong isang taon.

Pinakamahusay na pangulo? Tagahanga rin ako ni Cory, pero may problema ako sa ganitong pagtingin. Pwede pa sigurong pinakamahusay na taong naging pangulo – dahil pinanday ng pakikibaka sa kinamumuhiang diktadura, at ng mga kahirapang dulot nito – pero mahirap sabihing “pinakamahusay na pangulo.” Sa tingin ko, mas mahalaga sa progresibong pagsusuri ang igiit, sa gitna ng malaganap na pag-analisa ngayon sa pagkakaiba ng mga pangulo, na pare-pareho sila sa esensya sa pamumuno.

Sa isang banda, may bukod-tangi pa ngang lugar si Cory sa pagpapatupad sa mga maka-imperyalista at kontra-mamamayang mga patakaran sa bansa – mga patakarang nagpapatuloy ngayon at dahilan ng paglaganap ng kahirapan at kagutuman. (Ito ang dahilan kung bakit inilinaw ko sa parangal ko sa kanya na pinupuri ko siya bilang lumaban sa diktadurang Marcos, nagbigay ng ilang konsesyon sa Kaliwa habang pangulo, at bilang lumabang muli sa mga rehimeng Estrada at Arroyo pagkatapos.)

Dahil sa pagputok ng pandaigdigang krisis pampinansya at pang-ekonomiya noong huling bahagi ng 2008, marami ang nagbalik-aral sa opensibang neoliberal na inilunsad ng mga imperyalista at mga galamay nito noong dekada 1970 sa buong mundo. Sa Pilipinas, bagamat ipinatupad din ni Ferdinand Marcos ang mga patakarang neoliberal sa ekonomiya, maraming mayor na ambag dito si Cory – nang may tabing na siya ay “kaliwa-ng-gitna,” “liberal-demokratiko,” o “maka-mamamayan” gayung hindi naman.

Inisa-isa ni Carol P. Araullo ang mga patakaran ni Cory na nagpanatili sa kontrol ng mga naghaharing uri at imperyalista sa bansa: ang Comprehensive Agrarian Reform Program, mga patakarang dikta ng IMF-World Bank sa ekonomiya, at ang pagkilala ng gobyerno sa mga utang panlabas ng bansa sa ilalim ni Marcos gayung pwede namang hindi kilalanin. Hindi ipinatupad ang tunay na reporma sa lupa at makabayang industriyalisasyon. Sa halip, ibinalik lang ang mga seremonyas ng “demokrasya.”

Sa larangan ng paggawa, si Cory ang responsable sa maraming patakarang idinadaing ngayon ng mga manggagawa: ang kontraktwalisasyon ng paggawa, ang paggamit ng Assumption of Jurisdiction sa pagbuwag sa welga ng mga manggagawa (at siyang batayan ng pagpapadala ng mga sundalo sa Hacienda Luisita noong 2004), at ang pagtatayo ng regional wage boards (na nagpapahina sa paglaban ng mga manggagawa para sa makabuluhang dagdag-sahod para sa lahat ng manggagawa sa buong bansa).

Si Cory, pinakamahusay na pangulo? Hindi ako tutol sa katawagang ito dahil may iba akong panukala. Kung papatulan ang usapin, marahil, sa takbo ng opinyong publiko ngayon, si Cory nga ang paparangalan ng ganito. Pero nasa tagumpay ng pagtinging ito ang pagkabigo nito. Siya na siguro ang pinakamahusay, pero malaki ba ang kaibhan niya? Makabuluhan ba para sa paglaban para sa pagbabago ang tawagin siyang ganito? Hindi. Mas mabuti pa rin para sa sambayanan na idiing kapareho lang niya ang iba.

/2/

Bagamat si Sen. Manny Villar ang inendorso ng maka-Kaliwang koalisyong Makabayan, sa pagkakaalam ko, hindi kailangang maging kontra kay Sen. Noynoy Aquino ang Kaliwa. Kontra-Gloria pa rin naman si Noynoy, bagamat hindi siya tampok sa labanang ito, at ang rehimeng US-Arroyo pa rin naman ang pangunahing kalaban ngayon ng sambayanan. At malinaw ring nagmamaniobra pa rin ang rehimen para manatili sa kapangyarihan, kaya ito ang dapat na pangunahing puntirya ng tuligsa.

Pero hindi maiwasang tuligsain ng Kaliwa si Noynoy. Una, masyadong nagyayabang ang mga tagasuporta niya, na para bang kaantas na ni Gloria ang Kaliwa dahil hindi si Noynoy ang sinuportahan nito, kundi si Villar. Ikalawa, napakaraming pahayag ng kampo ni Noynoy ngayon na talaga namang kapuna-puna – tungkol, pangunahin na, sa Hacienda Luisita. Kandahirap ito na humulagpos sa nasabing isyu, na para bang kailangang maging walang bahid at walang kasing-linis ang kandidato nila sa eleksyon.

Kailangang ilinaw, bago ang lahat, na lehitimong isyu ngayon ang Hacienda Luisita. Hindi ito artipisyal na pinapainit para lang sirain ang kampanya ni Noynoy. Kahit hindi tumakbong pangulo si Noynoy, isyu ang pamamahagi ng lupa ng hacienda. Nagsampa kasi ng Temporary Restraining Order sa Korte Suprema ang pamilya Cojuangco at Aquino laban sa pamamahagi ng lupa ng hacienda sa mga magsasaka – bagay na itinulak na noon ng desisyon ng Presidential Agrarian Reform Council.

Sabi ni Noynoy, ang pamilya raw niya ang “inaapi (oppressed)” sa isyu dahil ginagamit lang daw ng mga kalaban niya ito kontra sa kanya. Hindi raw interes ng mga kalaban niya ang katotohanan. Kung nagagamit man ng mga kalaban niya ang isyu, iyan ay dahil sa halip na resolbahin ito, nagbibigay pa ang kampo niya ng mga pahayag na bumabaluktot sa katotohanan. Lalo tuloy nagngangalit ang mga maka-Kaliwa, na may mahigpit na pagsubaybay sa isyu ng Hacienda Luisita kahit bago pa ang welga doon.

Mahalagang tandaan na si Noynoy rin ang unang bumaluktot sa katotohanan sa isyung ito. Sa isang talumpati sa Kongreso pagkatapos ng masaker, sinabi niyang kinokondena niya kaisa ng mga kinatawan ng Bayan Muna ang nangyari. Pero, aniya, may balita raw na noong paatras na ang mga sundalo sa ginawa nilang masaker noong 16 Nobyembre 2004, may mga nagpaputok daw mula sa mga komunidad sa paligid ng hacienda. Pagkatapos niyang kondenahin ang “nangyari,” pinalabas niyang makatwiran ito.

Tugma pa rin dito ang linya ng kampo niya ngayon. Sabi ni dating Sek. Corazon “Dinky” Soliman, dalawa lang ang napatay sa masaker. Matapos umani ng tuligsa, bumawi siya: dalawa lang daw ang nakita niyang napatay at baka raw tagalabas ang iba. Dugtong na rito ang sinabi ni Viel Aquino-Dee, kapatid ni Noynoy: hindi raw dapat sisihin ang pamilya nila dahil napasok ng mga maka-Kaliwa ang hanay ng mga nagwelga. Ganoon ba? Basta may “maka-Kaliwa” sa welga, pwede nang imasaker?

Sabi naman ni Ballsy Aquino-Cruz, kapatid din ni Noynoy, paglaki ng populasyon ng mga magbubukid ng Luisita ang ugat ng alitan ng pamilya Cojuangco at Aquino at ng mga magbubukid. Nasusunod din daw ang layaw ng mga ito (“pretty spoiled”) – may lupa para sa bahay, serbisyong pangkalusugan, at maluwag na pautang. Bakit nga naman kasi hindi magplano ng pamilya ang mga magbubukid, eh P9.50 na nga lang kada araw ang naiuuwi nila sa pamilya sa dami ng inaawas? Talagang mga spoiled nga!

Paano itutugma dalawang huling pahayag na ito ang ginawang pangako ni Noynoy na ipamamahagi na ng pamilya niya ang lupain ng Luisita pagdating ng 2014? “Usapin ng prinsipyo” raw ang hakbanging ito, sabi ng tagapagsalita niya, hindi lang pangakong pang-eleksyon. Kung anong prinsipyo, hindi na niya sinabi. Pero bakit ipapamahagi ang lupain kung pagdami naman pala ng anak ang ugat ng suliranin? Bakit pa, kung sunod naman pala sa layaw ang pamumuhay ng mga magbubukid sa hacienda?

/3/

Sobra na talagang maka-Noynoy ang Philippine Daily Inquirer. Sa editoryal nitong “Noynoy’s albatross,” iginiit nitong dapat magpaliwanag si Fernando Cojuangco, pinsan ni Noynoy at chief operating officer ng Hacienda Luisita Incorporated, sa sinabi nitong walang plano ang pamilyang Cojuangco at Aquino na ipamahagi ang lupain ng hacienda sa mga magbubukid. Lumabas ang pahayag niya sa “For Philippine Family in Politics, Land Issue Hits Home,” bantog na artikulo tungkol sa hacienda na inilathala ng New York Times. Pinanindigan ng NYT na totoong sinabi ni Cojuangco ang pahayag.

Pero pinilit din ng editoryal na sirain ang kredibilidad ng nasabing artikulo – sa isang paraang napakababaw at malisyoso. Kinwestyon nito ang “madalas na pamantayang metikuloso (usually rigorous standards)” ng NYT dahil daw ang mga ginamit nitong batis ng impormasyon ay kilalang hindi simpatetiko sa pamilyang Aquino o sa mismong Comprehensive Agrarian Reform Program. Pinangaralan nito ang NYT, na maraming kulay ang hanayang pampulitika sa Pilipinas. Parang nagsusumbong ito, gustong ipatanggal ang bureau chief para sa Southeast Asia ng NYT na si Carlos H. Conde.

Napakababaw ng halimbawa nito. Bakit daw si Anakpawis Rep. Rafael “Ka Paeng” Mariano ang pinagkunan ng impormasyong “kinukwestyon ng karamihan ng mga grupo ng magsasaka, iskolar at negosyante ang… datos” ng Department of Agrarian Reform tungkol sa laki ng lupaing naipamahagi sa ilalim ng CARP. Hindi raw nito gustong kwestyunin ang kakayahan ni Mariano, gusto lang nitong sabihing ideolohikal ang pagtutol niya sa CARP, na tutol siya sa ekstensyon nito, at malapit na alyado siya ng mga senatoriable na nasa tiket ng malapit na karibal ni Noynoy sa pagkapangulo.

Bakit, sa sariling pagsusuri ba ng Inquirer, hindi totoo ang sinabi ni Mariano na marami ang kumukwestyon sa datos ng DAR, lalo na sa usaping ito? Naniniwala ba ang Inquirer sa datos ng DAR tungkol sa naipamahagi nitong lupain? Gago lang ang Inquirer kung “oo” ang sagot nito sa mga tanong na ito. Kahit hindi mga kasama o kaalyado ni Mariano, may dahilang kumwestyon sa datos ng DAR. Hindi nakatali ang usapin sa ideolohiya. Hindi rin ito usapin ng pagiging kadikit ng kalaban ni Noynoy – dahil bago pa tumakbo ang huli, ito na ang sinasabi ni Mariano at ng iba pang grupo sa bansa.

Sa ganitong pagkwestyon lumilinaw ang pagkiling at malisya ng Inquirer. Para maipagtanggol ang manok nito sa eleksyon, pinapahina nito ang kritikal na pagsusuri at ginagawang kapani-paniwala ang datos ng gobyerno na itinuturing na peke ng marami. Higit pa diyan, pinagmumukha nitong isyung pang-eleksyon lang ang kampanya para sa pamamahagi ng lupa sa hacienda at para sa tunay na reporma sa lupa. Dalawang bagay ang nagsasanib sa artikulong ito: ang taos-pusong pagmamahal ng Inquirer kay Noynoy at ang maalab din nitong pagkasuklam sa Kaliwa sa bansa.

Sana, para kumpleto ang larawang ipinakita sa NYT, dapat sinabi ng editoryal na ang Inquirer ang opisyal na pahayagan ng kampanya ni Noynoy, na pinatampok nito ang pagkilos para sa ekstensyon ng CARP na sinang-ayunan ng malalaking panginoong maylupa sa Kongreso – at hindi sinang-ayunan ni Noynoy. Baka kahit ang maliliit na “reporma” na inilagay ng alyado niya ngayong Akbayan, hindi niya matanggap. Totoong maraming kulay ang hanayang pampulitika sa bansa – at bahagi ang Inquirer ng mga gustong panatilihin ang sistema basta lagyan lang ito ng makataong mukha.

20 Marso 2010

Basahin ang nakakaaliw na komentaryo ni Ina Silverio-Gargar tungkol sa mga drama ni Kris Aquino nitong huli. Hindi mo naman kailangang ipaliwanag kung bakit ka nanonood ng The Buzz, Ma’am!

Hindi rin daw asiwa si Noynoy na supilin ang mga lumalaban sa gobyerno, sabi ni Marya Salamat. Kaya pala sa patalastas niya sa telebisyon, sabi niya, “Lalabanan natin ang mga nanggugulo sa bayan.” Ipapapatay rin kaya niya ang mga aktibista?

Maganda ang sulatin ng Bulatlat tungkol sa buhay at pakikibaka ni Prop. Judy M. Taguiwalo, ang aktibista at kasalukuyang makabayang propesor.

Maganda rin ang sulatin nito tungkol kay Josefina “Josie” Lichauco, kaugnay ng pagpanaw ng huli.

Panalo ang protesta ng mga iskolar ng bayan ng Politeknikong Unibersidad ng Pilipinas laban sa pagtaas ng matrikula! Mabuhay!

Yumaman pa raw nang 50% ang mga bilyonaryo sa mundo nitong nakaraang taon!

Ipinapakita ni Alexander Cockburn kung paanong ipinagpapatuloy ni Barack Obama ang mga patakaran ng imperyalismo sa iba’t ibang bansa at rehiyon sa mundo.

Ayan, si Bertrand Russel na ang nagsasabi ng alituntunin ng kapitalismo sa blog ni Curate.

Tingnan ang ibobotong senador ni Gingmaganda. Sa blog na niya nakakapangampanya ang manika niya. Hehe.

Matapos ang mahigit siyam na taon ng malupit na paghahari ng rehimeng US-Arroyo sa bansa, lalong dumami ang mahihirap nating kababayan, habang yumaman ang mga dati nang mayaman. Alam na ng marami ito, pero kinumpirma nitong huli ni Joey Salceda, mismong tagapayong pang-ekonomiya ni Gng. Macapagal-Arroyo. (Galing ang mga imahen sa ibaba sa website ni David Maisel. Salamat!)

Salamat Ginoong Tagapayo sa Katotohanang Ito

Nakilala ng marami si Joey Salceda, tagapayong pang-ekonomiya ni Gng. Gloria Macapagal-Arroyo at kasalukuyang gobernador ng Albay, noong tinawag niyang “bitch ang kanyang bosing. Noong Pebrero 2008, sabi niya, “[She] may be a bitch but she’s the luckiest bitch around,” sa harap ng isang pulong ng mga negosyante. Matapang ang dating niya — hanggang napansin niyang umaandar ang mga kamera ng mga mamamahayag pantelebisyon. “Naku, may TV nga pala,” sabi niya, parang nagulat.

Pero nitong 08 Marso, Pandaigdigang Araw ng Kababaihan, naglabas ng pahayag si Salceda kung saan dapat siyang makilala at matandaan — at di hamak na mas mahalaga ang sinabi niya para sa mga kritikal sa rehimeng Arroyo. “Mas maraming Pinoy ang mahirap ngayon, pag-amin ng tagapayo ni GMA,” sigaw ng headline ng Philippine Daily Inquirer. Balita ito dahil hindi galing sa lagi nang kontra sa rehimen, kundi sa tagapayo at pinagkakatiwalaan nito sa mga patakaran sa ekonomiya.

Ani Salceda, mas maraming mahirap na Pilipino ngayong 2010 kumpara noong 2001, nang maupong pangulo si Gng. Arroyo. Halos dumoble pa nga raw ang porsyento ng mga regular na nakakaranas ng di sinasadyang pagkagutom. Lalo namang yumaman ang mayayamang pamilya at korporasyon. Ito raw ang “pinakanakakadismaya (most frustrating)” sa pagiging tagapayo — na hindi nagdulot ng pagkaunti ng mahihirap ang 34 na kwarto umano ng tuluy-tuloy na paglago ng ekonomiya ng bansa.

May pahayag na bumantog ang progresibong intelektwal na Palestino-Amerikano at sinasabing pasimuno ng teoryang post-kolonyal na si Edward W. Said. Aniya, “Ang tungkulin ng intelektwal ay ang sabihin ang katotohanan sa kapangyarihan [Representations of the Intellectual, 1992].” Sa panahong iyun na mahina ang Kaliwa sa mundo, itinuring nang pangahas at palaban ang sabi niya, bagamat madali ring makitang may halo ito ng karerismong malaganap noon sa mga akademiko sa Kanluran.

Paalala ni Terry Eagleton, Marxistang intelektwal na Ingles, may tuligsa sa pahayag na ito si Noam Chomsky, pasipista-anarkistang intelektwal na Amerikano. Ayon daw kay Chomsky, hindi naman kailangang sabihin ng intelektwal ang katotohanan sa kapangyarihan. Una, dahil alam naman ng kapangyarihan ang totoo; hindi ito nagugulumihanan tulad ng minsang pinapalabas nito. Ikalawa, dahil hindi ang kapangyarihan ang dapat sabihan ng totoo, kundi ang mga inaapi’t dinadahas nito.

May mga panahong ipinapakita ng kapangyarihan — ng mga imperyalista at naghaharing uri, halimbawa — na alam nito ang katotohanan. May mga panahong hindi. Kunwari, hindi nito alam na makakasama sa maralita ang mga patakarang neoliberal. Pero pagpapanggap lang ito. Alam nitong makakasama ito sa maralita. Iyun lang, positibo ang pagtingin nito rito. Si Eagleton na ang nagsabi: para sa mga naghaharing uri, mas mabuti nang magmukhang ipokrito kaysa pahinain ang sarili.

Napakahalaga pa naman ng ekonomiya para sa rehimeng Arroyo — o ng todong pagpapakitang pinapahalagahan nito ang ekonomiya. Sabi nito, pag-unlad ang gusto nitong kamtin kaya nananatili ito sa pwesto. Hindi raw ito papatol sa mga kontrobersya — parang showbiz lang! — dahil mas pinipili nitong magpokus sa ekonomiya. Malilinis daw ni Gng. Arroyo ang pangalan niya sa dulo ng termino dahil “mararamdaman ang kaunlaran.” Nitong huli, sabi nito, sumulong na nga ang ekonomiya.

Pero heto ngayon si Salceda, malapit na kakampi ng rehimen at tagapagsalita nito sa ilang usaping pang-ekonomiya, nilalagom ang mahigit siyam na taong nagawa nito sa ekonomiya. At ang tanging depensa ni Gary Olivar, dating aktibistang nabulok at ngayo’y tagapagsalita ng rehimen, ay mas masahol pa sana ang binagsakan ng ekonomiya ng bansa kung wala ang mga hakbangin ng rehimen. Tila tanggap ng rehimen ang pagsusuri, hindi nito maitanggi, at inaako nito ang sisi sa nangyari.

Sa pangkalahatang antas, kinikilala ng sinabi ni Salceda ang palagi at matagal nang iginigiit ng mga progresibong organisasyon ng mga mamamayan. Sa Internet, mahalagang kilalanin ang Ibon Foundation, Pinoy Weekly, Bulatlat at si Arnold Padilla, sa maagap at pasensyosong paglilinaw ng katotohanan sa ekonomiya na ginustong pagtakpan at pagandahin ng rehimen sa tulong madalas ng midya. Malamang, dahil hindi na maitanggi ng rehimen ang totoo, inunahan na nito ang mga kritiko.

Siyam na taon, kahirapan pa rin. Sa kabila ng pagpapaunlad ng mga imprastruktura. Sa kabila ng pagsulpot ng industriya ng call center at iba pang business process outsourcing. Sa kabila ng mga bagong malls, ng pagkalat ng mga bagong gahetong tulad ng cellular phone at laptop. Sa kabila ng paglaganap ng Internet at telebisyong cable. Sa kabila ng pag-istable ng kalagayan ng mga engklabo ng negosyo. Sa kabila ng pagmamalaking “mapayapa” ang larangan ng paggawa sa nakaraang mga taon.

Sa kabilang banda, pag-amin mismo ni Salceda, lumaki nang 21% kada taon ang mga tubo ng pinakamayamang 1,000 korporasyon sa bansa, at nang 15% kada taon ang balik ng kanilang pamumuhunan (return on equity or investments). Aniya, P3.1 trilyon ang kabuuang kita ng malalaking korporasyon, kung saan P2.1 trilyon ang ibinulsa at P1 trilyon lamang ang muling ipinamuhunan. At ito ang propaganda ng paninira nila sa sosyalismo: mahirap ang marami pero yumayaman ang iilan.

Naalala ko tuloy ang klasikong tula ng rebolusyunaryong makatang si Romulo A. Sandoval:

Habang naninila ang mga turista,
negosyanteng Amerkano,
Hapones, Aleman,
luwa-matang nananagpang
ng abubot
at tanawing katutubo
bukod pa sa likas na yaman ng bayan,
may tulirong inang nag-alok ng sanggol,
ng sariling sanggol,
sa Ermita, dahil ayaw
na ang kanyang bunso’y dilat na tupukin
ng apoy ng lagnat.
At nagtatayugan, nangagsisilawak
ang commercial complex, ang hotel at resort,
ang convention center.


Pinatalsik
ng poong-maylupa sa sukarera,
o tulad ng kapwa dustang magbubukid
ay kinulimbatan ng tahana’t lupa
ng isang higanteng dayong korporasyon;
katutuntong lamang sa lubak ng lunsod
magbuhat sa dawag ng iniwang baryo;
walang ipakai’t makain ay wala,
isang ama ang naghampas
ng ulo ng anak sa pader ng Recto
habang hawakhawak ang dalawang paa.
At nagtatayugan, nangagsisilawak
ang commercial complex, ang hotel at resort,
ang convention center.

Pero batbat ng suliranin ang paliwanag ni Salceda sa paglawak ng kahirapan sa ilalim ng rehimeng Arroyo. Malinaw na sintomas nito ang paggamit niya ng mga salitang teknikal at akademiko para magpaliwanag. Kakatwa ring inilabas ito ng midya, ng Philippine Daily Inquirer sa partikular, sa kabila ng madalas nitong pagtangging ilabas ang nasabing mga salita kapag mga maka-Kaliwa ang nagsasabi. Hindi maitanggi ang kahirapan, pero pwede pang manlito patungkol sa mga dahilan nito.

Aniya, nanatili ang “mga salik na historikal at istruktural (historical structural factors)” sa kabila ng pagpapatupad ng “deregulasyon, liberalisasyon at pribatisasyon.” Ano’ng akala niya? Na idudulot ng mga patakarang ito ang pag-unlad ng kabuhayan ng karaniwang tao at ang pagkakapantay-pantay? Matagal nang sinasabi ng Kaliwa: sa pagtanggal sa Estado sa iba’t ibang larangang pang-ekonomiya, lalo lang pinapalakas ng mga patakarang ito ang pagdomina ng mga imperyalista at naghaharing uri.

May sinabi pa siyang “Masyadong matatag ang mga oligarkiya habang mahina ang [E]stado dahil sa kasong ‘Hello Garci.’ Talagang sinamantala iyun ng sektor ng negosyo.” Ano kaya ang ibig niyang sabihin? Na dahil sa krisis pampulitikang bumayo sa rehimen, nagawa ng iba’t ibang grupo ng naghaharing uri na humingi ng samu’t saring pabor? Sa diskurso kasi ng “mahina” at “malakas” na Estado, “mahina” raw iyung naglilingkod sa interes ng mga naghaharing uri. May “malakas” kaya?

12 Marso 2010

Hindi naman sa gusto kong samantalahin ang kabaitan ng mga nagbabasa ng blog na ito, pero may paraan ba kayo para makakuha ako ng mura o libreng tiket sa concert ni Timbaland sa 27 Marso? Mayroon? Gusto ko talagang manood, lalo na’t makita si Justin Timberlake na gawin ang sayaw niya sa “My Love.” Hindi naman sa gusto o kaya kong gayahin…

Kaya lang daw boboto si Dr. Margie Holmes ngayong eleksyon ay dahil iboboto niya si Satur Ocampo sa pagka-senador. Panalo!

Tingnan ang rebyu ni Richard Seymour sa pelikulang Capitalism: A Love Story ni Michael Moore. Tingnan naman ang pagtuligsa ni Moore sa dati niyang pinapaniwalaang mga Democrats sa US.

Ang laki ng mobilisasyon noong Pandaigdigang Araw ng Kababaihan patungong Mendiola!

Dahil kakatapos lang ng 08 Marso, basahin ang panayam na ito kay Hester Eisenstein, sosyalistang feminista na maganda ang pagsusuri sa maraming bagay: mas mabangong pangulong imperyalista si Obama, aniya, at “Kalakhan ng mga feminista sa US, makitid ang isip.”

Napakatalas pero napaka-pesimistiko rin ng pagsusuri ng radikal na manunulat na si Alexander Cockburn sa kasaysayan ng Kaliwa sa US simula 1960 hanggang kasalukuyan.

Lampas 300 na ang miyembro ng fan page” sa Facebook ng blog na ito! Mabuhay!

Isa siyang “angry old man” laban sa mapagsamantala at marahas na sistema. Pero puno rin siya ng pag-asa at pagkalinga sa masang lumalaban para sa pagbabago. Basahin natin ang mga libro niya – at bahagi ng pagpaparangal sa kanya ang pagiging kritikal sa iba’t ibang aspekto ng mga sulatin niya, bagamat pangunahin ang mabuti. Salamat at paalam, Howard Zinn!

Salamat at Paalam, Howard Zinn

“Huy, patay na raw si Howard Zinn…” Sa ganitong mensaheng text ko nalaman na patay na si Zinn, ang Amerikanong sosyalista-anarkistang historyador, intelektwal at aktibista – salamat sa isang kaibigang alam ang paghanga ko kay Zinn. Para bang kaibigan o paboritong mang-aawit ang namatay, at hindi malayo sa ganyan ang pagmamahal ko kay Zinn bagamat nakilala ko lang siya sa mga libro at sanaysay niya.

Kilala si Zinn bilang nagsulat ng A People’s History of the United States [1980], ang bantog na librong nagrepaso sa kasaysayan ng Amerika mula sa perspektiba ng mga mamamayan nito, at bumago sa pagtingin ng marami – ng isang henerasyon, sabi ng isang nagbigay ng parangal – sa kung sinu-sino ang bayani at kung sinu-sino ang kontrabida sa kasaysayang iyun. Pero hindi lang siya nagsulat, bagamat makabuluhan ang mga isinulat niya, kundi aktibong nakilahok din sa iba’t ibang pakikibaka ng mga mamamayan ng US at ng daigdig sa buong panahon ng mahabang buhay niya.

Mas sikat sa kanya ang kaibigan niyang sosyalista-anarkista na si Noam Chomsky, bagamat hindi siya malayo. Katulad ni Chomsky, kilala siya sa mga sulatin sa iba’t ibang usapin sa US at mundo. Kaiba kay Chomsky, kilala siya sa magaang na estilo ng pagsulat, na parang nagkukwento lang lagi. Mas tining sa mga akda niya ang pag-asa, na kahit malakas sa kasaysayan ang masasamang iilan sa mundo, laging lumalaban ang karaniwang tao, at nagdudulot ng pagbabago. Kaiba kay Chomsky, mas kilala siyang magaling magtalumpati sa harap ng maraming tao – sa mga kumperensya man o rali.

Sa kanyang mga sulatin, makabuluhan ang simple bagamat mahalagang pag-iiba niya sa maraming bagay: sa Estado at mamamayang Amerikano, sa mga sundalo at mga opisyales nila, sa mga batas at diwa ng mga batas, sa pagkokomentaryo at paglahok sa protesta, sa mga pangako at mga reyalidad, sa terorismo ng mahihina at ng malalakas.

Dati, nakikita ko sa estante ng isang sikat na bilihan ng libro ang You Can’t be Neutral on a Moving Train [1994], ang memoir niya na inilathala niya sa panahong mayabang na ipinoproklama ng kapitalismo na ito ang nagtagumpay sa paglaban sa sosyalismo, na ito pa nga ang “katapusan ng kasaysayan.” Inilabas ni Zinn ang libro dahil gusto niyang mang-agit, buhayin ang pag-asa ng mga kapwa-radikal, at ipakitang ang malalaking pag-aalsa ay nagmula sa una’y maliliit na pagkilos ng mga karaniwang tao.

Salamat sa BookSale, nabili ko rin ang libro ilang taon pagkatapos. At mula noon, hinikayat ko na ang maraming kaibigan na basahin din ang mga libro niya – at maging kritikal din sa ilang bahagi ng mga ito. Maganda ang komento ng mga kapwa-aktibista, nagpatatag din sa paniniwala nilang makatarungan ang paglaban sa bulok na sistema at posible ang tagumpay ng pakikibaka. Kaya noong namatay si Zinn, sabi ng isang kaibigan, si Zinn ang binabasa niya noong ipinagbubuntis niya ang kanyang anak.

Sa kanyang memoir, ikinwento ni Zinn ang mahabang proseso ng pagkamulat niya sa kabulukan ng pandaigdigang sistemang pang-ekonomiya at pampulitika na dinodomina ng mga naghaharing uri ng US. Malaking bahagi ng pag-asang ibinabahagi ng libro ang galing dito: sa personal na pagkamulat ni Zinn, gayundin ng mga kasabayan niya at ng mga taong sinikap niyang imulat – at, higit sa lahat, ng kanilang pagkilos nang tuluy-tuloy at mula sa maliit patungo sa malaki para sa pagbabago.

Naging piloto siya ng Air Force ng US noong Ikalawang Digmaang Pandaigdig at lumipad sa isang misyong nambomba ng isang bayan sa Europa. Noong nakita niya ang epekto ng pambobombang iyun sa mga larawan, nagulantang siya at unti-unting nabago ang pagtingin sa gera. Noong nasa militar siya, may mga kapwa-sundalong nagpaliwanag sa kanya: hindi demokrasya at pasismo ang naglalaban, kundi mga imperyalista para sa sari-sariling yaman at kapangyarihan. Hindi gustong lumahok sa gera ng nasabing mga sundalo; ang gusto nila’y imulat ang mga katulad ni Zinn.

Pagkatapos ng gera, naging propesor siya sa isang kolehiyong marami ang mga Aprikano-Amerikano, ang Spelman College, at naging estudyante niya ang manunulat na si Alice Walker. Dito, kahit puti, lumahok siya sa paglaban ng mga Negro para sa mga karapatang sibil. Sinuong niya ang panganib ng pakikibakang ito, at lumahok pa nga sa mga civil disobedience na nag-imbita rin ng panunupil ng Estadong Amerikano.

Lumahok din siya sa paglaban ng mga mamamayang Amerikano kontra sa gera sa Vietnam. Noong minsang magpapalaya ng bihag na sundalong Amerikano ang hukbong mapagpalaya ng sambayanang Vietnamese, isa siya sa dalawang tinukoy na mapagkakatiwalang Amerikano na pinag-abutan ng bihag at pinagdala ng mensahe sa presidente ng US. Siya ang unang intelektwal na malinaw na nanawagan sa gobyernong Amerikano na kumalas na sa Vietnam, sa pamphlet na kanyang isinulat. Hindi ba’t kailangan ng rebolusyong Pilipino ang ganyang magigiting na alyado?

Sa kanyang buong memoir, mababasa ang aktibong paglahok niya sa napakaraming martsa at pulong-bayan, ang pagharap niya sa maraming korte sa iba’t ibang kasong kinasangkutan niya at ng mga radikal na tinulungan niya, ang paglaban niya sa pamunuan ng Boston University kung saan siya nagturo at ginipit ng mismong pangulong si John Silber, ang pakikipagkaibigan niya sa maraming radikal at progresibo, at ang kanyang walang maliw na pag-asa sa kakayahan ng mga tao at masa.

Sa isang banda, sosyalista si Zinn. Mataas ang respeto niya sa Marxismo at mga Komunista. Sabi niya, hindi malupit na burukrata ang imahe niya ng Komunista – na siyang pinapalaganap ng mga anti-Komunista – kundi ang tito ng isang kaibigan niyang umuwing bugbog-sarado, pinagtulungan ng mga maton ng isang kapitalista – dahil pangahas na nagsikap mag-organisa ng unyon sa kumpanyang pinapasukan niya.

Sa isang bahagi ng Original Zinn [2006], koleksyon ng mga panayam sa kanya, inilahad ni Zinn kung paano niya pinapahalagahan ang Marxismo. Para sa kanya, tampok sa Marxismo ang pagsuri sa mga uri sa lipunan, at sa tunggalian ng mga ito – na kinakasangkutan ng iba’t ibang pwersa sa lipunan, mulat man ang mga ito o hindi. Sangkot din, aniya, sa tunggaliang ito ang mga ideyang namamayani, lumalaganap at umuusbong. Sa isa niyang sulatin, dama ang paghanga niya kay Marx kahit, pabiro niyang sinabi, posibleng nabuntis ng dakilang lider-Komunista ang kanilang katulong.

Pero sa kabilang banda, hindi Komunista si Zinn at para sa kanya, binaluktot ni Stalin ang kahulugan ng sosyalismo. Bukod sa katangian ng mga Estado sa mga lipunang kapitalista, ang katangian ng mga Estado sa mga lipunang sosyalista ang isang dahilan kung bakit wala siyang tiwala sa Estado. Bahagi siya ng umusbong na “New Left” noong dekada 1960 sa US at mga bansa sa Europa, na ganito ang mga paniniwala.

Pero malinaw ang kiling niya: sa pagitan ng mga Komunista at maka-imperyalista, mas kakampi siya sa mga Komunista. At kung hindi man siya sang-ayon sa mga prinsipyo ng mga Komunista, malinaw at magalang ang kanyang prinsipyadong dahilan.

Sabi niya, hindi nasisira ng karanasan ng Unyong Sobyet ang paniniwala niya sa sosyalismo, kung paanong hindi rin nasisira ng karanasan ng Estados Unidos ang paniniwala niya sa demokrasya. Parehong ideyal na sinisikap kamtin ang sosyalismo at demokrasya sa pakahulugang ito. Bagamat hindi sasang-ayunan ng pilosopong Pranses na si Alain Badiou ang ganitong pagtingin sa demokrasya, magkakaisa naman sila sa sinabi ng huli na “Ano’ng kalokohan! Kapag usapin ng pagbabagsak sa pagdomina ng mayayaman at karapatan sa kapangyarihan, na tumagal na nang mile-milenyo, nakasandig ang pagtutol [ng mga kritiko ng sosyalismo] sa 70 taon ng mabuway na paghakbang, karahasan at mga krisis!” – ang Unyong Sobyet, Tsina at iba pang bansa.

Si Zinn ang nagkumpirma ng matagal ko nang hinala: na ang matitino at mahuhusay na progresibo sa ibang bansa ay may partikular na pagpapahalaga sa Pilipinas. Sa libro niyang A People’s History of American Empire: A Graphic Adaptation [2008] kasama sina Mike Konopacki at Paul Buhle, na bersyong komiks ng lumaganap niyang aklat sa tungkol sa kasaysayan ng US, may isang kabanata: “Ang Pagsakop sa Pilipinas.”

Bagamat lumalabas sa salaysay niya na tunay na makabayan si Emilio Aguinaldo – at hindi kolaborasyunista sa dayuhang mananakop – naipakita niya ang panlilinlang ng gobyernong Amerikano sa mga Pilipino at, gamit ang mga pahayagan noon, sa mga Amerikano mismo. Ipinakita niya ang pandarahas, higit sa lahat, ng imperyalismo sa bansa na pumatay ng mahigit 4,000 katao sa digmaang Pilipino-Amerikano na inamin ni Hen. Arthur MacArthur pagkalaon na sinadyang paputukin ng mga Amerikano.

Maraming datos ang ipinapaalala niya. Pinakamalaking bangkete pala sa kasaysayan ng US ang pinag-anunsyuhan ni Presidente William McKinley ng pagsakop sa Pilipinas – 400 waiter para sa 2,000 kumain. Tinutulan ng mga lider ng mga Aprikano-Amerikano sa US katulad ng sosyalistang si W.E.B. DuBois ang gera sa Pilipinas, kung saan ginamit ding representasyon ng mga Pilipino ang mga Negro. Sa Pilipinas naimbento ang water cure bilang porma ng pagtortyur sa mga kaaway ng imperyalismo. Mariing tinutulan ni Mark Twain, sikat na manunulat na Amerikano, ang pananakop at gera sa Pilipinas.

Ipinapaalala niya ang “Labanan sa Bud Dajo” noong 1906 kung saan 900 Muslim, bata at matanda, ang pinatay ng mga Amerikano. Bago nito, lumikas ang 900 sa pananakop ng US, nanirahan sa bunganga ng tahimik na bulkan, at mula doo’y nakipaglaban sa mananakop. Inutusan ang mga tropang Amerikano na arestuhin o patayin ang 900 katao. Ang nag-utos: si Hen. Leonard Wood – na siyang naging pangalan ng kampo kung saan nagsanay ang mga sundalong nang-tortyur sa Abu Ghraib noong 2004.

Sa kabila ng buong-buhay at pursigidong paglaban niya sa mga digma ng agresyon ng US at iba pang makapangyarihang bansa, at pagtataguyod ng kapayapaan sa buong mundo, hindi mananalo si Zinn ng Nobel Peace Prize. Hindi rin naman niya bukod-tanging ikakarangal kung mapanalunan nga niya ito. Pero ipinapakita nito ang klase ng kapayapaan na pinapahalagahan ng sistemang ito, at ang klase ng mga taguyod ng kapayapaan na gusto nitong parangalan at itanghal sa mga tao sa mundo.

Kaya katulad ng ginagawa namin noon sa paaralang pampubliko kapag paalis na ang titser, tumatayo ako ngayon at nagsasabing “Salamat at paalam, Howard Zinn.” At katulad ng mga guro ko sa paaralang pampubliko, hindi ko malilimutan si Zinn, at buong-buhay akong magpapasalamat sa mga aral at halimbawang ibinahagi niya.

03 Marso 2010

Inisa-isa ni Gary Leupp ang mga distorsyong ginagawa ng midyang Amerikano sa rebolusyong nagaganap sa Nepal.

May mahabang tugon si Diwa Dimagiba sa paggamit sa “Cory Magic” ng kampanya ni Noynoy Aquino.

Heto ang isang maikling patotoo sa aktwal at kongkretong pagbabagong naidulot ng Dakilang Rebolusyong Pangkultura sa mga mamamayang Tsino.

Nababanggit na lang din si Alain Badiou. Pilosopong overrated daw siya? Ito ang opinyon ni Levi R. Bryant.

Talagang in-effort at kinarir ni Kenneth Roland A. Guda ang huling entri niya tungkol sa kahangalan nitong si Maj. Gen. Jorge Segovia kaugnay ng Morong 43.

May tula ang makabayang makatang si Mark Angeles kaugnay ng iligal na pagdakip sa Morong 43.

Heto ang parangal ni Eddie Vedder ng Pearl Jam kay Zinn. Kaya ba may komentaryo sa lipunan ang sikat nilang kantang “Jeremy”?

Bisitahin ang napakagandang arkibo ni Prop. Dante L. Ambrosio ng mga publikasyon at pahayag na radikal noong panahon ng Batas Militar ni Marcos.

Follow

Get every new post delivered to your Inbox.

Join 118 other followers