Monthly Archives: April 2010

Hindi kasama sa konsepto ng “malayang midya” at “malayang pamamahayag” ng sistemang ito ang lagi at malalim na pagbabalita sa lagay at laban ng mga manggagawa – silang pangalawa sa pinakamarami sa bansa. Sa mismong mga kumpanya ng midya, hindi malaya – ni hindi maganda – ang lagay ng mga manggagawa. (Galing ang unang larawan kay Che, ang ikalawa kay Patrill.)

Walang Manggagawa sa Midya

Para sa pagdiriwang ng Mayo Uno ngayong taon, plano ng militanteng kilusang paggawa sa bansa, sa pangunguna ng Kilusang Mayo Uno, na kondenahin ang mahigit siyam na taong paghahari ng rehimeng US-Arroyo – partikular ang matinding pag-atake nito sa sahod, trabaho at karapatan ng mga manggagawang Pilipino. Igigiit nito ang pagparusa kay Gloria Macapagal-Arroyo para sa malulubhang krimen niya sa mga manggagawa at sambayanan – tampok ang pagpapatupad ng mga patakarang nagdulot ng malawakang kahirapan at kagutuman, pagdambong sa kabang-bayan, paglulunsad ng ekstrahudisyal na pagpaslang at pagdukot sa mga aktibista, at iba pa.

Ayon kay Michael Parenti, manunuring pampulitikang Amerikano, malinaw ang pagkiling ng midya ng US sa malaking negosyo o business. Wastong-wasto rin ang mga obserbasyon niya sa tinatakbo ng midya sa bansa: “Walang seksyon hinggil sa paggawa ang pinakamalalaking dyaryo… kaakibat ng seksyon nila para sa negosyo. May buu-buong staff silang nag-uulat ng balitang negosyo pero may nag-iisang labor reporter lang, kung mayroon man. At kadalasan, ang mga ‘labor’ reporter, batay sa mga nakilala ko, ay hindi nagpapakita ng partikular na paggagap sa mga pakikibaka ng mga manggagawa o ng pagiging sensitibo sa mga isyu nila. Kung ipakita man nila iyan, hindi sila tatagal sa assignment at mahuhusgahan pang ‘masyadong napapalapit’ sa pinapaksa nila.”

Dagdag pa niya, “Regular na iniuulat ng mga panggabing balita ng mga network ang Dow Jones average pero hindi sila nagbibigay ng lingguhang kwenta ng tanggalan, aksidenteng industriyal, at matagalang sakit dulot ng trabaho. Kapag mahusay ang araw para sa stock market, itinuturing itong magandang balita para sa ating lahat sa kung anong kadahilanan. Bihirang pansinin ng press ang pulitiko-ekonomikong kapangyarihan ng mga korporasyon. Inilalarawan ang ekonomiya bilang pinapatakbo ng gobyerno at negosyo, habang nakakaladkad lang ang organisadong paggawa bilang napakaliit at madalas na magulong kaakibat.” Sabi pa niya, “Kapag hindi nakawelga, halos naglalaho na ang mga manggagawa at mga unyon sa pambansang midya.”

Sabi pa niya, “Tinatrato ng midya ang mga alitang paggawa-negosyo bilang mga hiwa-hiwalay na insidenteng walang kaugnayan sa mas malalaking pwersang pang-ekonomiya.” Dagdag pa niya, “Itinuturing ang mga welga bilang aberyang panggulo sa normal na buhay, hindi sistemikong tunggaliang likas sa industriyal na kapitalismo.” Ang gobyerno, sa kabilang banda, “ay nyutral na tagapamagitan na kumikilos para sa ‘pambansang interes’… Ipinagpapalagay na pinakamahusay na napaglilingkuran ang interes ng publiko sa pag-iwas sa mga welga o pagpapabalik sa mga welgista sa trabaho, sa pinakamabilis na paraan, nang walang pakialam sa mga kondisyon ng pagkakaayos.” Hindi rin inilalarawan ang mga aparato ng Estado bilang “mga tagapagtanggol ng pag-aari ng mga korporasyon at bodyguard ng mga eskirol.”

Sabi pa ni Parenti, “Hindi na dapat ikagulat ang pagkiling na kontra-paggawa ng midya. Ang mga may-ari ng midya mismo ang ilan sa pinakamapagsamantala, kontra-unyong mga employer at tagabuwag ng mga welga.” Lagi raw sabi noon ni Katharine Graham, tanyag na may-ari ng Washington Post: “Nakakasagka ang mga unyon sa kalayaan sa pamamamahayag.” Hindi malaya ang midya kung maka-manggagawa?


Sa Pilipinas, may nakapagsabi sa akin ng trato ng malalaking estasyong pantelebisyon sa isang bungkos ng mga usaping pangmanggagawa: “Masyadong pribado” raw ang maraming isyu, lalo na iyung kaugnay ng Collective Bargaining Agreement o CBA sa loob ng isang kumpanya. Ayaw raw “manghimasok” ng mga estasyon sa ganito, kahit mga alitan sa CBA ang siyang madalas na ugat ng mga welga ng manggagawa. “Pero ibang bagay na kapag may mga manggagawang pinapatay at bumubulagta…” Parang masamang biro sa mga manggagawa at kakampi nila: kung gusto mong lumabas ang isyu ng mga manggagawa, ang mga welga nila, sa midya, kailangang may mamatay.

Pero minsan, kahit sa mga pagkakataong may namatay, hindi pa rin maayos ang pagbabalita ng midya. Nang paslangin noong 2005 si Diosdado “Ka Fort” Fortuna, presidente ng unyon ng mga manggagawa sa Nestle, ni hindi binanggit ng balita sa telebisyon at malalaking dyaryo ang pangalan ng kumpanyang pinagtrabahuan niya, tinawag lang siyang “lider-manggagawa.” Hindi ito mapapalampas dahil mainit pa ang welga ng mga manggagawa ng Nestle noon, at si Ka Fort na ang ikatlong presidente ng unyon sa Nestle na pinaslang. Dahil sa dami ng patalastas na ipinapasok nito sa midya, nagagawa ng Nestle na kontrolin ang huli. Kaya hindi man lang nabanggit ng midya ang ngalan nito, na mahalagang impormasyon sa pag-unawa sa pagpatay kay Ka Fort.

May mga kumpanyang pang-midya sa bansa na isinasapraktika ang mga patakaran sa paggawa na lihim nilang sinasang-ayunan. Ang ABS-CBN, halimbawa. Sabi ng isang kakilala, noong 2004, mahigit 1,200 pa ang regular na empleyado ng Kapamilya. Pero matapos kuhanin ng ABS-CBN ang isang dating opisyal ng kumpanya ni Danding Cojuangco – na kilala rin sa mga patakarang kontra-manggagawa sa mga kumpanya niya – naging 300 na lang ang bilang. Dumami ang kontraktwal, pero pinarami ang oras ng pagtatrabaho nila at pinababa ang sahod. At nitong nag-organisa ng unyon ang mga kontraktwal at nagtulak ng eleksyon para sa unyon, ang sagot ng ABS-CBN: hindi sila empleyado ng kumpanya – kahit taliwas ang maraming ebidensya sa pahayag na ito.

Hindi lumalabas sa midya ang nangyayari ngayon sa Dole Philippines – epekto marahil ng lakas sa patalastas ng kumpanya ng prinosesong pinya. Mahigit 6,000 ang manggagawa nito sa plantasyon ng pinya sa Timog Cotabato, na sa mahabang panahon ay pinapamunuan ng Amado Kadena, militanteng unyong nasa ilalim ng Kilusang Mayo Uno. Kakahalal lang muli sa mga militanteng opisyal ng unyon noong Agosto ng nakaraang taon. Ibig sabihin, may bago silang mandato ng mga manggagawa. Sa pamumuno ng Amado Kadena, naipagtagumpay ng mga manggagawa ng Dole ang pagregularisa sa mahigit 1,000 kontraktwal na manggagawa noong nakaraang taon.

Rumesbak ang kumpanya. Matapos ang mahabang panahon ng kampanya ng paninira sa unyon, naghanap ito ng mga butas na ligal sa pagpapatakbo ng unyon – mga papeles na hindi raw maayos at iba pa. Nagtulak ang unyong gawa ng manedsment ng Dole, ang UR Dole, ng pag-impeach sa mga militanteng opisyal ng unyon. Nanawagan ang UR Dole ng general assembly o GA. Noong hindi tumugon ang mga opisyal ng unyon, nagpatawag ang UR Dole ng sariling GA. Tinulungan ito ng manedsment, at mga sasakyan ng kumpanya ang ginamit sa paghakot sa mga manggagawa para dumalo sa GA. Sa iligal na GA na ito, in-impeach ang mga opisyal ng unyon at naghalal ng bagong opisyales. Kinilala ng Dole ang iligal na prosesong ito, at isinusulong na ngayon.


Hindi rin lumalabas sa midya ang kaso ni Vincent “Ka Bebot” Borja, lider-manggagawa at miyembro ng National Council ng KMU mula sa Silangang Visayas. Noong Abril 2007, ilang araw bago ang eleksyon, inaresto siya ng militar, hindi ng pulisya, sa isang pulong ng mga party-list coordinators sa rehiyon. Nasa pulong na iyun si Cong. Teddy Casiño, na noong nag-usisa sa ligal na batayan ng pag-aresto ay sinagot ng opisyal ng militar ng “Gusto mo, idamay kita?” Inakusahan si Ka Bebot ng pagiging opisyal ng New People’s Army, sa kabila ng mahaba at tuluy-tuloy na rekord niya ng pagkilos bilang lider-manggagawa, at pagdalo pa nga sa mga aktibidad ng KMU.

Pagpatay ang kasong isinampa sa kanya. Nakabatay ang kaso sa testimonya ng isang “saksi” na nagturo rin sa isa pang suspek na nauna pa ngang namatay – nang ilang buwan – sa sinasabing pinatay nila ni Ka Bebot. Hindi dumadalo ang “saksi” sa pagdinig ng kaso ni Ka Bebot, kaya napakabagal ng pagtakbo – este, pag-usad – ng kaso. Nakakulong pa rin si Ka Bebot hanggang ngayon at ang nakatakdang susunod na pagdinig ay tungkol sa petisyon niya para magpyansa. Isang eleksyon na naman ang idadaos ng bansa pero nakakulong pa rin siya – sa malabong batayan, sa iligal at marahas na paraan, sa napakabagal na prosesong malinaw na pagkakait ng katarungan.

Walang manggagawa sa midya. Ngayong malapit na ang Mayo Uno, nasa midya na sila uli, hanggang matapos na naman ang taun-taong ritwal na ito at babalik na naman sila sa ibang pagkatao nila sa mata ng midya – kriminal, biktima, karaniwang tao sa kalsada, pero hindi manggagawa. “Hindi naganap ang gera sa Iraq,” pamosong sabi ng pilosopong Pranses na si Jean Baudrillard noong maagang bahagi ng dekada ’90 – hindi para itangging naganap ang agresyong militar, tulad ng sabi ng mga kritiko niya, kundi para idiing hindi tradisyunal na “gera” ang natunghayan. Walang manggagawa sa midya, dahil hindi na tradisyunal na manggagawa ang nagtatrabaho rito. Inaalerto ang publiko sa bagong itsura ng paggawa: kontraktwal na ang mga bagong manggagawa.

30 Abril 2010

Nakakagalit ang mga huling pahayag ng senatoriable na si Risa Hontiveros-Baraquel – maka-Kanan na nagpapanggap na aktibista. Para lang manalo sa eleksyon, pinapalalim niya ang hidwaan ng Akbayan at ng pambansa-demokratikong Kaliwa. Dapat diyan, hindi lang hindi iboto, kundi ikampanya ang pagkatalo. Magandang laban? Ang baho ng pulitika mo!

May isa, dalawang magandang entri si Anton Dulce tungkol dito. Mayroon din sina Arnold Padilla at Mong Palatino.

May isinulat si Marocharim, pangkalahatang balik-tanaw sa bulok na rehimen ni Gloria.

Heto ang isang sulatin tungkol sa pinagmulan ng pagdiriwang ng Pandaigdigang Araw ng mga Manggagawa sa Mayo Uno.

Mukhang may inilulutong mayor na hakbangin ang mga Maoista sa Nepal para ngayong Mayo Uno.

May maikling ulat si Naomi Klein tungkol sa kumperensya hinggil sa kalikasan at climate change na naganap sa Bolivia.

Tingnan ang komento ni Manuel Buencamino sa blog ni Angela Stuart-Santiago. Kasunod noon ang komento ko. May bukas pa, oy!

Chill. Ito ang mensahe ni Ina Silverio-Gargar sa mga maka-Noynoy na kandarapa sa pagtanggi sa pag-endorso ni Andal Ampatuan, Jr.

Natawa ako, may rebyu ng isang album ni Whitney Houston sa The Feminist Review.

Sinusuportahan man nina Satur Ocampo at Liza Maza ang kandidatura ni Sen. Manny Villar sa pagkapangulo, hindi nila katulad si Villar, na isa pa ring tradisyunal na pulitiko. Maaaring hindi maganda ang pagkupkop niya sa mga pulitikong maka-Gloria, pero hindi ibig sabihing siya na ang sikretong kandidato ng rehimeng Arroyo — at may lohika ito sa takbo ng tradisyunal na pulitika sa bansa. (Salamat sa Bulatlat.com sa larawan.) 

Livin’ la Villar-Gloria

Tulad ng ibang kasama sa Kaliwa, nabahala ako noong una kong narinig ang akusasyong “Villarroyo.” Syempre, dahil si Sen. Manny Villar ang inendorsong kandidato sa pagkapangulo ng Makabayan, koalisyon ng mga progresibong partylist, at mortal na kalaban pa rin ng sambayanan – at, syempre pa, ng Kaliwa – ang rehimen ni Gloria Macapagal-Arroyo. Hindi katanggap-tanggap na sikretong kandidato ni Gloria si Villar. At talagang nakakagalit ang isiping palulusutin ni Villar, kung mahalal, si Gloria sa mga krimen nito — dahil krimen din ito at taliwas ito sa pangako niya sa Kaliwa at maging sa publiko. Maraming isyung ibinabato kay Villar at dapat siyang magpaliwanag. Pero para sa Kaliwa, mahalagang ilinaw na hindi sikretong kandidato ni Gloria si Villar. Matapang ang pahayag ni Ka Satur Ocampo: kung mapapatunayan daw ang kwento, kakalas na ang Makabayan kay Villar. Pero anu-ano kaya ang batayan ng kwentong ito? Totoo nga kaya? Ano ang ibig sabihin?

Kung tama ang alala ko, ang unang naglabas ng “ebidensya” ay si Lito Banayo, kolumnista ng dyaryong Malaya, nangangampanya ngayon para kay Sen. Noynoy Aquino, at huling tumampok sa press conference na sumira sa kandidatura sa pagkapangulo ni Sen. Chiz Escudero. Ang mga maka-Noynoy, dahil gustong angkinin at solohin ang pamumuno sa pakikibakang kontra-Gloria, ay tuwang-tuwa sa “rebelasyon” ni Banayo. Kasabay ng pagyayabang na matapat sila sa pagiging kontra-Gloria, nagdiwang sila sa sinabi ni Banayo, niyakap nila siya, at kinaligtaang siya ang opisyal pangmidya ni Sen. Ping Lacson noong tumakbong pangulo ang huli noong 2004 – bilang hindi-gaanong sikretong kandidato ni Gloria na humati sa boto ng oposisyon, ni Fernando Poe, Jr., noon. Hindi na inuungkat ngayon ng kampo ni Noynoy ang “rebelasyon” ni Banayo, dahil mahirap itong patunayan at, siguro sa pagtingin nila, may iba nang magagamit na “ebidensya” para sa sinasabi nila.

Pagkatapos, may lumaganap pang mensaheng e-mail na nag-aakusang nagkaroon ng pagpupulong sa bahay ni dating Sek. Mike Defensor si Villar at ilang susing opisyal ng rehimeng Arroyo, kung hindi man kasama si Gloria mismo. Wala nang anumang sumunod na impormasyon tungkol sa pulong na ito, na masasabing nakasira sa pinalulutang na teoryang si Villar nga ang sikretong kandidato ni Gloria, dahil hindi na naman napatunayan. Pwedeng pinalutang ito ng kampo ni Villar, pero mas malamang na mga propagandista ni Noynoy ang nagpakalat nito, sa layuning patibayin ang inilalako nilang istorya. Sa takbo kasi ng mga pangyayari, lumilitaw na hindi agad at seryosong hinarap ng kampo ni Villar ang akusasyong “Villarroyo” para gawin ang ganito noong mga panahong iyun.

Mayroon namang nakukumbinsi ng ganitong istorya sa batayang hindi malakas na tinutuligsa ni Villar si Gloria. Napaka-absurdo nito. Ano’ng klaseng kasunduan iyun, na ang kandidatong gustong ipanalo ni Gloria ay hindi tutuligsa sa kanya? Akala ko ba, tuso siya? Kung hahanap siya ng sikretong kandidato, gaya ng sinasabi ng mga maka-Noynoy, iyan ay dahil alam niyang siya ang isa sa sentral na isyu ng halalan. Kung ganoon, malaking kalokohan na probisyon sa kasunduan na hindi tutuligsa si Villar kay kanya – gaya ng ipinapakita na ng resulta ng mga survey ngayon. Kasing-absurdo ito ng pinapalabas ng mga maka-Noynoy na hindi alam ni Sek. Gibo Teodoro na si Villar ang tunay na kandidato ni Gloria, hindi siya. Talagang pinakamakitid na target nila si Villar, at kahit si Gibo ay gusto nilang gawing kaawa-awa – tutal, masyado naman siyang malayo sa mga survey para maging banta. Pero kung sikretong kandidato ni Gloria si Villar, tiyak na alam din iyan ni Gibo — at patunay ng makasariling interes ng mga maka-Noynoy ang pagpapalabas na hindi niya alam.

Eh bakit naman kinakanlong at pinapatakbo ni Villar sa tiket niya ang mga loyalista ni Gloria na sina Joc-joc Bolante, Mike Defensor, mga Marcos, mga Garcia ng Cebu, Chavit Singson, at iba pa? Hindi talaga maganda ang ganitong walang prinsipyong pamumulitika sa bansa, at ang pagkanlong pa nga sa mga damay sa mga krimen ni Gloria. Tiyak na pinuna ng Kaliwa sa pagharap kay Villar ang hakbanging ito. Pero si Manny Villar ay hindi talaga si Satur Ocampo, at sa balangkas ng tradisyunal na pulitika sa bansa, mauunawaan ang ganitong hakbangin. Sa isang panig, tumakbo si Noynoy sa udyok ng popularidad na dulot ng pagkamatay ng nanay niya, na tumining na kontra-Gloria, kaya pwersado talaga siyang malakas na pumosturang kontra-Gloria. Dahil dito, nanguna siya sa mga survey, at nagsunuran naman ang mga pamilya ng mga naghaharing uri sa pagsuporta sa kanya.

Singit lang: Dahil malakas na si Noynoy, dapat ngang mas mariin ang pagkondena sa kanya sa pagpapapasok pa sa tiket niya ng mga kilala ring maka-Gloria tulad nina Joey Salceda, Ralph Recto at mga Davide ng Cebu. Oo, dapat isama ang mga Davide ng Cebu dahil pumosturang “nyutral” at “boses ng katwiran” ang dating Chief Justice na si Hilario Davide, Jr. noong paglilitis sa impeachment ni dating Pangulong Erap Estrada. Iyun pala, maka-Gloria, hindi nagsalita noong nananawagan na ang bayan na patalsikin si Gloria, at tumanggap pa ng posisyon sa United Nations na malinaw na papremyo at suhol sa malalaking pabor niya. Hindi rin dapat palagpasin ang pagka-ipokrito ng kampo ni Noynoy sa pagkondena sa pagtanggap ni Villar sa tiket niya ng mga maka-Gloria gayung may isang dakot palang kamag-anak si Noynoy na direktang nagtatrabaho para kay Gloria. Ibang bagay ang mga kamag-anak? Hindi makontrol ng gustong mamuno ng bansa? Sila na ba ang mga bubuo ng bagong “Kamag-anak Incorporated” kapag nahalal na’t naupo si Presidente Noynoy?

Sa kabilang panig, dahil humina sa survey, kinailangan ni Villar ng mga maaalyadong lokal na pulitiko. At gaya ng ipinakita ng nangyari kay dating Sek. Lito Atienza, handang-handa rin ang pumapangatlong si Erap na kuhanin ang mga maka-Gloria sa kanyang tiket. Sa ganitong batayan marahil, nagbukas si Villar sa pagpasok ng mga maka-Gloria. O, marahil, inakit niya ang mga maka-Gloria sa tiket niya. Ito rin siguro ang dahilan – bukod sa sinasabi umano niyang bilang negosyante ay hindi siya “kumprontasyunal” tulad marahil ni Donald Trump – kung bakit hindi talaga tampok si Villar sa pagbanat kay Gloria. Tugma naman ito sa interes ng mga maka-Gloria sa lokal na gobyerno na isalba ang naghihingalong buhay-pulitika nila, at si Villar ang nagbubukas sa kanila. Muli: hindi ito maganda, at patunay ng namamayaning bulok na pulitika, pero may katwiran sa tanaw ng tradisyunal na pulitika sa bansa – at hindi pa rin nangangahulugang siya ang sikretong kandidato ni Gloria. Maaaring ikatalo ni Villar ang mga hakbanging ito, pero hindi ibig sabihing maka-Gloria siya.

Sa tingin ko, naging impluwensyal at kumapit sa opinyong publiko ang propagandang “Villarroyo” dahil nagawa ng kampo ni Noynoy na maksimisahin ang kalakasan ng kandidato nila: ang pagiging katiwa-tiwala niya – dahil, higit sa ano pa man, anak siya nina Cory at Ninoy, at hindi dahil naging katiwa-tiwala siya sa harap ng publiko. Sa kabilang banda, sikat na pulitiko at negosyante si Villar, at ang ganyang mga tao ay may bagahe ng hindi lubos na pagtitiwala ng publiko. Bukod pa diyan, makaisang-panig na nagpokus ang kampo ni Villar sa mga “positibong propaganda” nila, hindi pa nga masyado sa pagbanat kay Noynoy sa porma ng Hacienda Luisita, halimbawa. Hindi nito maagap at seryosong nasagot ang tsismis na “Villarroyo” na matagal nang lumalaganap, hanggang nitong nagkaroon na ng epekto sa mga survey. Kahinaan talaga ang bagay na ito – ang hindi pagkilalang mahalaga ang isyu ng rehimen ngayong halalan, matapos ang siyam na taong paghahari nito.

Sa kabilang banda, kailangan ng mga hibang at buhong na propagandista ni Noynoy, at ng buong kampo niya, na todong banatan si Villar sa iba’t ibang paraan. Bagamat nangunguna pa rin sa survey si Noynoy, hindi rin siya tumataas. Iyan na nga, sabi ng mga manunuring pampulitika, ang problema kapag nag-peak agad ang kandidato sa pagkapangulo sa mga survey. Bukod pa diyan, hindi rin kaya ng kampo ni Noynoy na magpalawig sa mga “plano at programa” niya para sa bayan dahil madaling malalantad na ito ay walang iba kundi ang maka-mayaman at kontra-maralitang neoliberal na mga patakarang ipinatupad ng kanyang ina at ng lahat ng sumunod na pangulo, kasama na si Gloria. Dahil hindi na makakaangat sa survey si Noynoy, at hindi na rin niya magawang magbago ng propaganda bukod sa “Mama at Papa,” kailangan niyang banatan si Villar. Walang problemang gumanansya si Erap dahil mas madali namang mailalantad at mapapabaho ito sa publiko.

Sa totoo lang, sa takbo ng pulitika sa bansa, hindi kataka-takang naghahanap ng pakikipag-usap ang kampo ni Gloria sa kampo ng mga nangungunang kandidato sa pagkapresidente. Hindi kataka-takang makipag-usap ito kay Villar, pero maging kay Noynoy rin. Pare-pareho naman silang mga naghaharing uri, na sanay sa maruruming kasunduan sa pulitika – at kung hindi naniniwala ang mga maka-Noynoy na ganito ang kandidato nila, balikan nila ang kasaysayan ng isyu ng Hacienda Luisita. Pero ano ang dapat tanganan ng Kaliwa, sa harap ng pakikipagkasundo ni Villar sa Kaliwa at sa publiko na paparusahan si Gloria kapag bumaba na sa pwesto? Ang mga sinasabi ni Villar, o ang mga pang-iintriga na malinaw na nagmumula sa kampo ni Noynoy at natural na pabor sa interes nito? Hindi naman talaga katiwa-tiwala ang mga pulitiko, pero mas wastong tanganan ang sinasabi nila – na napaglilingkod sa paglaban sa pinakamakitid na kaaway ng sambayanan, at magagamit din sa paglalantad at pag-upak sa kanila paglaon kapag bumuway at nagtaksil sila sa ipinapangako nila.

Mahusay, syempre pa, ang opinyon ni Prop. Jose Maria Sison. Sa halip nga naman na magpokus sa mababaw na propaganda ng dalawa — na nakaligo na sa dagat ng basura ang isa at hindi naman magnanakaw ang isa — at sa usapin ng sino ang tunay at hindi tunay na maka-Gloria, mas mainam na magpokus sa plataporma nina Noynoy at Villar. Narito nga naman ang tunay na pakinabang ng sambayanan sa halalang ito. Malinaw rin ang hatol ni Prop. Sison: si Villar ang may mas mahusay na plataporma para sa bansa, dahil naglalaman ito ng mga pagsalubong sa makabayan at makamasang plataporma ng Kaliwa. Ang kampo ni Noynoy, sa kabilang banda, ay malinaw na nagsusulong ng neoliberal na mga programa’t patakarang ipinatupad ni Gloria. Ipapatupad nito ang mga programa’t patakarang neoliberal, tutal narito na ang mga masugid na tagapayo ni Gloria, habang abala naman ang Akbayan at mga sosyal-demokrata sa pagbibigay rito ng “makatao” umanong itsura. Hindi kataka-takang nagpahayag na ang mga salot na ekonomistang neoliberal ng suporta kay Noynoy.

Ang sentral na islogan ng kampanya ni Noynoy, ang “Kung walang corrupt, walang mahirap,” ay hindi lang hindi totoo. Sa kabanatang “Corruption and Poverty: Barking up the Wrong Tree?” ng libro nilang The Anti-Development State [2004], pagkahaba-habang tinuligsa nina Walden Bello, unang nominado ng Akbayan, at Herbert Docena ang mitong katiwalian ang ugat ng kahirapan ng bansa. Sapat na nga namang tingnan ang mauunlad na bansang pawang may katiwalian pa rin sa gobyerno para pabulaanan ito. Pero may dagdag na punto ang dalawa: ang korupsyon sa pamahalaan ay matagal nang ginagamit ng imperyalismo, mga naghaharing uri at neo-kolonyal na Estado para pilit na bigyang-katwiran ang mga patakarang neoliberal sa ekonomiya. Sa diskursong ito, dahil tiwali ang gobyerno, hindi ito maaasahang makisangkot pa sa ekonomiya, kaya dapat na bumitaw na ito rito, at magpatupad na lang ng todong liberalisasyon, deregulasyon at pribatisasyon sa ekonomiya.

Mas mainam kung sa usapin ng programa’t patakaran uminog ang kampanya — bagamat ilang araw na lang ay eleksyon na. Ayos si Bello sa usaping ito, at hindi siguro niya masikmurang manahimik sa harap ng nakakasukang propaganda ng pangulong sinusuportahan niya, kaya naglabas siya ng sanaysay na “Why Fighting Corruption is not Enough.” Tunay naman kasing nakakabahala kung lalaganap nang hindi nahahamon ang mapanlinlang na propaganda ng kampo ni Noynoy. At tutal, nasa programa’t patakaran na tayo, naalala ko ang isa sa unang patalastas sa telebisyon ni Noynoy. Dito, sabi niya, “Lalabanan natin ang sino mang manggugulo sa ating kapayapaan at katahimikan.” Sa pagsisikap niyang maging boses ng mga “panggitnang uri” sa bansa, gusto niyang ipahiwatig na magiging pursigido siya sa paglaban sa mga “terorista” na malamang ay kasama ang Kaliwa. Magandang may magtanong sa kanya nang direkta: ipapapatay mo rin ba kami katulad ni Gloria?

18 Abril 2010

Follow

Get every new post delivered to your Inbox.

Join 117 other followers