Monthly Archives: June 2010

Apat na Taon nang Nawawala

Kahapon, apat na taon nang nawawala sina Karen Empeño at Sherlyn Cadapan, mga estudyante ng Unibersidad ng Pilipinas, at si Manuel Meriño, magsasakang kapwa-organisador ng dalawa. Para sa mga nakasubaybay sa isyu, wala nang dudang dinukot sila ng militar sa ilalim ni Hen. Jovito Palparan, berdugong militarista. Isang taon pagkatapos, ilang minutong nagpakita sa bahay ng byenan niya si Sherlyn. Ayon sa magkapatid na Reynaldo’t Raymond Manalo, na nakatakas sa pagkakadukot ng militar, grabeng tinortyur ang dalawa pagbalik ni Sherlyn sa kampo dahil nagplano itong tumakas — bukod pa sa tinotortyur talaga sila. Wala nang balita sa kanila pagkatapos.

Organisador sila ng mga magsasaka, umalis sa pagiging estudyante bagamat naging tunay na iskolar ng bayan. Tinalikuran nila ang relatibong magandang hinaharap ng mga iskolar ng bayan sa kasalukuyang sistema, dahil hindi maganda ang hinaharap dito ng bayan. Habang patungo sa mga lungsod at ibang bayan ang migrasyong itinutulak ng sistema, tumungo sila sa kanayunan para ialay ang kanilang natutunang kakayahan at ang kakayahan nilang matuto. Sa mga taong walang guro, doktor, abogado, negosyador, katuwang – dito sila sumanib para maging katulad, hindi para punuan ang kakulangan ng sistema kundi para palitan ito ng komunidad na makatao.

Bahagi sila ng hanay ng mga nakapag-aral na lumubog sa nakakaraming maralita para isulong ang pagbabagong panlipunan. Na bahagi naman, ayon kay Eqbal Ahmad, progresibong intelektwal na Pakistani, ng tradisyong mauugat sa Marxismo. Aniya, nakamit ng Marxismo ang mga tagumpay nito “sa konteksto ng pagpopokus ng kaisipan ng uring nakapag-aral, ng isang seksyon nito kahit paano, sa mga tao bukod sa sarili nila – sa mahihirap, uring anakpawis, inaapi, mahina, maging sa nasa malayo.” Bago nito, relihiyon ang siyang nagtuturo ng ganito. Ipinakilala ng Marxismo, aniya, ang sekular na “konsepto ng kabutihan, ng di-narsisistikong pagtingin sa buhay.”

Katarungan para kina Karen, Sherlyn at maraming iba pa!

27 Hunyo 2010

Galing ang magandang larawan sa itaas kay Karl Castro. Salamat!

Paghahambing ni Prop. Danny Arao sa alyansang Satur-Liza-NP sa isang banda at ng Risa-LP at JV-PMP sa kabilang banda. Kalakhan ng mga manggagawa sa bansa ngayon, nasa special economic zones; may komentaryo si Atty. Remigio Saladero, Jr. Pinakahuling balita sa mga manggagawang tinanggal ng manedsment ng ABS-CBN.

Dominante na nga ba ang kababaihan sa US? Hindi pa rin ang sagot ng feministang si Katha Pollitt. Pagkakataon naman ng intelektwal na si Scott McLemee na ibuhos ang pagkayamot sa memoir ni Christopher “Kaibigan ko si ganito, kaibigan ko si ganyan, star ako” Hitchens. Nakakatawang larawan ng laging napakaseryosong pilosopong si Theodor Adorno.

Pinakamahal sa kasaysayan ang paghahandang panseguridad na ginawa sa pulong ng G8/G20 sa Toronto, Canada. Bagong panayam sa pilosopong Slovenian na si Slavoj Zizek.

Pagsabog ng Impormasyon

Mahusay ang artikulong “The Most Trusted Name in News?” ni Deborah Campbell, nasa magasing Utne. Ipinapakilala nito ang Al Jazeera, ang nag-iisang pandaigdigang estasyong pambalita na galing sa “global South,” hindi sa mga sentrong imperyalista. Dahil sa tatak nitong “kalayaang editoryal, diin sa pag-uulat mula sa field, at… staff ng mga empleyadong naninirahan sa mga rehiyong kanilang kino-cover,” inani ng estasyon ang galit kapwa ng rehimen ni Saddam Hussein at ni George W. Bush. Dalawang himpilan lang naman ng binansagang “Terror TV”ang binomba ng US – iyung nasa Kabul at iyung nasa Baghdad.

Hinihimok tayo ng artikulong pag-isipan ang malaganap na pagtinging may nagaganap ngayong “information explosion,” na asiwa sigurong isaling “pagsabog ng impormasyon.” Ang totoo raw, nababawasan ang ginagawang propesyunal na pamamahayag (journalism) sa buong mundo. Dahil sa paglakas ng Internet, kumakaunti ang mga tumatangkilik maging sa malalaking pahayagan at estasyong pantelebisyong laan sa balita. Noong 2008 daw, nabawasan nang 40% ang pag-uulat na internasyunal ng midyang Amerikano. Ang sabi, balitang showbiz at mga kontrobersya ang pumalit sa dating reaksyunaryong pagbabalita.

Tatlong obserbasyon: Una, lumalabas na bukod sa pagkontrol ng impormasyon galing ibang bansa, tumutungo ang imperyalistang midya sa pagbura na lang sa malaking bahagi nito. At bagamat nakakatulong, sabi ng isa sa artikulo, ang citizen journalism ay parang “citizen dentistry” – pwede naman pero kulang. Ikalawa, sabi ng awtor, kasabay ng paghigpit ng pag-uugnayan sa mundo ang pagbabaw ng impormasyon mula sa iba’t ibang panig nito. Mas matalas: kasabay ng pagkubabaw sa daigdig ng nag-iisang kapangyarihang pang-ekonomiya at pang-militar ang pagbabaw ng impormasyong nakukuha ng mga mamamayan ng Imperyo.

Ikatlo, masahol ang lagay sa Pinas at mga bansang katulad. May naghahari at panggitnang uri na hyper-aktibo sa pagsagap ng impormasyon sa iba’t ibang midya, habang may nakakaraming naghihirap na inaktibo ang pagsagap – at solong binobomba ng impormasyon ng reaksyunaryong midya.

23 Hunyo 2010

Galing ang likhang-sining ni Jean Tinguely dito.

Magaling daw na ahente ang mga kontra-babae? Pag-uugnay ng pandarahas sa kababaihan at homosekswal sa Kaliwa sa pandarahas ng Estado sa mga radikal – sa US. May mga nage-NGO na hindi NGOista. Itong artikulo ni James Petras, tungkol sa mga NGOista. Larawan ng alon na nilalason ng langis sa oil spill sa Gulf of Mexico.

Ngayong Hunyo 26, apat na taon na ang pagdukot kina Karen Empeño at Sherlyn Cadapan; may magandang sulatin si Kenneth Guda. May hindi raw sinabi si Gloria Macapagal-Arroyo sa kanyang talumpati ng pamamaalam, sabi ni Arnold Padilla. Wow! Nanumpa na pala si Kong. Mong Palatino kay Sen. Chiz Escudero. Congrats! Malinaw ang mga panawagan ni Carol P. Araullo kay Pangulong Noynoy Aquino.

May mga kwento si Tine Sabillo tungkol sa mga progresibo sa parlamento. May ulat naman si Carlos Maningat tungkol sa pagsang-ayon ng Department of Labor and Employment sa malawakang tanggalan sa Philippine Airlines. Patuloy ang pagpaparangal sa Komunistang si Joan Hinton; heto ang kay Prop. Giovanni Tapang.

Daniel, My Brother


Bihira akong magbasa ng fiction at hindi ko alam kung “katha” nga ang tamang salin nito. Pero itinuro ni Fredric Jameson, Marxistang akademiko, ang mga nobela ni E. L. Doctorow na halimbawa ng postmodernong pagkabigo ng kasalukuyan na bigyang-representasyon ang kasaysayan. Sa mga nobela ni Doctorow sa BookSale, isa lang ang natipuhan ko agad – ang The Book of Daniel [1971], na batay sa tunay na nangyari sa mag-asawang Komunistang Hudyo-Amerikanong sina Julius at Ethel Rosenberg.

Hindi ito sosyal-reyalistiko. Hindi rin pagpula ng silangan ang katapusan; mas ang kabaligtaran pa nga. Pero nawili ako sa paglalarawan sa buhay-Komunista sa US noong dekada ’40 – kalakasan ng Komunismo doon. Si “Ethel” raw, naging Komunista dahil naranasan ang mahirap na buhay; si “Julius,” dahil nasapul na tama ang Komunismo. Tulad ng mga progresibo ngayon, na tagatangkilik ng acupuncture at macrobiotic diet, sumusunod ang mga Komunistang Kano noon sa alternatibong mga uso sa kalusugan.

Sumikat ang nangyari sa mga Rosenberg, na sinilya-elektrika noong 1953 sa kasong paniniktik (espionage) pabor sa Unyong Sobyet. Kakasimula lang ng Cold War ng dalawang kapangyarihan at papatindi ang sentimyentong kontra-Komunista sa US. Inakusahan ang mag-asawa ng pagnanakaw sa US ng sikreto ng paggawa ng bomba-atomika – na ginamit ng US sa dulo ng World War 2 laban sa Japan. (Ibinintang rin pala ito sa kakayaong physicist at Maoistang si Joan Hinton.) Itinanggi nila ang akusasyon.

Sa nobela, sa isang pagmumuni ni Daniel – panganay na anak nina “Julius” at “Ethel” at sentral na karakter – nasabi niyang kung totoo ang nasabing akusasyon, iniligtas ng mga magulang niya ang mundo. Kahit naman sa pagtingin ng maraming manunuring pampulitika ngayon, kung walang bomba-atomika ang Unyong Sobyet noon, maaaring naging mas arogante ang US – tinakot-takot, dinikta-diktahan at ginera-gera ang nauna at maging ang ibang bansa. Deterrence ang tawag sa ganitong teoryang pampulitika.

Magandang basahin ang nobela.

19 Hunyo 2010

Ang maghimagsik sa mga taksil sa sosyalismo ay makatarungan! Heto ang larawan ng pag-aalsa ng mga manggagawa ngayon sa Tsina. Heto naman ang pahayag ng matatandang rebolusyunaryo hinggil sa nagaganap. Heto naman ang katarantaduhang ginagawa ng manedsment ng ABS-CBN sa mga manggagawa nito.

Galit daw ang mga Pranses kay Noam Chomsky, anti-imperyalistang intelektwal? Magagandang tanong ni Uri Avnery tungkol sa pag-atake ng gobyernong Israeli sa Freedom Flotilla. Lumalaki ang papel ng kababaihan sa lipunan, ayon sa ulat na ito.

Paano ilalantad sa mga US Marines ang kontra-kababaihang katangian ng pornograpiya? Heto ang isang magandang pagtatangka. Football fever! May kakatwa pero nakakapagpaisip na komentaryo si Terry Eagleton, Marxistang Ingles, sa ugnayan ng palakasan at kapitalismo. Hindi kumbinsido si Alexander Cockburn sa talumpati ni Barack Obama tungkol sa malubhang oil spill ngayon sa Gulf of Mexico.

Patay na ang Komunistang manunulat na Portuges na si Jose Saramago. Paborito siya ni Kong. Mong Palatino, na may mahusay na paliwanag sa “irasyunalidad” na ipinakita ng masa nitong nakaraang eleksyon. Gusto nina Louis Proyect at Jodi Dean, mga Marxista, ang Sex and the City 2. May artikulo si Alice Salvacion tungkol sa mga NPA na malapit nang maging senior citizens.

Maraming salamat kay Jose Dennio Lim sa pagkilala sa blog na ito! Sabagay, hindi naman edad ng isang blog o ng kahit ano ang batayan para matawag na “emerging.” Pero sapat na ang pagkilala ng mga kapwa-progresibo tulad niya. Salamat!

Inquirer Idiotorial

“Susuportahan kita. Pero kapag nanalo ka, magiging kritiko ako.” Ito, ayon kay Cornel West, progresibong intelektwal na Aprikano-Amerikano, ang pangako niya kay Barack Obama noong tumatakbo pa lang ang huling pangulo ng US. Batay sa editoryal nitong “Noynoy’s choices,” malayo sa ganyan ang pakikitungo ngayon ng Philippine Daily Inquirer kay Noynoy Aquino – na sinuportahan nito noong eleksyon.

Totoo ang “batayang prinsipyo” na sinasabi nito, na dapat “pipili ang president-elect ng mga taong tutulong sa kanyang tuparin ang mandato niya.” Pero ano ang sinasabi ng kasaysayan ng bansa? Na ang mga itinalaga ng mga pangulo, ang sarili, uri at pangulo ang pangunahing pinaglilingkuran – hindi ang anakpawis at bayan. Na, kadalasan, bayad-utang ang batayan ng pangulo sa pagtalaga sa isang tao, hindi ang kakayahang maglingkod sa bayan sa pamamagitan ng isang pwesto.

Kaya hindi nakakagulat sa Pamalakaya, militanteng grupo ng mga mangingisda, na kondenahin ang natsismis na pagpasok sa gabinete ni Noynoy ng isang opisyal ng Makati Business Club. Ang nakakagulat, ayon sa editoryal, pananaw na “economically deterministic” ang sabihing hindi maisusulong ang interes-publiko ng mga sangkot sa “laro ng malaking negosyo.” Pa-intelektwal! Nagbasa ng tuligsa sa Marxismo at hindi lubusang naunawaan. John Nery, ikaw na naman ba iyan?

Sabi ng editoryal, dahil iba ang ibinoto ng lider-Pamalakaya sa pangulo, wala itong karapatang “magdikta” sa paano bubuuin ni Noynoy ang gobyerno para tuparin ang kanyang mandato. At sino ang mayroon? Ang mga sumuporta? Eh naetsapwera na ang mga volunteers ni Noynoy, ayon kay Juana Change. Ang Inquirer, ABS-CBN, Time Magazine, MBC, mga burgis-komprador, panginoong maylupa at imperyalista? Mabuhay ang demokrasya ng iilang mayaman at makapangyarihan!

Hindi dapat diktahan si Noynoy ng mga grupo ng maralita na hindi sumuporta sa kanya. Sa mga mambabasang panggitnang uri: tapos na ang eleksyon, dapat na tayong magpahinga. Magtiwala tayo kay Noy; alam niya ang mandato niya.

14 Hunyo 2010

[Salamat kay JP Corpus para sa larawan!]

Lalaya rin ang Luisita

Sa “Prinsipyo o caldero: Why Noynoy won in Luisita,” ikinwento ni Lisandro E. Claudio kung paanong “sinamantala” ng Liberal Party ang hirap at gutom sa Hacienda Luisita para manalo doon si Noynoy Aquino – kahit may pananagutan ito sa kahirapan, kawalan ng reporma sa lupa, at masaker doon. Sinuhulan ng pera at kapangyarihan ang mga lider-barangay para sumuporta kay Noynoy, at nanaig ang “kaldero” sa “prinsipyo” – patunay, aniya, ng “kapangyarihan ng pamamatron na pahinain ang mga paghamon sa kapangyarihan ng panginoong maylupa.”

Sa “Hacienda Luisita and Subaltern Speech,” tinawag ni Tanglad, feministang blogger, ang pansin ng mga kapwa-progresibo sa sinabi ng mga magsasaka sa dokumentaryong Ang Sinabi ng mga Magsasaka sa Hacienda Luisita. Pakiramdam nila, “iniba” ang panawagan ng welga – ng mga maka-Kaliwang tagasuportang tagalabas – at ginawa itong para sa reporma sa lupa. Sinasabi rin nilang mas mabuti ang kalagayan nila bago ang welga. Tila ipinapahiwatig ni Tanglad na “ipinailalim” ng mga progresibo ang kahilingan ng mga taga-Luisita sa mga layuning “teleolohikal.”

Bukod sa carrot ng materyal na pakinabang, dapat idagdag ang stick ng tuluy-tuloy na pandarahas. Nasundan ang masaker na pumatay sa pito noong 2004 ng pagpatay sa walong tagasuporta ng welga at ibang paniniil. Ito pa lang, natural nang may epekto sa mga taga-Luisita. Pero idinulot din nito ang paglikas ng ilang lider, paghupa ng mga talakayan at iba pang aktibidad ng mga tagaroon, at pagkalito sa pagsuri sa welga. Hindi ang “pasabog (incendiary)” na paraan ng pag-oorganisa ng Kaliwa ang sanhi, kundi ang kalupitan ng mga panginoong maylupa at gobyerno.

Ginulo ng mga tagalabas ang mapayapang mga taga-Luisita. Bersyon iyan ng mga mapagsamantala. Ang totoo, ipinapaglaban ng mga taga-Luisita ang reporma sa lupa. Pero hindi pantay ang kaisipan ng mga tao; kahit sa mga yugto ng rebolusyunaryong pagsulong, may mga saklot pa rin ng kaisipan ng lumang panahon.

12 Hunyo 2010

[Galing ang larawan ni Joe Galvez na nasa itaas sa GMANews.tv. Salamat!]

Grabe Talaga ang Gobyernong Israeli


Sana hindi ito lumipas katulad ng karaniwang balita. Mahalagang pangyayari ang pag-atake ng gobyernong Israeli sa “Marvi Marmara,” barkong naglalaman ng mga di-armadong delegado mula iba’t ibang bansa at ng mga tulong sa mga mamamayan ng Gaza, kasama ang mahahalagang kagamitang medikal. Ayon sa balita, siyam na katao ang napatay, at nahadlangan ang pagdaong ng kinakailangang tulong.

Simula kasi Hunyo 2007, binlokeyo ng gobyernong Israeli ang Gaza, komunidad ng mga Palestino. Maraming bagay ang ipinagbawal nitong maipasok sa lugar, na nagdudulot ng “humanitarian crisis,” sabi ng Amnesty International. Kulang ang kuryente, tubig, pagkain at kagamitang medikal para sa halos dalawang milyong Gazan. Kahit bumbilya ng ilaw, libro, damit at kung anu-ano pang mahalagang gamit, bawal ipasok. Matinding kahirapan ang dulot nito ngayon sa mga mamamayang Palestino. Inilunsad ang Freedom Flotilla para ibsan, kahit paano, ang kahirapan.

Bakit ba kasi may blokeyo? Ang dahilan ng Israel, para hadlangan ang mga “atakeng terorista” na inilulunsad sa Gaza, tampok iyung gumagamit ng mga rocket, at mang-presyur para palayain ang isang sundalong Israeli na binihag ng mga “terorista.” Pero buong populasyon ng Gaza, kasama ang mga sibilyan, ang pinaparusahan. Marami ang nagsasabing ang tunay na layunin ng blokeyo ay ang igupo ang suporta ng mga Gazan sa kanilang gobyernong Hamas, na lumalaban para magkaroon ng sariling Estado ang mga Palestino. Ang US, kailangang idagdag, ay todo-suporta sa hakbangin.

Tulad ng mga mamamayang Vietnamese noong dekada ’60 at ’70 ang mga mamamayang Palestino ngayon, kahit hindi sosyalista ang Hamas – lumalaban sa pambubusabos, lumalaban at patuloy na binubusabos. Kung paanong ang masaker sa Hacienda Luisita noong 2004 na pumatay sa pitong katao ay larawan ng pyudal na pagsasamantala sa bansa, larawan ang pag-atake sa Marvi Marmara ng kalupitan ng gobyerno ng Israel at imperyalismong US sa sambayanang Palestino.

Ipamalita natin, huwag nating kalimutan ang kalupitang ito.

08 Hunyo 2010

Gawa ang mga larawan sa itaas ni Latuff, progresibong kartunista. Kwento ni Naomi Klein: isang nagprotesta sa West Bank, binulag ng gobyernong Israeli. Maiksing patotoo sa terorismong ginawa ng gobyernong Israeli sa Marvi Marmara. Talumpati ni Ina Silverio na hindi niya binasa sa paglulunsad ng aklat tungkol sa buhay Ka Bel.

Hindi gusto ni Ellen Tordesillas ang plano ng rehimeng Aquino na kuhaning opisyal ng gobyerno sina Ogie Alcasid at Dingdong Dantes. Hindi pala ang kampanyang Noy-Bi ang nagpanalo kay Mayor Jojo Binay, kundi ang mga tagasuporta ng ibang presidentiables; nakakaawa ang paglalarawan diyan kay Mar Roxas. Pagmumuni ni Luis V. Teodoro sa bagong embahador ng US sa bansa at ugnayan nito kay Presidente Noy.

Matinding debate tungkol sa pag-unawa sa mga huling pangyayari sa Thailand. Aktibo ang bagong blog ni Mykel Andrada. May tanong si Karen tungkol sa komitment. Basahin ang malupet na pag-atake ni Terry Eagleton kay Christopher Hitchens, dating maka-Kaliwa na ngayo’y bulok na ang pulitika. Pagsasalsal daw ang pananabotahe ng mga manggagawa ng kasalukuyan? Hinggil sa pagkolonya ng pamilihan sa mga intelektwal: ano kaya ang larawan nito sa Pilipinas?

Unang 300 Salita

Inimbitahan ako ng mga kaibigan sa Pinoy Weekly, progresibong publikasyong online sa wikang Filipino, na magkolum sa kanila. Mahirap silang tanggihan. Una sa lahat, karangalang maimbitahan ng masigasig na staff ng Pinoy, na naglalabas ng mga impormasyon at komentaryong hindi inilalabas ng midyang mainstream. Sa panig ko, na nagsusulat ng komentaryong pinipilit kong maging progresibo, magandang pagkakataon ito na umabot sa mas maraming mambabasa. Gusto ko ring mag-ambag, sa abot ng makakaya, sa pagsisikap na magpundar ng isang sentro ng progresibong midya sa wikang Filipino.

May ilang tanong na sumulpot at may sagot na ako. Ano ang lalamanin? Dahil inimbitahan nila ako, pakiwari ko, nagustuhan nila ang mga pinaksa ko sa blog ko, kaya ganoon pa rin – kung anu-ano. Ano ang porma? Gusto kong tumugma sa estilo ng Pinoy – magaang at nakakatawa kung maaari. Matagal ko na ring gustong paikliin ang isinusulat, kaya ako na ang nagsabing 300 salita lang. Gaano kadalas? Lingguhan sana, sa minimum. Paano ang blog? Mauuna nang isang araw ang pag-upload sa website bago sa blog. Ano ang ortograpiya? Iginagalang ko man ang ortograpiya ng Pinoy, akin ang gagamitin.

Pinaka-excited ako sa pagpapaikli sa 300 salita. “Kapirasong Kritika” ang ngalan ng blog ko, pero mas “Kilometriko” ang naging tamang pang-uri. Sa totoo lang, marami akong naiisip isulat na maikli lang – na hindi ko nagagawa dahil hindi akma sa nakagawiang pormat ng blog. Naeengganyo akong magsulat nang maiksi pero siksik. Maraming posibilidad: sipi sa mga sulatin at maikling reaksyon, komentaryo sa kulturang popular, opinyon sa musika bagamat sa pop kaysa sa progresibo, pang-araw-araw na repleksyon – bukod sa kadalasan nang suri sa lipunan at pulitika. Mas angkop kasi ang mga ito sa 300 salita.

Hindi ako nangangako at kaya rin 300 salita ay para hindi matrabaho. Pero dahil naengganyo ako, baka maging mas madalas pa ito sa linggu-linggo.

04 Hunyo 2010

Follow

Get every new post delivered to your Inbox.

Join 118 other followers