Monthly Archives: November 2010

I Can’t Strike This Feeling Any Longer

Usap-usapan ngayon sa alternatibong midya ang pagpoprotesta ng mga estudyante ng mga State Colleges and Universities (SCUs), tampok ng Politeknikong Unibersidad ng Pilipinas, sa itinutulak ng rehimeng Aquino na pagkaltas sa badyet ng mga paaralang ito. Lumalabas na isang porma ng protesta ang tinatawag ng mga kalahok na “strike” o welga. Mas mataas ang antas ng militansya nito kumpara sa mga nakaraang porma ng protesta tulad ng walkout sa klase, boykoteo, at paglulunsad ng rali. May konotasyon ito ng aktibong paghadlang sa normal na operasyon ng mga pamantasan para magprotesta.

Anuman ang itawag, pagtigil ang welgang ito sa pag-aaral ng mga estudyante at pagtuturo ng mga guro para iprotesta ang sa mas malawak na pagtingin ay pumipigil sa makabuluhang edukasyon sa mga pamantasan. “Makabuluhang edukasyon” hindi lang sa pakahulugang kinakaltasan ang badyet para sa kasalukuyang edukasyon, kundi sa pakahulugan ding pinapakitid sa mga aralin at kursong kagyat na papakinabangan ng Negosyo ang ibinibigay na edukasyon ngayon – penomenong kaakibat ng nauna. Pinapakitid na nga ang saklaw ng edukasyon ngayon, kinakaltasan pa ang badyet nito.

Kaugnay ng pagtigil na ito sa pag-aaral ng mga estudyante at pagtuturo ng mga guro ang isa pang, o ibang klaseng, pag-aaral – ang pag-aaral sa pagpigil sa makabuluhang edukasyon sa kasalukuyan. Ang una ay nakasalalay sa, at kinakatangian ng, ikalawa. Hindi ito walang-utak na protesta, o “mindless protest” gaya ng tiyak na ibabansag ng mga komentarista ng midyang mainstream kapag hindi na nila magawang hindi ito pansinin. Punung-puno ang welgang ito ng pag-aaral, nakasalalay ito sa pag-aaral, sa tunay na sanhi ng mga suliranin ng edukasyon sa kasalukuyan. Dapat tayong makinig.

Kung susuriin, ipinagpapatuloy lang ng rehimeng Aquino ngayon ang padron ng mga naunang rehimen sa paglalaan sa badyet ng pamahalaan, na mas magandang tinatawag ng ibang “kabang-bayan.” Kinakaltasan ang badyet sa edukasyon at iba pang serbisyong panlipunan habang ibayong pinapalaki ang para sa pagbabayad sa utang panlabas at para sa militar – na, bukod sa nangangahulugan ng militarisasyon ay pagkakataon ng kurakot para sa matataas na opisyal-militar. Diyan din mapupunta ang bulto ng kabang-bayan, sa kabila ng pagpapanggap ng rehimeng ito: sa katiwalian.

Sa kanyang sanaysay na “The Policy of ‘Neoliberal’ Globalization and Worsening Economic Crisis in the Philippines,” inugat ni Jose Maria Sison ang ganitong moda ng pagbabadyet ng mga gobyerno ng mga bansang katulad ng Pilipinas, sa kasalukuyang porma nito, sa neoliberalismo. Aniya, bilang tugon sa kombulsyon ng krisis ng labis na produksyon sa buong mundo noong dekada 1970, sinisi ang suliranin ng istagplasyon sa Keynesian at sosyal-demokratikong interbensyon ng Estado na umano’y nagpapataas sa gastos sa mga serbisyong panlipunan at sa sahod ng mga manggagawa.

Aniya, simula dekada 1980, “para kamtin ang ‘neoliberal’… na layunin, naglunsad ang mga Estadong imperyalista sa pamumuno ng US ng walang patid na pag-atake sa pinaghirapang-kamting mga karapatan ng uring anakpawis sa seguridad sa trabaho, pag-uunyon at mga benepisyong panlipunan. Pinababa ang antas ng sahod. Sa kalakhan, pinalitan ang regular na mga trabahong full-time ng mga trabahong part-time. Kinaltasan o tuluyang tinanggal ang mga di-tahas na sahod sa porma ng social insurance, medikal na insurance, benepisyong pang-edukasyon at mga serbisyong panlipunan.”

Dito maiuugnay ang isa pang pinag-uusapang welga: ang bantang ilunsad ng mga manggagawa ng Philippine Airlines. Mahigit 2,600 manggagawa ang matatanggal dahil ia-outsource ang kanilang trabaho sa ibang ahensya – na pawang pinaghihinalaang pag-aari rin, tulad ng PAL, ni Lucio Tan. Ganito ang mangyayari: matapos matanggal sa trabahong regular, muli silang tatanggapin sa parehong trabaho sa PAL bilang mga kontraktwal. Mula sa pagkakaroon ng unyon bilang mga manggagawang regular, mahihirapan na silang makapag-unyon kapag naging mga kontraktwal na sila.

May mga puntong dagdag pa si Solita Collas-Monsod. Aniya, nakaugat sa mga maling desisyon ng PAL ang “pagkalugi” ng kumpanya noong 2008 at 2009, hindi sa gastusin sa mga manggagawa. Kahit sa mismong paliwanag ng PAL, maliit lang ang matitipid nito sa pagtanggal sa mga manggagawa – at lalong maliit kung ikukumpara sa mga pagkaluging idinulot ng mga maling desisyon nito. Sa ganitong pagsusuri, pagbuwag sa unyon talaga ang layunin ng planong tanggalan at kontraktwalisasyon sa PAL: union-busting – na ayon sa batas ay ligal paglunsaran ng welga ng mga manggagawa.

At isa nga ang kontraktwalisasyon sa mga porma ng tinatawag na “neoliberal na atake” sa mga manggagawa at sa kilusang paggawa sa Pilipinas. Bukod sa pinapababa nito ang sahod at benepisyo ng mga manggagawa, at pinapahaba rin ang oras ng pagtatrabaho nila, hinahadlangan nito ang pag-uunyon nila. Mangyari, wala halos ligal na sagka sa mga kapitalista sa pagtanggal sa mga manggagawang kontraktwal. Ligtas nang sabihing mas maraming manggagawa sa bansa ngayon ang kontraktwal kaysa regular – sa pangunguna ng malalaking kapitalista, mga malls, at special economic zones.

Inilarawan ni Pierre Bourdieu ang epekto ng pagpapatupad ng utopyang neoliberal: “Una, ang pagwasak sa lahat ng kolektibong institusyong may kakayahang kontrahin ang mga epekto ng mala-impyernong makina, pangunahin iyung sa Estado, na siyang sisidlan ng lahat ng unibersal na pagpapahalagang kaugnay ng ideya ng pampublikong larangan. Ikalawa, ang pagpataw sa lahat ng lugar… ng isang klase ng panlipunang Darwinismo na, kaakibat ang kulto ng kampeon… ay nagpapairal ng pakikibaka ng lahat kontra sa lahat at ng sinisismo bilang komon sa lahat ng hakbangin at gawi.”

Sa una, inilalarawan ang pagiging lantad na sunud-sunuran ng Estado sa dikta ng mga dayuhang institusyong pampinansya at gobyerno (sa usapin ng pagbabadyet) at sa dikta ng mga dayuhan at malalaking kapitalista (sa usapin ng paggawa). Pero inilalarawan din nito ang pangkalahatang pag-atake sa iba pang porma ng kolektiba na dapat sana’y armas ng mga estudyante (konseho, publikasyon, organisasyon, at iba pa) at ng mga manggagawa (unyon) sa paggigiit ng kanilang karapatan. Dinudurog ang mga ito, ginigipit ang paggana, o pinapahina sa pamamagitan ng iba’t ibang opensiba.

Sa ikalawa, inilalarawan ang matinding kompetisyong dulot ng neoliberalismo – sa mga karaniwang tao, hindi lang mga kapitalista. Sa gitna ng napakaraming walang trabaho, “Ang ultimong pundasyon ng buong kaayusang pang-ekonomiyang ito na nasa ilalim ng karatula ng kalayaan ay ang istruktural na dahas ng kawalang-trabaho, ang kawalang-katiyakan ng seguridad sa trabaho at ang panakot ng tanggalan na ibinabadya nito.” Dito nagmumula ang kumpyansa ng Estado at mga naghahari na iratsada ang mga hakbanging neoliberal nito: kung ayaw ng manggagawa, palitan; tiyak na magkukumahog pa rin sa edukasyon ang tao, anuman ang presyo nito.

Sabi ni Slavoj Zizek, sa mundo ngayon, “Isang bagay ang malinaw: matapos ang ilang dekada ng welfare state, kung saan ang mga kaltas ay relatibong limitado at may kasamang pangakong magbabalik din ang mga bagay sa normal, pumapasok tayo ngayon sa isang panahon kung saan nagiging permanente ang isang pang-ekonomiyang state of emergency: nagiging palagian, isang kalakaran. Kasama nito ang banta ng mas malupit na hakbangin sa pagtitipid (austerity), kaltas sa mga benepisyo, papaliit na serbisyong pangkalusugan at pang-edukasyon, at mas di-tiyak na empleyo.”

Ibig sabihin, bukod sa malinaw nang hindi una ang pagkaltas sa badyet ng SCUs at pagpapatupad ng mga patakarang kontra-manggagawa, tiyak na hindi rin ito ang huli. Kaya laban ng sambayanan ang laban ng mga iskolar ng bayan ng PUP at iba pang SCUs, gayundin ang laban ng mga manggagawa ng PAL at iba pang kumpanya. Nangunguna sila ngayon, pero para sa lahat ang hamon sa susunod na panahon. Pangangailangan ng lahat ang tinatanggal sa kanila, ang makabuluhang edukasyon at regular na trabaho. Sa paglaban sa kanilang tampok na lugar, ipinaglalaban nila tayo.

Pahabol: Hinuhubog ng klase ng pamilihan ng lakas-paggawa na gustong likhain ng pamahalaan ang klase ng edukasyong ibibigay nito sa mga mamamayan. “Inaakit ang dayuhang pamumuhunan” – ito ang laging sabi ng pamahalaan, na tila napakagandang pakinggan. Pero pangunahin dito ang paghahain ng mura at siil na lakas-paggawa sa mga kapitalista, na ang tampok na porma ay ang kontraktwal na paggawa. Kung ganito lang naman ang puntiryang lakas-paggawa, hindi bibigyan ang mga mamamayan ng mataas na pinag-aralan – kahit ng tradisyunal na tinitingnang edukasyong de-kalidad.

26 Nobyembre 2010

Galing ang mga larawan dito.  Pagpupugay sa matagumpay na welga ng mga iskolar ng bayan! May nominasyon pala ang blog na ito rito:

Asukal sa Gatas na Pambata

Anu-ano ang ibinebenta at ipinapabili sa atin ng patalastas ng gatas na Nido 3+ ng Nestle na pinagbibidahan nina Kris Aquino at ng anak niyang si Baby James Yap?

Sa kagyat na antas, kalusugan. Nagbibigay ito ng babala tungkol sa antas ng asukal sa mga kinakain/iniinom ng mga bata. Paliwanag ni Kris, karamihan sa mga bata ay mahilig sa matatamis (“may sweet tooth”). Aniya, dapat ay maging malay (“conscious”) ang mga kapwa-nanay niya sa antas ng asukal dahil ang mga bata, “kapag nasanay sa sobrang tamis, ang hirap baguhin.” Sa mga gatas, sabi niya, dapat suriin ang dami ng carbohydrates sa label dahil kapag mas kaunti ito sa isang gatas, mas kaunti ang asukal.

Pero tulad sa iba pang patalastas, hindi lang kalusugan ang ipinapabili ng patalastas na ito. Kinakargahan kasi ng kapitalismo ng iba’t ibang pakahulugan – sa larangan ng uri at kasarian, at sa iba pa – ang kalusugan. Hindi man laging “malay” o lantad sa isang patalastas, mahigpit na itinatali o isinasanib ng sistemang panlipunang ito ang kalusugan sa iba’t ibang pakahulugan at disposisyon – na nagmumula at nagpapatatag din sa mga umiiral na relasyon ng dominasyon sa larangan ng uri at kasarian, at iba pa.

Kaya nagbebenta rin ang patalastas ng responsableng pagmamagulang – na, sa mga karaniwang tao, ay mas mabigat para sa mga ina. Sa hatak ng kahirapan na magtrabaho o maghanap-buhay sila, pambalanse si Kris Aquino ng Nido: kailangan pa ring maging metikoloso sila sa kalusugan ng mga anak at pangkalahatang pangangalaga sa mga ito. Kung si Kris ngang nagtatrabaho, nakakapagbayad ng yaya at, maidaragdag, hiwalay sa asawa, kinakaya. Dapat ganoon din, katulad niya, kahit ang mga karaniwang ina.

Prangka ang patalastas: lumabas ang yaya ni Baby James na siyang mas malamang na naglalaan ng mas maraming panahon sa bata. Pero masyadong mabait pa rin ang pagkaprangka nito: saglit lang lumabas ang yaya. Makikita rito ang pagbebenta ng patalastas ng isang klase ng pagkababae – iyung kinakayang magbayad ng mas mahirap na kapwa-babae para mag-alaga sa sariling anak. Siya pa rin ang bida, dahil pinapalabas na siya pa rin ang nagdedesisyon sa kung ano ang makakabuti sa anak.

Nagbebenta rin ito ng buhay ng nakakataas na uri: magandang bahay, oras para sa pagsasama at paglalaro na hindi binabagabag ng pag-aalala ng susunod na kakainin. Hindi lang kailangang maging maasikasong ina; sa katauhan ni Kris Aquino, tungkulin itong glamorosa. Sa isang banda, ang asukal ay karugtong ng mga katangian ng maralita – lalo na sa pagyakap ng mga naghaharing uri sa “malusog na pamumuhay”: sirang ngipin, diabetes, at, para sa ilang diyetang pangkalusugan, lahat na lang ng sakit.

(Nabanggit na rin lang ang ngipin, matagal ko nang gustong pansinin: marami sa matataas na opisyal ng rehimeng Arroyo, na pursigido at brutal na nagsulong ng “modernisasyon” at “pag-unlad” na dikta ng mga mayayaman-makapangyarihan-naghahari sa mundo, ay halos sabay-sabay na nagsuot ng invisible braces: mula kina Dinky Soliman at Emilia Boncodin hanggang kina Mike Defensor at Ricardo Saludo hanggang kay Gloria mismo. Bagsak-presyo sa dentista lang ba? O may moda?)

At pwedeng sagisag ang asukal ng mga pinapalabas na bisyo ng maralita – mas ng maralita sa lungsod kaysa sa kanayunan. Para silang mga bata: mahilig sa matatamis mula sa Banana-Q hanggang mga kakanin, mula sa mga softdrink hanggang sa Jollibee. Hindi maganda sa kalusugan ang asukal, pero lagi nilang kinokonsumo. Tinatalo ng irasyunal ang rasyunal, ng sarap ng katawan ang pagbabawal ng utak: lulong sa alak o ibang bisyo, anak nang anak, nagpapahatak sa mga kulto at bulok na pulitiko, at iba pa.

(Sa kanyang librong A Primer for Daily Life [1991], binaybay ng feminista at Marxistang si Susan Willis ang lugar sa kasaysayan ng malawakang produksyon ng asukal. Aniya, mahalaga ang produksyon ng asukal sa mga sinakop ng mga bansang Europeo para sa akumulasyong nagluwal sa kapitalismo. Kaalinsabay, naging mahalaga ang pagpasok ng asukal sa kinakain ng mga manggagawang Europeo para paigtingin ang kanilang enerhiya para sa mas matinding paggawa sa ilalim ng bagong-silang na kapitalismo.)

Sa patalastas na ito, ang haciendera ng tubuhan at may-ari ng azucarera ay nagbibigay-babala sa mga kapwa-ina na iadya sa asukal, sa ngayon para habang buhay, ang kanilang mga anak. Ang namumuhay sa pagbebenta ng ibang adiksyon – tulad ng tsismis, game shows, telenovela at iba pang produkto – sa mga ina ay nang-aakit sa kanilang ilayo ang kanilang mga anak sa adiksyon sa asukal. Ang yumaman sa sistemang nagdudulot ng kahirapan sa nakakarami ay nang-aakit ng pagyaman.

May tawag si Terry Eagleton, Marxistang intelektwal, sa operasyong ideolohikal na ito: Para sa mga naghaharing uri, “It’s better to appear a hypocrite than to pull the rug under one’s feet.” Para sa kanila, mas mainam nang magmukhang ipokrito kaysa atakehin o isantabi ang mga paniniwala at ideyal na gusto nilang paniwalaan at kamtin ng mga pinaghaharian – habang ginagawang imposible sa huli ang aktwal na pagkamit sa mga ito. Hindi pwedeng maging lubos na prangka o tanggalin ang tamis sa pagsasamantala.

18 Nobyembre 2010

Galing ang mga imahen sa itaas sa Cryptomnesis.

May tula si Mark Angeles tungkol sa isa pang patalastas ng Nestle: Ikaw, para kanino ka bumabangon? Sanaysay ang pantuligsa ni Coco Martin Heidegger. Unibersal ang pantasya ng mga manunulat tungkol sa panitikan, pero may pagpanig sila sa tunggalian ng mga uri: si Mario Vargas Llosa, sa mga naghahari. “Epic fail” daw ang islogang “Pilipinas Kay Ganda” ng rehimeng Aquino para sa turismo, ayon kay Angela Stuart-Santiago. May banat din si Marck Ronald Rimorin at si Ellen Tordesillas.

Malinaw ang paglalantad ni Carol Pagaduan-Araullo sa programang conditional cash transfer ng rehimeng Aquino. May isa, dalawang sulatin ang feministang pilosopong si Nina Power tungkol sa protesta ng mga estudyante sa UK laban sa kaltas sa badyet sa edukasyon. Maganda naman ang hagod ni Carlos Maningat sa usapin sa paggawa ngayon sa Philippine Airlines.

Topak Obama

The hottest spot north of Havana…
– Barry Manilow

Bukod sa natalo ang Democratic Party ni Presidente Barack Obama sa Republican Party, na isang datos, nagkakasundo sa limang bagay, sa minimum, ang mga nabasa kong pagsusuri sa kakatapos na eleksyong mid-term sa US. Una, naging referendum ang eleksyon sa dalawang-taong panunungkulan ni Obama bilang pangulo. Ikalawa, lumaki ang suporta ng Republicans habang kumitid naman ang sa Democrats. Ikatlo, sentral na usapin sa pagboto ng mga mamamayang Amerikano sa eleksyong ito ang ekonomiya. Ikaapat, malaki-laki ang papel ng Tea Party sa naging takbo at resulta nito. At ikalima, mapagpasya ang resulta sa magiging mga hakbangin ng rehimeng Obama.

Mabigat talaga ang kalaban ng rehimeng Obama sa eleksyong ito – hindi pa ang Republicans, kundi ang pinakamatinding krisis pang-ekonomiya na tumama sa US at iba pang imperyalistang bansa simula noong Matinding Depresyon ng dekada 1930. Sinasabing walang kaparis ang kawalang-trabaho sa US ngayon. Dapat palawakin, gayunman, ang pagsuri sa mga ugat ng krisis lampas sa sisihan sa antas ng propaganda ng mga paksyon ng naghaharing uri sa US – na kesyo ang rehimeng W. Bush talaga ang maysala at iba pa. Krisis ito ng mismong pandaigdigang sistemang kapitalista na US ang nasa sentro, at naging instrumento lamang ang maraming rehimen sa takbo nito.

Tila malinaw ang pagkakahati ng mga komentarista sa paghusga sa mga nagawa ng rehimeng Obama sa dalawang taong pagharap sa krisis. Ang mga maka-Kanan, nagsasabing masyadong marami ang nagawa nito. Ang ibang maka-Kaliwa naman, syempre pa, ang kabaligtaran: masyadong kaunti ang nagawa nito. (Kakatwang sa una bumabagsak ang isang komentaryong lumabas sa Philippine Daily Inquirer.) Tugma ang una sa retorika ng “Amerikanong paraan ng pamumuhay” na ginamit ng mga kalaban ni Obama. Tumuturol naman ang ikalawa sa retorika ng “pagbabago” na ipinangako niya noong eleksyon – at, walang duda, ang siyang dahilan ng pagkapanalo niya noon.

Makikita ito sa mga pahayag ni Obama mismo. Kwento ni Tariq Ali, noong nasa harap si Obama ng mga liberal na manonood ng The Daily Show ni Jon Stewart, inamin nitong “Noong ipinangako namin ang ‘pagbabagong pwede ninyong paniwalaan,’ hindi ito ‘pagbabagong pwede ninyong paniwalaan sa loob ng 18 buwan’.” Ang “Yes, we can” pala ay “Yes we can but…” Matapos naman ang eleksyon, sa harap ng pagkatalo ng kanyang partido, yumukod siya: “Sa tingin ko, may mga panahong sinabi lang natin na gawin natin ang isang bagay, sa halip na mag-alala kung paano natin ito ginagawa. At sa tingin ko’y isang problema ito. Nagbabayad ako ngayon sa pulitika dahil dito.”

Sa kongkreto, ganito: sa harap ng napakatinding krisis pang-ekonomiya, maraming ginawa si Obama pabor sa mga naghaharing uri at sa sistemang kapitalista sa US. Kasama rito ang hindi pagtupad sa mga ipinangako noong eleksyong 2008, tampok ang pagtigil sa mga gerang inilunsad ng rehimeng W. Bush. Sinagpang ng Republicans ang mga kakaibang hakbangin niya para pasamain siya, ilarawan ang rehimen niya bilang “sosyalista” o, sa salita niya, “klasikal, tradisyunal na malaking gobyernong liberal.” Pero ito lang ang naging porma ng pagkadisilusyon ng mga mamamayan dahil hindi “nalutas” ng mga hakbangin niya ang krisis – dahil din maka-kapitalista ang mga ito.

Sa pagkadisilusyong ito pinakilos ng Republicans ang kanilang abanteng base, na ang isang tampok na porma ay ang Tea Party – “isang popular na kilusang sangkot sa (kalakha’y) di-marahas na pakikitunggaling makauri. Tinig ito ng bulnerableng Kristiyanong puting mga uring nakakababa at panggitna. Nasa krisis ang mundo nila, gumuguho sa paligid nila. Ang dating kinaiinggitang pribilehiyong panlipunan nila na nakabatay sa lahi (race) ay hindi na nagbibigay ng proteksyon sa pagpapahirap ng kapitalismong corporate. Bilang tugon, nagkuta sila sa ligtas na muog ng galit at humanay sa absolutismong ideolohikal at moral… ng mga paksyon ng super-yaman…”

Ang problema, sa kasaysayan, napakahalaga pala ng mga eleksyong mid-term para sa mga presidente ng US: ito ang nagtatakda ng magagawa nila sa natitirang panahon sa termino. Ayon kay John Nichols, naitulak lang ni Franklin Delano Roosevelt ang New Deal bilang tugon sa Matinding Depresyon noong dekada 1930 matapos manalo ang mga kapartido niyang Democrats. Todong naipatupad naman ni George W. Bush ang mga mapandigma at militaristang patakaran niya matapos manalo ang kapwa- Republicans. Waring naprenuhan naman ang mga gustong gawin nina Ronald Reagan at Bill Clinton sa kani-kanyang termino noong natalo ang mga kapartido nila.

Kaya nga mapapaisip ka tuloy: hindi kaya sinadya ni Obama at ng rehimen niya na matalo sa eleksyong ito at hindi tuparin ang mga ipinangako? Tutal, sabi ni Alexander Cockburn, “Hindi siya naglatag ng nakakakumbinsing temang pampulitika, hindi naglunsad ng epektibong opensa, sumandig sa team ng mga tagapayo na kaduda-duda ang kakayahan, at kinapos na ng hangin. Siya mismo, sinubukang mangampanya pabor at kontra sa epektibong papel ng gobyerno, ginawa ang pambatang paghahalintulad sa pambahay at pampederal na badyet, naghatid ng sali-saliwang mga mensahe, nilustay ang tiwala ng mga kabataan at ng mahalagang bahagi ng mga independyente.”

“Kung gusto, may paraan; kung ayaw palaging mayroong dahilan.” Ito ang iginigiit ni Richard Anderson-Connolly. Sa kabila aniya ng tagumpay ni Obama sa eleksyong 2008, nangako ang huli ng “bipartisanship” at binigyang-halaga ang mga manghaharang sa mga ipinangakong reporma. Ayon sa manunulat, mas “makatwirang” interpretasyon sa mga nangyari na “nilayon ni Obama na isabotahe ang kanyang repormistang adyenda o, mas tiyak, walang gayong adyenda si Obama at gumamit lang siya ng retorikang repormista.” Baka naman talagang naipit lang si Obama sa matinding krisis? O baka talagang naipit siya sa matinding krisis kaya ganito na lang ang ginawa niya?

Hindi ko alam kung ano ang wastong maka-Kaliwang taktika sa eleksyon sa US, kung ano ang mas papakinabangan ng mga mamamayang Amerikano at ng kilusang Kaliwa sa matagalan: Ang todo-todong paglalantad-pagmumulat na walang pagkakaiba ang mga Democrats at Republicans at bulok ang eleksyon sa sistemang kapitalista? O ang pumasok sa argumentong “lesser evil” tuwing may eleksyon – gaya ng tinutuligsa ni Anderson-Connolly sa mga liberal na may “antas ng pagiging utu-uto” para maniwalang talagang may adyendang repormista si Obama? Ang hinala ko, ang una ang pangunahin at maaaring pumasok sa ikalawa kapag may konsiderasyong taktikal.

Anu’t anuman, kaawa-awa ang moda rito ng iginagalang na progresibong direktor-dokumentaristang si Michael Moore, bagamat sa kalakha’y mas marami siyang positibo kaysa negatibong nagawa para sa Kaliwa. Nasa balangkas pa rin siya ng “Itulak si Obama na maging maka-mamamayan” sa pagpapakita ng mga paraan para mailigtas ni Obama ang sarili – sa pagiging maka-mamamayan nga. Hindi kaya’t panahon na para pag-ibahin ang interes ng mga mamamayang Amerikano sa interes ni Obama at sukatin-tuligsain ang huli batay sa una? Para pawiin ang mga ilusyon at igiit na ang sama-samang pagkilos talaga ng mga mamamayan ang magluluwal ng pagbabago?

Pumatol noon sa moda ni Moore at ng iba pa si Richard Seymour, sosyalistang blogger. Batay sa isang pahayag ni Roosevelt, ito ang kongklusyon niya: “Aral ng kwento: kung gusto ninyo talagang maging katulad ni [Roosevelt] si Obama, bantaan ninyo siya ng rebolusyon.” Malinaw na mas matapang ito sa disposisyon ni Moore, pero bukas sa misinterpretasyon. Hindi naman pagtutulak sa isang rehimen ng naghaharing uri na maging maka-mamamayan ang layunin ng pagsusulong ng rebolusyon. Mas masahol: hindi makakaabante ang pagsusulong ng rebolusyon kung matatali ito sa ganitong layunin. Hindi paggamot sa sistema ang layunin ng rebolusyon, kundi pagpalit dito.

Iyan ang kaibahan ng “rebolusyon” na isinusulong ng Akbayan at ng rebolusyon ng pambansa-demokratikong Kaliwa – na lalong tumining sa ilalim ngayon ng rehimen ni Noynoy Aquino. Kung hindi sila madidisilusyon o kakalas sa malao’t madali, maisasama sila sa hukay ng rehimeng ito – bagamat ngayon pa lang ay mas malinaw nang instrumento sila ng rehimen kaysa kritiko nito. Mga tanga lang, tulad ng mga taong-midya ng rehimen, ang magsasabing walang batayang ikumpara si Obama kay Noynoy. Nasa delikado talaga ang lagay ng mga naghaharing rehimen dahil sa krisis pandaigdig. At ang nagbibigay ng pag-asang hungkag, mas masaklap ang lagapak.

09 Nobyembre 2010

Galing ang napakagagandang larawan sa itaas kay Eneko.

Ay, may ganito rin palang tuligsa si J. Ramsey sa Kasama Project kay Michael Moore. Kongkreto ang paglalarawan ni Gary Younge sa Tea Party, at naaalala raw ni Noam Chomsky sa kilusang ito ang pag-usbong ng Nazismo sa Germany. Walang kwenta ang paghuhugas-kamay ni George W. Bush sa papel niya sa paggera sa Iraq, na kesyo “dissenting voice” daw siya. Bakit, demokratikong sentralismo ba ang prinsipyo nila sa White House? Tapos, binigyang-katwiran naman niya ang gera.

May komentaryo si Ninotchka Rosca sa dalawang Pinay, at ang isa ay ang notoryus na si Mai Mislang. Sang-ayon si Mike Ely sa kritisismo ni Alain Badiou kay Slavoj Zizek tungkol sa pagsipi ng huli sa mga paninira kay Mao. Hindi lang mga rasistang komento ang patunay ng rasismo sa US, ayon kay Mark Lance. Magandang pagsusuri sa inabot ng welgang bayan sa France.

“Kung nagmamahal ka, kailangan mong lumaban sa kawalang-katarungan,” sabi ni Ina Silverio-Gargar kaugnay ng mga desaparecido.  “Ang mga manggagawa ang lumilikha ng yaman, pero hindi sila nagiging mayaman,” sabi ni Victor Villanueva kaugnay ng nagbabantang welga sa Philippine Airlines. “Kaya kung gusto nating maibasura ang budget cuts, kinakailangan nating aabutin ang pinaka-antas ng protesta na inabot natin nung nakaraang semestre…at higitan pa ito,” sabi naman ni Anton Dulce tungkol sa kaltas sa badyet sa edukasyon.

Follow

Get every new post delivered to your Inbox.

Join 118 other followers