Monthly Archives: January 2011

Kaarawan ng Isang Abogado ng Bayan

Kaarawan pala ngayon ni Atty. Remigio “Meng” Saladero, Jr., ang legal counsel ng Kilusang Mayo Uno at, isang malaking karangalan para sa akin, kapwa-kolumnista sa Pinoy Weekly. Naging laman siya ng balita noong 2009 dahil ikinulong siya ng gobyernong Gloria Macapagal-Arroyo batay sa mga gawa-gawang kaso – bahagi ng malupit na atake ng rehimen sa kilusang paggawa at mga manggagawang Pilipino.

Kakaibang abogado – hindi, kakaibang nilalang – itong si Atty. Meng. Hindi katulad ng mga istiryutipikal na abogadong laging magara ang bihis at magarbo ang pananalita, simple lang gumayak at mangusap itong abogado ng mga manggagawa. Hindi katulad ng inaasahan sa isang abogadong tulad niya, tahimik siya sa mga usapan, nakikinig sa sasabihin ng iba, pasensyosong naghihintay ng kanyang pagkakataong magsalita.

Noong nakulong siya, lumabas ang isa niyang secret weapon: ang kanyang misis na si Maricel. Katulad nina Ka Osang Beltran at Edith Burgos, tumampok siya sa panahong sinisikil ang kanyang asawa. Ipinakita niyang kapag pinaparangalan ang mga lalakeng aktibista, kailangan ding parangalan ang kanilang misis – na hindi lang nagsisilbing “inspirasyon” kundi aktibong katuwang sa pakikibaka, kasing-husay ng mister nila.

Isa sa mga tampok na kasong huling hinawakan ni Atty. Meng ang sa 20 manggagawa ng Karnation Industries and Export Inc. na gumagawa ng handicraft. Matapos ang mahigit dalawang taon ng pagkakakulong, dahil sa kasong isinampa ng kanilang employer kaugnay ng inilunsad nilang welga, nakalabas sila sa kulungan sa tulong ni Atty. Meng – pero ito ay matapos dalawa sa kanila ang mamatay sa loob ng piitan.

Nagkaroon ako ng pagkakataong makita in action itong si Atty. Meng. Pinuntahan niya ang isang pagpupulong ng mga manggagawang lumalahok sa isang certification election. Wala siyang kotse, at lalo na ako, kaya nagdyip at naglakad lang kami. Maputik at maamoy ang mahabang daan papunta, habang mabanas at mausok sa loob ng bahay. Wala siyang reklamo, nakikinig at pangiti-ngiti sa pagpaplano ng mga manggagawa.

Noong siya na ang magsasalita, tinanong siya ng manggagawa: Ano ang pwedeng aksyong ligal laban sa kapitalistang naga-outsourcing sa sarili niyang kumpanya na pinagmumukha niyang pag-aari ng iba? Kiling ang batas sa kapitalista, pero hindi ito tahas na sinabi ni Atty. Meng. Inisa-isa lang niya ang mga probisyon ng batas. Paulit-ulit ang manggagawa sa pagtatanong: Ibig ninyong sabihin, mahirap talagang kasuhan?

Hanggang sa halos sumisigaw na ang manggagawa sa pagtatanong, nanggagalaiti hindi kay Atty. Meng kundi sa batas. At ang pobreng atorni, mahinahon pa ring nagsasalita, nangingiting naiiling sa limitasyon ng batas na sa pagpipilit niyang ipaliwanag ay lalong nalalantad na maka-kapitalista. “Show, don’t tell” ang isang panuntunan ng mga manunulat ng katha, at napakahusay rito ng abogadong ito.

Kongkretong ipinakita niya sa manggagawa ang nasasabi niya sa kanyang kolum: na walang mapapala ang mga manggagawa kung todong sasandig sa batas. Pwede at dapat pumasok sa mga aksyong ligal, pero hindi ito ang mapagpasya sa pagsulong ng karapatan at interes ng mga manggagawa. Ang mapagpasya pa rin ay ang sama-samang pagmumulat, pag-oorganisa at pagkilos para isulong ang interes ng uri.

Abogadong maka-manggagawa muna bago abogado, unyonista at hindi ligalista, alam ang lugar ng batas sa pakikibaka para sa maka-manggagawang bukas, minamahal ng napakaraming obrero sa hindi pagtahak sa landas na pinili ng marami niyang pañero, at yumayakap sa kaakibat na hirap at sakripisyo. Maligayang kaarawan, Atty. Saladero.

27 Enero 2011

Galing ang larawan sa itaas dito.

Napansin ko ang blog ni Lourd de Veyra, at nagustuhan ko ang mga inirerekomenda niyang maging Pambansang Alagad ng Sining. Isang blog tungkol sa buhay at pakikibaka ni Lorena Barros.

Nagdiwang ang mamamahayag na si Raissa Robles sa paglalantad ni Caloy H. Conde sa pekeng mamamahayag na si Rigoberto Tiglao. Isa pang paglalantad sa tambalang Tiglao-Mario Miclat.

“Ingay” ang tawag ni Richard D. Wolff sa mga pangakong makakabangon na ang ekonomiya ng US sa krisis. Matapos ni David Harvey, may website na rin ang radikal na geographer na si Neil Smith.

Limampung impluwensyal na progresibo, ayon sa kaliwa-liberal na magasing The Nation. Nakakatawag-pansin ang tanong na ito ni Adam Kotsko: tungkol sa distansya ng isang awtor at ng mga komentaryo tungkol sa gawa niya. Binabasa ni Jodi Dean ang What is to be Done? ni Lenin. Para sa isang kaibigang nag-iisip magsulat tungkol sa The Communist Hypothesis ni Alain Badiou.

Divide Then Subsidize

Sa dulo ng programang Mel and Joey noong nakaraang Linggo, may “debate” na naganap tungkol sa taas-pasahe sa MRT at LRT at dagdag sa toll fee sa NLEX at SLEX. Halatang palabas – sa masamang pakahulugan nito – ang ipinakita, na dumulo sa pag-endorso at “pagpapaliwanag” o pagtatanggol ni Mel Tiangco sa nasabing mga pagtaas.

Humirit ang panig ng kontra na niloloko ang mga tao sa mga pagtaas. Hindi ko alam kung saan nanggaling ang akusasyong ito – dahil hindi naman iyan pinapatampok ng mga tutol. Mabilis itong sinagot ng isang opisyal ng gobyerno: may konsultasyon daw tungkol sa pagtaas, kaya walang panloloko. Palakpakan – na hindi ko rin naintindihan.

Biglang pasok si Tita Mel. Ang punto niya: “unfair” o hindi patas na sinusubsidyuhan ng buwis ng mga mamamayan ng Visayas at Mindanao ang transportasyong pinapakinabangan ng mga taga-Luzon. At kung hindi magtataas, mapapabayaan ang maintenance ng mga pasilidad. Kahiya-hiya raw tayong mga Pinoy kapag nangyari iyun.

Ang totoo, alingawngaw lang ang sinabi ni Tita Mel ng mga pahayag ni Pres. Noynoy Aquino. Mahusay nang nasagot ang puntong ito ni Manuel F. Almario, masipag na lumiliham sa Philippine Daily Inquirer. Aniya, palyado ang katwiran ni Noynoy: huwag nang magtayo ng tulay sa Visayas at Mindanao, huwag na ring magtayo ng mga ospital.

Hindi ito ang unang beses na hinati ng retorika ng gobyerno ang mga mamamayan sa usapin ng subsidyo. Noong dinepensahan nito ang pagtaas ng matrikula at tuwing dinedepensahan nito ang pagkaltas ng subsidyo sa Unibersidad ng Pilipinas, sinasabi nitong maling subsidyuhan ng mga mamamayan ang umano’y mayayamang iskolar.

Maririnig din ang ganitong paghati sa mga mamamayan sa usapin ng subsidyo sa pagtatanggol ng gobyerno sa programang Conditional Cash Transfer. Dapat daw ituon ang subsidyo sa “mahihirap pero karapat-dapat (poor but deserving)” – na para bang ayos lang maghirap at magdusa ang minalas na ituring nitong “hindi karapat-dapat.”

Hindi kaila sa marami ang tunay na dahilan ng ganitong katwiran: kaunti lang ang pondong inilalaan ng gobyerno sa mga serbisyong panlipunan, tulad ng transportasyon at edukasyon. Malaking pondo kasi ang ibinabayad sa utang sa malalaking dayuhang bangko at korporasyon, at sa samu’t saring pagkakataon ng mga pulitiko sa korupsyon.

Sa madaling salita, pinaghahati-hati sa barya-barya ang mga mamamayang Pilipino dahil naihatid na ang malaking pera sa kaban ng iilang mayaman at makapangyarihan. Tapos, binibigyang-katwiran ang pagtanggal ng barya-barya sa dating tumatanggap nito sa palusot na ang subsidyong ito ay “hindi patas” o “hindi karapat-dapat.”

Pero sa aktwal, mga mamamayan ang “lugi.” Hindi sa elementarya mapupunta ang badyet na kinaltas sa mga paaralang tulad ng UP, at baka idahilan pang mayroon nang CCT. Hindi sa Mindanao o Visayas mapupunta ang subsidyong aalisin sa MRT-LRT at dapat ilaan sa NLEX-SLEX, kundi sa katiwalian ng nasa pamahalaan at utang panlabas.

Ang mga mamamayan, hinuhuthutan na nga ng buwis, presyong komersyal pa ang binabayaran sa dapat sana’y serbisyong panlipunan. Ang pamahalaan, epektibo sa paghuthot sa mga mamamayan, at sa pagpahintulot sa malalaking kapitalista na gawin din ang ganito, at epektibo rin sa pagkakait ng dapat sana’y serbisyong inihahatid.

Ipinapasilip ng pahayag ni Noynoy ang bansang pinipilit likhain ng pagpapatupad ng gobyerno sa mga patakarang neoliberal para sa kita ng mga naghaharing dayuhan at iilan: walang “bayanihan” ng mga mamamayan sa pamamagitan ng gobyerno, nag-iisa ang bawat tahanan at tao – mga islang pagtawid-buhay ng sarili lang ang inaasikaso.

Takot sa hinaharap, labis na pagkamakasarili, matinding pakikipagkumpitensya sa kapwa, todong pagkayod – ito ang iniluluwal ng ganitong kalagayan. At sa ganitong matabang lupa nagiging kailangan ang pagsibol ng iba’t ibang bulaklak ng “pantasya o pampalubag-loob” – na kadalasang tinutukoy ng luma nang salitang “eskapismo.”

Maaalala ang napakagandang sulating pilosopikal ni Karl Marx patungkol sa relihiyon: “Pinipitas ng kritisismo ang mailusyong mga bulaklak sa tanikala hindi para patuloy na ibilanggo ng nasabing tanikala ang tao nang walang pantasya o pampalubag-loob, kundi para magawa niyang lagutin ang tanikala at pumitas ng buhay na bulaklak.”

At maaalala nating may isa pang tugon sa kalagayang iniluluwal ng mga patakarang neoliberal: Hindi indibidwal o pampamilya, kundi kolektibo, makauri, makabayan. Hindi pagkimkim sa pagmamahal sa kapwa kundi pagpapalaya rito para yakapin ang buong lipunan. Hindi sumusuko, tumatakas o tumatanggap sa sitwasyon. Rebolusyon.

19 Enero 2011

Kuha ang mga larawan ni Jeffrey Ocampo. Maraming salamat!

Maraming salamat din sa mga nag-link nitong huli: Ana Tolentino, M. J. Rafal at Katrina Angela Castro. Tungkol kay Engels at kalikasan, mula kay Diwa Dimagiba.

Never to Walk with Noli de Castro

Ewan ko sa inyo, pero hindi ako nasisiyahan – hindi, naaadwa ako – na mapanood si Noli de Castro sa dati niyang trabaho bilang tagabasa ng gabi-gabing balita sa TV Patrol.

Hindi lang dahil sobrang lakas ng boses niya, parang dati niyang gawi sa radyo’t telebisyon – tipong hindi na akma sa panahon ngayon. At hindi lang dahil nahihirapan ako kapag naghahatid siya ng balita, na madalas syempre ay masama, sa kakaisip kung kritikal o nangangaral siya sa rehimeng Aquino.

Hindi naman nyutral ang balita, sa kabila ng pagpapanggap nito. Pero tatanggapin na lang ba natin na tagahatid ng balita ang pulitikong sagad-sagaring naglingkod sa pinakakinasusuklamang rehimen sa huling kasaysayan hanggang dulo at nang walang paghingi man lang ng paumanhin sa publiko?

Naaadwa ako dahil hindi ako mapakaling nakabalik lang si Kabayan sa dati niyang trabaho at sa kaakibat nitong prestihiyo nang ganoon-ganoon lang. Ito rin ba ang hinaharap ng amo niyang si Gloria Macapagal-Arroyo matapos ang lahat ng katiwalian, paglabag sa karapatang-tao, pahirap na patakaran?

Malamang, resulta ito ng kasunduan niya at ng pamilyang Lopez ng ABS-CBN: na makabalik siya sa “pamamahayag” dahil hindi siya tumakbo sa eleksyon at lumaban sa manok ng mga Lopez na si Noynoy Aquino. Pero ganoon na lang? Isalaksak na lang ang kasunduan sa publikong walang kalaban-laban?

Kapag tila kumokondena siya sa mga krimen, kumakabig siya sa publiko. At minsan, nakakatawa ang hirit niya. Nitong huli, ibinalita ang malaking ibon na sumalakay sa mga pulis na nagsasanay. Pakli niya, “Pati mga ibon ngayon, galit na sa mga pulis.” Napapalambot kaya ang puso ng publiko ng pagngiti?

At hindi pagpapatawad at paglimot ang dapat na moda natin ngayon, lalo na para sa mga nagkasala pero ni hindi humingi ng dispensa. Dapat ay galit at pagkondena. Gaano kadalas nagtatago ang tigas-loob na kawalang-pakialam sa mapagmahal umano na pagpapatawad at paglimot? Pinagmumukhang normal at ginagawang katanggap-tanggap ng pagbabalik ni Kabayan sa TV Patrol ang pagreretiro sa payapang buhay ng mga susing opisyal ng salot na rehimeng Arroyo.

13 Enero 2011

Galing ang larawan dito.

Nabigo ang Multikulturalismo

/1/

Natawag ang pansin ko ng balitang ito sa Philippine Daily Inquirer nitong 04 Enero ngayong taon: “’OFWs must be taught ways of hosts’.” Ano na naman kaya ang kailangang ituro sa mga Pilipinong mago-Overseas Filipino Worker para umakma sa “kultura at mga praktika” ng mga bansang pupuntahan nila? Ano na naman kayang problema sa mga Pinoy ang sinisisi ngayon?

Sa balitang ito, nananawagan ang isang G. Jackson Gan, bise-presidente ng isang Federated Association of Manpower Exporters Inc., sa Overseas Workers Welfare Administration o Owwa na baguhin ang pre-departure seminars o PDOS na ibinibigay ng naturang ahensya sa mga Pilipinong nagbabalak mag-OFW para umano maiangkop nito sila sa pupuntahan nilang bansa.

Dalawa ang insidenteng ginamit ni G. Gan na batayan ng panawagan niya: ang isang OFW galing Saudi Arabia na nahulihan ng 150 libra ng tanso na ninakaw sa kanyang amo, at ang mga OFW galing Taiwan na nahulihan ng mga alambre ng ginto na ninakaw rin sa pagawaang pinagtatrabahuan nila. “Nakakahiyang mga insidente” ang itinawag ni G. Gan sa dalawang kasong ito.

Nagulat ako sa laman ng balita: Sinasabi ba ni G. Gan na mikrobyo ng mga Pinoy ang pagnanakaw – na kailangang banlian at banlawan ng PDOS sa mga gustong maging migranteng manggagawa sa ibang bansa, dahil hindi kultura ng ibang bansa ang pagnanakaw? Hindi ko alam kung may lahing Arabo at Taiwanese ako, pero alam ko bilang Pinoy na bawal talaga ang magnakaw.

Palyado ang mga batayan ni G. Gan. Nakakaintriga tuloy ang intensyon ng grupo niya. May gusto kaya itong ipasok na kurso sa PDOS na pagkakaperahan? O mga rekrut kaya nito ang mga nadakip at nahihiya itong tanggapin ang sisi sa pang-uumit – kung may sisi man bukod sa pagsingil ng recruitmen fee na sa grabeng laki’y nakaudyok ng pagnanakaw – kaya sinisisi nito ang PDOS?

/2/

Anu’t anuman, nabasa ko ang isa pang balita ilang buwan na ang nakakaraan: Ayon kay Angela Merkel, chancellor ng Germany, “sobrang nabigo” ang pagsisikap na lumikha ng lipunang multikultural sa bansa niya. Sobrang kaunti raw ng hinihiling sa mga migrante noon at kailangan na raw nilang matuto ng wikang Aleman para makaangkop sa paaralan at makakuha ng trabaho.

May tumitining na mensahe: kailangang umangkop ang mga migranteng manggagawa sa kultura at mga praktika ng mga bansang pinupuntahan nila. May ipinapahiwatig na mga negatibong epekto sa mga gustong magmigrante o mga migrante mismo kapag hindi tumalima: hindi sila matatanggap sa trabaho, o masisisante sila sa trabaho at titindi ang pagka-etsapwera nila sa ibang bansa.

Dahil sa matinding krisis pang-ekonomiya sa mundo ngayon, na nagdudulot ng kawalang-trabaho kahit sa mga abanteng kapitalistang bansa, lumiliit talaga ang dating mas malawak na oportunidad ng mga Pilipino na makapagtrabaho sa ibang bansa at lumalaki talaga ang posibilidad na marami ang masisante sa kanila. Batay sa mga ulat ng mga eksperto, dadami ang mga kaso ng ganito.

Ipinapasa nina Gng. Merkel at G. Gan sa indibidwal na mga migrante at sa gobyerno ng Pilipinas ang pananagutan sa mangyayari sa mga gustong magmigrante at mga migrante. Inililihis nila ang sisi palayo sa matinding krisis ng sistemang kapitalista, patungo sa mga nabanggit – na minimal naman ang magagawa para baguhin ang sitwasyon ng mga migranteng manggagawa.

Bahagi ang mga pahayag ng dalawa ng kampanyang ipatanggap sa mga migrante, gustong magmigrante, at mamamayan ang pagliit ng pagkakataong makapagtrabaho at pagkaunti ng mismong trabaho sa ibang bansa. Ipinapatanggap din sa mga nabanggit ang mas mababang sahod, mas mababang oras ng paggawa, mas kawalan ng seguridad sa trabaho, at mas pagbusabos sa mga migrante.

/3/

May komentaryo si Terry Eagleton, Marxistang intelektwal na Ingles, kung saan sinabi niyang mapanganib ang multikulturalismo para sa “mga nasa kapangyarihan.” Isang panganib raw ito “dahil ang klase ng estadong pampulitika na mayroon tayo [sa Inglatera] ay nakasandig sa mahigpit na pangkulturang konsensus para ipatupad ang mga patakarang mapanghati sa ekonomiya.”

Syempre pa, isang tugon ang multikulturalismo – na nagtutulak ng paggagalangan at pagkakapatiran ng mga kultura ng iba’t ibang mamamayan – sa loob ng mauunlad na bansa sa umigting na migrasyon ng lakas-paggawa mula Ikatlong Daigdig matapos ang ikalawang digmaang pandaigdig at kaakibat nitong huli ng neoliberal na deregulasyon ng pamilihan ng lakas-paggawa sa mundo.

Kaduda-duda kung totoong nagmumula sa mismong dami ng kultura ang problema ng mga Estado ng mga abanteng kapitalistang bansa sa migrasyon ng lakas-paggawa. Mas malamang, nakaugat ito sa limitasyon ng pang-ekonomiyang oportunidad na maiaalok ng sistemang kapitalista sa mga tao – na siya namang pinag-uugatan ng rasismo ng “sariling mga mamamayan” sa mga migrante.

Anu’t anuman, may nagbabanta sa harap ng matinding krisis pang-ekonomiya sa mundo: titindi ang rasismo at pang-aabuso sa mga migrante, at ang naunang panahon ng pagkabigo ng multikulturalismo ay posibleng tingnan pang panahon ng tagumpay nito. Hindi pa man nagtatagumpay ang multikulturalismo bilang proyektong panlipunan ay tutungo na ito sa lalong pagkabigo.

Ang dapat sigurong tanawin, tulad ng ginagawa ng mga maka-Kaliwang intelektwal, ay ang pagbuo ng isang multikulturalismong rebolusyunaryo, ng pagkakapatiran at pagkakaisa ng mga mamamayan mula sa iba’t ibang kultura sa paglaban sa sistemang kapitalista – na nagdudulot ng pagkakahati at iringan nila habang binubuklod ang mga mapagsamantala mula sa iba’t ibang kultura.

07 Enero 2011

Gawa ang mga poster sa itaas ni Tuomas Ikonen.

Hindi ko sinasadya: May isa, dalawang sulatin si Richard Seymour tungkol sa umano’y rasismo, at hindi lang probokasyon, ni Slavoj Zizek.

Inilagay ni Angela Stuart-Santiago sa blog niya ang sagot ni Elmer Ordoñez sa mga tumuligsa sa paggawad ng Nobel Prize kay Li Xiaobo.

Magandang paglalahad ni Yanis Varoufakis tungkol sa naging karera ng sikat na ekonomistang si Paul Samuelson at sa papel ng huli sa pandaigdigang krisis ngayon.

MonCasiplePeaceTalks

Sa sanaysay niyang “A Serious Peace Initiative,” nag-aalok si Ramon “Mon” Casiple, na humaharap bilang “political analyst” o “manunuring pampulitika” sa midya kahit nakahanay sa Akbayan sa totoong buhay, ng pagsusuri sa kalagayan ng bansa bilang konteksto ng magbubukas na usapang pangkapayapaan sa pagitan ng rehimeng Noynoy Aquino at ng Communist Party of the Philippines.

Dito, binuo ni Casiple ang isang “pulitikal” na pagsusuri sa armadong pag-aalsa sa bansa na isinusulong ng CPP at ng New People’s Army. Aniya, bumuti na ang sistemang pampulitika sa bansa mula nang maibagsak ang diktadurang Marcos at mapanumbalik ang walang kagatul-gatol niyang tinatawag na “demokrasya.” Itinutulak niya ang pagtapos sa armadong pakikibaka at usapang pangkapayapaan sa pamamagitan ng isang “political settlement” – na aniya’y “nakabatay sa pagreporma at pagpapalakas sa demokrasya, at walang sagkang partisipasyon ng CPP sa ating mga prosesong pampulitika” – tampok ang eleksyon.

(1) Nakadireksyon ang pagsusuring inilalako ni Casiple sa pagpapabilis ng pagtapos, pero hindi ng pagresolba, sa armadong rebolusyong pinapamunuan CPP. Sa kabila ng pagpapayo niya kapwa sa gobyerno at sa CPP para magsalubong ang dalawa, malinaw na ang gusto niya ay sumuko ang CPP. Hindi lang pagsuko ng CPP bilang organisasyon sa gobyerno ang gusto niya; mas mahalaga rito, gusto niyang isuko ng CPP ang mga prinsipyo nito at tanggapin, bilang sariling prinsipyo, ang pagbasa niya sa sitwasyong pampulitika ngayon sa bansa.

(2) Sentral sa pagsusuring inilalako ni Casiple ang paghiwalay ng pulitika sa ekonomiya at pagbibigay ng pokus sa una – nang hindi iniuugnay sa, at nang hindi pinagyayaman ng, ikalawa. “Pulitikal ang dapat na pundamental na batayan ng mga negosasyon,” aniya, at ang pagdidiing ito sa pulitika ang partikular na taktika ng pagsisikap niyang mapasuko ang CPP.

(3) Pero mahigpit na magkaugnay ang ekonomiya at pulitika. Kapos at mapanlinlang ang anumang pagsusuri na nagsisikap silang paghiwalayin. Kahit ang mga problemang tinutukoy ni Casiple, sa makaisang-panig na pagsuri niya sa pulitika, ay nakaugat sa sistemang pang-ekonomiya. Aniya, ang mga natitirang problema ng bansa ay ang “patuloy na pag-iral ng warlordismo at mga pribadong grupong armado, ang politisasyon ng [Armed Forces of the Philippines] at ng pwersa ng pulisya, at ang iba’t ibang hadlang sa todong pagtamasa ng mga mamamayan ng mga bunga ng napanumbalik na demokrasya.” Idagdag na rito ang tinutukoy niyang “pulitikang personalistiko at pinaghaharian ng mga angkan, ng ‘guns, goons and gold’.” Kung papalalimin ang mga suliraning ito, makikitang hindi karaniwang mga mamamayan ang responsable, kundi ang mga burges-komprador at panginoong maylupa – mga uring naghahari sa sistemang pang-ekonomiya.

(4) Mula sa isang perspektibang Marxista, pinatigas ng kapitalistang moda ng produksyon ang pagsasanga-sanga at espesyalisasyon ng kaalaman sa iba’t ibang disiplina at idinulot ang lalo pang pagsasanga-sanga at espesyalisasyon ng mga ito. Bukod pa ito sa pundamental na pagkakawalay ng mental at manwal na paggawa na idinulot ng kapitalismo. Resulta ito ng tulak ng kapitalismo na paunlarin ang mga kagamitan sa produksyon at lumikha ng yaman nang walang kaparis sa kasaysayan. Katulad sa pag-unlad, na mas tamang tawaging “pagrebolusyonisa,” sa mga kagamitan sa produksyon na ginawa ng kapitalismo, ang pagharap dito ng mga Marxista ay hindi ang hilingin ang pagbabalik ng kasaysayan sa nauna – ang yakapin ang naunang pyudal-relihiyosong kaalaman, sa kasong ito. Ang tinatanaw at sinisikap ng mga Marxista ay ang pagsulong mula sa kasalukuyan – ang pag-uugnayan at pag-aambagan ng iba’t ibang disiplina ng kaalaman para tugunan ang mga pangangailangan at ang pakikibaka ng nakakaraming manggagawa at mamamayan. Sa kaso ng ekonomiya at pulitika, halimbawa, ang pagsisikap ay makikita sa “ekonomiyang pampulitika” – na nagpapakita kung paanong magkaugnay ang dalawa. Paalala ng isang Marxistang intelektwal: Marxista ang mismong reyalidad.

(5) Kontra-mamamayan ang ikahon ang pakahulugan ng “demokrasya” sa regular na pagdaraos ng eleksyon at pormal na paggarantiya sa pagpapahayag ng mga kaisipan, at nang sa gayon ay magawang tawaging “demokrasya” ang umiiral sa bansa, tulad ng ginagawa ni Casiple. Dapat suriin ang nakadeklarang demokrasya sa pulitika nang kaugnay ng aktwal na kawalan ng demokrasya sa ekonomiya. Kahit ang mga eksperto sa agham panlipunan, hindi man progresibo, ay nagsasabi: sinisira at sinasalaula ng kawalan ng demokrasya sa ekonomiya ang demokrasya sa pulitika – sa puntong nagiging kwestyonable kung demokrasya pa ang huli. Maaaring mas gumanda ang tanaw kung magpopokus sa pulitika pagkatapos ng diktadurang Marcos, pero kung titingnan ang ekonomiya – at ang pulitika nang kaugnay ng ekonomiya – makikitang wala gaanong pagsulong. Sa kasaysayan ng lipunang Pilipino kung saan nakakarami ang naghihirap at iilan ang mayaman, naglingkod sa pangunahin ang pampulitikang “demokrasya” sa demokrasya ng mga naghaharing uri na ipinapataw nila bilang diktadura sa sambayanan.

(6) Paano at hanggang saang antas kaya isang kakatwang patunay ang pagkabilib sa eleksyon maging ng mga nagpapanggap na progresibo sa bansa ng lakas ng propaganda para sa “demokrasya” ng sukdulang kontra-demokratikong imperyalismong US?

(7) Sa kasaysayan ng mga progresibong kilusan sa mundo, hindi naging pangunahing larangan ang eleksyon ng pagdudulot ng makabuluhang pagbabagong panlipunan. Mula sa perspektibang ito, walang batayan para magmukhang kaakit-akit ang panawagan ni Casiple, patungkol sa mga Komunista na “Hayaan silang lumahok sa demokratikong eleksyong malaya at patas at bigyan ang mga mamamayan ng pagkakataon na tingnan ang kanilang inilalako at bilhin o ibasura ang mga ito. Ito ang esensya ng demokrasya.” Larawan ang Chile kung paanong pinahirapang magdulot ng pagbabago at marahas na ibinagsak ng pagsasabwatan ng mga naghaharing uri, ng militar at ng US ang mga sosyalistang gobyernong nahalal sa eleksyon. Larawan ang Venezuela kung paanong bagamat maraming tagumpay ang nakamit ng mga gobyernong anti-neoliberal ngayon na naluklok sa eleksyon, limitado at laging nasa panganib ang mga nagagawa nilang pagbabago. Larawan ang Indonesia ng rurok ng pagdahas sa mga Komunista na nakasandig sa ligal na pag-iral: milyun-milyong Komunista ang walang kalabang-labang minasaker dahil sa paglakas nila sa harap ng kawalan ng atrasan sa armadong paglaban.

(8) Sa kahit anong tunay na negosasyon, hindi uubra ang maling pag-unawa ng isang panig sa kahilingan ng kabila. Walang mangyayari sa usapang pangkapayapaan kung hindi kikilalanin ng gobyerno ang mga tunay na ugat ng rebolusyong isinusulong ng CPP batay mismo sa pag-unawa ng CPP at ng ibang grupo rin sa bansa. Walang mangyayari kung ang sinasabi ng CPP na mga ugat ng pag-aalsa nito ay papalitan ng gobyerno ng mga gawa-gawang dahilan tulad ng “pulitikal” na inihahapag ni Casiple.

(9) Sa isang pagtingin, nagbebenta si Casiple ng dahilan na pwedeng gamitin ng rehimen para itigil ang usapang pangkapayapaan – katulad ng ibinebenta ngayon ng militar na mga usapin sa rebolusyunaryong pagbubuwis ng CPP at NPA. Pwedeng ipangako ng rehimen na tutugunan ang mga suliraning sinabi ni Casiple nang hindi tinutugunan ang mga dahilang sinasabi mismo ng CPP. Pwede nitong ialok sa CPP ang “political settlement” ni Casiple at sa batayang ito ay makipagmatigasan hanggang magsara, muli, ang usapang pangkapayapaan. Pwedeng gamitin ang “political settlement” ni Casiple para isabotahe ang negosasyon at todong pawalang muli, nang may pakiwaring makatwiran na ito, ang pandarahas sa Kaliwa.

(10) Isa sa gawa-gawang dahilan ni Casiple kung bakit dapat mabilisang makipagkasundo ang CPP sa gobyerno ay “kapwa walang pinapatunguhan ang armadong pakikibaka ng CPP at ang programang kontra-insurhensya ng AFP para maangkin ng isang panig ang ganap na tagumpay sa kalaban.” Kahit ipagpalagay na tama ang pagsusuring ito, sa harap ng mas malaking pondo at tauhan ng AFP, dapat ituring itong mas tagumpay ng CPP.

(11) Ang gusto ni Casiple ay ibasura na agad ng CPP ang buong estratehiya nito, kasama ang taktika nito sa negosasyong pangkapayapaan, sa batayan ng aniya’y “kaseryosohan” ng rehimeng Aquino. Pero ang ipinakitang “kaseryosohan” ng rehimen ay sa pagsisimulang muli pa lang ng usapang pangkapayapaan, hindi pa sa kabuuan nito tulad ng ipinagkakamali ni Casiple. Ang pinakamahusay na sukatan ng kaseryosohan ng rehimen ay makikita pa lang – sa aktwal nitong pagtugon sa mga mayor na kahilingan ng CPP sa mismong negosasyon.

(12) Gasgas nang retorika ang sabihing dapat magbago ng isip at “tumanda nang may pinagkatandaan” ang CPP at iba pang progresibong organisasyon dahil marami na umano ang nagbago sa mundo – ang sabihing “Kailangan din ng CPP na ibasura ang mesiyaniko, ‘wastong’ balangkas na pang-ideolohiya na uso noong dekada ’60. Malaki ang pagkakaiba ng mundo ng ika-21 siglo sa mundo ng nakalipas na 50 taon.” Hindi tulad ng mga Partido Komunista sa ibang bansa na humina matapos ang dekada ’60, lumakas ang CPP matapos ang nasabing dekada at nananatiling pwersang pampulitika hanggang ngayon – patunay na hindi lang sa dekadang iyun nauso ang balangkas ng CPP. Madaling sabihin ang ganitong mga bagay nang hindi nagbabanggit ng kongkreto at makabuluhang patunay. Madali ring sabihin sa isang organisasyon na ibasura ang pagtinging “wasto” ang ideolohiya nito lalo na’t hindi iniisip na buhay at kamatayan ang pakikibakang isinusulong nito.

(13) Sa sanaysay niya, hindi na nagpapanggap na maka-kaliwa si Casiple, tulad ng dating pagpapanggap ng grupo niyang Akbayan. Dito, makikita na isa siyang liberal-demokratiko – yumayakap nang buung-buo sa gobyerno at sa sistemang umiiral sa bansa, mas panig kaysa kritikal sa mga ito. Aniya, “Kailangan ng gobyerno… na pagkaisahin ang mga mamamayan para pahusayin ang kakayahan nitong imaniobra ang bansa sa dagat ng kawalang-katiyakan na dulot ng mga krisis.” Sinasabi rin ng gobyerno at iba’t ibang rehimen ang panghuling pananalita niya: “Dapat paglingkuran ng lahat ang sambayanan, hayaang maghilom ang mga sugat ng digma, at pagkaisahin natin ang sambayanang Pilipino na isang pamilya.”

(14) Pahabol lang: Dahil nasa pwesto sa rehimeng Aquino ang mga opisyal ng Akbayan, mas may pera ang organisasyon nila ngayon, hindi ba? Kayang-kaya nilang magbayad para sa isang website. Eh bakit matagal nang patay ang website nila, na aktibo at pinapabongga tuwing eleksyon? Para huwag nang maungkat ang kanilang mga retorika tungkol sa sosyalismo, prinsipyadong pulitika at mabuting paggugobyerno? Para huwag silang mahuling namimilipit ang dila sa pakikipagsabwatan sa rehimeng Aquino?

02 Enero 2011

Manigong bagong taon sa lahat! Galing ang mga larawan sa itaas sa blog ni Sam Van Olffen.

YouTube muna para sa YouYear: Alam ninyo kung ano ang itsura ni Aling Dionisia kung naging Aprikano-Amerikanong mang-aawit siya na paborito ko? Ganito. Pero heto ang mas gusto kong kanta niya at ng banda niya.

Nitong tumitingin ako ng top songs sa ibang bansa nitong 2010, lagi kong nababasa ang pangalang Janelle Monae, na kamukha ni Monica. Heto ang sikat niyang kanta: “Tightrope.” Natuwa ako sa kanya noong nakita ko siyang nakikisayaw sa parangal kay Anita Baker – si El Debarge, kumakanta ng “Sweet Love.” Heto ang Part 1 ng magagaling na nagparangal.

Pinag-uusapan na rin lang ang parangal, heto ang mula kay Kim Burrell, na ngayon ko lang nakilala, kay Whitney Houston, na halatang matindi ang pinagdaanang problema. Heto naman ang nagustuhan kong kantang gospel nina Whitney at ng magkapatid na BeBe at CeCe Winans: “Hold Up the Light” — mesiyaniko nga lang ang papel na ibinibigay sa US.

Kilala ninyo si Eugene Wilde? Kilala ninyo, hindi lang ninyo alam. Magaling ang boses niya. Heto ang isa, dalawang dueto niya.

Hindi na ito YouTube: Nagbabasa pala si Teodoro L. Locsin, Jr. ng Zizek, sabi sa blog ni Jessica Zafra — pero “okasyunal na sipat” lang ang kinikilala niyang nakukuha rito, hindi raw dapat gayahin ang estilo ng pagsulat, at sipiin tulad ng ginawa ng isang nagsulat ng editoryal ng Inquirer. Salamat kay Leon Dulce! Mahalaga raw ang pagkaka-nominate at muntikang pagkapanalo ng blog na ito sa information technology para sa sambayanan noong 2010.

Follow

Get every new post delivered to your Inbox.

Join 117 other followers