Monthly Archives: March 2011

Ibang Lebel ang Dokyung Ka Bel

 

Isang komentong narinig ko tungkol sa bidyo-dokumentaryong Ka Bel ng Mayday Multimedia ang pagiging “masalita,” lalo na simula sa ikalawang hati. Sana raw ay mas marami ang ginawang pagsasadula o “pagsasapelikula” ng buhay at pakikibaka ni Crispin “Ka Bel” Beltran, makabayang lider-anakpawis at lider-manggagawa. Patungkol ito, na tiyak na nakaugat sa limitadong pondo at rekurso ng mga independyenteng pagsisikap na ganito sa bidyo, sa biswalidad na mahalagang salik ng anumang bidyo.

Sa kabilang banda, narinig ko rin ang komentong “nakakaiyak” ang pelikula, para man sa mga personal na nakakilala kay Ka Bel o sa mga hindi. Ikinangiti ng mga mata kong kakaiyak lang din ang komentong ito; hindi pala ako nag-iisa. Sabi ng isang kaibigan, “Ngayon lang ako ulit umiyak sa isang pelikula,” na sinabi rin daw ng isa pang kaibigan. Kakatwang ang bidyo-dokumentaryong makokomentuhan ng kahinaan sa biswalidad ay humahatak ng napakapisikal na reaksyon ng pagluha sa pandamang biswal ng tao.

Bakit nga kaya? Sa tingin ko, dahil naipakita ng bidyo-dokumentaryo ang tatag at pagpupunyagi ni Ka Bel sa pakikibaka. Buhay na buhay na ipinakita ng Ka Bel kung paanong sinuong ni Ka Bel ang lahat ng karaniwang salik na pwedeng magtulak sa isang aktibista o rebolusyunaryo na “mag-lie-low” sa pakikibaka: pangangailangang pampinansya na laging karugtong ng pagpapamilya, tunggalian at alitan sa mismong organisasyon, matinding pasistang panunupil ng Estado, at panunuhol ng kaaway.

“Ang mga rebolusyunaryo,” kung tama ang alala ko sa sinabi ng isang makata, “kung hindi man pinagtataksilan ng sariling uri ay dinudurog ng kabila.” Nagpakatatag si Ka Bel laban sa atrasadong hatak ng kanyang uri at ng tambalang panunupil-panunuhol ng mga kalaban niyang uring naghahari sa bansa. Nagpakatatag siya sa puntong parang naalpasan na niya ang mga ito – para tuluy-tuloy, pursigido at mahusay na gumampan sa mga tungkulin, malaki man o maliit ang mga ito, bilang aktibista at rebolusyunaryo.

Ipinapaalala ng buhay at pakikibaka ni Ka Bel sa mga aktibista at rebolusyunaryo na “Internal ang Mapagpasya” sa pag-aambag at pagsuong-pagsulong sa pakikibaka – bagay na kailangang ulit-ulitin at tanganan para hindi bumagsak sa pagiging overrated o labis-labis na napapahalagahan na mito lang ng pagsisimula. Ipinakita ng Ka Bel ang mga ambag ng mga mahal sa buhay at kasama ni Ka Bel sa kanyang pakikibaka – na iniluwal ng pagpapasya ni Ka Bel at paglaon ay nila rin sa landas na tatahakin sa buhay.

Sa proseso, ipinakita ng bidyo-dokumentaryo ang pagpapanibagong-kahulugan ng kilusang aktibista at rebolusyunaryo sa bansa sa “tagumpay” sa antas na personal. Walang yumaman sa pelikulang ito; namatay si Ka Bel na pinakamahirap na kongresista habang pinipilit kumpunihin ang butas na bubong ng bahay. Ipinakita ng dokyu ang inaani sa pagmumulat, pag-oorganisa at pagpapakilos sa masa para sa kanilang interes at pagbabagong panlipunan: ang igalang at mahalin ng masa gayundin ng mga kasama.

Sa kabilang banda, hindi isang krusadang moral lang ang kilusang aktibista at rebolusyunaryo na pinamunuan ni Ka Bel. Hindi lang ito tungkol sa pamumuhay nang matuwid at makamasa sa balangkas ng kasalukuyang sistema. Hindi ito sub-kultura kundi kilusang may layuning magtagumpay sa pagbago ng lipunan. Sa panahong lumalakas ang panawagan at pagkilos ng sambayanan para sa pagbabago, ipinapakita ng dokyu ang isang huwaran sa ating buhay, para matanganan natin ang ating papel.

Payong aktibista: Gawin ninyo ang lahat ng makakaya para mapanood ang Ka Bel.

30 Marso 2011

Galing ang mga larawan dito.

Maraming paglilinaw si James Petras sa mga nagaganap sa Libya, isa na ang hindi langis o pang-ekonomiya ang interes dito ng US, kundi geo-pulitikal. Kasabay ng pagpaparusa ng kamatayan sa tatlong Pilipinong napatunayang maysala sa drug trafficking sa Tsina, ibinebenta ni Noynoy Aquino ang bansa, sabi ni Carlos Maningat.

May mahabang panunuri si Karlo Mikhail Mongaya sa maiksing nobelang Widows ni Ariel Dorfman. May siyam na punto naman si E. San Juan, Jr. kaugnay ng mga posibilidad ng Cultural Studies sa bansa.

Aliw lang: mga alaalang pang-hayskul ng isang blogger sa US kaugnay ng bandang Journey. Kapag kinabisado ko ito, magagawa ko ang nagagawa dati ng tatay ko: ang pangalanan ang bawat singer sa kantang “We are the World” habang kumakanta. Hehe.

Libya y Libertad

Lumalabas na naman ang pagiging ipokrito ng imperyalistang US sa pagbibigay-katwiran nito sa gerang agresyong inilulunsad nito sa Libya. “Tumutugon tayo sa mga panawagan ng isang nanganganib na sambayanan,” sabi ni Presidente Barack Obama ng US. Ipinagtatanggol lang daw ng US ang mga mamamayang Libyan na lumalaban at nagpapabagsak sa gobyerno ni Muammar Gaddafi, presidente ng naturang bansa.

May naisulat na ang mga anti-imperyalistang lider sa bansa na sina Satur C. Ocampo, Carol Pagaduan-Araullo at Jose Maria Sison hinggil sa pakay at interes ng US sa Libya.

Malinaw ang karanasan nating mga Pinoy para hindi tanggapin ang paliwanag ng US sa pag-atake nito sa Libya. Noong nilabanan ng sambayanan ang rehimeng Marcos at Arroyo, hindi ang sambayanan ang sinaklolohan ng US kundi ang mga rehimen. Pinagpapatay at sinupil ang sambayanan pero hindi natinag ang suporta ng US sa mga rehimen. Binitawan na lang sila ng US noong malakas na ang paglaban ng sambayanan.

Pero ngayon, nagkukumahog ang US na maglunsad ng matinding agresyon sa Libya – indikasyon na may iba pa itong interes at hindi nito lubos na hawak sa leeg si Gaddafi.

Kaiba sa kagyat at lubos na pagsuporta sa mga pag-aalsang masa na naganap sa Tunisia, Egypt at iba pang bansa sa Middle East at North Africa, may pagtatalo ang mga maka-Kaliwa sa mundo sa kung ano ang pagsusuri at panawagan sa pag-aalsa sa Libya. Sa mga blogger, nagkakaisa sina Mike Ely (Maoista), Louis Proyect (dating Trotskyista), at Richard Seymour (Trotskyista) sa lubos na pagsuporta sa pagpapabagsak kay Gaddafi.

Ang pagsusuri nila: reaksyunaryo at bulok ang rehimeng Gaddafi habang ispontanyo, na may progresibong potensyal, ang nagaganap na pag-aalsang masa kontra sa rehimen.

Hindi pinagtatalunan ng magkabilang panig na may anti-imperyalista at makabayang tunguhin si Gaddafi noong nagsisimula, 42 taon na ang nakakalipas, at tumulong siya sa mga kilusang anti-imperyalista. Pareho ring nagsasabing nakipagkompromiso siya paglaon sa imperyalismo sa ekonomiya bunsod ng malakas na presyur. Pero sinasabi ng isang panig ang hindi sinasabi ng kabila: relatibong maalwan ang kabuhayan sa Libya.

Ano ang katangian ng rehimeng Gaddafi ngayon? Malinaw na hindi rebolusyunaryo at mukhang may pagka-reaksyunaryo. Pero tiyak na naggigiit ng soberanya kontra sa US.

Sa kabilang banda, ano ang katangian ng mga nag-aalsa sa Libya, ang mga tinatawag na “rebelde”? Wala sa dalawang panig ang nagsasabing maka-Kaliwa o progresibo ang mga ito, at ayon kay Proyect ay kahangalan ang humanap ng ganitong grupo ngayon sa mga bansang Arabo. Pero kapansin-pansing ang mga maka-rebelde, itinuturing ang mga rebelde na ispontanyong kumikilos, hindi kilala, at inuudyukan ng kahirapan.

Ang mga kritikal sa pag-aalsa, ipinapakilala ang mga rebelde bilang pinamumunuan ng mga pinaka-reaksyunaryo sa Libya: mga pulitiko at opisyal-militar na suportado ng US.

Sa ganitong kalagayan, kanino papanig ang mga progresibo sa bansa – na dapat ay nagtataguyod ng interes ng sambayanang Libyan? Pinakamainam sana kung may malakas-lakas na kilusang progresibo sa Libya, kaso wala. Sa pagitan ng mapanupil at sa isang antas ay reaksyunaryong naggigiit ng soberanya kontra sa US at ng pag-aalsang pinapamunuan ng mga ultra-reaksyunaryong suportado ng US, malinaw ang sagot.

Sa harap ng nagbabantang pananakop ng US sa Libya, kahit ang mga kontra-Gaddafi ay obligadong lumaban dito. Kung hindi, mahihiwalay sila sa sambayanang Libyan.

22 Marso 2011

Galing ang mga larawan dito.

May mga alaala si Prop. Roland G. Simbulan sa Libya at sa pagiging late. Isang masinsing pagtalakay ni Mohammed Hassan sa kasaysayan at kalagayan ng Libya. Hindi raw matu-tweet ang rebolusyon, sabi ni Scott McLemee.

Woman in the World

Naalala ko ang tanong ng isang sosyalistang feminista sa klase niyang binubuo ng kababaihan: “Kayo ba, hindi ba kayo nababastos kapag sinisipulan kayo ng mga construction worker?” Ang punto niya, malaganap din ang machismo, ang seksismo – o ang tinatawag na “pyudal-patriyarkal” na kaisipan – sa mga inaaping uri. Tama naman. Pero may pagdadala rin sa punto niya na parang kalalakihan ang kalaban ng kababaihan.

Kaya nakakatuwang makita ang pagkilos ng Gabriela noong Marso 8, ika-100 Pandaigdigang Araw ng Kababaihan. Liban sa panawagan para sa Reproductive Health Bill at kontra sa pandarahas sa kababaihan, mga isyu na ng mga mamamayan ang pinatampok: ang kahirapan, kagutuman at pagkabusabos ng mga mamamayan – nang malinaw na nakaturol sa mga kontra-mamamayang hakbangin ng gobyernong Aquino.

Limitado kasi, halimbawa, kung mananawagan ang kababaihang manggagawa at magsasaka ng katulad lang na karapatang tinatamasa ng kalalakihang kauri nila. Una sa lahat, napakalimitado at ginigipit pa nga ang mga karapatan kahit ng kalalakihang mula sa mga inaaping uri. Sa halip na pagkakahati, mas pagkakaisa ng uri ang kailangan at mahalagang patampukin – laban sa kahirapan at sa lipunan at mga uri na ugat nito.

Pero malinaw rin talagang may mga isyung pangkababaihan, tulad nga ng karapatang pang-reproduksyon at pandarahas, tampok ang panggagahasa. Tumatagos ito sa lahat ng kababaihan anuman ang uri, bagamat kahit sa mga ito, mas matindi ang karanasan at masalimuot ang paglaban ng kababaihan mula sa mga inaaping uri. At kahit sa loob ng mga kilusang progresibo, kailangang mulat na isinusulong ang karapatan nila.

Naalala ko rin si Gayatri Spivak, feminista at dekonstruksyunistang intelektwal, na nagkwento tungkol sa reaksyon ng nanay niya sa isa niyang isinulat. Bagamat mahirap daw intindihin ang teksto, hindi ito nagreklamo. “Pero pagkatapos tinanong niya ako ng isang mahirap na tanong: ‘pero mahal, paano mo ito itutugma sa iyong komunismo?’ at syempre ang salita sa panig namin ng mundo ay hindi Marxismo kundi komunismo…”

Anekdota itong mas tungkol sa ugnayan ng gawaing intelektwal at pampulitikang paninindigan, pero may halina ang paggigiit ng paninindigang ipinagpapalagay na makaluma pero taimtim na tinatanganan kontra sa bago nga’y malabo naman ang tunguhing pampulitika. Lalo na’t ang iginigiit ay proyektong pampulitika at pangarap ng pandaigdigang pagkakapatiran at paglaya ng mga inaapi, ng kapwa babae at lalake.

12 Marso 2011

Salamat kina Ms at Js sa paunang pagbasa at pagkomento. Galing ang larawan dito.

Isinalaysay ni Carol P. Araullo ang pagkamulat niya bilang aktibistang babae. Ginunita naman ni Mike Ely ang trahedyang naganap sa ilan sa kababaihang lumahok sa makasaysayang pagkilos noong Marso 8, 1911.

Mahirap daw maniwalang sa isang lungsod na punung-puno ng mga paalala ng mga kapangyarihang naibagsak ay may maniniwalang pwede niyang hawakan ang kapangyarihan nang habambuhay – pagmumuni ni Ninotchka Rosca sa pag-aalsa sa Egypt.

Makabagbag-damdamin ang pagmumuni ni Alain Badiou sa pag-aalsa sa Tunisia at Egypt: “Nagrereseta sila ng mga bagong posibilidad at kung kaya pandaigdigan ang kanilang halaga.”

Sinang-ayunan naman ni Peter Gratton ang sabi ni Badiou na dapat matuto ang mga intelektwal ng Kanluran sa mga nagaganap sa Middle East at North Africa: ipinakita niya ang hibla ng pesimistiko – o Negatron – na pagtingin sa masa sa mga teorya ng mga usong intelektwal.

“Gusto kong ipakita ang mga paraan na ang mga pelikulang hinahangaan ko, o ang mga kaakit-akit para sa akin sa kung anong paraan, ay may orihinal na paraan ng pagsasabi sa atin ng mga bagay tungkol sa mundo, o pagdama ng mga bagay sa mundo.” – Steven Shaviro, sa isang panayam.

May masinsing pagbasa si Rob Horning sa privacy policy ng Facebook. At gaganap si 50 Cent sa pelikulang bersyon ng Things Fall Apart.

Follow

Get every new post delivered to your Inbox.

Join 117 other followers