Katoliko Sarado

Sa interbyu niya sa Buhay Manggagawa tungkol sa kasaysayan ng Araw ng Paggawa, sinabi ni Mandy Felicia, training director ng Ibon Foundation, na pulitikal ang pagdiriwang ng naturang okasyon sa mismong petsang Mayo Uno.

Aniya, ang US, nagdiriwang ng Araw ng Paggawa tuwing Setyembre; mulat na iniwasan ng gobyerno nito ang pagdiriwang sa Mayo Uno. Noong naghari sa mga bansang Germany, Italya at Espanya ang mga pasista, ipinagbawal ang pagdiriwang ng Araw ng Paggawa sa nasabing petsa. Sa Pilipinas mismo, maraming taon munang ipinagdiwang ng mga manggagawa ang okasyon sa Mayo Uno – syempre pa, sa pamamagitan ng mga martsa’t demonstrasyon – bago ito kinilala ng gobyerno.

Militante at radikal kasi ang pangyayaring ginugunita sa Mayo Uno, na siyang naging batayan ng pagkilala rito ng mga manggagawa at mamamayan ng daigdig bilang Araw ng Paggawa. Mga partido ng mga manggagawa at partidong sosyalista rin ang nanguna sa pagtulak na Mayo Uno ang ituring na Araw ng Paggawa.

Ginugunita sa Mayo Uno ang pag-aaklas ng mga manggagawa sa US noong 1886, 125 taon na ngayon, para sa panawagang otso-oras na paggawa. Namamayani noon ang hanggang 14 na oras na pagpapatrabaho at literal na pinapatay ang mga manggagawa ng pagtatrabaho. Makikita rito, samakatwid, ang grabeng pagsasamantala ng uring kapitalista sa mga manggagawa – na napaatras lang, kahit bahagya, ng paglaban ng mga manggagawa. At dahil dinahas ang mga manggagawa ng pulisya ng Estado, ipinapakita ng pangyayari ang sabwatan ng mga kapitalista at Estado.

Mahalaga ang Mayo Uno ngayong taon. Magaganap ito sa gitna ng matinding pang-ekonomiyang krisis sa mundo. Taliwas sa mga pahayag ng mga tagapagtanggol ng pandaigdigang sistemang kapitalista, hindi natapos agad ang krisis pagkaputok noong Setyembre 2008; nagpapatuloy ito at nagbabanta pang sumahol.

Mahalaga rin ito dahil simula nang pumutok ang krisis, bumuhos simula noong 2010 ang iba’t ibang klase ng protesta ng mga manggagawa at mamamayan ng daigdig laban sa pagpapahirap at pambubusabos na pinaigting ng krisis. Mula sa US, na sentro ng pandaigdigang sistemang kapitalista, hanggang sa pinakamayayaman at pinakamahihirap na bansa sa Europa, at hanggang sa rehiyong Middle East at North Africa na ilang dekadang sinupil ng mga diktadurang tuta ng imperyalismong US – pumutok ang iba’t ibang klase ng militanteng pagkilos at protesta.

Sa ganito mailulugar ang anunsyo ni Pope Benedict XVI na ilulunsad ang beatipikasyon (beatification) ng pinalitan niyang si Pope John Paul II sa papalapit na Mayo Uno. Isang hakbang ang beatipikasyon bago maituring na santo ang isang tao, kaya tiyak na magiging pandaigdigang pagdiriwang ito, lalo na’t sinasabing popular si Pope John Paul II sa mga Katoliko sa iba’t ibang panig ng mundo.

Mas malamang sa hindi, itinakda ang naturang petsa para tapatan, kung hindi man sapawan, ang pagdiriwang ng Araw ng Paggawa ngayong taon at posibleng sa mga susunod pa. Pinapatampok ng naturang okasyon ng Simbahang Katoliko sa Mayo Uno ang pulitikang kontra-maralita, kontra-Kaliwa, maka-imperyalista at maka-reaksyunaryo hindi lang ng dominanteng hanay at saray sa Simbahang Katoliko, kundi partikular ng mga Papa na sina John Paul II at Benedict XVI.

Ayon sa isang paglalantad, mahalaga sa pagiging John Paul II at unang Papa na hindi Italyano ni Karol Wojtyla ang pagmumula niya sa Poland – “malamang na pinaka-reaksyunaryong bantayan ng Simbahang Katoliko, puno ng sentimental na pagsamba kay Maria, makabayang simbuyo at malupit na kontra-Komunismo.” Kalaban niya sa Poland ang gobyerno ng mga taksil sa sosyalismo na itinuring niyang sosyalista. Kaya noong maging Papa, malinaw siyang kumampi sa mga maka-Kanang personalidad at lider at sinupil ang mga liberal at maka-Kaliwa sa Simbahan.

Ayon naman sa isa pang paglalantad, inalagaan siya para maging Papa ng ultra-reaksyunaryong sektang Opus Dei – na itinatag ni Josemaria Escriva, tagapayo ng pasistang si Hen. Francisco Franco ng Espanya. Noong maging Papa siya, hayag siyang nanawagan ng kalayaan para sa Cuba sa ilalim ng sosyalistang si Fidel Castro pero hindi para sa Chile sa ilalim ng diktador na si Augusto Pinochet. Bagamat nagtalumpati siya tungkol sa mahihirap, hindi niya tinumbok ang ugat ng kahirapan. Mas mga isyu ng mga konserbatibo ang laging dala-dala niya, hindi ng mga maralita.

Katuwang ni John Paul II si Joseph Ratzinger – na magiging Benedict XVI – sa mga hakbanging ito, bilang tagapagtaguyod at tagapaglinaw ng doktrina ng Simbahang Katoliko noong Papa pa ang una. Ayon sa mga ulat, naging miyembro siya ng Hitler Youth noong kabataan niya sa Germany at pumirma siya sa dokumentong nagsasabing sa Simbahang Katoliko lang may “kaligtasang pang-habambuhay.”

Ayon naman sa isa pang paglalantad, si Ratzinger ang nangasiwa noon sa pagharap sa mga kasong kasiraan ngayon ng Simbahang Katoliko – ang sekswal na pag-abuso sa mga bata. Sa panahong ito, “sampu-sampung libong bata ang inaswang, pininsala at binulabog ng mga paring Katoliko habang ang atensyon [ni Ratzinger] ay nakatutok sa mga ‛demonyong’ homosekswal, makasalanang diborsyado, lumihis na liberation theologians, nagpaplano ng pamilya at nagsusuot ng kondom.”

Sa harap ng ganitong mabibigat na tuligsa, napaka-kwestyonable ng editoryal nitong huli ng Philippine Daily Inquirer na may titulong “Agony and ecstasy,” na todong pumupuri kina John Paul II at lalo na kay Benedict XVI. Akala mo’y sina Pong Pagong at Kiko Matsing lang ang pinaparangalan – mahal ng lahat, walang bahid ng kahit anong kritisismo. Halata ang tinig ng mga sosyal-demokratiko, na naging makapangyarihan muli sa ilalim ng rehimen ni Noynoy Aquino.

Todo-papuri ito sa tindig ng dalawa: “Kung matagumpay na pinamunuan ni John Paul ang kampanya ng Simbahan laban sa komunismo at sa hindi maka-Diyos na mga aspekto ng modernismo, tila ang pokus ni Benedict ay ang konsolidasyon ng mga pwersa ng Simbahan laban sa pagiging sarado ng mga liberal (liberal intolerance) at ng popular niyang binansagang ‛diktadura ng relatibismo’.” Pinapalaganap ng editoryal ang pagtatanggol sa dalawa kontra sa mga nabanggit na kritisismo. Pinagtatakpan nito ang maruming rekord ng dalawa para maiwan lang ang kaaya-aya.

Buung-buo ring pinuri ng editoryal ang “kritika [ni Benedict XVI] sa Islam, karahasan at pagiging sarado” – mga salitang walang ingat na pinagtabi-tabi. Lumalabas tuloy na buong pag-endorso ito sa mga pahayag ni Benedict XVI na, ayon sa isang pagsusuri, ay nagsasabing “ang Kristiyanismong Katoliko ay tradisyunal na makatwiran, pilosopikal at mapagmahal sa kapayapaan, habang ang Islam ay naging irasyunal, makaisang-panig sa pananampalataya nang hiwalay sa katwiran, at marahas.” Sa ganitong paglalarawan, ang nagpapakilalang bukas ang isip ay lumalabas ding sarado.

Sa huli, ang mga manggagawa at mamamayan ng daigdig ang magpapasya sa magiging lugar ng relihiyosong pananampalataya sa pagsagupa nila sa matinding pang-ekonomiyang krisis at sa kahirapan at pambubusabos na kaakibat nito. Tiyak na marami ang yayakap nang mahigpit sa dominanteng pagdidireksyon nito. Pero tiyak na mas marami ang huhubog sa sarili ng alternatibong relihiyosong pananampalataya na tutugon sa mga pangangailangan at pakikibaka nila.

Hindi rin mapipigilang marami ang madidis-ilusyon sa reaksyunaryong katangian ng mga organisadong relihiyon, makakakuha ng alternatibong kalinawan, at magpapasyang huwag na lang maniwala.

22 Abril 2011

Galing ang mga poster na likha ni John Heartfield dito.

Tama si Katrina Stuart-Santiago: maraming usaping binubuksan ang pag-amin ng manunulat na si Krip Yuson ng plagiarism. May magandang pagmumuni si Mong Palatino tungkol sa Imperyo at BPO. May mga interesanteng entri si Prop. Myfel Paluga: tungkol sa kantang “Tano” at kay Zizek tungkol kay Pablo Neruda.

About these ads
Post a comment or leave a trackback: Trackback URL.

Comments

  • Elvin Rillo  On April 24, 2011 at 5:39 pm

    Mostly tama naman ang mga binaggit mo dito, kasama. Pero may kakulangan ka sa pag-iimbestiga at pag-aaral ng proseso ng beatification. Lalong hindi ako naniniwala na sinadya ng Vatican na itapat ang beatification sa May 1. Kailangan, una, palampasin ang Holy Week, saka pa lamang makakapaghanda para sa beatification ceremonies. And finally, ang pinakasimpleng paliwanag kung bakit May 1 siya napatapat. Linggo kasi yun. :D
    Pero sasama pa rin ako sa pagkilos sa May 1. :D

  • kapirasongkritika  On April 24, 2011 at 11:57 pm

    Salamat sa komento! Seryoso ka ba, Bok? Sana hindi. Hehe. Kasi kung maniniwala tayo sa lahat ng paliwanag ng mga reaksyunaryong tinutuligsa natin, wala na tayong maiaakusa sa kanila. Malinaw naman ang rekord nila para doon tayo magsimula. Dalaw ka lagi!

    • Elvin Rillo  On April 26, 2011 at 4:50 pm

      Tungkol sa sched ng Vatican. Seryoso.

      Isa pang nadiskubre ay nagkataon din na isa sa mga paboritong Santo ni John Paul II ay si San Jose Manggagawa na may feast day ng March 19 at May 1. Heto ang isa sa mga encyclicals ng Papa sa Roma noon. Naipublish din ‘to ng Ibon at/o Eiler (Hindi ako sigurado kung alin sa dalawa.) sa Filipino.

      http://www.osjspm.org/majordoc_laborem_exercens_official_text.aspx

    • Elvin Rillo  On April 26, 2011 at 4:56 pm

      Pahabol, tingin ko, para sa mga kapwa ko katoliko, magandang i-celebrate ang beatification sa pamamagitan ng pagsama sa May 1 rally. Dahil na rin sa makamanggagawang oryentasyon ni St John Paul II.

      • kapirasongkritika  On April 27, 2011 at 7:20 am

        Hindi ako sang-ayon eh. Hehe. Iyung paborito umano ni JPII si San Jose Manggagawa ay posible, pero nasa balangkas na ng pagkontra sa sosyalismo. May mga kontra-sosyalistang nagpapakilalang dumudugo ang puso para sa mga manggagawa. Lalo na ang mga relihiyosong anti-sosyalista, gusto nilang kumikilos ang mga manggagawa — sa ilalim ng pamumuno nila. At saan naman iyun pupunta kundi pagbangga sa sosyalismo?

        Ang tingin ko, mas tamang manawagan sa mga Kristiyano na iabandona ang makaisang-panig na pagpuri kay JPII, sa minimum, at magkaroon ng kritikal na pagtingin sa kanya. Sa totoo lang, naniniwala rin ako sa sinasabi ng iba na labag sa mismong Bibliya ang buong praktika ng paghirang ng mga santo at santa ng Simbahang Katoliko.

      • Elvin Rillo  On April 27, 2011 at 8:12 pm

        Ang totoo’y gigil na gigil si JPII sa komunismo. Galit na galit siya doon. At yun ang pinakaayaw ko sa buo niyang pagkatao. Kaya lang, ang nakikita kong dahilan noon ay ang kanyang false-consciousness. Masyado siyang maraming nakaharap na mga lider ng iba’t-ibang bansa na galit sa komunismo. Nabatbat din siya ng sandamakmak na black propaganda.

        Anyway, ang punto ko lamang naman ay hindi intensyon ng Simbahan na sapawan ang May 1 mob natin.

  • punkrocktatay  On April 25, 2011 at 8:09 am

    Napakaganda. Maraming salamat sa pagpapaliwanag kung paano ilulugar ang May 1 celebration sa konteksto ng kasaysayan at ang papel nito para sa patuloy na pag-assert ng responsibilidad at kapangyarihan ng uring manggagawa sa pagpuksa ng pagsasamantala ng tao sa tao.

    I can just imagine Mr. Mandy Felicia tumbling around the crowd with his great way of making complex ideas simpler for us to understand more. Wag sana siya magsawa magturo at wag ka ring magsawang magsulat at magkomentaryo at magmulat.

  • sublime  On April 26, 2011 at 7:26 am

    kuya ano po ang pagkakaiba ng ideolohiya at pilosopiya? :)

  • kapirasongkritika  On April 26, 2011 at 12:41 pm

    @ punkrocktatay: Maraming salamat! Wala namang bago sa sinabi ko. Mas sa pagkakaugnay lang. Hehe. Kung sa pagsasawa… Hmmm. Hehe. Hindi pa naman. Ang galing ni Mandy, ano? Nakita mo na ba siya dito?

    http://www.vimeo.com/22872401?ab

    @ sublime: Ang salimuot ng sagot sa tanong mo. Ganito na lang:

    >> Ang ideolohiya, mas tinutukoy nito pagkakahubog ng mga kaisipan, kagawian at iba pa ng uri ng isa o maraming tao. Maaaring malay ito o hindi.

    >> Ang pilosopiya naman, sistematiko at sa ngayon ay espesyalisadong pag-aaral ng mga kaisipan at mga tinutukoy na pundamental na problema.

    Maraming paraan ng pagpapakita ng kumplikadong ugnayan nila.

    • sublime  On April 27, 2011 at 9:16 am

      pwede bang sabihin na ang ideo ay kultura? :)

      pede bang gumawa ka ng krokis ng interconeksyon nang dalawa?kasi nahihirapan talaga akong intindihin. :)

  • kapirasongkritika  On April 28, 2011 at 3:38 pm

    @ Elvin Rillo: Syempre, isang bagay ang mabatbat ka ng mga impluwensya at ibang bagay ang maging mulat ka sa pagsusulong ng mga anti-sosyalista at konserbatibong kaisipan.

    Sa tingin ko, malinaw naman ang ebidensya sa rekord ng dalawang Papa na tiyak na may ganoong intensyon. Hehe. Can we agree to disagree on this point?

    @ sublime: May pagsasalikop ang ideolohiya at kultura pero hindi sila iisa. Kumplikado (ibig sabihin, maraming porma) ang ugnayan nila, na bukod sa pangkalahatang mga ugnayan at magandang makita sa kongkretong mga halimbawa.

    Una sa lahat, maraming klase ng kultura — depende sa saklaw ng tinutukoy mo. May mga iniilusyong pambansang kultura at may mga subkultura ng iba’t ibang grupo ng mga tao. Kaya magandang tilad-tilarin mo muna ang mga klase ng kultura at doon ka magsimulang iugnay ang mga ito sa ideolohiya sa pakahulugang nabanggit ko.

    • Elvin Rillo  On April 28, 2011 at 8:12 pm

      I agree to disagree. :D

  • Jigolo  On May 1, 2011 at 6:59 am

    Hindi kaya na conspiracy ito ng Vatican and EU para mapakalma kahit papaano ang effect ng austerity measures sa malawakang mga kilos protesta?

  • kapirasongkritika  On May 3, 2011 at 4:53 pm

    @ Elvin Rillo: Hehe.

    @ Jigolo: Kapag “conspiracy” kasi ang ginamit nating salita parang may imahe na may mga makapangyarihang taong nag-uusap nang palihim sa kung saan. Maaari namang may ganyan, pero mas ang dapat nating kilalanin ay ang pagkakaisa nila sa ideolohiya. Hindi kailangang magkaroon pa ng mulat na pagsasabwatan para kumilos para kamtin ang iisang layunin. Mas malamang, ang ikalawa ang totoo sa kasong ito.

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s

Follow

Get every new post delivered to your Inbox.

Join 143 other followers

%d bloggers like this: