Monthly Archives: May 2011

Dahil Sa K?

Sa ngayon, alam na ng marami ang nangyari kay Dominique Strauss-Kahn o DSK, hepe ng International Monetary Fund: inaresto, ikinulong at hindi pinayagang magpyansa dahil inakusahang nanggahasa ng manggagawa sa mamahaling otel na tinulugan niya. Halos kalahati ng edad niya ang biktima, na dinamba at dinakma na lang niya noong pumasok sa kwarto niya para maglinis. Ang epekto: nawasak ang mabangong pangalan niya at ang magandang tsansa niyang maging sunod na pangulo lang naman ng France.

Karaka-daka, may paliwanag si Prop. Randy David sa kanyang kolum sa Philippine Daily Inquirer, halaw sa libro ng postmodernistang pilosopong Pranses na si Jean-Francois Lyotard: “Libidinal Economy” raw. Wow, ang profound. Ang totoo, hindi kasingkahulugan ng “libido” ang “libog,” pero ganyan ang bagsak ng gamit ni Prop. David at ng palasak na gamit ng iba. Ang nangyari raw kay DSK ay Dahil Sa Kalibugan. O pagnanasa, dahil ginamit ang “desire.” O di-malay, dahil ginamit ang “unconscious.”

Hindi mapag-iba-iba ni Prop. David ang tatlo. At dahil mas madaling basahin si Sigmund Freud kaysa kay Lyotard, mas ang di-malay ang tinanganan niya. Sige na nga. Ayon kay Prop. David, “nilalabanan” ng di-malay “ang ating pinakamahuhusay na pagsisikap sa moral na pangangatwiran, pagpaplano at kalkulasyon.” Pinapahina nito ang inaakala nating “lubos na kontrol” natin sa ating buhay. Kahit nga raw si Pres. Bill Clinton ng US, swabe sa pulitika pero naging padaskul-daskol pagdating sa seks. Aray.

Planet Earth to Prof. David: ang akusasyon kay DSK ay panggagahasa, hindi anumang porma ng konsenswal na pagtatalik – may elemento ng paglabag ng karapatan, hindi lang ng pagbubulalas ng init ng kalooban. At gaya ng masasabi ng sinumang sumawsaw sa mga sulatin ng mga feminista at ng mga taguyod ng karapatan ng kababaihan, ang panggagahasa ay hindi usapin sa pangunahin ng kalibugan, kundi ng kapangyarihan. Pagpapataw ito ng kapangyarihan sa ginagahasa, paglabag sa kanyang karapatan.

Sa ganyang paliwanag ni Prop. David, na hindi nakabatay sa partikularidad ng usapin, napapahina ang pagkondena sa panggagahasa. “Hindi ba, ako’y tao lang na nadadarang at natutukso rin?” birit-tanong ni Zsa-Zsa Padilla – at kahit ang kababaihan ay dapat umunawa. At sa kaso ng kalalakihan, hindi ito malayo sa palusot na “Boys will be boys.” Pero hindi lahat ay nanggagahasa. Higit sa pag-unawa sa nanggahasa o akusado sa nanggahasa, pangunahin pa rin ang manindigan laban sa partikular na krimen na ito.

Lalo na sa kaso ni DSK. Ayon kay Sherry Wolf, lumalabas na may antagonismo si DSK sa mga babaeng nagtatrabaho. Sa tala ni Wolf, pangatlo na ito sa babaeng inabuso ni DSK: nanakit ng mamamahayag na nag-iinterbyu para sa isang libro at nangmanipula ng ekonomista ng IMF para makipagtalik. Ngayon: nanggahasa ng Itim na migranteng manggagawa. Mahahalagang datos ito na hindi sinaliksik ni Prop. David sa paglundag niya sa kongklusyon – na, sa kasamaang-palad, ay kapos at kontra-kababaihan pa nga.

Sa dulo ng kanyang kolum, siniping muli ni Prop. David si Freud. May tatlong tuklas (discovery) daw na nagtanggal sa tao sa superyor na lugar sa kaayusan ng kalikasan: ang tuklas ni Copernicus na ang mundo ang umiinog sa araw at hindi ang kabaligtaran, ang tuklas ni Darwin na ang tao ay nahubog mula sa unggoy at hindi nalikha na buo na, at ang tuklas ni Freud na di-malay, dahil “ipinapakita nitong hindi lubos na makikilala ng tao ang kanyang sarili.” Pinaka-radikal, sa hatol ni Prop. David, ang tuklas ni Freud.

May isang dakilang tuklas na nawala – na pinakamahalaga sa kaso ni DSK, hepe ng IMF, at lubhang nawawala sa pagsusuri ni Prop. David. Ang tuklas ni Karl Marx: “Ang modernong lipunang burgis, sa mga relasyon nito sa produksyon, sa palitan at sa pag-aari, isang lipunang lumikha ng ga-higanteng kagamitan sa produksyon at palitan, ay tulad ng engkantado na nawalan na ng kakayahang kontrolin ang kapangyarihan ng daigdig ng mga patay na kanyang tinawag sa pamamagitan ng kanyang mahika.”

Pahabol: May mahusay na instruktor sa Departamento ng Sosyolohiya sa Unibersidad ng Pilipinas–Diliman, departamento ni Prop. David, na hindi hamak na mas mahusay kay Freud at sa mga inapo nitong sina Jacques Lacan at Slavoj Zizek, pero feminista rin at Marxista. Ang pangalan niya: Prop. Sarah Raymundo. Pero tinanggal siya sa pagtuturo sa departamento at hindi binigyan ng tenure. May mga abusado kasi sa kapangyarihan sa departamento, nanggigipit ng may tunay na progresibong pulitika.

20 Mayo 2011

Galing ang mga larawan sa Kasama Project.

Maraming salamat sa mga sumusunod na nag-link ng blog na ito sa kanilang blog: Dream of the Blue Turtles, Ang Palda ni Inay, Shades of Thought, North Forth, Libido at Likido, Pulpolitika, Mga Sigwa at Agos, Saving the World. Pasasaan ba’t maaayos ko rin ang Mga Links ng Kapirasong Kritika? Hehe. Maraming salamat!

Dominanteng Diskurso sa RH Bill

(1) Sa ngayon, dalawang panig ang dominante sa tunggalian hinggil sa kontrobersyal na Reproductive Health o RH Bill: ang rehimeng Aquino, tampok ang Akbayan at mga kaugnay na grupo, at ang Simbahang Katoliko. Para sa mga katulad kong sumusuporta sa RH Bill, masamang balita na ganito nagkahugis ang pampublikong talakayan sa isyu.

Dahil mga makapangyarihang pwersa sa lipunan ang dalawa, hindi kataka-takang madomina nila ang debate sa panukalang batas. Histerikal ang pagtutol ng Simbahang Katoliko, na resulta ng irasyunal na relihiyosong batayan nito ng pagkontra. Kung magsalita naman ang rehimeng Aquino, akala mo’y tatapusin ng RH Bill ang kahirapan.

Hatak na hatak kung gayon ang malaking-kapitalistang masmidya. Tuwang-tuwa itong pagmukhaing usaping buhay-at-kamatayan ang anumang “pagbabago” na hindi naman talaga pagbabago ng sistema. Magbisikleta o tumakbo para sa kalikasan. Magparehistro at bumoto para sa pagbabago. At ngayon: Magsuot ng kondom laban sa kahirapan.

(2) Dahil malakas ang pagtutol ng Simbahang Katoliko, kahit hindi naman radikal ang RH Bill, mahalaga ang malaganap na paborableng opinyong publiko at pagkilos ng masa para maipasa ito. Ang problema, malakas ang hatak sa propaganda ng paninira ng Simbahan sa kalaban: na sinisisi ng mga maka-RH Bill ang maralita para sa kahirapan.

Na pinapalakas naman ng wala-sa-pokus at eksaheradong argumento ng mga dominanteng maka-RH Bill sa pangunguna ng Akbayan: na sanhi ng kahirapan ang malaking populasyon at mabilis na paglobo ng populasyon. Imbes na ang karapatang magpasya ng mga tao, lalo na ng kababaihan, ang patampukin, ito ang sinasabi nila.

Lalong hindi nakakatulong na hindi tampok ang Akbayan at mga dominanteng maka-RH Bill sa paglaban para sa kagyat na ginhawa ng maralita sa kagutuman at kahirapan. Hindi sila nakikitang malakas na tumutuligsa sa overpricing sa langis at naggigiit ng makabuluhang dagdag-sahod. Sa madla, walang malasakit sa maralita ang bagsak nila.

(3) Hindi naman labis na populasyon at paglobo ng populasyon ang ugat ng kahirapan. Masasabi rin ito ng Akbayan sa kanilang mga pahayag, pero hindi tumatampok sa kanilang propaganda, at lalong hindi nakikita sa mga adbokasiyang isinusulong nila. Sa harap ng napakaraming pasubali nila kay Marx, kay Malthus tuloy ang bagsak nila.

Ang pagkontrol ng mga makapangyarihang dayuhan at iilan – at oo, kasama ang naghaharing saray ng Simbahang Katoliko rito – sa bansa ang siyang ugat ng kahirapan. Pinapasahol lang ng malaking populasyon at paglobo ng populasyon ang kahirapan. Totoong may pakinabang ang pagkontrol sa populasyon, pero hindi siyang lunas.

Muli, ipinapakita ng Akbayan sa isyu ng RH Bill ang limitasyon ng pulitikang nakatutok sa salik na nagpapasidhi lang ng kahirapan. Pwede nilang pasinungalingan ito, pero ito ang kakambal ng hindi mapapasubaliang pakikipagsabwatan nila sa rehimeng Aquino: Tahimik sa mga isyu ng mga mamamayan, maingay sa “solusyong” panakip-butas lang.

13 Mayo 2011

Galing ang larawan dito. KommunityX, isang magandang blog sa Tumblr, mukhang ng mga Pilipino-Amerikano. May opinyon si Prop. Luis V. Teodoro tungkol sa kontrobersyang kinasasangkutan ni Willie Revillame. Sa susunod na entri ko na isa-isang ili-link ang mga bagong nag-link sa blog na ito. Pero heto ang isang maganda: kay Maykel Beltran, na nagsasanib ng progresibong pulitika at pagkahumaling sa football.

Sa Ikauunlad ng Bayan, Pildoras ang Kailangan

Kakatwa ang mga pahayag ng Department of Labor and Employment (DOLE) sa balitang “Bonus seen for workers into family planning,” na lumabas sa Philippine Daily Inquirer nitong 26 Abril.

(1) Ayon sa DOLE, isa sa mga dahilan ng kawalang-trabaho nitong nakaraang dekada ang mabilis na paglago ng populasyon sa bansa. Bakit, kapag bumagal ba ang paglaki ng populasyon, dadami ba ang trabaho para sa mga Pilipino?

Ang sagot, syempre pa, ay hindi. Mababawasan lang ang kailangang bigyan ng trabaho. Sa ganitong pakahulugan, dadami ang trabaho kumpara sa kailangang bigyan ng trabaho. Pero ang palagay diyan ay mananatili ang kasalukuyang dami ng trabaho – at hindi mababawasan gaya ng ibinabadya ng kalagayang krisis.

Sa ganitong pagsusuri, panakip-butas o panandaliang lunas lang ang pagpapabagal sa paglago ng populasyon. Hindi nito tinutumbok ang pangunahing problema: ang kawalan ng gobyerno ng nagsasarili, komprehensibo at matagalang plano para lumikha ng trabaho sa bansa para sa lahat ng mamamayan.

Ang problema, nakaasa ang gobyerno sa pag-akit sa dayuhang pamumuhunan para magbigay ng trabaho sa bansa. At ang pag-akit na ito, kailangang idagdag, ay nakasandig sa pagbarat sa sahod at benepisyo ng mga manggagawa – na mas nagagawa naman sa kalagayang marami nga ang walang trabaho.

Sa pagsisi sa mabilis na paglago ng populasyon para sa malaganap na kawalang-trabaho, ipinapasa ng gobyerno ang pananagutan sa mga mamamayan – partikular, ayon sa balita, sa kababaihan. Ang kailangan na lang ng gobyerno ay himukin o itulak ang mga mamamayan na magplano ng kanilang pagpapamilya.

(2) Ayon sa DOLE, nakakaapekto sa produktibidad ng mga manggagawa ang pagkakaroon ng maraming anak. Ibig bang sabihin, sa panahong mabilis ang paglago ng populasyon, hindi produktibo ang mga manggagawa? At kung magiging produktibo ang mga manggagawa, ibig bang sabihin ay uunlad na sila?

Ang sagot, muli, ay hindi. Eksaktong kabaligtaran ang totoo: Produktibo ang mga manggagawa. Ito ang dahilan kung bakit nakapagkamal ng dambuhalang tubo ang mga kapitalista nitong nakaraang mga taon. Hindi rin naman nagagawaing piliin ng mga manggagawa na unahin ang pamilya dahil masisisante sila.

Hindi umaasenso ngayon ang mga manggagawa kahit produktibo sila. At hindi rin sila aasenso kahit maging mas produktibo pa sila. Ang dahilan ay ang sistema: ang mga kapitalistang dayuhan at lokal ang nakikinabang sa pagsisipag at pagiging produktibo ng mga manggagawa, hindi ang mga manggagawa mismo.

Sa pahayag na ito, sinasakyan ng DOLE ang kongkretong larawan ng mga magulang na nakatutok sa anak para itanghal bilang mahalaga ang pagiging produktibo sa sarili nito. Makikitang nakabalangkas sa pagpapanatili at pagpapatatag sa sistema ang pagtutulak ng gobyerno sa pagpaplano sa pamilya ng mga mamamayan.

(3) Ayon sa DOLE, para mapalaganap ang “pagpaplano ng pamilya at responsableng pagmamagulang,” nagbibigay sa kababaihang manggagawa ng insentibang bonus gayundin ng serbisyo kaugnay ng mga pildoras na pang-kontrasepsyon at intrauterine devices. Bakit, kababaihan lang ba ang may tungkulin dito?

Syempre, hindi. Dapat tungkulin ng parehong babae at lalake ang pagpaplano ng pamilya at responsableng pagmamagulang. Sa ganitong pahayag, para bang sinisisi sa kababaihan ang mabilis na paglaki ng populasyon, ang kakulangan ng trabaho sa bansa, at kabawasan umano sa produktibidad ng mga manggagawa.

Pyudal-patriyarkal ang pagpapasa sa kababaihan ng buong tungkulin sa pagkontrol sa pag-aanak. Parang pwersa ng kalikasan ang pagnanasa ng kalalakihan – hindi mapipigilan, kailangang remedyuhan na lang. Sa desperasyon ng gobyernong kontrolin ang pag-aanak, nagtutukoy ng pangunahing responsable: babae.

Hindi mahirap isipin kung bakit nagpakawala ang rehimeng Aquino sa pamamagitan ng DOLE ng ganitong mali-maling mga pahayag ilang araw bago ang kakatapos na Araw ng Paggawa.

(1) Gusto nitong palakasin ang posisyon nitong pabor sa isinusulong na Reproductive Health Bill kontra, pangunahin, sa Simbahang Katoliko na mariing tumututol dito. Ngayon, sa tonong makakagaan sa kawalang-trabaho ang pagpasa sa naturang batas.

(2) Gusto nitong pagtakpan ang sariling pananagutan, at ang pananagutan ng mga sinundang rehimen, sa malaganap na kawalang-trabaho sa bansa. Nasa mga mamamayan, partikular sa kababaihan, ang isang solusyong hindi nagawa.

(3) Gusto nitong palutangin ang kawalang-trabaho sa kalagayang malakas ang panawagan para sa makabuluhang dagdag-sahod – na laging sinasagot ng pam-blackmail na tanong sa mga manggagawa: Dagdag-sahod o pananatili sa trabaho?

(4) Gusto nitong patampukin, konsistent sa mga nauna na nitong hakbangin, ang isang remedyo (RH Bill) sa isang problemang nangangailangan ng mas malalim na solusyon (kawalang-trabaho). Sa ganito, lalabas pang may ginagawa ito, kahit wala naman talaga.

04 Mayo 2011

Galing ang mga larawan dito.

Pagpatay kay Osama bin Laden: Hindi masaya si Jodi Dean sa pagdiriwang sa pagpatay. Kinukwestyon ni Mike Ferner kung nakamit nga ba ang katarungan sa pagpatay kay Bin Laden. Humahalaw naman ng napakagandang mga aral si Adam Kotsko sa buong proseso ng pagpatay kay Bin Laden.

Sa artikulong ito tungkol kay Rosa Luxemburg, madaling makita ang mga pagkakaiba nila ni Lenin bagamat makikita rin kung bakit dinakila siya ng huli.

Follow

Get every new post delivered to your Inbox.

Join 118 other followers