Monthly Archives: June 2011

Berdugo ng Nang

Go lang ng go,” sabi ng patalastas ng Globe na pinagbibidahan nina Vice Ganda at Sarah Geronimo. “Magbayad ng maaga ng di maabala,” sabi ng mga sticker sa dyip ng kung anu-anong produkto. “Pulis, binoga ng manghuling namboso,” sabi ng balita – na imbento ko lang naman, pero maraming ganyan sa midya.

Ang problema sa lahat ng ito, ang “ng,” dapat “nang.”

Ayon kay Virgilio S. Almario, konserbatibong manunulat pero maraming alam sa wika, sa libro niyang Filipino ng mga Filipino [1993], may limang gamit ang “nang” at ang iba pa ay “ng” na:

(1) Kasingkahulugan ng “noong.” Halimbawa: Nang si Hudas ay madulas, tatlong balbas ang nalagas.
(2) Kasingkahulugan ng “upang” at “para.” Halimbawa: Sinampiga ko nga at nang matauhan.
(3) Pinagsamang “na” at “ng.” Halimbawa: Sobra nang pahirap sa mata ang pangulo.
(4) Nagsasabi ng paraan o sukat. Halimbawa: At natulog nang mahimbing ang pangulo na parang kaunti lang ang walang bahay ngayong gabi.
(5) Bilang pang-angkop sa inuulit na salita. Halimbawa: Nag-Facebook nang nag-Facebook ang nakatalaga.

Hindi. Hindi ako purista, Tagalista (na kailangang pag-ibahin sa tagalista) o iba pang “-ista” na laging ipinupukol sa mga nangangaral tungkol sa wastong paggamit ng wikang Filipino. Ista-mbay, pwede pa ako. (Pasintabi kay Epifanio G. Matute.)

Hindi nga ako mahigpit sa paggamit ng “rin” at “din” depende kung katinig o patinig ang dulo ng salitang sinusundan. Ni hindi ko nga alam kung patinig o katinig ba ang tawag sa mga titik na “a, e, i, o, u.” Sa debateng “puwersa” bersus “pwersa,” “intelektuwal” bersus “intelektwal,” “diyugdiyugan” at “dyugdyugan,” doon naman ako sa ikalawa.

Nangangamba lang ako sa pagkawala ng mahahalaga at magagamit pang salitang Filipino tulad ng “nang” sa ating nakasulat na wika, salamat na rin sa walang-ingat na paggamit ng mga responsable sa mga krimen sa itaas: ang mga kumpanyang nagpapalaganap o nangsusulasok ng mga patalastas at ang midya. Huwag nang sabihin pa ang mga salitang may tiyak na kahulugan na nawawala kahit sa wikang pasalita.

May nagsasabing sa wikang Filipino, “Kung anong bigkas, siyang sulat.” May nagsasabi ring “Ang wika ng isang bayan ay kung ano ang ginagamit.” Sa pangkalahatan, sang-ayon naman ako sa mga pahayag na ito. Pero hindi ito dahilan para kalimutan ang tiyak na gamit ng mga salita, kahit pa luma na – at hindi pa nga luma ang “nang.”

Sa kasalukuyan nga, sabi ng progresibong intelektwal na si E. San Juan, Jr., dumadaan pa ang wikang Filipino sa “intelektwalisasyon,” sa proseso ng pagpapayaman dito para mas magamit sa mga talastasang intelektwal. Kung mawawala, sa pagsusulat man o pagsasalita, ang mga mga salitang may tiyak na pakahulugan, sa kung ano mang dahilan, magiging mas dahop ang ating wika.

(Syempre, mahalaga ang papel ng kilusang makabayan sa nagaganap na intelektwalisasyong ito. Kapag nakarinig ka sa kalye o sa araw-araw ng “malalim” at tuluy-tuloy na Filipino na pumapaksa sa pulitika at ekonomiya, mas malamang kaysa hindi na nasa piling ka ng aktibista. Dapat kang lumapit, ngumiti, magpakilala at magparekrut na.)

Pero babalansehin ko rin ang sarili ko. Ang pangunahing problema sa usapin ng nakasulat na wika sa bansa – “sa usapin,” paboritong prase ng mga aktibista – ay ang kawalan ng marami nating kababayan ng kakayahang magsulat at magbasa, at ang kawalan ng nakararami nating kababayan ng masiglang pagsusulat at pagbabasa.

Hindi kaya imbes na makatulong sa kanilang magbasa at magsulat ay nakakasikil pa ang ganitong paghihigpit sa mga alituntunin? Hindi kaya patunay rin ng elitismo ang ganitong pagdudumildil ng wastong ispeling sa kanila?

Iba naman ang pamantayan para sa kanila, para sa mga maralitang manggagawa at magsasaka. Tagumpay na walang pasubali na, halimbawa, ang matutong magsulat ang mga magsasakang natuto na lang magbasa dahil sa pagtuturo ng mga nakikipamuhay na aktibista. Kapag sinukat mo pa ang mga maralitang ito sa pamantayan ng mga may mataas na pinag-aralan, para mo nang sinabing ang huli na lang ang magsulat.

Kaya iba, syempre pa, ang pamantayan para sa mga nakapag-aral – hindi pa nga sa mismong mga gumagawa ng mga patalastas ng mga korporasyon at nagsusulat ng mga balita sa midya, kundi ang mga matataas ang posisyon at ang pinag-aralan sa mga korporasyon at midya. Sila ang dapat sisihin sa ganitong paggamit ng wika na nagpapadahop sa ating wika. Pati yaman ng wikang Filipino, hindi nila pinapatawad.

Mahaba na ito. Nagsimula lang sa “nang,” ang dami nang nasabi.

30 Hunyo 2011

Galing ulit kay Juan Genoves ang mga larawan sa itaas.

Sa isang banda, tama si Fredric Jameson, pero sa kabilang banda, hindi ba talagang hinog na noon ang Rusya para sa rebolusyon? Malupit ang banat na ito sa pulitika ni Bono, lead singer ng U2.

Parang maganda ang librong ito ng yumaong pilosopong si Gillian Rose. Wow. Parang maganda ang pelikulang ito tungkol sa kasaysayan ng Tsina.

Icky Bello

Kunwari, ang pambansa-demokratikong Kaliwa, hindi ang Akbayan, ang siyang alyado ni Pang. Noynoy Aquino. Kunwari, ang mga organisasyon ng Bagong Alyansang Makabayan o Bayan ang naging kabalikat niya noong eleksyon. Kunwari ang mga opisyal nito ang binigyan niya ng samu’t saring posisyon sa gobyerno, at bibigyan pa umano. Mahirap mang isipin: Kunwari’y si Liza Maza at hindi si Risa Hontiveros ang mutyang kakampi ngayon ni Noynoy.

Kung katotohanan ang mga kunwaring iyan, posible kayang isinulat ng isang lider ng pambansa-demokratikong Kaliwa ang “Open Letter of Akbayan Rep. Walden Bello to Pres. Benigno Simeon Aquino III on the Country’s Economic Woes” na isinulat, syempre pa, ni Walden Bello, aktibista at intelektwal na nagpapakilalang kontra-neoliberal at minsa’y sosyalista pa nga? Pwede kayang ang naging awtor nito ay si Satur Ocampo o si Carol Pagaduan-Araullo? O kaya naman ay si Teddy Casino o – Diyos na mahabagin, ang hirap isipin – si Carmen “Mameng” Deunida?

Sa tingin ko, kahit totoo ang mga kunwari sa itaas, hindi pa rin nila magagawang isulat ang ganyan. Sa tinakbo ng isang taon ni Noynoy sa pwesto, hindi na dapat mayuming pagpapayo ang tono, kundi matinding pangangalampag, kung hindi man pagkondena. Hindi kapuri-puri, sa totoo lang, ang mga hakbanging kontra-kahirapan at kontra-katiwalian ng gobyerno niya – na pinupuri ni Bello sa liham. Ipinagpatuloy lang ng rehimeng Aquino ang mga neoliberal na patakaran ng mga rehimeng sinundan nito – na sa maraming sulatin ay kinokondena naman ni Bello. Hindi maliitang mga reporma ang dapat ihapag at igiit sa rehimen, kundi malalaki.

Napasadahan ang agrikultura sa balangkas ng “seguridad sa pagkain,” pero wala, syempre pa, ang reporma sa lupa sa Hacienda Luisita at sa bansa. Inendorso ang substansyal na dagdag-sahod, pero inendorso rin ang palusot ng mga kapitalista rito, ang pagbibigay ng non-wage benefits. Pagpaparami ng mga manggagawa sa mga proyektong pang-imprastruktura lang ang panukala para lumikha ng trabaho, nang hindi man lang tinutuligsa ang kasalukuyang patakaran ng patuloy pa ring pag-akit lalo na sa dayuhang pamumuhunan para makalikha ng trabaho. Nanawagan na ibasura ang kontraktwalisasyon, pero itinulak ang Security of Tenure Bill sa Kongreso – na magsasabatas, sa aktwal, ng department order na siyang lisensya ngayon ng kontraktwalisasyon. Ni walang pagbanggit tungkol sa presensya at aktibidad ng mga tropang militar ng imperyalismong US sa bansa.

May sinasabi tungkol sa pulitika ni Bello at ng Akbayan na ganito ang laman ng nasabing sulat sa yugtong ito ng rehimen. Ang konteksto: nasa iba’t ibang pwesto sa gobyerno ang mga lider ng Akbayan, kumikita sa mga posisyong ito at malamang sa iba pang paraan. Kung hindi man magagawang sulatin ng pambansa-demokratikong Kaliwa ang nasabing liham, iyan ay dahil ang pangunahin dito ay ang pagsusulong sa mga kahilingan at interes ng mga mamamayan sa iba’t ibang isyu, at ang pagpapalakas sa pagkilos at organisasyon nila batayan sa mga isyung ito. Ibig sabihin: prinsipyo, hindi pera. Pagpapalakas sa pakikibaka, hindi pagkuha ng ganansya sa gobyerno. Paglilingkod sa Pinoy, hindi kay P-Noy. Kung sumusundot man ng ilang reporma si Bello, mas para isalba ang sariling reputasyon bilang “progresibo” sa harap ng patuloy na pagkakalantad ng mga neoliberal na patakaran ni Noynoy.

Sa madaling salita, nagagawa ng Akbayan na maglabas ng ganitong sulat dahil, taliwas sa mga pagpapanggap nito – lalo na sa harap ng mga progresibong organisasyon at institusyon sa ibang bansa na pangunahing pinagkukuhanan nito ng pondo – hindi na ito nagsusulong ng rebolusyunaryong pakikibaka ng mga mamamayan. Wala na ito sa ganitong wisyo, at ang layunin nito ngayon ay panatilihin ang pakikipag-alyansa sa rehimeng Aquino – kahit pa hindi tinutugunan ng huli ang mga kahilingan ng mga mamamayan sa iba’t ibang isyu at nagdadagdag pa nga ng pahirap, at kahit pa hindi maka-prinsipyo para sa sinumang maka-Kaliwa ang makipag-alyansa sa rehimen nang ganito. Pera, hindi prinsipyo. Kapakanan ng sariling grupong pampulitika, hindi ng mga mamamayan. Noynoy higit sa bayan.

Kung tutuusin, matagal nang wala sa pagsusulong ng mga kahilingan at interes ng mga mamamayan ang katapatan ng Akbayan. Maganda ang pag-amin noon ni Ronald Llamas, lider ng Akbayan at pampulitikang tagapayo ngayon ni Noynoy: “Noong nasa kilusang sosyal-demokratiko ako, may dalawang linggong seminar kami sa abanteng pampulitikang edukasyon. Walumpung porsyento ng oras, tinatalakay namin ang mga pambansang demokrata! Sampung porsyento ng oras, tinatalakay namin ang aming kaaway sa uri! At sampung porsyento ng oras, tinatalakay namin ang aming programa!” [“We're Trying to Learn from Our Mistakes,” Reexamining and Renewing the Philippine Progressive Vision, 1993.] Ano raw, 90% ng oras, nakalaan sa kanilang kaaway-sa-uri na mga pambansang demokrata?

Kaya rin napakahirap ilarawan sa isip ng mga kunwari sa itaas. Gaya nga ng laging sinasabi, “Walang kunwa-kunwari sa kasaysayan.” Nangyari ang mga nangyari dahil sa mga ininugang kalagayan. Sa kaso ng pakikipag-alyansa kay Noynoy, nagtagpo ang galit ni Noynoy at ng Akbayan sa pambansa-demokratikong Kaliwa at ang pagpapanggap nilang pabor sa pagbabago. Sa isang banda, ayaw ni Noynoy ang anumang mariing pagtuligsa. Hindi ba’t hindi niya mapatawad ang pambansa-demokratikong Kaliwa dahil niralihan ang nanay niya sa bahay nila sa isyu ng Hacienda Luisita? Sa kabilang banda, iyan talaga ang pulitika ng Akbayan, ang magpilit makadikit at makakapit sa nasa kapangyarihan habang nagpapanggap pa rin na progresibo. Hindi ba’t ganyan din ang ginawa nila noong una kay Erap Estrada?

Sa dulo, para sa mga sumusubaybay sa pulitika, wala namang bago sa liham ni Bello. Lalong kumpirmasyon lang ito na pagpapanggap at panloloko na lang ang pagpapakilala ng Akbayan sa publiko bilang progresibo.

20 Hunyo 2011

Galing ang mga imahen dito.

Makikita ang pagkatuto ni Mong Palatino sa paborito niyang si David Harvey sa huli niyang entri. May mensahe si Karlo Mongaya sa mga kabataang manunulat pangkampus. Malinaw ang mensahe ni Katrina Stuart-Santiago: Walang K ang K-12.

Maganda ang kolum ni Katha Pollitt tungkol sa mapagtanggol na reaksyon ng mga komentarista sa France tungkol sa kaso ni Dominique Strauss-Kahn. Baka nakita na ninyo sa Facebook, pero karangalang mailagay rito ang panayam kay Arundhati Roy.

Hallowed Binay Name

Napakagarapal ng mga maniobra ng pangkatin ni Noynoy Aquino laban kay Jojo Binay. Tinitiyak na hindi siya magiging makapangyarihan at magiging popular. Ang masahol ay isinusubo siya sa mga isyung posibleng makabawas sa popularidad niya.

Hindi kaila sa marami kung ano ang layunin ng ganitong mga hakbangin: ang pigilan ang posibleng pagpapatalsik ng bise sa presidente. Hindi ito alam ni Erap Estrada kaya napalitan siya. Alam ito ni Gloria Macapagal-Arroyo kaya naglagay siya ng bise-presidenteng hindi maubos-maisip ng mga tao na magiging pangulo. Alam ito ng marami kaya nangingiting natatawa na lang sa mga walang pagpapanggap na hakbangin ng pangkating Aquino.

Pero sa pagbangga ng ganitong mga hakbangin sa diskurso ng pangkating Aquino at ng mga kakampi nito, lumalabas na kung anong sintomas ng rehimen si Jojo.

(1) Maingay ang pangkating Aquino sa pagpuri sa “demokrasya,” lalo na sa pagkahalal sa pangulo. Pero wala sa hinagap nila na nahalal din ng demokrasyang iyan si Binay. Balewala sa kanila ito; kailangang mailuklok sa makapangyarihang pwesto si Mar Roxas, ang kanilang hindi-halal na kandidato – kahit ang gusto nila’y parang ito na ang umaktong pangulo.

(2) Ipinagmamalaki ng pangkating Aquino na napatalsik nito si Gloria sa pamamagitan ng eleksyon. Pero hindi nito idinadamay sa ganitong pagtingin si Binay. Sinwerte lang siguro para sa kanila ang mokong, hindi nakinabang din sa sentimyentong kontra-Gloria kahit ito naman talaga ang may “B” noon sa paglaban, hindi ang pangulo ngayon.

(3) Ang pagyayabang ng pangkating Aquino, ibang-iba ito sa naunang rehimeng Arroyo. Pero natatakot pa rin itong mapatalsik. Alam ba nitong hindi sapat ang retorikang kontra-korupsyon? Alam na ba nitong hindi nito ibibigay, sa kabila ng pangako nito, ang kahilingan ng mga mamamayan para sa tunay na pagbago sa mga patakaran ng gobyerno?

Sa usapin ng paglulugar sa bise-presidente, pareho lang ng pag-iisip sina Noynoy at Gloria. Wala na ang kwentong kasamaan laban sa kabutihan. Lalong wala na ang People Power dahil P-Noy’s Power na ang mahalaga. Realpolitik ito, politics as usual. Wala kasi silang pagkakaiba sa batayang patakaran, the economy as usual, kaya pareho ng kinatatakutan. At, malamang sa tinatakbo ng mga bagay-bagay sa gobyerno, ng kahihinatnan.

10 Hunyo 2011

Galing ang kuha ni Mike Mitchell sa Beatles dito.

Matagal ko nang pinag-iisipang magsulat tungkol sa mga kabwisit-bwisit sa araw-araw. Hindi ko alam kung itutuloy ko, pero may magandang paraan si Terry Eagleton.

Wirdo pala itong si Gil Scott-Heron. Dapat basahin ng lahat ng nagmamahal sa mga bata: si Gabor Mate tungkol sa ugnayan ng stress at karamdaman, lipunan at kalusugan.

Pinag-iiba ni Prabhat Patnaik, Marxista mula India, ang mga komunista at sosyal-demokratiko. Ang kaibahan daw, ang una, kinikilala ang imperyalismo at ang ikalawa ay hindi. Totoo kaya ito sa Pilipinas?

Ka Dante

Hindi pa siya aktibista noon. Unang mga araw ng unang semestre ng unang taon sa kolehiyo. Pumasok ang propesor, bumati at nagpakilalang magiging guro sa Kasaysayan 1. Isinulat nito sa pisara ang pangalan: “Dante L. Ambrosio.” Ngayon, sa harap ng balitang namatay ang guro, nabibigyan niya ng karampatang halaga ang mga sumunod na araw mula sa pagpapakilalang iyun.

Banayad at hindi tensyonado ang takbo ng klase. Maraming pakulo ang propesor. Minsan, pinabasa nito ang tulang “Prometheus Unbound” ng makatang si Jose F. Lacaba para turuan ang mga estudyante ng mapanuring pagbabasa. Ito raw ang kakayahang nawala sa editor ng isang pahayagan kaya nalathala, noong batas militar, ang tulang may islongang “MARCOS HITLER DIKTADOR TUTA.” Ikinwento niyang kinumpiska ng mga awtoridad ang kopya ng mga dyaryo, pero huli na ang lahat.

Maraming tanong na nakakapagpaisip ang propesor, kahit sa ganito nakikita ang kanyang pampulitikang kulay. Si Benigno “Ninoy” Aquino Jr., halimbawa, ang itinuturing na bayani ng batas militar ni Marcos. Pero ang nanatili sa bansa at namuno, bagamat palihim, sa mga protestang nagluwal ng People Power 1, ay si Jose Maria “Joma” Sison. “Hindi ba si Joma ang mas dapat ituring na bayani?”

Minsan, kwela rin ang propesor, bagamat madalas naman itong nakangiti. Noong itinuturo nito ang pagkilatis sa mga batis na pangkasaysayan, ipinakilala niya ang konsepto ng historikal na anakronismo. Halimbawa raw, nagsusuri ka ng dokumento ng mga Katipunero. “Tapos biglang makikita mo, may salitang ‛badaf’ doon…”

Hindi maramot ang propesor sa mga kwento. Bukod sa mga isinalaysay ni Prop. Judy M. Taguiwalo sa parangal ng huli tungkol sa mga protesta noong batas militar, may dalawa pa siyang naaalala. Isinusuksok daw sa kung saan-saan sa katawan ng mga aktibista ang lumang tipo ng sticker noong panahong iyun. Pagkatapos, didilaan ang likod para maidikit sa kung saan-saan.

Noong nasa ilalim daw ng batas militar ang Unibersidad ng Pilipinas, tahimik na magmamartsa ang mga estudyante mula sa ikaapat na palapag ng Palma Hall. Habang pababa ang hanay, parami nang parami ang sumasali. Kapag dumating na ang mga pulis, na kadalasan ay tuwing nasa unang palapag na ang martsa, kakanta na ng “Lupang Hinirang” at titigil sa paglakad, tatayo nang tuwid ang lahat – pati ang mga pulis. Sa ganito, unti-unti nang makakatakas ang mga lider.

Pero kung may isang bagay man na pinakamahalagang ginawa ang propesor, iyan ay ang inobliga nito ang klase na magbasa. Tumungo sa aklatan at magbasa. Pawiin ang takot sa hindi alam, tumungo sa aklatan at magbasa.

Dito niya nabasa ang maraming sulatin ng dakilang makabayang intelektwal na si Renato Constantino. Bagamat ipinakilala ng propesor ang Lipunan at Rebolusyong Pilipino sa klase – at ipinaliwanag na ang pangalan ng awtor na “Amado Guerrero” ay nangangahulugang “Minamahal na Mandirigma” o “Beloved Warrior” – ang librong The Philippines: A Past Revisited ang ipinabasa niya.

Ipinabasa rin ng propesor ang debate hinggil sa A Past Revisited – bagay na mas nakahikayat sa kanyang magbasa at magsuri. Kung nagkakasya na ang ibang propesor sa pagsasabi na larangan ng tunggalian ang katotohanan, kongkretong ipinakita ito ng propesor. Ipinabasa nito ang pag-atake sa libro ng kontra-makabayang historyador na Amerikano na si Glenn A. May, gayundin ang pagdepensa sa libro na pinamunuan ni Silvino V. Epistola, propesor sa Pilosopiya.

Itinulak ng propesor ang mga estudyante na magsaliksik tungkol sa kasaysayan nitong nakaraang mga dekada ng nakatalagang probinsya ng bansa. Natatandaan pa niya ngayon ang Sipalay at Hinoba-an na mga bayan ng Negros Occidental, ang probinsyang itinalaga sa kanya.

May magandang tinungo kahit ang ganitong pagpapabasa. Gitna ng dekada ’90 noon, at namamayagpag ang globalisasyon at pagiging Newly-Industrializing Country bilang mga pantasya ng bansa at ang neoliberalismo bilang bungkos ng mga patakaran na ipinapatupad ng pamahalaan. Sa mga magasin na kinailangan niyang basahin, makikita ang naunang panahon, ang dekada ’70 at ’80, kung saan mababasa ang kahirapan at kagutuman ng mga mamamayan, gayundin ang lawak at lakas ng mga protesta. Ang reyalisasyon niya: “Hindi laging ganito ang kalagayan.”

Isa pang mahalagang bagay na ginawa ng propesor ang ibukas ang kanyang kwarto sa mga estudyanteng naghahanap ng konsultasyon. Hindi pa para kanlungin ang mga estudyanteng grade-conscious, kundi para ipakita ang mismong kwarto at ang paninindigang malinaw na ipinapamalay nito.

Muli, kalagitnaan ito ng dekada ’90 noon, at ipinagsisigawan ng mga naghaharing uri sa mundo na lipas na si Marx at bigo ang sosyalismo. Sa Pilipinas, nahati ang Kaliwa at natural na naguluhan ang publiko sa kung ano ang ano at sino ang sino.

Sa kwarto ng propesor, malinaw ang tindig: Sa isang kwadro, may larawan nina Karl Marx, Friedrich Engels, Vladimir Lenin at Mao Zedong. Katabi nito sa pader ang larawan ni Albert Einstein at nasa katapat na pader ang kay Hesukristo. Nagpahayag ang una na isa siyang sosyalista, habang proto-sosyalista at rebolusyunaryo ang ikalawa.

Naghahanap siya ng salita: “relihiyoso” para sa mga naniniwala at “estetiko” marahil para sa mga hindi, ang karanasan niya nang unang pumasok sa kwarto. Hinahanap niya ang mga aktibistang propesor noong pumasok siya sa UP, at ang nakuha niya ay kung hindi neoliberal ay walang pakialam. May nangaral pa nga na hindi uunlad ang Pilipinas hangga’t walang diktadura dahil bansang tropikal ito, sadyang nakakatamad para sa mga tao. Sa wakas, isang gurong aktibista – at higit pa nga siguro! Sa sumunod na taon, sumali na siya sa aktibistang organisasyon.

Noong aktibista na siya, doon lang niya nalaman na ang propesor, na kumilos pala nang buong panahon sa kilusang manggagawa, ang tanging aktibistang pambansa-demokratikong may tenure sa Kolehiyo ng Agham Panlipunan at Pilosopiya. Kakaalis lang patungong ibang bansa ng isa at ang isa’y pana-panahon na lang nagtuturo sa mga nakakataas na taon – at hindi magtatagal ay aalis din ng bansa. Kaya naman ang propesor ang ginawang tagapayo ng mga organisasyong aktibista at tagapagsalita sa samu’t saring porum na pumapaksa sa espesyalisasyon nito.

Isang beses lang niyang nakausap nang malaliman ang propesor matapos niyang tumanda bilang aktibista – noong matatawag na niya itong “Ka Dante,” na hindi rin niya ginawa bunsod ng pagkahiya. Naghahanap ito ng masiglang pakikipagdebate, “pakikipag-polemika,” ng mga Marxista sa mga kinatawan ng reaksyunaryong kaisipan sa pamantasan. May binanggit siyang isang guro na gumagawa nito. “Pero,” ang sagot ng propesor, “mas post-istrukturalista naman ang kanya kaysa Marxista.”

Pumunta siya sa Philippine Heart Center nang mabalitaang isinugod doon ang propesor. Naabutan niya itong nag-aagaw-buhay at hirap na hirap na ang katawan, hindi na rin makausap. Sa tabi ng kama nito, kalmado na ang mga kaanak nito at dating kasamahan sa Kilusan. Nagpakilala siya bilang “dating estudyante” at agad niyang naramdamang kulang na kulang ang mga salita. Pinilit niyang sabihing “Mahalaga po siya kung bakit ako naging aktibista.” Pero hindi na niya natapos ang huling salita dahil inunahan na siya ng mga luha.

Ngayong patay na ang propesor, gusto niyang sabihing “Pagpupugay, salamat at paalam as iyo, Ka Dante.” Pero alam niyang kulang na kulang iyun. Paano mo pagpupugayan ang taong nagpabilis ng pagtungo mo sa pagiging aktibista? Paano mo pasasalamatan ang gurong nagpakatatag sa isang mahirap na panahon at sa gayong paraan ay nagsilbing tulay para sa iyo? Paano ka magpapaalam sa taong tumulong sa iyong pasukin ang isang klase ng buhay na sa kabila ng lahat ng kahirapan at panganib ay hindi mo ipagpapalit sa kahit ano?

Ka Dante, yumao man kayo, nagsisikap na yumabong at magpunyagi ang mga binhing iniwan ninyo. Pagpupugay. Salamat. At paalam po.

05 Hunyo 2011

Ang mga larawan ay pinta ni Juan Genoves.

Basahin ninyo: May napakagandang isinulat si Joseph Stiglitz tungkol sa napakatinding kawalan ng pagkakapantay-pantay sa Amerika. Sana ay may ekonomistang Pinoy na magsulat ng ganyan tungkol sa bansa. Eh kaya lang, ang alam lang ng mga ekonomista rito ay maglingkod sa malalaking kapitalista – o kaya naman ay kay Noynoy.

Larawan ng kababaihang “sumusuko” sa mga pasista at ng kababaihang lumalaban sa mga pasista. Magandang sipi mula kay Miriam Makeba tungkol sa tinaguriang “world music.” Kaibigan ko talaga si Tanglad! Hehe.

Follow

Get every new post delivered to your Inbox.

Join 117 other followers