Monthly Archives: August 2011

Mi Deo Cruz

Kung anumang dahila’y
hindi mahalaga,
basta’t sinasamba kita.
– Rey Valera

Marami, ang totoo’y napakarami, nang naisulat tungkol sa kontrobersyal at ipinasarang eksibit na “Kulô” sa Cultural Center of the Philippines, partikular sa likhang-sining na “Poleteismo” ng alagad ng sining na si Mideo Cruz. May ilan lang akong gustong idagdag o patampukin, batay sa mga nakita kong larawan/bidyo ng likhang-sining sa Internet.

Sabi sa Bibliya, sa isa pinaka-hindi mapagpatawad na pahayag ng Diyos Ama: “Huwag kang gagawa ng imahen ng anumang nilalang na nasa langit, nasa lupa, o nasa tubig upang sambahin. Huwag mo silang yuyukuran ni sasambahin sapagkat akong si Yahweh na iyong Diyos ay mapanibughuing Diyos. Ang kasalanan ng mga magulang ay sinisingil ko sa kanilang mga anak hanggang sa ikatlo at ikaapat na salinlahi.”

Eksperto at iskolar daw sa Bibliya ang Papa ngayon, si Joseph Ratzinger o Benedict XVI. Pero paano kaya niya ipinapaliwanag ang praktika ng buong simbahang pinamumunuan niya ng paglikha ng mga imahen ni Hesukristo at iba pang tauhan sa Bibliya, ng pagluhod at pagdarasal at minsa’y pag-aalay ng kung-anu-ano sa mga imaheng ito?

Isa ito sa maraming kakatwa sa kontrobersya hinggil sa likhang-sining ni Mideo Cruz. Sa pagturing nilang banal sa mismong imahen ni Hesukristo, at ng iba pang taong banal, isinisigaw ng mga tagapagtanggol ng Simbahang Katoliko: “Ang Diyos ko ay ang Krus!” Ang imahen, hindi ang mismong Diyos. Pwede kaya itong isalin ng “Mi Deo Cruz”?

Pero paano nga ba babasahin ang likhang-sining ni Cruz? Kahit ayaw ng mga artistang ipinapaliwanag ang likhang-sining nila, naobliga na si Cruz, bunsod ng pumutok na kontrobersya. Pero “Patay na ang Awtor!” masayang deklarasyon ng pilosopong Pranses na si Roland Barthes, sa mga dahilang malapit na kaugnay ng paghina ng hawak ng relihiyon sa mga tao. Kakatwang magagamit si Barthes ngayon, sa isang banda, ng Simbahang Katoliko.

Pero kahit walang iisang wastong pakahulugan sa isang likhang-sining, hindi rin naman pwede ang kung anu-ano na lang na pagbasa. Kailangan pa rin ang batayan sa mismong likhang-sining. Minsang nasabi ni Fredric Jameson, teoristang pangkultura, na mas gusto na niya ang “malakas na maling pagbasa (strong misreadings)” sa mga likhang-sining kaysa sa mga mahina at mabuway. Kung kaya mong palabasing tungkol ang pelikulang Moulin Rouge sa pagkamatay umano ng sosyalismo, gawin mo, basta’t kaya mong patunayan. Pero kung sabit, huwag na lang.

Sa kaso ng likhang-sining ni Cruz, nahahangganan ang pagbibigay-pakahulugan dito ng kabuuan nito at lalo na ng titulo nito. Dahil naglipana ang mga larawan ni Hesukristo at ang titulo ay “Poleteismo,” lumilitaw na ang pinoproblema ng likhang-sining ay ang katayuan ng pananampalataya ng mga tao sa Kanya. Ipinapakita ng tambalan ng mga larawan ni Hesukristo at ng iba pang “idolo” ang pagpapantay ng dalawang panig bilang parehong Diyos. Inilalarawan nito ang “politeismo” kung saan isang elemento lamang ang Diyos ng relihiyong monoteistiko.

May elemento ng uri sa likhang-sining ni Cruz. Una, siya na mismo ang nagsabi, nadulas siguro: “Hindi mo ba nakikita ang katulad na mga imahen sa mga pader ng mga bahay sa mga komunidad ng maralitang lungsod?” At ang mga tampok na imahen, bukod kay Hesukristo, ay ng mga taong ipinagpapalagay na idolo ng masa: Manny Pacquiao, Fernando Poe, Jr., Imelda Marcos at iba pa. Wala naman masyadong idolo ng mga nasa panggitna o nakatataas na uri.

Ikalawa, ang pinaglunsaran ng likhang-sining ay mga lunan ng panggitna at nakatataas na uri: CCP Main Gallery nitong huli, Loyola School of Theology sa Ateneo de Manila University, at Vargas Museum sa University of the Philippines. Hindi lang ako sigurado sa katangian ng Kulay Diwa sa Parañaque City.

Sa mga espasyong ito, maaaring nililikha o ginagatungan ng likhang-sining ni Cruz ang pagkabagabag sa pananampalataya at pagiging relihiyoso ng masa ng panggitna at nakatataas na mga uri. O maging ng mga taong-simbahan. Mababanaag ang ganitong pagkabagabag sa pahayag minsan, halimbawa, ni Cardinal Gaudencio Rosales kaugnay ng debosyon sa Itim na Nazareno: “Ang ilan sa nakita natin ngayong araw ay kalabisan ng pagpapakita ng pananampalataya. Maraming karumihan, panira sa pagkapuro (impurities) na kailangang linisin,” aniya.

Mula sa relihiyosong pagbasa, may batayang sabihing tuligsa ang likhang-sining sa tipo ng pananampalataya at pagiging relihiyoso kung saan nagbabangga ang sinasabi sa ginagawa. Politeismo vs. monoteismo, “aktwal na umiiral na Katolisismo” vs. “dapat na Katolisismo.” Sa pagpapahaging ng pagiging ipokrito ng mga nananampalataya, kahanay ng likhang-sining ng kantang “Banal na Aso, Santong Kabayo” ng bandang Yano na naging kontrobersyal din noon.

Ang tunay na eskandalo ng “Poleteismo,” kung tutuusin, ay may-batayang basahing maka-relihiyon: Bakit maraming sinasamba at sinasampalatayaan ang masa labas kay Hesukristo? Pero naging mas malaki ang eskandalong dulot ng pag-akusa ritong kontra-relihiyon. At naroon ang pinakamalaking eskandalo: na ang likhang sining na may posibleng maka-relihiyong komentaryo ay tinuligsa ng mga relihiyoso na kontra-relihiyon. Sarado ang paningin, makitid ang isip.

Sa kabilang banda, pwede rin itong ituring na pagsisiwalat sa pananampalataya at pagiging relihiyoso ng masa sa katulad, halimbawa, ng librong Pasyon and Revolution ni Reynaldo Ileto. Mababanaag ang kaibahan sa mga inimbestigahan ni Ileto at ni Cruz: kung nakabatay ang nauna sa kakaiba o pariwarang pakahulugan sa Bibliya, nakabatay ang kalakhan ng ikalawa sa kulturang popular at pulitika na parehong pinalaganap at pinag-ambagan ng modernong masmidya. Interesante ang pagsiyasat sa ugnayan ng dalawa na nasa magkaibang yugto ng kasaysayan.

Anu’t anuman, bilang depiksyon ng pananampalataya at pagiging relihoyoso ng masa, hindi masasabing kontra-relihiyon ang likhang-sining ni Cruz. Hindi ang likhang-sining ang kontra-relihiyon, kundi ang inilalarawang reyalidad. “Huwag barilin ang mensahero,” ang kagyat na sumasagi sa isip.

Sa ganitong konteksto dapat basahin ang pinaka-kontrobersyal na imahen sa likhang-sining ni Cruz: ang larawan ni Hesukristo na may ashtray na ari ng lalake – huwag na tayong mahiya, sabihin nating titi – na nagsisilbing ilong, nakatapal sa mukha.

Si Cruz mismo ay nahulog sa bitag ng kalaban, ng mga tumutuligsa, at binigyang-pakahulugan ang imahen nang hiwalay sa konteksto nito: “Simboliko ito ng patriyarkiya, simbolo ng kapangyarihan,” aniya. Pero malaya na sa kanya ang likhang-sining at bukas na ito sa pagbasa, sa pagbibigay-interpretasyon ng madla, nang kaiba sa kanya.

Sa konteksto ng inilalarawang politeismo, talaga namang nawawala sa dapat na pagpapahalaga maging ang sinasabing imahen ng Diyos. Hindi lang ito ipinapantay sa iba pang “idolo” kundi itinatabi sa mga bagay na pariwara o bangga sa sinasabing kabanalan nito. Ang ginawa lang ng alagad ng sining ay matalas na ilarawan ang ganito.

Pwede ba itong sabihing tuligsa kay Hesukristo mismo? Posible lang kung aalisin ang imahen sa napakalinaw na konteksto nito. Sa ganyang pagbasa, hindi na pag-unawa ang layunin, wala na sa larangan ng panunuri ng sining, kundi ng pulitikang napakakitid.

Ang problema ni Cruz, ang artista at hindi ang arsobispo, naghahanap ang Simbahang Katoliko ng pambangon ng dangal nitong dinungisan ng napakaraming eskandalo – tampok, para sa marami, ng pagkunsinti sa napakatagal at napakabulok na paghahari ni Gloria Macapagal-Arroyo.

Dahil dito, nahubog ng pulitika, sa napakasamang pakahulugan nito, ang pagbasa sa likhang-sining na “Poleteismo.” At ang pangunahing paraan ng pagbasa ay ang makitid na pagpokus sa isang bahagi ng nito: ang Hesukristong may titi bilang ilong. Kontra-sining, walang pang-unawa ang ganito.

Ang problema pa ni Cruz, nakipagsabwatan sa pagsensura ang rehimeng Aquino na gustong magpabango sa Simbahang Katoliko matapos kaladkarin sa lusak ang huli at dumihan ang puting-puting sutana nito gamit ang iba’t ibang eskandalo ng katiwalian. Oportunistang pamumulitika ang ganito.

13 Agosto 2011

Galing ang mga larawan sa Kamalayan Consciousness.

Maganda ang sagot ni Raul Pangalangan sa mga nagsasabing hindi dapat pondohan ng Estado ang eksibit na “Kulô.” Hindi na natuwa si Katrina Stuart-Santiago sa pagbabalita ni Pinky Webb hinggil sa naturang eksibit. Tinalakay naman ni Mong Palatino ang patakarang Saudization na nakakaapekto sa mga migrante sa Saudi Arabia.

Maligayang kaarawan, Comandante Fidel! Mga kasinungalingan hinggil sa paggamit ng US ng bombang nukleyar sa Hiroshima at Nagasaki sa dulo ng Ikalawang Digmaang Pandaigdig.

Debt Servicing Death

Usap-usapan ang matinding krisis na bumabayo ngayon sa ekonomiya ng US, gayundin ang masamang epekto nito sa ekonomiya ng Pilipinas. Mababawasan ng uutangan ang rehimeng Aquino – mas para sa operasyon nito, dahil hindi naman sa serbisyong panlipunan napupunta ang pondo nito. Mababawasan ang pamumuhunang pumapasok sa bansa kaya maging ang trabaho. Maging ang mga kumpanyang Amerikano sa bansa, posibleng magbawas o magkontraktwal ng mga manggagawa. Mababawasan ang remitans ng mga Pinoy sa Merika at posibleng pauwiin ang mga TNT sa hanay nila. At dahil bagsak ang produksyon, babaling ang mga ispekulador sa langis, isang batayang pangangailangan ng ekonomiya ng mundo. Ibig sabihin, kasabay ng papalapit na taglamig sa US, tataas ang presyo ng langis at, syempre pa, ng mga kaakibat na kalakal.

Sa isang bahagi, itinutulay ni Richard D. Wolff, Marxistang teoristang pampulitika at pang-ekonomiya, ang nagaganap sa US sa progresibong pagsusuri sa kasaysayan ng kasalukuyang pang-ekonomiyang krisis. Aniya, kaakibat ng mga hakbangin noong dekada ’80 na karaniwan na ngayong tawaging “neoliberal” – katulad ng pagbarat sa sahod ng mga manggagawa, pagkaltas sa pondo para sa serbisyong panlipunan, at paghuthot ng malaking tubo – kinaltasan ng mga naghaharing uri sa US ang buwis na sinisingil sa kanila ng gobyerno. Ang resulta: nabawasan ng pondo ang gobyernong US at kinailangan nitong mangutang sa mga naghaharing uri ng dapat sana’y buwis na kinokolekta sa kanila. Pero kulang ang paliwanag ni Wolff; dapat idagdag ang bailouts, pagsasapribado ng mga pag-aari ng gobyerno, at mga magastos na gerang agresyon.

May problema, gayunman, sa isang bahagi ng pagsusuri ni Wolff. Madalas mabasa sa alternatibong midyang “liberal” sa US ang ganitong paliwanag sa hindi pagboto tuwing eleksyon ng malaking seksyon ng maralitang populasyon ng US: Sawa na sila sa pampulitikang sistema dahil hindi nito tinutugunan ang mga pangangailangan nila, tampok ang empleyo. Maaaring totoo ito sa isang antas, pero ganito ang sabi ni Wolff: Naganap ang pagdambong ng mga naghaharing uri sa pondo ng gobyerno “dahil ang mga nasagad at nabagabag (exhausted and stressed) na manggagawa ay umiwas sa partisipasyon o mga pampulitikang interes matapos ang dekada ’70. Taliwas dito, ginamit ng mga employer ang tubo na naging posible dahil sa hindi gumagalaw na sahod at tumataas na produktibidad para bumili ng mga pulitiko, partido at patakaran.”

Kakatwa ang pahayag na ito. Ang pagsusuring gamit ng midyang “liberal” para ipagtanggol ang mga manggagawang Kano at sisihin ang mga naghaharing uri ay ginagamit ni Wolff ngayon, hindi lang malinaw kung maging sa iba niyang sulatin, para sisihin ang mga manggagawa at ilarawan sila bilang katuwang ng naghaharing uri sa pagdudulot ng kasalukuyang krisis. Simptomatiko ang pagsukat sa pagkilos ng mga manggagawa gamit ang eleksyon – na bilang epektibong larangan ng pagtunggali sa mga patakaran ay tiyak na malayo sa pangunahin. Ramdam samakatwid, pero hindi tahasang binabanggit, ang kawalan ng signipikanteng pwersa ng Kaliwa na mamumuno sa gayong paglaban ng mga manggagawa. Pero kahit mayroong ganito, kwestyonable pa rin kung hindi maipapatupad ng mga neoliberal na patakaran gaya ng naganap na.

Anu’t anuman, ang wala sa ganitong pag-unawa sa pagkabaon sa utang ng gobyernong Amerikano, bagamat nasa ibang sulatin ni Wolff, ay ang pagsusuri sa pandaigdigang mga salik-sanhi ng krisis na nagdulot ng mga patakarang neoliberal. Pangunahin dito ang krisis ng labis na produksyon na dulot ng pagbangon ng ekonomiya ng Germany at Japan sa pagkalugmok noong Ikalawang Digmaang Pandaigdig at ang pagkabangkarote ng gobyernong Amerikano sa pagsuong nito sa mga gerang agresyon. Ganito ka-laki at ka-bigat ang mga salik na nagdulot ng mga patakarang neoliberal ng gobyernong Amerikano lalo na sa ilalim ni Ronald Reagan. Mas kapani-paniwalang ipagpalagay, lalo na’t wala namang tunay na alternatiba noon – tulad ngayon – sa paghahari ng dalawang dominanteng partido sa US, na matutuloy ang pagratsada sa nasabing mga patakaran.

Masasabing masyadong optimistiko ang pagsusuri ni Wolff sa panahon ng dekada ’70 at maging ’80 sa US dahil hindi niya ramdam ang buong bigat ng sitwasyon. Tila kapani-paniwala ang pagpapahalaga niya sa eleksyon sa US dahil nawawala ang pagsusuri sa pandaigdigang konteksto ng krisis na tinugunan ng mga patakarang neoliberal. Hindi sapat ang eleksyon para magkaroon ng tunay na pagbabago sa pamunuan sa US. Hindi rin sapat ang suriin lamang ang aktwal na mga patakaran ng gobyernong US at hindi ang malalaking salik na nagdulot ng mga ito – at, syempre pa, ng kahirapan ng mga manggagawang Amerikano at ng pagkabangkarote ng gobyernong Kano. Sa gitna ng napakatinding krisis sa Amerika, tanging mga pwersang Kaliwa na may sistemiko at matagalang pagsusuri sa krisis ang makakapaglatag ng tunay na paglaban at alternatiba.

10 Agosto 2011

Galing dito ang mga likhang-sining ni Alfredo Jaar.

Maraming mapupulot kay Ben Ehrenreich, dating asawa ni Barbara (na ang librong Nickel and Dimed ay sampung taon na), tungkol sa pinakamayamang tao sa mundo mula Mexico, ang apelyido ay Slim, sa kalagayan ng bansang iyan at ang gera sa droga doon.

Pwedeng tumindig na babala sa mga bidyo-dokumentarista ang entring pang-blog ni Slavoj Zizek tungkol sa The Hurt Locker noong isang taon: mahalaga ang konteksto, hindi ang pokus sa personal na karanasan.

Pesismistiko ang komentaryo ni Tariq Ali sa tutunguhin ng mga riot sa UK. Kulang daw kasi ng “tunay na partido ng oposisyon.” Alam naman ang dapat gawin, pero nakuntento na sa pagsasabi nito? Maiksing paglalarawan ni Nina Power ng konteksto ng riots.

Binaybay ng kritikong si Elmer Ordoñez ang ugnayan ni Jose Rizal sa sosyalismo sa Europa sa panahon ng nauna. Nakuha ko sa pamamagitan ni Angela Stuart-Santiago. Salamat!

Mula kay Michael Moore: Magandang balik-aral sa kasaysayan, 30 taon ngayon, sa pag-atake ni Ronald Reagan sa unyon ng mga manggagawa na naging susi sa kasunod na panahon ng pagpapatupad sa mga patakarang neoliberal. Kakatwang “panggitnang uri” ang tawag sa mga manggagawa.

Oplan Get Garci

Matapos ulanin ng batikos, natabunan ng ibang balita ang State of the Nation Address ni Pangulong Noynoy Aquino. Kasamang natabunan ang isang balitang may batayang tingnan bilang paghahanda rito: ang pagpapadala umano ni Virgilio “Garci” Garcillano, sikat na dating komisyoner ng Comelec, ng paramdam o feelers na handa na itong magkwento ng buong nalalaman hinggil sa kontrobersyang nakapangalan sa kanya.

Si Ronald Llamas ng Akbayan Partylist, tagapayong pampulitika ni Pangulong Aquino, ang nagpasingaw ng balita – na mabilis ding nangamoy nang mas mabaho pa sa pinapasingaw ng katawan. Ang sabi niya: Kusang nagpaabot si Garci ng paramdam. Handa na raw itong magsiwalat ng lahat ng nalalaman laban kay Gloria Macapagal-Arroyo tungkol sa pandaraya sa eleksyong 2004 kontra kay Fernando Poe, Jr.

Ang agad na sabi ni Garci: hindi siya nagpaabot ng paramdam. Pinuntahan daw siya ng mga tauhan ng gobyerno, dalawang militar, para hikayating magsalita. Nasabi na raw niya ang lahat ng dapat sabihin at nananahimik na raw siya. Huwag na raw siyang gamitin ng gobyernong Aquino. Magkamatayan na raw, pero handa na niyang dalhin hanggang libingan ang mga lihim nila ni Gloria. Biro at dagdag ko na lang ang huli.

Mabilis ang sagot ni Llamas: Naghabol ang mga humahawak (handlers) kay Garci para pigilan itong magsalita. Pinangalanan niya sina Hermogenes Ebdane, gobernador ng Zambales, at Rodolfo “Bong” Pineda, panginoong may jueteng-an sa Gitnang Luzon. Ang dating, binulunan ng pera si Garci para hindi magsalita. Krusyal ang isang Major Jason Aquino na lumapit umano kay Garci at nagpadala ng paramdam kay Llamas.

Sa gitna ng mga akusasyon at kontra-akusasyon, sino ang dapat paniwalaan?

Magsimula tayo sa alam ng marami: halang ang kaluluwa nitong si Garci. Walang naniniwalang hindi nila dinaya ni Gloria ang eleksyong 2004. Pilit pa nilang itinago ang katotohanan hinggil rito. Hindi kapani-paniwalang bigla na lang siyang magbabagong-loob, maliliwanagan ng isip at – Hallelujah! – aamin sa mga kasalanan. Kasing-imposible ng pagkakaroon niya ng malagong buhok, kasama na sina Llamas at Noynoy.

Hindi rin kapani-paniwala ang propaganda ng rehimeng Noynoy kung bakit umano’y mahimalang nagsusulputan ngayon ang mga testigo laban kay Gloria: na kesyo may tiwala na sila sa pamahalaan. Kaya ano, tinakot-takot lang ni Gloria si Garci hanggang nitong huli? Hindi talaga sila magkasabwat sa pandaraya? At ano ang tingin ng rehimeng Noynoy sa sarili nito? Kursilyo? Nagpapaamin sa mga tao ng mga kasalanan?

Ni wala pang kasong naisasampa ang rehimeng Noynoy laban kay Gloria para matakot si Garci at kusang umanin ng kasalanan!

Ang kapani-paniwala: Patakaran ng rehimeng Noynoy na pasulputin ang lahat ng testigong kayang pasulputin para mapainit muli ang mga kaso laban kay Gloria bago ang kakatapos na Sona ng pangulo. Syempre, para ito mapagtakpan ang kawalan ng mabuting nagawa sa larangan ng ekonomiya, partikular sa kabuhayan ng mga maralita, at maging sa pangako nitong papanagutin sa mga kasalanan at krimen niya si Gloria.

Ang kapani-paniwala pa: Desperado si Llamas na magpakitang-gilas sa boss niya at manatili sa pwesto. Nabalita kasing kasama siya sa mga pinaringgan ni Noynoy na mga miyembro ng gabinete na tagapaghatid ng masamang balita – kasama sina Teresita “Ging” Quintos-Deles at Alberto Lim. Sabi ni Noynoy, makita pa lang niya ang tatlo, lalo na siguro iyung dalawa diyang may maasim na mukha, nasisira na ang araw niya.

Kaya ang mas malamang na nangyari: Nilapitan ng rehimeng Noynoy si Garci, sa inisyatiba ni Llamas, para pagsalitain laban kay Gloria. Wala naman sanang problema. Ang kaso lang, kilala natin si Garci. Bayaran ito ni Gloria, kaya kailangan ding bayaran para kumanta. At laman ng balita ang umano’y P50 Milyon na inialok kay Garci, na itinanggi – syempre pa – ng Malakanyang. Napakaliit naman ng halagang iyan!

“Hindi kami ganyan (We’re not like that),” mayuming pagtanggi ni Edwin Lacierda, tagapagsalita ng pangulo, sa tanong ng midya tungkol sa nasabing pagsuhol kay Garci. Kaya ano, humarap ang mga tauhan ng rehimen kay Garci na ang dala-dala lang ay prinsipyo, pangangaral at kung sakali’y panalangin? Nakonsensya na si Garci at gusto nang linisin ang kanyang mabangong pangalan? Lokohin nila ang lelang nilang panot!

Sa desperasyon ng rehimeng Aquino na painitin muli ang mga kasalanan ni Gloria sa bayan, lumalabas na humahantong na ito sa mga taktika ni Gloria, kasama na ang panunuhol. Sa desperasyon ni Llamas na magkapit-tuko sa pwesto, tinangka niyang suhulan si Garci laban kay Gloria. Sa kasabikan niyang mag-ambag sa propagandang pre-Sona ni Noynoy, hindi sadyang naisiwalat ni Llamas ang isang baho ng gobyerno.

01 Agosto 2011

Galing ang mga larawan dito.

May isa, dalawang sulatin si Arnold Padilla na naglalantad sa baluktot na paggamit sa estadistika sa Sona ni Noynoy. Tinuligsa naman ni Jose Carlos Maningat ang paggamit ng pangulo ng metapora sa nasabing talumpati.

Tulungan natin siya: Pinuputakti ng mga maka-Noynoy ang PULPOLitika sa entring ito. Nagpapatuloy ang pagba-blog sa Red Cards tungkol sa football at pulitika. Heto ang tungkol kina Zinedine Zidane at Frantz Fanon.

Pinahusay ng mamamahayag na si Carlos H. Conde ang kanyang blog! Nakakatuwa rin at nagbalik si Rep. Teddy Casiño sa pagsusulat: Heto ang kanyang alternatibong Sona. Ang huhusay ng mga progresibong mambabatas!

Follow

Get every new post delivered to your Inbox.

Join 118 other followers