Oplan Get Garci

Matapos ulanin ng batikos, natabunan ng ibang balita ang State of the Nation Address ni Pangulong Noynoy Aquino. Kasamang natabunan ang isang balitang may batayang tingnan bilang paghahanda rito: ang pagpapadala umano ni Virgilio “Garci” Garcillano, sikat na dating komisyoner ng Comelec, ng paramdam o feelers na handa na itong magkwento ng buong nalalaman hinggil sa kontrobersyang nakapangalan sa kanya.

Si Ronald Llamas ng Akbayan Partylist, tagapayong pampulitika ni Pangulong Aquino, ang nagpasingaw ng balita – na mabilis ding nangamoy nang mas mabaho pa sa pinapasingaw ng katawan. Ang sabi niya: Kusang nagpaabot si Garci ng paramdam. Handa na raw itong magsiwalat ng lahat ng nalalaman laban kay Gloria Macapagal-Arroyo tungkol sa pandaraya sa eleksyong 2004 kontra kay Fernando Poe, Jr.

Ang agad na sabi ni Garci: hindi siya nagpaabot ng paramdam. Pinuntahan daw siya ng mga tauhan ng gobyerno, dalawang militar, para hikayating magsalita. Nasabi na raw niya ang lahat ng dapat sabihin at nananahimik na raw siya. Huwag na raw siyang gamitin ng gobyernong Aquino. Magkamatayan na raw, pero handa na niyang dalhin hanggang libingan ang mga lihim nila ni Gloria. Biro at dagdag ko na lang ang huli.

Mabilis ang sagot ni Llamas: Naghabol ang mga humahawak (handlers) kay Garci para pigilan itong magsalita. Pinangalanan niya sina Hermogenes Ebdane, gobernador ng Zambales, at Rodolfo “Bong” Pineda, panginoong may jueteng-an sa Gitnang Luzon. Ang dating, binulunan ng pera si Garci para hindi magsalita. Krusyal ang isang Major Jason Aquino na lumapit umano kay Garci at nagpadala ng paramdam kay Llamas.

Sa gitna ng mga akusasyon at kontra-akusasyon, sino ang dapat paniwalaan?

Magsimula tayo sa alam ng marami: halang ang kaluluwa nitong si Garci. Walang naniniwalang hindi nila dinaya ni Gloria ang eleksyong 2004. Pilit pa nilang itinago ang katotohanan hinggil rito. Hindi kapani-paniwalang bigla na lang siyang magbabagong-loob, maliliwanagan ng isip at – Hallelujah! – aamin sa mga kasalanan. Kasing-imposible ng pagkakaroon niya ng malagong buhok, kasama na sina Llamas at Noynoy.

Hindi rin kapani-paniwala ang propaganda ng rehimeng Noynoy kung bakit umano’y mahimalang nagsusulputan ngayon ang mga testigo laban kay Gloria: na kesyo may tiwala na sila sa pamahalaan. Kaya ano, tinakot-takot lang ni Gloria si Garci hanggang nitong huli? Hindi talaga sila magkasabwat sa pandaraya? At ano ang tingin ng rehimeng Noynoy sa sarili nito? Kursilyo? Nagpapaamin sa mga tao ng mga kasalanan?

Ni wala pang kasong naisasampa ang rehimeng Noynoy laban kay Gloria para matakot si Garci at kusang umanin ng kasalanan!

Ang kapani-paniwala: Patakaran ng rehimeng Noynoy na pasulputin ang lahat ng testigong kayang pasulputin para mapainit muli ang mga kaso laban kay Gloria bago ang kakatapos na Sona ng pangulo. Syempre, para ito mapagtakpan ang kawalan ng mabuting nagawa sa larangan ng ekonomiya, partikular sa kabuhayan ng mga maralita, at maging sa pangako nitong papanagutin sa mga kasalanan at krimen niya si Gloria.

Ang kapani-paniwala pa: Desperado si Llamas na magpakitang-gilas sa boss niya at manatili sa pwesto. Nabalita kasing kasama siya sa mga pinaringgan ni Noynoy na mga miyembro ng gabinete na tagapaghatid ng masamang balita – kasama sina Teresita “Ging” Quintos-Deles at Alberto Lim. Sabi ni Noynoy, makita pa lang niya ang tatlo, lalo na siguro iyung dalawa diyang may maasim na mukha, nasisira na ang araw niya.

Kaya ang mas malamang na nangyari: Nilapitan ng rehimeng Noynoy si Garci, sa inisyatiba ni Llamas, para pagsalitain laban kay Gloria. Wala naman sanang problema. Ang kaso lang, kilala natin si Garci. Bayaran ito ni Gloria, kaya kailangan ding bayaran para kumanta. At laman ng balita ang umano’y P50 Milyon na inialok kay Garci, na itinanggi – syempre pa – ng Malakanyang. Napakaliit naman ng halagang iyan!

“Hindi kami ganyan (We’re not like that),” mayuming pagtanggi ni Edwin Lacierda, tagapagsalita ng pangulo, sa tanong ng midya tungkol sa nasabing pagsuhol kay Garci. Kaya ano, humarap ang mga tauhan ng rehimen kay Garci na ang dala-dala lang ay prinsipyo, pangangaral at kung sakali’y panalangin? Nakonsensya na si Garci at gusto nang linisin ang kanyang mabangong pangalan? Lokohin nila ang lelang nilang panot!

Sa desperasyon ng rehimeng Aquino na painitin muli ang mga kasalanan ni Gloria sa bayan, lumalabas na humahantong na ito sa mga taktika ni Gloria, kasama na ang panunuhol. Sa desperasyon ni Llamas na magkapit-tuko sa pwesto, tinangka niyang suhulan si Garci laban kay Gloria. Sa kasabikan niyang mag-ambag sa propagandang pre-Sona ni Noynoy, hindi sadyang naisiwalat ni Llamas ang isang baho ng gobyerno.

01 Agosto 2011

Galing ang mga larawan dito.

May isa, dalawang sulatin si Arnold Padilla na naglalantad sa baluktot na paggamit sa estadistika sa Sona ni Noynoy. Tinuligsa naman ni Jose Carlos Maningat ang paggamit ng pangulo ng metapora sa nasabing talumpati.

Tulungan natin siya: Pinuputakti ng mga maka-Noynoy ang PULPOLitika sa entring ito. Nagpapatuloy ang pagba-blog sa Red Cards tungkol sa football at pulitika. Heto ang tungkol kina Zinedine Zidane at Frantz Fanon.

Pinahusay ng mamamahayag na si Carlos H. Conde ang kanyang blog! Nakakatuwa rin at nagbalik si Rep. Teddy Casiño sa pagsusulat: Heto ang kanyang alternatibong Sona. Ang huhusay ng mga progresibong mambabatas!

About these ads
Post a comment or leave a trackback: Trackback URL.

Comments

  • ryandamasoRyan  On August 4, 2011 at 8:55 am

    Sa pangyayaring mga dayaan at pagnanakaw ng dating rehimen.. Noon pa man ay matalas ng isiniwalat at walang takot na kinundena ng mga National Democrats (Tanging Consistent sa pinaglalaban) ang mga katiwaliang ito. Higit lang nitong kinukumpirma ang anarkistang katangian ng mga burges. Dinidiinan pa ang katotohanang kayang kaya nilang paikutin ang politikang kapaligiran ng bansa kung nanaisin nila. Habang nagbabangayan ang mga elitista at orden ng kahirapan ng masa nagpapalakas naman ito sa sitwasyong pagkakaroon ng krisis o ” Revolutionary Crisis” na ang mamamayan ang tatangan upang resolbahin ito.

  • kapirasongkritika  On August 4, 2011 at 4:21 pm

    Una sa lahat: Welcome back! Hehe.

    Agree. Hindi lang “habang”: ang pagbabangayan ng mga elitista at pagtindi ng kahirapan ng masa ang mga salik ng pagkakaroon ng rebolusyunaryong krisis.

    Hindi na sila makapaghari sa lumang paraan!

    Salamat sa pagkokomentong muli!

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s

Follow

Get every new post delivered to your Inbox.

Join 146 other followers

%d bloggers like this: