Monthly Archives: October 2011

Prospek ng Occupy sa Pilipinas

Marami sa mga progresibo ang katulad ngayon ni Prop. Leonor Magtolis-Briones ng Unibersidad ng Pilipinas: nagmumuni tungkol sa posibilidad ng pagputok ng protestang Occupy sa bansa. Halata ang simpatya niya sa pagkakaroon ng lokal na kaakibat – higit pa sa lokal na bersyon – ng ganitong protesta sa mundo. Sa isang banda, nakilala siya bilang isa sa mga lider-estudyante na nagsalaksak ng trak ng bumbero sa tarangkahan ng Malakanyang noong Sigwa ng Unang Kwarto. Anu’t anuman, heto ang ilang ambag ko sa mga umiinog na talakayan hinggil sa prospek ng protestang Occupy sa ating bansa:

(1) Mainam ang kalagayan. Hindi na siguro kailangang isa-isahin pa ang mga isyung nagpapatunay na tumitindi at titindi pa ang kahirapan at kagutuman ng mga mamamayan. Sa pangkalahatan, ang mga interes ng malalaking kapitalistang dayuhan at lokal, ng mga dayuhang bangko, ng malalaking panginoong maylupa, at ng mga tiwaling pulitiko ang nananaig sa bansa. Ang gobyernong Aquino, bukod sa pagpanig sa mga nabanggit na grupo, ay nagpapatupad ng di-idinedeklarang programa ng pagtitipid o austerity para sa mga mamamayan, habang pinapatindi rin ang paghuthot sa huli. Minana rin nito ang napakaraming komitment na neoliberal ng mga naunang rehimen.

(2) Ang mga aktibistang pambansa-demokratiko ang nasa pinakamainam na katayuan na pamunuan ito. Bukod sa sila ang pinakamarami, sila rin ang pinakalubog sa masa. Sila rin ang tuluy-tuloy na naglalantad at lumalaban sa pagpapatindi ng kahirapan at kagutuman. Hindi maaasahan ang mga grupong nagpapakilalang “Kaliwa” pero todong nagpalamon sa gobyernong Aquino. Takot na takot silang magalit ang kanilang alyado dahil sa kung anong protesta; takot na takot silang matanggalan ng posisyon at sweldo sa gobyerno. Hindi nila iniisip ang magandang kalagayan para magmulat at mag-organisa dahil wala naman silang tinatanaw na rebolusyon sa saklaw ng kanilang buhay.

(3) Nakatuntong ito sa lawak at lakas ng mga naunang protesta ng mga mamamayan. Sa propaganda, may naipundar nang puhunan hinggil sa iba’t ibang isyu; ang hamon ay kung paano ikakawing at itataas ang mga ito – sa isang paraan na madaling maunawaan ng marami. Sa lunsaran ng protesta, may mga nahawan nang sentro ng protesta; ang hamon ay kung paano eengganyuhin ang mga mamamayan sa paligid nito na lumahok. Sa mahalagang suporta ng mga nasa panggitnang uri, sila mismo ay nakakaramdam ng krisis at sila ang mas inaabot, sa pamamagitan ng Facebook at iba pang social networking sites, ng impormasyon at ahitasyon hinggil sa protestang Occupy sa US.

(4) Ang isang susi ay ang pagtukoy sa puntirya ng protesta batay sa iba’t ibang isyu. Sa US, “corporate greed” ang tampok na target ng protesta. Sa Pilipinas, isang panukala ang “Kapitalistang Gahaman, Kasabwat na Pamahalaan.” Sa US, ang panahong binabalik-tanawan ay ang “gera kontra-terorismo” simula 2001 at tampok ang pagsambulat ng matinding krisis noong 2008. Sa Pilipinas, maaari ring simula 2001, sa bungad ng pagrereyna ni Gloria Macapagal-Arroyo. O mas maaga, sa 1992, bungad ng rehimen ni Fidel Ramos. Kung ang huli ang pipiliin, kailangan at ibubunga ng protesta ang pagbuo sa kamalayan ng mga mamamayan ng epekto ng neoliberalismo sa bansa.

(5) Mahirap kung ilulunsad ang protestang Occupy sa Makati na, tulad ng Wall Street, ay sentro ng pampinansyang aktibidad sa bansa. Malayo kasi ito sa malawak na mamamayan na maaasahang lalahok. Maaari ang Maynila para malapit sa mga sentro ng kapangyarihan at tradisyunal na pinagraralihan, tulad ng Mendiola at US Embassy. Pero ang mahalaga ay kung saan ito makakaakit ng malawak na paglahok at suporta ng mga mamamayan. Pwede ang Morayta, Welcome Rotonda, o Quezon City Memorial Circle. Ayon sa isang balita, nakaasa ang mga nagpoprotesta sa Wall Street sa kabaitan ng Burger King sa pagpapagamit ng kubeta. Ganito kaya ang mangyayari sa bansa?

(6) Ilan pang punto: Mas mainam kung hindi magtatagal ang protesta nang walang taning. Mas magiging rurok ito ng protesta, na maaaring tumagal nang ilang araw, pero hindi pipiliting isustine nang matagal. Ang mas mahalaga pa rin ay ang pag-abot, paghikayat at pagpapakilos sa paparaming mamamayan sa kanilang konsentrasyon. Tiyak na magiging mahalaga ang papel rito ng mga kabataan at estudyante, silang kayang tumao sa paglulunsaran ng protesta. Sigurado, may musika rito, na pwedeng pana-panahon o gabi-gabing rumurok sa mga konsyerto. Babalik-aralan at tutugtugin ang maraming awit at himig ng protesta, at maging mga awit at himig ng pagrerebelde.

24 Oktubre 2011

Galing ang mga larawan sa maaasahang si Curate.

Magandang laging tingnan ang kolum ni Priscilla Pamintuan. May parangal-kritika si E. San Juan, Jr. sa modernistang makatang si Alejandro G. Abadilla: hindi pa raw ito lubos na nakahulagpos sa burgis na indibidwalismo.

Para raw puga sa batas ang mga walang bahay sa Amerika, sabi ni Barbara Ehrenreich. Agit naman ang sulatin ni Mike Davis tungkol sa protestang Occupy, liban lang sa pagkiling niya sa “anarkistang posisyon.”

Hinggil sa mga pasimuno ng kampanyang We are the 99%. May yugtu-yugto sa pag-unawasa Occupy Wall Street, sabi ni Immanuel Wallerstein. Gumuguhit ng linya si Michael D. Yates sa pagitan ng mga liberal at Marxistang ekonomista.

Nagbabayad sa Popularidad

Popular pa rin si Pang. Benigno “Noynoy” Aquino III. Malamang na hindi sa antas na sinasabi ng mga sarbey, dahil nasa pamunuan ng dalawang nangungunang kumpanya ng sarbey sa bansa ang kadikit at kamag-anak niya. Pero tiyak na malayo sa inabot na suklam sa rehimen ni Gng. Gloria Macapagal-Arroyo. Syempre pa at syempre naman.

Walang duda, ang mismong gobyernong Aquino, naniniwalang popular ito. Makikita ito sa kung paano nito matikas na pinapasahol ang mga patakarang ipinatupad din ng kinamuhiang gobyernong Arroyo. Makikita ito sa kung paano nito hindi pinapansin – mas tama ang “dinededma” – at iniinsulto pa, ang mga protestang sumasalubong dito.

Nitong huli, ang malinaw na patunay ay ang pagharap ng pangulo sa kontrobersyang nagpapatampok kay Ronald Llamas, lider ng Akbayan at tagapayong pampulitika niya. Tigas-ulo at kapal-mukhang pinanatili ni Aquino si Llamas sa pwesto, sa kabila ng pagkakalantad ng maraming patunay sa kontrobersya na umabuso ito sa awtoridad.

Nakabatay ang popularidad ni Aquino sa galit ng mga mamamayan kay Arroyo – at sa paggamit dito ng gobyernong Aquino. Nasisilip ang kapalpakan ni Noynoy sa harap ng bagyo? Kasuhan ang pamilya Arroyo. Wala masyadong nagawa para iulat sa State of the Nation Address? Tugisin ang pamilya Arroyo. Kahit wala naman talagang nagawa rito.

Nakabatay rin ang popularidad ni Aquino sa kanyang retorikang kontra-korupsyon. Hindi pa dahil talagang malinis ang gobyerno niya, hindi pa dahil may naparusahan na itong malaking isda, kundi dahil wala pang mayor na eskandalo ng korupsyon ang nalalantad. Kahit wala pa itong nagagawang malaki laban sa sistemikong katiwalian.

Ang masaya sa popularidad ni Aquino, syempre pa, ay ang mga nakikinabang sa gobyerno niya. Ang mga dayuhang bangkong nagpapautang sa bansa na nagtutulak ng hindi-deklaradong pagtitipid ng gobyerno at paghuthot sa mga mamamayan. Ang malalaking kapitalista, na nagpapatindi ng pagsasamantala sa mga manggagawa.

Ang kartel sa langis, na ni hindi kailangang magsalita para ipagtanggol ang pagnanakaw nila. Ang mga dayuhang kumpanya ng pagmimina na todo-gahasa sa kalikasan at maralita. Ang mga panginoong maylupa, na nagpapatindi pa ng pagkamkam ng lupa. Ang mga lider ng mga grupong tulad ng Akbayan, na nagsisiyaman sa pamahalaan.

Sa madaling salita, may nagbabayad sa popularidad ng gobyernong Aquino, nang mahal at sa isang pakahulugan ay literal: ang mga mamamayan. Sa pagkamalay rito ng mga mamamayan, nang hakbang-hakbang pero papabilis, at sa batayan ng mga kongkretong isyung dumadami at sumisidhi, magbabayad din nang mahal ang gobyernong Aquino.

Popular pa rin si Aquino, pero bistado at kinasusuklaman na ng mga mamamayan ang sistemang pinaghaharian niya. May ilan ngang umasang siya ang magiging tagapagligtas ng nasabing sistema. Pero lagi’t laging binabasag ng reyalidad ang ilusyon. Tiyak, mas madali kaysa malaon, papawiin ng kabulukan ng sistema ang popularidad ng pangulo.

15 Oktubre 2011

Galing ang larawan ng likhang-sining ni Juan Muñoz dito.

Maiksing kwento-kwento tungkol sa epekto sa musikang Motown ng paglakas ng radikalismo sa US noong dekada ’60. Pagtingin ni Paul Krugman sa Occupy Wall Street, gayundin ang panukala niyang maging mga panawagan nito. Simpleng pagtalakay ni Richard D. Wolff sa kahirapan at kapitalismo.

Maalab na maalab ang entri ni Mong Palatino tungkol sa mga guro. Trivia, trivia: tungkol sa mga sikat na kanta ng bandang Hotdogs. May maganda’t maikling pagmumuni si Tanglad tungkol sa mga migranteng Pinoy at microcredit. Gusto ko ang Side B sa entring ito ni Katrina Stuart-Santiago.

Lost My Job but Found an Occupation

O mga Liham sa Patnugot hinggil sa Kung Anu-ano. Hanga ako sa liham sa patnugot bilang porma ng pagsulat: magaang, direkta-sa-punto, maiksi at naglalahad ng personal na paghusga, kahit ng suhetibismo. Heto ang ilan tungkol sa ilang isyu.

Batay sa pulso sa Facebook, madali para sa mga aktibista sa Pilipinas o kaugnay ng Pilipinas na maunawaan ang Occupy Wall Street sa partikular at ang kilusang “Occupy XXX” sa pangkalahatan. Sa pangunahin ay positibo ito at dapat suportahan. Pagkakataon ito para sa mga manggagawa at mamamayan sa US na iprotesta ang mga epekto ng napakatinding krisis pang-ekonomiya at tungkabin ang mga ugat nito sa sistemang imperyalista. Naging lunsaran na ito ng mga propagandang simple at popular hinggil sa kabulukan ng nasabing sistema.

Ang ipinagtataka ko ay ang maraming pagdududa, kung hindi man pagtutol, rito ng mga aktibista – o marahil, ng mga maka-Kaliwang intelektwal – sa US mismo. Sa ilang nabasa ko, ang tendensya ay tingnan ang protesta bilang katunggali ng sariling teorya at praktika ng pagpoprotesta at pagsusulong ng progresibong kilusan at alternatiba. May tendensyang hindi ito tingnan bilang protesta sa mga karaingan, isyu at panawagan na pinagsasaluhan ng mga grupong aktibista at ng malawak na hanay ng mga manggagawa at mamamayan – hindi nga lang ng US, kung hindi ng mundo.

Pero kakatwa rin naman talaga ang Occupy Wall Street sa partikular sa pagtangging magkaroon ng sentral na mga panawagan at lider. Sa isang banda, ang katangiang ito ang nagbubukas dito sa paglahok ng malawak na masa at ng iba’t ibang grupong aktibista. Sa kabilang banda, repleksyon ito ng lipunang Amerikano mismo, sa pagbibigay-halaga sa pluralidad at pagiging liberal. Repleksyon din ito ng Kaliwa ng US mismo, na sa pagtanggi sa tinatawag nitong “Old Left” at pagkatakot sa mga sekundaryong pagkakamali sa pagsusulong ng sosyalismo, ay maraming agam-agam kung hindi man pagtutol sa Leninistang partido.

Napaka-arogante ng gobyernong Aquno sa pagtugon sa mga protesta. Hindi pa nga direktang kontra-gobyerno ang mga ito, ganyan na ang reaksyon nito – resbak. Ang mga tsuper ng dyip na nagwelga laban sa panghuhuthot ng kartel sa langis, sinabihan nitong “perwisyo.” Ang mga estudyanteng nagwelga laban sa kaltas sa badyet sa edukasyon, sinabihan nitong “mag-aral na lang kayo.” At ang mga manggagawa ng Philippine Airlines na may batayan para magwelga na, binantaan nito ng mga kaso.

Malamang, arogante ito dahil naniniwala itong popular pa rin ito sa mga mamamayan. Pero kung sa mga patakaran lang, mas malamang na nababawasan na ang popularidad na ito. Iyun nga lang, iba kasi ang ipinapakita ng mga sarbey. Sa isang banda, paano, kamag-anak at kadikit ng pangulo ang mga namumuno sa dalawang nangungunang kumpanya ng sarbey sa bansa.

Anu’t anuman, tiyak na kakambal ng arogansya ng gobyerno ang desperasyon. Ano nga naman ang magagawa nito laban sa kartel sa langis? Laban sa dikta ng mga bansa at bangkong nagpapautang na magpatupad ng hindi idinedeklarang austerity o pagtitipid? At laban sa malalaking kapitalistang tulad ni Lucio Tan? At sa ganyang pagpapakainutil na pagpanig tuluyang guguho ang popularidad ng gobyernong Aquino. Ibang bagay pa kung ipapakita ito ng mga sarbey.

Hindi ako kasama sa kahanga-hangang hanay ng mga Noranian. Ang mga kamag-anak kong mahilig sa showbiz, mas Sharonian. Kahit naninigarilyo ako, alam kong masama ito sa kalusugan at sinusuportahan ko ang paglaban sa pagpapalaganap nito. Pero gusto kong ipagtanggol si Ate Guy sa paglabas niya sa pabalat ng isang magasin na may hawak na yosi.

Una, kuha ng larawan ang imahen ni Nora sa pagbabalik sa bansa at sa mata ng publiko. Hindi naman siya naging istiryutipikal na mabait na tao, hindi ba? Alam ng lahat ang kakaiba at pariwarang landas na tinahak ng buhay niya. Ngayon, humaharap siya sa publiko na parang nag-iisip, may agam-agam pa nga, may bahid pa rin ng nakaraan niya. Pero matapang na humaharap.

Ikalawa, magpapalaganap ba ang pabalat ng paninigarilyo? Kadalasan ang takot na ito ay kaugnay ng mga iniidolo ng kabataan, dahil mas kabataan naman ang nahahatak ng yosi. Pero si Nora? Ang mga umiidolo sa kanya, kung hindi man matagal nang naninigarilyo, at siguro’y nagkakasakit na nga dahil dito, ay buo na ang isip na hindi maninigarilyo. Kaya ano ang ikinakatakot sa pabalat?

My brother is not a book, don’t judge him,” sabi dati ni Melanie Marquez sa isang pasabog na pinagsamang “My brother is not a pig” ni Nora sa isang pelikula at ng orihinal na kasabihang Ingles. Ang kakatwa, natabunan ng eskandalo sa pabalat ang eskandalo sa loob ng magasin: ang rebelasyon ni Nora na posibleng isa siyang bisexual. Hindi kaya ito ang katotohanang ayaw kumprontahin ng mga ibinubuga ang galit sa larawan niyang de-yosi?

Kilala ang People for the Ethical Treatment of Animals o Peta sa pagkuha ng mga artista at modelo at pagpapamidya sa kanila nang hubad o halos-hubad bilang protesta sa pagmaltrato at pagkain sa mga hayop. Ngayon, gusto nilang iabante ang nagpasikat sa kanila at magtayo ng website na maglalaman ng pornograpiya, ng mga taong hubad, para sa kanilang adbokasiya.

Ang kakaiba, kasama raw sa naturang website ang “hubad na katotohanan” ng mga larawan ng pagmaltrato sa mga hayop. Naalala ko tuloy ang isang komento sa Facebook tungkol sa konsepto ng honeymoon period kay Noynoy: “Ano’ng klaseng pantasya iyan?” Mga larawan ng taong hubad kasama ang mga larawan ng pagmaltrato sa mga hayop? Ano’ng klaseng trip iyan?

Sa isang banda, pagsamantala ito sa malawak na pang-akit ng pornograpiya para magtaas ng kamulatan sa isyu ng Peta. Trip na basag-trip din naman. Pero sa kabilang banda, dominante pa rin naman sa pornograpiya ang patriyarkal na balangkas ng lipunan, na mapagsamantala sa kababaihan.

Mahirap iendorso ang hatol ng mga radikal na feminista katulad ni Andrea Dworkin na “Pornograpiya ang ideolohiya at paggahasa ang praktika.” Pero hindi matitibag ang pagtinging mas sumasang-ayon kaysa kumokontra ang ganitong website sa patriyarkal na kaayusan ng lipunan. Kailangan bang ibenta ang laman ng kababaihan para kontrahin ang pagkain ng karne at pagmaltrato sa mga hayop?

Hindi ako pamilyar sa buong pilosopiya ng veganismo, pero ang pinupuna rito ay ang kampanya, hindi ang buong pilosopiya. Dito, makikitang burgis ang kampanyang ito, hindi batay sa mga aktwal na tumatangkilik ng veganismo sa bansa, kung hindi sa pakahulugan ng pilosopiyang Marxista: hiwa-hiwalay ang pagtingin sa mga penomenon sa mundo, inihihiwalay ang isang pagsasamantala sa iba pa, at malayo sa pagtingin sa isang buong sistemang mapagsamantala.

08 Oktubre 2011

Galing ang mga larawan dito. Taas-kamaong pagpupugay sa iyo, Gregorio “Ka Roger” Rosal!

Para kay Kenneth Guda: Natisod ko ang pagpapahalagang ito ng mga Black Panthers sa isang kanta ni Bob Dylan.

Follow

Get every new post delivered to your Inbox.

Join 117 other followers