Monthly Archives: November 2011

One Percent

May dalawang malaking hamon ang protestang Occupy sa USsa ating mga Pilipino. Una, ang magprotesta nang maramihan laban sa tumitinding kahirapan, kagutuman at kawalan ng pagkakapantay-pantay – ang kagyat na nararamdamang epekto ng krisis pang-ekonomiya. Ikalawa, ang magprotesta laban sa tinatawag na “1%” – na ang totoo’y mas kaunti pa sa one percent – ng US, bukod pa sa 1% na mga naghaharing uri sa bansa.

One percent ng US? Oo. Dahil sa kabila ng mga pagsusuring walang teorya o ideolohiya na gumagabay sa protestang Occupy, may isang mahalagang bagay rito na ikakatuwa ng isang mahusay na manunuri ng pandaigdigang sistemang kapitalista: ang puntirya nito, ang 1%, na madalas tawaging “bankers.” Ang matutuwa: si Lenin, na nagsabing sa ilalim ng sistemang imperyalista, pinakamakapangyarihan na ang “oligarkiya sa pinansya.”

(Sa ganitong pagtingin, pinakamalaking kabastusan sa protestang Occupy sa US ang inilulunsad ngayong “Occupy for Reproductive Health Bill” ng Akbayan at mga grupong kadikit nito. Una, sang-ayon ang oligarkiya sa pinansya sa pagkontrol sa populasyon (population control) na siyang balangkas ng kanilang panukalang batas. Pangalawa, may ayuda ang naturang kampanya mula sa mga daluyan ng oligarkiya sa pinansya.)

Sa ganitong pagtingin, ang oligarkiya sa pinansya sa US ang responsable sa maraming patakaran sa bansa na matagal nang kinokondena bilang maka-imperyalista. Matapos ang Ikalawang Digmaang Pandaigdig, sila ang nagpwersa sa Pilipinas sa mga hindi-pantay na kasunduang nagtali sa ekonomiya natin sa ekonomiya ng US. At hindi bilang kapantay, kundi bilang neokolonya: walang sariling pag-unlad, lubos na nakaasa sa US.

Sila ang naglulong sa gobyerno sa pautang, na suporta sa mga naghaharing uring tagapagpatupad ng kanilang mga dikta sa ekonomiya. Walang tunay na reporma sa lupa. Walang industriyalisasyon. Pagbawas sa subsidyo sa mga serbisyong panlipunan, debalwasyon ng salapi, pagpaparami ng eksport, pagbarat sa gastos sa paggawa. Tinuntungan at itinuloy ang mga ito ng mga patakarang neoliberal simula dekada ’80.

Sa madaling salita, tuluy-tuloy tayong pinautang habang tuluy-tuloy tayong inalisan ng kakayahang makabayad. Binigyan tayo ng pautang na ang paglago ng interes ay mas mabilis pa sa paglago ng tunay na ekonomiya ng bansa. Kapag pinag-uusapan ang utang panlabas, nakakarinig tayo ng “X ang utang ng bawat Pinoy,” na kadalasa’y napakalaki –halagang hindi natin kayang likhain dahil inalis ang oportunidad magtrabaho sa bansa.

Mauugat ang lahat ng pang-ekonomiyang isyung hinaharap ng mga Pilipino ngayon sa mga dikta ng oligarkiya sa pinansya: konsentrasyon ng lupa sa iilan; barat na sahod at kontraktwal na empleyo; demolisyon ng mga maralitang komunidad; pagsirit ng hinuhuthot sa langis, kuryente at kung anu-ano pa; at pagkaltas sa subsidyo sa mga serbisyong panlipunan. Lahat, pahirap sa nakararami at pagkonsentra ng yaman sa iilan.

Lahat, naipatupad sa pamamagitan din ng pautang na suporta sa iilan sa lipunan at maging sa mga kapitalistang dayuhan – pahirap, pinagbabayaran ng mamamayan.

27 Nobyembre 2011

Galing ang larawan sa Tumblr ng Mother Jones. Maligayang pagbabalik, Gingmaganda!

Pag-aaral na nagpapakitang isang maliit na grupo ng mga kumpanya, kalakhan bangko, ang may kontrol sa ekonomiya ng mundo. Salaysay ni Chris Hedges hinggil sa papel ng mga bangko sa bagsak na ekonomiya ng US. Si Prometheus Brown, nasa Occupy Wall Street at Al-Jazeera!

Pagmumuni ni Mong Palatino hinggil sa mga hashtag, ni Marocharim sa matamis na spaghetti nating mga Pinoy. Magandang sulatin ni Prop. Jose Maria Sison hinggil sa Marxistang kritika sa neoliberalismo. Magaganda rin ang mga sulatin hinggil sa krisis pampinansya ni Michael Hudson.

Dani Misalucha

Ganyan kung tawagin ng mga kaibigan at kasama niya si Daniel C. Imperial, Jr., 29, aktibistang mula sa College of Music sa Unibersidad ng Pilipinas–Diliman na naging kasapi ng New People’s Army at napatay sa pagsalakay ng militar nitong 27 Oktubre sa Cagayan Valley. Naging kagawian ng mga aktibista ang magbansag, at may mga panahong nagagamit ang mga alyas – lalo na kay Daniel mula nang siya’y maging NPA.

(1) Maraming pakahulugang natitipon sa pangalang iyan. Ang paghanga niya sa mahuhusay na mang-aawit na babae, kasama na si Lani. Ang husay niya sa pagkanta, gayundin sa pangkalahatang pagpapasaya o pag-entertain sa kausap. Isama na ang pagiging “diva” niya sa totoong buhay: napaka-talentado, napaka-maalab sa mga bagay na kinatutuwaan at kinaiinisan, napaka-demanding sa sarili, sa mga kasama at kaibigan.

“Napaka-demanding.” May nagbago at hindi nagbago kay Daniel sa pagiging NPA, na makikita sa pana-panahong pagdalaw niya. Ang dating mabilis uminit ang ulo, naging mapagpasensya. Ang dating mapangutya, naging mapagpaliwanag. Ang dating nakakanerbyos kausap, naging magaan. Pero hindi siya nagbago sa pananalig na pwedeng magbago at umunlad – ang sarili, ang pakikibaka, at syempre ang lipunan.

(2) Bakla siya, bagay na hindi niya ikinaila kahit kailan at ipinagmalaki pa nga. Alam niya kung paanong hindi matanggap ng iba ang pagkabakla kaya isinisisi ito sa iba’t ibang dahilan, na para bang kaya niyang gumising isang araw at hindi na maging bakla. Nakatulong ito para maunawaan niya ang mahihirap – na ang kahirapan ay isinisisi ng mga hindi umuunawa sa “katamaran,” “hindi pagsusumikap” at kung anu-ano pa.

Alam niya kung paano isantabi, maliitin at kutyain dahil sa kung sino siya. Sa ganito, mas naunawaan niya kung paano maging maralita. Naging lagusan ang personal na karanasan niya ng pakikiramdam, o pakikibahagi sa nararamdaman, ng iba. Syempre, alam niyang hindi sa antagonistikong pakikitunggali mareresolba ang diskriminasyon sa mga bakla – hindi tulad ng pagsasamantala, pambubusabos at panunupil sa mahihirap.

(3) May mga aktibista, lalo na iyung mga galing sa uring petiburges, na dumaan sa yugto na lubos ang paniniwala sa rebolusyon at mga prinsipyo nito, pero may huling personal na reserbasyon bago yakapin nang buung-buo ang pakikibaka. May iba, kinailangan munang makita ang suporta ng mga magsasaka. May iba, gusto munang makitang hindi paulit-ulit lang at may pag-unlad. May iba, gusto lang makita ang sariling lugar sa lahat.

Si Daniel, ang huling reserbasyon ay sa paggamit ng mga kanta ng kulturang popular para maghatid ng rebolusyunaryong mensahe. Hanggang minsan, narinig niya ang ilang magsasaka na kinakanta ang “Boulevard” ni Dan Byrd na nilapatan ng mga titik na rebolusyunaryo. Sa puntong iyun, sabi niya, nabuo ang pasya niyang sumampa. Nitong huli, mga rebolusyunaryong kantang mala-Aegis ang ipinagmamalaki niyang likha nila.

(4) May kakaiba siyang gamit sa wika. Noong uso ang pa-sosyal na wikang bakla, parang pinulot sa kung saang parlor ang mga salita niya: “lapes,” hindi “lafang” (pagkain), “was,” hindi “wiz” (hindi). Nitong huli, may magagandang baon siya, malamang mula sa erya. “Ayan. Ayan tayo eh…” kapag may pinupuna. Sinabihan daw sila na paghusayan ang gawaing pagpapalawak. Ang sagot niya: “Oo na, oo na. Heto na nga kami eh.”

(5) Diva si Daniel, pero hindi mapagmataas. Mas gusto niya sigurong inaalala nang tumatawa, higit pa sa humahanga. Wala yata siyang nakausap nang matagal-tagal na hindi niya napatawa. Kaya mahal na mahal daw siya ng mga kasama at masa. Hindi siya pa-star, pero star: isa sa mga bituin ng pakikibaka sa buong bansa. Namatay man siya, patuloy siya sa pagbibigay-liwanag sa mga gustong kumuha ng direksyon at sumunod.

Napakahirap isiping patay na si Daniel. Hindi maiwasang maisip na kung buhay pa siya, pinatigil na niya ang pagbuhos ng mga parangal. Hindi siya komportable kapag siya’y pinupuri. Nagluluksa lang kami ngayon, Daniel. Pero oo na, oo na. Heto na kami.

04 Nobyembre 2011

Tagahanga si Daniel ni Whitney Houston. Ako naman, natutuwa sa gospel music – pero dahil pa todo-bigay ang mga mang-aawit. Matutuwa siguro siya rito.

Napagsama-sama ni Slavoj Zizek ang mga tema ng sulatin niya sa isang sanaysay na ang kalakhan ay sinasang-ayunan ko. Ilang kakatwang obserbasyon ng siyentistang si Flor Lacanilao sa mga namamatay.

Maganda’t pinaksa ni Marocharim ang pagbaba ng gobyernong Aquino sa pamantayan ng kahirapan sa bansa. Kahirapan ba kamo? Pinaksa ni Mong Palatino ang solusyon, na makakapagbigay-saya sa lahat.

Follow

Get every new post delivered to your Inbox.

Join 117 other followers