Monthly Archives: December 2011

Segunda Mano, Segunda Klase

Kung hindi ako nagkakamali, madalas na may lahok na pelikulang katatakutan o horror sa taunang Metro Manila Film Festival. Higit pa siguro sa usapin ng paghahain ng de-kalidad na sine, na umano’y dahilan ng MMFF, kumikita ang ganitong mga pelikula. Sa hirap ng buhay, tiyak na magtatatlong-isip ang kahit sino na maglabas ng P180 para lang manood sa sinehan – kumpara sa di-hamak na mas murang DVD. Pero may pang-akit ang panonood ng katatakutan sa mismong sinehan, dahil swak ang dilim at buong sitwasyon at sensasyon sa ganitong palabas.

Pero parang may bago rin sa pelikulang katatakutan. Dati, parang ang layunin talaga ay matakot ang manonood at multuhin siya hanggang panaginip, ang magdulot ng bangungot, ang maalala bilang nakakatakot. Ngayon, sa panahong marami na siguro ang hindi naniniwala sa multo at lalo na sa aswang, may mga pelikulang katatakutan na mas haluan ng gulat at takot ang iniaalok. Paano kung biglang may magpakitang multo sa isang sitwasyong hindi inaasahan, dahil hindi na talaga inaasahan?

Ganyan ang pelikulang Segunda Mano – na dahil hindi ko pa naririnig dati ay inakala kong kaserye ng Mano Po, hindi pala. Umikot ang istorya kay Kris Aquino, may-ari ng shop na nagbebenta ng antigo pero may minumulto ng nakalipas: nawala, ipinagpalagay nang namatay, ang mas batang kapatid niyang babae habang nagtatakbuhan sila sa gilid ng dagat na malakas ang alon. Para maging kapani-paniwalang may malulunod sa pagtangay ng malakas na alon, may karatula: San Juan – na siguro’y sa La Union, kung saan pamatay ang mga alon. Ipinapakita si Kris na minumulto sa panaginip ng kapatid.

Magtatagpo ang landas nila ni Dingdong Dantes, mayamang negosyante. Naghahanap si Dingdong ng asawa, dahil nawala na lang bigla ang asawa niyang si Angelica Panganiban. Magkakaroon ng relasyon sina Kris at Dingdong pero hindi makaabante dahil nagsimula nang multuhin ni Angelica si Kris. Kung bakit naman kasi naaagnas na si Angelica kapag nagpapakita. Tulad siguro ng mga narinig kong manonood na tumitili – mas sa pandidiri, hindi sa kilig – nabagabag si Angelica sa love team ng kapatid ng pangulo at kampanyador ng pangulo noong eleksyon.

Spoiler alert! Sa dulo, malalantad na nawala si Angelica, hindi dahil pinatay ito ng kalaguyo, gaya ng ipinapahiwatig ng pelikula sa una. Pinatay ni Dingdong si Angelica, matapos matunton ang isang pakikipagkita nito sa kabit – na oo nga pala’t si Rico Blanco. Kung ayaw may dahilan; kung gusto, palaging mayroong paraan. Syempre, kasama si Rico sa pinatay ni Dingdong.

Mas malamang, gusto ng mga gumawa ng pelikula na sabihin ng mga nagrerebyu na ang kapana-panabik ay kung paano tumakbo ang istorya. Dahil nga nasa negosyong segunda mano si Kris, gayundin ang kaibigan niyang nagbebenta ng mga segunda-manong bag, dito dumaloy ang pagpaparamdam. Parang OFW si Angelica, ipinadala ang lahat kay Kris at sa kaibigan nito mula sa kabilang buhay: bag, damit at ang kotseng pinalubog sa ilog ni Dingdong matapos patayin ang dalawa. Hindi kapana-panabik ang dating, kundi overkill. Hindi ko lang alam kung may epektong takot talaga ang kwento sa mga bumibili ng mga segunda mano.

Matutuklasan, at ipapaliwanag talaga ng pelikula – sa paraang berbal, dahil kinapos sa paraang biswal – na kaya pala nagmumulto si Angelica ay para protektahan si Kris at iba pang tao laban kay Dingdong. O para ba ipaghiganti ang pagkamatay nila ni Rico? Lahat ng namatay sa pelikula, pinagpakitaan ni Angelica, pero dahil papatayin na pala ni Dingdong. Ang pelikulang katatakutan, magiging pisikalan at habulan sa dulo. Mananaig si Kris, sa tulong ni Angelica na buhay na buhay lang kung makialam sa mga bakbakan.

Ang hindi ko maintindihan, pinalabas na ang nawawalang kapatid ni Kris at ang asawa ni Dingdong ay iisa – si Angelica. Sa yugtong ito, ang katatakutang Japanese (ala-Sadako ang ramdam ng mga eksena) at Amerikano (may pisikalan sa dulo laban sa taong nananakot at pumapatay) ay naging telenobelang Pinoy (may malalantad na magkamag-anak sa dulo ng istorya). Kaya ano? Tanga lang sina Kris at ang nanay niyang si Helen Gamboa – na nakakatakot nang unang lumabas dahil kamukha nina Nida Blanca at Charito Solis – sa buong panahong pagdadrama dahil sa nawalang kapamilya.

Ang sabi ng kasama kong manood pagkatapos ng sine: “Magasin ka ba? Kasi andami mong isyu!” Totoo. Halatang nagtagal ang pagpaplano ng Segunda Mano. Sobrang tagal. Sa puntong wala nang pokus at hindi na nasinsin ang pagpaparurok sa kwento. At dahil sala-salabid ang mga istorya, maraming balik-tanaw o flashbacks. Kung ganito lang ang flashbacks sa kasaysayan sa totoong buhay, napakarami na sana ng aktibista. Ayos naman ang hindi dire-diretsong naratibo, pero parang niloloko ang manonood sa isang buhos na pagsisiwalat sa dulo, hindi unti-unti.

Bakit nga ba naging bayolente at mamamatay-tao si Dingdong? Dahil nasaksihan ng tatay niyang baldado ang madrasta niyang umuwi nang may kabit. Nakita niyang magpakamatay ang tatay niya dahil sa nakita. Mas grabe ang dinanas ni Dingdong kaysa kay Kris. Pero bakit si Dingdong, naging mamamatay-tao at si Kris ay naging tindera lang ng antigo? Okey naman ang pagkwestyon sa hatiang masama bersus mabuti sa mga karakter, pero bakit ang karakter ni Kris, malinis lang? Tipong ekstensyon ng pagiging celebrity ni Kris sa kabila ni Joey Marquez at ng masaker sa Luisita.

Kung panandaliang gulatan at mababaw na takutan lang ang hanap, mayroon namang pambayad, at kayang tagalan ang pag-arte ni Kris, ayos ang Segunda Mano. Ang nakakaaliw sa pelikula ay si Bangs Garcia, kaibigan ni Kris. Hindi mo alam kung umaarte siya o ganoon lang talaga siya bilang kikay. Pero sana sa buong pelikula siya nabigyan ng puwang para mang-aliw. Ayos ding umarte ang anak ni Dingdong, na nagpahirap kay Kris bilang madrasta.

30 Disyembre 2011

Galing ang mga larawan dito at dito.

Maligayang bagong taon sa lahat! Hangad ko para sa mga kapwa-aktibista ang matalas pero balanseng pagtatasa at pangahas pero lapat na plano ng pagsulong sa bagong taon! Syempre, para sa pambansa at panlipunang paglaya!

Krismas Wish ng Kapatid ni Kris

[N]ot even the dead will be safe from the enemy…
– Walter Benjamin

Nobyembre pa lang, may Christmas wish na si Pang. Noynoy Aquino: ang itigil ng mga tao ang inggit at ang kaliwa’t kanang pagpuna, at sa halip ay magtulungan at kalingain ang isa’t isa. Aniya, si Santa Claus ay “isang personipikasyon ng… pinakamahusay sa mga tao, ang ideya ng pagiging mapagbigay.” Ang kailangan daw ay “itransporma ang ating sarili sa kung paano makakatulong sa ating mga kapit-bahay… o kahit sino, kahit iyung hindi natin kilala.” Kailangan daw payabungin ang “ideya ng pagkalinga sa lahat.”

Fast-forward sa Disyembre: Nanalasa ang bagyong “Sendong.” Habang isinusulat ito’y mahigit 1,000 na ang kumpirmadong patay at tinatayang lalampas pa ito sa 3,000. Libu-libo ang malubhang nasaktan at buu-buong komunidad ang nawasak at inanod. Ang itinuturong sanhi ng mga eksperto: ang pagkawasak ng kalikasan sa lugar, dulot ng malawakang pagtotroso at pagmimina. Idagdag pa ang kawalan ng paghahanda sa mga disaster, ang hindi paglikas ng gobyerno sa mga tao, ang pagtanggal ng pondo para rito.

Naobligang magsalita si Pang. Aquino. Ano ang laman ng talumpati niya sa harap ng mga biktima? Ipinagyabang niya na dahil sa pagtutulungan ng lokal at pambansang pamahalaan, “bago pa man lumapag sa lupa ang unang patak ng ulan, nailatag na ang mga hakbang na kailangang gawin ng bawat ahensya.” Sinumbatan at kinonsensya niya ang mga biktima ng bagyo’t baha: “kung tatanggi kayong lumikas sa panahon ng sakuna, hindi lang po buhay ninyo ang nalalagay sa panganib, kundi pati na rin ang rescuer…”

Patanong niyang tinukoy ang mga kagyat na isyu sa naganap: Bakit may mga taong nakatira sa mga lugar “kung saan magiging mabilis ang ragasa ng tubig?” Bakit hinayaan ang pagputol ng “punong-kahoy” para raw “masaka ang lupa?” Bakit daw “may nagpipilit pa ring gumawa ng mali?” Sinabi niya ang gagawin ng gobyerno – ang pagpapahusay sa pagmonitor sa lakas ng tatamang bagyo sa bansa. Inisa-isa rin niya ang dumarating na tulong para sa mga nasalanta mula sa iba’t ibang panig ng mundo.

Sa bandang dulo, itinago niya sa magalang na “tayo” ang mga panawagan niya sa mga nasalanta. Pangangalaga sa kalikasan at pagkalinga sa mga nangangailangan. “Higit sa lahat, matutuhan sana nating talikuran ang mga gawaing nagdala sa atin sa kinalalagyan natin ngayon…. [K]ailangan nating matuto sa ating pagkukulang.” Tutulong daw ang pamahalaan – sa porma ng tulong sa pagtatayo ng bahay, “trabaho’t pagkakakitaan” – pero huwag na sanang bumalik ang mga nasalanta sa dating tirahan.

Sinisi ni Pang. Aquino ang lahat ng posibleng sisihin – ang mga maralitang nasalanta, ang lokal na pamahalaan, ang mga nagtotroso – maliban sa sariling gobyerno. Para siyang tatay na nagsasabi sa anak: “Sige, tutulungan kita, ha. Pero huwag ka nang uulit. Huli na ito.” Hindi niya sinisi ang matinding kakulangan ng trabaho at mababang kalidad ng trabaho. Hindi ang kawalan ng tulong ng gobyerno sa pabahay at paglikas. Hindi ang mga patakarang nagpapahintulot sa matinding pagtotroso at pagmimina.

Nakasunod ang talumpati ni Pang. Aquino sa neoliberal na pagtingin sa lugar at papel ng pamahalaan. Dito, ang papel lang ng gobyerno ay pagtiyak sa paglago ng tubo at kita ng mga dayuhan at lokal na kapitalista at iba pang naghaharing uri – sa ilusyong ito ang magpapaunlad sa lahat. Dito, hindi dapat tumulong ng gobyerno sa mga mamamayan – hindi sa pagbibigay ng disenteng empleyo at paninirahan at hindi sa pagsawata sa mga sumisira sa kalikasan. Ibig sabihin, kasalanan ng mga nasalanta kaya sila nagkaganyan.

Sa neoliberal na konsepto ng pamahalaan, hindi ito mekanismo ng mga mamamayan para tulungan ang isa’t isa. Mekanismo ito ng mga naghaharing uri para patuloy na paunlarin ang sarili – sa ilusyong pinapaunlad na rin ang lahat. Nangangaral si Pang. Aquino ng pagtutulungan, pagbibigayan at pagkakalingaan, pero pinipigilan niyang gawin ito ng pamahalaan, na siya mismong instrumento ng mga mamamayan para rito. Nangangaral siya ng pagbibigayan, pero ipinagdadamot niya ang pamahalaan.

Nangangaral siya tungkol sa diwa ng Pasko, pero ipinagdadamot niya sa mga mamamayan ang isang paraan para isabuhay ito. Kahit may kalamidad, hindi siya natitinag para magbigay. Ayaw niyang tanggapin ang sisi. Ang iniisip pa rin niya ay sarili.

24 Disyembre 2011

Galing ang mga larawan dito.

Bakit ganoon? Bakit wala sa Top 10 Mass Movement Moments ng 2011 ni Nato Reyes ang mga pagkilos ng mga manggagawa at tsuper? Kung kilusan ng masa ang pag-uusapan, hindi ba’t relatibong malalakas at matutunog ang paglaban nila para sa makabuluhang dagdag-sahod at laban sa overpricing sa langis? Tampok naman ang paglaban ng mga mamamayan sa kahirapan at kagutuman sa taong ito.

Ito, magandang Top 10: mga pelikulang nagpapaliwanag sa protestang Occupy sa US. Aliw: mga angry birds ng Pilipinas.

Kampuhan ay Makatwiran

Sabi ni Edwin Lacierda, tagapagsalita ng pangulo, gaya-gaya lang ang mga nagtangkang magprotesta sa Mendiola nitong mga unang araw ng Disyembre. Tinutukoy niya ang mga kalahok sa “Kampuhan Kontra Kaltas, Krisis at Kahirapan,” na hindi natuloy sa Mendiola dahil sa pandarahas ng pulisya. Ginagaya lang daw ng mga nagprotesta ang protestang Occupy sa US, habang ibang isyu naman ang dala-dala at tinutugunan. Poprotektahan ng gobyernong Aquino, sabi niya, ang mga mamamayan – laban marahil sa mga “bangko at korporasyong multinasyunal” na siya namang kinokondena sa US.

Matapos pilit busalan ang mga nagprotesta – mga estudyante at kabataang tutol sa kaltas sa subsidyo sa edukasyon at iba pang serbisyong panlipunan, mga manggagawang nagigiit ng makabuluhang dagdag-sahod at pagbasura sa kontraktwalisasyon, mga maralitang kumokondena sa sunud-sunod na demolisyon, at iba pang sektor ng lipunan na may kanya-kanyang panawagan – gusto ng gobyerno ngayong itakda at idikta sa publiko kung ano ang isyu ng protesta. Matapos labagin ang karapatang magpahayag ng mga nagprotesta, inaangkin nito ang karapatang sabihin kung ano ang kanilang pahayag.

Totoong sa 1% ng populasyon sa US nakatarget ang protestang Occupy doon. Binubuo ito ng pinakamayayaman at pinakamakapangyarihan doon, at sa buong mundo, na tinatawag na oligarkiya sa pinansya. Pero sila rin ang puntirya ng “Kampuhan Kontra Kaltas, Krisis at Kahirapan.” Kongkretong manipestasyon ng paghahari nila sa US at maging sa Pilipinas ang mga isyung dala-dala ng mga nagprotesta. Ang iniaaray naman talaga ng gobyernong Aquino ay naging puntirya ito ng protesta. Pero dapat lang: ito ang tagapagpatupad ng mga dikta ng 1%. Hindi nito pinoprotektahan ang mamamayan.

Pilit ding binibigyang-katwiran ni Lacierda ang marahas na pagpapaatras sa hanay ng mga nagprotesta. Nanggugulo lang daw sila at nag-uudyok sa mga pulis na dahasin sila. Sa kabilang banda, pinagpasensyahan sila ng mga pulis. Malaking kasinungalingan ito. Simula pa lang ng pagkilos, dinahas na ng mga pulis ang mga nagpoprotesta at halatang utos ito ng Malakanyang. Ang palusot nila: batay raw sa pahayag sa website at Facebook ng mga nagprotesta, naghahanda sila ng pag-aalsa (uprising) laban sa gobyernong Aquino. Hindi ang anumang panggugulo o probokasyon ng mga raliyista ang dahilan.

Ang totoo, dinahas ng pulisya ang mga nagprotesta dahil natakot ang gobyerno na lumawak ang hanay nila. Sa isang banda, nariyan ang isang bagong porma ng protesta na tinatangkilik at sinusubaybayan sa mundo. Sa Mendiola pa ito nakatakda, nakaturol sa gobyerno. Higit sa lahat, lehitimong mga isyu ng mga mamamayan ang dala-dala –mga paunang lunas sa kagutuman at kahirapan – at malaki ang potensyal na makahatak ng malawak na suporta. Sa kabilang banda, arogante ang gobyerno, dahil “popular” pa raw ayon sa sarbey, at inisip na hindi mababawasan ang popularidad kung mandadahas.

Sa kabila ng pandarahas, pambubusal at pambabaluktot ng gobyerno kasabwat ang kapitalistang masmidya – at sa kabila ng malakas na ulan – nagpunyagi ang mga nagprotesta na itindig ang kampuhan. Naisiwalat nila ang kanilang mga kahilingan sa publiko sa mga lugar ng kampuhan at gamit ang social networking sites, kung hindi pa man ang masmidya. Napatatag nila ang kanilang hanay sa tuluy-tuloy na ahitasyon at edukasyon sa kampuhan – bukod pa sa paggagap sa mga aral ng pakikitunggali sa gobyerno. Nalantad nila ang pangil ng gobyernong ito sa pamamagitan ng paglaban dito.

Madaldal man si Lacierda at ang gobyernong Aquino, at kasabwat man nila ang burgis na masmidya, hindi sa kanila ang huling salita. Kahit saan ka tumingin at kahit paano mo tingnan, patuloy ang pagbagsak ng ekonomiya ng mundo at maging ng Pilipinas. Hindi ito mapagtatakpan ng panlihis ng gobyerno ngayon sa atensyong publiko, ang pakitang-taong pagpapanagot kay Gloria Macapagal-Arroyo. Kaliwa’t kanan ang indikasyong titindi pa ang kagutuman at kahirapan. Tiyak, iigting pa ang kagustuhan ng mga mamamayan na magprotesta, maggiit ng reporma at ng radikal na pagbabago.

Kung hindi napagsikapang ilunsad ang “Kampuhan Kontra Kaltas, Krisis at Kahirapan,” madaling hulaan ang sasabihing pambabaluktot ng gobyerno: Hindi kinayang maglunsad ng mga nagpoprotesta sa bansa dahil napakapopular ng pangulo, ramdam ng mga mamamayan ang pag-unlad, at kung anu-ano. Hindi na ito masasabi ngayon ng gobyerno. Sa pagdahas ng gobyernong Aquino sa mga nagprotesta, nagpakita ito ng matinding takot dahil walang tunay na pagbabago sa ilalim nito. At kung may pagbabago man, patuloy na sumasahol lang ang lagay ng mga mamamayang Pilipino.

13 Disyembre 2011

Galing ang mga larawan dito.

Matapos tumigil mag-blog ni Mark Fisher, si Nina Power naman daw ang magreretiro – pero mukhang para mas makisangkot sa mga kampanya. May isinulat din si Arnold J. Padilla tungkol sa mala-Occupy na protesta sa bansa. Pagbati kay Katrina Stuart-Santiago sa pagkakaroon ng maraming mambabasa ng kanyang mga liberal-progresibong sanaysay! Naks naman si Raymund Villanueva!

Huwag Maging Drug Mule

Dapat masulat ito sa mga libro ng kasaysayan: nanawagan si Pang. Noynoy Aquino sa mga Pilipino na huwag maging drug mule. Mahigpit ang batas ng Tsina kontra rito, aniya. Bumubuti na rin ang kalagayang pang-ekonomiya ng bansa, dagdag pa niya. Sa kabilang banda, sabi pa niya, isang pandaigdigang problema rin talaga ang droga.

Muli, patunay ito ng magkahalong desperasyon at arogansya ng gobyernong Aquino sa propaganda. Desperasyon dahil ano nga naman ang masasabi nito na isa na namang Pilipino ang nakatakdang bitayin sa Tsina sa 08 Disyembre dahil sa pagiging drug mule? Arogansya dahil ayaw nitong kilalanin ang pananagutan sa kalagayang maraming Pilipino ang nagiging drug mule. Sa puntodebista nito, popular ito, maraming bayarang propagandista at makakalusot na sisihin ang mga sindikato o ang mga Pilipino mismo.

Kakatwa ang unang batayan nito: na mahigpit ang mga parusa ng Tsina laban sa mga drug mule. Eh kung ibang krimen, pwede kaya? Eh kung sa ibang bansa gawin, okey lang? Humahantong na ito sa simpleng pananakot, na parang payo ng sindikato sa kapwa-sindikato. Kakatwa rin ang mga salitang gamit nito: “pursigido at tuluy-tuloy (relentless)” na “bibigyang-babala (warning)” ang mga Pilipino hinggil sa pagiging drug mule. Umaasta itong mapagpasya sa napakalamyang hakbangin sa seryosong problema.

Higit pa diyan, patunay ang pahayag ng desperadong lagay ng ekonomiya ng bansa. Anong sahol ang inabot ng ekonomiya ng isang bansa na ang pangulo’y nananawagan na sa mga mamamayan na huwag maging drug mule, na para bang karaniwang pagpipiliang karera lang ito tulad ng pagiging guro o nars? Ang totoo, lahat ng salbabida ng ekonomiya ng bansa, nawawalan ng hangin ngayon. Ang remitans ng mga OFW, ang eksport ng bansa, ang pumapasok na dayuhang pamumuhunan – lahat lumiliit ngayon.

Pinipilit ni Aquino na paasahin ang mga mamamayan sa isang “pag-unlad” na hindi nila ramdam. Ipinapaalala nito ang “trickle-down economics” kung saan tinitiyak ng gobyerno ang paglaki ng tubo at kapital ng mga kapitalista. Ang paniwala, dahil mga kapitalista ang motor na nagpapaandar sa sistema, mainam na nakakonsentra sa kanila ang yaman. Kapag namumuhunan sila, pinapaandar nila ang ekonomiya, lumilikha sila ng empleyo. Hindi magtatagal, “papatak-patak” na aabot ang kaunlaran sa lahat.

Ang totoo, palusot ang naturang ekonomiks sa pagkaltas sa buwis na sinisingil sa mga kapitalista, sa paghahain sa kanila ng mura at siil na paggawa, at sa iba pang suporta ng gobyerno sa kanila. At ganyan naman talaga ang balangkas ng mga patakaran ng gobyernong Aquino: Public-Private Partnerships, Charter Change, at iba pa. Paglikha ito ng empleyo na nakaasa sa dayuhang pamumuhunan, hindi sa internal na kakayahan at pangangailangan ng bansa. Kaya napakaraming walang trabaho, migrante at drug mule.

Sinisikap ng gobyerno ang pagkamit sa kaunlaran, pero pandaigdigan talaga ang problema ng droga. Iyan ang sinasabi ni Aquino. Nagsisikap naman ang gobyerno, kaya tanggapin na lang natin na may mga bibitayin pang drug mule sa hinaharap. Sa aktwal, walang pagbabago. Kulang-kulang 20 taon na ang nakakalipas, ang pagbanggit ng gobyerno sa daigdig ay paalala ng pangarap na kaunlaran na pwedeng kamtin. Ngayon, nagiging mas paalala ito ng mga suliraning hindi kayang solusyunan sa loob ng bansa.

Kakatwa rin ang pagkatao o subjectivity ng masa na ipinapasipat ng pahayag ni Aquino, na mas neoliberal kaysa sosyal-demokratiko: nag-aasam, kung hindi man desperado, sa kaunlaran at tanging banta ng dahas o kaparusahan ang nauunawaan. Sagot ng mga pangako ng mga patakarang neoliberal ang una. Ipinapakita naman ng ikalawa ang kakambal ng neoliberalismo: ang pasismo ng Estado. Kaya naman unti-unti, sa pagtindi ng pandaigdigan at lokal na krisis, pinapawalan na ang huli ni Aquino.

04 Disyembre 2011

Galing ang mga likhang-sining ni El Lissitzky dito.

Tumitindi pa ang krisis sa ekonomiya sa bansa at sa mundo. Rerebyuhin ko ang mga kaibigan sa KKLinks: iiwanan ko iyung mga regular pang nagba-blog at nabibisita ko. Baka may mga gustong humabol?

Follow

Get every new post delivered to your Inbox.

Join 119 other followers