Bantayan si Enrile

Ilang araw matapos magsimula ang paglilitis ng Senado sa kasong impeachment ni Chief Justice Renato Corona, nanawagan si Rep. Niel Tupas, Jr. ng prosekusyon na maging mas “liberal” ang Senado sa pagpapatupad ng mga alituntunin sa paglilitis. Hindi ako tagahanga ni Tupas, hindi ko alam kung bakit “Niel” at hindi “Neil” ang ispeling ng pangalan niya, at isa siya sa paglilitis na hitik sa drama ang pagsasalita na parang sabik tumakbong senador sa darating na eleksyon. Nadulas ang dila niya: Ang “liberal” kayang panawagan ay kasingkahulugan ng partidong “Liberal” ni Pang. Aquino?

Anu’t anuman, kapansin-pansin ang madramang tugon ni Sen. Juan Ponce Enrile, pangulo ng Senado at – huwag natin kalimutan – isa sa mga tagapagpatupad ng batas militar ng diktadurang Marcos. Parang na-highblood, itinaas niya ang usapin sa pagtitiwala sa kanya ng mga senador at isinalang ang katungkulan niya bilang pangulo ng Senado at nangungulong hukom. Hindi ba’t pahiwatig ni Tupas na masyadong mahigpit ang Senado, at sa gayo’y si Enrile? Karaka-daka, nagpahayag ang mga senador ng pagtitiwala sa pamumuno ni Enrile, gayundin sa umano’y “patas” na pagdadala nito.

Ang nangyari, napaatras ang panawagan ni Tupas. Lumutang ang sa totoo nama’y mahinang pagtutulak ng prosekusyon sa kaso nito. Napagmukhang “patas” ang Senado, at lalo na si Enrile, sa pagharap sa paglilitis. Malinaw kung sino ang nakinabang pangunahin sa kahinaan ng prosekusyon at sekundaryo sa madramang tugon ni Enrile: si Corona mismo – at ang kanyang among target ng sentimyentong maka-impeachment, si Gng. Gloria Macapagal-Arroyo. Dahil matagumpay ang naging drama, at malaganap ang sentimyentong mahina o palpak ang prosekusyon, hindi malayong ulitin ito.

Dapat bantayan si Enrile ng mga mamamayan na gustong matuloy ang impeachment at matanggal si Corona para maparusahan si Arroyo. Pansinin: Ibayong pinupuri si Enrile ng mga propagandista ni Arroyo. Nariyan si Winnie Monsod, na maagang nagbigay-katiyakang aayusin ng senador ang paghawak sa kaso dahil huling termino na niya ito. Nariyan si Alex Magno, na todo-palakpak sa husay umano ng maginoong pulitiko. Kakatwa ang itsura ng dalawang akademikong lumaban sa diktadurang Marcos na todo-saludo ngayon sa isang heneral nito – dahil sa tigas-ulo nilang pagkapit-tuko kay Arroyo.

Ang hinala ko, pinapatatag ang kredibilidad ni Enrile ng mga tutol sa impeachment, lalo na ng mga maka-Arroyo at maging ni Enrile mismo. Mas malamang, gagamitin ang umano’y maganda niyang reputasyon para isabotahe ang paglilitis, syempre sa pakinabang nina Corona at Arroyo. Hindi naman binitawan ni Enrile si Arroyo sa mahigit siyam na taon ng pananalasa ng huli sa bayan. Hindi man siya tumampok bilang tagapagtanggol nito, konsistent naman ang kanyang rekord ng pagkampi rito. Walang batayang isiping muling naisilang na siya bilang kampeon ng demokrasya.

Pahabol: Natutunugan na rin ng gobyernong Aquino ang papel ni Enrile sa plano ng mga maka-Arroyo. Naglabas daw ang Kilusang Mayo Uno ng pahayag na nananawagang buksan ang imbestigasyon sa pagpatay sa dating lider nitong si Rolando Olalia at sa aide nitong si Leonor Alay-ay. Syempre pa, si Enrile ang “ninong” ng Rebolusyonaryong Alyansang Makabansa o RAM, ang grupong itinuturong nasa likod ng pagpatay. Kaya lang, itinanggi ng KMU na naglabas ito ng ganoong pahayag. Kapani-paniwala ang pagtanggi ng KMU, dahil nakalagay sa pahayag na gumaganda ang hustisya sa bansa.

Ang hinala ko, ang mga propagandista mismo ng gobyernong Aquino ang nasa likod ng pekeng press release ng KMU. Bukod sa gusto nitong marinig ang KMU na pumupuri sa sistema ng hustisya sa bansa, gusto nitong siraan si Enrile. O kaya nama’y ipresyur ito para maging nyutral sa paglilitis o maging pabor sa paghatol na maysala si Corona. Bagamat may dapat managot sa pagkamatay nina Olalia at Alay-ay, mukhang propaganda lang ang habol ng gobyernong Aquino, hindi katarungan para sa dalawa. Ginagamit lang nito ang mga patay para sa sariling pakinabang. Walang konsensya!

Ginawa na ito dati ng mga propagandista ni Aquino. Noong eleksyong 2010, naglabas umano si Monsod ng e-mail na “Why I will vote for Noynoy,” sa panahong binabanatan niya ang umano’y pagiging mahirap ni Manny Villar. Itinanggi paglaon ni Monsod ang paglalabas ng naturang e-mail. Malinaw na ang layunin ay palakasin si Noynoy at siraan si Monsod para galitin ito lalo laban kay Villar. Sino ang nagsabing ang kampo ni Villar ang naglabas? Syempre pa, ang mga maka-Noynoy. Sinumang nakatutok sa eleksyon ang makapagsasabi: hindi aktibo, halos patay noon, ang mga propagandista ni Villar.

28 Enero 2012

Galing ang mga larawan dito.

Nakikisimpatya ako kay Katrina Stuart-Santiago sa pagtuligsa sa kanya ni Maria Ressa. Huwag kang magpaapekto sa aroganteng iyan! Hindi ko talaga nagustuhan si Ressa, sa kabila ng pagpipilit niyang magmukhang matalino. Halata naman kasing maka-Kanan, maka-US at puro dating lang siya.

May nagsabi nga sa akin, tingnan ko raw itong Rappler.com. Isa sa mga kolumnista ang maka-CIA na “eksperto” umano sa terorismo na si Rommel C. Banlaoi – katulad na katulad ni Ressa mismo. Tama nga naman: pwede rin sa alternatibong midya ang mga maka-Kanan.

Dapat lang: patuloy sa pagpaparangal si Noam Chomsky kay Howard Zinn. Magandang tanong – at sagot: Nagdudulot ba ng pang-ekonomiyang pag-unlad ang mga patakaran ng austerity? Tinuligsa ni Richard Seymour, aka Lenin’s Tomb, ang kahungkagan ng paggamit sa konsepto ng uri ng pilosopong si Slavoj Zizek.

About these ads
Post a comment or leave a trackback: Trackback URL.

Comments

  • nunal  On February 6, 2012 at 7:55 am

    Kalkulado ang impeachment trial sa dahilang alam na natin kung ano.

  • kapirasongkritika  On February 7, 2012 at 4:43 pm

    Dahil hindi naman talaga seryoso si Noynoy sa pagpapanagot kay Gloria at ang layunin lang talaga ay makinabang pa sa Hacienda Luisita, bukod sa iba pang hindi para sa bayan?

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s

Follow

Get every new post delivered to your Inbox.

Join 144 other followers

%d bloggers like this: