Monthly Archives: February 2012

Aquino IIImpeachment

“Mabuti bersus masama.” Ito ang balangkas ng kwentong pinalaganap ng kampo ni Pang. Benigno “Noynoy” Aquino III noong tumatakbo pa lang siya sa eleksyon. Syempre, siya umano ang mabuti at si Gng. Gloria Macapagal-Arroyo ang masama – kahit pa hindi naman siya tampok na lumaban dito. At iyan pa rin ang ginagamit ng gobyernong Aquino ngayon, sa kampanya nitong i-impeach si Chief Justice Renato Corona. Malakas na naihahatid ang mensahe, salamat sa pagsuporta sa gobyerno ng dominanteng midya.

Pero paano kung hindi na kasing-simple ng “mabuti bersus masama” ang nagaganap? Una, kung ang nagpapakilalang “mabuti” ay hindi naman talaga tumutugis sa masama? Pangalawa, kung ang todong tinutugis ng nagpapakilalang “mabuti” ay ang tauhan lang ng masama? Pangatlo, kung ang pagtugis sa tauhan ng masama ay lumalabas na hindi para papanagutin ang masama kundi para isulong ang makasariling interes? Pang-apat, kung pumapalpak ang pagtugis sa tauhan ng masama dahil sa kagagawan ng “mabuti”?

Konsistent ang gobyernong Aquino sa hindi pagtugis kay Arroyo at mga susing kasapakat nito. Sa loob ng mahigit 500 araw sa pwesto, hindi ito nagsampa ng kaso laban kay Arroyo. Napwersa lang itong magsampa nang magpilit si Arroyo na tumakas ng bansa at tumampok ang paglabag nito sa Korte Suprema sa paggigiit ng hold departure order. Matapos nitong kontrolin ang Ombudsman, pinahina ang kasong pandarambong na isinampa laban kay Arroyo, para maging simpleng graft na lang.

Kung nakakalusot ang malaking isda, paano pa ang maliit? Hindi rin naikulong ng gobyernong Aquino si Hen. Jovito Palparan, susing tauhan ni Arroyo na responsable sa mga pagpatay, pagdukot at pagtortyur. Lumalabas na pagpapakitang-gilas lang ng gobyerno ang pag-astang aarestuhin ito – para ipakitang tutugisin nito si Arroyo sa panahong itinutulak ang impeachment laban kay Corona, susing tauhan ni Arroyo. Sa gitna ng paglilitis sa impeachment, pinayagan pa rin si Arroyo sa hospital arrest.

Pero desidido ang gobyernong Aquino na tanggalin sa pwesto si Corona. Pero kung hindi pagpapanagot kay Arroyo at mga susing kasapakat nito ang layunin, ano? Syempre pa, ang pagbigwas kay Corona dahil sa desisyon ng Korte Suprema sa Hacienda Luisita. Gusto ng pamilyang Cojuangco-Aquino, at ng gobyernong Aquino, na patuloy na mapag-arian ng kasalukuyang panginoong maylupa ang Luisita. O kaya naman ay mapalaki pa ang “makatarungang kompensasyon” na hinihingi nilang kapalit.


At dahil sa kapasyahan ng gobyernong Aquino na isulong ang interes ng mga Cojuangco-Aquino sa Luisita, ginagamit nito ang buong lakas at yaman ng gobyerno laban kay Corona. Tampok ang pagratsada sa hindi-nabasang reklamong impeachment sa Kongreso – sa gitna ng usap-usapang ipinang-ipit ang pork barrel sa mga kongresista. Ang resulta tuloy, sa kabila ng pagsisikap ng mga tulad ni Bayan Muna Rep. Neri Colmenares, mahina ang kasong impeachment. Ang sabi, kahit pagkakasulat, pangit.

Sa ganitong punto mainam suriin ang pagsang-ayon ng Senado sa Korte Suprema sa inilabas ng huli na Temporary Restraining Order laban sa pagbubukas ng dollar account ni Corona. Syempre, pagsagka ito ng kampo ni Corona, at ng mga alyado ni Arroyo sa Senado, sa paglabas ng katotohanan. Dapat nang asahan iyan. Pero sa kabilang banda, resulta rin ito ng kahinaan ng prosekusyon na parang namimingwit ng ebidensya. Resulta ito, sa pangunahin, ng pagratsada ng gobyernong Aquino sa kaso.

Ngayon, pilit nagkukumpuni ang gobyernong Aquino sa kapalpakan nito sa paglilitis sa  impeachment. Bagamat hindi napatunayan ang akusasyong P100 Milyong suhol sa mga senador, itinuturo nito ang pwedeng kahantungan ng gobyerno sa desperasyon nito – sa kalagayang mahihirapang makakuha ng sapat na boto ang pag-convict kay Corona. Nariyan ang lihim na pagsiwalat sa mga deposito ni Corona sa bangko. Nariyan ang mga palabang pahayag ni Aquino – bukod pa sa todo-todong propagandang kontra-Corona.

Nitong huli, may naaamoy ang ilang komentarista: Nagluluto ba ng People Power ang gobyernong Aquino laban kay Corona? Pero ang People Power ay hindi lang ang mapayapang pagtitipon ng maraming tao sa isang lugar para sa isang panawagan. Kailangang may matibay na batayang moral ang People Power. Paano magpi-People Power laban kay Corona gayung may special treatment kay Arroyo? Ano ito, People Power para sa mga Cojuangco-Aquino? May prangkisa ba sa People Power si Aquino?

Noong Edsa 2, ang People Power ay resulta ng pagharang ng Senado sa katotohanan –na tumampok dahil malinaw ang mga ebidensya laban kay dating Pangulong Joseph Estrada. Ngayon, hindi tumatampok ang pagharang ng Senado sa katotohanan dahil hindi kasing-lakas ang mga ebidensya laban kay Corona. Sa Edsa 2, ang People Power ay pagkondena sa pagharang sa katotohanan. Ngayon, ang gusto ng gobyernong Aquino, mag-People Power para pagtakpan ang kapalpakan nito sa pagsiwalat ng katotohanan.

Pero posible pa ring mag-People Power ang gobyernong Aquino. Sampal sa mukha at kahiya-hiya para rito na dumulo ang paglilitis sa impeachment sa pagpapawalang-sala kay Corona – at sa gayo’y sa paglakas ng huli. Mabuway man ang mga batayang moral, magagamit ng gobyernong Aquino ang suporta ng dominanteng midya para palabasing “mabuti bersus masama” pa rin ang nagaganap. Hawak nito ang kabang-bayan at ang  mapanupil na kapangyarihan ng Estado. At todo-todo ang pagsuporta rito ng US.

Dalisay ang layunin ng pambansa-demokratikong Kaliwa sa pagsuporta sa impeachment ni Corona: ang tanggalin ang hadlang sa pagpapanagot kay Arroyo. Malinaw ritong iba ang layunin ng gobyernong Aquino sa impeachment. Sumusuporta man ito sa impeachment at tumutuligsa sa kampong Arroyo-Corona, tumutuligsa rin ito, lalung-lalo na, sa kampo ni Aquino. Iginigiit nito ang pagpapanagot kay Arroyo, ang pamamahagi ng Luisita sa magbubukid, at inilalantad ang mga galaw ng gobyerno.

Pinakamahalaga, tuluy-tuloy na pinapasigla ng pambansa-demokratikong Kaliwa ang mga paglaban hinggil sa mga pang-ekonomiyang isyu ng mga mamamayan – na gustong pagtakpan ng gobyernong Aquino gamit ang impeachment. Puro kontra-Corona ang tinututukan ng gobyerno, habang patuloy ito sa pagiging maka-US, maka-kapitalista at maka-asyendero sa mga isyung pang-ekonomiya ng karaniwang tao. Ang masama pa, inilulusot nito ang mga kontra-mamamayang patakaran sa silaw ng impeachment.

Sa tinatakbo ng mga pangyayari, gayunman, lalong nalalantad ang maitim na tunay na motibo, ang bruskong pambabraso, at ang kapalpakan ng kaso ng gobyernong Aquino sa impeachment. Mas malamang kaysa hindi, bubwelta rito ang mga hakbangin nito. Imbes na umani ng suporta sa pamamagitan ng impeachment, mas mahihiwalay sa mga mamamayan ang gobyernong Aquino. Mula sa dating “mabuti bersus masama,” titining na parehong masama ang naglalaban – at ang isa, todong ginagamit ang kapangyarihan.

22 Pebrero 2012

Galing ang magagandang larawan sa A Photo Dialogue. Sana hindi magalit ang mga maykuha. Isa, dalawang kolum ng bagong ka-kolomnista sa Pinoy Weekly na si Luis Maria Martinez.

The Greatest

Sa isang banda, matagal na siyang patay bilang mang-aawit. Kahit may mga kwento-kwentong magaling pa rin siyang kumanta kapag hindi nakadroga, alam ng mga tunay na tagahanga ang totoo: Hindi na siya makakakanta pang muli, lalo na nang kasing-husay ng dati. Pagkatapos daw ng Bodyguard siya nagbisyo, at lahat ng live na pagkanta niya matapos, bagamat may mahusay, ay padausdos. Hanggang sa may mga walkout sa konsyerto niya nitong huli: sabi ng isa, kahit patay na daga, hindi niya kayang aliwin.

Kakatwa ang mga sinasabi sa YouTube ng mga nanghihinayang na tagahanga. Kapag may pangit siyang pagtatanghal, may mga matatag na nagsasabi, taliwas sa ebidensyang napakarami, na may trangkaso siya, inuubo lang sa pagkakataong iyun. May mga nagsasabing sana sila na lang ang tumanggap ng lahat ng drogang tinira niya. Sa huling bahagi ng dekada ’90, kung saan papasagwa ang mga pagkanta niya, may mga nagsasabing sana itinigil na niya sa puntong iyun – sa puntong iyun mismo – ang droga.

Marami ang sumisi sa asawa niya sa pagkagumon niya sa bisyo. Noon ngang nabalitang magpapakasal sila, isang kaibigan ang nagsabi sa telebisyon na magkasalungat ang personalidad nila ni Bobby Brown. Pero nagpatuloy lang siya. Matapos umano siyang gumaling sa droga, kinumpirma niya: nagdroga siya para sa kanyang lalake, for his man, na siya namang laging tema ng kanyang mga awit. Klasikong patriyarkiya, pahiwatig ni Oprah Winfrey: nagpakaliit siya – siya! – para maging malaki ang lalake sa buhay niya.

At iyun na nga: kahit sa pagkamatay niya, droga, masalimuot na buhay-mag-asawa, pagbagsak ng kalusugan, at hindi musika ang napag-uusapan. Kung pag-usapan man, madalas, ay naglalaman ng pagkukumpara sa ibang mang-aawit – na babae, dahil hindi naman pinagsasabong ang mga mang-aawit na lalake. Walang patutunguhan, dahil may solidong posisyon ang bawat kampo, nakasalalay sa kanya-kanyang panlasa, at gusto lang ipakita ang pagiging tapat sa idolo sa pagtatanggol dito at pag-atake naman sa iba.

Namayagpag siya sa pag-arangkada ng neoliberalismo sa mga abanteng kapitalistang bansa – at isa marahil ang “Greatest Love of All” sa mga himno nito. Kakatwang sinabayan ng pagbagsak ng boses niya, at ng tema ng pag-ibig sa mga kanta niya, ang sinapit ng ideolohiyang ito sa tatlong dekada. Isang rurok ang sikat niyang pagkanta ng “Star-Spangled Banner” para suportahan ang mga tropang Amerikano sa gera sa Iraq – na bumungad sa “Katapusan ng Kasaysayan” matapos bumagsak ang “sosyalismo.”

Sinasabi ngayon na hinawan niya ang landas sa tagumpay sa mainstream ng ibang Aprikano-Amerikanong babaeng mang-aawit. Hinawan din ang landas niya ng mga nauna – ng ninang niyang si Aretha Franklin, pinsan niyang si Dionne Warwick, mga idolo niyang sina Gladys Knight at Chaka Khan. Pero nagawa niya ito, tulad ni Michael Jackson, sa pag-iwas sa pagiging masyadong “Itim” sa pagkanta, bawas ang sanlaksang manerismo ng pagkantang Gospel. Nagpakaputi siya para matanggap ng mainstream.

Pero sa kanyang rurok, wala talaga siyang katulad. Sa kanya masasapul ang pag-iiba ng mga Aprikano-Amerikano ng singing sa sanging. She can sang! Iyung “I Will Always Love You,” kahit mahusay, simula na ng pagbagsak ng kalidad ng boses niya. Sino pa ang konsistent na mahusay ang live na pag-awit? At ang live na pagtatanghal ay mas maganda sa nakarekord na orihinal? Sino ang nakakapagsanib ng husay sa pagbirit sa pagbibigay-damdamin sa inaawit? At sino ang pinakamasarap, magaang panoorin?

Kitang-kita ang husay niya kumpara sa mga parangal sa kanya ngayong patay na siya. Marami sa mga gumagaya, parang kalamnan ng katawan ang gamit; siya, parang walang kahirap-hirap, parang puno ng lambing. Marami sa mga nagkaisip sa panahon ng pamamayagpag niya, inakalang laging may katulad niyang mahusay na mang-aawit. Ngayon, sa pagkamatay niya, sa paghahanap ng mga katulad niya na hindi niya katulad, namamalayan nilang bukod-tangi ang panahong para lang siyang hangin sa paligid.

Sabi ng isang kaibigan, kapag nakita niya ang paborito niyang si Joni Mitchell, sasabihan niya ito: “Hey, Joni. I look at life from both sides now.” Ano ang katulad na masasabi kay Whitney? Marami, pero pinakamaganda ang pagbalik sa una niyang kanta: You give good love. Sa lahat ng pagtatanghal, kitang-kitang ibinigay niya ang lahat. Kapag kumakanta, larawan siya ng ligaya sa paggawa ng gustong gawin, sa pagpapasaya sa iba gamit ang sariling talento – bagay na ipinagkakait sa nakararami sa lipunang ito.

Namatay siya matapos mag-iwan ng mga palpak na pagtatanghal, ng mga eksenang mapaghihinalaan siyang baliw. Hindi naman niya kinailangang magtangka pang mag-comeback at muling mamayagpag. Hindi naman niya kailangang kumanta pang muli. Lohika ba iyun ng kapitalismo na kailangang laging magprodyus? Ng pagiging celebrity na kailangang bumawi? Ng buhay-mang-aawit na hindi mabubuhay kung hindi magtatrabahong muli? Hindi ba siya pwedeng nagpahinga at iba ang ginawa sa buhay?

Dahil sa rurok naman ng talento niya, wala siyang katulad, siya ang pinakamahusay.

17 Pebrero 2012

Galing ang ikalawang larawan dito. May pagmumuni si Voyou Deseouvre hinggil sa takot na idinulot ng pagpapalit umano ng patakaran sa seguridad ng Google. Radikal na tagapagtanggol raw ng imperyalismo si Slavoj Zizek? Iyan ang sabi ni Karlo Mongaya. Interesante: ang teoristang si Nicholaz Mirzoeff, araw-araw nagba-blog tungkol sa protestang Occupy sa US. Kaunti lang ang alam ko sa Top 20 kanta ng 2011 sa tala ni Richard Bolisay.

Reimbensyon ng Diskursong Kolonyal

Maraming problematiko at kaprote-protesta sa “Restoring US presence,” editoryal ng Philippine Daily Inquirer na lumabas noong 30 Enero. Sinang-ayunan at binigyang-katwiran nito ang pagtagal at pagsaklaw, o ang lubusang pagbabalik, ng presensyang militar ng US sa Pilipinas. Gumamit ito ng maraming kasuklam-suklam na taktika sa propaganda para ibenta ang nasabing posisyon.

(1) Sinasang-ayunan nito ang paglilihim ng gobyerno ng US at Pilipinas sa nagaganap na negosasyon hinggil sa pagtagal at pagsaklaw ng mga tropa at kagamitang militar ng US sa bansa. Kinatigan nito ang palusot para sa naturang paglilihim: May “mga pampulitikang sensibilidad” daw na makakanti ng “lubusang pagbabalik ng presensyang militar na Amerikano.” Mapanganib ang ganitong tindig ng midya, parang panahon ng gera: ipinapailalim ang katotohanan, na alam namang gustong malaman ng mga mamamayan, sa itinuturing na interes sa seguridad.

(2) Tinatawag nitong “lumang emosyunalismo” ang sentimyento kontra sa base-militar ng US sa bansa. Sa ganito, ibinasura nito ang nasyunalismo na ipinakita ng sambayanan sa paglaban para palayasin ang mga dating base ng US. Kung babalikan ang debate hinggil dito mahigit 20 taon na ang nakakalipas, makikitang ang mga kontra-base ang may mga batayang rasyunal at hindi emosyunal sa pagpapalayas sa mga base, habang karamihan ng mga sinasabi ng mga tagapagtanggol ng base ay nakaugat at nagpapalakas sa mga kaisipang atrasado at kolonyal.

(3) Binabaluktot nito ang pagtingin ng mga kontra-base sa pangangailangang palayasin ang mga base-militar ng US, sa pagsasabing parang pagputol sa umbilical cord ng anak sa ina ang pagbasura sa tratado para sa pagpapatagal ng mga base sa bansa. Hindi nito kayang ilahad nang matapat ang pagtingin ng mga kontra-base. O ang kaya lang nitong ilahad ay ang pagtutol ng mga pulitiko sa base. Para sa marami sa mga kontra-base, hindi nakabubuhay na ugnayan ang namayani sa pagitan ng US at Pilipinas sa mahabang panahon, kundi nakamamatay. Kasuklam-suklam din ang implikasyon na hindi maisisilang ang Pilipinas kung hindi dahil sa US.

(4) Pinagmumukha nitong iisang entidad ang Pilipinas kasabay ng pagsasabing napangibabawan na nito ang nabanggit na lumang emosyunalismo. Sa ganito, pinagtatakpan nito na ang mga naghaharing uri, hindi ang nakararaming pinaghahariang uri, ang may kontrol sa patakarang panlabas ng bansa. Sa mga naghaharing uri, hindi pagkapawi ng anumang emosyunalismo ang naganap, kundi pagpapatuloy ng pagiging sunud-sunuran sa US – na napaatras ng malakas na protesta ng mga mamamayan. Anu’t anuman, binabansagan nito ng “lumang emosyunalismo” ang pagtutol ng mga mamamayan sa presensyang militar ng US para maibasura ito – na para bang isa lang itong lumang bagahe na dapat itapon.

(5) Pinalalabas nitong nasaktan ang US sa pagpapalayas sa mga base-militar nito sa Pilipinas. Muli, pinagmumukhang isang entidad ang US. Sa panig ng mga naghaharing uri ng US, hindi naman talaga umalis ang presensyang militar ng US sa bansa, kaya walang dahilan para masaktan. Sa panig ng mga mamamayang Amerikano, may seksyong tutol rin sa pagkakaroon at pagpapalawak ng base ng US sa bansa at sa mundo. Higit pa riyan, para bang emosyon o damdamin ang namamayani sa gobyerno ng US sa pagpapasaklaw ng presensyang militar nito sa buong mundo – hindi ang malamig at malupit na kalkulasyon ng pagsusulong ng sariling interes, batay sa pagsusuri ng US State Department at Central Intelligence Agency.

(6) Lumilikha ito ng pag-asa na posible ang “isang kasunduang kapaki-pakinabang sa dalawang panig” mula sa hungkag na pag-asang natuto na dalawang bansa sa mapapait na karanasan ng kanilang espesyal na ugnayan. Paanong natuto? May pagkilala bang dapat sa Pilipinas ikulong ang mga tropang Amerikanong nakagawa ng krimen sa bansa? Pinahigpit ba ang pagbabawal sa paglahok ng mga tropang Amerikano sa mga armadong labanan na internal sa bansa? Ibinukas ba man lang sa inspeksyon ang mga kagamitang militar ng US sa posibleng paglabag sa pagbabawal ng Konstitusyon sa armas-nukleyar? Para sa gobyerno ng Pilipinas, walang mapait na karanasan sa tropang Amerikano, at niyayakap nito nang buo ang interes ng US. Sa ganyang kalagayan, isang ilusyon o pantasya ang magkaroon ng pantay na kasunduan.

(7) Pinapaasa nito ang mga mambabasa, ang mga nasa panggitnang uri, sa pangakong tulong-militar ng US. Pinagtatakpan nito samakatwid ang mahabang karanasan ng bansa sa mga base-militar ng US. Sa loob ng mahigit apat na dekada ng pananatili ng mga base ng US sa bansa, pinaasa ang mga mamamayan sa tulong-militar, na kesyo imomodernisa ang militar. Pero hanggang ngayon, kailangan pa rin itong imodernisa. Puro mga lumang kagamitan ang ibinigay at dagdag-gastos pa nga sa mga mamamayan – hindi talaga tulong ng umano’y kaibigan.

(8) Pinagmumukha nitong ang interes ng Pilipinas kaugnay ng Tsina ang pangunahing dahilan sa pagpapalawak at pagpapatagal ng presensyang militar ng US sa bansa. Mapanlinlang at mapanganib ito sa mga mamamayan. Ang totoo, ang interes ng US ang pangunahing dahilan ng kampanya nitong magpalawak at magpatagal ng presensyang militar sa Pilipinas. Gusto nitong takutin at palibutan ang Tsina, na isa ngayong lumalakas na kapangyarihan sa mundo. Pero hindi iyan nangangahulugang ipaglalaban talaga ng US ang Pilipinas kung gagawa ng anumang probokasyon ang Tsina. Masalimuot ang rekord ng US sa ganito: may panahong pinapahintulutan ang pananakop, may mga panahong hindi. At marami mang laban ng US na ipinambala ang mga Pilipino, wala pang direktang laban ang US para sa mga Pilipino. Ang punto: iba ang interes ng US at iba ang interes ng Pilipinas.

(9) Sinisiraan nito ang Kaliwa sa bansa, sa pagpapalaganap ng kasinungalingan na tahimik ang huli sa mga pahayag at aksyon sa Tsina, na tinawag nitong “treasonous” o “pagtataksil sa bayan.” Para magmukhang kapani-paniwala ang ganitong kasinungalingan, inugat pa ang umano’y pananahimik sa oryentasyong “Maoista” ng Kaliwa. Ang totoo, kinondena at tinutulan ng Kaliwa ang mga pahayag at aksyon ng Tsina, pero pinatampok din ang mas malaking panganib na dulot ng pagsamantala ng US sa usapin. Ang puntiryahin ang Tsina sa ilang aksyon at pahayag nito nang niyayakap ang US sa mahigit sandaang taong rekord nito sa bansa – iyan ang pagtataksil sa bayan. Hindi tutuligsain ng Kaliwa ang Tsina dahil Maoista ito? Para iyang pagsasabing hindi tutuligsain ng mga naniniwala kay Hesukristo ang Israel – kahit pa kontra-Kristiyano ang mga patakaran nito.

Sa pagtindi ng malubhang pang-ekonomiyang krisis sa mundo, tiyak na lalakas ang tulak ng US na magpalawak ng presensyang militar sa iba’t ibang panig ng mundo at mag-udyok ng gera sa iba’t ibang bansa. Ipinapakita ng editoryal ng Philippine Daily Inquirer ang kapasyahan ng US, ng gobyerno at ng midya na maglunsad ng reimbensyon ng diskursong kolonyal para bigyang-katwiran ang pagpapasaklaw at pagpapatagal ng presensyang militar ng US sa bansa.

Sa kalakhan, walang bago sa reimbensyon ng diskursong ito. Pero kumukuha ito ng lakas sa deka-dekadang pagbura sa kasaysayan ng pagsasamantala ng US sa bansa at ng paglaban dito ng mga Pilipino. Malinaw ang hamon sa mga makabayan: ang paigtingin ang pagbabalik-aral at pagbibigay-buhay sa mahabang tradisyon ng kontra-kolonyal, kontra-imperyalista at makabayang kamalayan at kultura.

“At nasa negosyo ng imperyo na tayo simula 1898. Ipinangako natin sa mga Pilipino ang kanilang kalayaan mula sa Espanya. Tapos, nagbago tayo ng isip, at pumatay ng tinatayang 200,000 sa kanila sa proseso ng pag-Amerikanisa sa kanila.” – Gore Vidal, Imperial America, 2005.

11 Pebrero 2012

Galing ang mga larawan dito.

Napakalungkot na balita: patay na ang napakahusay na mang-aawit na si Whitney Houston. Isa, dalawa, tatlo sa paborito kong live na pagtatanghal niya. Sumusulat ako ng parangal.

Follow

Get every new post delivered to your Inbox.

Join 119 other followers