Reimbensyon ng Diskursong Kolonyal

Maraming problematiko at kaprote-protesta sa “Restoring US presence,” editoryal ng Philippine Daily Inquirer na lumabas noong 30 Enero. Sinang-ayunan at binigyang-katwiran nito ang pagtagal at pagsaklaw, o ang lubusang pagbabalik, ng presensyang militar ng US sa Pilipinas. Gumamit ito ng maraming kasuklam-suklam na taktika sa propaganda para ibenta ang nasabing posisyon.

(1) Sinasang-ayunan nito ang paglilihim ng gobyerno ng US at Pilipinas sa nagaganap na negosasyon hinggil sa pagtagal at pagsaklaw ng mga tropa at kagamitang militar ng US sa bansa. Kinatigan nito ang palusot para sa naturang paglilihim: May “mga pampulitikang sensibilidad” daw na makakanti ng “lubusang pagbabalik ng presensyang militar na Amerikano.” Mapanganib ang ganitong tindig ng midya, parang panahon ng gera: ipinapailalim ang katotohanan, na alam namang gustong malaman ng mga mamamayan, sa itinuturing na interes sa seguridad.

(2) Tinatawag nitong “lumang emosyunalismo” ang sentimyento kontra sa base-militar ng US sa bansa. Sa ganito, ibinasura nito ang nasyunalismo na ipinakita ng sambayanan sa paglaban para palayasin ang mga dating base ng US. Kung babalikan ang debate hinggil dito mahigit 20 taon na ang nakakalipas, makikitang ang mga kontra-base ang may mga batayang rasyunal at hindi emosyunal sa pagpapalayas sa mga base, habang karamihan ng mga sinasabi ng mga tagapagtanggol ng base ay nakaugat at nagpapalakas sa mga kaisipang atrasado at kolonyal.

(3) Binabaluktot nito ang pagtingin ng mga kontra-base sa pangangailangang palayasin ang mga base-militar ng US, sa pagsasabing parang pagputol sa umbilical cord ng anak sa ina ang pagbasura sa tratado para sa pagpapatagal ng mga base sa bansa. Hindi nito kayang ilahad nang matapat ang pagtingin ng mga kontra-base. O ang kaya lang nitong ilahad ay ang pagtutol ng mga pulitiko sa base. Para sa marami sa mga kontra-base, hindi nakabubuhay na ugnayan ang namayani sa pagitan ng US at Pilipinas sa mahabang panahon, kundi nakamamatay. Kasuklam-suklam din ang implikasyon na hindi maisisilang ang Pilipinas kung hindi dahil sa US.

(4) Pinagmumukha nitong iisang entidad ang Pilipinas kasabay ng pagsasabing napangibabawan na nito ang nabanggit na lumang emosyunalismo. Sa ganito, pinagtatakpan nito na ang mga naghaharing uri, hindi ang nakararaming pinaghahariang uri, ang may kontrol sa patakarang panlabas ng bansa. Sa mga naghaharing uri, hindi pagkapawi ng anumang emosyunalismo ang naganap, kundi pagpapatuloy ng pagiging sunud-sunuran sa US – na napaatras ng malakas na protesta ng mga mamamayan. Anu’t anuman, binabansagan nito ng “lumang emosyunalismo” ang pagtutol ng mga mamamayan sa presensyang militar ng US para maibasura ito – na para bang isa lang itong lumang bagahe na dapat itapon.

(5) Pinalalabas nitong nasaktan ang US sa pagpapalayas sa mga base-militar nito sa Pilipinas. Muli, pinagmumukhang isang entidad ang US. Sa panig ng mga naghaharing uri ng US, hindi naman talaga umalis ang presensyang militar ng US sa bansa, kaya walang dahilan para masaktan. Sa panig ng mga mamamayang Amerikano, may seksyong tutol rin sa pagkakaroon at pagpapalawak ng base ng US sa bansa at sa mundo. Higit pa riyan, para bang emosyon o damdamin ang namamayani sa gobyerno ng US sa pagpapasaklaw ng presensyang militar nito sa buong mundo – hindi ang malamig at malupit na kalkulasyon ng pagsusulong ng sariling interes, batay sa pagsusuri ng US State Department at Central Intelligence Agency.

(6) Lumilikha ito ng pag-asa na posible ang “isang kasunduang kapaki-pakinabang sa dalawang panig” mula sa hungkag na pag-asang natuto na dalawang bansa sa mapapait na karanasan ng kanilang espesyal na ugnayan. Paanong natuto? May pagkilala bang dapat sa Pilipinas ikulong ang mga tropang Amerikanong nakagawa ng krimen sa bansa? Pinahigpit ba ang pagbabawal sa paglahok ng mga tropang Amerikano sa mga armadong labanan na internal sa bansa? Ibinukas ba man lang sa inspeksyon ang mga kagamitang militar ng US sa posibleng paglabag sa pagbabawal ng Konstitusyon sa armas-nukleyar? Para sa gobyerno ng Pilipinas, walang mapait na karanasan sa tropang Amerikano, at niyayakap nito nang buo ang interes ng US. Sa ganyang kalagayan, isang ilusyon o pantasya ang magkaroon ng pantay na kasunduan.

(7) Pinapaasa nito ang mga mambabasa, ang mga nasa panggitnang uri, sa pangakong tulong-militar ng US. Pinagtatakpan nito samakatwid ang mahabang karanasan ng bansa sa mga base-militar ng US. Sa loob ng mahigit apat na dekada ng pananatili ng mga base ng US sa bansa, pinaasa ang mga mamamayan sa tulong-militar, na kesyo imomodernisa ang militar. Pero hanggang ngayon, kailangan pa rin itong imodernisa. Puro mga lumang kagamitan ang ibinigay at dagdag-gastos pa nga sa mga mamamayan – hindi talaga tulong ng umano’y kaibigan.

(8) Pinagmumukha nitong ang interes ng Pilipinas kaugnay ng Tsina ang pangunahing dahilan sa pagpapalawak at pagpapatagal ng presensyang militar ng US sa bansa. Mapanlinlang at mapanganib ito sa mga mamamayan. Ang totoo, ang interes ng US ang pangunahing dahilan ng kampanya nitong magpalawak at magpatagal ng presensyang militar sa Pilipinas. Gusto nitong takutin at palibutan ang Tsina, na isa ngayong lumalakas na kapangyarihan sa mundo. Pero hindi iyan nangangahulugang ipaglalaban talaga ng US ang Pilipinas kung gagawa ng anumang probokasyon ang Tsina. Masalimuot ang rekord ng US sa ganito: may panahong pinapahintulutan ang pananakop, may mga panahong hindi. At marami mang laban ng US na ipinambala ang mga Pilipino, wala pang direktang laban ang US para sa mga Pilipino. Ang punto: iba ang interes ng US at iba ang interes ng Pilipinas.

(9) Sinisiraan nito ang Kaliwa sa bansa, sa pagpapalaganap ng kasinungalingan na tahimik ang huli sa mga pahayag at aksyon sa Tsina, na tinawag nitong “treasonous” o “pagtataksil sa bayan.” Para magmukhang kapani-paniwala ang ganitong kasinungalingan, inugat pa ang umano’y pananahimik sa oryentasyong “Maoista” ng Kaliwa. Ang totoo, kinondena at tinutulan ng Kaliwa ang mga pahayag at aksyon ng Tsina, pero pinatampok din ang mas malaking panganib na dulot ng pagsamantala ng US sa usapin. Ang puntiryahin ang Tsina sa ilang aksyon at pahayag nito nang niyayakap ang US sa mahigit sandaang taong rekord nito sa bansa – iyan ang pagtataksil sa bayan. Hindi tutuligsain ng Kaliwa ang Tsina dahil Maoista ito? Para iyang pagsasabing hindi tutuligsain ng mga naniniwala kay Hesukristo ang Israel – kahit pa kontra-Kristiyano ang mga patakaran nito.

Sa pagtindi ng malubhang pang-ekonomiyang krisis sa mundo, tiyak na lalakas ang tulak ng US na magpalawak ng presensyang militar sa iba’t ibang panig ng mundo at mag-udyok ng gera sa iba’t ibang bansa. Ipinapakita ng editoryal ng Philippine Daily Inquirer ang kapasyahan ng US, ng gobyerno at ng midya na maglunsad ng reimbensyon ng diskursong kolonyal para bigyang-katwiran ang pagpapasaklaw at pagpapatagal ng presensyang militar ng US sa bansa.

Sa kalakhan, walang bago sa reimbensyon ng diskursong ito. Pero kumukuha ito ng lakas sa deka-dekadang pagbura sa kasaysayan ng pagsasamantala ng US sa bansa at ng paglaban dito ng mga Pilipino. Malinaw ang hamon sa mga makabayan: ang paigtingin ang pagbabalik-aral at pagbibigay-buhay sa mahabang tradisyon ng kontra-kolonyal, kontra-imperyalista at makabayang kamalayan at kultura.

“At nasa negosyo ng imperyo na tayo simula 1898. Ipinangako natin sa mga Pilipino ang kanilang kalayaan mula sa Espanya. Tapos, nagbago tayo ng isip, at pumatay ng tinatayang 200,000 sa kanila sa proseso ng pag-Amerikanisa sa kanila.” – Gore Vidal, Imperial America, 2005.

11 Pebrero 2012

Galing ang mga larawan dito.

Napakalungkot na balita: patay na ang napakahusay na mang-aawit na si Whitney Houston. Isa, dalawa, tatlo sa paborito kong live na pagtatanghal niya. Sumusulat ako ng parangal.

About these ads
Post a comment or leave a trackback: Trackback URL.

Comments

  • Lyds78  On February 12, 2012 at 8:03 am

    pagputol ng umbilical cord? baket? kailan pa naging isang ina ang US sa Pilipinas? Insulto para sa mga inang tunay na nag-aaruga at nagmamahal sa kanilang mga anak! Kahit kailan ay hindi nagkaroon ng genuine concern ang US sa bansa natin, lahat ng pakitang-taong mga tulong ay sa ngalan pa rin ng pagsusulong ng mga interes ng Mother America.

    Sorry sa exaheradong opening, nanay na rin kasi ako e at naiinsulto akong maihalintulad sa US, hehe

    ngapala, nanganak na ako, baby boy din na laging nakakuyom ang kamao :)

    napadaan lang

  • jef  On February 12, 2012 at 11:42 am

    di ko pa nababasa yung editoryal pero muka ngang nakakagalit. papatapusin ko lang muna ang MArtes, tapos, siguro magba-blog na ako. waaah! waaaaaahh!!!

    rakenrol ba

  • kapirasongkritika  On February 12, 2012 at 3:43 pm

    @ Lyds78: Haha! Magandang punto! Nakakainsulto nga naman! Labag sa pamantayan ng mga nanay ang pag-abuso sa mga anak! Patingin ng baby! Kailan tayo pwede magkita? Email na lang!

    @ jef: Go! Mag-blog! Tugma ang editoryal sa mga inireklamo mong komento sa mga balita sa mga online news sites! Kaya dapat talagang masagot!

    • Lyds78  On February 15, 2012 at 10:53 am

      Wala pang 1 month si baby kaya di pa ako makalakwatsa, mahirap nang mabinat hehe

      Baka sakaling hindi ako tamaring sumulat muli dun sa wordpress account ko, baka makapag-post ng picture ni baby.

      Pwede namang e-mail ko na lang sa iyo, ano ba e-mail ad mo?

  • kapirasongkritika  On February 15, 2012 at 2:30 pm

    Gusto mo talagang mag-post ng baby pictures sa blog? Hehe.

    Iyung nakalagay sa pakilala sa blog na ito: teosmarasigan@gmail.com. Sulat ka, ha!

  • jep  On September 4, 2012 at 4:45 am

    naalala ko ‘tong entri na ‘to nu’ng makabasa na naman ako ng mga sagutan sa internet. kaugnay naman ng foreign direct investments at pagtatanggal sa probisyon sa Konstitusyon na naglilimita sa pagmamay-ari ng mga dayuhan ng mga negosyo sa bansa. talagang binabasura na lang nila ngayon bilang emosyunalismo ang nasyunalismo. umiral na naman daw yung tinatawag nilang “da Pinoy Prayd” nung tutulan ‘yung binabalak na pag-amyenda sa Konstitusyon. ang lumalabas, nasusugatan lang daw ang pride natin dahil sa pagpasok natin sa relasyon sa dayuhang di lang naman daw masyadong “noble” ang mga motibo. turo daw sa’tin ng tinatawag nilang “emo historians”.

    “Tugma ang editoryal sa mga inireklamo mong komento sa mga balita…”
    reklamo talaga. haha. parang Sumbong-Sumbong kay Bonggang Bonggang Bongbong ba ang dating? haha

  • kapirasongkritika  On September 6, 2012 at 4:00 am

    Sorry, late reply. Hehe. Nakakatuwa namang may nakakaalala. Hehe.

    Emosyunalismo? Pinagmumukha tayong irasyunal? Pinoy Prayd?

    Higit sa anumang usapin sa emosyon o kaisipan, pagtindi ng kahirapan at kagutuman ang idudulot ng Cha-cha. Iyun ang maganda nating idiin. Tapos hamunin silang patunayan na makakabuti sa bansa ang Cha-cha.

    Hahaha. Nakaka-reklamo talaga ang mga komento sa mga sites. Magandang malamang kung bukod sa atin at sa mga nagkokomentong gago ay may iba pang pumapansin sa comments section ng mga balita.

  • jep  On September 6, 2012 at 5:14 am

    hehe, naaalala ko kasi binabalik-balikan ko t’ong blog mo, saya basahin e. minsan nga pag nalilito ako at naghahanap ng liwanag, dito ako pumupunta, parang “sacred book” lang, haha.

    yun nga nakakainis e, sa tno pa ng pananalita nila parang lumalabas na tayo pa ang konserbatibo at sila ang praktikal at makabago. e muka naman atang yung iba sa kanila walang ibang alam satin nang lagpas sa mga nakikita nilang nagrarali.

    ayun, teka yung blog ko, tumagal na ng ilang buwan hindi ko pa nasisimulan. nagrarambol-rambol pa kasi utak ko e, soriii

  • kapirasongkritika  On September 6, 2012 at 12:51 pm

    Salamat sa pagpapabalik-balik. Nakakatuwa namang may nasasayahang bumasa. Seryoso daw kasi masyado sabi ng iba. Hehe.

    Pero sacred book? Kaya mong isulat ang lahat ng narito kung may ibang sacred books kang babasahin. Hehe.

    Ganyan ang mga konserbatibo minsan, mas radikal pang umasta. Hehe. Madalas, gusto lang tayong banatan ng mga iyan, kaya huwag ka rin pakalulong sa kanila.

    Go! Simulan mo na! Hehe. May wave ng mga progressive bloggers na nawala. Kailangan ng bago!

  • jep  On September 6, 2012 at 1:11 pm

    Alieeeeen kapatid!

    Sabagay si Marcos din ganun ang style, saka wala na rin namang bago sa ganun, na-realize ko.

    Salamat talaga nang marami, lalong nakaka-inspire pag galing pa talaga sa idol ko yang mga salitang yan! Asteeeg!

  • kapirasongkritika  On September 13, 2012 at 3:50 pm

    Sorry ulit sa late reply. Go, go, go! Isulat mo ang gusto mong isulat, lalo na’t tibak ka, at magpakahusay ka doon. Actually, kapag nararamdamam mo, nagiging okey. Hehe.

  • jep  On September 22, 2012 at 1:42 pm

    Sorry sir, ako naman late reply. Hehe, mukhang nahuhulaan mo kung ano problema ko a.

    Bale, eto na po yung bagong blog ko:

    http://bayongniboyong.wordpress.com/

    sorry kung papalit-palit ako ng pangalan, nahihirapan ako mag-isip ng maganda e, Minsan nga di ko na alam kung sino ako, joke lang.

    Nilagay ko muna yung mga lumang notes ko sa face book. Hehe. Salamat sir sa inspirasyon.

  • kapirasongkritika  On September 23, 2012 at 9:53 am

    Naks! Congrats! Sige, pabasa. Tapos mag-link tayo ng artikulo dito sa blog.

    Parang kapag ganyan ang titulo ng blog, dapat maraming kakengkoyan, kakuwananan, sabi ng matatanda. Hehe.

  • jep  On September 25, 2012 at 12:31 am

    naku sir mahirap ata na hamon yan. wirdo ako pero di ako kengkoy e. hehe

  • kapirasongkritika  On September 26, 2012 at 12:07 am

    Lahat naman ng tao may ka-wirdohan, lalo na ang mga nagba-blog. Hahaha! Matutuklasan mo ring maging kengkoy sa blog.

  • jep  On September 26, 2012 at 1:36 am

    hehe. sige-sige. salamat talaga sa inspirasyon. kitakits

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s

Follow

Get every new post delivered to your Inbox.

Join 144 other followers

%d bloggers like this: