Monthly Archives: March 2012

Napikon sa Noynoying

Sa mga matagal nang nakakabasa ng mga sulatin ni Joel Rocamora, dating presidente ng Akbayan at ngayo’y hepe ng National Anti-Poverty Commission, may ilang bagay na kapansin-pansin sa kanyang depensa sa pangulo laban sa nauusong “Noynoying.” Sa titulo pa lang na “‛Noynoying’ is [the RAs are] Annoying,” napakatahas na ng kanyang tono. Wala na ang mapagpatawa, palabiro, at mapangutyang estilo na gamit niya lalo na sa pagbanat sa Kaliwa. Tirang pikon siya: “annoying political gimmick,” “cheap publicity gimmick.” Ganyan siguro talaga ang transisyon mula sa mga kontra-Kaliwa at mayayamang NGO patungo sa mismong trono ng kapangyarihang pampulitika sa bansa.

Nakilala ng marami si Rocamora bilang opisyal ng Akbayan na, tulad ng kanyang barkadang si Mon Casiple, ay rumaraket din bilang “independyenteng manunuring pampulitika.” Bago niyan, nakilala siya ng ilan bilang awtor ng librong Breaking Through [1994] at iba pang katulad na sulatin – bumabanat sa Kaliwa, nag-uugnay ng mga hayag na organisasyon sa tinatawag na underground, at nagsisiwalat ng mga lihim ng underground. Sa librong iyun, makapal pa ang pagpapanggap niya bilang maka-Kaliwa, bagamat pinupuri na niya ang programang “Philippines 2000” ni Fidel Ramos. Ang totoo, “breaking away” sa Kaliwa ang ginawa niya sa librong iyun, o bago pa man.

Anu’t anuman, hepe na siya ng NAPC ngayon at malapit na kadikit ni Pang. Noynoy Aquino. Sa ganito mainam makita ang mga kahinaan ng sanaysay niya. Sabi niya, “maayus-ayos na gimik” ang Noynoying kaya nakakuha ng kaunting puwang sa midya. Nalimutan niyang idagdag na ang pangunahing midya sa bansa, maka-Noynoy. Humantong daw ang mga “pampulitikang kaaway” ng gobyerno sa Noynoying dahil nahihirapan silang banatan ang mga patakaran ng gobyerno. Mali: Sa pagbanat sa mga patakaran ng gobyerno nagmula ang Noynoying. Kapos sa diskarte o arte man lang ang pagtanggi niya: “Masasabi ko nang buong pagmamalaki: hindi tamad o bobo si PNoy.”

Pero ang malaking kahinaan ng sanaysay niya, pinapakitid ang ibig sabihin ng reporma sa pamamagitan ng pag-angkin dito. Pansinin muna natin ang modang buhat-bangko niya: Ipinagtatanggol niya si Noynoy pero sabi niya, “Ang pagpayag [ni Noynoy] na bigyang puwang ang kanyang Gabinete na magpanimula ng mga patakarang pang-reporma ang siyang nagbigay-lakas sa gobyernong ito para magpatupad ng mga mayor na reporma…” Ano ba talaga? Ipinagtatanggol ba si Noynoy o inilalaglag? Noynoying ba o hindi? Pero mas mahalaga: Nasaan ang reporma? Siya mismo, nagdadahilan na hindi ito makakaabante kung hindi mapapanagot si Gloria Arroyo – na hindi pa napapanagot.

At mga pambansang demokrata pa raw ang ayaw sa reporma! Hadlang daw ito sa “katuparan ng kanilang iniilusyong rebolusyon!” Ang totoo, kung may lumalaban man para sa reporma sa ilalim ng gobyernong Aquino, iyan ay walang iba kundi ang mga pambansang demokrata. Tunay na reporma – iyung magbibigay ng ginhawa sa mga mamamayan. Ang problema, hindi ito maibigay ng gobyernong Aquino. Kaya lumalakas ang paghahangad ng mga tao ng tunay na pagbabago. Kaya nga isang pagwawasto: Mga magbubukid ng Hacienda Luisita ang lumaban para sa pamamahagi ng lupa doon, hindi ang gobyerno. At katuwang nila, hindi kalaban, ang mga pambansang demokrata dito.

Pero hindi kalinawan ang gusto ni Rocamora sa sanaysay na ito. Gusto lang niyang takutin ang publiko, palabasing maka-Kaliwa – Maoista pa nga – ang Noynoying. Naisip kaya niyang sisihin si Francis Tolentino, hepe ng Metropolitan Manila Development Authority na nagbawal sa mga aktibista na mag-planking sa protesta kung saan isinilang ang Noynoying? Pero hindi na si Tolentino o mga aktibista ang may kasalanan sa Noynoying, kundi si Noynoy mismo. Pumatok ang Noynoying dahil sapul nito ang sentimyento sa pangulo ng mga mamamayan. Sa likod ng masasayang ngiti at masasarap na pangako ng pangulo, ramdam ang pagtindi ng hirap at gutom ng mga tao.

Para itong “Imeldific” at “Marcosian,” pero naimbento habang presidente pa si Aquino.

25 Marso 2012

Ang mga imahen sa itaas ay walang kahihiyang pinagkukuha sa Facebook ni Max Baluyut Santiago. Maraming salamat, kung mapapansin mo man!

Part 2 ng mga panukalang libro sa aklatan ng protestang Occupy sa US. Ano ang pwedeng gawin ng Malakanyang para mapigil ang Noynoying? Sinagot ni Vencer Crisostomo.

Isa sa magagandang sulatin ni Henry Giroux tungkol sa lipunang Amerikano ngayon. Tumatanda na raw ang musikang Rock.

Nasa link ng website ng Kabataan Partylist-SMR ang blog na ito. Maraming salamat sa karangalang ito!

Alyas Diyosa

“Nabalitaan mo na ang nangyari kay Sheena?” tanong ng isang kaibigan sa text. At nalungkot na siya agad. Alam niya ang ibig sabihin noon, lalo na’t nabanggit na sa text, walang alyas-alyas, ang pangalan ng kaibigang sumapi sa New People’s Army o NPA. Nagtanong pa rin siya, umaasa sa pinakamagandang senaryo sa ganoong pagkakataon, na nadakip lang ang kaibigan. Pero kinukuha na raw sa puntong iyun ng pamilya ang bangkay. Pagkabasa sa huling text, bumigat ang loob niya, uminit ang mga mata.

Naging kaibigan niya si Sheena Trinidad, mag-aaral ng Behavioral Science sa Unibersidad ng Pilipinas-Manila. Naging miyembro ito ng Student Christian Movement, naging opisyal ng konseho ng mag-aaral ng College of Arts and Sciences, hanggang naging tagapangulo nito at ng progresibong partido-alyansa sa paaralan. Ang totoo, ginusto ng mga kasama niya na maging tagapangulo si Sheena ng University Student Council, pero tinanggihan niya – nang mariin, dahil may iba na siya noong balakin.

Mukha lang karaniwang Pinay, hindi naiiba, si Sheena. Pero dahil siguro sa pamumuno niya sa mga pagkilos ng mga iskolar ng bayan sa iba’t ibang isyu, kilalang-kilala siya sa kampus. Kilala siya ng lahat, mula kaklase hanggang kapwa-aktibista, mula fraternity at sorority hanggang sa mga guro, mula kina manong guard hanggang kina manong photocs. Maayos at magiliw rin kasi siyang makitungo sa tao. Para siyang laging handang makipagkumustahan at makipagtawanan. Pakabig siya, bihirang patulak.

Sa mga kaibigan niya, kilala si Sheena sa bansag na “Diyosa.” Hindi pa siguro dahil sa awtoridad niya bilang lider-estudyante – na nagmumula sa masikhay na panghihikayat, hindi pag-uutos – kundi dahil sa kumpyansa niya sa sarili. Wala siyang pakialam sa iba, basta lagi niyang dala ang maliit na teddy bear niyang si Lulu. Nagsusuot siya ng makukulay na damit na siya lang ang nakakapagdala. Minsan, may mga hikaw siyang manipis na kadena na sa pagpaling-paling ng ulo niya ay hinuhuli niya ng mga labi.

Sa likod ng lahat ng ito, mahal ni Sheena ang mga maralita. Lumubog siya sa hanay ng mga ito, sa lungsod at kanayunan. Hindi niya inalis ang kakayahang maantig ng kahirapan at pagdurusa sa isang lipunang nakakamanhid ang dami at tindi ng mga ito. Kaya naman mahal ni Sheena ang pakikibaka. Kahit pumapasok pa siya sa eskwela, mulat siyang ang pangunahing layunin niya ay ang magpalaganap ng alternatibong edukasyon, ang mag-organisa, at – sa salita siguro ng SCM – ang mamalakaya ng tao.

Pinanday si Sheena ng pakikibaka sa rehimen ni Gloria Macapagal-Arroyo at kalahok siya sa mga paghamon sa Calibrated Preemptive Response sa Mendiola. Tumatag siya sa panahong halos araw-araw ay may nagte-text na may pinaslang na aktibista. Alam niya ang hangganan ng reporma sa lipunang pinaghaharian ng mga matigas sa pagsusulong ng makauring interes. Higit sa taun-taong dagdag sa badyet sa edukasyon, tinanaw niya ang lipunang ang layunin ay payabungin ang mapanlikhang kakayahan ng lahat.

Hanggang sa nagpasyang umalis si Sheena, patungo sa kung saan mas mabigat ang sakripisyo para sa pakikibaka. Ni hindi sila nagpangita sa iilang dalaw nito. Ang mayroon lang ay palitan ng text – mga patikim sa malamang kwentuhan na laging hahantong sa “Sige, kapag nagkita na lang tayo” dahil mapanganib. At gustung-gusto niya iyun, ang makausap ulit nang personal si Sheena – makita ang tumatawa nitong mga mata, marinig ang boses nitong parang paos at ang tawa nitong parang halakhak.

Hindi na ito mangyayari, at malungkot siya. Pero noong nasa UP Manila pa si Sheena at kahit pagkatapos, may mga polyetong lumalaganap sa kampus na may pirmang “Kabataang Makabayan Balangay Cherith Dayrit-Garcia,” nakapangalan sa isang aktibista mula sa St. Scholastica’s College, naging NPA, at namatay sa labanan. Alam niya, namatay man si Sheena, na marami ang nagmamahal sa masa, at sa pakikibaka, nang kasing-igting ng pagmamahal ni Sheena. Tiyak, marami ang papalit kay Diyosa.

Paalam sa iyo, Sheena. Mahal ka naming lahat. Patuloy naming mamahalin ang masa at pakikibakang minahal mo – nang lubos, walang pag-iimbot, ialay man ang buhay.

16 Marso 2012

Galing dito ang ikalawang larawan.

May pagtatasa ang mga progresibong intelektwal na sina Samir Amin at Immanuel Wallerstein sa isang taon ng Arab Spring. Mga dapat daw basahin ng mga kalahok sa protestang Occupy. Malungkot na balita tungkol kay Ohio Rep. Dennis Kucinich, progresibong mambabatas sa US. Kakatwa ang anggulo rito sa hindi na paglalathala ng Encyclopedia Brittanica.

Sikolohiya at Seksismo

Sa ngayon, alam na ng marami ang kasong sexual harassment na isinampa ni Cristy Ramos, anak ni dating Pang. Fidel V. Ramos at match commissioner ng FIFA, laban sa dalawang manlalaro ng Azkals. Aniya, nagsasagawa siya ng “team check” sa dugout ng koponan ng football nang mangyari ang insidente. Ang manlalarong si Lexton Moy, humirit daw tungkol sa size ng bra niya, at nagtawanan ang mga manlalaro. Si Angel Guirado naman, hinarap siya nang naka-brief, parang nanunubok at hindi nagtakip.

Ilang araw pagkatapos pumutok ang eskandalo, lumabas ang balita: “Welfare chief suggests psychiatric exams for Azkals.” Ang tinutukoy, syempre pa, ay si Sek. Corazon “Dinky” Soliman ng Department of Social Welfare and Development. Halu-halo ang panukala niya sa Azkals: pumailalim sa ebalwasyong psychiatric at sikolohikal, unawaing iba ang kultura ng Pilipinas sa kinalakhan nila, magkaroon ng pag-aaral sa pagpapahalaga (values education). Kailangan daw maganda ang asal ng mga iniidolo.

Ano ang lumalabas sa mga pahayag ni Soliman, sadya man o hindi? Na ang seksismong ipinakita umano ng mga Azkals ay isang anomalya, hindi pangkaraniwan – na may problema sila sa pag-iisip o pagpapahalaga at ang lipunan natin ay hindi seksista. Itinuturing niyang sakit ang ipinakita umano ng mga Azkals, pero kinokordonan niya ito, para hindi makitang nananalaytay ito sa buong lipunan. Ang mga Azkals lang ang may problema, hindi ang ating lipunan. Dapat silang gamutin, hindi ang ating lipunan.

Pero hindi abnormal kundi normal, hindi anomalya kundi karaniwan, ang seksismong ipinakita ng mga Azkals. May katotohanan ang pahayag ng team manager ng Azkals na si Dan Palami, na humihingi na ng paumanhin ay nagdadahilan pa: “Sa personal kong karanasan sa karaniwang nagaganap sa locker room ng mga lalake, nagdudulot ang tensyon, excitement, at nerbyosong enerhiya bago ang laban ng sangkatutak na maingay na yabangan.” Pwede raw talagang mapagkamalang “kawalang-respeto” ang ganito.

Hindi ito pag-abswelto sa mga Azkals. Dapat silang managot sa ginawa nila, at kahanga-hanga si Ramos sa pagsasampa at pagpupursige ng kaso laban sa sikat na koponan. Pero maraming tanong ang sinasagkaan ng banat ni Soliman. Ito lang ba ang kaso na ang babae ay awtomatikong itinuring na humihingi ng atensyong sekswal? Na ang babae, na sa kasong ito’y nasa awtoridad, ay “inilugar” ng kalalakihan? Paano ang sexual harassment sa kababaihan sa mga call centers, mga export-processing zones, at iba pa?

Sosyal-demokratiko ang pulitika ni Soliman, na umaasa sa indibidwal na pagbabago ng ugali at pagpapahalaga para sa pagbabagong panlipunan. Sa kasong ito, itinuturing niyang pribado – isinasapribado, pribatisasyon? – ang isang suliraning panlipunan. Tugma rito ang galaw ng neoliberalismo na tinukoy ni Mark Fisher, progresibong blogger na Ingles. “Ang tanong,” aniya, “ay hindi na ‛paano ka nagkasakit dahil sa trabaho?’ kundi ‛ano’ng mayroon ka at hindi mo nagawa nang tama ang trabaho mo?’”

Nasa saklaw ng normal para sa kalalakihan ang inasal ng mga Azkals. Kaya higit sa kanila, ang nangangailangan ng psychiatric exams ay ang ating buong lipunan.

08 Marso 2012

Galing ang mga larawan dito.

Magandang tula ni Sojourner Truth tungkol sa pagkababae na binasa ni Alice Walker. May nagsabi dati – si Simon Cowell ba? – na ang layunin talaga ng mga talent shows sa Amerika ay makatuklas ng bagong Whitney Houston. Isang Pinay lang pala ang kailangan.

Tungkol sa umano’y feminismo ni Margaret Thatcher. Marxistang tuligsa sa huling sulatin ni Slavoj Zizek. Si Lenin tungkol sa kalayaan.

Kawawa naman sila: Paano naging Karl Marx ng Bagong Kanan si Ayn Rand, ayon kay George Monbiot. Maganda ang website na laan sa buhay at pakikibaka ni dating Sen. Jose W. Diokno.

Tsk, tsk: May carcinogens daw sa Coke at Pepsi.

Follow

Get every new post delivered to your Inbox.

Join 117 other followers