Category Archives: Amerika

KolonyalNation

Sunud-sunod ang kontrobersya ngayon tungkol sa mga patalastas na tinawag nang “rasista.” Una ang sa BAYO, sumunod ang sa Belo Medical Group, at humabol ang sa Executive Optical. Sa tatlo, malinaw ang pagbibigay-halaga sa Kanluraning modelo ng kagandahan at ang pagwawalang-halaga naman sa Pilipinong kulay at itsura. Magkakaiba rin naman ang kulay at itsurang tinatawag na “Pilipino” bagamat mas tumatampok ang pagkakatulad kapag inihambing sa Kanluranin.

Maaaring hindi sinadya ang mga kontrobersya: Baka matapang lang na naipahayag ang pagpapahalaga na malay na tinatanganan pero itinatago o hindi malay na tinatanganan pero namumuo. Maaari rin namang sinadya: Dahil publisidad pa rin ng produkto o serbisyong ibinebenta ang kontrobersya. Kung sinadya man, malinaw ang iniisip ng mga promotor: Hindi makakasama sa matagalan sa kikitaing tubo mula sa produkto o serbisyo kahit ang negatibong reaksyon sa rasistang patalastas.

Ang sigurado, hindi lahat ng kumondena sa mga rasistang patalastas, at sa gayo’y lumikha ng kontrobersya hinggil sa mga ito, ang kumondena rin sa mga sumusunod:

>> Sa larangang militar, sa pag-iisip ni Pang. Noynoy Aquino na humiling sa US na magpalipad ng mga eroplanong pang-espiya sa pinaglalabanang teritoryo sa South China Sea – laban sa Tsina, syempre. Na sinagad ni Sen. Gringo Honasan sa pagpanawagang mga tropang Kano ang aktwal na dalhin sa naturang teritoryo, para kunwari’y maging “barangay tanod” ang mga ito. Gusto ng gobyerno na maging matikas laban sa Tsina, pero ang paraan nito, todong pagsandig sa US.

>> Sa larangan ng ekonomiya, sa “pagpapautang” ng Pilipinas ng $1 Bilyon sa International Monetary Fund, sa batayan, ayon kay Gob. Armando Tetangco Jr. ng Bangko Sentral ng Pilipinas, na “Miyembro tayo ng pandaigdigang komunidad ng mga bansa…” na dinodomina syempre pa, ng pinakamalalakas na bansa – ang mga abanteng kapitalistang bansa, pangunahin ang US. Katunayan, ang gamit ng gobyerno sa “pandaigdigang komunidad” ay pamalit-salita lang sa “US.”

>> Sa pagyayabang ng gobyernong Aquino, sa pagtuntong nito ng dalawang taon sa pwesto, na “Kinatangian ang dalawang taong ito ng tunay, makabuluhang pagbabago: sa pagpapatakbo ng gobyerno, [at] sa kung paano tinitingnan ang bansa ng internasyunal na komunidad…” Karugtong nito ang diskursong nagsasabing kapag may tiwala ang ibang bansa – katunaya’y ang pinakamayayamang bansa – sa Pilipinas, dadaloy ang pamumuhunan at kasunod ang empleyo at kaunlaran.

Ang kailangang ilinaw: ang rasismo, tulad ng iba pang isyung pangkultura, ay hindi lang isyung pangkultura. Nakaugat ang pagiging dominante ng Kanluraning modelo ng kagandahan sa aktwal na dominasyon ng Kanluran sa ekonomiya, pulitika, at militar ng mundo. Sa aktwal na tinakbo ng kapitalismo, mga makapangyarihang bansa sa Kanluran ang naging dominante, at sa batayan ng pagiging dominante nila naipataw-ipinataw ang kanilang kultura at modelo ng kagandahan.

Dahil sa kolonyalismo at imperyalismo, ang mga matang gamit natin sa pagtingin ng “maganda” ang siya ring gamit natin sa pagtingin ng “maunlad,” “mahusay,” at maging “demokratiko.” Hangga’t hindi lumalaya ang bansa sa dominasyon ng mauunlad na bansa sa Kanluran, pangunahin ang US, lagi’t laging may rasismo, iwawalang-halaga ang kulay na kayumanggi at itsurang Pilipino.

04 Hulyo 2012

Galing ang larawan sa Facebook. Maanghang ang banat ni Slavoj Zizek sa mga kritiko niya. May bagong sulatin si Salud y Benedicto. Magandang paggunita ni Elmer Ordoñez sa dekada ’30. Maganda ang parangal ni Anton Dulce kay Arman Arbarillo.

Reimbensyon ng Diskursong Kolonyal

Maraming problematiko at kaprote-protesta sa “Restoring US presence,” editoryal ng Philippine Daily Inquirer na lumabas noong 30 Enero. Sinang-ayunan at binigyang-katwiran nito ang pagtagal at pagsaklaw, o ang lubusang pagbabalik, ng presensyang militar ng US sa Pilipinas. Gumamit ito ng maraming kasuklam-suklam na taktika sa propaganda para ibenta ang nasabing posisyon.

(1) Sinasang-ayunan nito ang paglilihim ng gobyerno ng US at Pilipinas sa nagaganap na negosasyon hinggil sa pagtagal at pagsaklaw ng mga tropa at kagamitang militar ng US sa bansa. Kinatigan nito ang palusot para sa naturang paglilihim: May “mga pampulitikang sensibilidad” daw na makakanti ng “lubusang pagbabalik ng presensyang militar na Amerikano.” Mapanganib ang ganitong tindig ng midya, parang panahon ng gera: ipinapailalim ang katotohanan, na alam namang gustong malaman ng mga mamamayan, sa itinuturing na interes sa seguridad.

(2) Tinatawag nitong “lumang emosyunalismo” ang sentimyento kontra sa base-militar ng US sa bansa. Sa ganito, ibinasura nito ang nasyunalismo na ipinakita ng sambayanan sa paglaban para palayasin ang mga dating base ng US. Kung babalikan ang debate hinggil dito mahigit 20 taon na ang nakakalipas, makikitang ang mga kontra-base ang may mga batayang rasyunal at hindi emosyunal sa pagpapalayas sa mga base, habang karamihan ng mga sinasabi ng mga tagapagtanggol ng base ay nakaugat at nagpapalakas sa mga kaisipang atrasado at kolonyal.

(3) Binabaluktot nito ang pagtingin ng mga kontra-base sa pangangailangang palayasin ang mga base-militar ng US, sa pagsasabing parang pagputol sa umbilical cord ng anak sa ina ang pagbasura sa tratado para sa pagpapatagal ng mga base sa bansa. Hindi nito kayang ilahad nang matapat ang pagtingin ng mga kontra-base. O ang kaya lang nitong ilahad ay ang pagtutol ng mga pulitiko sa base. Para sa marami sa mga kontra-base, hindi nakabubuhay na ugnayan ang namayani sa pagitan ng US at Pilipinas sa mahabang panahon, kundi nakamamatay. Kasuklam-suklam din ang implikasyon na hindi maisisilang ang Pilipinas kung hindi dahil sa US.

(4) Pinagmumukha nitong iisang entidad ang Pilipinas kasabay ng pagsasabing napangibabawan na nito ang nabanggit na lumang emosyunalismo. Sa ganito, pinagtatakpan nito na ang mga naghaharing uri, hindi ang nakararaming pinaghahariang uri, ang may kontrol sa patakarang panlabas ng bansa. Sa mga naghaharing uri, hindi pagkapawi ng anumang emosyunalismo ang naganap, kundi pagpapatuloy ng pagiging sunud-sunuran sa US – na napaatras ng malakas na protesta ng mga mamamayan. Anu’t anuman, binabansagan nito ng “lumang emosyunalismo” ang pagtutol ng mga mamamayan sa presensyang militar ng US para maibasura ito – na para bang isa lang itong lumang bagahe na dapat itapon.

(5) Pinalalabas nitong nasaktan ang US sa pagpapalayas sa mga base-militar nito sa Pilipinas. Muli, pinagmumukhang isang entidad ang US. Sa panig ng mga naghaharing uri ng US, hindi naman talaga umalis ang presensyang militar ng US sa bansa, kaya walang dahilan para masaktan. Sa panig ng mga mamamayang Amerikano, may seksyong tutol rin sa pagkakaroon at pagpapalawak ng base ng US sa bansa at sa mundo. Higit pa riyan, para bang emosyon o damdamin ang namamayani sa gobyerno ng US sa pagpapasaklaw ng presensyang militar nito sa buong mundo – hindi ang malamig at malupit na kalkulasyon ng pagsusulong ng sariling interes, batay sa pagsusuri ng US State Department at Central Intelligence Agency.

(6) Lumilikha ito ng pag-asa na posible ang “isang kasunduang kapaki-pakinabang sa dalawang panig” mula sa hungkag na pag-asang natuto na dalawang bansa sa mapapait na karanasan ng kanilang espesyal na ugnayan. Paanong natuto? May pagkilala bang dapat sa Pilipinas ikulong ang mga tropang Amerikanong nakagawa ng krimen sa bansa? Pinahigpit ba ang pagbabawal sa paglahok ng mga tropang Amerikano sa mga armadong labanan na internal sa bansa? Ibinukas ba man lang sa inspeksyon ang mga kagamitang militar ng US sa posibleng paglabag sa pagbabawal ng Konstitusyon sa armas-nukleyar? Para sa gobyerno ng Pilipinas, walang mapait na karanasan sa tropang Amerikano, at niyayakap nito nang buo ang interes ng US. Sa ganyang kalagayan, isang ilusyon o pantasya ang magkaroon ng pantay na kasunduan.

(7) Pinapaasa nito ang mga mambabasa, ang mga nasa panggitnang uri, sa pangakong tulong-militar ng US. Pinagtatakpan nito samakatwid ang mahabang karanasan ng bansa sa mga base-militar ng US. Sa loob ng mahigit apat na dekada ng pananatili ng mga base ng US sa bansa, pinaasa ang mga mamamayan sa tulong-militar, na kesyo imomodernisa ang militar. Pero hanggang ngayon, kailangan pa rin itong imodernisa. Puro mga lumang kagamitan ang ibinigay at dagdag-gastos pa nga sa mga mamamayan – hindi talaga tulong ng umano’y kaibigan.

(8) Pinagmumukha nitong ang interes ng Pilipinas kaugnay ng Tsina ang pangunahing dahilan sa pagpapalawak at pagpapatagal ng presensyang militar ng US sa bansa. Mapanlinlang at mapanganib ito sa mga mamamayan. Ang totoo, ang interes ng US ang pangunahing dahilan ng kampanya nitong magpalawak at magpatagal ng presensyang militar sa Pilipinas. Gusto nitong takutin at palibutan ang Tsina, na isa ngayong lumalakas na kapangyarihan sa mundo. Pero hindi iyan nangangahulugang ipaglalaban talaga ng US ang Pilipinas kung gagawa ng anumang probokasyon ang Tsina. Masalimuot ang rekord ng US sa ganito: may panahong pinapahintulutan ang pananakop, may mga panahong hindi. At marami mang laban ng US na ipinambala ang mga Pilipino, wala pang direktang laban ang US para sa mga Pilipino. Ang punto: iba ang interes ng US at iba ang interes ng Pilipinas.

(9) Sinisiraan nito ang Kaliwa sa bansa, sa pagpapalaganap ng kasinungalingan na tahimik ang huli sa mga pahayag at aksyon sa Tsina, na tinawag nitong “treasonous” o “pagtataksil sa bayan.” Para magmukhang kapani-paniwala ang ganitong kasinungalingan, inugat pa ang umano’y pananahimik sa oryentasyong “Maoista” ng Kaliwa. Ang totoo, kinondena at tinutulan ng Kaliwa ang mga pahayag at aksyon ng Tsina, pero pinatampok din ang mas malaking panganib na dulot ng pagsamantala ng US sa usapin. Ang puntiryahin ang Tsina sa ilang aksyon at pahayag nito nang niyayakap ang US sa mahigit sandaang taong rekord nito sa bansa – iyan ang pagtataksil sa bayan. Hindi tutuligsain ng Kaliwa ang Tsina dahil Maoista ito? Para iyang pagsasabing hindi tutuligsain ng mga naniniwala kay Hesukristo ang Israel – kahit pa kontra-Kristiyano ang mga patakaran nito.

Sa pagtindi ng malubhang pang-ekonomiyang krisis sa mundo, tiyak na lalakas ang tulak ng US na magpalawak ng presensyang militar sa iba’t ibang panig ng mundo at mag-udyok ng gera sa iba’t ibang bansa. Ipinapakita ng editoryal ng Philippine Daily Inquirer ang kapasyahan ng US, ng gobyerno at ng midya na maglunsad ng reimbensyon ng diskursong kolonyal para bigyang-katwiran ang pagpapasaklaw at pagpapatagal ng presensyang militar ng US sa bansa.

Sa kalakhan, walang bago sa reimbensyon ng diskursong ito. Pero kumukuha ito ng lakas sa deka-dekadang pagbura sa kasaysayan ng pagsasamantala ng US sa bansa at ng paglaban dito ng mga Pilipino. Malinaw ang hamon sa mga makabayan: ang paigtingin ang pagbabalik-aral at pagbibigay-buhay sa mahabang tradisyon ng kontra-kolonyal, kontra-imperyalista at makabayang kamalayan at kultura.

“At nasa negosyo ng imperyo na tayo simula 1898. Ipinangako natin sa mga Pilipino ang kanilang kalayaan mula sa Espanya. Tapos, nagbago tayo ng isip, at pumatay ng tinatayang 200,000 sa kanila sa proseso ng pag-Amerikanisa sa kanila.” – Gore Vidal, Imperial America, 2005.

11 Pebrero 2012

Galing ang mga larawan dito.

Napakalungkot na balita: patay na ang napakahusay na mang-aawit na si Whitney Houston. Isa, dalawa, tatlo sa paborito kong live na pagtatanghal niya. Sumusulat ako ng parangal.

Lost My Job but Found an Occupation

O mga Liham sa Patnugot hinggil sa Kung Anu-ano. Hanga ako sa liham sa patnugot bilang porma ng pagsulat: magaang, direkta-sa-punto, maiksi at naglalahad ng personal na paghusga, kahit ng suhetibismo. Heto ang ilan tungkol sa ilang isyu.

Batay sa pulso sa Facebook, madali para sa mga aktibista sa Pilipinas o kaugnay ng Pilipinas na maunawaan ang Occupy Wall Street sa partikular at ang kilusang “Occupy XXX” sa pangkalahatan. Sa pangunahin ay positibo ito at dapat suportahan. Pagkakataon ito para sa mga manggagawa at mamamayan sa US na iprotesta ang mga epekto ng napakatinding krisis pang-ekonomiya at tungkabin ang mga ugat nito sa sistemang imperyalista. Naging lunsaran na ito ng mga propagandang simple at popular hinggil sa kabulukan ng nasabing sistema.

Ang ipinagtataka ko ay ang maraming pagdududa, kung hindi man pagtutol, rito ng mga aktibista – o marahil, ng mga maka-Kaliwang intelektwal – sa US mismo. Sa ilang nabasa ko, ang tendensya ay tingnan ang protesta bilang katunggali ng sariling teorya at praktika ng pagpoprotesta at pagsusulong ng progresibong kilusan at alternatiba. May tendensyang hindi ito tingnan bilang protesta sa mga karaingan, isyu at panawagan na pinagsasaluhan ng mga grupong aktibista at ng malawak na hanay ng mga manggagawa at mamamayan – hindi nga lang ng US, kung hindi ng mundo.

Pero kakatwa rin naman talaga ang Occupy Wall Street sa partikular sa pagtangging magkaroon ng sentral na mga panawagan at lider. Sa isang banda, ang katangiang ito ang nagbubukas dito sa paglahok ng malawak na masa at ng iba’t ibang grupong aktibista. Sa kabilang banda, repleksyon ito ng lipunang Amerikano mismo, sa pagbibigay-halaga sa pluralidad at pagiging liberal. Repleksyon din ito ng Kaliwa ng US mismo, na sa pagtanggi sa tinatawag nitong “Old Left” at pagkatakot sa mga sekundaryong pagkakamali sa pagsusulong ng sosyalismo, ay maraming agam-agam kung hindi man pagtutol sa Leninistang partido.

Napaka-arogante ng gobyernong Aquno sa pagtugon sa mga protesta. Hindi pa nga direktang kontra-gobyerno ang mga ito, ganyan na ang reaksyon nito – resbak. Ang mga tsuper ng dyip na nagwelga laban sa panghuhuthot ng kartel sa langis, sinabihan nitong “perwisyo.” Ang mga estudyanteng nagwelga laban sa kaltas sa badyet sa edukasyon, sinabihan nitong “mag-aral na lang kayo.” At ang mga manggagawa ng Philippine Airlines na may batayan para magwelga na, binantaan nito ng mga kaso.

Malamang, arogante ito dahil naniniwala itong popular pa rin ito sa mga mamamayan. Pero kung sa mga patakaran lang, mas malamang na nababawasan na ang popularidad na ito. Iyun nga lang, iba kasi ang ipinapakita ng mga sarbey. Sa isang banda, paano, kamag-anak at kadikit ng pangulo ang mga namumuno sa dalawang nangungunang kumpanya ng sarbey sa bansa.

Anu’t anuman, tiyak na kakambal ng arogansya ng gobyerno ang desperasyon. Ano nga naman ang magagawa nito laban sa kartel sa langis? Laban sa dikta ng mga bansa at bangkong nagpapautang na magpatupad ng hindi idinedeklarang austerity o pagtitipid? At laban sa malalaking kapitalistang tulad ni Lucio Tan? At sa ganyang pagpapakainutil na pagpanig tuluyang guguho ang popularidad ng gobyernong Aquino. Ibang bagay pa kung ipapakita ito ng mga sarbey.

Hindi ako kasama sa kahanga-hangang hanay ng mga Noranian. Ang mga kamag-anak kong mahilig sa showbiz, mas Sharonian. Kahit naninigarilyo ako, alam kong masama ito sa kalusugan at sinusuportahan ko ang paglaban sa pagpapalaganap nito. Pero gusto kong ipagtanggol si Ate Guy sa paglabas niya sa pabalat ng isang magasin na may hawak na yosi.

Una, kuha ng larawan ang imahen ni Nora sa pagbabalik sa bansa at sa mata ng publiko. Hindi naman siya naging istiryutipikal na mabait na tao, hindi ba? Alam ng lahat ang kakaiba at pariwarang landas na tinahak ng buhay niya. Ngayon, humaharap siya sa publiko na parang nag-iisip, may agam-agam pa nga, may bahid pa rin ng nakaraan niya. Pero matapang na humaharap.

Ikalawa, magpapalaganap ba ang pabalat ng paninigarilyo? Kadalasan ang takot na ito ay kaugnay ng mga iniidolo ng kabataan, dahil mas kabataan naman ang nahahatak ng yosi. Pero si Nora? Ang mga umiidolo sa kanya, kung hindi man matagal nang naninigarilyo, at siguro’y nagkakasakit na nga dahil dito, ay buo na ang isip na hindi maninigarilyo. Kaya ano ang ikinakatakot sa pabalat?

My brother is not a book, don’t judge him,” sabi dati ni Melanie Marquez sa isang pasabog na pinagsamang “My brother is not a pig” ni Nora sa isang pelikula at ng orihinal na kasabihang Ingles. Ang kakatwa, natabunan ng eskandalo sa pabalat ang eskandalo sa loob ng magasin: ang rebelasyon ni Nora na posibleng isa siyang bisexual. Hindi kaya ito ang katotohanang ayaw kumprontahin ng mga ibinubuga ang galit sa larawan niyang de-yosi?

Kilala ang People for the Ethical Treatment of Animals o Peta sa pagkuha ng mga artista at modelo at pagpapamidya sa kanila nang hubad o halos-hubad bilang protesta sa pagmaltrato at pagkain sa mga hayop. Ngayon, gusto nilang iabante ang nagpasikat sa kanila at magtayo ng website na maglalaman ng pornograpiya, ng mga taong hubad, para sa kanilang adbokasiya.

Ang kakaiba, kasama raw sa naturang website ang “hubad na katotohanan” ng mga larawan ng pagmaltrato sa mga hayop. Naalala ko tuloy ang isang komento sa Facebook tungkol sa konsepto ng honeymoon period kay Noynoy: “Ano’ng klaseng pantasya iyan?” Mga larawan ng taong hubad kasama ang mga larawan ng pagmaltrato sa mga hayop? Ano’ng klaseng trip iyan?

Sa isang banda, pagsamantala ito sa malawak na pang-akit ng pornograpiya para magtaas ng kamulatan sa isyu ng Peta. Trip na basag-trip din naman. Pero sa kabilang banda, dominante pa rin naman sa pornograpiya ang patriyarkal na balangkas ng lipunan, na mapagsamantala sa kababaihan.

Mahirap iendorso ang hatol ng mga radikal na feminista katulad ni Andrea Dworkin na “Pornograpiya ang ideolohiya at paggahasa ang praktika.” Pero hindi matitibag ang pagtinging mas sumasang-ayon kaysa kumokontra ang ganitong website sa patriyarkal na kaayusan ng lipunan. Kailangan bang ibenta ang laman ng kababaihan para kontrahin ang pagkain ng karne at pagmaltrato sa mga hayop?

Hindi ako pamilyar sa buong pilosopiya ng veganismo, pero ang pinupuna rito ay ang kampanya, hindi ang buong pilosopiya. Dito, makikitang burgis ang kampanyang ito, hindi batay sa mga aktwal na tumatangkilik ng veganismo sa bansa, kung hindi sa pakahulugan ng pilosopiyang Marxista: hiwa-hiwalay ang pagtingin sa mga penomenon sa mundo, inihihiwalay ang isang pagsasamantala sa iba pa, at malayo sa pagtingin sa isang buong sistemang mapagsamantala.

08 Oktubre 2011

Galing ang mga larawan dito. Taas-kamaong pagpupugay sa iyo, Gregorio “Ka Roger” Rosal!

Para kay Kenneth Guda: Natisod ko ang pagpapahalagang ito ng mga Black Panthers sa isang kanta ni Bob Dylan.

September to Remember

SEPTEMBER

Setyembre 16, 1991. Kahit aktibo siya sa mga debate sa eskwela tungkol sa isyu, hindi niya alam kung kailan pagbobotohan ang ekstensyon ng US-RP Military Bases Agreement. Tutol siya, salamat sa mga babasahing uwi ng ate niya, bukod pa sa natural yatang pagkampi sa mga rebelde. Hanggang sa araw na ito, may klase pero parang wala. Lahat ng guro, nakatutok sa telebisyon sa departamento ng agham panlipunan. Dahil silang mga titser – sa agham panlipunan, Filipino, Ingles at iba pang katulad na aralin – ang isponsor ng mga debate, nagpanggap silang nyutral. Nagpabisto na lang sila nang ibinasura ang tratado: palakpakan sa departamento, hiyawan, dinig sa buong paaralan.

Nangalay ang leeg niya kakatingin sa langit, kakaabang sa mga helikopter noong Edsa 1. Nakabisado niya ang mga kandidatong senador sa eleksyong 1987 – bukod sa Partido ng Bayan, na inisip niyang panggulo. Napanood niya ang galit na talumpati ni Cory Aquino matapos ang isang kudeta: “Babanggitin ko pa ba iyang Doy [Laurel] na iyan? O pipitikin na lang nating parang langaw?” Pero ibang sigla ang talakayan tungkol sa base-militar. Sa hayskul, maraming umpukan ng estudyante na nag-eensayo para sa debate sa klase. Kahit ang Mel & Jay, inere ang debate, kung saan tampok si Nat Santiago, mahusay na lider-estudyante at anti-base. Laging laman ng radyo’t telebisyon ang isyu.

September 16 Movement. Ito ang ipinangalan sa alyansa noong 1998-1999 laban sa Visiting Forces Agreement na gustong iratsada ni Erap Estrada, pangulong dating senador na kontra-base. Sabi nga nito ilang panahon pagkatapos: “Weather-weather lang iyan.” Bukod sa nangangahulugan ng pagbabalik ng base-militar ng US, mas masahol ang VFA: bukas ang buong bansa sa tropa at armas-militar ng US. Pwede pang magpasok ng armas-nukleyar, labag sa Konstitusyon. Pero ilan lang sa mga senador na tutol sa naunang tratado ang lumaban. Nasa Senado siya nang aprubahan ang VFA: Mayo 1999, kaya hindi kasing-laki ng dapat ang mobilisasyon mula sa mga paaralan.

Setyembre 12, 2001. Naglulunsad sila ng gabing pangkultura sa kampus, paghahanda sa isang mobilisasyon para sa P125 across-the-board na dagdag-sahod sa buong bansa. Nakatanggap sila ng mensaheng text: Nagsimula na raw ang World War III, pagkatapos ay ikinwento ang pagsalpok ng mga eroplano sa World Trade Center sa New York at iba pang detalye. May ilang umalis para manood ng telebisyon; ang kalakhan, hindi makapaniwala o hindi alam ang halaga ng nangyari. Pero kakatwa ang perspektiba ng mensaheng text. Tama ba ang salitang “propetiko”? Itinuring nga naman ng rehimeng W. Bush ang tinawag nang “9/11” bilang deklarasyon ng digma, probokasyon ng WW III.

Hindi nga magtatagal, protesta na sa gera sa Afghanistan ang ilulunsad at sasamahan niya. Galing Saudi Arabia ang mga terorista sa 9/11, pero hindi magera ng US ang naturang bansa. Si Osama bin Laden ang itinuturong utak at tagapondo, pero kailangan bang bombahin at sakupin ang buong Afghanistan? Pagkatapos, Iraq naman. Mas dumami na ang nagpoprotesta. May pagkilos sa Quirino Grandstand, Ateneo de Manila University, at Makati kasama ang Simbahang Katoliko. Nasubaybayan ang paglipat-lipat ng US sa mahigit limang palusot para sa gera: mula sa umano’y weapons of mass destruction na nasa kamay ni Saddam Hussein hanggang sa paghahatid ng demokrasya.

TO REMEMBER

Maganda ang obserbasyon ng isang Anthony Paul Smith hinggil sa paggunita sa ika-10 taon ng 9/11 sa US: “Sumisigaw ang midya sa pagmumukha nating lahat: GUNITAIN MO!” Aniya, “ang utos ay gunitain natin sa paraang gusto nila” – sa partikular, “ang ating takot sa araw na iyun, ang pagkagulantang natin, ang nawala sa atin.” Simple nga naman ang alalahanin ang isang pangyayaring dahil sa midya at makabagong teknolohiya ay sabay-sabay na naranasan ng marami, kung hindi man ng nakakarami. Pero wala na sa partikular na karanasan ng bawat isa ang katotohanan ng buo. At ang panawagang ito ng paggunita ay tulak para sa mas malaking paglimot at pagtalikod.

Hindi masasaklaw ng personal na paggunita ang kabuuang pagtatasa sa “gera kontra-terorismo” na inilunsad ng US, bagay na sinikap gawin ng ekonomistang si Joseph Stiglitz. Mas mahal sa gera sa Vietnam at Korea, at maging sa Unang Digmaang Pandaigdig. Ang tanging mas mahal ay ang Ikalawang Digmaang Pandaigdig. Lumobo ang utang ng gobyerno US dahil sa gera, na hinuthot naman ng mga monopolyo-kapitalista at pinagbabayaran ngayon ng mga mamamayang Amerikano. Mahigit 7,000 sundalong Kano na ang namamatay sa Iraq at Afghanistan, mahigit doble ng 3,000 namatay noong 9/11. Maraming ari-arian ang winasak at karapatang tinapakan.

MAHABANG PAHABOL

Kahit noong naganap ang 9/11, nabalita na ang mga tumalon sa World Trade Center, pero hindi pa ako nakaengkwentro ng masinsing pagsasalaysay nito. Heto ang sa progresibong mamamahayag na si Chris Hedges, bahagi ng paggunita sa 9/11:

“Maraming tao, malamang lampas 200, ang tumulak lampas sa usok at init para tumalon sa kanilang kamatayan mula sa mga bintanang nabasag o winasak nila. May gumawa nito nang mag-isa, may gumawa nang magkasama. Pero parang pumila sila, isang katawang tumatapon pabagsak ang susundan ng isa pa. Mga huling hakbangin ng indibidwalidad. Bumagsak sila nang mga 10 segundo, marami ang kumakampay-kampay o katulad ng paggalaw ng mga manlalangoy, umabot sa 150 milya kada oras. Nawasak ang kanilang mga damit at, sa ilang kaso, ang gawa-gawa nilang parachute mula sa mga dekorasyon o mantel. Humataw sila sa kalsada nang may nakakabagabag, nakakahilakbot na umpog. Bog. Bog. Bog. Ang mga nakasaksi, partikular na nagulantang nang husto sa tunog na likha ng mga katawan sa pagtama.

Masyadong nakakahilakbot ang mga larawan ng mga “jumper” para sa mga network sa telebisyon. Kahit bago gumuho ang mga tore, sinensura sa mga live na balita ang mga nahuhulog na kalalakihan at kababaihan. Lumabas ang ilang larawan sa sumunod na araw sa mga dyaryo, kasama na ang The New York Times, at pagkatapos ay nawala. Nabura ang maramihang pagpapatiwakal, isa sa pinaesensyal at pinakamahalagang elemento sa kwento ng 9/11. Nananatili itong burado sa kamalayan ng publiko.

Hindi tumugma ang mga “jumper” sa mitong hiniling ng bayan. May sinasabing kung anong malalim, nakakabagabag, ang kapalaran ng mga “jumper” tungkol sa ating kapalaran, pagiging maliit sa uniberso at kahinaan kaya kinailangan itong ipagbawal. Ipinapakita ng mga “jumper” na may hangganan ang pagdurusa na humahatak ng mulat na pagyakap sa kamatayan. Ipinaalala ng mga “jumper” sa atin na darating, sa ating lahat, ang mga yugto ng katapusan kung kailan ang tanging pagpipilian, sa pinakamainam, ay kung paano natin pipiliing mamatay, hindi kung paano tayo mabubuhay. At pwede tayong mamatay bago tayo pisikal na pumanaw.

Pero hiniling ng pagkagulantang ng 9/11 ang mga imahen at istorya ng katatagan, kaligtasan, kabayanihan, kagitingan, pagsasakripisyo ng sarili at pagiging bukas-palad, hindi kolektibong pagpapatiwakal sa harap ng napakalakas na kawalang-pag-asa at pighati.”

28 Setyembre 2011

Kay David Maisel ang mga likhang-sining.

Follow

Get every new post delivered to your Inbox.

Join 118 other followers