Daniel, My Brother


Bihira akong magbasa ng fiction at hindi ko alam kung “katha” nga ang tamang salin nito. Pero itinuro ni Fredric Jameson, Marxistang akademiko, ang mga nobela ni E. L. Doctorow na halimbawa ng postmodernong pagkabigo ng kasalukuyan na bigyang-representasyon ang kasaysayan. Sa mga nobela ni Doctorow sa BookSale, isa lang ang natipuhan ko agad – ang The Book of Daniel [1971], na batay sa tunay na nangyari sa mag-asawang Komunistang Hudyo-Amerikanong sina Julius at Ethel Rosenberg.

Hindi ito sosyal-reyalistiko. Hindi rin pagpula ng silangan ang katapusan; mas ang kabaligtaran pa nga. Pero nawili ako sa paglalarawan sa buhay-Komunista sa US noong dekada ’40 – kalakasan ng Komunismo doon. Si “Ethel” raw, naging Komunista dahil naranasan ang mahirap na buhay; si “Julius,” dahil nasapul na tama ang Komunismo. Tulad ng mga progresibo ngayon, na tagatangkilik ng acupuncture at macrobiotic diet, sumusunod ang mga Komunistang Kano noon sa alternatibong mga uso sa kalusugan.

Sumikat ang nangyari sa mga Rosenberg, na sinilya-elektrika noong 1953 sa kasong paniniktik (espionage) pabor sa Unyong Sobyet. Kakasimula lang ng Cold War ng dalawang kapangyarihan at papatindi ang sentimyentong kontra-Komunista sa US. Inakusahan ang mag-asawa ng pagnanakaw sa US ng sikreto ng paggawa ng bomba-atomika – na ginamit ng US sa dulo ng World War 2 laban sa Japan. (Ibinintang rin pala ito sa kakayaong physicist at Maoistang si Joan Hinton.) Itinanggi nila ang akusasyon.

Sa nobela, sa isang pagmumuni ni Daniel – panganay na anak nina “Julius” at “Ethel” at sentral na karakter – nasabi niyang kung totoo ang nasabing akusasyon, iniligtas ng mga magulang niya ang mundo. Kahit naman sa pagtingin ng maraming manunuring pampulitika ngayon, kung walang bomba-atomika ang Unyong Sobyet noon, maaaring naging mas arogante ang US – tinakot-takot, dinikta-diktahan at ginera-gera ang nauna at maging ang ibang bansa. Deterrence ang tawag sa ganitong teoryang pampulitika.

Magandang basahin ang nobela.

19 Hunyo 2010

Ang maghimagsik sa mga taksil sa sosyalismo ay makatarungan! Heto ang larawan ng pag-aalsa ng mga manggagawa ngayon sa Tsina. Heto naman ang pahayag ng matatandang rebolusyunaryo hinggil sa nagaganap. Heto naman ang katarantaduhang ginagawa ng manedsment ng ABS-CBN sa mga manggagawa nito.

Galit daw ang mga Pranses kay Noam Chomsky, anti-imperyalistang intelektwal? Magagandang tanong ni Uri Avnery tungkol sa pag-atake ng gobyernong Israeli sa Freedom Flotilla. Lumalaki ang papel ng kababaihan sa lipunan, ayon sa ulat na ito.

Paano ilalantad sa mga US Marines ang kontra-kababaihang katangian ng pornograpiya? Heto ang isang magandang pagtatangka. Football fever! May kakatwa pero nakakapagpaisip na komentaryo si Terry Eagleton, Marxistang Ingles, sa ugnayan ng palakasan at kapitalismo. Hindi kumbinsido si Alexander Cockburn sa talumpati ni Barack Obama tungkol sa malubhang oil spill ngayon sa Gulf of Mexico.

Patay na ang Komunistang manunulat na Portuges na si Jose Saramago. Paborito siya ni Kong. Mong Palatino, na may mahusay na paliwanag sa “irasyunalidad” na ipinakita ng masa nitong nakaraang eleksyon. Gusto nina Louis Proyect at Jodi Dean, mga Marxista, ang Sex and the City 2. May artikulo si Alice Salvacion tungkol sa mga NPA na malapit nang maging senior citizens.

Maraming salamat kay Jose Dennio Lim sa pagkilala sa blog na ito! Sabagay, hindi naman edad ng isang blog o ng kahit ano ang batayan para matawag na “emerging.” Pero sapat na ang pagkilala ng mga kapwa-progresibo tulad niya. Salamat!

Inquirer Idiotorial

“Susuportahan kita. Pero kapag nanalo ka, magiging kritiko ako.” Ito, ayon kay Cornel West, progresibong intelektwal na Aprikano-Amerikano, ang pangako niya kay Barack Obama noong tumatakbo pa lang ang huling pangulo ng US. Batay sa editoryal nitong “Noynoy’s choices,” malayo sa ganyan ang pakikitungo ngayon ng Philippine Daily Inquirer kay Noynoy Aquino – na sinuportahan nito noong eleksyon.

Totoo ang “batayang prinsipyo” na sinasabi nito, na dapat “pipili ang president-elect ng mga taong tutulong sa kanyang tuparin ang mandato niya.” Pero ano ang sinasabi ng kasaysayan ng bansa? Na ang mga itinalaga ng mga pangulo, ang sarili, uri at pangulo ang pangunahing pinaglilingkuran – hindi ang anakpawis at bayan. Na, kadalasan, bayad-utang ang batayan ng pangulo sa pagtalaga sa isang tao, hindi ang kakayahang maglingkod sa bayan sa pamamagitan ng isang pwesto.

Kaya hindi nakakagulat sa Pamalakaya, militanteng grupo ng mga mangingisda, na kondenahin ang natsismis na pagpasok sa gabinete ni Noynoy ng isang opisyal ng Makati Business Club. Ang nakakagulat, ayon sa editoryal, pananaw na “economically deterministic” ang sabihing hindi maisusulong ang interes-publiko ng mga sangkot sa “laro ng malaking negosyo.” Pa-intelektwal! Nagbasa ng tuligsa sa Marxismo at hindi lubusang naunawaan. John Nery, ikaw na naman ba iyan?

Sabi ng editoryal, dahil iba ang ibinoto ng lider-Pamalakaya sa pangulo, wala itong karapatang “magdikta” sa paano bubuuin ni Noynoy ang gobyerno para tuparin ang kanyang mandato. At sino ang mayroon? Ang mga sumuporta? Eh naetsapwera na ang mga volunteers ni Noynoy, ayon kay Juana Change. Ang Inquirer, ABS-CBN, Time Magazine, MBC, mga burgis-komprador, panginoong maylupa at imperyalista? Mabuhay ang demokrasya ng iilang mayaman at makapangyarihan!

Hindi dapat diktahan si Noynoy ng mga grupo ng maralita na hindi sumuporta sa kanya. Sa mga mambabasang panggitnang uri: tapos na ang eleksyon, dapat na tayong magpahinga. Magtiwala tayo kay Noy; alam niya ang mandato niya.

14 Hunyo 2010

[Salamat kay JP Corpus para sa larawan!]

Lalaya rin ang Luisita

Sa “Prinsipyo o caldero: Why Noynoy won in Luisita,” ikinwento ni Lisandro E. Claudio kung paanong “sinamantala” ng Liberal Party ang hirap at gutom sa Hacienda Luisita para manalo doon si Noynoy Aquino – kahit may pananagutan ito sa kahirapan, kawalan ng reporma sa lupa, at masaker doon. Sinuhulan ng pera at kapangyarihan ang mga lider-barangay para sumuporta kay Noynoy, at nanaig ang “kaldero” sa “prinsipyo” – patunay, aniya, ng “kapangyarihan ng pamamatron na pahinain ang mga paghamon sa kapangyarihan ng panginoong maylupa.”

Sa “Hacienda Luisita and Subaltern Speech,” tinawag ni Tanglad, feministang blogger, ang pansin ng mga kapwa-progresibo sa sinabi ng mga magsasaka sa dokumentaryong Ang Sinabi ng mga Magsasaka sa Hacienda Luisita. Pakiramdam nila, “iniba” ang panawagan ng welga – ng mga maka-Kaliwang tagasuportang tagalabas – at ginawa itong para sa reporma sa lupa. Sinasabi rin nilang mas mabuti ang kalagayan nila bago ang welga. Tila ipinapahiwatig ni Tanglad na “ipinailalim” ng mga progresibo ang kahilingan ng mga taga-Luisita sa mga layuning “teleolohikal.”

Bukod sa carrot ng materyal na pakinabang, dapat idagdag ang stick ng tuluy-tuloy na pandarahas. Nasundan ang masaker na pumatay sa pito noong 2004 ng pagpatay sa walong tagasuporta ng welga at ibang paniniil. Ito pa lang, natural nang may epekto sa mga taga-Luisita. Pero idinulot din nito ang paglikas ng ilang lider, paghupa ng mga talakayan at iba pang aktibidad ng mga tagaroon, at pagkalito sa pagsuri sa welga. Hindi ang “pasabog (incendiary)” na paraan ng pag-oorganisa ng Kaliwa ang sanhi, kundi ang kalupitan ng mga panginoong maylupa at gobyerno.

Ginulo ng mga tagalabas ang mapayapang mga taga-Luisita. Bersyon iyan ng mga mapagsamantala. Ang totoo, ipinapaglaban ng mga taga-Luisita ang reporma sa lupa. Pero hindi pantay ang kaisipan ng mga tao; kahit sa mga yugto ng rebolusyunaryong pagsulong, may mga saklot pa rin ng kaisipan ng lumang panahon.

12 Hunyo 2010

[Galing ang larawan ni Joe Galvez na nasa itaas sa GMANews.tv. Salamat!]

Grabe Talaga ang Gobyernong Israeli


Sana hindi ito lumipas katulad ng karaniwang balita. Mahalagang pangyayari ang pag-atake ng gobyernong Israeli sa “Marvi Marmara,” barkong naglalaman ng mga di-armadong delegado mula iba’t ibang bansa at ng mga tulong sa mga mamamayan ng Gaza, kasama ang mahahalagang kagamitang medikal. Ayon sa balita, siyam na katao ang napatay, at nahadlangan ang pagdaong ng kinakailangang tulong.

Simula kasi Hunyo 2007, binlokeyo ng gobyernong Israeli ang Gaza, komunidad ng mga Palestino. Maraming bagay ang ipinagbawal nitong maipasok sa lugar, na nagdudulot ng “humanitarian crisis,” sabi ng Amnesty International. Kulang ang kuryente, tubig, pagkain at kagamitang medikal para sa halos dalawang milyong Gazan. Kahit bumbilya ng ilaw, libro, damit at kung anu-ano pang mahalagang gamit, bawal ipasok. Matinding kahirapan ang dulot nito ngayon sa mga mamamayang Palestino. Inilunsad ang Freedom Flotilla para ibsan, kahit paano, ang kahirapan.

Bakit ba kasi may blokeyo? Ang dahilan ng Israel, para hadlangan ang mga “atakeng terorista” na inilulunsad sa Gaza, tampok iyung gumagamit ng mga rocket, at mang-presyur para palayain ang isang sundalong Israeli na binihag ng mga “terorista.” Pero buong populasyon ng Gaza, kasama ang mga sibilyan, ang pinaparusahan. Marami ang nagsasabing ang tunay na layunin ng blokeyo ay ang igupo ang suporta ng mga Gazan sa kanilang gobyernong Hamas, na lumalaban para magkaroon ng sariling Estado ang mga Palestino. Ang US, kailangang idagdag, ay todo-suporta sa hakbangin.

Tulad ng mga mamamayang Vietnamese noong dekada ’60 at ’70 ang mga mamamayang Palestino ngayon, kahit hindi sosyalista ang Hamas – lumalaban sa pambubusabos, lumalaban at patuloy na binubusabos. Kung paanong ang masaker sa Hacienda Luisita noong 2004 na pumatay sa pitong katao ay larawan ng pyudal na pagsasamantala sa bansa, larawan ang pag-atake sa Marvi Marmara ng kalupitan ng gobyerno ng Israel at imperyalismong US sa sambayanang Palestino.

Ipamalita natin, huwag nating kalimutan ang kalupitang ito.

08 Hunyo 2010

Gawa ang mga larawan sa itaas ni Latuff, progresibong kartunista. Kwento ni Naomi Klein: isang nagprotesta sa West Bank, binulag ng gobyernong Israeli. Maiksing patotoo sa terorismong ginawa ng gobyernong Israeli sa Marvi Marmara. Talumpati ni Ina Silverio na hindi niya binasa sa paglulunsad ng aklat tungkol sa buhay Ka Bel.

Hindi gusto ni Ellen Tordesillas ang plano ng rehimeng Aquino na kuhaning opisyal ng gobyerno sina Ogie Alcasid at Dingdong Dantes. Hindi pala ang kampanyang Noy-Bi ang nagpanalo kay Mayor Jojo Binay, kundi ang mga tagasuporta ng ibang presidentiables; nakakaawa ang paglalarawan diyan kay Mar Roxas. Pagmumuni ni Luis V. Teodoro sa bagong embahador ng US sa bansa at ugnayan nito kay Presidente Noy.

Matinding debate tungkol sa pag-unawa sa mga huling pangyayari sa Thailand. Aktibo ang bagong blog ni Mykel Andrada. May tanong si Karen tungkol sa komitment. Basahin ang malupet na pag-atake ni Terry Eagleton kay Christopher Hitchens, dating maka-Kaliwa na ngayo’y bulok na ang pulitika. Pagsasalsal daw ang pananabotahe ng mga manggagawa ng kasalukuyan? Hinggil sa pagkolonya ng pamilihan sa mga intelektwal: ano kaya ang larawan nito sa Pilipinas?

Unang 300 Salita

Inimbitahan ako ng mga kaibigan sa Pinoy Weekly, progresibong publikasyong online sa wikang Filipino, na magkolum sa kanila. Mahirap silang tanggihan. Una sa lahat, karangalang maimbitahan ng masigasig na staff ng Pinoy, na naglalabas ng mga impormasyon at komentaryong hindi inilalabas ng midyang mainstream. Sa panig ko, na nagsusulat ng komentaryong pinipilit kong maging progresibo, magandang pagkakataon ito na umabot sa mas maraming mambabasa. Gusto ko ring mag-ambag, sa abot ng makakaya, sa pagsisikap na magpundar ng isang sentro ng progresibong midya sa wikang Filipino.

May ilang tanong na sumulpot at may sagot na ako. Ano ang lalamanin? Dahil inimbitahan nila ako, pakiwari ko, nagustuhan nila ang mga pinaksa ko sa blog ko, kaya ganoon pa rin – kung anu-ano. Ano ang porma? Gusto kong tumugma sa estilo ng Pinoy – magaang at nakakatawa kung maaari. Matagal ko na ring gustong paikliin ang isinusulat, kaya ako na ang nagsabing 300 salita lang. Gaano kadalas? Lingguhan sana, sa minimum. Paano ang blog? Mauuna nang isang araw ang pag-upload sa website bago sa blog. Ano ang ortograpiya? Iginagalang ko man ang ortograpiya ng Pinoy, akin ang gagamitin.

Pinaka-excited ako sa pagpapaikli sa 300 salita. “Kapirasong Kritika” ang ngalan ng blog ko, pero mas “Kilometriko” ang naging tamang pang-uri. Sa totoo lang, marami akong naiisip isulat na maikli lang – na hindi ko nagagawa dahil hindi akma sa nakagawiang pormat ng blog. Naeengganyo akong magsulat nang maiksi pero siksik. Maraming posibilidad: sipi sa mga sulatin at maikling reaksyon, komentaryo sa kulturang popular, opinyon sa musika bagamat sa pop kaysa sa progresibo, pang-araw-araw na repleksyon – bukod sa kadalasan nang suri sa lipunan at pulitika. Mas angkop kasi ang mga ito sa 300 salita.

Hindi ako nangangako at kaya rin 300 salita ay para hindi matrabaho. Pero dahil naengganyo ako, baka maging mas madalas pa ito sa linggu-linggo.

04 Hunyo 2010

Ang kontra-imperyalista at palabang lider ng Venezuela, si Hugo Chavez Frias. Sabi ng isang awtor, nagbibigay siya ngayon ng “Viagra-effect” sa rebolusyon sa Cuba at sa kontra-imperyalistang pakikibaka sa Latina Amerika at sa mundo. (Galing ang larawan ni Chavez dito. Galing naman ang mga larawan sa ibaba sa The Design Inspiration. Salamat!)

V para sa Venezuela, Cuba, Bolivia

Sa libro niyang Pirates of the Caribbean: Axis of Hope [2008], pinaksa ni Tariq Ali, sosyalistang intelektwal na dating Trotskyista, ang mga proyektong pampulitika na nagaganap ngayon sa Cuba, Venezuela, Bolivia at iba pang bansa sa Latina Amerika. Positibo sa pangkalahatan ang presentasyon at ebalwasyon niya sa mga nangyayari, bagamat may mga negatibong puna rin siya. Magaang ang pagkakasulat niya, at ginamit niya ito sa pagpapakilala sa kasaysayan at kalagayan ng nasabing mga bansa, gayundin sa paglalantad sa mga kasinungalingang pinapalaganap tungkol sa kanila.

Naluklok sa gobyerno ng mga bansang ito ang mga progresibo dahil sa malawak na suporta ng mga mamamayan, lalo na ng nakakaraming masang anakpawis, kasama ang maraming inaaping mamamayang katutubo at galing Aprika. Dalawa ang tampok na sentimyento ng masa: pagkasuklam sa gutom at kahirapan at pakiramdam na hindi sila bahagi ng bansa, na itinataboy sila rito. Sa Cuba, armadong kinubkob ng mga pwersa ni Fidel Castro ang kapitolyong Havana noong 1959. Sa Venezuela, nanalong presidente sa eleksyon si Hugo Chavez noong 1998; sa Bolivia naman, si Evo Morales noong 2006.

Ang tumatahi sa mga gobyerno ng mga bansang ito: Lantad nilang tinatawag na “rebolusyon” at “sosyalista” ang isinusulong nila. Matatag silang naggigiit ng soberanya kontra sa mga dikta ng imperyalismong US – pero mas pinili ni Ali na gamitin ang mga katagang “Washington Consensus” at “Imperyo” – lalo na sa anyong “neoliberal” ng mga ito. Matapang at matatas din sila sa pagtuligsa sa imperyalismo, lalo na sa ginagawa nitong pang-ekonomiyang pandarambong at agresyong militar, at sa pagpanawagan sa mga inaaping mamamayan ng daigdig na magkaisa at lumaban.

Sa isang banda, katunggali ng mga gobyernong ito ang mga naghaharing uri, ang tinawag ni Ali na “oligarkiya,” sa mga bansa nila; nasa destiyero ang dating oligarkiya ng Cuba habang makapangyarihan pa rin ang sa Venezuela at Bolivia bagamat hindi dominante sa gobyerno. Sa kabilang banda, nagdulot sila ng pag-unlad sa kabuhayan ng masang anakpawis: kumpara sa mga rehimeng pinalitan nila, nagawa nilang bawasan ang kagutuman at kahirapan at palaganapin ang edukasyon at serbisyong pangkalusugan. Sinisikap nilang organisahin ang masang anakpawis sa kanilang bansa.

Lahat sila, sa iba’t ibang antas, itinuturing na inspirasyon si Simon Bolivar (1783-1830), mandirigmang Venezuelan na namuno sa matatagumpay na kampanyang militar na nagpalaya sa maraming bansa sa kontinente at nagpalayas sa mananakop na Espanyol. “Rebolusyong Bolivarian” nga ang tawag ni Chavez sa ginagawa niya, pinapatampok ang pagiging kontra-imperyalista. Pangarap ni Bolivar ang pagkakaisa ng kontinente, at madiin dito ang tatlong lider. Nanindigan din siya para sa pagpapalaya sa mga alipin, at tinatayang mahigit sa kalahati ng pwersa niya ay mga mamamayang galing Aprika.

Target sina Castro, Chavez at Morales ng pagpapabagsak, at ng pagpatay pa nga, ng imperyalismo at mga lokal na naghaharing uri. Si Castro, halimbawa, ay sinasabing napakaraming beses nang tinangkang patayin ng US – at ang isa ay sa pamamagitan ng bomba sa tabako niya. Si Chavez ay ilang beses nang tinangkang ibagsak ng mga pakanang malinaw na inaprubahan at sinuportahan ng gobyernong Amerikano. Sa mga kampanyang ito, mahalagang kaakibat ang tuluy-tuloy na paglalarawan sa tatlo bilang masama, kundi man mga demonyo, ng midya ng imperyalismo at oligarkiya.

KUDETA, KONTRA-REBOLUSYON

Makikita ang masamang papel ng imperyalismong US, ng oligarkiya ng Venezuela, ng bulok na mga elementong militar dito, at ng midyang internasyunal at lokal – pero lalo na ang suporta ng masang anakpawis at militar kay Chavez – sa kudeta noong Abril 2002. Ito ang masinsing isiniwalat ng dokumentaryong War on Democracy [2007] ni John Pilger, kilalang progresibong dokumentarista. Gamit ang mahuhusay na mga footage, ebidensyang dokumentaryo at matatalas na panayam, inilantad ni Pilger ang kudeta bilang pakana ng imperyalismo – kasama ang iba pang krimen nito sa Latina Amerika.

Nag-organisa ang mga pwersang kontra-Chavez ng isang malaking mobilisasyon isang araw noong Abril. Ang “isyu”: ang “di-demokratiko” at “awtoritaryan” na pamumuno ng presidente. Kumilos sa mobilisasyon maging ang mga unyon ng manggagawa na kontrolado ng oligarkiya. Biglang-bigla, inanunsyo ng mga organisador ng rali na tutungo ang hanay sa Miraflores, Malakanyang ng Venezuela. Tensyon agad ang dulot nito dahil may maka-Chavez na mobilisasyon din sa araw na iyun, patungo ring Miraflores. Posibleng magdulot ng gulo’t salpukan ang pagsasalubong ng dalawa.

Pagdating sa Miraflores, pinagbabaril ang mga kontra-Chavez. Mahigit 10 tao ang napatay at marami ang sugatan. Pagkatapos, ipinakita ng midyang pantelebisyon ang hanay ng mga maka-Chavez, may ilang namamaril. Ang kongklusyong gustong likhain: pinagbabaril ng mga maka-Chavez ang mga kontra. Hindi nagtagal, lumabas sa telebisyon ang ilang opisyal-militar, binabawi ang suporta kay Chavez at hinihiling sa kanyang magbitiw sa pwesto. Syempre, kakoro ang mga pagtuligsa ng midyang lokal at internasyunal. Agad pinaligiran ng mga pwersang militar ng kudeta ang Miraflores.

Isiniwalat ni Pilger ang hindi ipinakita ng midyang pantelebisyon ng Venezuela: Na hindi ang mga kontra-Chavez ang binabaril ng mga maka-Chavez, kundi ang mga sniper na nasa mga gusali na bumabaril noon sa mga nauna at bumabaril rin sa ikalawa. Malisyoso ang pagkukumbina ng footage ng hanay na binabaril at ng footage ng maka-Chavez na namamaril. Ito, kasama ang ibang ebidensya na posibleng naka-rekord, hindi live, ang panawagan ng mga opisyal-militar kay Chavez sa telebisyon, ang nagpapakitang planado ang lahat, pati ang pamamaril – at pagkamatay ng mga tao.

Inaresto ng mga nagkudeta si Chavez noong gabi at inilipad paalis sa Miraflores. Noong madaling araw, agad ipinroklamang pangulo sa palasyo ang negosyanteng si Pedro Carmona sa harap ng malinaw na hanay ng mga naghaharing uri at, ayon sa isang gobernador sa libro ni Ali, ilang opisyal-militar ng US. Pinagbubuwag ang ehekutibo, lehislatura at hudikatura. Ito, ayon kay Ali, ang nagpakitid ng suporta sa bagong “gobyerno” at nagdulot ng pagkakahati-hati ng mga nagsabwatan. Mabilis ding nagkaroon ng iringan tungkol sa mga itinalagang opisyal ng bagong “pangulo.”

May magandang kwento si Ali, sukatan ng kapit ni Chavez sa militar. Bago ang programa ng panunumpa ni Carmona, kinausap ng isang opisyal-militar ang bandang militar na nasa Miraflores. Sabi nito, kapag pumasok ang presidente, agad patugtugin ang pambansang awit. Sabi ng isang batang sundalo, “Sino’ng presidente? Isa lang ang presidenteng kinikilala namin, si Hugo Chavez.” Nagalit ang opisyal at sinabihan ang nakakabata na sumunod sa mga utos. Sabi ng batang sundalo, “Tutal, mukhang sabik na sabik kayong patugtugin itong mga instrumento, kayo na ang magpatugtog.”

Hindi pumirma si Chavez sa kahit anong dokumento na nagsasabing nagbitiw niya – o sa kahit anong dokumento. Inilinaw sa publiko na kudeta, golpe de estado, ang nagaganap at hindi nagbibitiw si Chavez. Ayon kay Ali, mahalaga ang hakbanging ito dahil lahat ng kinukumbinsing pumanig sa bagong gobyerno, naghanap ng pirma ni Chavez. Lumalabas paglaon na payo ito ni Fidel Castro: huwag pumirma sa kahit ano at huwag ding mag-ala Salvador Allende, ang sosyalistang pangulo ng Chile na armadong lumaban at napatay sa matagumpay na kudeta kontra sa kanya noong 1973.

Kumalat ang balita sa mga komunidad ng maralita, na karamihan ay nakatira sa gilid ng mga bundok sa palibot ng Caracas. Sabi ng isa sa pelikula ni Pilger, noong una, naiyak siya sa balita, na parang namatayan ng magulang. Makikita rin ang ginawa ng mga maralitang nakamotorsiklo, na naglibot sa mga komunidad para pag-alabin ang damdamin ng mga tao na kumilos. Nagbabaan ang mga tao, at daan-daang libo ang pumaligid sa Miraflores. Sumisigaw sila: Gusto naming makita si Chavez! Sa rali nila sa palasyo, ibinabalita ang paparaming opisyal na naghahayag ng pagsuporta kay Chavez.

Nagtagumpay sila. Nakabalik si Chavez sa Miraflores noong hatinggabi 48 oras matapos siyang ilipad. Ipinagbunyi ng hanay sa Miraflores ang pagbalik niya sakay ng helikopter. Sabi niya kay Pilger, dahil sambayanan ang nagligtas sa kanya at nagpahaba ng buhay niya, iaalay na niya ang nalalabing buhay sa sambayanan. At dapat talaga siyang magpasalamat: mismong rehimen ni George W. Bush ng US, agad nagdeklara ng suporta sa kudeta gamit ang imperyalistang midya – habang hindi na naglabas ang midya ng Venezuela ng balita noong lumakas at nagtagumpay ang mga “Chavista.”

SULIRANIN SA SOSYALISTANG KONSTRUKSYON

Sa isang komentaryo niya, nabanggit ni Slavoj Zizek, kilalang progresibong pilosopong Slovenian, ang isang bansag kay Chavez: “Fidel na may langis.” Kontrolado kasi ng gobyerno ni Chavez ang Petroleos de Venezuela SA o PDVSA, malaking kumpanya ng langis sa bansa niya. Tinaasan ni Chavez ang singil sa pag-angkat ng langis ng ibang bansa at inilaan ang kinita sa mga serbisyong panlipunan. Sa ganitong paglalarawan, may implikasyong nagawa ni Chavez sa Venezuela ang nagawa ni Castro sa Cuba at mas matagumpay ang nauna dahil may hawak nga itong mahalagang rekursong langis.

Pero kung susuriin ang pag-aari sa mga pwersa sa produksyon sang-ayon sa Marxismo, at batay sa libro ni Ali at iba pang sulatin, lalabas na mas radikal ang mga pagbabagong nagawa sa Cuba kaysa sa Venezuela. Lalabas kasing pagkontrol “lang” sa malaking rekursong langis ang nagawa ng gobyernong Chavez – at, maidadagdag, pagtulong sa pag-okupa ng mga manggagawa sa mga pabrika. Naibagsak ng rebolusyong Cubano ang mga dating naghaharing uri at mas masaklaw ang kontrol ng Estadong Cubano sa bansa. Baka “May langis, magiging Fidel” ang tamang pagrebisa sa nabanggit ni Zizek.

Ang implikasyon nito sa pulitika, mas malakas ang kakayahan ng imperyalismong US – sa pakikipagsabwatan ng mga naghaharing uri, bulok na elemento ng militar, at lokal na midya – para pahirapan, guluhin at sikaping ibagsak ang gobyernong Chavez. Higit pa sa pagpapalaganap ng mga serbisyong panlipunan, nagsisikap ang gobyernong Chavez na imulat, organisahin, palahukin at maging armasan ang mga mamamayang Venezuelan para sa pagpapatakbo sa gobyerno. Kakaiba ang landas na tinatahak ng rebolusyong Bolivarian, at masasabing mahaharap pa ito sa mga mapagpasyang laban.

Na hindi nangangahulugang wala ring problema ang sosyalistang konstruksyon sa Cuba. Nalantad ang mga problemang ito noong bumagsak ang Unyong Sobyet, kasama ng iba pang modernong rebisyunistang rehimen sa Silangang Europa noong maagang bahagi ng dekada ’90. Ayon kay Ali, sa mahabang panahon, nakasandig ang Cuba sa murang langis ng Unyong Sobyet, at noong naging lantad na kapitalista ang huli, nagtakda ito sa Cuba ng mas malaking bayad, sa dolyar, kapalit ng langis. Ang resulta: ang kinikilala ng mga Cubano na pinakamahirap na yugto sa kasaysayan ng bansa nila.

Sa panahong ito pala umusbong ang panawagang “Sosyalismo o Kamatayan” sa Cuba – panahong naharap talaga sa bingit ng kamatayan ang sambayanang Cubano. At nagkaroon pala ng debate sa gobyernong Cubano kung susunod na sila sa landas ng Unyong Sobyet – o ng Miami, na pugad ng Cubanong kontra-rebolusyon. Bumungad sa mga Cubano ang opsyong lampasan ang mismong Miami sa pagiging Miami para hindi na ito bumalik sa Cuba. Ang alam daw ng mga tao, mahalaga si Fidel sa pinal na pasya ng gobyerno: Aniya, wawasakin ng kapitalismo ang mga tagumpay ng rebolusyon.

Pero usapin lang kaya ng langis ang suliranin sa sosyalistang konstruksyon ng Cuba? O mas malalim pa? May isang pagsusuri, halimbawa, na bunsod ng matinding pagkagipit dahil sa mga salik na internal (atrasadong ekonomiya noong simula) at eksternal (pagsara ng ibang bansa sa kalakalan dahil sa presyur ng US), napwersa ang Cuba na sumandig sa naghaharing rehimen sa Unyong Sobyet. Nabansot ang industriyalisasyon sa Cuba dahil naglingkod ang ekonomiya sa sosyal-imperyalistang Unyong Sobyet – na hindi na proletaryong internasyunalismo ang isinusulong simula pa noong taong 1956.

Lampas at mas mahalaga ang usaping ito sa direktang puna ni Ali sa nagaganap sa tatlong bansa, na tungkol sa napakalaking papel sa mga ito ng kani-kanilang lider – nina Chavez, Fidel at Evo. Sa mga sulating Marxista, ang popular na prase para sa suliraning ito ay “kulto ng personalidad” na naunang ginamit bilang tuligsa ng modernong rebisyunistang si Nikita Khrushchev kay Joseph Stalin. Tinuligsa ito ni Ali, alinsunod sa dati na niyang puna sa naging pagsasapraktika sa Marxismo, dahil itinuturing ang lider bilang Diyos o pari, na laging mapagpasya at bulag na sinusunod.

Sa sanaysay niyang “The Cultural Revolution: The Last Revolution?” [Polemics, 2006], sinuri ni Alain Badiou, pilosopong Pranses, ang kulto ng personalidad kay Mao Zedong. Aniya, hindi natutuligsa nang ganito ang relihiyon at sining kahit ganito rin ang nagaganap sa kanila – at kahit mas mahalaga pa ang “personalidad” na sangkot sa pulitika. Pero sa dulo, sinabi niyang natural na tunguhin ang pagkakaroon nito ng presensya ng Partido sa rebolusyon. Kailangan, aniya, ng “kinatawan ng kinatawan” ng proletaryado sa isang tao. Pero hindi klasikong Partido ang nasa tatlong bansa.

Anu’t anuman ang talakay ni Badiou, magiging nakakabahala ang labis na pagsandig sa lider kung – ganito kaya sa tatlong bansa? – makikita sa kongkreto ang kakapusan sa sosyalistang edukasyon ng mga mamamayan. Isang bagay kung, tulad ng ipinapakita sa pelikulang Breaking with Old Ideas [1975], nahaharap ang masa sa mga tunggalian kung saan sinisikap nilang magkaroon ng wastong Marxistang tindig at pagkatapos ay pinagtibay ni Mao ang tindig nila. Dito, ang lider ay kinakasiyahan dahil napatunayan ng masa na kaisa nila ang siya. Ibang bagay pa kung sumusunod lang sila nang bulag.

Sa dulo, sekundarya ang mga kritisismo sa pakikibaka ng mga mamamayan ng Cuba, Venezuela at Bolivia; pangunahin ang pagsaludo’t pakikiisa sa kanilang nagsisikap magbuo ng lipunang maglilingkod sa kapakanan ng nakakarami, hindi ng iilan at mga imperyalista – na labas sa anumang saklot ng pandaigdigang sistemang kapitalista. Magiting nilang sinusuong ang masalimuot at mapanganib na pagtunggali sa imperyalismo at lokal na reaksyon; karapat-dapat sila sa suporta nating mga pilit ding humuhulagpos katulad nla. Tagumpay, victoria, ang gusto nating makamit nila.

28 Mayo 2010

Bisitahin ang Venezuelanalysis.com nina Gregory Wilpert, progresibong mamamahayag, tungkol sa mga nagaganap sa Venezuela. Nasa YouTube ang War on Democracy ni Pilger. Heto ang artikulo ni Naomi Klein, na sinipi ni Ali sa libro, tungkol sa pagkagulat ng publikong Amerikano sa pagkakatuklas ng tortyur sa Abu Ghraib. Heto naman ang website ni Jed Brandt tungkol sa rebolusyong Maoista sa Nepal.

Basahin ang prangkang pagtatasa ni Jose Maria Sison sa resulta ng eleksyon. Ipinagtatanggol ni Bikoy Villanueva ang Kabataan Partylist kaugnay ng mga grafitti nito: Hindi ang grafitti ang nagpapangit ng paligid; pangit na talaga ang paligid. Ang kailangan, iyung tatapos sa ganitong kapangitan. Hindi ko naisama sa naunang mga entri: Heto ang manikang nangampanya para kay Ka Satur, at heto ang pagsusuri ni Gingmaganda, may-ari ng manika, sa eleksyon.

Ay, may ganito palang hinaing si Raymund Villanueva tungkol sa mga dating aktibistang kontra sa mga naging hakbangin ng Kaliwa sa eleksyon. Heto ang magandang sagot ni Mark Fisher (K-Punk), na nagsusuri rin ng resulta ng eleksyon sa bansa niya, sa kanila: “Humahantong lang ang pragmatismong walang utopyanismo sa pasukong pagpapalamon sa mundo (worldliness)” na katangian ng Akbayan; “pero isasadlak tayo ng utopyanismong walang pragmatismo sa katayuan ng busilak ang kaluluwa (beautiful soul), malinis ang mga kamay pero wala namang gamit.”

May tuligsa si Louis Proyect, nagpapakilalang “hindi nagsisisi sa pagiging Marxista” kay Slavoj Zizek. Artikulo tungkol sa pagiging Komunista ng sikat na pintor na si Pablo Picasso.

Hala! May nakakabahalang sipat si Juana Change sa kampo ng bagong pangulong Noynoy Aquino. Yehey! May tenure na si Prop. Sarah Raymundo!

Lalong mag-aambag ang resulta ng eleksyong 2010 sa ganitong tungkulin ng Kaliwa, at alam nitong hindi ganyan kadali ang tungkulin ng pagrerebolusyon – hindi lang pagtatanim o pagboto sa eleksyon. Galing ang mga larawan ng mga likhang-sining sa Venezuela sa blog na No Sabemos Disparar. Ay, oo nga pala: ni hindi tipong Hugo Chavez si Noynoy Aquino, malayo.

Walang Ilusyon sa Eleksyon

Bago ito: isang araw pagkatapos ng eleksyon, parang tapos na rin ang bilangan – hindi katulad dati na umaabot nang ilang linggo at buwan. Presidente na si Noynoy Aquino at bise-presidente na si Jojo Binay, kung hindi umaapela si Mar Roxas sa Malakanyang.

Kondukta ng eleksyong automated
Para sa tulad kong sinikal sa takbo ng eleksyon sa ilalim ng sistemang panlipunan sa bansa, parang hindi kapani-paniwala ang ipinapakitang kredibilidad ng halalan. Oo, hanggang ngayon, kalat-kalat at hindi malalaki ang mga ebidensya para kwestyunin ito – kaya pwedeng sabihing wala akong patunay para tuligsain ito. Pero nasaan naman ang mga patunay na magpapatibay sa kredibilidad ng eleksyon? Masyadong sarado ang sistemang automated sa pagsipat at pagberipika ng ibang grupo bukod sa Comelec. At hindi ito usapin ng pagbanat sa mga nanalo, kundi historikal na duda sa proseso.

Noong umaga lang ng eleksyon, usap-usapan ang hindi pagboto ng maraming botante – dahil sa pagbubungkos ng mga presinto at sa samu’t saring problema ng mga makinang PCOS na parehong nagdulot ng paghaba ng pila sa botohan. Naniniwala akong nagpunyagi ang mga tao para makaboto – hinabaan ang pasensya, ininda ang init, tyinaga ang pila – para maranasan ang unang eleksyong automated ng bansa at para magprotesta rin sa rehimeng Arroyo. Pero hindi ako makumbinsi ng 75% turnout na sinasabi at ipinagbubunyi ng Comelec. Hindi kaya lumobo ito sa ibang dahilan?

Mula sa dating kaliwa’t kanan ang reklamo sa eleksyon, tahimik ngayon ang mga dapat nagbantay ng botohan at bilangan. Ang PPCRV nga, naging tagabilang na lang ng resultang inilalabas din ng makina ng Comelec. Sa isang banda, iyun naman ang layon ng eleksyong automated, ang alisin ang mga bulnerabilidad sa pandaraya ng proseso. Pero ang nangyari, hindi na rin maberipika kung tama pa ang nagaganap – natatakpan ng plastik ng kable, dumadaloy sa alambre at ere. Ang nakakatanaw lang sa buo at pwedeng magsabi na ayos ang lahat ay ang Comelec. Lubos ba ang tiwala natin dito?

Sa mata ng publiko siguro, may kredibilidad ang inilalabas ngayong resulta dahil tugma sa tinakbo ng mga sarbey bago ang botohan. Bago ang 10 Mayo, marami ang nangambang “Garci na de-kompyuter” ang magaganap. Pero noong lumabas ang mga resultang tugma sa sarbey, wala nang pumalag. Ganoon na lang ba iyun? Tiwa-tiwala na lang – sa Comelec, Smartmatic-TIM at sa rehimeng Arroyo? O dapat napapatunayan ang kredibilidad ng eleksyon sa kongkretong pagmamatyag? Ano ito, kaisahang ipinapatanggap bilang demokratiko sa pamamaraang kaduda-duda o awtoritaryan?

Pagkatalo ni Manny Villar
Tumanggap na ng pagkatalo si Sen. Manny Villar kay Noynoy. Tugma ito sa sinabi niya noong bumoto siya noong 10 Mayo, na tatanggapin niya ang resulta basta’t may kredibilidad ito. May mga nakapansin ding nabawasan ang mga patalastas niya sa telebisyon ilang araw bago ang botohan – at pinalitan naman ng katakut-takot na patalastas ni Noynoy. Siguro, naramdaman na niyang patalo na ang kampanya niya kaya hindi na siya lumaban pa. Pero posible ring totoo ang usap-usapan tungkol sa kanya: na hindi siya kumprontasyunal, dala ng pagkahubog sa pagiging negosyante.

Ano man ang dahilan nitong huli, ang pag-iwas ng kampanya niya sa mga bakbakang pulitikal ang tampok na kahinaan nito, at malaking salik, kung hindi man siyang pinakamalaking salik, sa pagkatalo niya. C-5 at Taga, Villarroyo, iba’t ibang isyu ng katiwalian at kalokohan – hindi maagap at matalas ang sagot niya sa mga ito. Eh sa kulturang pampulitika natin, “Mukhang guilty” ang kahulugan ng pananahimik na ganito. Habang agresibo ang kampo ni Noynoy, at nitong huli maging ang kampo ni Erap Estrada, sa pag-atake sa kanya, hindi rin siya agresibo sa pag-atake sa mga ito.

Pagkapanalo ni Noynoy Aquino
Pwedeng kilalanin na nanalo si Noynoy dulot ng malakas na sentimyentong kontra-Arroyo ng mga mamamayan. Matagumpay niyang naipakilala ang sarili bilang kaiba kay Gloria, at kontra pa nga rito – kahit sa larangan lang ng korupsyon, dahil nga hindi naman ito totoo pagdating sa mga patakarang pang-ekonomiya. Mahalaga sa pagkapanalo niya ang positibong propaganda (Mama at Papa, walang bahid) at negatibong propaganda (pag-atake sa mga kalaban) niya – na buong giliw namang ibinudyong sa mga mamamayan ng midyang halatang kamping-kampi sa kanya.

Masaya ang imperyalismong US sa pagkapanalo niya. Napalitan si Gloria na mabaho na sa mga mamamayan, at ng isang pulitikong mabango naman – gayung katulad din ni Gloria na taguyod ng mga neoliberal na patakaran. Tapos, dahil sa pagiging popular ni Noynoy, na ipinakita ng mga sarbey at kinumpirma ng resulta ng halalan – kahit pa kaduda-duda ang aktwal na kondukta nito – wala gaanong angal at protesta sa resulta ng eleksyon, wala gaanong gulo. Tumulong din ang midyang imperyalista at burgis-komprador na ipanalo siya. Sa kabuuan, napapatatag ang sistemang neokolonyal.

Ang tanong: mapapatunayan ba ni Noynoy ang mga ipinangako niya? Tutugisin ba niya si Gloria dahil sa marami’t malulubhang kasalanan nito sa bayan? Higit pa riyan: babaguhin ba niya ang mga patakaran ni Gloria na nagdulot ng kahirapan, gutom at sakit sa nakakaraming mahihirap? Kung batay sa walang kalatuy-latoy na rekord niya sa pulitika, sa papel niya sa Hacienda Luisita, at sa plataporma niya, nakakapagduda. Pwedeng hindi siya mangurakot, pero mapapatunayang hindi sapat iyun, na ang kailangan ay pagbabago sa patakaran, sa sistema, at hindi lang sa namumuno sa bansa.

Pagkatalo nina Satur Ocampo at Liza Maza
Pustahan tayo: sasagarin ng mga kontra-Kaliwa ang pagkatalo sa halalang pang-senador nina Satur Ocampo at Liza Maza para sabihing patunay ito ng pagbasura ng mga mamamayan sa Kaliwa – at may iba ring magsasabing dahil ito sa pakikipag-alyansa kay Villar. Para maupakan ang Kaliwa, kinakaligtaan nila ang bulok at elitistang katangian ng pulitika’t eleksyon sa bansa at ang malakas na atakeng hinarap at laging hinaharap ng mga kandidato ng Kaliwa – mga pag-atake sa propaganda, red-baiting, militarisasyon ng mga erya ng mga tagasuporta, kawalan ng pondo, at iba pa.

Sa kabila ng lahat ng kahirapang ito, hindi rin biro ang nakuhang tatlong milyong boto ng dalawa. Nagamit ang kandidatura nila bilang pagkakataon para umabot ang Kaliwa sa mas marami, at makapagmulat at makapag-organisa para sa matagalang pakikibaka para sa tunay na pagbabago. Nagbigay sila ng halimbawa ng kampanya para sa Senado na prinsipyado at tunay na makabayan – at inilantad ang mga reaksyunaryo sa proseso. Naghahawan ng landas at magbibigay ng maraming aral ang pagtakbo nilang ito para sa mga susunod pang paglahok ng Kaliwa sa reaksyunaryong eleksyon sa bansa.

Ipagyayabang din ng mga kontra-Kaliwa ang ika-13 pwesto ni Risa Hontiveros ng Akbayan, grupong tinawag ni dating Hen. Hermogenes Esperon na “mabubuting maka-Kaliwa.” Pero bukod sa mataas na pwesto, ano ang nakamit nila? Puhunan ba ito para sa anumang proyekto para sa pagbabagong panlipunan? May ganoon pa bang proyekto ang Akbayan? Sa kabila ng pagpabor sa kanya ng Liberal Party, ng pondo niya para sa mga patalastas sa telebisyon, ng pagpuhunan sa “ganda” niya (sabay-sabing “feminista” siya), at kahit repormista lang siya, hindi pa rin siya nanalo.

Ang hinaharap sa rehimeng Noynoy
Lalakas ang pagpanawagan at paghamon sa rehimeng Noynoy na tuparin ang mga pangako nito sa sambayanan. Titindi ang krisis pang-ekonomiyang hinaharap ng bansa, kaya lalakas din ang pagpanawagan ditong baguhin ang mga patakaran ni Gloria. Walang ipinakita si Noynoy na kakayahang gawin ang mga bagay na ito. Sa ganitong kalagayan, malalantad ang rehimeng Noynoy bilang walang ipinag-iba sa naunang mga rehimeng papet, pahirap at kontra-mamamayan. Sasamantalahin ng Kaliwa, na walang ilusyon kay Noynoy, ang pagkakataon para lalong magpalawak at magpalakas.

Ngayon pa lang, gusto nang siraan ng mga kontra-Kaliwang maka-Noynoy ang Kaliwa kung lalaban ito sa rehimeng Noynoy. Kesyo magiging kahanay ng Kaliwa si Gloria sa oposisyon. Marami namang hindi kanais-nais na karakter noong rehimeng Arroyo na kontra-Gloria, pero hindi nakaapekto sa Kaliwa dahil may mga isyung batayan ang pagkontra nito. Napakainam ng kalagayan para sa Kaliwa: ang mga sosyal-demokrata at mga grupong tulad ng Akbayan ay nilamon na ni Noynoy; hamon sa pambansa-demokratikong Kaliwa na pamunuan ang masa at ilinaw ang tunay na alternatiba.

11 Mayo 2010

Pasensya na sa pagiging paulit-ulit – sa teksto at sa imahen – pero kung may karapat-dapat man maging senador, iyan ay walang iba kundi sina Liza Maza at Satur Ocampo. Hindi maganda ang lagay nila sa mga sarbey, pero sila talaga ang matagal nang lumalaban para sa pagbabagong panlipunan, at ipinakulong pa nga ni Gloria. Tulungan silang mag-ala Trillanes! Iboto sila sa Senado! (Galing ang larawan sa itaas kay Karl Ramirez; ang sa baba, sa Anewbody. Salamat!)

Follow

Get every new post delivered to your Inbox.

Join 148 other followers