Hipnotiko ang Himig Niya

Patay na pala si Mike Francis, musikerong Italyano. Noong una, gusto kong awayin ang mga kaibigan ko dahil walang nagsabi sa akin. Ano’ng klaseng kaibigan sila, kayo kung nagbabasa kayo nito? Pero hindi naman sikat si Mike Francis sa kanila, at naguguluhan siguro sila sa dami ng sinasabi kong paborito.

Nagyu-YouTube ako kanina ng mga paborito kong kanta noong nakita ko sa video ng “Hey Survivor” ang tunay na pangalan niya (Francesco Puccioni) karugtong ng mga taon ng buhay niya (1961-2009). Ngayong taon! Bakit? Nag-Google ako at nakita ko ang artikulo sa Inquirer.net tungkol sa pagkamatay niya.

Bata pa ako noong sumikat siya sa bansa noong dekada ’80. Ate at mga pinsan ko ang naaalala kong may gusto sa kanya. Sabi ng nabasa ko sa kung saan, “penomenong La Salle” ang pagsikat niya – kung paano sigurong “penomenong Ateneo” ang pagsikat ng Stephen Speaks (“Passenger Seat”) nitong ilang taon.

Hindi ko alam kung totoo. Walang nakapag-aral sa angkan namin sa La Salle, kahit sa Ateneo. Salamat kay Ate Sienna, naaalala ko ngang mahilig maglagi ang ate ko noon sa Corinthian Gardens. Akala ko naman, “Bible study.” Iyun pala, nakikinig – at umiindak! – ang lintek sa ebanghelyo ni Santo Mike Francis.

Nagustuhan ko na lang si Mike Francis sa pakikinig nitong nakaraang mga taon sa Crossover 105.1. Gusto ko rin ang “Let Me In” (na bastos daw sabi ng iba), “Friends,” “Dusty Road,” “Suddenly Back to Me.” Pati ang “Room in Your Heart” na pinakabago niya sa radyo – at tunog-kursilyo sabi ng isang kakilala.

Magaang sa pandinig ang tunog niya, hipnotiko at nakaka-engganyo. Masarap sabayan ang boses niyang mababa, lalo na ang pabugsu-bugsong pagpasok ng mga chuwariwariwap (back-up vocals) niya. Masarap pakinggan sa gabi, lalo na kung kasama ang mga kaibigan o bumibyahe. Okey din sa hapon, nakaka-relaks.

Ano kaya ang konteksto ng pagsikat niya? Sa Italya, noong dekada ’80, kakatapos lang ng panahong malakas ang Kaliwa – ang kilusang Autonomia o Operaismo, halimbawa – noong dekada ’60 at ’70. Panahon ito ng terorismo at ng kontrobersyal na pagkidnap at pagpatay kay Aldo Moro, bantog na pulitiko.

ne-yo1

justin-timberlake1

Sumikat si Mike Francis sa panahong malakas ang kontra-Kaliwa sa Italya at sa mundo. Mukhang naging himig siya ng kilusang masa noon na nakita hindi sa mga demonstrasyon kundi sa disco – noong pinalitan ng droga ang diskusyon sa isip ng tao. Kakatwang hindi siya nakilala sa US, sentro ng kontra-Kaliwa noon.

Sakto sa ganitong panahon ang mga tema ng mga kanta niya – indibidwalidad at pag-ibig na walang pakialam sa mundo. Pati ang himig niya – nagpapaindak pero malambing, mapaglaro pero paulit-ulit. Sa isang banda, kalaban ng kulturang progresibo, pero pwede ring kanlungan lang sa magulong mundo.

Sa Pilipinas, noong huling hati ng dekada ’80, nagagasgas na ang Kaliwa sa mga ultra-kaliwang hakbangin nito. Sa kabila ng masaklaw nitong propaganda, buhaghag ang pag-oorganisa nito sa masa, kahit sa mga kabataan-estudyante. Maging ang mga aktibista kaya, mas nahahatak ni Mike Francis sa sayawan?

Partikular sa akin, naaalala ko ang pagkabata ko. Panahon iyon na parang walang problema sa mundo. Mag-aaral ka lang at maglalaro. Hindi naman sa gusto mong balikan. Siguro mas paalalang kahit gaano kahirap ang buhay ngayon, dinanas mo rin ang maging bata – masaya dahil wala pang muwang.

Anu’t anuman, tulad ng iba, may mga kantang gusto kong pakinggan kapag masaya, malungkot, galit, puno ng diwang palaban. Para sa akin, laging kasama ang mga kanta ni Mike Francis sa mga nagpapasaya. Bata man siyang namatay, mananatiling bata ang himig niyang naiwan sa mga tulad kong tagahanga niya.

25 Abril 2009

Pagbati kay Raymond “Mong” Palatino at iba pang bagong progresibong kongresista!

Pagbati sa mga manggagawa ng Kowloon House sa tagumpay na nakamit nila!

from-maria-teresa-colucci

Sana’y hindi lang tayo nagbabasa ng mga libro para maglublob sa mga ligayang ibinibigay nito. Sana, nagbabasa tayo para maiambag natin sa salimbayang proseso ng pag-unawa at pagbago sa ating lipunan at sa mundo. (Galing ang larawan kay Maria Teresa Colucci. Salamat!)

May BookSale pa sa Iyong Buhay

Matagal na akong tumatangkilik sa BookSale. Hindi ko lang ibina-blog dahil, sabi nga ni Mong Palatino sa isang pag-uusap namin, “madamot” daw ako. Na medyo totoo naman. Implikasyon din na “feelingero” ako – feeling dadagsa ang mga tao sa BookSale kapag ibinenta ko sa blog na ito. Syempre, ang matibay kong dahilan ay kontra ako sa komersyalismo. Pero ngayon, naiisip kong libro naman ang ibinebenta at sa murang halaga pa kaya ayos lang. Higit pa rito, maraming progresibong librong mabibili rito.

Noong una akong pumupunta sa BookSale, inspirasyon ko sa pangangalahig ang mga “success stories” na narinig ko sa ibang tao tungkol sa magagandang librong nabili nila. Hayaan ninyong ibahagi ko ang ilan. May kakilalang nakabili ng isa sa mga volume ng Das Kapital ni Karl Marx at may ilan namang isa sa mga volume ng Collected Works nina Marx, Vladimir Lenin at Mao Zedong. Ako naman, dalawang beses nang nakabili ng Fanshen, sikat na libro ni William Hinton tungkol sa rebolusyong agraryo sa Tsina.

Ang hinala ko, batay sa karanasan, sa US galing ang kalakhan ng mga libro sa BookSale. Kaya narito ang mga basura ng kulturang popular nila. Ganoon din ang mga sulatin ng mga maka-Kanan at antikomunista sa kanila – na syempre ay basura. Bagamat minorya, marami na ring progresibo o liberal na mga propesor sa mga unibersidad at kolehiyo sa US – kaya nga naging panakot sa publiko ng Kanan sa US ang mga “tenured radical” o mga aktibista ng dekada ’60 at ’70 na naging propesor.

de-beauvoir

Hinala ko, ni-require o itinulak ng mga propesor na ito ang mga estudyante nila na magbasa ng samu’t saring librong progresibo o liberal. Sa kung anong dahilan – hindi siguro gustong itago ng mga estudyante? – bumabagsak ang mga libro sa mga bentahan ng mga segunda-manong libro, hanggang umabot sa BookSale. Ang totoo, narito ang mga pinakasikat na mga aklat ng mga pinakapopular na awtor na liberal at progresibo. Halimbawa ang A People’s History of the United States ni Howard Zinn.

Napag-uusapan na rin lang si Zinn, sa Original Zinn [2004], libro ng panayam sa kanya – na sa BookSale ko rin nabili, syempre pa – pinansin niya ang isang penomenon sa panahon ng rehimeng W. Bush sa US: ang pagiging popular ng mga libro nina Howard Zinn (shameless self-promotion!), Noam Chomsky, Michael Moore, Barbara Ehrenreich, Jim Hightower at iba pang awtor na kontra sa imperyalista, militarista at maka-korporasyong mga patakaran ng gobyernong Amerikano. Mabenta ang mga libro nila.

jean-baudrillard

Ngayon, parang tumatagos na rin ang mga bagong librong ito sa BookSale. Sa paglilibot ko ngayon sa iba’t ibang branch – sangay? – ng BookSale, masasabi kong tiyak na makakabili ang taong pursigido ng isa o ilan o lahat ng sumusunod na mga libro:

>> Thieves in High Places [2003] ni Jim Hightower. Simple at nakakatawang paglalantad sa kontra-mamamayang mga patakaran ng rehimeng W. Bush at ng gobyernong Kano sa kalakhan. Punung-puno ng datos at optimismo sa kakayahan ng mga mamamayan.

>> The Best Democracy Money Can Buy [2000] ni Greg Palast. Mga imbestigatibong ulat hinggil sa pandaraya ng pangkating W. Bush sa halalang pampresidente noong 2000, maruruming pakana ng mga korporasyon ng US, at neo-liberal na globalisasyon.

>> Nickel and Dimed [2001] ni Barbara Ehrenreich. Oo! Marami na ngayong kopya ng librong itong minsang nirebyu ko. Ilang beses na akong nakabili, pinakamura ang P20.00! Ipinamimigay ko sa mga kaibigan na parang panyo ng Salmo 91 o agua bendita.

>> Bait and Switch [2005] ni Ehrenreich. Kung tungkol sa pakikipamuhay sa maralitang manggagawang Kano ang unang libro, tungkol naman ito sa pakikipamuhay sa mga manggagawang white collar. Nakakatawa, mapagmuni at mapagmulat pa rin.

>> The Worst Years of Our Lives [1990] ni Ehrenreich. Okey, hindi ito kasama sa mga mas bagong libro, pero maganda pa rin. Matalas at mapagpatawang komentaryo sa iba’t ibang aspekto ng buhay sa US noong dekada ’80, panahon ng opensiba ng Kanan.

>> Sister Outsider [1984] ni Audre Lorde. Hindi rin ito kasama sa mga mas bago pero ayos. Koleksyon ng mga sanaysay tungkol sa napakapersonal at tagos-sa-butong feminismo at kontra-rasismo at sa pagiging manunulat at makata. Minsan, P5.00 lang!

psychiatry-couch2

Iyan ang mga librong nakikita kong nagkalat ngayon sa iba’t ibang sangay ng BookSale. Pero sa mahabang panahon ng pagbalik-balik ko rito, marami-rami na rin akong nabiling libro nina Zinn (kontra-imperyalista at anarkista-sosyalista), John Berger (Marxista), at Cornel West (kontra-rasista at sosyalista bagamat tinutuligsa ng iba). Dito rin ako nakarami ng libro ni bell hooks (kontra sa rasismo, seksismo at kapitalismo). Paglilinaw: Hindi ko sinasabing nabasa ko sila lahat at mapera ako. Dahil hindi.

Ilang paalala at personal na pakiusap: Pinakamainam kung pupunta sa BookSale nang alam ang mga awtor at librong target basahin. Mahirap isa-isahin ang mga libro at sana’y nakatulong ang entri na ito. Huwag maingay – at sana’y sundin iyan kahit ng mga empleyado. Huwag ihambalos ang mga libro o gumawa ng ingay gamit ang mga ito. Masakit sa tenga, lalo na ng mga naghahanap ng libro sa baba ng mga lagayan. Huwag makipagsabayan o makipagkarera sa isang erya sa ibang tumitingin.

Panghuli: May isang sinabi si Prop. Ramon “Bomen” Guillermo hinggil sa pagbabasa na tumimo sa akin at sana’y naisasabuhay ko sa blog na ito. Bilang mga progresibo, hindi tayo dapat magbasa para makapagbasa lang; magpakasarap sa matatayog na ideya, magagandang kwento o mahuhusay na pagkakasulat; o magyabang. Sana’y nagbabasa tayo para ipaglingkod ang natutunan natin sa sambayanan, para maunawaan ang ating bansa at mundo kaalinsabay ng pagsisikap na baguhin ito.

Sana’y nagbabasa tayo nang “paglaya ang tanaw ng diwa.” (Shameless self-promotion!)

19 Abril 2009

Basahin ang parangal ni Kenneth Guda kay Vincent Jan Cruz Rubio. Pareho silang mahilig sa BookSale.

Natabunan ng isyu kay Ted Failon: Pagkakatatag ng Makabayang koalisyon ng Mamamayan o Makabayan.

marx-lenin-mao-others-studying6

Name that student: Magandang klase ito, pero imposibleng mabuo – bagamat sasabihin ng ibang lagi naman silang buhay sa iba’t ibang tao at grupo. Para sa mga relihiyoso, tiyak na Iisa lang ang pinakikinggan ng mga estudyante. Siya na nga! Para sa mga Marxista, maraming posible: Kasaysayan, uring manggagawa, tunggalian ng mga uri, kapitalismo, at iba pa. Magandang malaman ang pagtingin nila sa malawakang tanggalan sa trabaho ngayon sa termino ng tubo.

Tanggalan sa Trabaho sa Termino ng Tubo (2)

 

 

Kakatwa ito, ang sitwasyong napakaraming walang trabaho – at tiyak na naghahanap ng trabaho – gayung napakarami nating kailangang gawin bilang isang lipunan, isang sambayanan. Kung pangangailangan lang ng lipunang Pinoy ang pagbabatayan, hindi lang masasapatan ang mga pangangailangan natin, may trabaho pa tayong lahat.

 

Alam ng marami, at lalo na ng nakakarami, ang mga pangangailangang ito pero magandang isa-isahin para ipakita man lang kung gaano kasimple. Kailangan nating:

 

>> Pakainin ang mga nagugutom – “nagutom nang hindi ginugusto” pahabol nila.

 

>> Gawan ng bahay ang mga walang bahay.

 

>> Papag-aralin ang mga hindi nakapag-aral o kulang sa pag-aaral.

 

>> Bigyan ng serbisyong pangkalusugan ang mga matagal nang wala nito.

 

>> Linisin ang paligid, tampok ang mga ilog, at magtanim ng mga puno. 

videoke2

videoke3

videoke4

 

Makikita ang napakababang antas na inabot ng Pilipinas sa mga bagay na ito sa pamamagitan ng paghahambing sa naunang panahon (sa pagkain, halimbawa: mula sa galunggong noong panahon ng rehimeng Marcos-Aquino hanggang sa sardinas paglaon at hanggang sa instant noodles ngayon), sa inabot ng ibang bansa (sa kalusugan, halimbawa: nagkakaroon pa rin ng pana-panahong pagkalat ng mga sakit na nakamamatay sa iba’t ibang bahagi ng bansa ngayon, gayung mga sakit itong ilang siglo nang nagamot at napuksa sa maraming abanteng bansa), at sa nakakamit ng bansa pero hindi nito napapakinabangan (sa larangan ng edukasyon, halimbawa: maraming nagtatapos sa kolehiyo na guro pero nangingibang-bansa para magtrabaho).

 

Ang problema, ang namamayani sa ating bansa ay ang interes ng iilan (mga dayuhang imperyalista at mga lokal na kapitalista at panginoong maylupa), hindi ng nakakarami; ang kita ng mayayaman, hindi ang kabuhayan ng mga maralita; ang hinihingi ng pandaigdigang pamilihan, hindi ng lokal na mga pangangailangan ng mga mamamayan; ang kumpetisyon at hindi ang kooperasyon sa ekonomiya at lipunan. 

 

Kung papawiin, kahit pansamantala, ang napakaraming masamang propaganda hinggil sa sosyalismo – na madalas na nakaugat sa masamang karanasan sa mga bansang pekeng sosyalista – ito naman talaga ang tunay na kahulugan ng sosyalismo: ang paghawak ng mga mamamayan sa kanilang buhay at hinaharap sa pamamagitan ng kolektibong pagpaplano sa kanilang kabuhayan, sa kanilang ekonomiya, nang batay sa kanilang mga pangangailangan. Ito ang layunin ng kanilang pag-agaw sa kapangyarihang pampulitika, ng kanilang pagkilos at pag-aalsa para sa pagbabago.

 

Noong kasikatan ng neoliberal na globalisasyon, itinuturo ng mga propesor sa School of Economics ng Unibersidad ng Pilipinas na likas na makasarili ang tao, na sa pagsusulong nila ng kanilang indibidwal na interes, isinusulong na rin nila ang kolektibong interes ng lipunan – ikakatuwa nina Bernie Madoff at Celso de los Angeles. Ang kalubusan daw ng pagkatao ng tao ay ang kumpetisyon sa tinatawag nilang “malayang pamilihan” – ang makahayop na pakikipagtagisan ng tao sa gubat na ito.  

 

Iba syempre ang pagtingin ni Karl Marx, ama ng sosyalismo. Tanong niya sa sarili: Ano ang kaibahan, o lamang, ng tao sa hayop? Unang sumagi sa isip niya ang kakayahan ng taong iprodyus o likhain ang mga pangangailangan nila. Pero naisip niya ang kolektibong pagsisikap ng mga hayop para mabuhay – ng mga putakti, halimbawa. Pero ano, tanong niya sa sarili, ang lamang ng pinakamahusay na putakting gumagawa ng pulot sa pinakabobong arkitektong gumagawa ng bahay? Sagot niya: Bago pa man mabuo ang bahay, umiiral na ito sa isip ng arkitekto – ibig sabihin, resulta ito ng isang plano. At iyon, para sa kanya, ang lamang ng tao sa hayop, ang kakayahan nating magplano kung paano natin tutugunan at sasapatan ang ating mga pangangailangan.

videoke5

videoke6

videoke7

 

Makabuluhang idagdag na para kay Marx, at sa iba pang sumunod na Marxista, dalawa ang pakahulugan ng kalikasan: ang kapaligiran at ang kalikasan ng tao bilang hayop na nagugutom, kailangan ng bahay, at iba pa. Ito ang gusto niyang pangibabawan ng sangkatauhan. Tumatampok kay Marx ang tunggalian ng mga uri dahil hindi natin maharap bilang mga tao ang kalikasan dahil sa bulok na internal na pagkakaayos ng lipunan ng tao. (Bakit halimbawa maraming maralitang namamatay dahil sa bagyo?) Pero hindi lang pagpapakain sa sangkatauhan ang ambisyon ni Marx. Ang ideyal niya ay ang pagpapalaya at pagpapalago sa mapanlikhang kakayahan ng mga tao – sa isports, halimbawa, o sa sining – na iginigilid ng lipunang ito o kinukutya pa nga nito.

 

Noong dekada ’80 sa Inglatera at US, may isang sikat na islogan na lalong pinasikat ng pagbagsak ng mga bansang tinatawag na sosyalista bagamat matagal nang tumalikod sa sosyalismo: ang TINA, o There is No Alternative – to Capitalism, syempre pa. (Baka seksista nga lang kung papasikatin ito sa katawagang “Tang-INA” ng mga progresibo sa bansa.) Noong kasikatan ng neoliberal na globalisasyon, halos palabasing kayang tugunan ng tubo at kapital ang lahat ng pangangailangan ng sangkatauhan – o bulok ang kapitalismo pero ito na ang pinakamahusay na sistemang mayroon tayo.

 

Ngayon, sa pagputok ng isa sa pinakamasahol na krisis ng kapitalismo, matapos ang isang panahon ng kasaganaan-para-sa-iilan na lumilitaw na panahon pala ng pagsisikap ng kapitalismo na alpasan ang naunang mga krisis at ang palagiang krisis, nagiging malinaw na wasto ang sinabi ni Samir Amin, progresibong ekonomistang Egyptian, na “Walang alternatiba sa sosyalismo.” Anumang pagsisikap ng kapitalismo na pangibabawan ang krisis, likas dito ang krisis, at ang pagtrato sa lakas-paggawa ng tao bilang kalakal. Hindi ito maaasahang magbigay ng trabaho sa lahat, at isulong ang interes ng nakakarami. Walang alternatiba sa sosyalismo. Walang alternatiba rito. Wala.

 

Naalala ko tuloy ang isang sanaysay ni Alice Walker, Aprikano-Amerikanong nobelista, na isinulat niya noong panahong tampok pa ang pagiging sosyalista niya. Sabi niya, “Sabi nila, sa Tsina, wala nang puta at pulubi. Magandang umaga, rebolusyon!”

 

 

12 Abril 2009

02

Likas sa mga bansang walang batayang industriya at may atrasadong agrikultura ang kawalan at kakulangan ng trabaho. Pinalala pa ang kawalan at kakulangan ng trabaho ng neoliberal na globalisasyon. Ngayong pandaigdigang krisis pampinansya at pang-ekonomiya, malinaw na nalalantad ang suliranin sa sistema sa bansa – at sa mundo. (Galing ang larawan sa loveanddissent.com. Salamat!)

Tanggalan sa Trabaho sa Termino ng Tubo (1)

Ngayong Marso at Abril, may kung ilampung libong estudyante ang gagradweyt sa kolehiyo. Taun-taon nang ikinukumpara ang bilang nila sa datos ng kawalang-trabaho (unemployment) at kakulangan ng trabaho (underemployment). Dahil sa pandaigdigang krisis pampinansya at pang-ekonomiya, siguradong mas tagibang ang resulta ng ganitong paghahambing ngayong taon. Pang-asar: Pagbati sa mga unang nagtapos ng kolehiyo sa panahon ng malubhang krisis!

Nabasa ko ang burador ng presentasyong PowerPoint ng Bagong Alyansang Makabayan (Bayan) hinggil sa kasalukuyang “pandaigdigang krisis sa trabaho” na resulta at bahagi ng krisis sa pinansya at ekonomiya ng mundo. Lumabas ito noong Enero kaya malamang na nalampasan na ng mga pangyayari, bagamat wastong nagtuturo pa rin ng pangkalahatang direksyon ng mga ito.

Pambungad nito ang sinabi ng International Labor Organization (ILO) noong Enero. “Makatotohanan at hindi alarmista ang mensahe ng ILO: Dumadanas na tayo ngayon ng pandaigdigang krisis sa trabaho.” Heto ang ilang datos nito, kasama ang ilan pang nahagilap ko:

>> Ayon mismo sa Department of Labor and Employment o Dole, 19,400 manggagawa ang tinanggal sa trabaho sa bansa simula nang pumutok ang krisis noong Setyembre 2008 hanggang Enero ngayong taon. Habang 34,000 naman ang binawasan ng trabaho. Sa gitna ng taon, tinatayang 200,000 trabaho ang mawawala.

>> Sa isang kolum sa Philippine Daily Inquirer nitong 28 Marso, sinabi naman ni G. Ramon R. del Rosario Jr. na ayon sa National Statistics Office o NSO, 7.7% ang kawalang-trabaho sa bansa. Ayon naman daw sa Social Weather Stations o SWS, ang datos na ito simula 2005 ay 20% na tumaas pa sa 27.9% noong ikaapat na kwarto ng 2008. Ibig sabihin, 11 milyon sa 40 milyong may kakayahang magtrabaho sa bansa ang walang trabaho, kabilang ang ayon sa gobyerno’y kulang lang sa trabaho.

11

>> Ayon muli sa Bayan, isang milyong Pinoy ngayon ang nasa mga trabahong “napakabulnerable,” namemeligrong mawala dahil sa krisis. Kasama rito ang ilang seksyon ng mga Overseas Filipino Workers o OFWs (mga may pansamantalang visa, marino, manggagawa sa mga pabrika ng Taiwan, South Korea at Macau, mga domestic helper sa Singapore, Macau at Hong Kong), mga manggagawa sa manupakturang laan sa eksport, at mga manggagawang bukid sa agrikultura para sa eksport.

>> Sa mismong US, 11 milyong manggagawa ang walang trabaho, 48% mas mataas sa bilang noong Disyembre 2007.

>> Ayon naman sa ibang ulat, sa US, 4.4 milyon ang nawalan ng trabaho simula noong pumutok ang krisis hanggang nitong Pebrero. Nasa 8.1% ang kawalang-trabaho, pinakamataas sa nakaraang 25 taon.

>> Tinatamaan maging ang nangungunang industriya ng US, ang pagmamanupaktura ng kotse. Kung 17 milyon ang nabiling kotse noong 2007, siyam na milyon na lang ito noong 2008 – kahit pa Setyembre na ng nakaraang taon pumutok ang krisis.

>> Ayon muli sa Bayan, sa buong mundo, 50 milyong manggagawa ang natanggal na sa trabaho, habang 53% ng mga manggagawa ang nasa katayuang “bulnerable.” Tinatayang lolobo sa 1.4 bilyon ang mga nagtatrabahong itinuturing na maralita (working poor) o 45% ng may trabaho.

18

Inihapag din ng Bayan ang mga salik na nagdulot ng krisis sa trabaho sa bansa.

Natural na malaganap ang kawalan at kakulangan ng trabaho sa isang bansang walang batayang mga industriya at sa kalakha’y agrikultural – at umaasa na lang sa mga salik na eksternal para magkaroon ng trabaho ang sariling mga mamamayan. “Eksternal” – mga dayuhang namumuhunan at mga trabaho sa ibang bansa. Ito ang nagluwal ng patakaran ng pag-eeksport ng lakas-paggawa – ng mga OFW – simula noong diktadurang Marcos hanggang sa rehimen ngayon.

Pinalubha ang kalagayang ito ng neoliberal na globalisasyon. Sa pagsasapribado ng mga pag-aari ng gobyerno, maraming tinanggal dahil sa mga hakbangin ng mga bagong may-ari na gawing “episyente” ang operasyon. Sa pagliliberalisa ng kalakalan, dinadaig ng mga produktong dayuhan ang mga produktong lokal, dahilan para bumagsak ang produksyon sa bansa. Sa pagliliberalisa naman ng pamumuhunan, naipasok ang isang seksyon ng manggagawang Pinoy sa mga kompanyang nagbubukas at nagsasara ayon sa interes ng mga dayuhang kapitalista, binabarat ang sahod at sinusupil. Dahil patuloy na pinapaliit ang papel ng gobyerno sa ekonomiya, tuluy-tuloy ang mga pagtatangkang magtanggal ng mga kawani nito.

Ngayon, sa pagputok ng krisis, ibayong bulnerable ang mga trabaho sa bansa. Dahil sa krisis, bumabagsak ang kakayahang bumili at ang demand ng mga konsyumer sa buong mundo. Nababangkarote tuloy o nagbabawas ng gastos ang mga korporasyon. Partikular na halimbawa ni Sonny Africa, punong mananaliksik ng Ibon Foundation: “Papahinain ng krisis ang pandaigdigang demand para sa mga laptop at cellular phone na mga pangunahing gumagamit ng mga semiconductor at microprocessor na ineeksport ng bansa.” Nagkataon din lang naman na 67% ng eksport ng Pilipinas ang mula sa sektor ng elektroniks.

Masama rin ang epekto ng krisis sa mga OFW, at syempre dahil dito ay sa bansa rin. Ayon sa Bayan, sa Taiwan pa lang, tinataya nang 2,500 hanggang 3,000 OFW ang tinanggal. Bukod pa rito ang tanggalang naiuulat sa ibang bansa. Ayon kay G. Africa, 52% ng mga remitans ng mga OFW ang galing sa US o mga bangkong nakabase sa US – walang datos na nag-iiba sa dalawa. Karamihan ng mga OFW sa US ang nasa mga sektor na tinatamaan ng krisis ngayon: manupaktura, retail, serbisyong pang-akomodasyon at pampagkain, pinansya at insurance.

Muli, ayon sa Bayan, dahil sa krisis, lalong nalalantad ang pagkabigo at pagkabangkarote ng patakaran ng “paglikha” ng trabaho na nakaasa sa mga salik na eksternal sa bansa.

03 Marso 2009

adbusters_ny_billboard_rs

Iyan ang kailangan nating gawin – at hindi lang magdeklara. Kahit ang Corporate Social Responsibility na nagpapaganda ng imahe ng mga korporasyon ay nakabatay sa pagsasamantala sa mga manggagawa nila o sa mga mamimili.

Corporate Social Responsibility: Business as Usual

Bago pumutok ang kasalukuyang krisis pampinansya at pang-ekonomiya, may isang praseng sikat at patok sa negosyo, akademya at midya: ang Corporate Social Responsibility o CSR. Ito ang pagkakawanggawa ng mga korporasyon at negosyante, na kadalasang malalaki, sa lipunan.

Minsan, nagtanong si Angela Stuart-Santiago, kilalang blogger, kaugnay ng CSR ng ABS-CBN: Bakit, aniya, hindi na lang nito ibalik at paramihin ang mga programang nagbibigay sa publiko ng impormasyon at opinyon hinggil sa maiinit na isyung pambansa? Naalala ko nga, noon, kahit ang dating Mel and Jay ay tumalakay sa isyu ng mga base-militar ng US sa Pinas.

Sa ganitong tanong, itinuturo niya ang mahalagang batayang materyal o pang-ekonomiya ng CSR: Kailangan, kitang-kita ang kita o go na go ang negosyo ng mga korporasyon at negosyante. Kailangan, halimbawa, na manatiling kaunti ang mga programang makabuluhan ng ABS-CBN para makapaglunsad ito ng maliit na programang pang-CSR na gaya ng ipinapakita ni Gng. Santiago ay kwestyonable o maliit lang ang pakinabang sa publiko.

we-are-all-socialists-now-newsweek1

Katugma ito sa kritika ni Slavoj Zizek, pilosopong Slovenian, sa ”CSR” ng mga sikat na malaking negosyante sa US na tinawag niyang ”mga komunistang liberal.” Aniya, ”Pwedeng nilalabanan nila ang suhetibong karahasan, pero ang mga komunistang liberal ang mga ahente ng istruktural na karahasan na lumilikha ng mga kalagayan para sa suhetibong karahasan. Ang [George] Soros na nagbibigay ng bilyun-bilyon para pondohan ang edukasyon ay nakawasak sa buhay ng libu-libong tao salamat sa kanyang mga ispekulasyong pampinansya at sa gayon ay lumikha ng mga kalagayan para sa pag-usbong ng kawalang-pagkilala (intolerance) na kanyang kinokondena.”

Sa hirap ng buhay sa bansa, maipagpapasalamat na ng iba ang CSR ng mga korporasyon at negosyante. Pero mahalaga pa ring mailantad ang materyal o pang-ekonomiyang batayan nito – na posible ngang napagtatakpan o napapaliit sa mata ng publiko ng mga hakbanging pang-CSR.

Hindi ko alam kung may CSR si Henry Sy, halimbawa, ang sikat na may-ari ng mga mall na SM. Kung mayroon man, katas ito ng pagsasamantala niya sa napakaraming kontraktwal na kababaihang manggagawa sa SM, pagbarat sa sahod nila at paglaban sa pag-uunyon nila sa pagtanggap sa nakakaraming manggagawang miyembro ng Iglesia ni Cristo – na kung bakit naman nagbabawal sa mga miyembro nito na mag-unyon.

Tila aktibo ang Shell sa Gawad Kalinga. Mabuti na rin sa isang banda. Pero bistado na ang modus operandi ng kartel ng langis sa bansa: Mabilis magtaas ng presyo kapag may palusot na pwedeng idahilan, pero mabagal at barya-barya lang magbaba kapag alam na ng mga mapagbantay na dapat magbaba ito ng presyo. Sinasabi pa sa publikong nalulugi gayung ang ibig lang sabihin ay hindi nakakamit ang target nitong tubo sa isang panahon.

statue-of-liberty-turns-communist

Sa isang artikulong tila tumutuldok sa ”CSR” ng mga kompanya at negosyante sa US dahil sa kasalukuyang krisis, nagdagdag pa ng punto si Katha Pollitt laban sa ”pamimilantropo” nila: ”Sinabayan – at tinulungang bigyang-katwiran – ng paglakas ng pamimilantropo ang mga kaltas sa buwis, lumiit na mga serbisyo ng gobyerno at tumitinding kawalan ng pagkakapantay-pantay.”

Noong kasikatan ng CSR, binihisan ito ng mga teorista at publisista nito ng unibersal o panghabang-panahong pilosopiya – tulad ng din ng ginawa noon sa ”globalisasyong neoliberal.” Ngayon, sa pagputok ng malubha at matagalang krisis pampinansya at pang-ekonomiya sa buong mundo, huhulas ang pilosopiyang ito na parang kolorete sa mukha ng agnas nang bangkay. Hindi ito ubra kapag ”business unusual” tulad ngayon. Ubra lang ito kapag ”business as usual” – na masama rin, o napakasama, para sa marami nating kababayan.

”Ang kailangan talaga natin,” ani Pollitt, ”ay hindi ang pabugsu-bugsong mga hakbangin ng kabutihan kundi ang tuluy-tuloy na mga hakbangin ng pagkakaisa.” Pwedeng idagdag: hindi para manlimos ng mumo ng mga mayaman at makapangyarihan o magpasalamat dito, kundi para agawin at angkinin ang pag-aari at kapangyarihan nila.

26 Marso 2009

rebelyn-pitao

Katarungan para kay Rebelyn Pitao! Dahil hindi kinakaya ng gobyerno at militar na gapiin ang New People’s Army, muli na naman itong bumaling sa marumi at traydor na taktika ng paggahasa at pagpatay sa isang sibilyan, kay Rebelyn Pitao na anak ng isang lider-NPA sa Mindanao.

Follow

Get every new post delivered to your Inbox.

Join 134 other followers